Linggo, Marso 14, 2021

SAKIT AT LAKAS

IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30) 
"Naganap na." 


"Owaranai yume ga mune no zawameki ga karada wo megutte 
Itami sae ima tsuyosa ni naru yo shinjita michi wo yuku
Watashi wo tsukiugokasu netsu egaki tsudzukete kita sekai e michibiku." 

(An endless dream, a stirring in my chest, run through my body. 
Even pain will become my strength now; I walk down the path I believe in. 
The fever that drives me forward, will lead me to the world I'd been imagining.

Ang mga salitang ito ay mula sa awiting Hapones na pinamagatang "Tsuki Akari" (Ingles: "Moonlight"; Tagalog: "Liwanag ng Buwan"). Isa ito sa dalawang awiting ginamit bilang pangwakas na awit ng anime na pinamagatang Akame Ga Kill. Katunayan, ang umawit ng awiting ito ay ang nagboses sa karakter na si Akame sa nasabing serye. Bagamat puno ng karahasan ang nasabing serye, isa pa rin itong disenteng serye, kung aksyon ang hanap ninyo sa isang anime. Iyon nga lamang, ang mga huling bahagi ng seryeng ito ay magkaiba sa huling bahagi ng manga nito. Subalit, maayos pa rin ito. May mga karakter sa nasabing anime na talagang magugustuhan ninyo. Iyon nga lamang, dahil nagustuhan ninyo sila, hindi kayo matutuwa sa nangyari sa marami sa kanila sa nasabing anime. Isang babala: kung papanoorin ninyo ito at may magustuhan kayong karakter, ihanda ninyo ang inyong mga sarili dahil malulungkot kayo sa kanilang sasapitin. Kahit dati pa itong ipinalabas, taong 2014 pa noong unang naipalabas ang nasabing anime, nakakalungkot ito, lalung-lalo na kung mayroong mga karakter sa anime na ito na talagang nagustuhan ninyo. Madudurog ang inyong mga puso. 

Siguro, ito ang dahilan kung bakit ang nasabing awitin ay ginamit sa mga huling kabanata ng nasabing anime. Napakalungkot ng tono ng awiting ito. Katunayan, ang mga titik ng buong awitin ay napakasakit. Sakit ang inilalarawan ng mga titik ng awiting ito. Sa bahaging ito ng nasabing awitin, inilarawan kung paanong ang sakit ay naging lakas. Kahit labis na nasasaktan, hindi lamang ang pisikal na katawan kundi pati na ang kalooban, itutuloy pa rin ang pagtahak sa landas na pinaniniwalaang matuwid at tama. Kahit labis ang sakit na dinadala, pisikal man, emosyonal, o kung ano pa man iyon, tuloy pa rin ang paglalakbay. Ang hirap gawin. Talagang napakaemosyonal ng nasabing awitin.

Hindi lamang iyan. Sabi pa sa wakas ng nasabing awitin: "Itsumo tsuyoku arou to sou kimeteita no ni" (I had always decided to stay strong). Kahit nasasaktan, pinipilit pa ring maging malakas. Nagpakatatag kahit labis na nasasaktan. Isa itong napakahirap gawin. Yung alam mong nasasaktan ka pero kailangan mo pa ring manatiling matatag habang naglalakbay patungo sa patutunguhan. Hindi natin puwedeng sabihing biro o drama lamang ito dahil totoo ito. 

Hindi biro ang sakit at pagdurusang tiniis ng Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Puro sakit na ang Kanyang tiniis at dinanas mula noong Siya'y dinakip sa Halamanan ng Hetsemani. Si Hesus ay pinagsampal, pinagsuntok, ipinahagupit, pinutungan ng koronang gawa sa tinik, binigyan ng isang kahoy na krus upang pasanin patungong Kalbaryo, at ipinako sa nasabing krus. Wala nang hihigit pa sa dinanas ni Hesus. 

Grabe talaga ang dinanas at tiniis ni Hesus. Kung ginusto Niya, maaari Niya sanang pigilin ang lahat ng iyon. Maaari sanang iwasan at layuan ni Kristo ang landas na ito upang tahakin ang mas magaan at mapayapang daan, kung iyon ang Kanyang naisin. Kung tutuusin, hindi naman Niya kinailangang danasin ang lahat ng iyon. Batid rin Niya kung gaano kasakit ang Kanyang sasapitin kapag tinahak Niya ang landasing iyon. 

Subalit, pinili ni Hesus na tahakin ang landas na ito. Kahit batid Niyang puno ng hapis at sakit ang landas na ito, pinili pa rin Niya itong tahakin. Tiniis Niya ang lahat ng hirap at pagdurusa sa landas na ito. Sa pamamagitan nito, ipinamalas ni Hesus ang Kanyang lakas. Ang mga hirap at sakit ng Panginoong Hesus ay tanda ng Kanyang lakas. Ito ang dahilan kung bakit namutawi mula sa bibig ng Panginoong Hesukristo ang mga salitang "Naganap na!" 

Sa gitna ng hapis at pagdurusa, namalas ang lakas ni Hesus. Ang mga sakit at pagdurusa ng Panginoong Hesukristo ay sagisag ng Kanyang lakas. Kahit na maaari Niyang piliin ang ibang landas na mas maginhawa, pinili pa rin Niya ang landas na puno ng hapis at sakit. Sa pamamagitan ng Kanyang sakit, ipinakita ni Hesus ang Kanyang lakas. Ang lakas na ipagpatuloy ang kalooban ng Ama hanggang sa huli. 

Sabado, Marso 13, 2021

PARA KANINO KA BUMABANGON?

IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28) 
"Nauuhaw Ako." 



"Para kanino ka ba bumabangon?" Ito ang tanong sa mga patalastas para sa isang napakasikat na tatak ng kape. Sa mga patalastas na ito para sa nasabing tatak ng kape, inilalahad ng mga tampok na panauhin ang mga dahilan kung bakit sila gumigising sa umaga at kumakayod sa kanilang mga trabaho. Anuman ang propesyon o hanap-buhay ng bawat tao, mayroon silang dahilan kung bakit kumakayod sila sa trabaho. Pamilya ang isa sa mga dahilan nito. 

Ang Ikalimang Wika ng Panginoong Hesukristo bago Siya mamatay sa krus ay maituturing natin na isang tanong para sa atin. Kahit na ang mga salitang ito ay hindi naman Niya sinambit sa isang patanong na pamamaraan, maaari nating isipin na parang tinatanong tayo ni Kristo. Ano ba ang ating kinauuhawan? Ano nga ba talaga ang dahilan kung bakit tayo gumigising sa umaga at kumakayod sa ating mga trabaho? Ano ba talaga ang nagbibigay ng motibasyon sa atin? 

Hindi porke't ginamit ni Hesus ang salitang "nauuhaw" ay nangangahulugang pisikal na pagkauhaw na ang Kanyang tinutukoy. Hindi lamang iyon ang nag-iisang uri ng pagkauhaw. Madalas nating kasing isipin ang pisikal na pagkauhaw ng tao. Maaari nating isipin na ang lunas sa pagkauhaw ng isang tao ay bigyan lamang siya ng tubig o kahit anumang inumin tulad ng tsaa at soft drinks. Iyan ang madalas nating isipin. Subalit, hindi lamang iyon ang kinauuhawan ng tao. 

Maraming uri ng pagkauhaw. Iba-iba ang kinauuhawan ng tao. Katunayan, ang salitang "pagkauhaw" ay maaari ring mangahulugan motibo. Ang salitang ito ay tumutukoy din sa motibasyon ng bawat tao. Kaya nga, mayroong mga taong "nauuhaw sa dugo." Ibig sabihin, may balak siyang kumitil ng maraming buhay. Ang balak ng taong ito ay pumatay ng maraming tao. Wala nang halaga para sa kanya ang buhay ng kapwa-tao dahil sa balak niyang ito. 

Katulad natin, mayroong motibo ang Panginoong Hesus. Katunayan, iyon ang dahilan kung bakit Siya dumating sa daigdig. Ang Kanyang pagkakatawang-tao sa mundong ito ay mayroong dahilan. Dumating si Hesus sa mundong ito at nagkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan. Nangyari iyon sapagkat iyon ang kalooban ng Ama. Ang kalooban ng Diyos ang nagbigay ng motibasyon kay Hesus na dumating sa daigdig na ito bilang isang tao katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan, upang tayo'y iligtas. Kahit alam Niyang puno ng sakit at pagdurusa ang planong ito, tinupad pa rin Niya ito nang buong katapatan. Ang motibasyon ni Hesus ay ang kalooban ng Ama na binuo dahil sa Kanyang pag-ibig na dakila para sa sangkatauhan. 

Tinatanong tayo ni Kristo sa wikang ito - ano ang nagbibigay ng motibasyon sa atin? Para kanino tayo bumabangon? Ano ang dahilan ng ating paggising sa umaga at pagkayod nang buong kasipagan? 

Biyernes, Marso 12, 2021

ALANG-ALANG SA ATIN

IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34) 
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" 


Bahagi ng ating buhay bilang tao ang mga pagsubok. Wala tayong magagawa upang takasan ito. Kahit ano pa'ng gawin natin, ang mga pagsubok sa buhay ay tiyak na darating. Hindi natin matatakasan ang mga pagsubok sa ating buhay. Gaano pa mang kabuti o kasama ang isang tao, hindi siya magiging ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay. Darating ang pagsubok sa buhay ng bawat tao sa daigdig na ito. Mabuti man o masama ang isang tao, makakaranas sila ng mga pagsubok sa buhay. Iyan ang katotohanan tungkol sa buhay sa mundo. 

Noong tinawag ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol, hindi Niya sinabing magiging ligtas sila sa mga pagsubok sa buhay sa mundo. Balikan man natin ang mga pangaral ni Hesus sa mga Ebanghelyo nina San Mateo, San Marcos, San Lucas, at San Juan, wala tayong mababasa na sinabi Niya sa mga apostol na magiging maginhawa ang kanilang buhay dito sa lupa. Hindi Niya sinabi iyon kailanman. Kung tutuusin, nasabi nga Niya sa Kanyang mga alagad na ang mga ibig maging Kanyang tagasunod ay dapat lumimot sa sarili, magpasan ng sarili nilang mga krus, at sumunod sa Kanya (Mateo 16, 24; Marcos 8, 34; Lucas 9, 23). Maliwanag ang ibig sabihin ni Hesus sa mga salitang ito. Huwag na tayong mag-abala sa pagiging Kanyang tagasunod kung ang hinahanap natin ay isang daan upang makatakas sa mga pagsubok sa buhay. Isa ka mang tagasunod ni Kristo o hindi, makakaranas ka ng mga pagsubok sa buhay. 

Pati nga ang Panginoon mismo ay nakaranas din ng mga pagsubok sa buhay dito sa lupa. Kung tutuusin, mayroon namang kapangyarihan ang Diyos upang magkatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus na may mga reserbasyon. Maaari sana Siyang makaligtas mula sa iba't ibang mga pagsubok sa buhay. Kinailangan Niyang loobin o gustuhin ito. Kung ginusto Niya, hindi na Niya dadanasin ang mga pagsubok sa buhay. Kailangan lamang loobin ito ng Diyos upang iyon ang mangyari. 

Oo, may kapangyarihan ang Panginoon na iligtas tayo nang hindi dumaraan sa mga pagsubok sa buhay dito sa lupa. Oo, maaari sana Siyang maging isang tao katulad natin, maliban sa kasalanan, na ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig na ito. Kung ginusto lamang Niya, hindi na Niya dinanas ang iba't ibang mga pagsubok sa buhay sa mundo. Subalit, hindi iyon nangyari. Bakit? Hindi Niya iyon ginusto. Hindi iyon ang Kanyang kalooban. 

Nang pagpasiyahan ng Diyos na darating Siya sa mundo bilang isang tao sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo, ang lahat ng aspeto ng buhay ng tao, maliban sa kasalanan, ay Kanyang niyakap at tinanggap. Kahit na hindi Niya kailangang gawin ito, ginawa pa rin Niya ito dahil iyon ang Kanyang kalooban. Ito ang dahilan kung bakit ang Ikaapat na Wika ni Hesus mula sa krus ay ang mga unang salita ng Salmo 22. Kung ang Salmo 22 ay babasahin natin nang buo, malalaman natin na isa itong panalangin ng isang dumaranas sa matinding pagsubok sa buhay. Mula sa unang bahagi hanggang sa huling bahagi, inilarawan ng taong ito ang pagtulong ng Panginoong Diyos sa mga dumaraing at tumatawag sa Kanya. 

Pinili ni Kristo na danasin ang lahat ng hirap at pagsubok sa buhay sa mundong ito. Sa ilang, nakaranas Siya ng tukso mula sa demonyong si Satanas. Sa mga sandali bago Siya dakipin sa Hardin ng Hetsemani, nakaranas Siya ng takot. Sa krus, dinasal Niya ang Salmo 22. Ang mga unang salita ng nasabing Salmo ay binigkas Niya nang malakas at marahil tinapos Niyang dasalin ito nang tahimik. Ang lahat ng ito'y patunay na ipinasiya ni Kristo na harapin at danasin ang lahat ng mga pagsubok sa buhay. Ang lahat ng ito ay Kanyang hinarap, dinanas, at tiniis. Ginawa Niya ang lahat ng ito alang-alang sa ating lahat. 

Itinuturo ng Ikaapat na Wika ng Panginoong Hesus bago Siya mamatay sa krus na hindi ligtas ang sinuman mula sa mga pagsubok sa buhay sa daigdig na ito. Kahit nga ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay hindi naging ligtas mula sa mga ito. Kahit na mayroon naman Siyang kapangyarihan upang iligtas ang Kanyang sarili mula sa mga ito, ipinasiya Niya itong harapin, pagdaanan, at tiisin. Ginawa Niya ito alang-alang sa ating lahat. 

Huwebes, Marso 11, 2021

KAPATID AT KAPAMILYA NATIN ANG MESIYAS

IKATLONG WIKA (Juan 19, 25-27) 
"Ginang, narito ang iyong anak . . . Narito ang iyong ina!" 


Isinalungguhit sa koro ng isang awit-parangal sa Mahal na Birheng Maria na pinamagatang "Mariang Ina Ko" ang kanyang papel bilang ina ng Simbahan at ang papel ng Panginoong Hesukristo bilang kapatid ng lahat. Sabi sa koro ng nasabing awit-parangal sa Mahal na Ina, "Mariang Ina ko, ako ri'y anak mo. Kay Kristong Kuya ko, akayin mo ako." Si Hesus ay hindi lamang kinikilala sa awiting ito bilang Panginoon at Tagapagligtas lamang. Kinikilala rin si Kristo sa nasabing awit bilang kapatid ng lahat ng Kristiyano. Ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesus ay ang ating kapatid dahil tayong lahat ay anak rin ni Maria. Tayong lahat ay bahagi ng pamilya ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Paano tayo naging bahagi ng pamilya ng Panginoong Hesukristo? Ang bawat isa sa atin ay mga tao lamang. Mga abang makasalanan. Alam naman natin na tunay na Diyos si Hesus. Bilang tunay na Diyos, Siya'y perpekto at walang bahid ng kasalanan. Subalit, paano tayo naging bahagi ng Kanyang pamilya? Tayong lahat na dinungisan ng kasalanan ay naging kapatid at kapamilya ni Kristo. Sa kabila ng ating mga nagawang kasalanan, ang bawat isa sa atin ay napabilang sa pamilya ni Kristo. Paano nangyari iyon? 

Sa Ikatlong Wika ng Panginoong Hesus mula sa krus, nahayag kung paanong ang bawat isa sa atin ay naging bahagi ng Kanyang pamilya. Ipinapaliwanag ng Ikatlong Wika ni Hesus bago Siya malagutan ng hininga sa isang napakaikling paraan kung paano tayo naging Kanyang mga kapamilya. Habang nakapako sa krus, ipinagkatiwala ni Hesus ang Mahal na Inang si Mariang Birhen at si San Juan Apostol sa pangangalaga ng isa't isa. Sa mga sandaling iyon, tayong lahat na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ni Hesus ay kinatawan ng minamahal na alagad na si Apostol San Juan. 

Kahit na nakabayubay sa krus, nakuha pa ng Panginoong Hesus na ihayag sa mga sandaling iyon ang Kanyang naisin para sa ating lahat. Nais ng Panginoon na ang bawat isa sa atin ay maging Kanyang mga kapatid. Tila isang paalala sa lahat ang wikang ito ng Panginoon bago Siya mamatay sa krus. Ipinapaalala ng Panginoon sa bawat isa sa atin sa wikang ito ang tunay na dahilan kung bakit ang lahat ng ito ay Kanyang ginawa. Tiniis Niya ang lahat ng hirap at sakit nang sa gayo'y ang bawat isa sa atin ay maging bahagi ng Kanyang pamilya. 

Ang Panginoong Hesus ay namatay sa krus para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Sa pamamagitan nito, binigyan Niya tayo ng pagkakataong maging bahagi ng Kanyang pamilya. Ito rin ang dahilan kung bakit ibinigay Niya sa ating lahat ang Mahal na Birheng Maria na Kanyang Ina. Ang bawat isa sa atin ay ipinagkatiwala ni Hesus sa pangangalaga ng Kanyang Inang si Mariang Birhen upang tayong lahat ay maging kanyang mga anak tulad Niya. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay naging bahagi ng Kanyang pamilya. 

Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo ay tunay na mapalad. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay ang ating kapatid. Ang ating Ina ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Maria. Tayong lahat ay bahagi ng pamilya ng Panginoong Hesukristo. 

Miyerkules, Marso 10, 2021

PAGKAKATAONG MAKASAMA SIYA SA KANYANG KAHARIAN

IKALAWANG WIKA (Lucas 23, 43) 
"Sinasabi Ko sa iyo: ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso." 


Isa sa mga sikat na pelikulang anime ay ang A Silent Voice. Ang pelikulang ito ay hango sa isang manga, katulad ng ibang mga anime, mapa-pelikula man o serye. Maraming paksa o tema ang tinalakay ng nasabing pelikula. Isa sa mga temang tinalakay sa nasabing pelikua ay ang pangalawang pagkakataon. Ang pangunahing lalaking karakter ng pelikulang ito na si Shoya Ishida ay nakaranas ng pangalawang pagkakataon upang baguhin ang kanyang sarili.

Sa unang bahagi ng nasabing pelikula, na ginanap noong nasa elementarya, isang bully si Shoya. Binully niya si Shoko Nishimiya, ang kanyang kaklase sa elementarya na may mahinang pandinig. Si Shoko ay lumipat sa elementaryang paaralan kung saan sina Shoya at ang kanyang mga kaibigan ay nag-aral. Ilang araw o linggo matapos ang paglipat ni Shoko sa nasabing paaralan, binully siya ni Shoya. Lagi niyang nilait at sinaktan si Shoko. Hindi niya inaksaya ang bawat pagkakataon upang i-bully si Shoko. Umabot iyon sa punto kung saan sinira at tinapon ni Shoya ang mga hearing aid ni Shoko sa fountain na matatagpuan sa labas ng nasabing paaralan. Pati ang notebook na ginagamit ni Shoko upang makipagtalastas sa kanyang mga kaklase ay hindi pinatawad. Tinapon rin ito sa fountain sa labas ng paaralan. Dahil lumala ang pambubully kay Shoko, lumipat siya sa ibang paaralan. Si Shoya naman ay binully rin ng ilan sa mga dati niyang kaibigan dahil sa kanyang ginawa. Kung tutuusin, nakisali rin ang ilan sa pambubully kay Shoko. Subalit, hindi sila umamin. 

Nang siya'y naging binata, muling nakatagpo ni Shoya si Shoko sa mataas na paaralang pinuntahan niya. Mula sa pagiging isang bully, naging mahinahon at maingat si Shoya. Nahiya pa nga siya ng kaunti na lumapit at makipagtalastas kay Shoko noong una. Natakot rin sa kanya si Shoko noong una. Sariwa pa rin sa kanilang mga alaala sa mga sandaling iyon ang mga nangyari noong nasa elementarya pa lamang sila. Katunayan, ito rin ang dahilan kung bakit binalak ni Ishida na magpakamatay sa simula ng pelikula. Minumulto pa rin siya ng mga ginawa niya kay Nishimiya noong sila'y nasa elementarya. Subalit, naglakas-loob si Ishida at sinimulan niyang maging malapit kay Nishimiya. Dito nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Dito rin nagsimula ang pagtahak ni Shoya sa daan tungo sa paghihilom at pagbabagong-buhay. 

Ang temang ito na tinalakay sa A Silent Voice, isang pelikulang anime na hango sa isang manga, ay ang aral at mensahe ng Ikalawang Wika ni Kristo mula sa krus. Ang wikang ito ay sinabi ng Panginoon sa isa sa mga salarin na kilala sa tradisyon bilang si Dimas. Si Dimas ay isa sa mga salaring ipinakong kasama ng Panginoong Hesus sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Nasusulat sa Ebanghelyo ni San Juan na si Hesus ay ipinako sa gitna ng dalawang salarin - isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa (19, 18). Isa lamang sa dalawang salaring ito ang pinangakuan ng Panginoon na makakasama Niya sa Paraiso. Si Dimas ang salaring iyon. Sa salaring nagbalik-loob na si Dimas ipinangako ang buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa Paraiso. Kahit na siya'y ipinako sa krus dahil sa salang kanyang ginawa, natamasa niya ang biyaya ng Paraiso dahil sa kanyang pagbabalik-loob. 

Kung babalikan natin ang bahaging ito ng salaysay ng kamatayan ng Panginoon sa krus na matatagpuan sa Ebanghelyo ni San Lucas, mapapansin natin na isa lamang ang kumilala sa awa at habag ng Panginoon. Iyon ay walang iba kundi ang salaring nagtika na si Dimas. Ang isa pang salaring ipinakong kasama ni Hesus sa Kalbaryo na kilala sa tradisyon sa pangalang Hestas ay nakisali rin sa paglilibak sa Kanya. Hindi nagsawa ang mga kaaway ng Panginoong Hesus na nagtipon rin sa bundok ng Kalbaryo na kilala rin bilang Golgota sa paglibak sa Kanya. Dumagdag pa ang mga pagkutya ng salaring si Hestas. Karamihan sa mga salitang narinig ni Hesus sa Kalbaryo ay mga pagkutya sa Kanya. Talaga namang walang kalaban-laban si Hesus sa mga sandaling iyon.

Subalit, sa halip na makisakay sa paglibak kay Hesus, ang salaring si Dimas ay nagpasiyang magbalik-loob sa Diyos. Sa mga huling sandali ng buhay sa lupa, pinili ni Dimas na magtika. Pinili niyang pagsisihan ang kanyang mga kasalanan at humingi ng awa at habag mula sa Diyos. Kahit mukhang huli na ang lahat, nagawa pa rin niyang humingi ng awa at habag mula sa Panginoon. Hindi niya inaksaya ang pagkakataong makapagtika, kahit na dumating ito sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa lupa. Iyon ang dahilan kung bakit ipinangako sa kanya ni Hesus na siya'y isasama Niya sa Paraiso. 

Ipinakita ni Hesus ang Kanyang awa at habag sa salaring nagtika na kilala sa tradisyon sa pangalang Dimas sapagkat nakita Niya ang kaniyang taos-pusong pagtalikod sa kasalanan. Sa kabila ng mga kasalanang ginawa ng salaring ito buong buhay niya, ipinangako pa rin sa kanya ni Kristo na siya'y idadala Niya sa Paraiso. Niloob ni Hesus na gawin ito dahil sa taos-pusong pagsisi at pagbalik-loob ni Dimas. Dahil sa ginawang pagtika ni Dimas, ipinakita ni Hesus sa kanya ang Kanyang awa at habag. Ang awa at habag ni Hesus ay naranasan ni Dimas dahil hindi niya inaksaya ang pagkakataong magbalik-loob. 

Ang aral at mensahe na itinuturo ng Ikalawang Wika ng Panginoong Hesukristo sa krus ay huwag sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay Niya sa bawat isa sa atin upang pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Habang tayo'y nabubuhay sa daigdig, lagi tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataong baguhin ang ating mga sarili. Lagi tayong binibigyan ng pagkakataong makapagsisi sa ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinibigay ng Panginoon sa atin.  

Bakit lagi tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataon makapagsisi sa ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya habang tayo'y nabubuhay pa sa daigdig na ito? Dahil nais Niya tayong makasama sa Kanyang kaharian. Kaya naman, huwag nating sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos upang makapagbalik-loob sa Kanya.

Lunes, Marso 8, 2021

ANG HALIMBAWA NG DIYOS NA NAGKATAWANG-TAO

UNANG WIKA (Lucas 23, 34) 
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." 


Mula nang Siya'y dakipin sa Halamanan ng Hetsemani, hindi tumigil ang mga kaaway ni Hesus sa paglilibak sa Kanya. Nilibak Siya matapos Niyang ihayag na Siya nga ang Anak ng Diyos bilang tugon sa tanong ni Caifas sa Kanya. Si Hesus ay sinampal at sinuntok ng Kanyang mga kaaway habang palibak Siyang tinanong: "Kristo, hulaan Mo nga kung sino ang sumampal sa Iyo!" (Mateo 26, 67-68). Sa mata ng Kanyang mga kaaway, si Hesus ay dapat mamatay dahil sa Kanyang paglapastangan sa Diyos. Subalit, bago nila ituloy ang kanilang plano nilang ipapatay si Hesus, sinimulan nilang kutyain Siya upang mapuno ng sakit at hapdi ang Kanyang kamatayan. Maaari nating sabihin na ang mga kaaway ng Panginoong Hesus ay may pagka-sadista. Binalak nila Siyang saktan nang labis hanggang sa Kanyang pagkamatay. Nais nilang tiyakin na mamamatay si Hesus sa pinakamasakit na pamamaraan. 

Ang paglilibak kay Hesus ay hindi tumigil sa bahay ni Caifas. Nilibak rin Siya sa harapan ni Herodes Antipas. Katunayan, nakisama rin si Herodes Antipas at ang kanyang mga kawal sa paglibak kay Hesus (Lucas 23, 11). Sa pretoryo, noong Siya'y pinutungan ng koronang tinik, nagluhud-luhuran sa Kanyang harapan ang mga kawal ni Poncio Pilato habang binabati Siya ng ganito: "Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!" (Mateo 27, 29; Marcos 15, 18). Nang Siya'y nakabayubay na sa krus sa bundok ng Kalbaryo, nilibak pa rin Siya ng Kanyang mga kaaway. Ang sabi nila, "Iniligtas Niya ang iba, ngunit 'di mailigtas ang sarili. Makita lang nating bumaba sa krus ang Mesiyas na iyan na Hari ng Israel - maniniwala tayo sa Kanya!" (Marcos 15, 32). Hinamon pa nga Siya ng Kanyang mga kaaway nang palibak na iligtas ang Kanyang sarili (Mateo 27, 39; Marcos 15, 29; Lucas 23, 37). Talagang hindi nila inaksaya ang pagkakataon upang kutyain si Hesus nang walang kalaban-laban. 

Hindi lamang nilibak si Hesus. Pinaratangan pa Siya nang walang katotohanan ng Kanyang mga kaaway. Ang mga bintang ng Kanyang mga kaaway laban sa Kanya ay pawang mga kasinungalingan lamang. Kahit walang katotohanan ang mga bintang laban sa Kanya, inilapit pa rin nila ito kina Pilato at Herodes. Paulit-ulit na idiniin ng mga kaaway ni Hesus ang kanilang mga paratang o akusasyon laban sa Kanya, kahit wala namang katotohanan ang mga ito, para lamang sa kanilang balak na iligpit at ipapatay Siya. Sabi na nga mismo ni Pilato na wala siyang makitang kasalanan kay Hesus upang hatulan Siya ng kamatayan. Sabi pa nga na alam ni Pilato na dinala lamang si Hesus ng Kanyang mga kaaway dahil sa inggit (Mateo 27, 18; Marcos 15, 10). Subalit, kahit hindi mapatunayan ng mga kaaway ni Kristo ang kanilang mga maling bintang, nanaig pa rin ang kanilang hiling. 

Sa pamantayan ng tao, masasabing walang ginawa ang Panginoong Hesus. Sa dami ng mga ginawa ng Kanyang mga kaaway laban sa Kanya, pagparatang nang mali at pagkutya, hindi Siya umimik kahit minsan. Subalit, mayroon Siyang ginawa. Habang nakapako sa krus, ang Panginoong Hesus ay nanalangin sa Ama para sa Kanyang mga kaaway. Ang Kanyang panalangin sa Amang nasa langit ay mapatawad ang Kanyang mga kaaway.

Mayroon namang karapatan ang Panginoong Hesukristo na hilingin sa Ama na lipulin at puksain ang Kanyang mga kaaway. Mayroon namang karapatan ang Panginoong Hesus na maghiganti laban sa Kanyang mga kaaway. Hindi naman nagpakita ng awa at habag sa Kanya ang Kanyang mga kaaway. Katunayan, ang mga ginawa ng Kanyang mga kaaway ay hindi makatarungan o matuwid. Isang taong wala sala ang kanilang kinukutya at pinapatay. Kung tutuusin, may karapatan si Hesus na ipatikim sa kanila ang Kanyang galit. 

Oo, may karapatan si Kristo na maghiganti sa Kanyang mga kaaway. Oo, hindi makatarungan ang ginawa kay Kristo. Subalit, sa kabila ng lahat ng ito, pinili ni Kristo na patawarin ang Kanyang mga kaaway. Kahit na labis Siyang sinaktan ng Kanyang mga kaaway, pinili pa rin Niyang patawarin sila. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng pananalangin sa Ama para sa kanila habang Siya'y nakapako sa krus. Kahit labis Siyang nasaktan, nagpakita pa rin Siya ng habag. 

Itinuturo ni Hesus sa wikang ito na ang paghihiganti laban sa mga kaaway ay nakakatukso. Bilang tao, natutukso rin tayong maghiganti laban sa ating mga kaaway o sa mga nagkasala laban sa atin. Naranasan rin ng Panginoong Hesus ang tuksong ito kahit na Siya'y tunay na Diyos. Tinukso nga Siya ng demonyong si Satanas sa ilang bago Niya simulan ang Kanyang ministeryo. Ano pa kaya sa huling sandali ng Kanyang buhay sa Golgota? Hindi Siya naging ligtas mula sa mga tukso sa buhay dito sa daigdig. Subalit, itinuturo rin ni Hesus na mayroon tayong magagawa upang magtagumpay laban sa tuksong ito. Ginawa Niya ito habang Siya'y nakabayubay sa krus. Nanalangin Siya sa Ama para sa Kanyang mga kaaway. Manalangin tayo sa Ama para sa mga nagkasala laban sa atin, lalo na kung hindi pa tayong handang magpatawad. 

Ang pagpapatawad ay hindi madali. Mas madaling maghiganti. Katunayan, ang hangad na maghiganti laban sa mga kaaway ay nakakatukso. Sa totoo lamang, masarap ang pakiramdam kapag nakapaghiganti sa kaaway. Subalit, ang turo ni Hesus sa atin ay patawarin ang mga nagkasala laban sa atin. Hindi naman Niya sinabing madali itong gawin. Hindi rin Niya sinabing patawarin natin ang mga nagkasala sa atin sa loob ng isang araw, isang linggo o isang buwan dahil hindi ito dapat minamadali. Bagkus, sinabi lamang Niya na magpatawad. Gaano man kahirap para sa atin na magpatawad, gaano man katagal ang panahon para sa bawat isa para magpatawad, ang mahalaga, nagpatawad tayo at nag-alay ng panalangin sa Ama para sa mga nagkasala laban sa atin. 

Mahirap magpatawad. Hindi ito madaling gawin. Subalit, gaano man ito kahirap gawin, mayroon tayong kakayahang gawin ito. Tingnan si Hesus, ang tunay na Diyos at tunay na tao. 

INIHANDOG ANG SARILI PARA KAY KRISTO HANGGANG KAMATAYAN

27 Marso 2021 
Paggunita kay San Pedro Calungsod, martir 
Ezekiel 37, 21-28/Jeremias 31/Juan 11, 45-56 


Alam natin na ang Ikalawang Santong Pilipino na si San Pedro Calungsod ay namatay bilang isang martir. Pinatay siyang kasama ni Beato Diego Luis de San Vitores. Ang dahilan ng pagpatay sa kanila bilang mga martir ay ang kanilang pananampalataya kay Kristo. Ang kanilang pananampalataya kay Kristo bilang mga binyagang Katoliko ay hindi nila binitiwan o isinuko kahit na ang kapalit nito ay ang sarili nilang buhay. Kahit na sila'y nasa harap ng matinding panganib at pag-uusig, pinili pa rin nila ang Panginoon. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos na pinili Niya ang bayang Israel upang maging Kanyang bayan. Sabi Niya sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Ezekiel, "Ako ang magiging Diyos nila, sila ay magiging bayan Ko" (37, 21). Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang habag para sa bayang Israel. Sa kabila ng kanilang mga nagawang kasalanan, pinili pa rin sila ng Diyos upang maging Kanya. Binibigyan ng Diyos ang mga Israelita ng isang oportunidad o pagkakataong maging banal para sa Kanya. 

Iyon nga lamang, alam naman natin na binalewala ang pasiyang ito ng Diyos para sa Kanyang bayan. May mga hindi tumanggap sa Kanya. Kahit na nais pa ng Diyos na maging banal ang Kanyang bayan, wala na Siyang magawa kung tinanggihan Siya ng Kanyang bayan. Kahit na pinili sila ng Diyos upang maging Kanyang bayan, may mga pagkakataong hindi nila pinili ang Diyos. Katulad na lamang ng itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo. Ang Diyos na dumating sa daigdig na ito bilang tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus ay hindi tinanggap ng marami. Sabi sa Ebanghelyo na binalak ng Sanedrin na patayin si Hesus. Ang layunin ng isingawang pagpupulong sa Ebanghelyo ay makabuo ng plano kung paanong ligpitin at ipapatay si Hesus. 

Si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay hindi tinanggap ng marami. Ang mga apostol ay hindi rin tinanggap dahil sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Hesus sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Iyon rin ang nangyari sa iba pang mga banal na tao na pinararangalan ng Simbahan. Si San Pedro Calungsod ay isa na rito. Isa lamang ang ibig sabihin noon - ang pagiging Kristiyano ay mahirap talaga. Hindi biro, hindi madali, ang pagiging Kristiyano. 

Alam ni San Pedro Calungsod na mahirap ang buhay ng isang Kristiyano. Alam niya na maaari naman niyang talikuran ang pagiging isang binyagan kung iyon talaga ang kanyang naisin. Subalit, sa kabila ng katotohanang iyon, ipinasiya pa rin ni San Pedro Calungsod na manatiling isang Katoliko hanggang sa huli. Ang katotohanan tungkol sa buhay ng isang binyagan ay kanyang tinanggap nang buong puso. Dahil dito, pinili niyang ihandog ang buo niyang sarili kay Kristo. Ibinigay niya ang buo niyang sarili sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan.  

Pinili ni San Pedro Calungsod na manatiling tapat sa Panginoong Hesukristo at sa Kanyang Simbahan hanggang sa huli. Iyon rin ba ang ating pasiya?