Miyerkules, Hulyo 15, 2020

HABANG MAY BUHAY, MAY PAGKAKATAON PANG MAGBAGO

19 Hulyo 2020 
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Karunungan 12, 13. 16-19/Salmo 85/Roma 8, 26-27/Mateo 13, 24-43 (o kaya: 13, 24-30)


Ang mga Pagbasa ay tungkol sa mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa bawat isa sa atin upang magbagong-buhay. Habang tayo'y nabubuhay dito sa daigdig, mayroon tayong pagkakataong magbago. Ang bawat isa sa atin ay binibigyan ng pagkakataon ng Diyos na baguhin ang ating mga sarili. Kahit na hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito, lagi pa rin Niya itong ibinibigay sa atin. Hangga't hindi pa tayo nalalagutan ng hinihinga, mayroon pa tayong pagkakataong baguhin ang ating buhay. Ang pagkakataong iyon ay patuloy na ibinibigay ng Diyos sa atin. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga tungkol sa mabuting binhi at masasamang damo sa triguhan. Sa halip na ipabunot agad ang mga masasamang damo, ipinasiya ng may-ari ng ubasan sa talinghagang ito ni Kristo na hayaan na lamang ang mga ito na lumago kasama ang mga mabubuting binhi hanggang sa anihan. Oo, ang masasamang damo ay hindi magiging mabuting binhi kailanman, pero hindi iyon ang aral na nais iparating ng Panginoong Hesukristo. Ang aral na nais iparating ng Panginoong Hesus sa talinghagang ito ay maawain ang Diyos. 

Kung paanong hinayaan ng may-ari ng ubasan sa talinghaga ni Hesus na lumago ang mga masasamang damo kasama ang mga mabubuting binhi, pinapahintulutan ng Diyos ang bawat isa sa atin na baguhin ang ating buhay habang mayroon pang panahon. Habang hindi pa tayo nalalagutan ng hininga, may pag-asa pa ang bawat isa upang magbagong-buhay. 

Tinalakay rin ang paksang ito sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong binibigyan ng Panginoong Diyos ang bawat isa ng pagkakataong makapagsisi at magbalik-loob sa Kanya. Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ni Apostol San Pablo kung paano tayo tinutulungan ng Espiritu Santo sa ating kahinaan (Roma 8, 26). Tinutulungan tayo ng Diyos na magbagong-buhay. Lagi Siyang handang tumulong sa bawat isa sa atin. 

Hindi kinikitil agad ng Diyos ang buhay ng bawat isa sa atin sa kabila ng ating mga kasalanan laban sa Kanya. Kung tutuusin, sa dami ng mga kasalanan natin laban sa Kanya, mayroon naman Siyang karapatang bawiin ang ating buhay agad-agad. Ilang ulit tayong nagkasala sa Kanya. Hindi na mabilang kung ilan na ang ating mga nagawang kasalanan. Subalit, sa halip na ikitil ang ating buhay agad-agad, patuloy Siyang nagbibigay ng pagkakataon sa bawat isa sa atin upang baguhin ang ating buhay. Tinutulungan rin Niya tayong baguhin ang ating buhay. 

Lunes, Hulyo 13, 2020

INAANYAYAHAN NIYA TAYONG MAGING KANYANG KAPAMILYA

16 Hulyo 2020 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen 
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50 


Bundok del Carmen. Bundok ng Carmelo. Sa bundok na ito, naganap ang isang napakahalagang pangyayari na isinalaysay sa isa sa mga aklat sa Lumang Tipan, ang Unang Aklat ng mga Hari. Sa bundok na ito, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan laban sa diyus-diyusang si Baal. Pinatunayan ng Panginoon na Siya lamang ang tunay na Diyos. Pinatunayan ng Panginoong Diyos na si Baal ay isa lamang huwad na diyus-diyusan. Tinugon ng Diyos ang panalangin ni propeta Elias. Siya'y tumugon sa pamamagitan ng apoy. 

Tanging si propeta Elias lamang ang nanalangin sa Diyos samantalang ang diyus-diyusang si Baal ay may 450 propeta. Subalit, sa kabila ng dami ng mga propeta ng diyus-diyusang si Baal, walang nangyari sa kanilang panalangin. Napatunayang huwad at peke si Baal. Hindi na mahalaga kung gaano karami ang mga propeta ni Baal dahil hindi naman siya ang tunay na diyos. Ang tunay na Diyos ay walang iba kundi ang Panginoon na tumugon sa panalangin ni Elias sa pamamagitan ng apoy. 

Ito rin ang nais pagtuunan ng pansin ng titulo ng Mahal na Birheng Maria na ating ginugunita sa araw na ito. Iisa lamang ang Diyos. Iyan ang aral na itinuturo sa atin ng Mahal na Patrona ng Orden Carmelitana na walang iba kundi ang Mahal na Birhen ng Bundok del Carmen. Iisa lamang ang tunay na Diyos. Wala nang ibang diyos kundi Siya lamang. Ang Panginoon ay ang tunay na Diyos. Mayroong Tatlong Persona na bumubuo sa iisang Diyos - ang Ama, Anak, at Espiritu Santo. 

Binigyan ng pansin sa mga Pagbasa ang pagiging malapit ng tunay na Diyos sa lahat. Kahit na Siya'y nasa langit, ang Kanyang Puso ay hindi malayo sa bawat isa. Malapit Siya sa bawat isa. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Zacarias na Siya'y maninirahan at mananahan sa piling ng Kanyang bayan (2, 14). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, inilarawan Niya ang hangarin Niyang mapalapit sa bawat isa. Hindi Siya nagpapakalayo mula sa bawat isa. Bagkus, pinili Niyang maging malapit sa bawat isa sa atin sa kabila ng ating mga kasalanan bilang tao. Ito rin ang binigyang-pansin ni Hesus sa Ebanghelyo. Si Hesus ay nagsalita tungkol sa pagiging bahagi ng Kanyang pamilya sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ang mga salita ng Panginoon sa Ebanghelyo ay isang paanyaya sa bawat isa sa atin. Maging bahagi ng Kanyang pamilya. Paano natin ito magagawa? Sa pamamagitan ng pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos (Mateo 12, 50). Maliwanag sa mga salitang ito ni Kristo ang Kanyang hangarin na ang bawat isa sa atin ay maging bahagi ng pamilya ng Diyos. 

Ang Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen, ay naging bahagi ng pamilya ng Diyos dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos para sa kanya. Ang responsibilidad ng pagiging Ina ng Diyos na nagkatawang-tao na si Kristo Hesus ay buong kababaang-loob niyang tinanggap at sinunod. Iyan ang dahilan kung bakit siya itinatampok at pinaparangalan sa araw na ito. 

Itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen, ang tunay na Diyos. Ang Diyos na nag-aanyaya sa bawat isa sa atin na maging bahagi ng Kanyang pamilya. 

Huwebes, Hulyo 9, 2020

MANGHAHASIK NA MAY HABAG AT PAG-IBIG

12 Hulyo 2020 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 10-11/Salmo 64/Roma 8, 18-23/Mateo 13, 1-23 (o kaya: 13, 1-9) 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga tungkol sa manghahasik. Sa mahabang bersyon ng Ebanghelyo, ipinaliwanag ni Hesus sa mga apostol ang aral at kahulugan ng talinghagang ito. Ang binhi ay sumasagisag sa Salita ng Diyos habang ang iba't ibang uri ng lupa kung saan nalaglag ang mga binhi ay sagisag ng iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos. 

Madalas pagnilayan ang iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos sa tuwing napapakinggan ang talinghagang ito sa Ebanghelyo sa Misa. Ang paksa ng iba't ibang uri ng lupa sa talinghaga ng Panginoon na sumasaigsag sa iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos ay kadalasang binibigyan ng pansin sa pagninilay at pagsusuri ng bawat isa. Sinusuri at pinagninilayan ng bawat isa kung ano nga ba talaga ang halaga ng Salita ng Diyos sa kanilang buhay at kung paano nila ito tinatanggap. 

Pero, hindi lamang ang iba't ibang uri ng taong tumatanggap sa Salita ng Diyos ang nais bigyan ng pansin ni Kristo sa talinghagang ito. Bagkus, inilalarawan rin Niya sa talinghagang ito ang pagiging maibigin at mahabagin ng Panginoon. Ipinapakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at habag sa lahat sa pamamagitan ng paghahasik o pagpapalaganap ng Kanyang Salita. Hindi Siya magsasawa kailanman. Hindi Siya titigil sa pagpapalaganap ng Kanyang Salita. 

Ito ang dahilan kung bakit ang mga propetang tulad ni Isaias sa Unang Pagbasa ay hinirang ng Diyos. Ito rin ang dahilan kung bakit ang Diyos ay nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga apostol tulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nais ng Diyos na ang Kanyang Salita ay lumaganap sa iba't ibang bahagi ng daigdig. 

Batid rin ng Diyos na ang Kanyang Salita ay hindi tatanggapin ng lahat. Sabi nga ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y tinanong ni Poncio Pilato na ang mga nasa panig ng katotohanan lamang ay makikinig sa Kanyang tinig (Juan 18, 37). Ang mga tumatanggap sa Panginoon at sa Kanyang Salita ay ang mga nasa panig ng katotohanan. Kaya naman, nakakapagtaka kung bakit pinili pa rin Niyang ihasik o ipalaganap ang Kanyang Salita sa lahat kahit alam naman Niyang may mga hindi tatanggap nito. Bakit nga ba Niya ipinagpapatuloy ito? Pag-ibig at habag. Ang habag at pag-ibig ng Diyos ang dahilan kung bakit patuloy Niyang ipinapalaganap ang Kanyang Salita, kahit alam Niyang hindi ito tatanggapin ng ilan. 

Ang Diyos ay patuloy na naghahasik ng Kanyang Salita. Hindi Siya magsasawa gawin ito kailanman dahil sa Kanyang pag-ibig at habag. 

Biyernes, Hulyo 3, 2020

MABABANG-LOOB

5 Hulyo 2020 
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Zacarias 9, 9-10/Salmo 144/Rma 8, 9. 11-13/Mateo 11, 25-30 


Sabi sa pambungad ng panalangin ni Hesus sa Ebanghelyo na inilihim ng Ama ang lahat sa mga marurunong at matatalino habang inihayag naman Niya ito sa mga may kaloobang tulad ng sa bata (Mateo 11, 25). Sa linyang ito, inilarawan ni Hesus ang pagiging malapit ng Diyos sa mga kababaang-loob. Ang mga may kababaang-loob ay kinalulugdan ng Diyos. Ang kababaang-loob ay tunay ngang kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon. Kapag Siya'y nakakakita ng mga taong nagpapakita ng kababaang-loob, labis Siyang natutuwa at nasisiyahan. 

Bakit nga ba kinalulugdan ng Diyos ang mga mababang-loob? Ano nga ba talaga ang mayroon sa mga may kababaang-loob na ikinasisiya ng Diyos? Mismong ang Panginoong Diyos ang nagpaliwanag sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo kung bakit ikinalulugod Niya ang mga mababang-loob. Sabi Niya sa Unang Pagbasa na ang tunay na hari na walang iba kundi Siya ay matagumpay na dumarating nang may kababaang-loob na nakasakay sa isang bisirong asno (Zacarias 9, 9). Sa halip na sumakay sa isang kabayo, Siya'y sumasakay sa isang bisirong asno. Ito'y tinupad Niya sa pamamagitan ni Kristo noong unang Linggo ng Palaspas kung saan Siya'y sumakay sa isang bisirong asno sa Kanyang maringal na pagpasok sa Herusalem. Ito rin ang inilarawan ng Panginoong Hesukristo sa huling bahagi ng Ebanghelyo kung sinabi Niyang Siya'y maamo at mababang-loob (Mateo 11, 29). 

Kaya naman, napaka-importante para sa bawat isa sa atin bilang mga Kristiyano ang pagkakaroon ng kababaang-loob. Ang Diyos mismo ay maamo at mababang-loob. Ikinatutuwa ng Panginoon ang mga nagsisikap mamuhay katulad Niya. Siya'y nasisiyahan sa mga nagsisikap mamuhay nang may kababaang-loob. Iyan ay dahil sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob, ipinapakita ng bawat isa ang kanilang pananalig at pagtanggap sa Diyos. Dahil sa kanilang pananalig at pagtanggap sa Diyos, pinili nilang mamuhay katulad Niya at para sa Kanya. Iyan ay tunay na kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos. 

Ano naman ang mapapala ng bawat taong magpapasiyang mamuhay nang may kababaang-loob? Ano naman ang mapapala ng bawat tao kapag ipinasiya nilang mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos? Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na magkakaroon sila ng buhay. Isang buhay na hindi mula sa daigdig na ito. Isang bagong buhay na kaloob ng Diyos. Kapag ang bawat isa'y namumuhay nang may kababaang-loob, tulad ng ninanais ng Panginoong Diyos, siya'y tunay na malaya. Ang mga may kababaang-loob ay tunay na malaya mula sa mga pita ng laman. Iyan ay dahil ang Espiritu Santo ay nananahan sa kanila. Ang Espiritu Santo ang tutulong sa kanila upang mamuhay nang may kalayaan. Ito ay dahil ang Espiritu Santo ay nananahan sa kanila. Ang Espiritu Santo ay nananahan sa mga may kababaang-loob. 

Mabuti ang idudulot ng pagkakaroon ng kababaang-loob sa ating buhay bilang mga Kristiyano. Kapag tayo'y namuhay nang may kababaang-loob, tayo'y kalulugdan ng Diyos. Kapag nagsumikap tayong maging kalugud-lugod sa Diyos, bibiyayaan Niya tayo ng buhay. Isang buhay na malaya mula sa mga pita ng laman. Isang buhay sa piling ng Diyos. Isang buhay na walang hanggan kasama ang Diyos sa langit. Ang lahat ng mga magsusumikap mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos ay makakatamasa ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. 

Biyernes, Hunyo 26, 2020

SA TULONG NG DIYOS, MAKAKAMIT ANG TAGUMPAY

29 Hunyo 2020 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 


Ang araw na ito ay inilaan sa pagbibigay pugay at parangal sa dalawang Santo na kinikilala bilang mga haligi ng Simbahan - sina Apostol San Pedro at San Pablo. Buong kagalakang nagpapasalamat ang Simbahan sa Panginoong Diyos sa araw na ito ng pagpipista dahil hinirang Niya ang dalawang apostol na ito upang ipakilala Siya sa lahat ng tao sa daigdig. Ang Simbahan ay nagpapasalamat rin sa Diyos dahil hindi Niya pinabayaan ang dalawang apostol na ito. Ang dalawang apostol na ito ay hindi magtatagumpay sa kanilang misyon kung hindi dahil sa Diyos na laging tumulong at gumabay sa kanila. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa kung paanong naranasan nina Apostol San Pedro at San Pablo ang pagtulong ng Diyos sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa bawat sulok ng daigdig. Si Apostol San Pedro ang itinalaga ni Hesus bilang unang Santo Papa ng Kanyang Simbahan dito sa lupa. Gaya ng nasasaad sa Ebanghelyo, ibinigay ni Hesus kay Apostol San Pedro ang mga susi sa kaharian ng langit (Mateo 13, 19). Ang mga susing ito ay sumasagisag sa kapangyarihang ibinigay sa kanya ng Panginoong Hesus bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Subalit, sa kabila ng tungkuling ibinigay sa kanya ng Panginoong Hesus, hindi siya naging ligtas mula sa mga tukso at pagsubok sa buhay. Hindi siya naging ligtas mula sa pag-uusig. Gaya ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro, hindi rin naging ligtas mula sa mga pag-uusig, pagsubok, at tukso si Apostol San Pablo. Hinirang ng Panginoong Hesukristo si Apostol San Pablo upang magpatotoo sa Kanya (Mga Gawa 9, 15). Kahit na inusig niya noon ang mga sinaunang Kristiyano, hinirang pa rin siya ng Panginoon upang sumaksi sa Kanya. Subalit, kahit na tinalikuran niya nang tuluyan ang kanyang buhay bilang tagausig ng mga Kristiyano, hindi siya naging ligtas mula sa mga madidilim na sandali ng buhay dito sa lupa. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong isinugo ng Panginoon ang Kanyang anghel upang tulungan si Apostol San Pedro na makatakas mula sa bilangguan. Sa mga sandaling iyon, natitiyak nang mamatay si Apostol San Pedro dahil binalak ni Haring Herodes na siya'y iharap sa bayan bago patayin (Mga Gawa 12, 4-5). May balak si Haring Herodes na ipapatay si Apostol San Pedro upang matuwa ang mga tao. Subalit, ipinadala ng Diyos ang Kanyang anghel upang tiyakin ang kaligtasan ni Apostol San Pedro. Ipinadala ng Panginoon ang Kanyang anghel upang iligtas at itakas si Apostol San Pedro mula sa bilangguan. Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagpatotoo tungkol sa pagtulong ng Panginoon. Inilarawan niya kung paano siya tinulungan ng Diyos sa bawat sandali ng kanyang misyon. Hindi siya binigo at pinabayaan ng Panginoong Diyos kailanman. Lagi Niyang sinamahan si Apostol San Pablo hanggang sa huli. 

Hindi naging ligtas mula sa mga tukso, pagsubok, at pag-uusig sina Apostol San Pedro at San Pablo. Hindi naging maginhawa ang buhay nina Apostol San Pedro at San Pablo sa lahat ng oras noong sila ay namumuhay pa dito sa daigdig. Subalit, tinupad pa rin nila ang kanilang misyon nang buong katapatan hanggang sa huli dahil lagi silang tinulungan at sinamahan ng Panginoong Diyos. Nanalig silang lagi nilang kasama ang Diyos upang sila'y samahan at tulungan sa lahat ng oras. Iyon ang nagbigay sa kanila ng katatagan upang buong katapatan nilang tuparin ang kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo hanggang sa huli. 

Buong kagalakang pinararangalan sina Apostol San Pedro at San Pablo sa araw na ito dahil naging matagumpay sila sa pagtupad sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo. Isa lamang ang dahilan kung bakit sila'y nagtagumpay - lagi silang tinulungan at sinamahan ng Diyos. Hindi sila pinabayaan ng Diyos na mapahamak o mabigo kailanman. Sa tulong ng Diyos, nanatiling tapat ang dalawang apostol na ito sa Kanya hanggang sa huli. 

Naging matagumpay sina Apostol San Pedro at San Pablo dahil tinulungan sila ng Panginoon sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Makakamit rin natin ang tagumpay katulad ng dalawang apostol na ito at ng marami iba pang mga santo sa langit sa tulong ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay lagi Niyang sasamahan at tutulungan. Tutulungan Niya tayong makamit ang tagumpay katulad ng mga banal sa langit. 

Huwebes, Hunyo 25, 2020

TAOS-PUSONG PAGTANGGAP SA PANGINOON

28 Hunyo 2020 
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
2 Hari 4, 8-11. 14-16a/Salmo 88/Roma 6, 3-4. 8-11/Mateo 10, 37-42 


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa pagtanggap sa Diyos. Ang bawat isa sa atin ay makakapulot ng aral mula sa mga Pagbasa para sa araw na ito tungkol sa pagtanggap sa Panginoong Diyos. Sa tulong ng mga Pagbasa para sa Linggong ito, matututunan natin ang kahulugan ng pagtanggap sa Panginoong Diyos at kung paano natin Siya matatanggap. Mahalagang matutunan nating lahat kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagtanggap sa Panginoong Diyos upang maging makatotohanan at taos-puso tayo kapag ipinasiya natin itong gawin. 

Inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang kahulugan ng pagtanggap sa Diyos. Ang pagtanggap sa Diyos nang taos-puso ay ang pagtakwil at pagtalikod sa makasalanang pamumuhay. Ituring ang sarili bilang patay na sa kasalanan (Roma 6, 11). Iyan ang ibig sabihin ng pagtanggap sa Diyos nang taos-puso. May kapalit ang pagtanggap sa Diyos. Ang kapalit ng pagtanggap sa Diyos ay ang pagtalikod sa kasalanan. Kapag ang Panginoon ay taos-pusong tinanggap ng bawat isa sa atin, sinisimulan nating mamuhay para sa Kanya. Ang pagtanggap sa Panginoong Diyos ay nangangahulugang pagtanggap at pagsimula ng isang uri ng pamumuhay na kalugud-lugod sa Kanyang paningin. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si propeta Eliseo ay tinanggap ng isang mag-asawa sa kanilang tahanan. Si Eliseo ay kinilala ng babae bilang isang lingkod ng Diyos (2 Hari 4, 9). Dahil diyan, binuksan ng mag-asawa ang kanilang tahanan para kay propeta Eliseo. Pinaghandaan nila siya ng isang silid at marami pang iba. Naniwala sila na kapag tinanggap nila ang isang lingkod ng Panginoon, may pagpapala sila mula sa Panginoon. Ang mag-asawang ito ay naniwalang sila'y kalulugdan at pagpapalain ng Diyos dahil tinanggap nila ang Kanyang lingkod. 

Ang Panginoong Hesukristo ay nagsalita sa mga apostol tungkol sa kahulugan ng pagtanggap sa Kanya at ang biyayang dulot nito. Para sa Panginoong Hesus, ang mga tumatanggap sa Kanya ay yaong mga sumusunod sa Kanya. Kung hangad ng bawat isa sa atin na maging taos-puso ang pagtanggap sa Panginoon, kailangang natin maging handang sumunod sa Kanya. Para kay Kristo, kung tunay nga Siyang tinatanggap ng bawat isa bilang Panginoon at Diyos, dapat silang maging handang sumunod sa Kanya. Ang mga tumatanggap kay Hesus bilang Panginoon at Diyos ay dapat sumunod sa Kanya hanggang sa huli. Kapag iyon ang ginawa ng bawat isa, sila'y makakatanggap ng biyaya. Ang mga tatanggap at susunod kay Hesus hanggang sa huli ay magkakaroon ng buhay (Mateo 10, 38). Pagkakalooban sila ng buhay na walang hanggan sapagkat pinili nilang tanggapin at sundin si Hesus, kahit ang buhay nila dito sa lupa ang magiging kapalit nito. 

Inilarawan sa mga Pagbasa na ang pagtanggap sa Diyos ay hindi madali. May mga sakripisyong kailangan nating gawin alang-alang sa Diyos. Kailangan natin Siyang unahin. Hindi Siya dapat magkaroon ng mga kakumpetensya sa ating buhay. Ang Kanyang kalooban ay dapat sundin. Kailangan nating sumunod sa Kanya sa kabila ng mga pagsubok sa buhay dito sa lupa. Hindi biro ang pagtanggap sa Panginoong Diyos. Mahirap tanggapin ang Panginoon. Kahit na ang Panginoon pa mismo ang ating tatanungin, sasabihin Niyang hindi Niya ipinangakong mawawala ang lahat ng problema natin sa buhay natin dito sa mundo kapag sumunod tayo sa Kanya. 

Pagtalikod sa makasalanang pamumuhay. Paglimot sa mga bagay na nauukol sa sarili. Pagpasan ng krus. Pagsunod kay Kristo Hesus. Hindi biro gawin ang mga iyan. Huwag nating linlangin ang ating mga sarili. Mukha ngang madali, pero hindi. Hindi biro gawin ang mga ito. Mahirap talaga itong gawin. 

Ang bawat isa sa atin ay tinatanong sa Linggong ito kung handa ba talaga tayong tanggapin ang Panginoon. Handa ba talaga tayong tanggapin ang Panginoon sa buhay natin? Suriin natin nang mabuti ang ating sarili. Pagpasiyahan natin ito nang mabuti. Kapag tinanggap natin ang Panginoon sa ating buhay, wala nang atrasan. 

Linggo, Hunyo 21, 2020

LAGING SAKLOLO

27 Hunyo 2020 
Kapistahan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo 
Ebanghelyo: Juan 19, 25-27 


Sa Ebanghelyo para sa araw na ito, inihabilin ng Panginoong Hesus ang Mahal na Birheng Maria sa pangangalaga ni Apostol San Juan. Subalit, hindi lamang si Maria ang inihabilin ni Hesus. Bagkus, si Apostol San Juan ay inihabilin rin ni Hesus sa pangangalaga ng Mahal na Birheng Maria. Ito'y madalas nating hindi napapansin kapag binabasa o pinapakinggan natin ang bahaging ito ng Pasyon ni Kristo. Si Apostol San Juan ay inihabilin rin ni Hesus sa Mahal na Ina. Sa sandaling iyon, inihabilin ng Panginoong Hesukristo ang sambayanang Kristiyano sa maka-inang pagkalinga ni Maria. Inihabilin ni Hesus ang Simbahan sa pangangalaga ni Maria. 

Hindi tayo karapat-dapat na maging mga anak ni Maria tulad ni Hesus. Ang Mahal na Birheng Maria ay Ina ng Diyos. Kaya naman, bakit naman ihahabilin ni Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ang sambayanang Kristiyano na binubuo ng mga makasalanan sa pangangalaga ng Kanyang Mahal na Ina? 

Inihabilin ni Hesus ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan sa maka-inang pag-aruga ng Mahal na Birheng Maria sa kabila ng ating pagkamakasalanan dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Ibinigay Niya sa atin ang Mahal na Birheng Maria upang tayo ay samahan at saklolohan sa lahat ng oras. Kapag dumating ang mga oras ng pagsubok sa buhay, mayroon tayong matatakbuhan. Sasaklolohan tayo ng Mahal na Ina. Hindi niya tayo pababayaan. 

Mayroon tayong Ina na handang sumaklolo sa atin, ang Mahal na Birheng Maria. Siya ang ibinigay sa atin ni Kristo upang maging ating saklolo sa lahat ng oras. Sa tulong ng Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Laging Saklolo, ang mga pagsubok na haharapin natin sa buhay ay ating malalampasan at mapagtatagumpayan. Ang bawat isa sa atin ay hindi niya pababayaang mabigo, matalo, at mapahamak kahit kailan. Iyan ang ating Mahal na Ina ng Laging Saklolo.