Miyerkules, Disyembre 9, 2020

ANG SENTRO NG SIMBANG GABI

16 Disyembre 2020 
Misa de Gallo/Simbang Gabi - Unang Araw 
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36 



Tuwing sasapit ang gabi ng ika-15 ng Disyembre o ang madaling araw ng ika-16 ng Disyembre taun-taon, sinisimulan ng Simbahan sa Pilipinas ang masikat na kaugalian na tinatawag na Simbang Gabi. Ang Simbang Gabi ay ang siyam na araw na inilaan ng Simbahan sa Pilipinas para sa paghahanda ng sarili para sa pagdiriwang ng Kapaskuhan. Sa loob ng siyam na araw na ito, nagsisitungo sa mga Simbahan ang mga Pilipinong Katoliko upang ihanda ang kanilang mga sarili para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang. 

Hindi lamang ang mga Misa para sa siyam na araw o gabi ng tradisyunal na kaugalian na tinatawag na Simbang Gabi ang sentro ng atensyon ng karamihan sa loob ng siyam na araw o gabing ito bago sumapit ang Kapaskuhan. Sa mga nagdaang taon (na wala pang pandemiya), ang mga taong dumalo sa mga Misa para sa siyam na araw o gabi ng Simbang Gabi ay matatagpuang kumakain sa labas ng mga Simbahan. Marahil ay kumakain ng mga pagkaing tulad ng puto bumbong o bibingka sa labas mismo ng Simbahan o 'di kaya kumakain sa mga fast food chain tulad ng Jollibee, McDo, o kaya Pancake House. 

Sa paglipas ng mga taon, lalo na sa mga taong walang pandemiya, dumadami ang mga taong dumadalo sa mga Misa para sa Simbang Gabi. May mga taong kasama ang kanilang mga kasintahan. Kung hindi man kasintahan ang kasama nilang magsimba, kasama nila ang kanilang kinukursunada at nais ligawan. May mga taong pumupunta sa Simbahan para makahanap ng kasintahan. Mayroon ring mga taong wagas kung makapagporma. Habang dumadami ang mga taong dumadalo sa Simbang Gabi, masasabi nating dumadami ang iba't ibang mga gimik tuwing sasapit ang tradisyunal na siyam na umaga o gabing ito. 

Wala namang masama sa paghahanap ng kasintahan o pagliligawan. Hindi rin masama ang kumain pagkatapos ng Misa para sa siyam na umaga o gabi ng Simbang Gabi. Subalit, ang problema na lamang ay kapag ang isa sa mga ito ang naging sentro ng atensyon o dahilan kung bakit dumadalo ang maraming tao sa mga Misa para sa siyam na umaga o gabi ng Simbang Gabi. Kapag may ilang taong nagsabi na dumadalo sila sa mga Misa para sa Simbang Gabi para lamang kumain ng puto bumbong, makipagligawan, makipaglandian o 'di kaya humanap ng kasintahan, isa na iyang malaking problema. 

Bakit idinadaos ang Simbang Gabi? Sino o ano ang dapat maging sentro ng atensyon sa Simbang Gabi? Ipinaliwanag sa mga Pagbasa ang tunay at kaisa-isang dahilan kung bakit mayroong Simbang Gabi. Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Isaias ang pangako ng Panginoong Diyos sa Kanyang bayan. Ang panahon kung kailan ililigtas ng Diyos ang Kanyang bayan ay malapit na (Isaias 56, 1). Nalalapit na ang pagsapit ng panahong ililigtas ng Panginoong Diyos ang Kanyang bayan. Tinupad nga ng Diyos ang Kanyang pangako. Tinupad Niya ito sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Inihayag ni Hesus sa Ebanghelyo na ang Kanyang mga gawa ang nagpapatotoo at nagpapatunay na Siya'y tunay ngang isinugo ng Diyos Ama (Juan 5, 36). Ginawa Niya ang mga ipinagagawa sa Kanya ng Ama upang patunayan ang katapatan ng Diyos. Ang Diyos ay tapat sa Kanyang mga pangako. Hindi nakalimutan ng Banal na Santatlo ang pangakong binitiwan.  

Malinaw na itinuturo ng mga Pagbasa para sa unang araw ng Simbang Gabi kung bakit idinadaos ang mga Misa sa loob ng siyam na araw na ito. Hindi ito tungkol sa mga pagkaing katulad na lamang ng puto bumbong o bibingka. Hindi rin ito tungkol sa paghahanap ng kasintahan, pagliligawan, o pakikipaglandian. Bagkus, ang siyam na araw ng Simbang Gabi ay tungkol sa Panginoong Hesus, ang Sanggol na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. 

Isa lamang ang sentro ng Simbang Gabi. Si Kristo, ang Diyos na nagkatawang-tao at dumating sa daigdig. Sa pamamagitan ni Kristo na dinala ng Mahal na Ina sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan, dumating ang Diyos sa daigdig upang iligtas ang Kanyang bayan. Sa pamamagitan ni Maria, ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay dumating sa daigdig. 

Linggo, Disyembre 6, 2020

PAGHAHANDA AT PAGHIHINTAY NANG BUONG TUWA'T GALAK

13 Disyembre 2020
Ikatlong Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B) 
Isaias 61, 1-2a. 10-11/Lucas 1/1 Tesalonica 5, 16-24/Juan 1, 6-8. 19-28


Tuwing sasapit ang Ikatlong Linggo ng Adbiyento, ang bawat isa sa atin ay pinaaalalahanan ng Simbahan na magalak. Tayong lahat ay dapat matuwa at magalak habang hinihintay at pinaghahandaan ang pagdating ng Panginoon. Hindi dapat mapuno ng lungkot o inip ang ating paghihintay at paghahanda ng sarili para sa pagdating ng Panginoon. Bagkus, ito ay dapat mapuno ng tuwa at galak. Dapat tayong matuwa at magalak sapagkat darating ang Panginoon. 

Kung tutuusin, ang paghihintay at paghahanda ng sarili sa panahong ito ay tanda ng tuwa at galak. Ang paghihintay at paghahanda ng sarili ay sagisag ng ating paghahangad na masalubong ang Panginoon sa Kanyang pagdating. Isa lamang ang dahilan kung bakit dapat mapuno ng tuwa at galak ang ating paghihintay at paghahanda sa panahong ito - ang Panginoon. Ang Panginoon na hinihintay at pinaghahandaan natin sa panahong ito ay maghahatid ng tuwa't galak sa lahat ng mga naghihintay at naghahanda ng sarili para sa Kanyang maluwalhating pagdating nang buong galak at katapatan. 

Ang sabi ni Apostol San Pablo sa simula ng Ikalawang Pagbasa: "Magalak kayong lagi; maging matiyaga sa pananalangin" (1 Tesalonica 5, 16). Inilarawan naman niya sa wakas ng Ikalawang Pagbasa ang nag-iisang dahilan kung bakit dapat magalak ang bawat isa: ang Diyos ay tapat (1 Tesalonica 5, 24). Ang bawat isa sa atin ay dapat mapuspos ng tuwa at galak sa ating paghihintay at paghahanda dahil tapat ang Diyos sa Kanyang pangako. Darating Siya upang iligtas ang bawat isa sa atin.

Matagal nang tapat ang Panginoong Diyos sa Kanyang mga pangako. Walang pangakong isinira o hindi tinupad ang Panginoon. Laging tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. Isang halimbawa nito ay ang pagtupad sa pahayag sa Unang Pagbasa sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Tinupad ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus ang pangakong inilarawan sa pahayag tungkol sa Kanyang lingkod sa Unang Pagbasa. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni San Juan Bautista na malapit nang dumating ang ipinangakong Mesiyas. Darating ang ipinangakong Mesiyas na kasunod niya. Lilitaw ang ipinangakong Manunubos. Si San Juan Bautista ang katibayan na nalalapit na ang katuparan ng pangako ng Diyos. Nalalapit na ang panahong darating ang ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo. Darating ang Diyos sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus upang iligtas ang Kanyang bayan. Dumating si San Juan Bautista upang ihayag sa lahat na malapit nang matupad ang ipinangakong pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. 

Isa lamang ang dapat nating tandaan habang tayo'y naghihintay at naghahanda para sa pagdating ng Panginoon - tapat Siya sa Kanyang mga pangako. Hindi Niya sinisira ang Kanyang mga pangako. Lagi Niyang tinutupad ang Kanyang mga pangako. Iyan ang dahilan kung bakit dapat tayo'y matuwa't magalak habang hinihintay at pinaghahandaan natin ang Kanyang pagdating. 

Paano tayo makakapaghanda nang mabuti habang hinihintay natin nang may kagalakan sa ating mga puso't kaluluwa ang pagdating ng Panginoon? Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na maging bukas sa Espiritu Santo, tanggapin ang Salita ng Diyos, at maging mabuti. Hayaan natin ang Panginoong Diyos na pabanalin ang bawat isa sa atin (1 Tesalonica 5, 19-23). Kung iyan ang ginawa natin, inihahayag natin ang ating katapatan sa Diyos. Ang mga tunay na naghahanda para sa pagdating ng Panginoon nang may tuwa't galak ay ang mga tunay na matapat sa Kanya hanggang sa huli. 

Isa lamang ang ipinapaalala sa atin ngayong Linggo - ang Diyos ay tunay na matapat. Wala Siyang pangakong sinisira. Hindi Niya isinisira ang Kanyang mga pangako kailanman. Ang Kanyang mga pangako ay lagi Niyang tinutupad. Kaya naman, dapat nating hintayin at paghandaan ang pagdating ng Panginoon nang buong tuwa't galak. Ang ating tuwa't galak habang hinihintay at pinaghahandaan ang Kanyang pagdating ay tanda ng ating katapatan sa Kanya. 

Sabado, Disyembre 5, 2020

ANG DIYOS NA MAPAGTAGUMPAY

12 Disyembre 2020
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe 
Zacarias 2, 14-17/Judith 13/Lucas 1, 39-47 (o kaya: 1, 26-38)


Angkop na angkop Salmo para sa pistang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito, "Pinupuri Kang lubusan ng lahat sa ating bayan" (Judith 15, 9d). Ang mga salitang ito ay nasambit matapos ang tagumpay na nakamit ni Judith laban sa mga taga-Asiria. Pinugutan ni Judith ang ulo ng pinuno ng mga hukbo ng mga taga-Asiria na si Holofernes upang makamit ang tagumpay para sa bayang Israel. Katunayan, ang mga talata sa Salmo ay ang mga salitang nasambit ng pinuno ng Betulia na si Uzias matapos ipakita ni Judith ang ulo ni Holofernes bilang katibayan ng kanyang tagumpay. 

Bagamat ang mga salita sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ay tungkol kay Judith na nagkamit ng tagumpay para sa bayang Israel sa pamamagitan ng pagpaslang kay Holofernes, magandang tingnan ito sa anggulo ng mga taong nagpupuri sa Diyos. Maaari natin tingnan at pagnilayan ang mga salitang ito mula sa prespektibo ng mga taong nagpupuri sa Diyos. Ang Panginoong Diyos ay pinupuri at pinasasalamatan ng bawat tao dahil sa Kanyang tagumpay. Ang Diyos ay nagkamit ng tagumpay. Kaya, Siya'y pinasasalamatan at pinupuri ng lahat ng tao nang buong kagalakan. 

Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nagbitiw ng isang pangako sa bayan ng Sion. Siya'y darting at maninirahan sa piling ng Kanyang bayan. Ang lahat ng mga bansa ay magpupuri't magpapasakop sa Kanya (Zacarias 2, 14-15). Siya'y kikilalanin ng lahat ng bansa bilang tunay at kaisa-isang Diyos na nagkamit ng tagumpay para sa lahat. Sa Ebanghelyo, ang Mahal na Birheng Maria ay dumalaw sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Nang siya'y dumating sa bahay ni Elisabet, si Maria ay kinilala ng kanyang kamag-anak bilang ina at tagapagdala ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Hindi lamang si Elisabet ang kumilala sa presensya ni Kristo sa sinapupunan ni Maria. Ang sanggol sa sinapupunan ni Elisabet na si San Juan Bautista ay kumilala rin sa presensya ni Hesus sa sinapupunan ni Maria. Kaya, gumalaw sa tuwa ang sanggol na si San Juan Bautista sa sinapupunan ni Elisabet. Noong siya'y dumalaw sa tahanan ng kanyang kamag-anak na si Elisabet, hindi lamang dinala ni Maria ang kanyang sarili. Bagkus, dinala rin niya ang Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Tagapagligtas. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo at ang ipinangakong Manunubos, mahahayag ang tagumpay ng Diyos. Ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus ay dumating bilang sanggol na dinala ng Mahal na Inang si Maria sa kanyang sinapupunan upang ihayag ang tagumpay ng Diyos. 

Kaya naman, kasama ng Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Guadalupe, sama-sama nating purihin nang buong puso't kaluluwa ang Panginoon (Lucas 1, 46). Buong galak nating purihin ang butihing Panginoong Diyos na nagkamit ng tagumpay. Ang Kanyang tagumpay ay hindi lamang para sa Kanyang sarili kundi para sa lahat. 

Huwebes, Disyembre 3, 2020

INMACULADA CONCEPCION: LARAWAN NG PAG-IBIG NG DIYOS

8 Disyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria 
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38 



Magandang pagnilayan sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria ang mga salitang nakasulat sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: "Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo'y Kanyang itinalaga upang maging mga anak Niya sa pamamagitan ni Hesukristo. Iyan ang Kanyang layunin at kalooban" (Efeso 1, 4-5). Katunayan, ipinapaliwanag ng mga salitang ito sa pangaral ni Apostol San Pablo kung bakit ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria ay naganap at naging bahagi ng kasaysayan ng kaligtasan. Niloob ng Diyos na mangyari ito sapagkat tunay Niyang minahal ang sangkatauhan. 

Dahil iniligtas ng Diyos ang Birheng Maria mula sa bahid ng kasalanan bago siya isilang sa mundong ito, siya'y naging marapat na dalhin ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagdalaw ng Arkanghel na si San Gabriel kay Maria upang iparating sa kanya ang balita tungkol sa pagkahirang sa kanya ng Diyos upang maging ina ni Kristo. Ang Birheng Maria ay hinirang ng Diyos upang dalhin sa kanyang sinapupunan ang ipinangakong Tagapagligtas na si Kristo. Niloob ng Diyos na mangyari ito. Iyan ang dahilan kung bakit nangyari ang Inmaculada Concepcion. 

Sa pamamagitan ng Inmaculada Concepcion, ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa sangkatauhan. Ang Inmaculada Concepcion ay ang unang bahagi ng dakilang plano ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang hudyat na itutuloy ng Diyos ang Kanyang planong pagtubos sa sangkatauhan. Kahit na ang sangkatauhan ay nalugmok sa sala dahil sa pagsuway ni Eba at Adan sa utos ng Diyos gaya ng isinalaysay sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay hindi tumigil sa pagpapakita ng pag-ibig sa sangkatauhan. Inibig pa rin Niya ang sangkatauhan sa kabila ng kanilang paulit-ulit na pagsuway sa Kanya. Dahil diyan, ang Panginoon ay gumawa ng plano upang iligtas ang sangkatauhan. Katunayan, ang Panginoong Diyos na rin mismo ang naghayag sa sarili Niyang planong pagtubos sa tao noong sinabi Niyang ang binhi ng babae ang dudurog sa ulo ng ahas (Genesis 3, 15). Natupad ang pangakong tio ng Diyos sa pamamagitan ni Hesus na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan. 

Ang Inmaculada Concepcion ay larawan ng pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan ng Inmaculada Concepcion, sinimulan ng Diyos ang Kanyang planong pagtubos sa sangkatauhan. Kahit na hindi naman kailangan itong gawin ng Panginoong Diyos, ipinasiya pa rin Niya itong gawin dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. 

Martes, Disyembre 1, 2020

ALIW AT PAG-ASA

6 Disyembre 2020 
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B) 
Isaias 40, 1-5. 9-11/Salmo 84/2 Pedro 3, 8-14/Marcos 1, 1-8 



Ang panahon ng Adbiyento ay inilaan sa paghihintay at paghahanda para sa pagdating ng Panginoon. Tuwing sasapit ang panahon ng Adbiyento, ang bawat isa sa atin ay pinaaalalahanan na may darating. Darating ang Panginoon. Kaya naman, dapat nating ihanda ang ating mga sarili habang hinihintay natin ang Kanyang maluwalhating pagdating. Kailangan nating ihanda ang ating mga sarili sa panahong ito ng Adbiyento upang tayo'y maging marapat na sumalubong sa butihing Panginoon na nangakong darating. 

Tinutulungan tayo ng mga Pagbasa para sa Linggong ito na panatilihin ang sigla sa ating paghihintay at paghahanda ng sarili. May mga pagkakataon sa buhay kung saan tayo ay naghihintay at naghahanda. Subalit, bigla na lamang tayo nanlalamig at nawawalan ng gana. Nakakalimutan na natin kung ano ang ating pinaghahandaan. Dahil diyan, nawawalan tayo ng motibasyon na maging handa at alisto sa panahong ito ng Adbiyento. Tinatanong natin kung may silbi pa ang ginagawa nating paghihintay at paghahanda ngayong panahon ng Adbiyento. Marahil nawawalan rin ng pag-asa ang ilan sa atin. 

Kung tutuusin, isa lamang ang tinatalakay sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Bukod sa pagtalakay tungkol sa pagdating ng Panginoon, ipinapakilala Siya sa mga Pagbasa bilang tagaaliw ng bawat isa. Iyan ang temang nais bigyan ng pansin sa mga Pagbasa. Ang ating hinihintay at pinaghahandaan sa panahon ng Adbiyento ay walang iba kundi ang Panginoon na naghahatid ng aliw. Aliw ang hatid ng Panginoon sa bawat isa sa atin sa Kanyang pagdating. 

Sa Unang Pagbasa, tinalakay ang pagdating ng Panginoon. Ang Panginoon ay darating upang kalingain, patnubayan, ingatan, at iligtas ang Kanyang kawan. Iyan rin ang tinalakay ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Sabi pa nga ni Apostol San Pedro na ang Panginoon ay may ipinangakong bagong langit at bagong lupa (2 Pedro 3, 13). Sa Ebanghelyo, nangaral si San Juan Bautista sa lahat ng mga taong taga-Herusalem at taga-Judea na nagtungo sa ilang upang pakinggan siya. Siya'y nangaral tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos upang ihanda sila para sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi si Hesus. Si Kristo ang ipinangakong Tagapagligtas na darating. 

Isa lamang ang layunin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Tulungan tayong umasa sa Panginoon. Aliwin ang bawat isa sa atin. Palakasin ang ating mga puso at kalooban. Palakasin ang ating pag-asa sa Panginoon. Ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito na ang hinihintay at pinaghahandaan natin sa panahong ito ay ang Panginoong nagbibigay ng aliw at pag-asa. 

Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Huwag tayong panghinaan ng loob. May nangakong darating. Ang Panginoon ay nangakong darating. Tutuparin Niya ang Kanyang pangako. Ang naghahatid ng aliw at pag-asa ay laging tumutupad sa pangako. Habang hinihintay natin ang katuparan ng pangako ng Panginoon, ating ihanda ang ating mga sarili buong puso't kaluluwa. 

Huwebes, Nobyembre 26, 2020

SIYA BA ANG ATING HINIHINTAY AT PINAGHAHANDAAN?

29 Nobyembre 2020 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (B) 
Isaias 63, 16b-17. 19b; 64, 2b-7/Salmo 79/1 Corinto 1, 3-9/Marcos 13, 33-37 



Isang panibagong taon ang sinisimulan ng Simbahan sa Linggong ito. Sa unang araw at unang Linggo ng bagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan, binibigyan ng pansin ang kahalagahan ng paghihintay. Katunayan, ang isang panibagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagpasok sa isang panahong inilaan sa paghihintay at paghahanda. Ang panahong iyon ay walang iba kundi ang Panahon ng Pagdating ng Panginoon na tinatawag ring panahon ng Adbiyento. 

Sa pangalan pa lamang ng panahong ito sa Kalendaryo ng Simbahan, agad nating malalaman kung sino o ano ang hinihintay natin. Ang Panginoon ay ating hinihintay. Siya ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating paghihintay. Katunayan, dalawang ulit na nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa paghihintay sa Panginoong Hesukristo sa Ikalawang Pagbasa. Ang Panginoong Hesukristo lamang ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating paghihintay. Sa ating buhay-espirituwal, mahalaga ang paghihintay dahil darating si Kristo. 

Habang tayo'y naghihintay para sa pagdating ng Panginoon, hindi tayo dapat nagtutunganga lamang. Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo para sa Linggong ito na dapat maging maingat at handa sa lahat ng oras (Marcos 13, 33). Kailangang paghandaan ang pagdating ng Panginoong Hesus. Hindi tayo dapat magpaloko sa mga mapagpanggap at mga nagnanais na tayo'y ilayo mula sa landas ng kabanalan. Kailangan nating mag-ingat mula sa mga huwad na tagasunod at tagapangaral na walang ibang hangad kundi linlangin at ipahamak ang bawat isa sa atin. Kailangan nating ituon ang ating pansin sa Panginoon sa lahat ng oras. Huwag tayong magpaloko o magpasilo. Manatiling tapat kay Kristo. 

Kapag pinaghandaan natin nang mabuti ang ating mga sarili para sa pagdating ng Panginoon, inihahayag natin ang ating katapatan sa Kanya. Kapag nanatiling tapat ang bawat isa sa atin kay Kristo, nahahayag ang ating pag-asa sa Kanya. Umaasa sa Panginoong Diyos ang mga tapat sa Kanya, katulad na lamang ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Ang mga tunay na matapat sa Panginoon ay ang mga tunay na umaasa sa Kanya. 

Magagawa natin ang iniuutos ni Hesus sa Ebanghelyo kung Siya talaga ang ating hinihintay. Kaya, mahalagang pagnilayan at pag-isipang mabuti kung sino o ano ba talaga ang sentro ng ating paghihintay at paghahanda. Ngayong Unang Linggo ng Adbiyento, tanungin natin ang ating mga sarili kung si Hesus ba talaga ang ating hinihintay at pinaghahandaan. Tayo ba ay tapat sa Kanya? Tayo ba ay umaasa sa Kanya? 

Biyernes, Nobyembre 20, 2020

KAKAIBANG KATANGIAN

22 Nobyembre 2020 
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (A) 
Ezekiel 34, 11-12. 15-17/Salmo 22/1 Corinto 15, 20-26. 28/Mateo 25, 31-46 


Kapag naririnig o nababasa natin ang salitang "hari", ang karaniwang larawan na pumapasok sa ating isipan ay ang posisyon ng hari sa lipunan. Taglay ng isang hari at pati na rin ang reyna ang pinakamataas na posisyon o antas sa lipunan. Taglay niya ang lahat ng kapangyarihan at kayamanan. Maaari ring sabihin na ang agwat sa posisyon ng isang hari (at reyna) at ng karamihan ng mga taong nakatira sa mga bayang kinasasakupan niya ay malaki-laki rin. Tila nasa kanya na ang lahat, gaya ng isang linya mula sa isang masikat na awitin. 

Hindi lamang iyan. Kapag pumapasok sa ating isipan ang salitang "hari", ang mga katangiang madalas nating isipin ay ang pagiging malupit at mapagmataas ng hari. Ang hari lamang ang dapat sundin. Siya ang pinakamakapangyarihan sa buong bansa o bayan. Siya ang batas na dapat sundin. Siya lamang ang may kakayahang gumawa o lumikha ng mga batas. Anuman ang kanyang sabihin o iutos ay dapat sundin. Wala nang dapat itanong pa. Hawak ng hari ang lahat ng kapangyarihan. Taglay ng hari ang pinakamataas at pinakamakapangyarihang posisyon. 

Ang huling araw ng Linggo ng taon sa Kalendaryo ng Simbahan ay inilaan para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan na tinatawag ring Linggo ng Kristong Hari. Sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari, magandang bigyan ng pansin ang mga katangian ng Panginoon bilang isang hari. Anong uri ng hari si Kristo? Ano ba ang mga katangian ni Kristo bilang isang hari? Paano nga ba naiiba ang pagkahari ng Diyos sa pagkahari ng tao? 

Sabi ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Ezekiel sa Unang Pagbasa na Siya mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa Kanyang kawan (34, 11). Sa Ikalawang Pagbasa, sinabi ni Apostol San Pablo na dumating sa daigdig ang muling pagkabuhay sa pamamagitan ng isang tao na walang iba kundi si Hesus (1 Corinto 15, 22). Sa Ebanghelyo, inilahad ni Hesus ang Paghuhukom sa wakas ng panahon sa pamamagitan ng talinghaga tungkol sa mga tupa at mga kambing. 

Malinaw na binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa ang pagiging malapit ni Hesus sa Kanyang kawan o pinaghaharian. Kahit na isa Siyang hari, hindi Niya nilalayo ang Kanyang sarili mula sa Kanyang kawan. Hindi Niya ginagamit ang Kanyang posisyon o antas upang ilayo ang Kanyang sarili mula sa Kanyang kawan. Hindi Niya ginagamit ang Kanyang pagkahari upang ipagmalaki ang Kanyang posisyon bilang isang hari. Bagkus, pinili Niyang gamitin ito upang lalo pang mapalapit sa Kanyang mga tupa. Ginamit ni Hesus ang Kanyang antas bilang Hari ng mga Hari upang alagaan at ingatan ang lahat ng Kanyang kawan. Ang tunay at kaisa-isang Haring si Hesus ay maamo at malapit sa Kanyang kawan. 

Paano nga ba tayo makakapasok sa kaharian ng langit? Ano ang dapat nating gawin upang tayo'y makapasok sa kaharian ng Panginoon sa langit? Tularan ang Kanyang kaamuan. Maging isang lingkod. Huwag maging mapagmataas. Iyan ang nais ituro ni Kristo sa Kanyang talinghaga sa Ebanghelyo. Kapag ang mga gawang inilarawan sa Ebanghelyo ay ating gagawin, matatamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoong Hesus sa Kanyang kaharian sa langit. Iyan ay dahil naipapahayag ng bawat isa sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na iyon ang ating katapatan sa Panginoong Hesukristo, ang tunay na Hari. Ipinapahayag natin ang ating pagtanggap at pagkilala kay Kristong Hari kung gagawin natin ang mga mabubuting gawaing inilarawan Niya sa Ebanghelyo nang taos sa puso. 

Tunay ba nating kinikilala, tinatanggap, at sinasamba si Kristong Hari nang buong puso at kaluluwa? Iyan ang tanong na dapat pagnilayan ngayong Linggo. Kakaiba ang mga katangian ni Kristo bilang tunay na hari. Hindi Siya malupit o marahas. Hindi rin Niya nilalayo ang Kanyang sarili mula sa Kanyang kawan. Bagkus, Siya'y mahinahon at malapit sa Kanyang kawan. Pinaglilingkuran rin Niya ang Kanyang kawan. Iyan rin ang Kaniyang hamon sa ating lahat. Kung kinikilala, tinatanggap, at sinasamba natin si Kristong Hari nang buong katapatan, tutularan nating lahat nang buong puso at kaluluwa ang Kanyang halimbawa.