Lunes, Abril 6, 2020

TAPOS ANG USAPAN

10 Abril 2020 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 


Walang Misa tuwing Biyernes Santo. Tuwing sasapit ang Biyernes Santo taun-taon, hindi idinadaos ng Simbahan ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Mayroong liturhiya, subalit walang Misa. Bagamat mayroong Komunyon o Pakikinabang sa nasabing liturhiya, hindi ito Misa. Ang Biyernes Santo ay ang bukod tanging araw sa buong taon kung saan walang Misa sa Simbahan. 

Ang Biyernes Santo ay inilaan ng Simbahan sa paggunita sa paghahain ng sarili ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus sa krus. Nakatuon ang pansin ng Simbahan sa krus ng Panginoong Hesukristo sa napakahalagang araw na ito. Ginugunita at pinagninilayan ng Simbahan sa araw na ito ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesukristo sa krus. 

Tampok sa Ebanghelyo para sa Biyernes Santo ang mahabang salaysay ng mga huling sandali sa buhay ni Kristo dito sa daigdig. Isinalaysay nang buong detalye ang pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoon sa Ebanghelyo. Walang maikling bersyon ang salaysay na ginagamit sa liturhiya ng Biyernes Santo, hindi tulad ng salaysay na ipinahayag sa Misa ng Linggo ng Palaspas. Sa Ebanghelyo para sa liturhiya ng Biyernes Santo, binibigyan ng pansin ang bawat detalye ng Mahal na Pasyon ng Panginoong Hesukristo. 

Hindi lamang binibigyan ng pansin ang pagpapakasakit ni Hesus sa napakahabang salaysay sa Ebanghelyo. Pati sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa, binigyan ng pansin ang pagdurusa ng Manunubos. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang mga pagdurusang binata ng Lingkod ng Diyos. Sino ang Lingkod ng Diyos na ito? Ang Lingkod ng Diyos na tinutukoy ni propeta Isaias sa kanyang pahayag ay walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Iyon nga ang nangyari sa mga huling sandali sa buhay ni Hesus dito sa mundo. Si Hesus ay nagbata ng maraming hirap at pagdurusa alang-alang sa sangkatauhan. Si Hesus ay ipinakilala bilang dakilang saserdote sa Ikalawang Pagbasa. Bakit Siya ang dakilang saserdote? Dahil inalay Niya ang Kanyang sarili sa krus alang-alang sa sangkatauhan. 

Nakakatawag ng pansin ang paglarawan sa sasapitin ni Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay dito sa daigdig sa Unang Pagbasa: "Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan" (Isaias 53, 5). Nakakapagtaka kung bakit pinili ni Hesus na ibigay ang buo Niyang sarili bilang handog sa krus alang-alang sa ating lahat kahit alam naman Niya na tayong lahat ay mga makasalanan. Alam naman natin na tayo'y mga makasalanan. Kung alam natin iyan, mas lalong alam iyan ni Hesus. Alam ni Hesus na paulit-ulit naman tayong magkakasala. Dahil diyan, nakakapagtaka kung bakit ipinasiya ni Hesus na magbata ng maraming hirap at pagdurusa alang-alang sa atin. 

Bakit nga ba talaga pinili ni Hesus na magbata ng maraming hirap at pagdurusa alang-alang sa atin? Hindi ba mas mabuti para kay Hesus na manatili na lamang sa langit at magpakasarap sa pagiging Diyos at Hari? Oo, dahil wala naman Siyang kailangang gawin para sa atin. Tayo ang nagkasala laban sa Kanya. Kaya, dapat lamang na tayo ang magdusa dahil sa ating mga kasalanan. Subalit, pinili ni Hesus na gawin ang lahat ng iyon dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa lahat. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-aalay ng sarili sa krus, pinatunayan ng Panginoong Hesus na tayong lahat ay tunay Niyang minamahal. 

Pinatunayan ng Panginoong Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat noong Siya'y magbata ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa sa krus. Kahit hindi Niya kinailangang gawin iyon, ginawa pa rin Niya iyon dahil mahal Niya tayo. Sa kabila ng ating pagiging makasalanan, iniibig pa rin Niya tayo. Pinatunayan Niya iyon sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Ang bawat isa sa atin ay Kanyang minamahal at patuloy na mamahalin magpakailanman. Tapos ang usapan. 

MGA HULING SANDALI SA BUHAY NI HESUS: MGA SANDALING NAHAYAG ANG DAKILANG PAG-IBIG NG DIYOS

9 Abril 2020 
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 


Sa huling tatlong araw ng mga Mahal na Araw, ginugunita ng Simbahan ang mga pinakamahalagang sandali sa kasaysayan. Lalong binibigyan ng pansin sa tatlong araw na ito ang pinakamahalagang misteryo ng pananampalatayang Kristiyano. At iyon ay walang iba kundi ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Ang mga kaganapang ito ay ang mga pinakamahalagang kaganapan para sa bawat Kristiyano. Sa mga huling sandali sa buhay ni Hesus sa daigdig, naganap ang pagtubos sa sangkatauhan. 

Iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus hindi lamang upang ipamalas ang Kanyang kapangyarihang walang kapantay. Bagkus, ipinasiya ng Diyos na gawin ito dahil sa pag-ibig. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat, niloob ng Diyos na Siya ay magbata ng maraming hirap at pagdurusa hanggang kamatayan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. 

Tampok sa mga Pagbasa ang mga sandaling kung saan ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang dakilang pag-ibig. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay ang kasaysayan ng Paskuwa. Ang Paskuwa ay ipinagdiriwang ng mga Hudyo dahil inaalala nila ang pag-ibig ng Diyos. Noong gabi ng unang Paskuwa, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita mula sa huling salot na Kanyang inihatid - ang bawat panganay na lalaki sa buong Ehipto ay papatayin Niya (Exodo 12, 12). Ang Panginoong Diyos rin ang gumawa ng paraan upang makaligtas ang mga Israelita mula sa salot na ito. Ang mga Israelita ay inutusan ng Panginoon, sa pamamagitan nina Moises at Aaron, na lagyan ng dugo ng kordero o kambing ang kanilang mga bahay. Iyon ang magiging palatandaan para sa Panginoon na Israelita ang nakatira sa nasabing bahay. Ang bawat bahay na nilagyan ng dugo ng kordero o kambing ay lalampasan ng Diyos (Exodo 12, 7. 11). Sa pamamagitan nito, iniligtas at pinalaya ng Panginoong Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto ang mga Israelita. Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa kanila. 

Ang pag-ibig ng Diyos na ipinakita Niya sa bayang Israel ay muli Niyang inihayag pagsapit ng takdang panahon sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo. Ito ang ginugunita ng Simbahan sa gabi ng Huwebes Santo. Kung tutuusin, sa Huling Hapunan pa lamang ay ipinakita na ni Kristo ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. Ipinakita Niya ito sa dalawang bagay ginawa Niya sa Huling Hapunan. Isinalaysay sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo ang dalawang bagay na ginawa ni Hesus sa Huling Hapunan. Sa Ikalawang Pagbasa, isinalaysay ni Apostol San Pablo, na hindi kabilang sa mga kasalo ni Hesus sa senakulo nang gabing yaon, ang pagkakatatag sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Itinatag ng Panginoong Hesukristo ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig, ibinigay Niya ang Kanyang Katawan at Dugo upang maging pagkain at inumin ng lahat. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang Katawan at Dugo bilang pagkain at inumin sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, inaaalala rin ng lahat ang pagtubos Niya sa sangkatauhan sa krus. Ang ikalawang bagay na ginawa ni Hesus sa Huling Hapunan ay isinalaysay sa Banal na Ebanghelyo. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang paghuhugas ni Hesus sa paa ng Kanyang mga apostol. Hinugasan ng Panginoong Hesus ang paa ng mga apostol upang ipakita ang Kanyang pag-ibig. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, naging tao si Hesus alang-alang sa atin. Inihayag ng Panginoong Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang kababaang-loob. Dahil sa Kanyang pag-ibig, buong kababaang-loob na dumating si Hesus sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan. 

Pag-ibig. Iyan ang dahilan ng lahat. Dahil sa pag-ibig, buong kababaang-loob na dumating ang Diyos sa lupa sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo Hesus, ang Kanyang Bugtong na Anak. Pinatunayan Niya ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa lahat sa pamamagitan ni Kristo. Kahit na hindi Niya kailangang gawin iyon, ginawa pa rin Niya iyon dahil sa pag-ibig. 


Linggo, Abril 5, 2020

HINDI NIYA TAYO IPAGPAPALIT

8 Abril 2020 
Mga Mahal na Araw: Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 


Napakasakit pakinggan ang salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Tampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang pakikipagsabwatan ni Hudas Iskariote sa mga kaaway ng Panginoong Hesukristo. Ipinagpalit niya ang Panginoong Hesus sa tatlumpung piraso ng pilak. Napakalinaw kung paanong hindi niya pinahalagahan ang pinagsamahan nila ng Panginoon. Matagal niyang nakasama ang Panginoon. Katunayan, itinuring pa nga siyang kaibigan ng Panginoon. Subalit, sa isang iglap lamang, ipinagpalit niya ang Panginoong Hesukristo. Hindi na mahalaga para kay Hudas ang kanyang ugnayan kay Kristo. Sa paningin ni Hudas, si Kristo Hesus ay basura at walang halaga kung Siya'y ikukumpara sa salapi. 

Masakit para sa Panginoong Hesus na malaman ang katotohanang iyon tungkol sa isang tao na itinuring Niyang kaibigan sa loob ng mahabang panahon. Alam Niyang nakipagsabwatan si Hudas sa Kanyang mga kaaway nang palihim. Alam ni Hesus ang lahat tungkol sa kasunduan ni Hudas Iskariote sa Kanyang mga kaaway. Labis Siyang nasaktan sa ginawa ni Hudas laban sa Kanya. Si Hesus ay ipinagpalit nang gayon na lamang. Si Hesus ay katumbas lamang ng salapi. Hindi biro ang hapdi dulot nito. Salapi lamang ang halaga ng kaibigan. Napakasakit. 

Alam ni Hesus na ganyan din ang bawat isa sa atin. Hindi lamang si Hudas ang ganyan. Alam ni Hesus na may mga pagkakataon sa buhay natin dito sa daigdig na tayo'y hindi tapat sa Kanya. Subalit, sa kabila nito, pinili pa rin Niyang maging tapat sa atin. Pinili pa rin Niyang mahalin tayo nang buong katapatan. Ilang beses man nating ipagpalit si Hesus, tayo'y hindi Niya ipagpapalit. Mananatili Siyang tapat sa bawat isa sa atin. Patuloy Niya tayong iibigin nang buong katapatan. 

Sabi sa Unang Pagbasa na hindi maghihimagsik o tatalikod sa Panginoong Diyos ang ipinangakong Mesiyas (50, 5). Iyan ang ginawa ng Panginoong Hesukristo sa bawat sandali ng Kanyang misyon sa lupa bilang Mesiyas. Kung paanong naging tapat si Kristo sa kalooban ng Ama, ganyan din Siya pagdating sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Mananatiling tapat sa atin si Hesus, tulad ng Kanyang ginawa sa plano ng Ama. Lagi Siyang tapat. 

Tunay tayong minamahal ng Panginoon nang buong katapatan. Hindi Niya tayo ipagpapalit kailanman. 

Sabado, Abril 4, 2020

PINILI SA KABILA NG MGA KAHINAAN

7 Abril 2020 
Mga Mahal na Araw: Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33; 36, 38 


Maganda ang mga salita sa pahayag ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa: "Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ako ng Panginoon, pinili Niya ako para maging lingkod Niya" (49, 5). Ang bawat lingkod ng Diyos ay hinirang sa simula't sapul. Ang Diyos ay may plano para sa bawat isa sa atin. Iyan ang aral na nais ipaalala sa atin ng Unang Pagbasa. Tayong lahat ay pinili ng Diyos sa simula't sapul. May plano na Siya para sa atin bago pa man tayo isilang. 

Subalit, kahit na may plano ang Diyos para sa bawat isa sa atin, hindi ibig sabihin nito na wala na tayong mga kahinaan. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus na Siya'y ipagkakanulo ni Hudas Iskariote at tatlong ulit na ipagkakaila ni Apostol San Pedro. Kahit na ang dalawang ito ay pinili't hinirang ng Panginoong Hesus upang maging mga alagad Niya, hindi nawala ang kanilang mga kahinaan. Katulad na lamang ni Hudas na nagkanulo sa Kanya. Ipinagkanulo ni Hudas ang Panginoon sa halagang tatlumpung piraso ng pilak. Dahil nasilaw siya sa salapi, tinalikuran niya si Kristo. Wala nang halaga ang kanyang ugnayan kay Kristo. Si Apostol San Pedro naman ay nagpakita ng kaduwagan. Kahit na buong kayabangan niyang sinabing handa siyang mamatay kasama ang Panginoong Hesukristo, hindi niya iyon ginawa. Bigla na lamang siya natakot. Dahil nabahag ang kanyang buntot, tatlong beses niyang ipinagkaila ang Panginoong Hesukristo. 

Nakakapagtaka kung bakit may plano pa rin ang Panginoon para sa bawat isa sa atin kahit alam naman Niyang paulit-ulit tayong magkakasala laban sa Kanya sa buhay natin dito sa daigdig. Bakit nga ba? Ang Kanyang dakilang pag-ibig. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, hindi Niya tayo susukuan kailanman. Oo, alam Niyang makasalanan ang bawat isa sa atin. Subalit, para sa Panginoon, hindi iyan dahilan upang tumigil sa pagmamahal sa atin. Patuloy Niya tayong pipiliin para sa Kanyang higit na ikaluluwalhati dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig para sa atin. 

Habang patuloy nating ginugunita ang mga Mahal na Araw, huwag nating kalimutan ang dahilan kung bakit may plano ang Panginoong Diyos para sa bawat isa sa atin, kahit na tayo'y mga makasalanan. Pag-ibig. 

PAGHAHAYAG NG PAG-IBIG

6 Abril 2020 
Mga Mahal na Araw: Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 



"Pabayaan ninyong ilaan niya ito para sa paglilibing sa Akin" (Juan 12, 7). Ito ang mga salita ni Hesus matapos Siyang lagyan ng pabango ni Santa Maria na taga-Betania sa Ebanghelyo. Ipinagtanggol ni Hesus si Maria dahil batid Niya ang laman ng kanyang puso. Batid ni Hesus na bumili si Maria ng isang mamahaling pabango dahil sa kanyang pagmamahal. Hindi binili ni Maria ang pabangong iyon upang ipagyabang kung gaano kalaki ang kayamanang mayroon siya kundi alang-alang sa Panginoon. Nais ipakita ni Maria kay Kristo ang kanyang pagmamahal para sa kanya. Iyan lamang ang dahilan. Pagmamahal sa Panginoon.

Subalit, ang nakakatawag ng pansin sa mga salitang ito ni Hesus sa Ebanghelyo ay kung paano Niya binanggit ang nalalapit Niyang kamatayan. Maitatanong natin kung bakit naman Siya magsasalita tungkol sa Kanyang kamatayan. Hindi ba't nasa isang masayang okasyon si Hesus? Kasalo Niya ang kaibigan Niyang si San Lazaro na binuhay Niya. Bakit naman Siya magsasalita ng ganyan sa piling ng mga malalapit sa Kanya? Para bang wala sa lugar ang mga sinabi ng Panginoon. 

Bahagyang nagsalita ang Panginoong Hesukristo tungkol sa Kanyang nalalapit na pagpapakasakit at pagkamatay sa krus dahil sa Kanyang pag-ibig. Inilarawan ni Hesus ang Kanyang pag-ibig para sa ating lahat. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa lahat, ipinasiya Niyang tanggapin ang pagdurusa't kamatayan sa krus. Ang pag-ibig na ito ng Panginoong Hesus ay hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman. Ang Kanyang paghahain ng sarili sa krus ang nagpapatunay nito. 

Itinampok ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa ang Kanyang lingkod. Bakit ginawa ito ng Diyos? Dahil sa pag-ibig. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ang lingkod ng Diyos ay ipinakilala at itinampok sa Unang Pagbasa. Ipinakilala at itinampok ng Diyos ang Kanyang lingkod dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig. Ang lingkod na ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. 

Bakit ang sanlinggong ito'y tinatawag na Mahal na Araw? Dahil inaalala natin muli ang dakilang pag-ibig ng Diyos na walang hanggan. Inaaalala natin kung paanong nahayag ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ni Kristo.  

Biyernes, Abril 3, 2020

KABABAANG-LOOB NA NAGHAHAYAG NG PAG-IBIG

5 Abril 2020 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (A) 
Mateo 21, 1-11 [Pagbabasbas ng mga Palaspas] 
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Mateo 26, 14-27, 66 (o kaya: 27, 11-54) [Misa] 


Tuwing sasapit ang Linggo ng Palaspas taun-taon, pumapasok ang Simbahan sa pinakamahalaga at pinakabanal na panahon na mas kilala natin bilang mga Mahal na Araw. Sa panahong ito, ginugnita natin ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan - ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan nito, ang Misteryo Paskwal ni Kristo, ipinamalas ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. 

Ang mga kaganapan na ating ginugunita sa buong sanlinggong ito ang dahilan kung bakit ang sanlinggong ito ay tinatawag na "Mahal na Araw". Ginugunita natin sa buong sanlinggong ito ang pagpapamalas ng Panginoon ng Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. Ang tawag nating mga Pilipinong Katoliko sa mga mahalagang araw na ito bilang mga "Mahal na Araw" dahil inaalala natin ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan. Ginugunita natin sa sanlinggong ito ang mga dakilang gawa ng Panginoon na naghayag ng Kanyang dakilang pag-ibig. 

Pag-ibig. Iyan ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang mga Mahal na Araw. At ito ang binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa sa Misa sa araw na ito. Itinatampok sa mga Pagbasa ang pinakadakilang gawa ng Panginoon na nagpamalas ng Kanyang dakilang pag-ibig para sa sangkatauhan. At ang ginawa ng Panginoong Diyos na naghayag ng Kanyang pag-ibig ay hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman. 

May dalawang Ebanghelyo sa Misa para sa Linggo ng Palaspas. Ang maringal na pagpasok ni Hesus sa Herusalem ay itinampok sa unang Ebanghelyo. Si Hesus ay sinalubong ng mga taong nagwawagayway ng mga palaspas habang sumisigaw ng "Osana!" Siya'y binigyan ng pugay sa Kanyang pagpasok sa Herusalem. Ang mga tao'y humahanga sa Kanya sa mga sandaling iyon. Subalit, ang kabaligtaran nito ay isinalaysay sa pangalawang Ebanghelyo. Sa pangalawang Ebanghelyo, hindi na binigyan ng pugay si Hesus. Bagkus, Siya'y kinutya at ipinapapatay ng mga tao. Dito natupad ang mga sinabi ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa tungkol sa mga huling sandali sa buhay ng Mesiyas. 

Labis na nasaktan ang Panginoong Hesus sa mga sandaling iyon. Noong Siya'y pumasok sa Herusalem, ang sigaw ng mga tao ay "Osana!" Siya'y binigyang-pugay ng mga tao noong Siya'y pumasok sa Herusalem. Subalit, noong Siya'y iniharap sa taumbayan ni Poncio Pilato, iba na ang sigaw nila. "Ipako sa krus!" Hindi na Siya binigyan ng pugay. Gusto nilang patayin si Hesus. Ang sakit nito. 

Bakit nga ba pinili ng Panginoong Hesukristo na gawin ito? Hindi ba Niya inasahan na babaliktad na lamang bigla ang mga tao? Hindi ba inasahan ni Hesus na Siya'y tatalikuran? Hindi ba Niya batid na napakasakit ang daang tatahakin Niya? 

Oo, alam iyan ni Hesus na mangyayari iyan. Alam ni Hesus na Siya'y tatalikuran ng mga tao. Subalit, pinili pa rin Niyang gawin iyan dahil sa pag-ibig. Iyan ang dahilan kung bakit si Hesus ay tumalima sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob hanggang sa huli, gaya ng inilarawan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa pag-ibig, si Hesus ay nagpakita ng kababaang-loob. 

Inihayag ng kababaang-loob ni Hesus ang Kanyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat. Sa kabila ng ating pagiging makasalanan, minahal tayo ni Hesus at patuloy Niya tayong mamahalin. 

Huwebes, Abril 2, 2020

BUHAY: BIYAYANG IPINAHIRAM SA ATIN

IKAPITONG WIKA: 
"Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu!
(Lucas 23, 46) 


Dalawang aral ang ating mapupulot mula sa ikapito at pinakahuling wika ni Hesus bago Siya pumanaw sa krus. Una, ang buhay ay isang biyaya mula sa Diyos. Ang pinagmulan ng buhay ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit sagrado ang buhay. Pangalawa, ang buhay ng bawat tao sa daigdig ay may hangganan. Iyan ay dahil ito'y ipinaharam lamang ito ng Diyos sa bawat isa sa atin. Hindi permanente ang buhay dito sa daigdig. 

Una, ang buhay ay isang biyaya mula sa Diyos. Sabi sa aklat ng Genesis na ang tao'y nilikha ng Diyos mula sa alabok at hiningahan sa ilong (2, 7). Napakalinaw sa mga salitang ito kung saan nagmumula ang buhay. Ang Panginoong Diyos ay ang pinanggalingan ng buhay. Siya ang bukal ng buhay. Siya ang nagbibigay-buhay sa bawat isa sa atin. Siya lamang ang may kapangyarihan gumawa nito. Sabi pa nga sa Banal na Kasulatan na ang Panginoong Diyos ay Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay (Mateo 22, 32; Marcos 12, 27; Lucas 20, 38). 

Kaya naman, ang buhay ay dapat nating pahalagahan. Ang buhay ay isang biyaya mula sa Diyos. Siya ang nagkakaloob ng buhay sa atin. Hindi dapat nating kinikitil ang buhay ng bawat tao. Hindi dapat tayo pumatay. Kaya nga, ang ikalimang utos sa Sampung Utos ng Diyos ay "Huwag kang papatay!" (Exodo 21, 13). Napakadali lamang intindihin ito. Diretsong-diretso. Ang buhay ay dapat pahalagahan dahil ito'y isang biyaya mula sa Diyos. Walang karapatan ang sinuman na bawiin ang buhay ng kapwa-tao dahil sa katotohanang ito. 

Pangalawa, may hangganan ang buhay natin dito sa daigdig. Bilang mga tao, hindi tayo mamumuhay sa daigdig magpakailanman. Darating din ang takdang panahon kung kailan lilisanin natin ang daigdig na ito. Babawiin sa atin ng Diyos ang buhay natin pagdating ng takdang panahong ito. Kaya nga, sinasabi natin na 'binawian ng buhay' ang isang tao kapag siya'y pumanaw na. Sino ang bumawi sa buhay niya? Walang iba kundi ang Panginoon. 

Ang buhay natin dito sa daigdig ay ipinahiram lamang ng Diyos. Kaya naman, kahit hindi halata, pansamantala lamang tayo mamumuhay dito sa daigdig. Hindi natin kayang ipagkaila ang katotohanang ito. Saglit lamang tayo mabubuhay sa daigdig. Darating din ang panahon kung kailan ibabalik natin sa Panginoon ang buhay na ipinahiram Niya sa atin. Babawiin Niya ang ating buhay balang araw. Kailan iyon? Walang sinuman ang nakakaalam. Ang Diyos lamang ang tanging nakakaalam. 

Isang biyayang ipinahiram ng Diyos sa atin ang buhay. Saglit lamang ang ating buhay dito sa daigdig. Ipinahiram lamang ito ng Diyos sa atin. Ibabalik din natin ito sa Kanya pagdating ng takdang panahon. Kaya naman, ang tanong na iniiwan sa atin ng ikapito't huling wika ng Panginoong Hesukristo mula sa krus - paano natin ginagamit ang biyaya ng buhay na ipinahiram sa atin ng Diyos?