Biyernes, Setyembre 10, 2021

DALAMHATI NG NAGMAMAHAL

15 Setyembre 2021 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35) 

PABATID: Huwag po ninyong babasahin ang unang talata kapag hindi pa ninyo napanood ang "Code Geass: Lelouch of the Rebellion."


Tiyak na naging emosyonal para sa mga nakapanood ng "Code Geass: Lelouch of the Rebellion" ang nangyari sa huling kabanata nito. Sa huling kabanata ng nasabing serye, ibinunyag ang plano ni Lelouch, ang pangunahing karakter ng palabas na ito, matapos niyang sakupin ang maraming bansa sa mundo bilang Emperador ng Britannia. Nang mapagtanto ng kanyang kapatid na si Nunnally ang planong ito ni Lelouch, napaiyak siya. Napagtanto ni Nunnally na ginawa ng kanyang kuyang si Lelouch ang lahat alang-alang sa kanya. Ramdam ng mga manonood ang hapis at dalamhati ni Nunnally dahil sa pagkamatay ng kuyang inibig niyang tunay na si Lelouch. Pinlano ni Lelouch ang kanyang pagkamatay sa kamay ng bagong Zero na si Suzaku para sa kapakanan ng maraming tao. Zero Requiem ang tawag sa planong ito na buo mismo ni Lelouch. 

Ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay tungkol sa pagdadalamhati at hapis. Sa araw na ito, inaanyayahan tayo ng Simbahan na pagnilayan ang hapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Isa lamang ang dahilan ng dalamhati ng Mahal na Birheng Maria - ang pagdurusa ng kanyang Anak na si Hesus. 

Batid naman ng Mahal na Inang si Maria kung ano ang misyon ni Hesus bilang ipinangakong Mesiyas. Subalit, kahit batid pa niya ito dahil iyon ang kalooban ng Diyos, hindi ito nangangahulugang magiging manhid na siya sa mga hirap at sakit na titiisin at dadanasin ni Kristo. Tunay niyang inibig si Kristo na kanyang Anak. Dahil sa pag-ibig na ito, ang sakit na dinanas ni Kristo Hesus ay dinanas din niya sa kanyang puso. Ang mga pagdurusang tiniis ni Hesus ay tahimik ring tiniis ni Maria. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang hirap na tiniis ng Panginoong Hesus nang buong kababaang-loob bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang dalawang sandali sa buhay ng Mahal na Birhen kung saan labis na pagka-hapis ang kanyang naramdaman. Una, noong si Simeon ay nagsalita tungkol sa pagpapakasakit ni Hesus, at pangalawa, noong nasaksihan ng mga mata niya ang mga huling sandali ni Hesus na nakabayubay sa krus. 

Labis pa ring nasaktan si Maria sa mga pagdurusang dinanas ni Hesus, kahit na alam niyang bahagi ito ng kalooban ng Diyos. Patunay ito na tunay niyang minamahal ang kanyang Anak na si Hesus. Dahil sa pag-ibig na ito, ang mga hirap at sakit na dinanas ni Hesus ay dinanas rin ni Maria sa katahimikan. 

Huwebes, Setyembre 9, 2021

KALIGTASAN AT BUHAY ANG KANYANG HANGAD

14 Setyembre 2021 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


Ang pangalan ng pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay "Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal." Tiyak na nababatid natin ang halaga ng krus ni Kristo sa ating pananampalataya bilang isang Simbahan. Ang krus ni Kristo ay sumasagisag sa Kanyang pagligtas sa atin. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ang bawat isa sa atin ay iniligtas ni Kristo sa pamamagitan ng Kanyang krus. Pag-ibig rin ang dahilan kung bakit binigyan tayo ng buhay ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng Kanyang krus. Sa pamamagitan ng Banal na Krus ni Hesus na sagisag ng Kanyang pag-ibig para sa ating lahat, binigyan Niya ng kaligtasan at buhay ang bawat isa sa atin. 

Itinatampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang isa sa mga pinakamasikat na talata sa Banal na Bibliya. Sabi roon na hinangad ng Diyos na maligtas ang bawat tao dahil sa Kanyang pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit dumating sa mundong ito si Hesus. Si Hesus ay isinugo sa daigdig na ito upang iligtas ang sangkatauhan at bigyan sila ng isang bagong buhay bilang mga anak ng Diyos. Ang mga iniligtas ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus ay binigyan Niya ng bagong buhay at kaligtasan. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, nagpamalas si Hesus ng kababaang-loob sa pamamagitan ng gawang ito. Ang kababaang-loob ni Kristo Hesus sa krus ay naghatid ng kaligtasan at bagong buhay sa lahat. Dahil sa Kanyang pag-ibig, buong kababaang-loob ipinasiya ni Hesus na ihandog ang sarili sa krus upang maligtas ang sangkatauhan. 

Sa Unang Pagbasa, inutusan ng Diyos si Moises na gumawa ng ahas na tanso upang mabuhay ang mga Israelitang Kanyang pinarusahan sa ilang. Katulad ng ginawa Niya para sa mga Israelita sa ilang, mayroon Siyang ibinigay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ang Kanyang ibinigay para sa kaligtasan ng lahat ay walang iba kundi ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. 

Muli tayong pinaaalalahanan sa araw na ito na hindi hinahangad ng Diyos ang kapahamakan ng sangkatauhan. Bagkus, ang hangad ng Diyos ay magkaroon ng buhay ang sangkatauhan. Nais Niyang maligtas ang sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit si Hesus ay namatay sa krus at nabuhay na mag-uli. 

Sabado, Setyembre 4, 2021

PATUNAYAN MO

12 Setyembre 2021 
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon [B]
Isaias 50, 5-9a/Salmo 114/Santiago 2, 14-18/Marcos 8, 27-35 


Tila pang-Kuwaresma ang tono ng Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Misa sa Linggong ito. Sa Unang Pagbasa, narinig ang mga salita ng isang lingkod ng Diyos na dumaranas ng pag-uusig sa kamay ng kanyang mga kaaway. Labis-labis at napakatindi ng pagdurusang dinanas ng lingkod na ito ng Panginoon sa kamay ng kanyang mga kaaway. Subalit, ang kanyang katapatan sa Panginoon ay nanatili pa rin. Sa Ebanghelyo, matapos ihayag ni Apostol San Pedro na si Hesus ay ang ipinangakong Mesiyas, inilarawan Niya sa mga apostol kung ano nga ba talaga Siya bilang Mesiyas. Bilang Mesiyas, tutuparin ni Hesus ang mga salita tungkol sa lingkod ng Diyos na nagdurusa sa aklat ni propeta Isaias na itinampok sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Katunayan, si Hesus mismo ang tinutukoy sa propesiyang ito na narinig sa Unang Pagbasa. 

Bakit nga ba nating binabalikan at pinagninilayan muli gayong ang Simbahan ay napapaloob sa Karaniwang Panahon? Tiyak na ilang ulit na natin itong narinig at pinagnilayan, lalung-lalo na kapag Kuwaresma at Mahal na Araw. Ito ay dahil sa Misteryo Paskwal ni Kristo nakasentro ang ating pananampalataya. Kung hindi dahil sa Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesus, walang Simbahan. Dahil dito, ang Misteryo Paskwal ni Kristo ay pinapahalagahan ng Simbahan. Hindi lamang ito isang aspeto ng ating pananampalataya. Ito ang ugat nito. 

Sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesukristo, nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Misteryo Paskwal ay patunay na hindi malayo ang Diyos sa tao. Kahit na Siya'y nasa langit, nasa piling pa rin Siya ng tao. Tunay ang Kanyang pagpapahalaga para sa sangkatauhan. Patunay ito na ang pag-ibig ng Diyos ay totoo talaga at hindi gawa-gawa lamang. 

Ang pangaral ni Apostol Santo Santiago ay para naman sa atin. Inilarawan sa pangaral ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa ang halaga ng mga gawa. Hindi sapat ang mga salita lamang. Kinakailangang may mga gawang magpapatunay sa mga salitang iyon. Kailangang patunayan ang mga salitang binigkas sa pamamagitan ng mga gawa. Kaya, sabi ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa, patay ang pananampalatayang walang gawa (2, 17). 

Isa lamang ang nais ituro sa atin ngayong Linggo: "Patunayan mo!" Kailangan nating magpakatotoo. Kailangan nating patunayan na nagpapakatotoo tayo at hindi peke. Pinatunayan ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Misteryo Paskwal ni Hesus. Kaya naman, kung ang ating pag-ibig at pananampalataya sa Diyos ay tunay, kailangan nating patunayan ito gamit ang ating mga gawa. Hindi sapat ang mga salita lamang. 

Biyernes, Setyembre 3, 2021

MAY SAYSAY ANG MGA BIGAY NG DIYOS

8 Setyembre 2021 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria 
Mikas 5, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 



Sabi sa Pambungad na Antipona para sa Banal na Misa sa napakaespesyal na araw na ito: "Halina't ipagdiwang ang maligayang pagsilang ni Mariang Birheng Mahal na siyang nagluwal sa araw na si Kristong Diyos ng tanan." Napakalinaw kung gaano kahalaga para sa Simbahan ang araw ng Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria. Maaari nating ituring ang mga salitang ito bilang isang maikling paliwanag tungkol sa halaga ng araw na ito. 

Ang araw na ito ay napakaespesyal para sa Simbahan dahil sa misyong ibinigay ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria. Ang Mahal na Birhen ay hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Hindi pangkaraniwan ang misyong ibinigay ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria. Ang Sanggol na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay walang iba kundi ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos. Sa kabila ng hirap ng kalooban ng Diyos, tinupad at sinunod pa rin ito ng Mahal na Birhen. Ang misyong ito ng Mahal na Ina, na binanggit sa Ebanghelyo, ay ang dahilan kung bakit ang araw na ito ay buong galak na ipinagdiriwang ng Simbahan.

Tampok sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ang isang propesiya tungkol sa pagdating ng isang dakilang hari. Ang katuparan ng pangakong ito ng Diyos ay isinasalaysay sa Ebanghelyo. Si Maria na anak nina Santa Ana at San Joaquin ay binigyan ng papel ng Diyos sa katuparan ng propesiyang ito. Inatasan siya upang maging ina ng ipinangakong dakilang hari na walang iba kundi si Kristo. 

Hindi nagbuo ng sariling misyon ang Mahal na Inang si Maria. Iisa lamang ang pinanggalingan ng kanyang misyon. Ang kanyang misyon ay nagmula sa Diyos. Kahit na mahirap itong gawin, tinupad pa rin niya ang misyong bigay sa kanya ng Diyos. Sa pamamagitan nito, itinuturo sa atin ng Mahal na Birheng Maria na ang misyong ibinibigay ng Diyos ay nagbibigay ng saysay sa ating buhay. Ang misyong ibinibigay ng Diyos ay hindi pasakit na walang kabuluhan. Bagkus, ang Diyos ay nagbibigay ng misyon upang bigyan ng saysay ang buhay ng tao. 

Oo, hindi madali ang kalooban ng Diyos para sa atin. Subalit, mayroon pa ring saysay ang pagtupad sa misyong ibinibigay sa atin ng Diyos. Sa mata ng Diyos, ang Kanyang plano para sa bawat isa sa atin ay may mabuting idudulot. Hindi magbibigay ng anumang bagay na walang kuwenta ang Panginoong Diyos. Ang lahat ng mga kaloob ng Diyos ay mayroong saysay. 

Katulad ng Mahal na Inang si Maria, mamulat nawa tayo sa saysay ng misyong ibinibigay sa atin ng Diyos. Maibigay rin nawa natin ang ating matamis na "oo" sa misyong bigay sa atin ng Diyos. Tandaan, may saysay ang mga bigay ng Diyos sa atin. 

Huwebes, Setyembre 2, 2021

LUMAPIT SA NAGPAPANATAG NG LOOB

5 Setyembre 2021 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Isaias 35, 4-7a/Salmo 145/Santiago 2, 1-5/Marcos 7, 31-37 


"Kaluluwa ko, 'yong purihin ang Panginoong butihin" (Salmo 145, 1). Ang mga salitang ito sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ay isang panawagan sa lahat. Tayong mga Kristiyano ay tinatawag upang magbigay ng papuri sa tunay at nag-iisang Panginoong Diyos nang buong puso at kaluluwa hindi lamang sa pamamagitan ng ating mga salita kundi pati na rin sa pamamagitan ng ating mga gawa. Ang pagbibigay ng papuri sa Panginoong Diyos ay hindi dapat gawin isang beses kada linggo lamang kundi araw-araw. Habang mayroon pa tayong hininga, dapat tayong magpuri sa Diyos. 

Bilang tao, madaling magpuri sa Diyos kung panatag ang iyong loob. Sa mga panahon ng kaginhawaan o kung kailan maganda at maayos ang lahat para sa marami, madaling magpuri sa Panginoon. Subalit, hindi madaling magpuri sa Diyos sa mga panahon ng pagsubok. Tila nahihirapan tayong magpuri sa Diyos kapag hindi panatag ang ating loob dahil sa mga bagay na bumabagabag sa atin. Aminin man natin o hindi, iyon ang katotohanan tungkol sa atin bilang tao. Walang makapagsasabing hindi niya naranasan iyon kahit isang beses lamang. 

Ang kapanatagan ng loob na bigay ng Panginoon ay ang pangunahing paksang binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapanatagan ng loob sa Kanyang mga loob, tinutulungan ng Diyos ang Kanyang mga lingkod na pagtagumpayan ang mga pagsubok dito sa mundo. Ito ang dahilan kung bakit ang panawagan sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito ay magpuri sa Panginoon hindi lamang isang beses kada linggo kundi araw-araw. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong maghahatid ng kapanatagan ng loob sa lahat ng tao ang Diyos. Ito rin ang ginawa ni Apostol Santo Santiago sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Isa lamang ang idinidiin ng dalawang Pagbasang ito - ang kapanatagan ng loob na kaloob ng Panginoon. Katunayan, naghahatid ng kapanatagan ng loob ang mga salitang ito na mababasa natin sa dalawang Pagbasang ito. Sa Ebanghelyo, pinagaling ng Panginoon ang isang lalaking bingi at utal. Sa pamamagitan ng himalang ito ni Hesus, ang lalaking ito ay binigyan Niya ng kapanatagan ng loob at pag-asa. 

Muling ipinapaalala sa atin ngayong Linggo na ang Diyos ay ang nagbibigay ng kapanatagan ng loob. Kapag humaharap sa mga pagsubok sa buhay, huwag tayong magdalawang-isip na lumapit sa Diyos. Kapag mayroong mga bagay na bumabagabag sa atin, lumapit tayo sa Diyos. Ang ating mga puso at kalooban ay ipapanatag ng Diyos. Kung paanong binigyan ni Hesus ng kapanatagan ng loob ang lalaking bingi at utal sa Ebanghelyo, ipapanatag rin Niya ang ating mga puso at kalooban. 

Sabado, Agosto 28, 2021

ANG KANYANG DAAN O ANG SARILI NATING DAAN?

29 Agosto 2021 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Deuteronomio 4, 1-2. 6-8/Salmo 14/Santiago 1, 17-18. 21b-22. 27/Marcos 7, 1-8. 14-15. 21-23 


"I faced it all and I stood tall and did it my way." Ang mga salitang ito ay mula sa koro ng isang napakasikat na awiting mula sa dekada '60. Ang awiting iyon ay walang iba kundi ang "My Way" na inawit ni Frank Sinatra. Kung ang mga titik ng nasabing awitin ay sasaliksikin natin nang mabuti, magiging malinaw sa atin ang inilalarawan ng nasabing awitin. Napakalinaw kung paanong inilalarawan sa mga titik ng awiting ito ang isang taong nagbabalik-tanaw sa mga mahalagang sandali ng kanyang buhay. Binabalikan niya ang kanyang mga tagumpay, mga pagsubok, mga kabiguan, at maraming iba pang mga karanasan sa buhay. Ang landas na pinili niyang tahakin sa mga sandaling iyon ay ang landas na kanyang binuo at pinlano. 

Kung isasalin natin sa Tagalog ang salitang "way", ilan sa mga salitang papasok sa isipan natin ay ang mga salitang "daan" at paraan." Subalit, sa isang bagay lamang nakasentro ang kahulugan ng mga salitang ito. Ang mga salitang ito ay nakasentro sa kalayaan ng bawat tao na magpasiya. Ang mga salitang "daan" at "paraan" ay nakasentro sa kalayaang ibinibigay sa bawat tao upang gumawa ng mga desisyon. Ang ating kalayaang makapagpasiya para sa ating mga sarili ay isinasalungguhit ng dalawang salitang ito. Tayo mismo ang pipili kung ano ang daan o paraang susundin natin. Pipiliin natin kung ano ang ating susundin. 

Mayroon tayong kalayaang magpasiya para sa ating mga sarili. Ang kalayaang ito ay ibinigay sa atin ng Diyos. Ang dahilan kung bakit mayroong kalayaan ang bawat isa sa atin upang magpasiya para sa ating mga sarili ay dahil niloob ito ng Diyos. Niloob ng Diyos na mamuhay nang may kalayaan upang magpasiya para sa sarili ang bawat tao. Hindi Siya magiging isang diktador katulad ng ilan sa mga kilalang pinuno ng iba't ibang bansa sa daigdig sa kasaysayan. Hindi didiktahan ng Diyos ang bawat tao. Bagkus, ipinagkalooban tayo ng Diyos ng kalayaan upang magpasiya. 

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay muling nakasentro sa kalayaan ng bawat tao upang magpasiya. Bagamat tila paulit-ulit na lamang binibigyan ng pansin ang aral na ito na itinuturo sa mga Pagbasa. Kung tutuusin, maraming iba pang mga talata sa Banal na Bibliya na itinutuon ang pansin sa kalayaang kaloob ng Diyos sa atin upang makapagpasiya. Subalit, maganda na ipaalala muli sa atin ang aral na ito nang hindi natin ito makalimutan. 

Sa Unang Pagbasa, ipinaliwanag ni Moises sa mga Israelita ang mga utos at alituntuning dapat nilang sundin. Ipinaalala rin ni Moises sa mga Israelita kung bakit dapat nilang sundin ang mga nasabing utos at alituntunin. Ipinaalala muli ni Moises sa mga Israelita kung paanong iniligtas at pinalaya ng Panginoong Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Kaya naman, marapat lamang na ang mga utos at alituntuning ibinigay sa kanila ay susundin nila. Katunayan, hindi galing kay Moises ang mga nasabing utos at alituntunin. Nagmula ito sa Diyos. 

May pakiusap si Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa. Isa lamang ang pakiusap ni Apostol Santo Santiago - mamuhay ayon sa salita ng Diyos (1, 22). Hindi sapat ang pakikinig o pagbabasa ng Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ay hindi dapat binabasa o pinapakinggan lamang. Lalong hindi dapat pumasok sa isa nating pandinig at lumabas sa kabila ang Salita ng Diyos. Bagkus, ito ay dapat nating isabuhay. Dapat nakasentro sa Salita ng Diyos ang ating buhay bilang mga Kristiyano. Dapat itong maging pamantayan ng ating buhay. 

Paliwanag ang ibinigay ni Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa. Pakiusap naman ang ibinigay ni Apostol Santo Santiago sa Ikalawang Pagbasa. Subalit, si Hesus ay nagbigay ng isang babala sa Ebanghelyo. Isa lamang ang babala ni Hesus sa Ebanghelyo - walang maililihim ang tao sa Diyos. Oo, ang bawat tao ay may kakayahang maglihim. Kayang-kaya ng bawat tao na maglihim sa iba. Kayang-kaya ng mga tao magtago ng mga lihim. Subalit, walang maililihim ang bawat tao sa Panginoon. Gaano mang kagaling ang bawat tao maglihim sa iba, hindi niya kayang maglihim sa Diyos. 

Alam ng Panginoon kung tunay nga bang bukal sa ating kalooban ang ating pagsunod sa Kanya. Alam Niya kung ano ang ating binabalak. Alam ng Diyos kung ano ang tunay na nilalaman ng ating mga puso. Alam Niya kung tunay nga bang busilak ang ating mga puso. Hindi natin kayang itago ito sa Kanya. Hindi Siya kayang lokohin ng sinumang tao sa daigdig. Katunayan, alam Niya ang lahat ng bagay tungkol sa atin, lalung-lalo na ang mga bagay tungkol sa ating mga sarili na hindi natin alam. 

Tayong lahat ay muling tinatanong sa Linggong ito kung ano nga ba talaga ang ating pipiliin. Alin sa dalawang daan o pamamaraan ang pipiliin natin? Ang sarili nating daan o ang daan ng Diyos? Kung pipiliin natin ang daan o paraan ng Diyos, kinakailangang maging busilak ang ating mga puso at kailangan nating mamuhay ayon sa Kanyang mga utos at alituntunin nang buong katapatan. 

Linggo, Agosto 1, 2021

KAYA MO BANG TANGGAPIN?

22 Agosto 2021 
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Josue 24, 1-2a. 15-17. 18b/Salmo 33/Efeso 5, 21-32/Juan 6, 60-69 


Pamilyar para sa marami sa atin ang awiting "Di Ko Kayang Tanggapin" ng yumaong si April Boy Regino. Marahil ay narinig natin ang awiting ito paminsan-minsan sa radyo. Isang klasiko ang awiting ito para sa mga kabataan ng dekada '90. Inilalarawan ng mga titik ng awiting ito ang sakit na naramdaman ng isang taong umiibig dahil ayaw na sa kanya ang kanyang minamahal. Labis siyang nasaktan sa ginawa ng kanyang sinisinta sa kanya. Hindi niya matanggap na bigla na lamang nanlamig sa kanya ang kanyang iniirog. 

"Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?" (Juan 6, 60). Ito ang tanong ng marami sa mga alagad at tagasunod ni Hesus matapos marinig ang Kanyang pangaral tungkol sa Tinapay ng Buhay. Nahirapan silang tanggapin na ang Tinapay ng Buhay na nagmula sa langit ay isang simpleng lalaking mula sa bayan ng Nazaret na nagngangalang Hesus. Hindi nga sinabi ni Hesus na isa lamang talinghaga ang Kanyang mga sinabi. Mahirap para sa kanila na unawain at tanggapin ang mga salita ni Hesus. Dahil diyan, marami sa mga alagad at tagasunod ni Hesus ang umalis sa huling bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo dahil pinanindigan Niya ang Kanyang mga turo at sinabi tungkol sa Kanyang sarili (Juan 6, 66). Naging malinaw sa kanila na hindi babaguhin ni Hesus ang Kanyang mga sinabi tungkol sa Kanyang sarili o kaya sabihing nagsasalita Siya nang patalinghaga lamang. 

Hindi lamang iyan ang mahirap tanggapin. Sa kasalukuyang panahon, may mga taong nahihirapang tanggapin ang mga salita sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ang pag-iisang-dibdib. Magsasama-sama ang isang lalaki at isang babae at sila'y magiging iisa. Iyan ang turo tungkol sa pag-iisang-dibdib o kasal. Iyon nga lamang, mahirap para sa ilang tao na tanggapin ito na siyang katotohanan tungkol sa pamumuhay bilang mag-asawa. Ito talaga ang plano ng Diyos sa simula pa lamang. Ang pag-iisang-dibdib o kasal ay sa pagitan lamang ng isang lalaki at isang babae.  

Sa Unang Pagbasa, inihayag ni Josue sa mga Israelita na siya at ang kanyang angkan ay maglilingkod at sasamba lamang sa Panginoong Diyos, kahit gaano mang kahirap ito. Iyon rin ang inihayag ng mga Israelita. Kahit mahirap para sa kanila na unawain ang mga utos ng Panginoong Diyos, tatanggapin at susundin pa rin nila ang mga ito bilang tanda ng kanilang katapatan sa Kanya. Ipinangako nilang tatanggapin at susundin nila ang Panginoon, gaano man ito kahirap. 

Tayong lahat ay tinatanong sa Linggong ito - kaya ba nating tanggapin ang mga utos at salita ng Diyos? Tatanggapin ba natin ito gaano man ito kahirap?