Biyernes, Agosto 7, 2020

ANG BANAYAD NA TAGAPAGLIGTAS

9 Agosto 2020 
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
1 Hari 19, 9a. 11-13a/Salmo 84/Roma 9, 1-5/Mateo 14, 22-33 



Sa mga Pagbasa para sa Linggong ito, binibigyan ng pansin ang pagkabanayad ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang pagkabanayad, ang Panginoong Diyos ay naghahatid ng kapanatagan ng loob sa ating lahat. Tanging Siya lamang ang makakapawi sa ating takot at pangamba. Ang Panginoong Diyos lamang ang makakapagpanatag sa ating lahat. Ang Kanyang banayad na tinig ay nagbibigay ng kapanatagan sa bawat isa sa atin. 

Takot ang naramdaman ni propeta Elias sa Unang Pagbasa. Iyan ang dahilan kung bakit siya tumungo sa bundok ng Horeb, ang bundok ng Panginoong Diyos. Noong una pa nga, hinangad na niyang mamatay. Ano ang kanyang kinatakutan? Nais siyang ipapatay ni Reyna Jezebel matapos ang nangyari sa Bundok ng Carmelo kung saan ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan laban sa diyus-diyusang si Baal. Subalit, sa halip na hayaang mamatay si propeta Elias, ipinadala ng Diyos ang Kanyang anghel upang siya'y pakainin at painumin (1 Hari 19, 1-8). Matapos nito, siya'y nakarating sa bundok ng Horeb kung saan ang nakatagpo niya ang Panginoong Diyos. Sabi pa nga sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay hindi niya natagpuan sa napakalakas na hangin, sa lindol, o kaya sa kidlat. Bagkus, lumabas mula sa yungib si propeta Elias matapos makarinig ng isang banayad na tinig. Saan nagmumula ang banayad na tinig? Sa Diyos. Ang tinig ng Panginoon ay napakabanayad. Ang tinig ng Diyos na napakabanayad ang nagpagaan sa loob ni propeta Elias. Si propeta Elias ay nakaramdam ng kapanatagan dahil ang tinig ng Diyos na napakabanayad ay kanyang narinig. 

Ito rin ang naranasan ng mga apostol sa Ebanghelyo. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang paglalakad ng Panginoong Hesus sa ibabaw ng tubig. Ang mga apostol ay nakaramdam ng matinding takot. Natakot sila dahil sa napakalakas na hangin na umiihip nang pasalungat. Malapit nang malubog ang kanilang bangka. Dumagdag pa rito ang tila isang multo na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Subalit, hindi isang multo ang kanilang nakita kundi ang Panginong Hesus. Nagpakilala pa nga Siya sa kanila sa isang banayad na paraan, "Huwag kayong matakot; si Hesus ito!" (Mateo 14, 27). Sa kabila ng unos, si Hesus ay nanatiling banayad at mahinahon. 

Bagamat hindi naniwala agad ang ilan sa mga apostol na nakasakay sa bangka, tulad na lamang ni Apostol San Pedro, ipinakita pa rin ng Panginoong Hesus ang Kanyang kahinahunan at pagkabanayad. Kahit na Siya'y hindi pinaniwalaan ng ilan sa mga apostol noong una Siyang nagpakilala sa kanila, hindi Siya nagpakita ng galit o init ng ulo. Kahit na si Apostol San Pedro ay unti-unting nalunod habang naglalakad sa ibabaw ng tubig upang makalapit sa Kanya dahil sa tindi ng takot at kakulangan ng pananalig, hindi nawala ang pagkabanayad ni Hesus. Nanatili pa ring mahinahon at banayad ang Panginoon. Oo, pinagsabihan ni Kristo si Apostol San Pedro habang inililigtas Niya ang alagad Niyang ito (Mateo 14, 31). Subalit, sa kabila nito, si Hesus ay hindi nagalit o nainis. Bagkus, ipinakita Niya ang Kanyang pagkabanayad habang Kanyang pinagsasabihan at inililigtas si Apostol San Pedro. Dahil diyan, ang sabi ng mga apostol sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo, "Tunay na Kayo ang Anak ng Diyos!" (Mateo 14, 32). 

Hindi lalayo pa si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. May mga sandali sa kanyang buhay bilang apostol sa mga Hentil kung saan siya'y labis na natakot dahil sa pag-uusig. Kahit na siya'y isang misyonero ni Kristo, hindi nawala sa kanya ang takot sa pag-uusig. Natatakot siyang makaranas ng matinding pag-uusig. Subalit, ang pagkabanayad ng Panginoon ang pumanatag sa kanya. Iyan ang dahilan kung bakit niya nasabi sa Ikalawang Pagbasa na siya ay nagpapatotoo sa katotohanan (Roma 9, 1). Ang banayad na Panginoon ay naghatid sa kanya ng kapanatagan. Dahil diyan, si Apostol San Pablo ay patuloy na nangaral at nagpatotoo sa lahat ng tao tungkol sa katotohanan na nagmumula kay Kristo hanggang sa huli. 

Ang Panginoon ay banayad at mahinahon. Kapanatagan ang Kanyang kaloob sa bawat isa sa atin. Sa tuwing tayo'y nakakaramdam ng takot, lumapit lamang tayo sa Kanya. Ang bawat isa sa atin ay bibigyan Niya ng kapanatagan. 

Sabado, Agosto 1, 2020

MAKIKINIG BA TAYO SA KANYA?

6 Agosto 2020 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (A)
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Mateo 17, 1-9 


Nang si Hesus ay magbagong-anyo sa Bundok ng Tabor, nagsalita ang Diyos Ama mula sa kalangitan. Ang sabi ng Ama: "Ito ang minamahal Kong Anak na lubos Kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo Siya!" (Mateo 17, 5) Ang mga salitang ito ay patuloy na umalingawngaw sa kasalukuyang panahon. Tayong lahat ay patuloy na inuutusan ng Ama na makinig kay Hesus. Si Hesus ay dapat nating pakinggan. 

Matapos magbagong-anyo, habang bumababa sa bundok, si Hesus ay nagbigay ng isang utos sa tatlong apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan na nakasaksi sa pangyayaring ito. Mahigpit Niyang inutusan ang mga apostol na manatiling tahimik tungkol sa nakita nila hanggang sa Muling Pagkabuhay ng Anak ng Tao (Mateo 17, 9). Kung tutuusin, iyon nga ang ginawa ng mga apostol. Nagsalita sila tungkol kay Hesus sa bawat lugar na kanilang pinuntahan sa kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Katunayan, si Apostol San Pedro ay nagsalita tungkol sa Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesukristo sa bundok sa Ikalawang Pagbasa. Binigyan rin niya ng pansin ang tinig ng Amang nasa langit. Ang tinig ng Amang nasa langit na nagpakilala sa Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo. Ang tinig ng Amang nasa langit na nag-utos sa mga apostol na pakinggan si Kristo. 

Ang utos ng Amang nasa langit ay hindi lamang para sa tatlong apostol na kasama ni Hesus sa bundok noong Siya'y nagbagong-anyo. Ang utos na ito ng Amang nasa langit ay para rin sa bawat Kristiyano mula noon hanggang ngayon. Binibigyan ng pansin sa espesyal na araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon ang utos ng Ama. Ang bawat isa sa atin ay inuutusan ng Amang nasa langit na makinig kay Hesus. 

Sabi ni Daniel sa wakas ng Unang Pagbasa na ang Nabubuhay Magpakailanaman ay paglilingkuran ng lahat ng tao, bansa, at wika, at ang Kanyang kaharian ay hindi magwawakas at mawawasak (7, 14). Sabi ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng ika-28 kabanata ng Ebanghelyo ni San Mateo na ibinigay sa Kanya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa (28, 18). Si Hesus ay ibinigay sa atin ng Ama upang maging ating hari. Si Hesus ang haring nakaluklok sa kanan ng Ama. Hindi dumating sa lupa ang tunay na Hari na si Hesus taglay ang buo Niyang kadakilaan. Bagkus, buong kababaang-loob Siyang dumating bilang isang payak na tao katulad nating lahat, maliban na lamang sa kasalanan. Nang Siya'y magbagong-anyo, ang Kanyang kaluwalhatian bilang Diyos at Hari ay Kanyang ipinasulyap. Nang Siya'y magbagong-anyo, ipinakilala Siya ng Amang nasa langit at inutusan ang lahat na Siya'y pakinggan. 

Hindi lamang para sa tatlong apostol ang utos ng Amang nasa langit. Ang utos na ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano. Patuloy na umaalingawngaw ang utos na ito sa kasalukuyang panahon. Ang bawat isa sa atin ay patuloy na inuutusan ng Ama na makinig sa Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. 

Inuutusan tayo ng Ama na makinig kay Kristo. Makikinig ba tayo sa Kanya? 

Huwebes, Hulyo 30, 2020

HINDI PAGPAPAMALAS NG KAPANGYARIHAN

2 Agosto 2020 
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Isaias 55, 1-3/Salmo 144/Roma 8, 35. 37-39/Mateo 14, 13-21


Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinadama Niya sa pamamagitan ni Kristo (Roma 8, 38-39). Sa kabila ng ating mga kasalanan at kahinaan, hindi titigil ang Diyos sa pagmamahal sa atin. Patuloy Niya tayong mamahalin at kakalingain. Oo, labis na nasasaktan ang Panginoong Diyos sa tuwing tayo'y nagkakasala laban sa Kanya. Kinasusuklaman Niya ang kasalanan. Siya'y nagagalit kapag nakakakita Siya ng taong gumagawa ng kasamaan. Subalit, hindi ito nangangahulugang nababawasan o tuluyang nawawala ang Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan. Ilang ulit mang magkasala ang sangkatauhan, nananatili pa rin ang pagmamahal at pagkalinga ng Diyos. Hindi ito nababawasan o naglalaho. 

Binibigyan ng pansin sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito ang pag-ibig at pagkalinga ng Panginoon. Maraming ginagawa ang Diyos upang ipakita ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga. Isa sa mga ginagawa ng Panginoong Diyos upang ipakita ang Kanyang pag-ibig at pagkalinga ay ang pagpapakain sa bawat isa sa atin. Pinapakain tayo ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Gaya ng nasasaad sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Pinakakain Mong tunay kaming lahat, O Maykapal" (Salmo 144, 16). Katunayan, binigyan ito ng pansin ni Hesus sa isang bahagi ng Ama Namin, ang panalangin na Kanyang itinuro. Ito ang mga salita sa nasabing bahagi ng panalanging iyon: "Bigyan Mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw" (Mateo 6, 11). Sa pamamagitan ng pagpapakain at pagkakaloob ng iba pang pang-araw-araw na pangangailangan, pinapatunayan ng Diyos na lagi Niya tayong minamahal at inaaruga. 

Inilahad ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa ang paanyaya ng Diyos sa Kanyang bayan. Inaanyayahan ng Panginoon ang Kanyang bayan na lumapit at makinig sa Kanya. May inaalok Siyang pagkain at inuming napakasarap. Tanging Siya lamang ang makakapagkaloob ng tunay na pagkain at inumin na napakasarap. Sa Kanya lamang nagmumula ang tunay na pagkain at inumin. Kung tutuusin, ginagawa ito ng Panginoon sa Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, ibinibigay sa atin ni Hesus ang tunay na pagkain at inumin - ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo. Ang tunay na pagkain at inumin, ang Katawan at Dugo ng Panginoon, ay tinatanggap natin sa Banal na Pakikinabang (Komunyon). Ang tunay na pagkain at inumin ay nagmumula lamang sa Panginoon. Siya lamang ang makakapagbigay nito sa bawat isa sa atin. Mahahanap lamang natin ang tunay na pagkain at inumin sa presensya ng Panginoon. Bakit? Dahil Siya mismo ang tunay na pagkain at inumin. 

Sa Ebanghelyo, pinakain ni Hesus ang limang-libong katao. Sa pamamagitan ng himalang ito, pinatunayan ni Hesus na hindi lamang Siya isang guro mula sa bayan ng Nazaret na puno ng karunungan. Pinatunayan Niyang hindi Siya malayo sa mga tao dahil sa taglay Niyang karunungan at kapangyarihan bilang Diyos. Katunayan, ang dahilan kung bakit ginawa Niya ang himalang ito ay hindi upang ipamalas ang Kanyang kapangyarihan bilang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo. Ang milagrong ito ay ginawa ni Hesus dahil sa Kaniyang pag-ibig. Ipinakita Niya ang pagkalinga ng Diyos sa lahat sa pamamagitan ng pagpapakain sa limanlibong tao dahil sa Kanyang pag-ibig. Dahil sa pag-ibig, kinalinga ni Hesus ang mga tao. 

Mayroong nagmamahal at umaaruga sa atin. Hindi Siya titigil sa pagmamahal at pagkalinga sa atin kailanman. Siya'y walang iba kundi ang Panginoong Diyos. 

Linggo, Hulyo 26, 2020

MANALIG SA KAPANGYARIHAN NG PAG-IBIG NG PANGINOON

29 Hulyo 2020 
Paggunita kay Santa Marta 
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42) 


"Ang Diyos ay pag-ibig" (1 Juan 4, 16). Ito ang mga salita ni Apostol San Juan sa wakas ng Unang Pagbasa. Ang Diyos ay puno ng pag-ibig. Siya ang bukal ng pag-ibig. Pag-ibig ang Kanyang ibinibigay at ibinabahagi sa lahat. Katunayan, iyan ang dahilan kung bakit dumating si Kristo Hesus sa daigdig. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan, ang Panginoong Hesukristo ay naparito sa daigdig, ayon sa kalooban ng Diyos. Niloob ng Diyos na dumating sa mundo ang Panginoong Hesus upang iligtas ang sangkatauhan. 

Binibigyan ng pansin sa araw na ito na inilaan sa paggunita kay Santa Marta ang pag-ibig ng Diyos. Ang bawat isa sa atin ay binibigyan ng pagkakataon sa araw na ito na mamulat sa kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos. Ang pag-ibig ng Diyos ay tunay ngang makapangyarihan. Isinasalamin ng kapangyarihan ng Panginoon ang Kanyang pag-ibig. Ang pag-ibig at kapangyarihan ng Panginoong Diyos ay hindi magkahiwalay o magkaibang konsepto. Bagkus, ang dalawang ito'y magkaugnay. 

Itinuturo sa atin ng lipunan na bawal magpakita ng kalambutan o kahinaan. Kung gusto mong makamit ang respeto ng bawat isa, kung gusto mong bumango ang pangalan mo, hindi ka dapat magpakita ng kahinaan. Dagdag pa nila, ang pag-ibig ay para lamang sa mga mahihina at malalambot. Kung gusto mong magkaroon ng magandang reputasyon, kailangan maging matapang ka. Bawal ka magpakita ng kahit anong uri ng kalambutan o kahinaan. Hindi ka puwedeng umibig. Bakit? Para lamang iyan sa mga malalambot at mahihina. Agad kang ituturing na mahina kapag umibig ka. Hindi makakaganda o makakabuti sa iyong reputasyon ang pag-ibig. 

Subalit, ang aral na itinuturo sa atin ngayong araw na ito ay ang pag-ibig ng Diyos ay makapangyarihan. Ang pag-ibig ng Panginoong Diyos ay larawan ng Kanyang kapangyarihan. Ang pag-ibig ng Panginoong Diyos ay hindi tanda, sagisag, o larawan ng Kanyang kahinaan. Katunayan, pag-ibig ang dahilan kung bakit binuhay ni Hesus ang Kanyang kaibigan na si San Lazaro, ang kapatid nina Santa Marta at Santa Maria ng Betania. Sabi nga ni Hesus kay Marta sa isa sa mga kaganapan bago Niya binuhay si Lazaro na itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo na Siya ang "Muling Pagkabuhay at ang buhay" (Juan 11, 25). Ang muling pagbuhay Niya kay Lazaro ang nagpatunay nito. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ginawa Niya ito. Pag-ibig ang dahilan kung bakit binigyan ni Hesus si Lazaro ng buhay kahit na siya'y namatay apat na araw ang nakalipas. Sa pamamagitan ng himalang ito, namalas ang kahanga-hangang kapangyarihan ng Panginoon. 

Ano naman ang dapat nating gawin? Manalig tayo sa kapangyarihan ng pag-ibig ng Panginoong Diyos. Ito ang aral na matutunan natin mula kay Santa Marta. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Marta ang kanyang pananalig sa Panginoong Hesukristo matapos Niyang ihayag na Siya ang Muling Pagkabuhay at ang buhay (Juan 11, 27). Manalig tayo sa kapangyarihan ng pag-ibig ni Kristo. Nararapat lamang ibigay kay Kristo ang taos-puso nating pananalig sa kapangyarihan ng Kanyang pag-ibig. Hindi tanda ng kahinaan ang pag-ibig ni Kristo. Bagkus, ang Kanyang pag-ibig ay isang salamin ng Kanyang kapangyarihan. 

Si Santa Marta ay nanalig sa kapangyarihan ng pag-ibig ng Panginoon. Kahit hindi niya maintindihan ang misteryong ito, pinili pa rin niyang manalig sa pag-ibig ng Diyos na tunay ngang makapangyarihan. Matuto rin nawa tayong manalig sa pag-ibig ng Panginoon, katulad ni Santa Marta. 

Miyerkules, Hulyo 22, 2020

HANAP-HANAP NG PUSO

26 Hulyo 2020 
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
1 Hari 3, 5. 7-12/Salmo 118/Roma 8, 28-30/Mateo 13, 44-52 (o kaya: 13, 44-46) 




Maraming mga masisikat na kanta tungkol sa nilalaman ng puso. Halos iisa lamang ang tinutukoy ng mga awiting ito. Ang lihim na pagtingin sa isang kinukursunada o labis na iniibig at pinahahalagahan. Dinadaan nila sa awitin ang paglalarawan ng kanilang mga nararamdaman. Ang kanilang kinukursunada o iniirog ang nilalaman ng kanilang mga puso. Ganyan sila magmahal. Sa bawat oras, sila ang hinahanap-hanap at pinananabikan. Sila ang tinitibok ng kanilang mga puso. 

Ano ba ang hinahangad ng iyong puso? Ito ang paksang pinagtuunan ng pansin sa mga Pagbasa. Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon ng mga Pagbasa upang pagnilayan kung ano nga ba talaga ang hinahanap ng ating mga puso. Ano nga ba talaga ang pinakamahalaga sa ating mga puso? Ano ba talaga ang nais natin? 

Sa Unang Pagbasa, hiniling ni Haring Solomon sa kanyang panalangin sa Diyos na biyayaan siya ng karunungan tungkol sa kabutihan at kasamaan. Napakalinaw ang hinangad ni Solomon. Hinahangad ni Solomon na maging isang mabuting hari. Ang laman ng kanyang puso ay hindi salapi o kapangyarihan kundi ang kapakanan ng kanyang bayan. Nais ni Solomon na maging isang mabuti at maawaing hari. Nais niyang maranasan ang tulong at gabay ng Panginoon. 

Hindi lamang puso ng tao ang mayroong laman. Ang Puso ng Panginoong Diyos ay mayroon ring nilalaman. Ito ang binigyan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang laman ng Puso ng Panginoon ay yaong Kanyang mga itinalaga upang maging Kanya. Mahalaga para sa Diyos ang lahat ng Kanyang mga itinalaga upang maging Kanya. 

Sino ba ang mga maaaring italaga ng Panginoon upang maging Kanya? Tayong lahat. Ang bawat isa sa atin ay tinatawag ng Diyos. Tayong lahat ay binibigyan Niya ng pagkakataong maging Kanya. Ang bawat isa sa atin ay tinatawag at hinihirang upang maging Kanya. Tayong lahat ay may pagkakataong italaga ng Diyos upang maging Kanya. Bukas ang pintuan ng Diyos sa mga nais magpatalaga sa Kanya. 

Nais ng Panginoon na italaga ang bawat isa sa atin upang maging Kanya. Subalit, hindi Niya tayo pipilitin. Kung ayaw natin, hindi tayo pipilitin ng Diyos. Walang ibang magagawa ang Panginoong Diyos kundi igalang ang ating pasiya. Kung ang Diyos ay hindi mahalaga para sa atin, wala na Siyang magagawa. Hindi Niya isisiksik o ipipilit ang Kanyang sarili sa puso ng mga ayaw tumanggap sa Kanya. 

Sa Ebanghelyo, inihalintulad ni Hesus sa mga talinghagang Kanyang isinalaysay ang kaharian ng Diyos sa isang kayamanang nakabaon sa isang bukid, sa isang perlas na napakamahal, at sa isang malaking lambat na nakahuli ng maraming isda matapos itong ihagis sa dagat. Sa pamamagitan ng mga talinghagang ito, inialok ni Kristo ang kaharian ng langit sa bawat isa upang pahalagahan. Napakalinaw ng layunin ni Kristo sa talinghagang ito. Pukawin ang puso ng bawat isa upang sa gayon ay maakit sila at mapahalagahan nila ang Diyos. 

May tanong ang Panginoong Hesukristo para sa bawat isa sa atin. Ano ang laman ng ating puso? Ano ang hanap-hanap natin? Ano ang mahalaga para sa atin? Ano ang hanap-hanap ng ating mga puso? 

Panginoon ko, hanap-hanap Ka ng puso. Tinig Mo'y isang awit-paghilom. 
- Awit ng Paghilom (Arnel Aquino, SJ) 

Lunes, Hulyo 20, 2020

HINDI LAMANG TUNGKOL SA GANTIMPALA

25 Hulyo 2020 
Kapistahan ni Apostol Santiago 
2 Corinto 4, 7-15/Salmo 125/Mateo 20, 20-28 


Wika ni Hesus sa Ebanghelyo para sa araw na ito: "Ang hirap na babatahin Ko'y babatahin nga ninyo. Ngunit wala sa Akin ang pagpapasiya kung sino ang mauupo sa Aking kanan at sa Aking kaliwa" (Mateo 20, 23). Magandang bigyan ng pansin ang mga salitang ito ni Hesus sa Ebanghelyo. Sa mga salitang ito, maliwanag na itinuro ng Panginoong Hesus ang tunay na layunin ng pagsunod sa Kanyang mga utos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. Itinuro ng Panginoong Hesus na hindi lamang tungkol sa mga gantimpala ang pagsunod sa Kanyang mga utos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. 

Para sa Panginoon, hindi dapat tinitingnan ng bawat isa ang pagsunod sa Kanyang mga utos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang sa katapusan bilang isang tiket sa langit. Oo, may gantimpala si Kristo sa mga mamumuhay nang may kababaang-loob at kabanalan hanggang sa huli. Oo, gagantimpalaan ng Panginoon ang lahat ng mga susunod sa Kanya at mananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. Pero, hindi dapat nakatuon ang pansin ng bawat isa sa gantimpala lamang. Hindi lamang ito tungkol sa gantimpala. Ang gantimpala ng Panginoon ay hindi dapat maging una o kaisa-isang dahilan ng pagsunod sa Kanya at pananatiling tapat sa Kanya. 

Ang tunay na layunin ng pagsunod sa Panginoon at pananatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli ay ihayag ang ating pag-ibig sa Kanya. Ang pamumuhay nang may kababaang-loob at kabanalan hanggang sa huli ay paghahayag ng ating pag-ibig sa Kanya. Iyan ang dapat natin isaisip. Iyan ang dapat maging dahilan ng ating pagsunod sa mga utos ng Diyos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos at pananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas, nahahayag ang ating pagmamahal at pagsamba sa Kanya. 

Ito ang binigyang-pansin ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa noong sinabi niyang siya at ang iba pang mga apostol ay "laging nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Kristo upang . . . mahayag ang Kanyang buhay" (2 Corinto 5, 11). Ito ang dapat maging mentalidad natin. Gawin ang lahat para kay Kristo upang ihayag ang Kanyang kadakilaan. Sa pamamagitan nito, ipinapakita natin na Siya'y tunay nating minamahal at sinasamba. 

Tulad ni Apostol Santo Santiago Mayor, mahihirapan tayong unawain ito sa una pa lamang. Pero, unti-unti rin natin itong mauunawaan at mamumulat sa katotohanang ito. Ang pamumuhay nang may kabanalan at kababaang-loob ay ginagawa upang mahayag ang ating pagmamahal sa Panginoong Hesukristo. Dahil sa ating pag-ibig sa Kanya, handa tayong talikuran ang ating mga sarili para sa lalong ikadarakila ng Kanyang Kabanal-banalang Ngalan. 

Biyernes, Hulyo 17, 2020

BINABAGO NG MINAMAHAL

22 Hulyo 2020 
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena 
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang pagpapakita ng Panginoong Hesukristo kay Santa Maria Magdalena matapos ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Sa sandaling ito, si Hesus ay naghatid ng pagbabago kay Santa Maria Magdalena. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, si Magdalena ay natagpuang umiiyak. Siya'y napuspos ng hapis at lungkot dahil ang bangkay ni Hesus ay nawawala. Akala niya noong una'y ninakaw ang bangkay ni Hesus. Subalit, nang magpakilala sa kanya ang Panginoon, ang kanyang puso ay napuspos ng tuwa. Ang hapis at lungkot ay tuluyan nang naging tuwa at galak dahil sa Muling Nabuhay na si Hesus. 

Naghahatid ng pagbabago ang Panginoon sa bawat isa dahil sa Kanyang pag-ibig para sa bawat isa sa atin. Tunay Niya tayong minamahal. Dahil sa pag-ibig na iyon, binibigyan Niya tayo ng pagkakataong baguhin ang ating mga sarili. Ganyan tayo ka-mahal ng Panginoon. Binibigyan Niya tayo ng pagkakataong magbago. Tayong lahat ay binibigyan ng pagkakataon upang baguhin ang ating sarili para sa ating ikabubuti. Kabutihan ang idudulot ng pagbabagong kaloob ng Panginoon. 

Binigyang-pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Unang Pagbasa ang pagbabagong kaloob ng Panginoon. Sabi niya na ang mga nakikipag-ugnayan kay Kristo ay mga bagong nilalang (2 Corinto 5, 17). Ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon ay naghahatid ng pagbabago. Ang mga nais magkaroon ng malalim na ugnayan sa Kanya ay dapat maging handa sa pagbabagong kaloob Niya. Hindi maaaring makipag-ugnayan kay Kristo ang mga hindi tatanggap sa pagbabagong hatid Niya. Kung nais nating magkaroon ng isang malalim na ugnayan kay Kristo, dapat nating tanggapin ang pagbabagong kaloob Niya. 

Ang pagbibigay ng pahintulot kay Kristo na baguhin tayo ay isang pagpapahayag ng ating pagmamahal sa Kanya. Kung tunay nga natin Siyang minamahal, tulad na lamang ng halimbawa ng dalawang nagmamahalan sa Unang Pagbasa, hindi natin Siya hahadlangan sa paghahatid ng pagbabago sa ating buhay. 

Pagbabago ang alok ng minamahal nating Panginoong Hesus sa atin. Kung tunay nga nating minamahal ang Panginoong Hesus, ang inaalok Niyang pagbabago ay ating tatanggapin. Pahihintulutan natin Siyang baguhin ang ating buhay.