Biyernes, Pebrero 11, 2022

APATNAPUNG ARAW NG PAGLALAKBAY KASAMA SI HESUS

6 Marso 2022 
Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Deuteronomio 26, 4-10/Salmo 90/Roma 10, 8-13/Lucas 4, 1-13 


Mayroong apatnapung araw ang panahon ng Kuwaresma. Kaya naman, ang opisyal na pangalan ng panahong ito ay "Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay." Sa loob ng apatnapung araw na ito, ang Simbahan ay nananawagan sa lahat ng mga mananampalataya sa buong mundo na pagsisihan ang mga nagawang kasalanan at magbalik-loob sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa Diyos, inihahanda natin ang ating mga sarili para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus na ating Panginoon at Manunubos. 

Subalit, bukod sa pagiging panahon na inilaan ng Simbahan para sa taimtim at taos-pusong pagsisisi sa kasalanan at pagbalik-loob sa Panginoong Diyos, ang panahong ito ay inilaan rin sa paglalakbay kasama Siya. Sa panahong ito, inaanyayahan tayo na maglakbay kasama si Hesus sa ilang. Sa pamamagitan ng paglalakbay na ito kasama ang Panginoong Hesukristo, mahahanap natin ang tunay nating mga sarili. Ang tunay nating pagkakilanlan. Ano naman iyon? Tayong lahat, bagamat mga makasalanan, ay tinanggap at itinuring ng Diyos bilang Kanyang mga anak dahil kay Kristo Hesus. Ang katotohanang ito tungkol sa ating pagkakilanlan ang pupukaw sa atin na tahakin ang daan o landas pabalik sa Kanya. 

Kaya naman, sa Ebanghelyo, si Hesus ay naglakbay patungo sa ilang. Dinala Siya sa ilang ng Espiritu Santo. Doon sa ilang, napagtagumpayan ni Hesus ang panunukso ni Satanas. Sa kabila ng kahinaan ng Kanyang Katawan dahil apatnapung araw Siyang nanatili sa ilang na walang pagkain o inumin, tinutulan at nilabanan ni Hesus nang buong katapatan sa Ama ang mga tukso ng demonyong nais Siyang samantalahin sa oras na mahina ang Kanyang Katawan. Hindi nagpatalo si Hesus sa tatlong tukso ng demonyo dahil nanatili pa rin Siyang tapat sa Ama. 

Ano naman ang kinalaman ng tagumpay ni Hesus laban sa mga tukso ng demonyo sa Kanyang paglalakbay sa ilang? Paano nauugnay ang dalawang ito? Kung tutuusin, hindi naman kinailangan ni Hesus na maglakbay tungo sa ilang upang mag-ayuno at manalangin. Subalit, pinili Niyang magtungo sa ilang dahil iyon ang kalooban ng Ama. Dinala Siya sa ilang upang pagtagumpayan ang tukso. Sa pamamagitan ng Kanyang tagumpay laban sa mga tukso ng demonyo sa ilang, ipinakita ni Hesus ang tagumpay ng Diyos laban sa kasamaan at kamatayan. Iyon ang dahilan kung bakit naglakbay si Hesus patungo sa ilang. 

Hindi lamang ang paglalakbay ni Hesus sa disyerto ang paglalakbay na itinatampok at nais bigyan ng pansin sa Linggong ito. Ang paglalakbay ng mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto tungo sa kalayaan sa lupang ipinangako ay ipinaalala ni Moises sa mga tao sa Unang Pagbasa. Ito ang tuntuning ibinigay niya sa mga tao tungkol sa kanilang sasambitin sa tuwing ihahandog ang unang bunga ng pananim. Sa gayon, maaalala ng mga tao kung bakit nila ito ginagawa. Ginagawa ito para sa Panginoong Diyos na umakay sa kanila sa kanilang mahabang paglalakbay tungo sa kalayaan sa lupang ipinangako.  

Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa isang napakahalagang katangiang dapat taglayin ng mga Kristiyano sa Ikalawang Pagbasa - pananalig. Ito rin ang binigyan ng pansin sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Poon ko, ako'y samahan sa dusa at kahirapan" (Salmo 90, 15b). Kailangan nating manalig sa Diyos. Ang dahilan kung bakit ay ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa paliwanag na ito, sinabi ni Apostol San Pablo na ang bawat tao ay nananalig "sa pamamagitan ng kanilang puso" (Roma 10, 10). Ito ang kailangan natin bilang mga Kristiyano upang maipahayag natin nang taos-puso ang ating "Oo" sa paanyaya ng ating Panginoong Hesus na maglakbay kasama Niya. 

Inaanyayahan tayo ng panahon ng Kuwaresma na maglakbay kasama si Hesus nang taos-puso. Sa pamamagitan nito, matutuklasan natin muli ang katotohanan tungkol sa ating mga sarili. Sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan, ipinasiya pa rin ng Ama na angkinin tayo bilang Kanyang mga anak. Gaano man kalaki o kaliit ang ating pananalig, ibigay pa rin natin ang ating "Oo" sa paanyayang ito ni Kristo. 

Huwebes, Pebrero 10, 2022

TAIMTIM AT TAOS-PUSONG PAGBALIK SA DIYOS

2 Marso 2022 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 


Ang panawagan ng Simbahan sa tuwing sasapit ang Kuwaresma taun-taon ay hindi nagbabago. Ang laging panawagan ng Simbahan sa lahat ng mga mananampalataya sa tuwing sasapit ang apatnapung araw na ito ay magbalik-loob sa Diyos. Bagamat lagi naman ito ang panawagan ng Simbahan sa mga mananampalataya anuman ang oras, panahon, o taon, lalo itong binibigyan ng pansin tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma, ang Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay.  

Sa unang araw ng panahon ng Kuwaresma, ang Miyerkules ng Abo, ang lahat ng mga mananampalataya ay pinaaalalahanan tungkol sa katotohanan ng ating buhay. Ang bawat isa sa atin ay mga mortal na tao lamang. Sa mundong ito, walang imortal na tao. Ang buhay ng bawat tao dito sa mundo ay pansamantala lamang. May wakas o katapusan ang ating buhay dito sa mundo. Sa madaling salita, mamamatay rin tayo pagdating ng panahon. Masakit man sabihin ito, subalit iyan ang katotohanan. Iyan ang pinakamasakit na katotohanan tungkol sa ating buhay. Memento mori

Kaya naman, isa sa dalawang talata mula sa Banal na Kasulatan ang sinasabi ng pari sa bawat mananampalataya sa Rito ng Paglalagay ng Abo. Ang isa sa mga talatang maaaring sabihin ng pari sa ritong ito ay mula sa isa sa mga pangaral ng Panginoong Hesukristo: "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya" (Marcos 1, 15). Ang isa naman ay mula naman sa Matandang Tipan: "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan" (Genesis 3, 19). Iyan ang muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa Miyerkules ng Abo na unang araw ng panahon ng Kuwaresma. 

Ito ang binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nakiusap ang Diyos sa Kanyang bayan na magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya nang taos-puso. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na hindi dapat patagalin ang pakikipagkasundo sa Diyos. Habang ang bawat isa sa atin ay mayroong hininga pa, dapat tayong magbalik-loob sa Diyos. Sa Ebanghelyo, idiniin ni Hesus sa bahaging ito ng Kanyang pangaral na dapat maging taimtim at taos-puso ang bawat gawa sa pamamanata sa Diyos - pananalangin, pag-aayuno, pagkakawanggawa. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, "Poon, Iyong kaawaan kaming sa 'Yo'y nagsisiuway" (50, 3a). Ang Diyos ay puspos ng awa. Katunayan, ang Diyos mismo ay ang bukal ng awa. Ang Kanyang awa ay hindi Niya ipagkakait sa sinumang dudulog sa Kanya upang hingin nito nang taos-puso. Maging taimtim at taos-puso sa paghingi ng awa at habag mula sa Diyos. Ipagkakaloob Niya ito sa atin. 

Memento mori. Mamamatay rin ang bawat isa sa atin balang araw. Habang mayroon pa tayong hininga, maglakbay tayo kasama ni Kristo. Sa ating paglalakbay kasama ni Kristo, mahanap natin muli ang katotohanan tungkol sa atin. Bagamat pansamantala lamang ang ating buhay dito sa mundo at babalik sa lupa sa katapusan nito, inangkin tayo ng Diyos upang maging Kanyang mga anak sa pamamagitan ni Hesus. Maantig nawa ang ating mga puso sa katotohanang ito at pumukaw sa atin na taos-pusong bumalik sa Diyos na handang ipagkaloob ang Kanyang awa at habag sa atin. 

Sabado, Pebrero 5, 2022

SALAMIN NG PUSO

27 Pebrero 2022 
Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 27, 5-8 (gr. 4-7)/Salmo 91/1 Corinto 15, 54-58/Lucas 6, 39-45 


"Sapagkat kung ano ang bukambibig siyang laman ng dibdib" (Lucas 6, 45). Ito ang mga salita ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng Kanyang pangaral sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang mga salita ni Hesus sa Ebanghelyo ay isang bahagi lamang ng Kanyang pangaral sa ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas. Hindi ito kasing-haba ng Kanyang pangaral sa mga tao sa Ebanghelyo ni San Mateo kung saan umabot ito ng dalawang buong kabanata. 

Ang mga salitang ito ng Panginoon sa wakas ng Ebanghelyo na bahagi ng Kanyang pangaral sa ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas ay ang nais pagtuunan ng pansin ng Simbahan sa Linggong ito. Katunayan, ang mga salitang ito ni Hesus ay tulad ng mga salita sa wakas ng Unang Pagbasa. Sabi sa wakas ng Unang Pagbasa: "Huwag mo munang pupurihin ang isang tao hanggang hindi nakapagsasalita, [dahil] doon mo pa makikilala ang tunay niyang puso't diwa" (Sirak 27, 8). Sa mga salitang ito, inilarawan ang ugnayan ng mga salitang binibigkas ng bawat tao at ng laman ng kanilang puso. 

Diretsyahang inihayag ni Hesus sa pangaral na ito na hindi maaaring paghiwalayin ang laman ng puso at ang mga salitang binibigkas ng isang tao. Para kay Hesus, ang laman ng puso ng isang tao ay nahahayag sa kanyang mga salita. Ang nilalaman ng puso ng isang tao at ang mga salitang kanyang binibigkas ay magkaugnay. Ang mga salitang namumutawi mula sa bibig ng bawat tao ay sumasalamin sa nilalaman ng kanilang puso. Ipinapahayag ng bawat tao ang tunay na laman ng kanilang mga puso gamit ang kanilang mga salita. 

Hindi lalayo ang ginawa ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Nagsalita siya tungkol sa tagumpay ng Diyos laban sa kasamaan at kamatayan sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa Ikalawang Pagbasa. Nahayag sa pamamagitan nito ang tunay na nilalaman ng puso ni Apostol San Pablo. Ang tunay na nilalaman o nasa kaloob-looban ng puso ni Apostol San Pablo ay walang iba kundi si Kristo. Isang patunay nito ay ang kanyang walang sawang pangangaral tungkol kay Kristo mula sa sandali ng pagkahirang sa kanya bilang apostol at misyonero, kahit na buong sigasig niya inusig ang mga unang Kristiyano dati. 

Tinatanong tayo ngayong Linggo - sino (o ano) ang laman ng ating mga puso? 

Biyernes, Pebrero 4, 2022

LUKLUKAN NI APOSTOL SAN PEDRO: BIYAYA NG PANGINOON

22 Pebrero 2022 
Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro 
1 Pedro 5, 1-4/Salmo 22/Mateo 16, 13-19 



Marahil marami ang magtataka kung bakit naglaan ang Simbahan ng isang araw para sa pagdiriwang ng isang luklukan o upuan. Kung tutuusin, ang araw na ito ay maaari namang tawaging "Kapistahan ni Apostol San Pedro, ang Unang Santo Papa." Kung tutuusin, iyon naman talaga ang nais bigyan ng pansin ng Simbahan sa araw na ito, hindi ba? Ano nga ba ang mayroon sa isang luklukan? Bakit hindi na lamang tawagin ang araw na ito bilang Kapistahan ni Apostol San Pedro, ang Unang Santo Papa? 

Hindi naman ang literal na luklukan o upuan ang binibigyan ng pansin sa araw na ito kundi ang pagiging Unang Santo Papa ng Simbahan ni Apostol San Pedro. Isa lamang sagisag ng pagiging Santo Papa ni Apostol San Pedro ang luklukan. Hindi naman ang literal na luklukan ang ginugunita. Bagkus, ang luklukan ay tumutukoy sa posisyon at misyon ni Apostol San Pedro bilang Unang Santo Papa ng Simbahang na itinatag ni Kristo mismo. Katunayan, ang misyong ito ni Apostol San Pedro ay ibinigay sa kanya ni Kristo. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagkahirang kay Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahang itinatag ni Kristo. 

Ang pagiging unang Santo Papa ni Apostol San Pedro ay isang biyayang ipinagkaloob mismo ni Hesus sa Kanyang Simbahan. Ang Santo Papa ay ipinagkaloob ni Hesus sa Kanyang Simbahan upang maging Kanyang kinatawan o bikaryo. Bilang kinatawan o bikaryo ni Kristo dito sa mundo, tungkulin ng Santo Papa na pangasiwaan at alagaan nang may pag-ibig at katapatan ang kawan ni Kristo dito sa mundo. Ang kanilang pangunahing tungkulin ay akayin ang kawan ni Hesus patungo sa Kanya. Dapat rin silang maging salamin ng Mabuting Pastol na walang iba kundi si Hesus. 

Kaya naman, ang mga salita ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay maituturing na isang pakiusap o habilin para sa lahat ng mga hahalili sa kanya bilang Santo Papa ng Simbahan. Hindi lamang niya ito isinulat para sa mga kasama niya sa misyon ng pagpapalaganap ng Magandang Balita kundi para na rin sa mga papalit sa kanya bilang Santo Papa at ang mga hahalili sa iba pa niyang mga kasama. Ang kanyang pakiusap ay alagaan ang kawang ipinagkatiwala ng Panginoon (1 Pedro 5, 2). Ang kawan ay hindi kanila kundi kay Kristo. Ang tungkulin ng Santo Papa, ng mga obispo, at mga pari ay maging mabuting tagapangasiwa at pastol. 

Isang biyaya mula sa Panginoong Hesukristo ang Luklukan ni Apostol San Pedro. Sa pamamagitan nito, ipinaaalala ni Hesus na hindi Niya tayo pababayaan. 

Huwebes, Pebrero 3, 2022

MAHABAGIN TULAD NG AMA

20 Pebrero 2022 
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
1 Samuel 26, 2. 7-9. 12-13. 22-23/Salmo 102/1 Corinto 15, 45-49/Lucas 6, 27-38 


"Maging mahabagin kayo [katulad] ng inyong Ama" (Lucas 6, 36). Nakasentro sa mga salitang ito ang pangaral ni Hesus na inilahad sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa bawat bahagi ng Kanyang pangaral na inilahad sa Ebanghelyo, si Hesus ay nagsalita tungkol sa pagiging mahabagin. Ang bahaging ito ng Kanyang mahabang pangaral ay inilaan Niya sa pagturo sa mga tao na dapat silang mahabagin sapagkat mahabagin ang Amang nasa langit. Para sa Panginoong Hesus, marapat lamang magpakita ng habag ang bawat isa sa atin sa ating kapwa-tao dahil kinahabagan rin tayo ng Diyos. 

Hindi lamang tinalakay sa pangaral ni Hesus sa Ebanghelyo ang halaga ng pagiging mahabagin sa isa't isa. Ang iba pang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakatuon rin sa halaga ng pagiging mahabagin tulad ng ating Panginoon. Sa pamamagitan nito, itinuturo sa atin na dapat tayo magpakita ng habag sa isa't isa katulad ng Ama. Ang bawat isa sa atin ay kinahabagan ng Panginoon, kaya dapat lamang tayo magpakita ng habag sa kapwa. Iyan ang dapat nating gawin bilang mga tinanggap at itinuring ng Diyos na Kanyang mga anak sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Sa Unang Pagbasa, si David ay nagpakita ng habag kay Haring Saul. Alam ni David na nais siyang patayin ni Haring Saul. Subalit, pinili ni David na huwag patayin ang hari. Katunayan, ang kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ay ang ikalawang pagkakataong ginawa ito ni David. Sa unang pagkakataon, pinutol ni David ang laylayan ng damit ni Haring Saul sa loob ng isang kuweba. Sa ikalawang pagkakataon, hindi ginamit ni David ang sibat upang patayin si Haring Saul. Sabi na mismo ni David sa wakas ng salaysay sa Unang Pagbasa na hindi niya papaslangin si Haring Saul kahit na niloob ng Diyos na mahulog ang hari sa kanyang mga kamay. Isa lamang ang dahilan nito - hinirang ng Diyos si Haring Saul (1 Samuel 25, 23). 

Ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay tinalakay sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng biyayang ito, nahayag ang habag ng Diyos. Ipinagkaloob ng Diyos ang pangalawang Adan na walang iba kundi si Kristo Hesus upang maging ating Tagapagligtas. Sa pamamagitan ni Kristo, ang pangalawang Adan na tinutukoy sa Ikalawang Pagbasa, ang biyaya ng buhay at kaligtasan ay dumating. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob" (102, 8a). Ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ay tunay at walang hanggan. Hindi Niya ito ipinagdamot sa atin kailanman. Kusang-loob Niya itong ipinagkakaloob at ibinuhos sa atin. Hindi rin Siya tumitigil o nagsasawa sa paggawa nito. Lagi Niya itong ginagawa nang hindi nagsasawa kailanman. 

Kung paanong ang Panginoon ay naging mahabagin sa atin, dapat rin tayong maging mahabagin sa isa't isa. Dapat nating ibahagi sa ating kapwa ang habag ng Diyos na ating tinanggap. Ipalaganap natin ang Kanyang habag at kagandahang-loob. Tulad ng Panginoon, huwag rin tayong magsawa sa pagbabahagi ng habag at kagandahang-loob. Huwag tayong tumigil sa pagiging mahabagin katulad ng Panginoon. Iyan ang tungkulin bilang mga inangkin ng Diyos bilang Kanyang mga anak. Dapat magsilbing salamin ng mahabaging Diyos ang bawat isa sa atin sa ating kapwa. 

Sabado, Enero 29, 2022

PAGPAPALA AT PARUSA

13 Pebrero 2022 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 17, 5-8/Salmo 1/1 Corinto 15, 12. 16-20/Lucas 6, 17. 20-26 


Sa Ikalawang Pagbasa, nakatuon ang pansin ng pangaral ni Apostol San Pablo sa halaga ng Muling Pagkabuhay ni Kristo sa pananampalatayang Kristiyano. Sabi niya na walang saysay ang pananampalatayang Kristiyano na ipinangaral niya at ng iba pang mga apostol at misyonero kung si Kristo ay hindi nabuhay na mag-uli (1 Corinto 15, 17). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang Muling Pagkabuhay ni Kristo ay inilarawan ni Apostol San Pablo bilang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng ating Panginoon at Manunubos na si Hesus, ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang biyaya ng kaligtasan at kabuluhan ang ating pananampalataya. May kabuluhan ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano dahil sa biyaya ng kaligtasang ipinagkaloob ng Diyos sa tanang tao sa mundo sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa pagpapala at parusa. Muling ipinapaalala sa atin ng Simbahan ngayong Linggong ito na mayroong kapangyarihang magparusa o magkaloob ng pagpapala sa atin ang Diyos. Maaari tayong parusahan o pagkalooban ng pagpapala. Tayo mismo ang magpapasiya kung ano ang nais nating gawin ng Diyos para sa atin. Ang ating mga salita at gawa ay sumasalamin sa ating desisyon. Tiyak na pipiliin ng marami ang pagpapala ng Panginoong Diyos. Subalit, kailangan nating patunayan sa Kanya ang hangaring ito sa ating mga salita at gawa. 

Diretsyahang inilarawan ni Hesus sa Kanyang pangaral sa Ebanghelyo kung sino ang mga mapapalad at kawawa sa paningin ng Diyos. Sa pamamagitan nito, inilarawan ni Hesus ang pagiging mahabagin at makatarungan ng Diyos. Ipinapaalala Niya sa lahat sa pangaral na ito ang mga salitang ito sa aklat ni Job: "Ang Panginoon ang nagbigay; ang Panginoon rin ang bumabawi" (1, 21). Ang Kanyang katarungan at katapatan ay nagsisilbing salamin ng Kanyang awa at habag. Ipinapaalala ni Hesus sa Kanyang pangaral na ito na sa kahuli-hulihan, gagamitin ng Diyos ang ating mga salita at gawa bilang basehan ng Kanyang pasiyang pagkalooban tayo ng pagpapala o parusahan. 

Hindi bago ang pagiging diretsyahan o prangka ng Diyos. Katunayan, talaga namang napaka-prangka o diretsyo ang mga unang salita ng Panginoong Diyos sa Kanyang pahayag sa Unang Pagbasa. Diretsyahang sinabi ng Diyos sa Kanyang pahayag na inilahad naman ni Propeta Jeremias sa bayang Israel na parurusahan Niya ang mga tatalikod sa Kanya (17, 5). Bagamat hindi nais ng Diyos na magparusa ng tao, wala na Siyang magagawa kung may nagpasiyang ayaw maging tapat at masunurin sa Kanya at tanggapin ang Kanyang pagpapala. 

Pati ang Mahal na Inang si Mariang Birhen, diretsyahan niyang inilarawan sa kanyang awitin, ang Magnificat, ang pagiging makatarungan at mapagpala ng Diyos. Ang mga nasa abang kalagayan ay itataas ng Diyos habang ang mga nasa kapangyarihan ay Kanya namang ibabagsak (Lucas 1, 52). Ang Diyos ay mahabagin at mapagpala. Ang sinumang hindi mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas ay parurusahan Niya. Ibubuhos naman Niya ang Kanyang pagpapala sa lahat ng mga nagpasiyang maging masunurin at tapat sa Kanya hanggang wakas. 

Ipinapaalala sa atin sa Linggong ito na gagamitin ng Diyos ang ating mga salita at gawa bilang basehan ng Kanyang pasiyang parusahan tayo o buhusan ng Kanyang pagpapala. Kung nais nating tanggapin at makinabang ang pagpapala ng Panginoon, lalung-lalo sa wakas ng panahon, ipakita natin sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa ang hangaring ito. 

Biyernes, Enero 28, 2022

SUMUNOD UPANG MAKAMIT ANG TUNAY NA KAGALAKAN

11 Pebrero 2022
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes 
Isaias 66, 10-14k/Judith 13/Juan 2, 1-11 


Sa salaysay tungkol sa Kasalan sa Cana sa Ebanghelyo, ang mga lingkod sa nasabing kasal ay sinabihan ng Mahal na Birheng Maria na sundin ang mga utos ni Hesus. Sa ganitong paraan niya ito sinabi sa mga lingkod: "Gawin ninyo ang anumang sabihin Niya sa inyo" (Juan 2, 5). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, pinalakas ni Maria ang loob ng mga lingkod sa kasal. Mayroong makakatulong sa kanila. Katunayan, itinuro pa nga niya sa kanila kung sino ang tanging makakatulong sa kanila. Si Hesus lamang ang tanging makakatulong sa kanila. Walang ibang makakatulong sa kanila kundi si Hesus na Anak ng Diyos at Anak ni Maria. 

Maging sa kasalukuyang panahon, hindi nawawalan ng saysay ang mga salitang ito na binigkas ng Mahal na Inang si Maria. Sundin ang utos ni Hesus. Sa araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Lourdes na siya ring itinalaga bilang Pandaigdigang Araw ng mga Maysakit, muling pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan ang mga salitang ito ng Mahal na Birhen. Katunayan, ang mga salitang ito ay ang dahilan kung bakit maraming pinagaling si Hesus. Sa isang utos lamang ni Hesus, gumagaling ang mga maysakit. Ilan sa mga taong gumaling dahil sa kanilang pagsunod sa utos ng Panginoong Hesukristo ay ang lalaking ipinanganak na bulag at ang sampung ketongin. 

Tunay ngang maaasahan si Hesus. Marami Siyang pinagaling na maysakit. Huwag rin nating limutin ang katotohanang Siya rin ang may gawa sa pinakadakilang himala sa kasaysayan ng mundo - ang Kanyang Muling Pagkabuhay. Saan pa ba tayo? Bakit pa ba tayo maghahanap ng iba? Marami Siyang ginawa upang patunayan ang Kanyang pagiging Diyos alang-alang sa atin. Pagdududahan pa ba natin si Kristo? 

Nagbitiw ng isang pangako ang Panginoon sa wakas ng Unang Pagbasa. Ang sabi ng butihing Panginoong Diyos na kakalingain Niya ang mga tatalima sa Kanya (Isaias 66, 14k). Iyan ang pangako ng Diyos. Kung susundin natin ang Panginoon, wala tayong dapat ikabahala. Kakalingain Niya tayo. Aalagaan Niya tayo. Tutulungan Niya tayo sa ating mga hinaharap sa buhay. Hindi Niya tayo pababayaan. Sabi nga sa isa sa mga kabanata sa aklat ng mga Salmo: "Ang tumutulong sa atin ay ang Panginoon na may gawa ng langit at lupa" (124, 8). 

Itinuturo sa atin ng Mahal na Inang si Maria kung sino ang dapat nating sundin nang buong puso - si Hesus. Katulad ng mga maysakit na sumunod sa Kanyang utos, tulad na lamang ng lalaking ipinanganak na bulag, mga lumpo, mga ketongin, at marami pang iba, sundin natin ang utos ng Panginoong Hesus. Matatamasa natin ang tunay na galak na Kanyang kaloob kapag ito ang ipinasiya nating gawin.