Biyernes, Pebrero 17, 2023

PAGTINDIG PARA SA PRINSIPIYONG MAKA-DIYOS

25 Pebrero 2023 
Sabado kasunod ng Miyerkules ng Abo 
Ika-37 Anibersaryo ng Himagsikan ng Lakas ng Bayan sa EDSA
(EDSA People Power Revolution - 1986) 
Isaias 58, 9b-14/Salmo 85/Lucas 5, 27-32 


Marahil marami ang magtatanong kung bakit ang Simbahan ay mayroong papel sa apat na araw ng makasaysayang himagsikan o rebolusyon sa EDSA noong 1986. Ang batikos ay masyadong nakikialam o nanghihimasok ang Simbahan sa pulitika. Para sa mga bumabatikos sa Simbahan, dapat manahimik at manalangin ang Simbahan at umiwas o lumayo sa mga pulitikal na usapin o isyu. Mayroong mga nagsasabing bias raw ang Simbahan 'pagkat mayroon raw pinapanigan ang lahat ng mga pari, madre, obispo, at iba pang mga opisyal at importanteng panauhin sa Simbahan. 

Sa totoo lamang, mayroon naman talagang pinapanigan ang Simbahan. Subalit, ang pinapanigan ng Simbahan ay hindi isang pulitikal na partido o kandidato. Bagkus, isa lamang ang pinapanigan ng Simbahan - ang Diyos. Ang prinsipiyong maka-Diyos ay ang pinapanigan at sinusunod ng Simbahan. Ito ang nasaksihan sa apat na araw ng makasaysayang rebolusyon o himagsikan sa EDSA, na kilala rin bilang People Power Revolution, noong 1986. Inihayag ng Simbahan sa makasaysayang apat na araw na ito ang kanyang pakikiisa sa pakikibaka laban sa katiwalian, pandaraya, kasakiman, walang awang pagpatay sa mga inosente, at panlilinlang o panloloko. Ang pakikibaka ng Simbahan ay hindi tungkol sa mga pulitikal na kandidato. Bagkus, tungkol ito sa katarungan at prinsipiyong maka-Diyos. 

Isang patunay nito ay ang imaheng itinatampok sa EDSA Shrine. Hindi imahen o rebulto ng pulitiko ang nakadambana sa EDSA Shrine. Bagkus, itinatampok sa EDSA Shrine ang imahen ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, ang Reyna ng Kapayapaan, na nagsabuhay ng aral na isinalungguhit sa mga Pagbasa para sa Banal na Misa sa araw na ito. Sabi sa Salmong Tugunan: "Ituro Mo ang 'Yong loob nang matapat kong masunod" (Salmo 85, 11a). Laging isinentro ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kanyang puso, isipan, at kaluluwa sa mga salitang ito noong namumuhay siya dito sa daigdig na ito. Wala siyang ibang hinangad kundi ang mapakinggan, maunawaan, at tumalima sa mga utos at loobin ng Panginoon. Sa Unang Pagbasa, malinaw na inilarawan ng Panginoong Diyos ang Kanyang hangarin at naisin. Tutol Siya sa bawat uri ng pang-aalipin at pang-aapi. Nais ng Panginoong Diyos na mabuhay ang lahat, pati na rin ang mga makasalanan, upang magkaroon sila ng pagkakataong maging banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Sa Mabuting Balita, ang publikanong si Levi na kilala rin ng marami bilang si Apostol San Mateo ay pinagkalooban ng Poong Jesus Nazareno ng pagkakataong maging banal. 

Nakiisa sa pagtindig at pakikibaka sa EDSA noong 1986 ang Simbahan bilang tanda o pagpahayag ng pagpanig sa prinsipiyong maka-Diyos. Ang prinsipiyong maka-Diyos ay ang pagpahalaga sa buhay ng tao, katotohanan, kapayapaan at katarungan. Ito mismo ang tanging dahilan ng pakikiisa ng Simbahan sa pagtindig at pakikibaka sa rebolusyon sa EDSA noong 1986. Sa pamamagitan nito, inihayag ng Simbahan na hindi dapat ipagkait sa mga tao ang pagbabago sa lipunan kung saan iiral ang kapayapaan, katarungan, katapatan, at pagpahalaga sa buhay ng bawat tao. 

Patuloy na nagkakaloob ang Diyos ng pagkakataon sa lahat ng tao na magbagong-buhay at magbalik-loob sa Kanya. Huwag natin itong ipagkait sa kapwa. Paano natin ito ipinagkakait? Sa pamamagitan ng pagpanig sa mga manlilinlang, magnanakaw, at mamamatay-tao sapagkat pinapalaganap lamang natin ang kasakiman at kawalan ng halaga sa buhay ng tao kapag ito ang ipinasiya nating gawin. Ang nararapat nating gawin ay magpahalaga ng buhay ng bawat tao at maging tagapaghatid ng biyaya ng Diyos at ng katotohanang nagmumula lamang sa Kanya. 

Huwebes, Pebrero 16, 2023

HINDI DAPAT GAWING PALABAS

24 Pebrero 2023 
Biyernes kasunod ng Miyerkules ng Abo 
Isaias 58, 1-9a/Salmo 50/Mateo 9, 14-15 

Screenshot: 02.10.2023 (Memorial of Saint Scholastica, Virgin) 7AM #OnlineMass
(Quiapo Church Facebook Live and YouTube) 

Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa katotohanan ng taimtim na pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos sa unang Biyernes ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, na tiyak na mas kilala ng marami sa atin sa tawag na Kuwaresma, ang Biyernes kasunod ng Miyerkules ng Abo. Kung tutuusin, ito ang panawagan sa atin ng Simbahan, hindi lamang tuwing sasapit ang panahon ng Kuwaresma, kundi sa buong taon. Habang namumuhay pa tayo dito sa mundong ito, dapat taimtim nating pagsisihan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob tayo sa Panginoong Diyos. Bukod pa rito, mismong ang Panginoong Diyos ang tumatawag at nag-aanyaya sa ating magsisi at magbalik-loob sa Kanya nang tapat, taimtim, at taos-puso. Inihahatid at ipinapalaganap ito ng Simbahan, hindi lamang tuwing Kuwaresma, kundi sa buong taon. 

Bakit ito ang utos, hiling, at panawagan ng Panginoong Diyos sa atin? Isinasalamin ng utos, hiling, at panawagang ito ng Diyos ang Kanyang hangarin o naisin para sa atin. Nais ng Panginoon na mamuhay tayo nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Hindi Niya ninanais na manatili tayong mga makasalanan habambuhay at lalong hindi Niya nais na mapahamak tayo dahil sa ating mga kasalanan. Bagkus, ang tanging naisin ng Panginoong Diyos para sa atin ay makapiling natin Siya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit kung saan ang walang hanggang kapahingahan, kaligayahan, at ang buhay na walang hanggan sa Kanyang piling ay ating matamasa. Ito ang tanging dahilan kung bakit lagi tayong binibigyan ng Panginoong Diyos ng pagkakataong mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin habang namumuhay tayo sa mundong ito. 

Subalit, bagamat ang kalooban ng Diyos para sa atin mamuhay tayo nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin upang sa wakas ng ating paglalakbay sa mundo ay makapamuhay tayong kapiling Niya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit magpakailanman, hindi Niya tayo pipilitin. Nais ng Panginoong Diyos na maging totoo tayo sa ating mga pasiya. Hindi natin Siya malilinlang. Batid Niya kung sino ang nagpapanggap o nagkukunwari lamang at kung sino ang mga tapat at totoo. Ito ang paksang tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Ang pahayag ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay isang malakas na pahayag laban sa hungkag na pananalig, pagsamba, pamamanata, debosyon, pagsisisi, at pagbabalik-loob. Batid ng Diyos kung ano ang nasa puso ng bawat tao. Alam Niya kung sinu-sino yaong mga tapat sa kanilang pananalig at pananampalataya at kung sinu-sino yaong gumagawa ng mga palabas. Ito rin ang kahulugan ng mga salitang binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa Mabuting Balita para sa Biyernes na ito. Ang lalaking ikakasal na walang iba kundi Siya mismo ay kapiling ng mga apostol. Kaya, puno sila ng tuwa. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, ang hinahanap ng Diyos ay kababaang-loob at pusong tapat (Salmo 50, 19b). Hindi Siya naghahanap ng mga artista. Katunayan, alam Niya kung sino yaong mga tapat at sinsero at kung sino ang mga nagpapanggap at gumagawa ng mga palabas. Bagkus, ang hinahanap ng ating Panginoong Jesus Nazareno ay ang mga taos-puso at mga mapagpakumbaba. 

Muli tayong inaanyayahan ng Simbahan na suriin natin ang ating mga sarili. Bakit ba tayo mayroong debosyon sa Nuestro Padre Jesus Nazareno? Tapat at taos-puso nga ba ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Nazareno? Isinasalamin ba ng ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno ang ating taos-pusong pag-ibig, pagsamba, pananalig, at pananampalataya sa Kanya? O ginagawa lamang natin ito dahil nais lamang nating magpasikat?  

Lagi nating tatandaan na hindi dapat ginagawang palabas ang pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Bagkus, kailangan natin itong gawin nang taos-puso at may kababaang-loob. Ito ang magpapatunay handa tayong tahakin ang landas na inihanda para sa atin ng ating Panginoong Jesus Nazareno, ang landas ng kabanalan na aakay sa atin patungo sa buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. 

Linggo, Pebrero 12, 2023

MAYROONG IPAGMAMALAKI; WALANG DAPAT IPAGYABANG

22 Pebrero 2023 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 

This faithful photographic reproduction of the painting Man of Sorrows (c. 1860) by William Dyce, as well as the work of art itself from the National Galleries of Scotland Collection, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Mayroong mga nagsasabing ang Miyerkules ng Abo raw ay ang natatanging araw sa buong taon kung kailan makikilala kung sino ang Katoliko. Kapag mayroong tatak ng krus na abo sa noo ang isang tao, isa siyang Katoliko. Sa totoo lamang, bagamat hindi naman araw ng pangilin o araw na kung kailan dapat magsimba ang mga Katoliko, hindi natin maipagkakailang malaki-laki rin ang bilang ng mga mananampalatayang dumadagsa sa iba't ibang mga Simbahan pagsapit ng araw na ito na siyang unang araw ng banal na panahon ng Kuwaresma o Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay upang magsimba at makatanggap ng abo na ibubudbod sa ulo, na isang tradisyunal na gawain noon pa, o papahiran sa kanilang mga noo na tiyak na kinasanayan na ng marami, lalung-lalo na bago ang pandemiyang COVID-19.

Ang araw na ito ay ang simula ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na mas kilala natin sa tawag na Kuwaresma. Sa simula ng panahong ito, nilalagyan tayo ng abo sa noo o kaya naman sa ulo. Subalit, dapat nga ba natin itong ipagmalaki? Kung oo, bakit natin itong dapat ipagmalaki? Kung hindi, bakit nga ba ito ginagawa ng Simbahan taun-taon? Ano nga ba ang kahulugan o saysay ng mga abo? 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa araw na ito na mayroon tayong dapat ipagmalaki bilang mga Katoliko. Subalit, hindi ito dapat maging sanhi o dahilan ng pagmamataas o kayabangan. Bagkus, ito ang dapat maging paalala para sa atin na magkaroon ng kababaang-loob. Ipinapaliwanag sa mga Pagbasa para sa araw na ito kung ano ang dapat nating ipagmalaki. Sa Unang Pagbasa, nanawagan ang Panginoon sa Kanyang bayan na magsisi at magbalik-loob sa Kanya nang taos-puso at taimtim. Ang mga salitang ito ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay tunay nga namang napapanahon at umaalingawngaw pa nga sa araw na ito dahil halaw sa mga mismong salitang ito ang panawagan ng Simbahan sa panahon ng Kuwaresma. Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na hindi ipinagpapaliban ng Diyos ang Kanyang pagliligtas. Dahil dito, ngayon na mismo ang panahong nararapat upang magbalik-loob sa Diyos. Hindi dapat ipagpaliban ang pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos. Sa Ebanghelyo, inihayag ni Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno, na dapat tayong maging tapat sa ating pagsisisi, pagbabalik-loob, pamamanata, pananalangin, at pagkakawanggawa. Hindi ito dapat maging pakitang-tao. Katunayan, ang Diyos ay hindi naman naghahanap ng mga artista. Bagkus, ang hinahanap ng Diyos ay yaong mga tapat at kusang-loob na pagsisisi at pagbabalik-loob sa Kanya. Ito ang hudyat ng simula ng pagtahak ng bawat isa sa atin sa landas ng kabanalan. 

Bilang mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, dapat nating ipagmalaki ang ating Diyos na tunay ngang mahabagin at mapagmahal. Dahil sa Kanyang pag-ibig, kagandahang-loob, at habag, patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong magsisi at magbalik-loob sa Kanya. Sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan, nais pa rin Niya tayong iligtas. Ito ang dahilan kung bakit ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan Niya, binigyan tayo ng pagkakataon ng Diyos na magpaligtas, magbalik-loob sa Kanya nang taos-puso, at tahakin ang landas ng kabanalan, katulad ng Kanyang hangarin o kalooban para sa atin. Ang katotohanang ito ay dapat nating ipagmalaki. Mga makasalanan tayo. Subalit, mayroon tayong Diyos na tunay ngang mahabagin at mapagmahal. Dahil sa pag-ibig at habag ng Diyos, ipinasiya Niya tayong iligtas sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang Kanyang Bugtong na Anak, upang sa pamamagitan Niya'y ang bawat isa sa atin na bumubuo sa Kanyang Simbahan ay magkaroon ng pagkakataong taos-pusong magbalik-loob sa Kanya, magpaligtas, at maging banal.

Sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito: "Poon, Iyong kaawaan kaming sa 'Yo'y nagsisuway" (Salmo 50, 3a). Bilang mga Kristiyano, buong kababaang-loob tayong humingi ng habag at awa mula sa Panginoong Diyos. Nawa'y maging tapat at taos-puso ang ating pagsisisi't pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos upang masimulan natin agad ang ating pagtahak sa landas ng kabanalan, katulad ng mga banal na tao na nauna sa atin at ngayo'y kapiling na Niya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit kung saan maghahari Siya magpakailanman. 

Wala tayong dahilan upang tayo'y magmataas o magyabang. Subalit, mayroon tayo dapat ipagmalaki. Ang dapat nating ipagmalaki bilang Simbahan ay walang iba kundi ang Diyos na tunay ngang maawain, mahabagin, at mapagmahal. Lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong maging banal ang bawat isa sa atin. 

Sabado, Pebrero 11, 2023

ANG TANGI NATING PAG-ASA

21 Pebrero 2023 
Kapistahan ng Banal na Mukha ni Jesus Nazareno 
(Martes bago ang Miyerkules ng Abo) 
Martes ng Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I) 
Sirak 2, 1-13 (gr. 1-11)/Salmo 36/Marcos 9, 30-37 

This faithful photographic reproduction of the painting The Veil of St. Veronica (Vera Icon) (c. 1450) by Wilhelm Kalteysen (1420-1496), as well as the work of art itself from the National Museum in Wroclaw, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin and in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or less due to its age. 

Isang natatanging araw ang Martes bago ang Miyerkules ng Abo. Ang Martes bago ang Miyerkules ng Abo ay inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Mukha ni Jesus Nazareno. Tila paalala ng Simbahan para sa atin tungkol sa sisimulan nating pagtuunan ng pansin at pagnilayan nang buong kataimtiman sa loob ng apatnapung araw bilang paghahanda ng ating mga sarili para sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno, ang pinakadakilang araw sa Kalendaryo ng Simbahan. Kaya nga, ang opisyal na tawag sa banal na panahong ito, na mas kilala natin bilang panahon ng Kuwaresma, ay ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay. 

Napakalinaw kung ano ang pangunahing layunin ng Inang Simbahan sa natatanging araw na ito na inilaan para sa Kapistahan ng Banal na Mukha ng ating Panginoong Jesus Nazareno. Katunayan, sa pangalan pa lamang ng pagdiriwang para sa araw na ito, agad natin itong malalaman at mauunawaan. Itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa Banal na Mukha ng Panginoong Jesus Nazareno na naghain ng buhay para sa atin. Ito ang itinatampok ng bawat larawan ng Banal na Mukha ng Mahal na Señor, lalung-lalo na sa bawat larawan na itinatampok ang belo ng isang babaeng kilala sa tradisyon ng Simbahan bilang si Santa Veronica. Kusang-loob na ibinubo ng butihing Poong Jesus Nazareno ang Kanyang Kabanal-Banalang Dugo mula sa Krus upang tayong lahat ay maligtas mula sa kasalanan at kamatayan. Kusang-loob Niya ginawa ito dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob para sa atin. Muli tayong pinaalalahanan ng Simbahan tungkol sa katotohanang ito at ito rin ang siyang dakilang misteryong pagninilayan natin sa kabuuan ng panahon ng Kuwaresma. 

Ang Unang Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa mga hirap at pagdurusang haharapin at titiisin ng bawat lingkod ng Panginoong Diyos. Hindi pagtakas o silong mula sa mga hirap at pagdurusang haharapin at titiisin sa buhay ang paglilingkod sa Diyos. Lalo pa nga silang matutudla ng mga hirap, tukso, at pagdurusa sa buhay dahil sa kanilang katapatan sa Diyos. Maging ang mismong Poong Jesus Nazareno ay hindi naging ligtas mula sa mga ito noong dumating Siya sa daigdig na ito. Sa Banal na Ebanghelyo para sa araw na ito, muling nagsalita si Jesus Nazareno sa mga apostol tungkol sa Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus. 

Kung si Jesus Nazareno ay hindi naging ligtas mula sa mga tukso, hirap, at pagsubok sa buhay, tayo pa kaya na mga tao lamang? Subalit, tinuturuan tayo ng Poong Jesus Nazareno kung paano natin malalampasan at mapagtatagumpayan ang mga tukso, hirap, at pagdurusa sa buhay dito sa mundong ito. Maging mapagpakumbaba. Ito ay dahil sa pamamagitan ng kababaang-loob, pinapatunayan nating tanging ang Diyos lamang ang ating pag-asa. Sa Diyos lamang tayo umaasa sapagkat Siya lamang ang tanging maaasahan. Ang mga katagang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo para sa natatanging araw na ito ay maaaring ituring bilang isang detalyadong paliwanag ng mga salita sa Salmong Tugunan kung saang malakas na inihayag ng mang-aawit na tanging ang Diyos lamang ang maaasahan. 

Walang sinuman dito sa mundo ang makakatakas o makaliligtas mula sa mga tukso, hirap, at pagsubok sa buhay. Subalit, katulad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na nagpakasakit at namatay sa Krus alang-alang sa atin, maaari nating ipagkatiwala ang ating mga sarili sa Diyos. Ang Diyos lamang ang tangi nating mapagkakatiwalaan at maaasahan. Katulad ni Kristo, ang ating Poong Jesus Nazareno, buong kababaang-loob nating sundin ang Kanyang kalooban na mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin, sa kabila ng lahat ng mga hirap, tukso, at pagsubok sa buhay dito sa mundong ito. 

Biyernes, Pebrero 10, 2023

MAHIRAP PERO MAYROONG HALAGA

19 Pebrero 2023 
Ikapitong Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Levitico 19, 1-2. 17-18/Salmo 102/1 Corinto 3, 16-23/Mateo 5, 38-48 

This faithful photographic reproduction of the painting Flagellazione di Cristo (c. 16th century) which is attributed to Simone Peterzano, from the Basilica di Santa Prassede in Rome, as well as the work of art itself, is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Bilang tao, mahirap para sa atin na tuparin at sundin ang aral na nais muling ituro sa atin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Walang taong namumuhay sa mundong ito ang makapagsasabi nang napakalakas na hindi siya nahirapan unawain, sundin, at tuparin ang aral na ito kailanman. Lahat tayo, bilang mga tao namumuhay dito sa mundong ito, ay nahirapang sundin ito. Ito ang katotohanan. Kapag mayroong lakas-loob na nagsabing hindi siya nahirapang sundin ang aral at utos na ito ng Panginoon na itinatampok sa Linggong ito, isa siyang sinungaling. 

Itinuro ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito na bilang mga Kristiyano, dapat nating ibigin ang ating mga kaaway at itaas ang mga umuusig sa atin sa ating mga panalangin sa Diyos (Mateo 5, 44-45). Hindi maaaring sabihing ninuman na walang kahirap-hirap na unawain at sundin ang turong ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Mahirap unawain at sundin ang utos na ito ng Poon. Ito ang katotohanan tungkol sa aral na ito ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Wala tayong maloloko at malilinlang. Mahalin ang kaaway at ipagdasal yaong mga umuusig sa atin? Kung susundin ang lohika ng mundo, ang turong ito ni Jesus Nazareno ay kahibangan at kalokohan. Ganyan kahirap unawain at sundin ito. 

Ang turong ito ni Kristo sa Ebanghelyo para sa Linggong ito ay naka-ugat sa pahayag ng Panginoong Diyos na inilahad ni Moises sa mga Israelita sa Unang Pagbasa. Ang utos ng Panginoong Diyos sa mga Israelita ay maging banal katulad Niya (Levitico 19, 2). Nakasentro sa aral na ito ng Panginoong Diyos na inilahad sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa kanyang pangaral tungkol sa paksang ito, iitinuro ni Apostol San Pablo ang dahilan kung bakit dapat nating tuparin at sundin ang utos na ito ng Panginoon. Sa pamamagitan nito, tinutupad natin ang ating mga tungkulin bilang mga templo ng Diyos. Tayong lahat ay itinalaga ng Diyos bilang Kanyang mga templo. Kaya naman, dapat namumuhay tayo bilang mga kapanig at kakampi ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Ito ang kinakailangan nating gawin bilang mga templo ng Diyos. Maging daluyan ng Kanyang habag, pag-ibig, at biyaya para sa lahat. 

Hindi madaling maging banal. Napakahirap itong gawin bilang mga tao. Katunayan, wala namang sinabi ang Panginoong Jesus Nazareno na napakadaling maging banal kailanman. Maraming ulit pa nga Niyang inilarawan kung gaano kahirap maging banal at kalugud-lugod sa Diyos. Batid Niya kung gaano ito kahirap para sa atin bilang tao. Subalit, sa kabila nito, lagi pa rin Niyang itinuturo sa atin, maging sa kasalukuyan, na dapat tayong maging banal. Nais ng Panginoong Jesus Nazareno na tayo ay Kanyang makapiling sa Kanyang kaharian sa langit sa wakas ng ating buhay sa mundo. 

Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na matamasa natin ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa Kanyang kaharian sa langit sa wakas ng ating buhay sa mundong ito. Ito rin ba ang nais natin bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno? Kung tunay tayong mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, lagi tayong magsusumikap na maging banal katulad Niya upang matupad natin ang Kanyang naisin para sa atin na makapiling natin Siya sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman sa wakas ng ating buhay sa mundong ito.  

Huwebes, Pebrero 9, 2023

SUNDIN ANG MGA YAPAK AT ANG HALIMBAWA NI JESUS NAZARENO

17 Pebrero 2023 
Biyernes ng Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon I) 
Genesis 11, 1-9/Salmo 32/Marcos 8, 34-9, 1 

Screenshot: 02.05.2023 (5th Sunday in Ordinary Time) 11AM #OnlineMass
(Quiapo Church Facebook Live and YouTube) 

Ang mga Pagbasa sa Misa para sa araw na ito ng Biyernes, ang araw na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno, ay nakatuon sa paksa ng pagtulad sa Kanya. Bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tinatawag tayong maging banal katulad Niya. Lagi tayong tinatawag ng Poong Jesus Nazareno na sumunod sa Kanyang mga yapak at halimbawa bilang patunay ng pag-ibig, pagsamba, pamamanata, pananampalataya, pananalig, at debosyon sa Kanya. Kung tunay at tapat tayo sa ating pag-ibig, pagsamba, pamamanata, pananalig at debosyon sa Poong Jesus Nazareno, handa tayong gawin ito para sa Kanya. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang pagiging ambisyoso ng mga tao na nagtayo sa tore at lungsod ng Babel na maging kapantay ng Diyos. Ang Panginoon ay nais nilang pantayan at higitan. Walang lugar o puwang ang Panginoong Diyos sa kanilang mga isipan at puso. Balak nilang itanghal ang kanilang mga sarili bilang mga sarili nilang diyos-diyosan. Sa pamamagitan nito, nagpakita sila ng pagmamataas o yabang. Kaya naman, ginulo at nilito ng Panginoong Diyos ang kanilang mga wika upang hindi sila magkaunawaan. Sa pamamagitan nito, ipinaalala ng Panginoon sa kanila na hindi sila ang tunay na Diyos. 

Inilarawan naman ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo kung ano ang dapat gawin ng mga debotong tunay ngang nagmamahal, namamanata, nananalig, at sumasamba sa Kanya. Kailangan nating palaguin ang ating debosyon sa Mahal na Poon. Dapat tayong maging bukas sa Kanyang paghirang sa atin bilang Kanyang mga lingkod. Ang magpapatunay nito ay ang ating pagtupad sa utos at habilin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na limutin ang sarili, pasanin ang ating mga krus, at sumunod sa Kanya (Marcos 8, 34). Kapag ito ang ipinasiya nating gawin, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay nating iniibig, sinasamba, pinananaligan, sinasampalatayanan, at pinaglilingkuran. Ito ang katangian ng mga tunay na pinili't hinirang ng Diyos, gaya ng inilalarawan sa Salmong Tugunan para sa araw na ito. 

Mapapatunayan nating tunay, taimtim, at tapat ang ating debosyon at pamamanata sa Nuestro Padre Jesus Nazareno kung buong kababaang-loob nating susundin ang Kanyang mga utos at loobin. Sa pamamagitan nito, tinatanggap natin ang Kanyang paanyayang sundin ang Kanyang mga yapak sa landas ng kabanalan na aakay sa atin tungo sa Kanyang walang hanggang kaharian sa langit. Sa pamamagitan rin nito, ang ang ating mga krus sa buhay dito sa mundo ay tinatanggap, niyayakap, at pinapasan natin nang buong kababaang-loob, katulad ng Kanyang ginawa para sa atin noong unang Biyernes Santo. Ito ang magpapatunay nating tinatanggap natin nang kusang-loob ang Kanyang pagtawag at paghirang sa atin. Ito ang kailangan nating tuparin at gawin bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Linggo, Pebrero 5, 2023

ANG DIYOS AY HINDI NAGHAHANAP NG MGA ARTISTA

12 Pebrero 2023 
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sirak 15, 16-21 (gr. 15-20)/Salmo 118/1 Corinto 2, 6-10/Mateo 5, 17-37 (o kaya: 5, 20-22a. 27-28. 33-34a. 37)

This photographic reproduction of the painting Christ Before Caiaphas (16th century) by Luca Cambiaso  (1527–1585) from the Hunterian Museum and Art Gallery Collection is in the Public Domain ("No Known Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer because the author died in 1585. This is also in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. 

Ang taos-pusong pagsunod at pagtupad sa mga utos ng Panginoong Diyos ay ang paksang binibigyan ng pansin, tinatalakay, at at pinagninilayan ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Sa pamamagitan nito, muli tayong pinaalalahanan at tinuturuan ng Inang Simbahan kung paanong maging tunay na matapat at masunurin sa Diyos. Sa gayon, lalo lamang lalago ang ating pananalig at pananampalataya sa Kanya. Ito ang dapat nating gawin bilang mga Kristiyano. Ito ang magpapatunay pinapanigan nga ba talaga natin ang Panginoon. Katunayan, ito ang hinihiling sa atin ng Panginoon.

Sa Unang Pagbasa, isinalungguhit ang kahulugan, layunin, at buod ng mga utos ng ating butihing Panginoong Diyos: "Kailanma'y wala Siyang inutusang magpakasama, O pinahintulutang magkasala" (Sirak 15, 21). Ito ang dahilan kung bakit ang Diyos ay nagbigay ng mga utos sa atin. Nais ng Panginoong Diyos na tahakin ng mga tao sa mundong ito ang landas ng kabanalan. Hindi Niya kinalulugdan ang kasamaan at ang kasalanan. Bagkus, kinalulugdan ng Diyos ang kabutihan at ang kabanalan. Ang mga gumagawa ng mabuti at namumuhay nang banal ay tunay ngang kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon. Ito ang nasa puso ng Kanyang mga utos. Maging banal ang lahat ng mga tao. 

Katulad ng Unang Pagbasa, tinalakay rin ang paksa ng tapat at taos-pusong pakikinig at pagtupad sa kalooban ng Panginoong Diyos sa Salmong Tugunan at sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito. Sabi sa Salmong Tugunan: "Mapalad ang sumusunod sa utos ng Poong Diyos" (Salmo 118, 1b). Ang mga tunay na mapalad ay yaong mga taong kalugud-lugod sa paningin ng Panginoon. Maaaring maging kalugud-lugod sa Diyos ang bawat tao sa mundong ito kapag tumalima sila sa Kanyang mga utos at loobin. Sa Ikalawang Pagbasa, muling ipinaalala ni Apostol San Pablo ang ginawa ng butihing Diyos alang-alang sa atin. Inihayag ng Panginoon ang Kanyang panukalang inilihim Niya sa atin noong una. Sa pamamagitan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang panukalang ito ng Diyos ay nahayag. 

Mayroong dagdag na utos ang Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo. Sabi Niya sa Kanyang pangaral sa Ebanghelyo na dapat maging tapat at taos-puso ang ating pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ay hindi naghahanap ng mga artista. Hindi natin malilinlang ang Diyos. Batid ng Diyos kung ano nga ba talaga ang nasa puso natin at kung bukal sa ating puso ang ating pagtupad sa Kanyang mga utos. Ang tawag ng Panginoon para sa atin ay maging banal at kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Hindi ito katulad ng pag-auditon para magkaroon ng mga papel na gagampanan sa mga pelikula o mga serye katulad na lamang ng Batang Quiapo. Iba iyan sa hinahanap ng Panginoon. Hindi mga artista kundi mga tapat at taos-pusong tagasunod ang hinahanap ng Mahal na Poong Jesus Nazareno (Mateo 5, 20). 

Walang silbi ang pagsisimba, pagsama sa mga prusisyon, pagdarasal ng Rosaryo at mga Nobena kung hindi naman tayo magiging taos-puso. Halimbawa, namamanata sa Poong Señor. Tutungo sila sa Simbahan ng Quiapo o saanmang Simbahan upang manalangin at magsimba nang buong kataimtiman. Nakapikit pa nga yung ilan habang ginagawa iyon. Subalit, sa oras na lumabas sila ng Simbahan, mayroong ilang wagas ang pagsuporta sa mga kilalang sinungaling, magnanakaw, at mamamatay-tao. Ibang-iba na sila. Tapos, kapag may mga pekeng balita na pabor sa mga kilalang sinungaling, magnanakaw, at mamamatay-tao, hindi nila kukuwestiyunin ang mga ito. Agad nilang paniniwalaan at ipapalaganap ang mga ito. Sila pa nga yaong mga galit kapag sinabihan silang pekeng balita ang mga pinaniniwalaan at ipinapalaganap nila. Magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan sa mga tunay na balita tungkol sa katiwalian at kawalan ng katarungan sa lipunan. Hindi iyan maikukubli o maililihim sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Batid iyan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno at hindi iyan ang Kanyang hinahanap mula sa atin. 

Nais ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na maging tapat at taos-puso tayo sa ating pagsunod sa Kanyang mga utos. Kung tunay tayong mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, tutuparin at susundin natin ang Kanyang mga utos nang tapat at taos-puso. Hindi natin ito gagawin dahil napipilitan lamang tayo gawin iyon. Bagkus, gagawin natin ito sapagkat tunay nating minamahal, sinasamba, pinananaligan, at sinasampalatayanan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Gagawin natin ito bilang paghahayag ng ating pag-ibig, debosyon, at pananalig sa Mahal na Poon, at hindi bilang audition para sa mga artista.