Linggo, Nobyembre 7, 2021

ANG BUMUBUO SA SIMBAHAN

9 Nobyembre 2021
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22 


Sabi ni Hesus sa mga Hudyo matapos Niyang linisin ang templo, "Gibain ninyo ang templong ito at muli Kong itatayo sa loob ng tatlong araw" (Juan 2, 19). Ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay tungkol sa pagtalaga sa isa sa mga Basilika o Palasyong Simbahan sa mundo. Kaya, tiyak na mapapataas ang kilay ng marami at magugulat kung bakit ang bahaging ito ng Banal na Kasulatan ang gagamitin bilang Ebanghelyo para sa Banal na Misa sa araw na ito. 

Kung tutuusin, hindi naman tumigil si Hesus sa pagsasalita tungkol sa paggiba sa isang templo. Katunayan, sabi pa sa Ebanghelyo na hindi tinutukoy ni Hesus ang literal na templo na itinayo sa loob ng 46 na taon. Bagkus, ang tinutukoy ni Hesus nang sabihin Niya ang mga salitang ito ay ang sarili Niyang katawang inalay Niya para sa sangkatauhan. Itinatag ni Hesus ang tunay na Simbahan sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Sabi naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na tayong lahat ay ang templo ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan nito, itinuro ni Apostol San Pablo na hindi mga gusali lamang ang Simbahan. Bagkus, ang tunay na Simbahan na itinatag ng Panginoon ay binubuo ng mga nanananalig at sumasampalataya sa Kanya. Kung gusali lamang ito, matagal nang gumuho at naglaho iyon. Iyan ang dahilan kung bakit si Kristo ay hindi nagtayo ng isang gusali noong itinatag Niya ang Kanyang Simbahan.  

Kung gayon, bakit may mga gusaling Simbahan? Ang mga gusaling Simbahan ay itinayo at itinalaga upang maging sagisag ng mangyayari sa katapusan ng panahon. Ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan ni Kristo ay muling magkakatipon sa Kanyang harapan upang magpuri at sumamba sa Kanya nang walang humpay. Habang nabubuhay pa tayo sa lupa, malalaman na natin agad sa pamamagitan ng mga gusaling Simbahan kung ano nga ba talaga ang dapat nating paghandaan. 

Tayong lahat ang bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ni Kristo. Ang mga gusaling Simbahan tulad ng Basilika ng Laterano ay isang paalala sa bawat isa sa atin ng dapat nating paghandaan sa wakas ng panahon. Kaya naman, dapat nating tahakin ang landas ng kabanalan upang mapanatili ang pagkadalisay ng ating mga katawan na siyang templo ng Panginoon.

Sabado, Nobyembre 6, 2021

KUSANG-LOOB NA PAGBIGAY

7 Nobyembre 2021 
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
1 Hari 17, 10-16/Salmo 145/Hebreo 9, 24. 28/Marcos 12, 38-44 (o kaya: 12, 41-44) 


Habang papalapit ang wakas ng Liturhikal na Taon ng Simbahan, pinagtutuunan ng pansin ang kusang-loob na pagbibigay. Tila itinuturo sa atin ng Simbahan na dapat maging kusang-loob ang ating pagkakawanggawa. Ang ating pagtulong at pagbigay sa kapwa, lalung-lalo na sa mga nangangailangan, ay dapat maging kusang-loob. Pansamantala lamang ang ating buhay dito sa mundo. Kaya, ang mga limitadong sandali ng ating buhay dito sa mundo ay dapat ilaan sa kusang-loob na paggawa ng mabuti sa kapwa, lalo na sa mga maralita. 

Nangaral ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ukol sa kusang-loob na pag-aalay ng sarili ni Hesus bilang Dakilang Saserdote. Hindi naging sapilitan ang paghahandog ng sarili ng Panginoon alang-alang sa atin. Bagkus, kusang-loob Niya itong ginawa. Kusang-loob na nag-alay ng buhay sa krus si Hesus upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Minsan Niya itong ginawa alang-alang sa atin. 

Bukod sa kusang-loob na pag-aalay ng sarili ng Dakilang Saserdoteng si Hesus, ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ay nagsalita rin tungkol sa gagawin ni Hesus sa muli Niyang pagdating sa huling bahagi ng Ikalawang Pagbasa. Ang lahat ng mga naghihintay sa Kanya ay Kanyang ililigtas (Hebreo 9, 28). Ililigtas ng Panginoong Hesus ang lahat ng mga tapat na nananabik sa Kanyang muling pagdating sa katapusan ng panahon bilang Dakilang Hukom mula sa walang hanggang kapahamakan sa impyerno. Kusang-loob Niya itong gagawin para sa mga tapat na nananalig at nananabik sa Kanyang pagbabalik bilang Hukom sa wakas ng panahon. Hindi ipagkakait ni Hesus ang biyaya ng walang hanggang buhay at kaligtasan sa Kanyang kaharian sa langit sa mga tapat sa Kanya. Ang pagpapalang ito ay kusang-loob Niyang ibibigay sa kanila. 

Kaya naman, ang turo sa atin ngayong Linggo, tularan ang kabutihang ipinakita ng babaeng nagbahagi ng tinapay kay Propeta Elias sa Unang Pagbasa at ng babaeng naghulog ng dalawang kusing sa Ebanghelyo. Ang dalawang babaeng ito ay nagbigay nang kusang-loob. Hindi sila napilitang gawin iyon. Bagkus, ang dalawang babaeng ito ay nagpasiyang magbigay nang kusang-loob. Hangad ni Hesus na maging kusang-loob ang ating pagbibigay at pagbabahagi. Kung iyan ang ating gagawin, malulugod ang Panginoon sa atin. 

Ipinapaalala sa atin na minsan lamang tayo nabubuhay sa lupa. Kaya naman, habang nabubuhay pa tayo dito sa daigdig, huwag nating sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin upang magbahagi sa kapwa, lalung-lalo na ang mga nangangailangan, nang kusang-loob. Sulitin natin ang bawat pagkakataon upang gumawa ng mabuti. Kapag gumawa tayo ng mabuti, gawin natin ito nang kusang-loob. 

Sabado, Oktubre 30, 2021

ISANG HANGARIN

2 Nobyembre 2021 
Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano 
[Ang mga Pagbasa ay isang pangkat ng mga Pagbasa mula sa Mga Pagdiriwang ng Misa para sa Yumao] 
2 Macabeo 12, 43-46/Salmo 115; 116/1 Corinto 15, 51-57/Juan 6, 37-40


Ang panahon ng Undas ay isang espesyal na panahong inilaan ng Simbahan sa pag-aalay ng mga panalangin para sa mga yumao. Katunayan, hindi nililimita ng Simbahan ang pananalangin para sa mga yumao sa panahon ng Undas lamang kundi araw-araw. Sa pamamagitan ng pananalangin para sa mga kapatid nating yumao, tinutulungan natin sila sa pagkamit ng buhay na walang hanggan. 

Hinahangad ng bawat mananampalataya na makapiling ang Panginoong Diyos sa langit sa katapusan ng kanilang buhay sa lupa. Iyan ang dahilan kung bakit pinagsisikapan nating mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos habang namumuhay pa tayo dito sa daigdig. Tulad natin, hinahangad ng mga kaluluwang nasa Purgatoryo na makapiling ang Panginoon sa langit. Iyon lamang ang kanilang minimithi. Matapos ang pagdalisay sa kanila sa Purgatoryo upang makapiling na rin nila magpakailanman ang Panginoon. 

Walang sinuman ang makapagsasabi kung gaano katagal ang pagdalisay sa mga kaluluwang nasa Purgatoryo. Subalit, natitiyak nating makakapiling nila sa langit ang Panginoon balang araw. Dinadalisay lamang sila. Habang dinadalisay ang mga kaluluwang nasa Purgatoryo, hinihintay nilang sumapit ang panahon kung kailan nila matatamasa ang biyaya ng pangako ni Hesus sa Ebanghelyo. Inihayag ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo na magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang lahat ng mga mananalig sa Kanya (Juan 6, 40). 

Sa Ikalawang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pablo tungkol sa tagumpay ng Panginoong Hesus. Si Hesus na nangakong magkakaroon ng buhay na walang hanggan ang lahat ng mga nananalig sa Kanya sa Ebanghelyo ay nagtagumpay laban sa kamatayan. Hangad rin Niyang makibahagi sa galak dulot ng Kanyang tagumpay laban sa kamatayan ang lahat ng mga nananalig sa Kanya. Iyan rin ang hangarin ng mga kaluluwang nasa Purgatoryo at ng bawat isa sa atin na bumubuo sa Simbahan dito sa lupa. 

May panawagan ang Simbahan sa atin ngayong panahon ng Undas. Mag-alay ng mga panalangin para sa mga kapatid nating yumao, lalo na ang mga nasa Purgatoryo. Hindi sila naiiba sa atin. Hangad rin nilang matamasa ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit. Iyan rin ang ating hangarin. Kaya, huwag nating ipagkait sa kanila ang pagkakataong matamasa ang biyayang ito mula sa Diyos. 

Biyernes, Oktubre 29, 2021

MGA BANAL: LARAWAN NG PAG-ASA

1 Nobyembre 2021 
Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal 
Pahayag 7, 2-4. 9-14/Salmo 23/1 Juan 3, 1-3/Mateo 5, 1-12a 



Mayroong tatlong estadong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo - ang Simbahang Nagtagumpay, ang Simbahang Naglalakbay, at ang Simbahang Nagdurusa. Tuwing unang araw ng Nobyembre taun-taon, ang araw kung kailan ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahan ng Lahat ng mga Banal na tinatawag ring "Todos Los Santos", itinutuon ang ating pansin sa tagumpay ng lahat ng mga banal sa langit. Matapos pagtagumpayan ang lahat ng mga hirap at pagsubok sa buhay sa daigdig na ito, namumuhay sila magpakailanman sa piling ng Kordero. Nakamit nila ang napakagandang biyayang ito sapagkat ang desisyon nila ay manatiling tapat kay Kristo noong nabubuhay pa sila sa lupa. 

Ang lahat ng mga banal sa langit ay nagsisilbing larawan ng pag-asa para sa lahat. Dahil dito, kinikilala sila bilang Simbahang Nagtagumpay. Ang lahat ng mga banal sa langit ay nagkamit ng tagumpay noong namumuhay pa sila dito sa mundo dahil sa kanilang katapatan kay Hesus. Hindi nasayang ang kanilang katapatan kay Hesus. Bagkus, biniyayaan pa sila dahil sa kanilang katapatan sa Panginoon. Nakamit ng lahat ng mga banal sa langit ang biyayang ito na tunay ngang inaasam-asam ng lahat ng mga nananalig at sumasampalataya sa nag-iisang Diyos. Gaya ng inilarawan sa Unang Pagbasa, nagpupuri sila nang walang humpay o walang tigil sa Diyos ngayong sila'y nasa langit. 

Katulad ng lahat ng mga banal sa langit, mayroon tayong pag-asang mamuhay sa piling ng Panginoon magpakailanman. Sabi pa nga sa Ikalawang Pagbasa, tayong lahat ay mayroong pag-asang makita ang Panginoon "sa Kanyang likas na kalagayan" (1 Juan 3, 2). Paano natin magagawa iyan? Kung tatahakin natin ang landas ng kabanalan. Kung mamumuhay nang banal at magiging kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon ang bawat isa sa atin. Kung sisikapin ng bawat isa sa atin na mamuhay ayon sa mga turo ni Hesus sa Ebanghelyo tungkol sa mga mapapalad. Sa pamamagitan nito, mapapatunayan ang ating katapatan sa Diyos na Siyang may likha ng langit at lupa. 

Ipinapaaalala sa atin ng Lahat ng mga Banal sa Langit na mayroon tayong pag-asang mamuhay sa piling ng Diyos magpakailanman katulad nila. Tularan lang natin ang kanilang halimbawa. Maging tapat tayo sa Diyos katulad nila kahit na mahirap itong gawin. Sikapin rin nating isabuhay ang mga turo ng Panginoon tungkol sa kabanalan. 

Huwebes, Oktubre 28, 2021

MAGIGING TAPAT BA TAYO SA KANYA?

31 Oktubre 2021 
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Deuteronomio 6, 2-6/Salmo 17/Hebreo 7, 23-28/Marcos 12, 28b-34


Ang pinakamahalagang utos na inihayag ni Hesus bilang tugon sa tanong ng isang eskriba sa Ebanghelyo ay nahayag rin sa Unang Pagbasa. Ang utos na ito na inihayag ni Moises sa mga tao sa Unang Pagbasa ay tungkol sa pag-ibig na dapat ilaan para sa Panginoon. Ang Panginoong Diyos ay dapat mahalin nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Kailangang maging tapat ang bawat isa sa kanilang pag-ibig para sa Panginoon. 

Ipinaliwanag ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung bakit ang katapatan ay isang napakahalagang katangian na dapat makita sa mga umiibig sa Panginoon. Dapat maging tapat sa Panginoong Diyos ang bawat isa upang maging tunay ang kanilang pag-ibig para sa Kanya. Ang katapatan ang magpapatunay kung tunay nga ba ang pag-ibig ng bawat isa para sa Panginoon. Ang Dakilang Saserdoteng Walang Hanggang si Hesus ay nag-alay ng Kanyang sarili alang-alang sa atin. Ang paghahain ng buo Niyang sarili ay hindi mawawalan ng saysay kailanman dahil pangmagpakailanman ang buo Niyang paghahandog ng sarili alang-alang sa atin (Hebreo 7, 27). 

Sa pamamagitan ng Kanyang kusang-loob na pag-aalay ng sarili alang-alang sa atin, ipinakita ni Kristo ang Kanyang katapatan at pag-ibig. Katunayan, ang pag-ibig ng Panginoong Hesus para sa atin ay Kanyang ipinakita sa pamamagitan ng Kanyang katapatan. Ang katapatan ng Panginoong Hesus ay naghayag ng tunay Niyang pag-ibig na walang hanggan. Ang sagisag nito ay ang Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Tayong lahat ay minsanang iniligtas ng Panginoong Hesukristo sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ay isa lamang patunay ng Kanyang katapatan na tanda ng Kanyang pag-ibig. 

Naging tapat ang Diyos sa atin. Dahil dito, ipinagkaloob sa atin si Kristo upang maging ating Tagapagligtas. Magiging tapat ba tayo sa Kanya? Iibigin ba natin ang Panginoon at ang kapwa-tao natin nang buong katapatan gaya ng Kanyang iniuutos sa atin? 

Sabado, Oktubre 2, 2021

KAPALIT NG ATING PANANALIG

24 Oktubre 2021 
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Jeremias 31, 7-9/Salmo 125/Hebreo 5, 1-6/Marcos 10, 46-52 


Isa sa mga madalas na sabihin ni Hesus sa tuwing nagpapagaling Siya ng isang taong maysakit, "Pinagaling ka ng iyong pananalig." Muli Niyang sinabi ang mga katagang ito sa Ebanghelyo para sa Linggong ito habang pinapagaling Niya ang bulag na si Bartimeo. Sabi Niya sa bulag, "Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig" (Marcos 10, 52). Binigkas ng Panginoon ang mga salitang ito habang pinapagaling Niya ang bulag. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang kapangyarihan ng pananalig ay binigyan ng pansin ni Hesus. Makapangyarihan ang pananalig sa Panginoon. 

Sa kabila ng kanyang pagiging bulag, si Bartimeo ay nanalig pa rin na si Hesus ang tangi niyang pag-asang makakita. Kaya, kung mapapansin natin ang bawat detalye ng salaysay sa Ebanghelyo, makikita nating hindi tumigil sa pagtawag at pagsamo si Bartimeo kay Hesus nang sabihin sa kanya na naroroon sa lugar na iyon ang Nazareno. Hindi tumigil ang bulag sa pagmamakaawa at pagsamo kay Hesus kahit na pinagsasabihan siya ng iba na manahimik na lamang. 

Pinili ni Bartimeo na manalig sa kapangyarihan ni Hesus, ang Anak ni David, at, gaya ng inilarawan sa Ikalawang Pagbasa - ang Dakilang Saserdoteng hinirang ng Diyos. Kahit na marahil ay nairita sa kanya ang ibang mga tao na naroon na sumusunod kay Kristo, hindi siya tumigil sa pagmamakaawa at pagsamo. Ang kanyang pananalig ay nagbunga nang pagalingin siya ni Kristo. 

Ang pananalig sa Panginoon ay hindi isang pasaporte o daan patungo sa isang palagiang maginhawang buhay dito sa daigdig sa lahat ng oras. Katunayan, ang mga nauna sa atin na nanalig sa Panginoong Diyos ay hindi naging ligtas mula sa iba't ibang mga pagsubok sa buhay sa mundo. Ang mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig na ito ay kanilang pinagdaanan, hinarap, at tiniis. Pero, sa kabila ng lahat ng mga pagsubok na ito sa buhay dito sa daigdig, nanatili pa rin ang kanilang pananalig sa Panginoon. 

Kung nananalig tayo sa Panginoon dahil sa pag-aakalang magiging ligtas na tayo mula sa mga pagsubok sa buhay dito sa mundo, nag-aaksaya lamang tayo ng oras. Huwag nating iisiping magiging ligtas na tayo mula sa iba't ibang mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig dahil sa ating pananalig sa Panginoon. Ang dapat nating isipin, mabuti ang idudulot ng ating pananalig sa Panginoon sa atin. Kung buong katapatan tayong mananalig sa Panginoon hanggang sa huli, magiging katulad tayo ni Bartimeo na pinagaling ni Hesus. 

Biyernes, Oktubre 1, 2021

DI-PANGKARANIWANG HANGARIN

17 Oktubre 2021 
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Isaias 53, 10-11/Salmo 32/Hebreo 4, 14-16/Marcos 10, 35-45 (o kaya: 10, 42-45) 


Sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, nangaral si Hesus tungkol sa halaga ng kababaang-loob. Katunayan, sa Kanyang pangaral sa mga apostol tungkol sa paksang ito, ginamit pa nga Niya ang Kanyang sarili bilang isang halimbawa. Para sa Panginoong Hesus, hindi dapat pag-awayan ninuman kung sino ang mas magaling o dakila. Bagkus, dapat hangarin ng mga tapat na nananalig at sumunod sa Kanya na maging lingkod. Si Hesus ay naghangad na maging lingkod. Ito ang dapat maging hangarin ng Kanyang mga tagasunod. 

Kahit na Siya'y tunay na Diyos, ninais pa rin ni Hesus na maging lingkod. Isa itong hindi-pangkaraniwang hangarin sa mata ng mundong ito. Bakit hahangarin ng Diyos na makapangyarihan sa lahat na maging isang lingkod? Bakit naman pinili ng Panginoon na maging isang tao upang paglingkuran ang mga tao sa mundong ito na hindi naman Siya tatanggapin? Sa dinami-dami ng puwedeng hangarin o naisin ng Diyos, bakit iyon pa ang Kanyang napili? 

Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito ang sinapit ni Kristo dahil sa Kanyang pasiyang maging lingkod ng sangkatauhan na hindi naman tumanggap sa Kanya. Niloob Niyang tiisin nang buong kababaang-loob ang lahat ng hirap at sakit na kaakibat ng Kanyang misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Sa pamamagitan nito, ipinakita ni Hesus na ang kaisa-isang Diyos ay maaaring lapitan ng lahat ng tao. Hindi nilalayo ng Diyos ang Kanyang sarili sa sangkatauhan. Katunayan, ang Panginoong Hesukristo na ipinakilala sa Ikalawang Pagbasa bilang Dakilang Saserdote na namamagitan para sa atin ay ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. 

Hindi nga pangkaraniwan ang hinangad ni Hesus. Kakaiba talaga ang Kanyang kalooban. Subalit, niloob Niyang gawin ito upang ipakita na hindi nagpapakalayo ang Diyos sa tao. Ito ang dahilan kung bakit ang Kanyang utos at hangarin para sa lahat ay mamuhay nang may kababaang-loob. Kapag iyon ang ating ginawa, lalong mapapalapit ang ating mga puso at kalooban sa kapwa. Ang magiging tingin natin sa ating kapwa ay kapatid at hindi kakumpetensya.