Huwebes, Hunyo 16, 2022

LAGI SIYANG DUMADALAW

17 Hulyo 2022 
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Genesis 18, 1-10a/Salmo 14/Colosas 1, 24-28/Lucas 10, 38-42 

Otto van Veen, Christ in the House of Mary and Martha (c. Between 1590 and 1620). Photo Credit: Calderdale Metropolitan Borough Council (Collection) ©, https://artuk.org/discover/artworks/christ-in-the-house-of-mary-and-martha-21560, licensed under CC BY-NC-ND

Hindi isang pangkaraniwang bisita ang tinatanggap sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito. Ang bisitang tinatanggap at inaasikaso sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos. Ito ang aral na itinuturo sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Tayong lahat ay laging dinadalaw ng Diyos, lalung-lalo na sa panahong hindi natin inaaasahan. Hindi lamang natin ito napapansin dahil sa bilis ng oras at sa dami ng ating mga ginagawa. 

Bakit tayo dinadalaw ng Panginoong Diyos araw-araw? Sabi ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa na sumasaatin si Kristo Hesus at ito mismo ang dahilan kung bakit mayroon tayong pag-asang makapiling ang Banal na Santatlo sa kaluwalhatian sa langit (Colosas 1, 26). Patuloy tayong dinadalaw ng Diyos upang ipaalala sa atin ang pag-asang Kanyang hatid sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Mayroong mga nagbubukas ng kanilang mga sarili sa Panginoong Diyos, katulad na lamang ni Abraham sa Unang Pagbasa at ng magkapatid mula sa bayan ng Betania na sina Santa Marta at Santa Maria sa Ebanghelyo (hindi binanggit si San Lazaro sa salaysay sa Ebanghelyo, subalit tiyak na nandoon din siya sa mga sandaling yaon at bukas-loob rin niyang tinanggap ang Panginoong Hesus). Lagi nilang binubuksan ang kanilang mga sarili sa Panginoon at tinatanggap nila Siya araw-araw. Ang kanilang pagtanggap sa Diyos ay taos-puso. Ang Panginoon ay inaanyayahan nilang tumuloy at maghari sa kanilang buhay. 

Subalit, hindi lahat ay nagbubukas ng kanilang mga sarili sa Diyos. Mayroong mga hindi nagbubukas ng kanilang mga sarili sa Diyos. Mas pipiliin nilang maging bukas sa mga magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao. Sa halip na piliin ang mga tapat, pipiliin nila ang mga tiwali. Para sa kanila, mas mapagkakatiwalaan ang mga tiwali kaysa sa mga tapat. Kapag sinabihang magnanakaw, sinungaling, o mamamatay-tao ang kanilang sinusuportahan at pinapanigan, agad silang magagalit at ipagtatanggol nila nang may buong sigasig ang mga personalidad na ito, kahit totoo naman iyon. Sa halip na mamulat sa katotohanan tungkol sa mga nasabing personalidad, pinili nilang magpauto at magbulag-bulagan. Dahil diyan, hindi nila mabuksan ang kanilang mga sarili sa Diyos. Kung hindi nila maibukas ang kanilang mga sarili sa mga tapat na tao, paano pa kaya kapag lumapit sa kanila ang Diyos na Siyang bukal ng katotohanan? Si Hesus ang nagsabi noong gabi bago Siya mamatay: "Ako ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay" (Juan 14, 6). Araw-araw dumadalaw si Kristo Hesus. Subalit, hindi Siya pinapansin o pinagbubuksan ng ilan dahil pinili nilang tanggapin at panigan ang mga sinungaling, magnanakaw, at mamamatay-tao. Nakakalungkot, nakakadismaya, at napakasakit tanggapin. Subalit, ito ang katotohanan, lalo na sa kasalukuyan. 

Ang masaklap, mayroong ilang mga Katoliko na pumapanig sa mga tiwali. Pumanig sila sa mga tiwali. Kahit alam nilang mga tiwali, pinagkakatiwalaan pa rin sila. Ito ang nakakalungkot. Ipinagpapalit si Kristo sa mga personalidad na tiwali. Mas madaling ipagpalit si Kristo Hesus sa mga personalidad, kahit na mga tiwali ang mga nasabing personalidad. Nakakalungkot. Nakakadismaya. Napakasakit tanggapin. 

Ipinapaalala sa atin sa Linggong ito na laging dumadalaw si Hesus sa ating buhay, lalung-lalo na sa mga sandaling hindi natin akalain o aasahan. Tatanggapin ba natin Siya nang buong puso? Bubuksan ba natin ang ating mga sarili sa Kanya? Bibigyan ba natin Siya ng pahintulot na tumuloy at manahan sa ating buhay? 

Sabado, Hunyo 11, 2022

ITURO SA TUNAY NA DIYOS

16 Hulyo 2022 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria ng Bundok del Carmen 
Zacarias 2, 14-17/Lucas 1/Mateo 12, 46-50 

Pierre Puget, Virgin Giving the Scapular to St. Simon Stock (c. Second Half of the 17th Century), Public Domain

Marami ang magtatanong kung ano ang kahalagahan ng Bundok del Carmen dahil sa pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang Bundok del Carmen na kilala rin bilang Bundok ng Carmelo ay ang bundok kung saan pinatunayan ng Panginoong Diyos na tanging Siya lamang ang tunay na Diyos. Mula sa langit, ang Diyos ay nagpababa ng apoy sa dambana ni Propeta Elias sa nasabing bundok bilang tugon sa panalangin ng Kanyang Propeta (1 Hari 18, 36-38). Pinatunayan ng Panginoon sa bundok na ito na walang ibang Diyos kundi Siya lamang. 

Ipinapahiwatig ng titulo ng Mahal na Birheng Maria na binibigyan ng pansin sa araw na ito, ang Birhen ng Bundok del Carmen, ang kanyang pagturo sa tunay na Diyos. Ito ang kanyang tungkulin bilang ating Ina - ituro at ilapit tayo sa tunay na Diyos. Lagi tayong pinagsasanggalang at kinakalinga ng Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok ng Carmelo, upang ituro at gabayan tayo sa tunay at nag-iisang Diyos na walang iba kundi ang Panginoon. Iyan ang dahilan kung bakit niya ipinagkaloob kay San Simon Stock ang Eskapularyo. Ang Eskapularyo ay isang sagisag ng kaligtasang kaloob ng tunay na Diyos sa pamamagitan ng mga panalangin ng Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen. Kapag sinuot natin ito, hinihikayat tayong palalimin ang ating ugnayan at katapatan sa tunay na Diyos. 

Wala namang balak ang Mahal na Birheng Maria na ilayo tayo sa tunay na Diyos. Sa halip na ilayo tayo sa Diyos, nais ng Mahal na Ina na ituro at gabayan tayo sa Kanya. Nais ng Mahal na Birhen na maging malapit tayo sa Diyos. Kaya naman, lagi tayong pinagsasanggalang at kinakalinga ng Mahal na Ina. Katunayan, ito ang nais ng Diyos. Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo na ang mga sumusunod sa kalooban ng Amang nasa langit ay ang Kanyang Ina at mga kapatid (Mateo 12, 50). Ang Panginoong Hesus rin mismo ang nagtalaga kay Maria bilang Ina ng Simbahan na kinatawan ni Apostol San Juan habang nakapako Siya sa krus (Juan 19, 26-27). Laging tinutupad ni Maria ang kanyang tungkulin bilang Ina ng Simbahan sa pamamagitan ng palagiang pagtanggol at pagkalinga sa atin. 

Bilang Ina ng Simbahan, nais ng Mahal na Birheng Maria na maranasan natin ang galak na inilarawan ni Propeta Zacarias sa Unang Pagbasa. Galak na nagmumula sa tunay na Diyos na walang iba kundi ang Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit lagi niyang tinutupad ang tungkuling ibinigay sa kanya ni Kristo bilang Ina ng Simbahan. Hindi naging pabaya si Maria kahit kailan. Palagi niya tayong pinagsasanggalang at kinakalinga upang ilapit tayo sa Diyos. Ang nais ng Mahal na Birhen ay ang nais rin ng Diyos - makinabang sa kagalakang kaloob ng presensya ng Diyos. 

Nais ng Mahal na Inang si Maria, ang Birhen ng Bundok del Carmen, na ituro at ilapit tayo sa tunay na Diyos na walang iba kundi ang Panginoon. Subalit, nakakalungkot isipin at tanggapin na ayaw tanggapin ang tulong na ito ng Mahal na Ina sapagkat may iba silang mga diyos. Ang mga magnanakaw, mamamatay-tao, at sinungaling ay ginagawa nilang mga diyos. Bukod pa roon, mayroon pa nga sa kanila na ginagawang diyos ang kanilang mga sarili. Sinasabi nilang "Vox populi, vox Dei" (Ang boses ng tao ay boses ng Diyos). Gusto nilang gawing diyos ang kanilang mga sarili. Dahil diyan, sinusuportahan nila ang mga tiwali, sinungaling, mamamatay-tao. Ang masakit, may ilan sa kanila na laging nagsisimba. Halos araw-araw silang nagsisimba, subalit ang mga magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao ay sinusuportahan at itinuturing na mga diyos. Nakakalungkot. Nakakadismaya. 

Ang hangad ng Mahal na Birheng Maria, mapalapit tayo sa tunay na Diyos. Kung ang nais ng Mahal na Inang si Maria na siya ring nais ng Diyos ay nanaisin rin natin, ang taos-puso nating katapatan ay ibibigay natin sa Diyos. Kapag iyan ang ating gagawin, matatamasa natin ang biyaya ng walang hanggang kagalakan at buhay sa piling ng Panginoon sa Kanyang kaharian sa langit. 

Biyernes, Hunyo 10, 2022

PAG-IBIG NA UMUUDYOK NG PAGKILOS

10 Hulyo 2022 
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Deuteronomio 30, 10-14/Salmo 68 (o kaya: Salmo 18)/Colosas 1, 15-20/Lucas 10, 25-37 

Balthasar van Cortbemde, The Good Samaritan, 1647, Public Domain 

Sabi ni Apostol Santo Santiago: "[P]atay ang pananampalatayang walang kaakibat na gawa" (1, 17). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, nagbigay siya ng babala laban sa mga taong daldal lamang ng daldal. Walang silbi ang pagdadaldal lamang. Peke at huwad ang pag-ibig at pananampalataya ng isang tao sa Diyos kapag panay daldal lamang siya tungkol dito ngunit hindi naman ipinapakita sa gawa. Ang Diyos ay hindi nalulugod sa mga taong bumubukas lamang ng bibig tungkol sa pananampalataya at pag-ibig sa Kanya ngunit hindi naman ito pinapatunayan sa kanilang mga gawa. Ang tawag sa mga taong ito ay mga plastik. Hindi kaplastikan ang hanap ng Diyos. 

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay isa ring babala laban sa kaplastikan. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos na Kanyang ipinamalas sa pamamagitan ng pag-aalay ng sarili ng Panginoong Hesukristo ay ginamit ni Apostol San Pablo bilang halimbawa ng mga gawang naghahayag ng pag-ibig sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng paghahandog ng sarili ni Kristo Hesus, pinatunayan ng Diyos ang Kanyang pag-ibig para sa sangkatauhan. Ang pag-ibig ng Diyos ay isang halimbawa ng pag-ibig na pinatunayan ng gawa. Ang dakilang pag-ibig ng Panginoong Diyos ay umudyok sa Kanya na iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. 

Nagsalita si Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa tungkol sa paghahayag ng kanilang pag-ibig para sa Diyos. Sabi ni Moises sa kanila na dapat nilang dinggin ang tinig ng Panginoong Diyos at sundin nang buong puso at kaluluwa ang Kanyang mga utos (Deuteronomio 30, 10). Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga ng Mabuting Samaritano upang ituro kung paano magiging tunay ang pag-ibig ng bawat isa para sa Diyos at kapwa. Hindi sapat ang pagsasalita o pagdarasal lamang. Dapat rin tayong kumilos upang patunayan ang ating pag-ibig sa Diyos at kapwa. 

Walang silbi ang pag-ibig at pananampalataya kapag puro salita lamang ito. Dapat may pagkilos na magpapatunay ng pag-ibig at pananampalataya. Kapag inihayag natin gamit ang ating mga labi na iniibig natin ang Diyos at kapwa ngunit nanatili tayong tahimik sa harap ng garapalang katiwalian, kasinungalingan, at kawalan ng katarungan, huwad ang pag-ibig na iyan. 

Huwebes, Hunyo 9, 2022

ANONG AKALA MO?

3 Hulyo 2022 
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 66, 10-14k/Salmo 65/Galacia 6, 14-18/Lucas 10, 1-12. 17-20 (o kaya: 10, 1-9)

Anton Raphael Mengs, Caída de Cristo con la cruz a cuestas camino del Calvario, 1769, Public Domain 

Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa: "Sapat na ang mga pilat ko, para makilalang ako'y alipin ni Hesus" (Galacia 6, 17). Ang mga salitang ito ni Apostol San Pablo ay isang pahiwatig ng mga hirap at pagsubok na kinailangan niyang harapin at tiisin sa bawat sandali ng kanyang misyon bilang apostol at saksi ni Kristo Hesus. Isa itong babala para sa mga nag-aakalang madali lamang maging misyonero at saksi ni Hesus. Kung mismong si Hesus ay hindi naging ligtas mula sa matinding pag-uusig at kamatayan, paano pa kaya ang Kanyang mga apostol at saksi? May mga panganib at banta laban sa mga nasa panig ni Hesus. 

Ang paglingkod sa Panginoon ay hindi madali. Ang paglingkod sa Panginoon ay hindi nangangahulugang wala na tayong haharapin at titiising hirap at sakit sa buhay dito sa mundo dahil lagi itong magiging maginhawa. Ang pagiging lingkod ng Panginoong Diyos ay hindi lamang pangangaral tungkol sa mga matatamis na salitang Kaniyang binibitiwan, katulad na lamang ng nasasaad sa Unang Pagbasa. Oo, mayroong mga pagkakataon kung kailan nagsasalita nang matamis ang Diyos. Subalit, mayroon ring mga pagkakataon kung kailan hindi Siya gumagamit ng mga matatamis na salita sa Kanyang mga pahayag. Ang mga malalakas na pahayag ng Panginoon ay ibabahagi rin ng mga tunay na naglilingkod sa Kanya, kahit mayroong posibilidad na hindi siya tatanggapin ng iba dahil sa mga pahayag na ito ng Diyos. 

Ito ang pangunahing dahilan kung bakit sinabi ng Panginoong Hesus sa mga apostol sa Ebanghelyo para sa Linggong ito: "Sinusugo Ko kayo parang mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat" (Lucas 10, 3). Isa lamang ang ibig sabihin ng mga salitang ito ni Hesus - ang pagmimisyon o ang paglilingkod sa Panginoon ay hindi madali tulad ng paglalakad sa isang liwasang-bayan. Bagkus, mayroong mga sandali kung kailan ang mga taos-pusong nagpasiyang paglingkuran ang Diyos ay nakakakaranas rin ng iba't ibang uri ng hirap, pagsubok, at pag-uusig mula sa ibang tao. Iyan ang katotohanan. Hindi porket mabuti at maganda ang mensahe ni Hesus, mayroong mga tutol pa rin. 

Dapat nating tanggalin sa ating isipan ang maling paniniwalang ang pagiging lingkod ng Diyos ay madali lamang. Ano'ng akala natin? Magiging maginhawa ba ang lahat ng tao sa mundong ito? Hindi. Bagkus, mayroong iba't ibang uri ng hirap, sakit, pag-uusig, at pagusbok. Hindi tungkol sa tamis at ginhawa lamang ang paglingkod sa Panginoong Diyos nang taos-puso. 

Sabado, Hunyo 4, 2022

DAHILAN NG KATAPATAN

29 Hunyo 2022 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19


Apostol, martir, haligi. Ang mga salitang ito ay madalas gamitin upang ilarawan ang dalawang santong itinatampok ng Simbahan sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito na walang iba kundi si Apostol San Pedro at San Pablo. Si Apostol San Pedro ay ang unang Santo Papa ng Simbahan habang si Apostol San Pablo naman ay kilala bilang apostol at misyonero sa mga Hentil. Sa bawat sandali ng kanilang misyon bilang mga apostol, misyonero, at saksi ni Kristo Hesus, ang dalawang ito ay laging nagpakita ng kagitingan. Hanggang sa kanilang kamatayan bilang mga martir, hindi sila bumitaw sa pananampalatayang kanilang pinalaganap at pinatotohanan. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang paghirang ng Panginong Hesus kay Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Sinasagisag ito ng Kanyang pagbigay ng mga susi sa kaharian ng langit kay Apostol San Pedro. Si Apostol San Pablo naman ay hinirang naman ng Panginoong Hesukristo sa ikasiyam na kabanata ng Mga Gawa ng mga Apostol. Bagamat magkaiba ang kanilang mga nakaraan at pinanggalingan, ang dalawang ito ay hinirang ni Hesus para sa isang napakabigat na misyon. Iniatasan ang dalawang ito upang sumaksi tungkol kay Hesus sa iba't ibang bahagi ng mundo. Katunayan, mas mabigat ang tungkulin ni Apostol San Pedro sapagkat iniatasan siya ni Hesus upang maging Kanyang Bikaryo sa mundo. 

Sa bawat sandali ng kanilang misyon, maraming pagsubok at pag-uusig ang kanilang hinarap at tiniis. Halimbawa na lamang ang naranasan ni Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa. Siya ang Unang Santo Papa ng tunay na Simbahang itinatag mismo ni Hesus. Subalit, sa kabila nito, hindi siya naligtas mula sa pag-uusig. Kung tutuusin, bagamat nagsisimula pa lamang siya sa pagtupad ng kanyang misyon bilang saksi ni Kristo at unang Santo Papa ng Simbahan, muntik na siyang mamatay. Kahit na tila masyado pang maaga para matapos ang kanyang misyon, hindi maipagkakailang si Apostol San Pedro ay muntik nang mamatay nang maaga. Naligtas lamang siya dahil tinulungan siya ng isang anghel ng Panginoon na tumakas mula sa bilangguan. Ang Diyos ang nagligtas kay Apostol San Pedro mula sa kapahamakan at kamatayan. 

Pati si Apostol San Pablo ay hindi naligtas mula sa pag-uusig. Ipinahiwatig niya ito sa kanyang mga isinulat kay San Timoteo na itinampok sa Ikalawang Pagbasa para sa araw na ito. Sa bawat sandali ng kanyang pagmimisyon, marami siyang hinarap at tiniis na pagsubok at pag-uusig. Subalit, napagtagumpayan niya ito dahil lagi siyang sinamahan, tinulungan, at iniligtas ng Panginoon. Nanatili siyang tapat sa Panginoon hanggang wakas dahil tinulungan, sinamahan, at iniligtas siya ng Panginoon. Kung wala ang Panginoon, walang mararating si Apostol San Pablo at tiyak na isusuko na lamang niya agad ang kanyang pagmimisyon. 

Matinding pagsubok at pag-uusig ang naranasan ng dalawang ito. Isang pahiwatig nito ay ang pamamaraan ng kanilang pagkamatay bilang mga martir. Paulit-ulit na inusig ang dalawang dakilang apostol at martir na ito dahil kay Kristo Hesus. Hindi sila naging ligtas mula sa pag-uusig, kahit na nagsisimula pa lamang sila sa kanilang pagmimisyon. Iyan ang katotohanan. Katulad ni Hesus, hindi sila tinanggap ng lahat dahil sa kanilang ipinangangaral. Katunayan, tanging si Hesus mismo ay ang dahilan kung bakit sila inusig. 

Hindi naging ligtas ang Simbahan mula sa pag-uusig. Pati sa kasalukuyang panahon, patuloy na nagdaranas ng pag-uusig ang Simbahan. Ang masakit pa dito, pati ang ilang mga Katoliko, nakikisama na rin sa pag-uusig sa Simbahan. Sa halip na piliin ang Panginoong Hesukristo na pinatotohanan ng Simbahan, pinipili pa rin nila ang mga tiwali, mapanlinlang, at mamamatay-tao. Ang masakit pa nito, kung sino pa ang mga sinungaling, mamamatay-tao, at tiwali, sila pa ang ginagawang diyos. Ang tunay na Diyos ay ipinagpalit sa mga tiwali, sinungaling, at mamamatay-tao. Kung sino pa ang mga tiwali, sinungaling, at mamamatay-tao, sila pa ang sinasamba ng marami sa lipunan, lalo na ng ilang Katoliko. Ito ang pinakamasakit na katotohanan tungkol sa kasalukuyan. Napakasakit ang katotohanang ito: pinili ng ilan ang tinig ng mga tiwali, mapanlinlang, at mamamatay-tao na walang ibang layunin kundi utuin ang mga tao. Nakakalungkot. Nakakadismaya. Napakasakit. Ang Panginoong Hesus ay ipinagpalit sa mga magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao na walang ibang inisip kundi ang sarili nilang interes at ang interes ng kanilang mga alipores. 

Bagamat laging inuusig ang Simbahan sa paglipas ng panahon sa iba't ibang paraan, hindi siya pinabayaan ng Panginoon. Ang buhay nina Apostol San Pedro at San Pablo ay isa lamang patunay na hindi tayo pababayaan ng Panginoon. Bagkus, palagi Niya tayong sasamahan, tutulungan, at ililigtas. Subalit, nasa atin pa rin ang pasiya kung mananatili tayong tapat sa Kanya, tulad nina Apostol San Pedro at San Pablo.

Biyernes, Hunyo 3, 2022

TUNAY NA PAGSAKLOLO

27 Hunyo 2022
Kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo 
Isaias 7, 10-17/Salmo 71/Pahayag 12, 1-6. 10/Juan 19, 25-27 


Hindi lamang ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas ang ipinagkaloob ng Diyos sa atin. Hindi lamang ang biyaya ng kaligtasan at kalayaan ang ipinagkaloob Niya sa atin. Marami Siyang biyayang ipinagkaloob sa atin. Sa araw na ito, itinatampok ang isang 'di inaasahang biyayang kaloob ng Diyos - ang biyaya ng isang Ina. Ang biyaya ng Mahal na Birheng Maria. Batid naman nating lahat na hinirang ng Diyos si Maria upang maging Ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Subalit, nais pa rin ng Diyos na maranasan natin ang Kanyang patuloy na pagtanggol at pagligtas. Kaya, ibinigay ng Diyos si Maria sa atin upang maging Ina ng buong Simbahan. Ang biyaya ng kaligtasan at pagtanggol ng Diyos ay patuloy na ipinapaalala sa atin ng Mahal na Birheng Maria dahil siya mismo ang magtatanggol at tutulong sa atin. Dahil dito, ang Mahal na Birheng Maria ay ating kinikilala bilang Ina ng Laging Saklolo. Ang tulong at pagsanggalang ng Diyos ay lagi niyang inasalamin bilang ating Ina. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Ang sanggol na lalaki na ipaglilihi at ipanganganak ng isang dalaga ang magiging ipinangakong Manunubos (Isaias 7, 14). Darating sa pamamagitan ng sanggol na lalaking ito, na tatawaging Emmanuel, ang biyaya ng kaligtasan sa lahat. Sa Ebanghelyo, kahit na nakabayubay sa krus, ipinagkaloob ng Emmanuel na si Kristo Hesus kay Apostol San Juan na kumatawan sa Simbahan sa mga sandaling yaon ang Mahal na Birheng Maria (Juan 19, 26-27). Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Juan ay nagsulat tungkol sa "isang babaeng nararamtan ng araw at nakatuntong sa buwan; ang ulo niya'y may koronang binubuo ng [labing-dalawang] bituin" (Pahayag 12, 1). Iyan si Maria: Reynang Ina ni Hesus at Reynang Ina nating lahat. Bilang ating Reynang Ina, lagi siyang handang isalamin ang tulong at sanggalang ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang maka-inang pagsanggalang at pagtulong sa atin. 

Totoo ang pagtulong at pagsanggalang ng Panginoong Diyos na laging isinasalamin ng maka-inang pagkalinga, pagtulong, at pagsanggalang ng Mahal na Inang si Maria. Subalit, nakakalungkot isipin na hindi ito tinatanggap ng marami, lalung-lalo na ang ilan sa mga bumubuo ng mismong Simbahan. Bagamat isinisikap ng mga pari, mga obispo, mga madre, at iba pang mga katulad nila na ituro ang lahat ng mga Katoliko kay Hesus tulad ng ginagawa ni Maria, may ilang hindi nakikinig sa kanila. Bagkus, pinili nilang pakinggan ang mga tiwali at mapanlinlang na pinuno. Ang masaklap, ginawa pa nilang mga bagong diyos ang mga pinunong ito na walang ibang ginawa kundi mang-uto ng mga tao upang makamit ang kanilang mga sariling interes. Hindi na pinapanigan ang Panginoong Hesus kundi ang mga magnanakaw, mamamatay-tao, at mapaglinlang. Mas ginusto pa nilang magpauto sa mga kasinungalingan ng mga kilalang pinunong tiwali, sinungaling, at mamamatay-tao. 

Ipinapaalala sa atin sa araw na ito na tunay ang tulong at sanggalang ng Panginoon sa pamamagitan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo. Hindi ito hungkag tulad ng mga tiwaling pinuno na nang-uuto ng kapwa upang makamit ang interes ng kanilang mga alipores at ang interes ng kanilang mga sarili. Hindi ganyan kumilos ang Diyos. Ang Diyos ay laging handang tumulong at magsanggalang sa atin. Lagi itong ipinapaalala ng Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng kanyang maka-inang pagtulong at pagsanggalang. Iyan ang totoo. 

Huwebes, Hunyo 2, 2022

MGA SAKRIPISYO SA PAGSUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS

26 Hunyo 2022 
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
1 Hari 19, 16b. 19-21/Salmo 15/Galacia 5, 1. 13-18/Lucas 9, 51-62 

Jan Matsys, The Calling of Elisha (c. 1572), Public Domain

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa pagtawag ng Diyos at ang mga sakripisyong kalakip ng pagtanggap nito. Kapag ang tawag at kalooban ng Diyos ay ipinasiya nating tanggapin at sundin, may mga bagay na dapat nating isakripisyo o bitawan. Kailangan nating ipagpalit ang mga ito upang manaig at matupad ang kalooban ng Diyos para sa atin. Katunayan, hindi lamang mga materyal na bagay ang dapat nating isakripisyo. Pati ang ating ugnayan sa tao ay dapat nating isuko, lalung-lalo na kung hindi sila pumapabor o sumasang-ayon sa kalooban ng Diyos dahil mas pipiliin nila ang sarili nilang interes. 


Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa ating misyon bilang mga Kristiyano. Sabi niyang tinawag tayo upang maging malaya (Galacia 5, 13). Ang kalayaang ito ay hindi kaloob ng mundo kundi ng Panginoong Diyos. Tayong lahat ay tinawag upang maging malaya bilang mga anak ng Diyos. Tungkulin rin nating ibahagi ang kalayaang ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa ating kapwa nang may pag-ibig sa tulong at gabay ng Espiritu Santo. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ang pagtawag at paghirang kay Eliseo upang maging kasunod na propeta. Hinirang siya ng Panginoong Diyos upang humalili o pumalit kay Propeta Elias (1 Hari 19, 16b). Tinanggap naman ni Eliseo ang pagtawag at paghirang sa kanya ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Elias na siyang nagsuklob ng balabal sa kanya (1 Hari 19, 19). Subalit, bago tanggapin ang misyong kaloob ng Panginoong Diyos sa kanya, nakiusap muna siya kay Propeta Elias na kung maaari, magpapaalam muna siya sa kanyang mga magulang bago siya sumunod kay Elias, na pinahintulutan naman ni Elias (1 Hari 19, 20). Batid ni Eliseo na kailangan niyang humiwalay sa kanyang pamilya upang matupad ang kalooban ng Diyos.

Sa Ebanghelyo, isinalungguhit ni Hesus kung gaano kahirap ang pagsunod sa Kanya nang taos-puso. Maraming pagsubok ang dapat harapin at tiisin ng mga nagnanais maging tagasunod ni Hesus. Isang halimbawa nito ay ang hindi pagtanggap ng mga Samaritano sa Kanya sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Katunayan, ipinahiwatig Niya ito noong sinabi Niyang walang matutuluyan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao (Lucas 9, 58). Hindi lahat ng mga nakikinig kay Hesus ay tumanggap sa Kanya. Kaya naman, wala Siyang matutuluyan o mapagpapahingahan noon. Pati sa kasalukuyan, totoo pa rin ang mga salita ni Hesus. Hindi lahat ay bukas sa Kanya. Katunayan, mas pipiliin pa ng marami ang mga magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao kaysa sa Kanya. Ang Panginoong Hesukristo ay hindi tinatanggap ng maraming tao. Ito ang masakit na katotohanan na patuloy pa ring namamayani sa kasalukuyan. 

Bilang mga Kristiyano, mayroong kalooban ang Diyos para sa atin. Subalit, kapag tinanggap natin ang kalooban ng Diyos, maraming magbabago sa ating buhay. Hindi lamang natin dapat isakripisyo ang mga materyal na bagay. Bagkus, magbabago rin ang ating ugnayan sa tao, lalo na sa pamilya. Maraming hindi tatanggap sa atin dahil ipinasiya nating sundin ang kalooban ng Diyos kaysa sumunod sa agos.