Huwebes, Hulyo 7, 2022

HINDI KAPAHAMAKAN KUNDI KALIGTASAN

7 Agosto 2022 
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 18, 6-9/Salmo 32/Hebreo 11, 1-2. 8-19 (o kaya: 11, 1-2. 8-12)/Lucas 12, 32-48 (o kaya: 12, 35-40) 


Sa Ebanghelyo, inihalintulad ni Hesus ang Kanyang Ikalawang Pagdating sa wakas ng panahon sa pagdating ng isang magnanakaw sa gabi (Lucas 12, 39). Ang pagdating ng isang magnanakaw ay isa sa mga halimbawang ginamit ng Panginoong Hesus sa Kanyang pangaral tungkol sa Kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon upang isalungguhit ang pagiging 'di inaaasahan nito. Siya na nga mismo ang nagsabi na darating Siya, ang Anak ng Tao, sa panahong hindi inaasahan (Lucas 12, 40). 

Bahagi ng ating pananampalataya bilang Simbahan ang ating paniniwala sa muling pagdating ni Kristo. Sabi sa ating pananampalataya na si Kristo ay darating sa wakas ng panahon bilang Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao. Hindi natin alam ang petsa o oras, ngunit naniniwala tayong mangyayari iyon pagdating ng araw. Magwawakas ang panahon. Guguho ang lupa. Babagsak ang mga gusali. Si Hesus ay darating muli bilang Hukom at Hari. Kailan magaganap ang wakas ng panahon? Ang Panginoong Hesus na rin mismo ang sumagot: "Ngunit walang nakaaalam ng araw at oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man - ang Ama lamang ang nakakaalam nito" (Mateo 24, 36; Marcos 13, 32). Ang Amang nasa langit ay ang tanging nakakaalam kung kailan magwawakas ang panahon. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito ang dahilan kung bakit si Kristo ay darating. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang pagligtas ng Diyos sa Kanyang bayan. Kung paanong iniligtas ng Diyos ang Kanyang bayan noong una, darating muli ang Panginoong Hesukristo sa wakas ng panahon bilang Hukom upang magligtas. Sa Ikalawang Pagbasa, nangaral ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo tungkol sa halaga ng pananalig sa Panginoong Diyos. Sa kanyang pangaral, ginamit niya bilang halimbawa sina Abraham at Sara. Sa huli, pagpapalain ng Panginoon ang lahat ng mga nagpasiyang manalig sa Kanya nang buong katapatan. Gagawin ito ng Hari at Hukom na si Hesus sa wakas ng panahon sa mga nagpasiyang manalig nang buong katapatan sa Kanya. 

Lingid sa ating kaalaman na laging dumarating si Hesus araw-araw upang dalawin o bisitahin tayo. Bago pa man Siya dumating nang maringal bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon, lagi Siyang dumarating araw-araw upang dalawin tayo. Lagi Niya tayong dinadalaw upang suriin kung nababatid at tinatanggap natin ang Kanyang kalooban katulad ng Kanyang inilarawan sa maikling talinghaga tungkol sa mga alipin sa huling bahagi ng Ebanghelyo. Habang nabubuhay pa tayo sa mundo, lagi tayong binibigyan ng oportunidad ni Hesus upang ating maunawaan at matanggap kung ano ang Kanyang naisin. 

Katulad ng Kanyang unang pagdating bilang ipinangakong Mesiyas, darating muli sa wakas ng panahon si Hesus upang maghatid ng kaligtasan sa lahat ng mga tapat na nananalig sa Kanya. Lagi Siyang dumadalaw araw-araw upang suriin kung tunay nga ba nating nauunawaan ang Kanyang kalooban at tinatanggap ito bilang paghahanda para sa Kanyang maringal na pagdating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. Hindi kapahamakan ang Kanyang kaloob kundi kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataon upang ang Kanyang kalooban ay ating maunawaan at sundin. Ito ang dahilan kung bakit lagi Siya dumadalaw araw-araw. 

Linggo, Hulyo 3, 2022

HINDI PEKE

6 Agosto 2022 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (K) 
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Lucas 9, 28b-36 

Giovanni Lanfranco, Transfigurazione (c. Before 1626), "No Known Copyright" (Public Domain), Image from: (https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Trasfigurazione_-_Lanfranco.jpg). 

Ang araw na ito ay ang ikalawa't huling araw sa buong taon kung kailan maririnig ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo sa Liturhiya. Sa Kalendaryo ng Simbahan, ang unang araw kung kailan ang salaysay ng kaganapang ito sa buhay ni Hesus ay maririnig sa Ebanghelyo sa Misa ay ang Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay na kilala rin bilang panahon ng Kuwaresma. Ang ikalawang araw kung kailan maririnig sa Ebanghelyo sa Misa ang salaysay na ito ay ang mismong araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na pagninilay sa misteryong ito sa buhay ni Hesus. Bago Siya tumungo sa banal na lungsod ng Herusalem upang tuparin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas, umakyat sa isang bundok kasama sina Apostol San Pedro, Santo Santiago, at San Juan ang Panginoong Hesus. Sa nasabing bundok, nagbagong-anyo si Hesus habang nananalangin Siya sa Ama nang buong kataimtiman. 

Sa nasabing bundok, ang Amang nasa langit ay muling nagsalita upang ipakilala si Hesus bilang Kanyang Anak at Hinirang. Sabi sa salaysay sa Ebanghelyo na nagbigay ng isang utos ang Amang nasa langit: "Ito ang minamahal Kong Anak na lubos Kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo Siya!" (Lucas 9, 35). Katunayan, bago ibinigay ng Ama ang utos na ito, si Hesus na nagbagong-anyo ay kinausap nina Moises at Propeta Elias. Si Hesus ay kinausap nina Moises at Propeta Elias tungkol sa nalalapit Niyang pagpapakasakit at pagkamatay na magaganap sa Herusalem (Lucas 9, 31). Iyan ang misyong ibinigay ng Ama kay Hesus bilang ipinangakong Mesiyas. Ito ang paksa ng usapan nina Hesus, Moises, at Elias upang ilarawan kung anong uri Siya ng Mesiyas. 

Pinatotohanan ni Apostol San Pedro ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Ang sabi ni Apostol San Pedro na ang tinig ng Amang nasa langit ay kanilang narinig sa bundok na iyon (2 Pedro 1, 17-18). Dagdag pa ni Apostol San Pedro na tumibay ang kanilang pananalig sa ipinahayag ng mga propeta tungkol sa ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi si Hesus (2 Pedro 1, 19). Ang nagbagong-anyo na si Hesus ay ipapapatay ngunit mabubuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Gaya ng sabi ni Propeta Daniel sa Unang Pagbasa, si Hesus ay mabubuhay magpakailanman (7, 9). Siya ang tunay na maghahari magpakailanman. 

Marami ang nagpanggap bilang Mesiyas. Maski sa kasalukuyang panahon, may mga nanlilinlang at nagpapanggap na Mesiyas. Nagpapanggap silang Diyos. Ang mga tao ay walang awa nilang nililinlang at binubudol. Garapalan ang kanilang panlilinlang at pambubudol sa mga tao upang makamit nila ang kanilang pansariling interes. Wala silang balak ilapit ang kapwa sa tunay at nag-iisang Diyos. Bagkus, ang tunay na balak o intensyon ng mga nagpapanggap na Mesiyas at Diyos ay punuin ng pera ang kanilang mga bulsa sa pamamagitan ng garapalang pagsisinungaling sa kapwa-tao. Wala silang ibang habol kundi salapi at kapangyarihan. Mga sakim. Mga walang awa. 

Itinuturo sa atin sa araw na ito na isa lamang ang tunay na Diyos. Ang tunay na Diyos ay hindi nanlilinlang o nambubudol. Pawang katotohanan lamang ang inihahayag ng tunay na Diyos dahil Siya mismo ang bukal ng katotohanan. Siya lamang ang dapat nating pakinggan, sundin, at pagkatiwalaan. Si Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang tunay na Diyos, na dumating sa mundo upang iligtas tayo sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang tunay na Diyos. Mapagmahal at bukal ng katotohanan. 

Sabado, Hulyo 2, 2022

NAPAPANAHONG BABALA

31 Hulyo 2022 
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Mangangaral 1, 2; 2, 21-23/Salmo 89/Colosas 3, 1-5. 9-11/Lucas 12, 13-21 

Photo Credit: Arabs for Christ / FreeBibleimages.org under CC BY-SA.

Sabi ng Mangangaral sa pambungad ng Unang Pagbasa: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay" (1, 2). Ito ang temang nais talakayin ng Simbahan sa araw na ito. Sa pamamagitan ng pagninilay sa mga salitang ito, muling ipinapaalala sa atin kung ano ang pinakamahalaga. Isa rin itong napapanahong babala para sa lahat ng mga sakim sa kapangyarihan at kayamanan. Dahil sa kanilang kasakiman, nang-aapi at nanamantala sila ng kapwa. Walang awa nilang inuuto nila ang kanilang kapwa sa pamamagitan ng lantarang panlilinlang upang makuha nila ang kanilang pansariling interes. Handa sila mang-api, mang-uto, magnakaw, at pumatay. Talaga namang umiral na sa lipunan ang kanilang kasakiman. 

Matapos pagsabihan ang isang tao tungkol sa kanyang problema sa mana sa unang bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga ng mayamang hangal. Sa pamamagitan ng pagsalaysay ng talinghagang ito, nagbigay ng isang babala laban sa kasakiman si Hesus. Inilarawan ni Hesus sa talinghagang ito kung gaano kalakas ang impluwensiya ng kasakiman sa isip ng tao. Walang magandang idudulot ang pagiging sakim. Ang kasakiman ay nagdudulot lamang ng kahibangan at kahangalan na siyang umuudyok sa isang tao na manlinlang, magnakaw, at pumatay. 

Itinuturo ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung ano ang dapat asamin at hangarin. Hindi tayo dapat magpaalipin sa kasakiman. Bagkus, dapat nating asamin at hangarin ang langit (Colosas 3, 1-2). Bilang mga Kristiyano, pinagkalooban tayo ng kalayaan at kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Dahil dito, ang iba't ibang kasalanan katulad na lamang ng kasakiman ay dapat nating tutulan sapagkat si Kristo at ang Kanyang kaharian sa langit ang dapat asamin at hangarin.  

Nakakalungkot at nakakadismaya sapagkat mayroong mga patuloy na nagpapaalipin sa kasakiman at kasalanan sa kasalukuyan. Ito ang umuudyok sa kanila na manloko, mangulimbat, at pumatay ng tao na walang kalaban-laban. Pinili nilang maging mga alipin ng kasakiman at kasalanan sa halip na tanggapin ang biyaya ng kaligtasan at kalayaang kaloob ni Kristo Hesus. Nakakalungkot na pinipilit rin nilang idamay ang ibang tao na ayaw naman nilang sumama sa kanila magpaalipin sa kasakiman. May balak silang ipahamak ang iba. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pambubudol, pang-aapi, pagnanakaw, at pagkitil ng buhay. Mga walang awa. 

Dahil sa kanilang pambubudol at pang-aapi, marami ang nagtatanggol sa kanila. Ang masaklap, mayroong ilan mula sa Simbahan na kumukunsinti sa kanila. Sa halip na tumindig at magsalita laban sa pang-aapi at panlalamang ng mga nagpapaalipin sa kasakiman, ipinasiya nilang magbulag-bulagan at manatiling tahimik na lamang. Sa halip na gamitin ang kanilang tinig upang manindigan laban sa garapalang pang-aapi, panlilinlang, pagnanakaw, at pagkitil ng buhay, tikom ang kanilang mga labi. Kapag nagsalita ang Simbahan laban sa kulturang ito, sila pa ang galit. Nakakadismaya ito sapagkat lalo lamang lumalaganap ang kahibangan at kahangalan sa lipunan. 

Ang babala ng Panginoon na inilahad sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tunay ngang napapanahon. Walang silbi ang pagiging sakim. Kung magpapalipin na lamang tayo sa kasakiman, pinapairal lamang natin ang kahibangan at kahangalan. Tandaan, hindi natin madadala ang mga kayamanang ito sa kabilang buhay. Higit na dakila ang mga bagay sa langit kaysa sa mga bagay dito sa lupa. Kapag may mga nagpasiya pa ring magpaalipin sa kasakiman at pinairal ang garapalang panlilinlang, pagnanakaw, pang-aapi, at pagkitil ng buhay sa lipunan, ang Diyos na ang hahatol sa inyo. 

Huwag kalimutan ang mga salitang ito na binigkas ni Hesus: "Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong sanlibutan kung ang katumbas naman nito'y ang kanyang buhay? Ano nga ang mapapala niya kung siya'y mapapahamak?" (Mateo 16, 26; Marcos 8, 36; Lucas 9, 25 - especially the last part)

Biyernes, Hulyo 1, 2022

PAG-IBIG AT PANANALIG KAY HESUS

29 Hulyo 2022 
Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42) 

Pier Francesco Mazzucchelli, The Raising of Lazarus (Year Unknown), Public Domain ("No Known Copyright"). 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa pag-ibig at pananalig. Ito ay dahil inilaan ang araw na ito sa paggunita sa magkapatid na taga-Betania na walang iba kundi sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro. Ang magkapatid na ito ay kilala rin bilang mga kaibigang mahal ni Hesus. Bilang mga kaibigan ni Hesus, ibinigay nila sa Kanya ang kanilang tunay at taos-pusong pagmamahal at pananalig. Hindi sila mga peke o plastik na kaibigan. Bagkus, mga tunay silang kaibigan ni Hesus. 

Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Juan ay nangaral tungkol sa kahalagahan ng pag-iibigan. Dapat mag-ibigan ang bawat isa sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos (1 Juan 4, 7). Si Apostol San Juan rin ang nagsabi na umiibig tayo "sapagkat ang Diyos [ay] ang unang umibig sa atin" (1 Juan 4, 19). Ito ang ginawa nina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania kay Hesus. Ang Panginoong Hesus ay kanilang inibig bilang kanilang kaibigan. Kung paanong itinuring sila ni Hesus bilang Kanyang mga kaibigan, itinuring rin nila si Hesus bilang kaibigan. Ang kanilang pag-ibig para kay Hesus bilang kanilang kaibigan ang nagpapatunay nito. 

Dahil sa kanilang pag-ibig para kay Hesus, nanalig sila sa Kanya. Ito ang dahilan kung bakit bago mamatay si Lazaro, nagpadala sila ng mensahero upang ihatid kay Hesus ang balita tungkol sa kanyang karamdaman (Juan 11, 3). Ito rin ang ipinahiwatig ng sinabi ni Marta sa Panginoong Hesukristo noong dumating Siya sa Betania matapos mamatay si Lazaro: "Panginoon, kung Kayo po'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid" (Juan 11, 21). Nanalig silang tanging si Hesus lamang ang may magagawa para kay Lazaro. Matapos buhayin ni Hesus si Lazaro, ang pananalig nila sa Kanya ay lalo lamang lumalim. Katunayan, isang pahiwatig nito ang mga salitang binigkas ni Marta kay Hesus sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo para sa espesyal na araw na ito: "Nananalig ako sa Inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaaasahang paparito sa sanlibutan" (Juan 11, 27). Hindi lamang ito ang pananalig ni Marta. Hindi lamang si Marta ang may ganitong pananalig sa Panginoong Hesukristo. Maging ang kanyang mga kapatid na sina Lazaro at Maria ay may ganito ring kalalim na pananalig sa Panginoong Hesus na bunga ng kanilang pag-ibig para sa Kanya. 

Nakakalungkot isipin subalit may mga hindi talagang umiibig at nananalig kay Hesus sa kasalukuyan. Ang problema, mayroon sa kanila na nanggagaling sa Simbahan. Si Hesus ay kanilang ipinagpapalit sa mga kilalang personalidad na tiwali, sinungaling, magnanakaw, at mamamatay-tao. Ang kanilang pag-ibig at pananalig kay Hesus ay dinadaan na lamang sa mga matatamis na salita. Sa Simbahan at tuwing Linggo lamang sila kaibigan ni Hesus. Subalit, sa ibang mga araw ng sanlinggo, si Hesus ay kanilang ipinagpapalit at tinatanggihan. 

Kung nais nating maging tunay na kaibigan ni Hesus, kailangang maging tunay ang ating pag-ibig at pananalig sa Kanya. Tumindig tayo laban sa kasamaan. Magpatotoo tayo sa kabutihan ng Diyos. Maging mga saksi at tagapagpalaganap ng katotohanan na nagmumula sa Diyos. Huwag nating hahayaang umiral ang kasinungalingan at pang-aapi sa lipunan. 

Huwebes, Hunyo 30, 2022

ALANG-ALANG KAY HESUS

25 Hulyo 2022 
Kapistahan ni Apostol Santiago 
2 Corinto 4, 7-15/Salmo 125/Mateo 20, 20-28 

Jusepe de Ribera, Saint James the Great (c. Between 1630 and 1632). Photo Credit: Historical England Archive, licensed under CC BY-NC-ND. Website: Art UK, https://artuk.org/discover/artworks/saint-james-the-great-144370

Bago Siya dakpin ng Kanyang mga kaaway, sinabi ng Panginoong Hesukristo sa mga apostol sa Kanyang huling diskurso o pangaral sa kanila: "Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, dapat ninyong malamang napoot na ito sa Akin bago sa inyo" (Juan 15, 18). Ang mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Hesus sa isa sa Kanyang mga huling pangaral sa mga apostol noong gabi bago Siya magpakasakit ay naaangkop sa pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Ang mga Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay tungkol sa pagtitiis ng maraming pag-uusig alang-alang kay Hesus. Ito ang naranasan ni Apostol Santo Santiago at ng mga kapwa niyang apostol at misyonero at maging ng mga humalili sa kanila. 

Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa mga hirap, sakit, at pag-uusig na hinarap at tiniis ng Simbahan alang-alang kay Kristo. Sa Ebanghelyo, tinanong ni Hesus ang magkapatid na sina Apostol Santo Santiago at San Juan kung handa silang tiisin ang hirap at sakit na Kanya ring babatahin matapos hilingin ng kanilang ina sa Kanya na paupuhin sa Kanyang kanan at kaliwa sa Kanyang kaharian ang magkapatid na ito (Mateo 20, 22). Malinaw sa dalawang Pagbasang ito na hindi makakatakas mula sa mga hirap at sakit sa mundo ang mga tagasunod ni Hesus. Ang buhay ng mga nagpasiyang sumunod kay Hesus ay hindi magiging madali sa lahat ng oras dahil may mga hindi tatanggap sa Kanya. 

Ang mga inilalarawan sa mga Pagbasa ay nangyayari rin sa kasalukuyan. May mga hindi tumatanggap sa Panginoong Hesus. Katunayan, mayroong ilang mga Katoliko na hindi naman tumatanggap kay Hesus nang buong puso. Pakitang-tao lamang ang kanilang pagtanggap kay Hesus. Ang kanilang pagtanggap kay Hesus ay hindi naman bukal sa kanilang kalooban. Tuwing Linggo, nagsisimba, nagdarasal, at umaawit ng papuri sa Diyos. Subalit, kapag nasa labas na sila ng Simbahan, buong lakas nilang inihahayag ang kanilang pagsuporta sa mga tiwali. Ipinagpapalit nila ang Panginoon sa mga magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao. Sinasabihan pa nga nila ang mga pari, madre, obispo, at ang buong Simbahan na manahimik at manalangin na lamang. Bagamat ginagawa lamang ng mga pari at obispo ang kanilang tungkulin bilang mga saksi ng katotohanang mula sa Panginoon, nagagalit ang mga taong ito dahil hindi nila matanggap na totoo ang ipinangangaral ng Simbahan. Para sa mga taong ito, walang ibang ginagawa ang Simbahan kundi manira. Kaya, pati sila, inuusig rin nila ang Simbahan. 

Hindi lamang para kina Apostol Santo Santiago at San Juan ang tanong ni Hesus sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Hindi lamang ito para sa mga apostol. Ito ay para sa lahat ng mga Kristiyano mula noon hanggang sa kasalukuyan. Handa ba tayong magtiis ng hirap at pag-uusig alang-alang kay Hesus? 

Sabado, Hunyo 18, 2022

MGA KALOOB NG AMA

24 Hulyo 2022 
Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Genesis 18, 20-32/Salmo 137/Colosas 2, 12-14/Lucas 11, 1-13 

Ivan Kramskoy, Christ in the Wilderness, 1872, Public Domain 

"Humingi kayo, at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto'y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap, at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok" (Lucas 11, 9-10). Ito ang mga salita ng Panginoong Hesus sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo para sa Linggong ito matapos ituro ang panalanging "Ama Namin." Isinasalungguhit ng mga salitang ito ng Panginoon ang kahalagahan ng walang sawang pananalangin nang may pananalig. Hindi tayo dapat panghinaan ng loob o matakot kapag nananalangin sa Diyos. Handa Siyang makinig sa ating mga panalangin. Manalangin tayo sa Kanya nang may kababaang-loob at pananalig. Ang Diyos ay nalulugod kapag nananalangin tayo sa Kanya nang may kababaang-loob at matibay na pananalig sa Kanya. 

Subalit, may mga magtataka kung bakit hindi lahat ng mga panalangin at kahilingan ay tinutupad at ipinagkakaloob ng Diyos. Sabi ni Hesus "Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit?" (Lucas 11, 13). Isa lamang ang ibig sabihin nito. Batid ng Diyos kung ano ang nakabubuti para sa atin. Minsan, magkaiba ang ating opinyon sa opinyon ng Ama tungkol sa ating ikabubuti. May mga bagay na akala nating mabuti ngunit sa paningin ng Diyos, wala namang mabuting idudulot iyon. 

Isang halimbawa na lamang nito ay si Abraham sa Unang Pagbasa. Paulit-ulit siyang nanalangin sa Panginoong Diyos na huwag wasakin ang Sodoma at Gomorra. Hindi lamang si Lot ang kanyang ipinagdasal kundi ang potensyal na limampu, apatnapu, tatlumpu, dalawampu, o kaya sampung matutuwid na taong nakatira doon. Kahit na pumayag ang Panginoong Diyos na huwag wasakin ang Sodoma at Gomorra kung may sampung taong matuwid man lamang nandoon, itinuloy pa rin Niya ito. Ang mga bayan ng Sodoma at Gomorra ay ginuho pa rin ng Panginoong Diyos sapagkat wala kahit sampung matuwid na tao na nakatira roon kundi si Lot at ang kanyang pamilya. Dagdag pa rito, naging haliging asin ang asawa ni Lot sapagkat lumingon siya habang sila'y tumatakas mula sa Sodoma at Gomorra (Genesis 19, 26). 

Nagsalita si Apostol San Pablo tungkol sa pinakadakilang biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa Ikalawang Pagbasa. Ito ay walang iba kundi ang biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Ito ang pinakadakilang biyaya. Kung ang kaligtasan at kapatawaran ng mga kasalanan ay ibinigay Niya sa atin, bakit ba Siya magkakaloob ng mga masasamang bagay sa atin? Mabuti at maganda ang lahat ng ipinagkakaloob sa atin ng Diyos. 

Mabuti ang lahat ng mga ipinagkakaloob sa atin ng Amang nasa langit. Tatanggapin ba natin ang mga ito nang buong pananalig, pasasalamat, at kababaang-loob? Tayo ang magpapasiya kung tatanggapin natin ang mga kaloob na ito ng Ama o ang mga inaalok ng mga tiwaling walang ibang hangad kundi mapahamak tayo samantalang sila naman ay namumuhay nang maginhawa. 

Biyernes, Hunyo 17, 2022

TUNAY NA PANANABIK

22 Hulyo 2022 
Kapistahan ni Santa Maria Magdalena 
Awit ni Solomon 3, 1-4a (o kaya: 2 Corinto 5, 14-17)/Salmo 62/Juan 20, 1-2. 11-18 

Antiveduto Grammatica, Mary Magdalene at the Tomb (c. Between 1620-1622), Public Domain

Dalawang ulit na tinanong si Santa Maria Magdalena tungkol sa kanyang hinahanap sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito na inilaan ng Simbahan sa paggunita sa kanyang kabanalan. Ang unang nagtanong sa kanya tungkol sa kanyang hinahanap ay ang dalawang anghel sa libingan ng Panginoon at ang pangalawang nagtanong ay ang mismong Panginoong Hesus na Muling Nabuhay na inakala niyang isang tagapag-alaga ng halamanan. Dalawang ulit niyang sinagot na si Kristo Hesus lamang ang kanyang hinahanap. Katunayan, ang sabi ni Magdalena sa kanyang sagot ay ang bangkay ni Hesus ang hinahanap niya dahil akala niyang patay pa si Hesus (Juan 20, 13. 15). 

Bagamat akala ni Magdalena na patay pa si Hesus sa mga sandaling yaon, malinaw na nasasabik siya kay Hesus. Ang kanyang pananabik na makita at makapiling muli ang Panginoon ay hindi maipagkakaila. Napakalinaw nito sa kanyang pag-iyak dahil inakala niyang ninakaw ang bangkay ni Kristo Hesus. Kahit nagkamali siya ng akala, hindi maipagkakailang tunay niyang minahal si Kristo. Umiyak siya dahil akala niyang wala nang gumalang kay Kristo. Kahit patay na si Kristo, hindi Siya ginalang. Dahil sa kawalan ng paggalang kay Kristo, ninakaw ng Kanyang mga kaaway ang Kanyang bangkay. Hindi na nga Siya ginalang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, hindi rin Siya ginalang noong patay na Siya. Iyon ang akala ni Magdalena.

Ang paghahangad ni Santa Maria Magdalena para sa Panginoong Hesus ay tulad ng pananabik ng mang-aawit sa Salmo para sa araw na ito. Inihayag ng mang-aawit sa Salmo ang kanyang taos-pusong pananabik para sa Panginoon. Wala siyang ibang hinangad o pinanabikan kundi ang Panginoong Diyos. Katulad ng mang-aawit na ito, walang ibang hinangad si Maria Magdalena kundi ang Panginoong Hesukristo. Ang kanyang dalamhati noong si Hesus ay namatay sa krus ay taos-puso. Ang kanyang dalamhati nang hindi niya mahanap si Hesus ay tunay at taos-puso rin. 

Kaya naman, noong ipinakilala ng Muling Nabuhay na si Hesus ang Kanyang sarili sa huling bahagi ng Ebanghelyo, tuluyang napawi ang dalamhati ni Magdalena at naging galak. Batid ni Hesus na tunay ang pananabik ni Magdalena para sa Kanya. Dahil dito, ipinagkaloob ni Hesus kay Santa Maria Magdalena ang kanyang hangad. Tinawag ng Panginoong Hesukristo si Magdalena sa kanyang pangalan upang patunayang tunay nga Siyang nabuhay na mag-uli. Ang galak ni Maria Magdalena ay tulad ng galak ng babae sa Unang Pagbasa nang makapiling niya ang kanyang iniibig. 

Si Hesus ang kinasabikan ni Santa Maria Magdalena. Subalit, hindi lahat ay nasasabik para sa Panginoon. Ito ang nakakalungkot at napakasakit na katotohanan, lalung-lalo na sa kasalukuyan. Ang masaklap, may ilan sa kanila na nagmumula sa Simbahan. Sa halip na hangarin at kasabikan si Hesus, iba ang kinasasabikan at hinahangad. Ang kinasasabikan at hinahangad ng ilan ay ang mga tiwali, sinungaling, magnanakaw, at mamatay-tao. Ito ang kabaliktaran ng hinahangad ni Santa Maria Magdalena at ng iba pang mga banal. Hindi na si Hesus ang kinasasabikan at hinahangad. Ang mga tiwali naman ay naghahangad ng kayamanan, kapangyarihan, at pansariling interes. Lumalaganap ang pagkagahaman, kasakiman, pagnanakaw, panlilinlang, at iba pa dahil dito. Iba na talaga ang panahon ngayon. Ang Panginoong Hesukristo na nag-alay ng sarili para sa atin, katulad ng inilarawan ni Apostol San Pablo sa alternatibong Unang Pagbasa, ay hindi na kinasasabikan at hinahangad ng ilan.

Tinatanong tayo sa Linggong ito - sino o ano ang tunay nating kinasasabikan at hinahangad? Si Hesus ba? O may ibang nagpalit sa Kanya?