Sabado, Pebrero 10, 2024

MAYROON SIYANG PAKIUSAP PARA SA ATIN

16 Pebrero 2024 
Biyernes kasunod ng Miyerkules ng Abo 
Isaias 58, 1-9a/Salmo 50/Mateo 9, 14-15 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1601 and 1633) Agony in the Garden by a follower of Giorgio Vasari, as well as the actual work of art itself from Museo del Prado, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 70 years or fewer due to its age. 


Habang ipinagpapatuloy natin ang ating paglalakbay at paghahanda ng ating mga sarili para sa pinakamahalagang pagdiriwang ng Simbahan na walang iba kundi ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno ngayong panahon ng Kuwaresma, ipinagpapatuloy ng Simbahan ang pagpapaalala sa atin tungkol sa kahalagahan ng katapatan. Katunayan, ito ang tema o paksang nais bigyan ng pansin ng Simbahan sa tulong ng mga Pagbasa para sa araw na ito, ang unang Biyernes sa banal na panahong ito na kilala rin natin sa tawag na Kuwaresma. Layunin ng Simbahan sa pamamagitan nito na tulungan tayo nang sa gayon ay maging makabuluhan ang ating paghahanda ng sarili ngayong panahong ito na mas kilala ng nakararami sa tawag na Kuwaresma, ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay.  

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa katapatan. Sa tulong ng mga tampok na Pagbasa, ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung ano nga ba talaga ang layunin ng ating paglalakbay at paghahanda ngayong panahong ito ng Kuwaresma - makipagkasundo sa Diyos. Bukod pa roon, ipinapaalala sa atin ng Simbahan na may pakiusap para sa atin ang Diyos. Kapag ang pakiusap ng Panginoong Diyos para sa bawat isa sa atin ay ipinasiya nating pagbigyan, tayong lahat ay Kaniyang kaawan at kahahabagan. Habang patuloy na namumuhay at naglalakbay dito sa daigdig na ito nang pansamantala ang bawat isa sa atin, tayong lahat ay laging pinagkakalooban ng Diyos ng pagkakataong pagbigyan ang pakiusap Niyang ito. 

Sa Unang Pagbasa, malakas na inihayag ng Panginoong Diyos na walang kabuluhan ang mga ginagawang pag-aayuno ng Kaniyang bayan sapagkat hindi Niya makita sa kanila ang Kaniyang hinahanap. Kahit na nag-aayuno sila, ang Kaniyang pakiusap ay hindi nila pinagbibigyan. Isa lamang ang hinahanap ng Panginoong Diyos sa Kaniyang bayan - maging tapat sa Kaniya. Hindi lamang ito para sa Kaniyang bayang hinirang na walang iba kundi ang Israel. Para rin ito sa atin sa kasalukuyang panahon. Nais ng Diyos na maging daan ang ating pag-aayuno, pagsisisi sa kasalanan, at iba pang mga gawaing kilala natin sa tawag na pamamanata ay dapat maging daan para sa ating lahat patungo sa pagiging banal at mabuti. Mapapatunayan nating lahat ang taos-puso nating katapatan sa Panginoon sa pamamagitan nito. Gaya ng isinalungguhit ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa araw na ito ng Biyernes: "D'yos ko, Iyong tinatanggap, pakumbaba't pusong tapat" (Salmo 50, 19b). 

Isinentro ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pangaral sa Ebanghelyo para sa araw na ito sa layunin ng pag-aayuno. Ang pag-aayuno ay ginagawa lamang sa mga panahon ng taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan, pagbabalik-loob sa Panginoong Diyos, at pagdadalamhati. Hindi ito ginagawa kapag ang lahat ay masayang nagdiriwang katulad ng mga kasal. Katunayan, ginamit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang larawan ng isang kasalan upang ilarawan kung bakit hindi nag-aayuno ang Kaniyang mga alagad. Dahil ang Poong Jesus Nazareno ay kapiling nila, hindi sila nag-aayuno. Pagsapit ng oras na itinakda, ang oras ng pagpapakasakit at kamatayan ng Poong Jesus Nazareno, saka lamang sila mag-aayuno. 

Ngayong panahon ng Kuwaresma, ipinapaalala sa atin ng Simbahan ang pakiusap ng Diyos para sa atin. Ang pakiusap ng Diyos ay maging tapat at taos-puso. Katapatan ang Kaniyang hinahanap mula sa atin. Ito ang layunin ng panahon ng Kuwaresma - palalimin at palaguin ang ating taos-pusong katapatan kay Jesus Nazareno. Maging isang daan ang ating debosyon at pamamanata sa ating Panginoon at Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno patungo sa pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin na sumasalamin sa ating taos-pusong katapatan, pananalig, at pagsamba sa Kaniya hanggang sa huli. 

Biyernes, Pebrero 9, 2024

ARAL MULA SA ABO

14 Pebrero 2024 
Miyerkules ng Abo 
Joel 2, 12-18/Salmo 50/2 Corinto 5, 20-6, 2/Mateo 6, 1-6. 16-18 

This faithful photographic reproduction of the Woodcut for "Die Bibel in Bildern" (1860) of "David giving a penitential psalm" by Julius Schnorr von Carolsfeld (1794–1872), as well as the actual work of art itself, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 


Sinisimulan ng Simbahan sa araw na ito ang 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na tiyak na mas kilala ng nakararami bilang panahon ng Kuwaresma. Inilaan ng Simbahan ang banal na panahong ito para sa taimtim na paghahanda ng ating mga sarili sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan bilang paghahanda para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno. 

Tampok sa litruhikal na pagdiriwang ng Simbahan sa araw ng Miyerkules ng Abo ang rito ng pagpapahid ng abo sa noo o kaya naman ang paglalagay ng abo sa korona ng ulo ng bawat mananampalataya. Habang isinasagawa ang ritong ito, isa sa dalawang pormularyong ito ay binibigkas ng pari o ng mga ministro. Ang mga salita mula sa isa sa dalawang pormularyong ito ay hango mula sa isa sa mga pangaral ng Poong Jesus Nazareno: "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya" (Marcos 1, 13). Hango naman mula sa mga salitang binigkas ng Diyos sa Halamanan ng Eden ang isa pang pormularyong maaaring bigkasin ng mga pari o mga ministro sa bawat mananampalataya habang ang ritong ito ay isinasagawa: "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong babalikan" (Genesis 3, 19). 

Mayroong dalawang alternatibong pormularyo para sa rito ng pagpapahid ng abo sa liturhikal na pagdiriwang ng Miyerkules ng Abo. Subalit, walang pinagkaiba ang mga salitang ito. Iisa lamang ang nais pagtuunan ng pansin ng dalawang pormularyong ito na hango mula sa dalawang magkaibang talata o bahagi ng Banal na Kasulatan. Ang bawat isa sa atin ay biniyayaan ng Diyos ng pagkakataong magbalik-loob sa Kaniya habang tayong lahat ay patuloy na namumuhay at naglalakbay nang pansamantala dito sa mundong ito. Kaya, hindi natin dapat sayangin ang mga pagkakataong ito na kaloob sa atin ng Panginoong Diyos. 

Hindi lamang binibigyan ng pansin at pinagninilayan ng Simbahan ang mga salitang binibigkas ng mga pari at ng mga ministro sa rito ng paglalagay ng abo sa tuwing sasapit ang Miyerkules ng Abo kada taon. Bagkus, inilalarawan ng mga salitang ito ang pangunahing aral at temang binibigyan ng pansin ng Simbahan sa panahon ng Kuwaresma na nagsisimula pagsapit ng Miyerkules ng Abo taun-taon. Ito ang tema ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay o Kuwaresma. Katunayan, ito ang panawagan ng Simbahan sa lahat sa bawat araw ng taon. Lalo lamang ito pinagtutuunan ng pansin tuwing sasapit ang panahong ito. 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Miyerkules ng Abo ay nakasentro sa mga salitang ito mula sa dalawang pormularyong ito na binibigkas ng mga pari at ng mga ministro habang isinasagawa ang rito ng paglalagay ng abo. Inilarawan ang ugnayan ng dalawang alternatibong pormularyong ito sa mga Pagbasa. 

Nakasentro sa taos-pusong pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos ang mga salita sa isang pormularyo na hango mula sa isa sa mga pangaral ng Poong Jesus Nazareno sa simula ng Kaniyang pampublikong ministeryo: "Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita sumampalataya" (Marcos 1, 13). Ang mga salitang binigkas ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Joel sa Unang Pagbasa para sa araw na ito ay nakasentro sa taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbalik-loob sa Kaniya. Isang dalangin ang binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Sa dalanging ito, buong kababaang-loob na humihingi ng habag at awa mula sa Diyos ang tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Isinalungguhit naman ng Panginoong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo na dapat maging tapat at taos-puso ang pamamanata sa Diyos. Kasama rito ang paghingi ng habag at awa sa Panginoong Diyos. 

Bakit tayo dapat magsisi at tumalikod sa kasalanan at magbalik-loob sa Diyos? Ang sagot ay matatagpuan sa isa pang pormularyong maaaring bigkasin ng mga pari at ng mga ministro sa rito ng pagpapahid o paglalagay ng abo sa noo o ulo: "Alalahanin mong abo ang iyong pinanggalingan at abo rin sa wakas ang iyong pinanggalingan" (Genesis 3, 19). Sa Ikalawang Pagbasa, inihayag ni Apostol San Pablo na hindi natin dapat patagalin pa ang ating pagbabalik-loob sa Panginoon. Bagkus, ang pagbabalik-loob sa Diyos ay dapat natin gawin ngayon (2 Corinto 6, 2). Ito ay hindi natin dapat patagalin pa. Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Dapat magbalik-loob na tayo habang may panahon pa. Tandaan, isa itong biyaya ng Diyos. Walang sinuman sa atin ang karapat-dapat sa biyayang ito ng habag at awa ng Diyos. Subalit, sa kabila nito, ipinasiya pa rin ng Diyos na bigyan tayo ng pagkakataong magbalik-loob sa Kaniya upang makapiling natin Siya sa Kaniyang kaharian sa kalangitan magpakailanman sa wakas ng buhay natin dito sa lupa. Dahil dito, dapat pahalagahan ang biyayang ito. 

Kahit hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito, niloob pa rin ng Panginoong Diyos na bigyan tayo ng pagkakataong linisin at dalisayin ng Kaniyang habag at awa ang ating mga puso at loobin upang tayong lahat ay gawing banal. Ito ang dahilan kung bakit Niya tayo iniligtas sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Ang abo na inilagay sa ating mga noo o ulo ay sagisag ng katotohanang ito. Sa tulong ng mga abong ito na inilagay o ipinahid sa ating mga ulo o noo, maging mulat nawa tayo sa katotohanang tunay tayong kinahabagan at kinaawaan ng Diyos. Dahil sa habag at awa ng Diyos, habang tayong lahat ay pansamantalang namumuhay at naglalakbay dito sa lupa, lagi Niya tayong pinagkakalooban ng pagkakataong magbalik-loob sa Kaniya nang sa gayon ay mapabanal Niya tayo. 

Huwebes, Pebrero 8, 2024

KABANAL-BANALANG MUKHA NG POONG JESUS NAZARENO: SAGISAG NG KANIYANG KATAPATAN SA ATIN

13 Pebrero 2024 
Kapistahan ng Kabanal-Banalang Mukha ni Jesus Nazareno 
Martes ng Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
Santiago 1, 12-18/Salmo 93/Marcos 8, 14-21 


Taun-taun, tuwing sasapit ang Martes bago ang Miyerkules ng Abo, ipinagdiriwang ng Simbahan ang Kapistahan ng Banal na Mukha ng Poong Jesus Nazareno. Maaari itong ituring na isa itong pasilip na dahilan ng ating paghahandaan bilang Simbahan sa panahon ng Kuwaresma. Ang panahon ng Kuwaresma, na magsisimula sa araw na kasunod nito, ang Miyerkules ng Abo, ay inilaan para sa taimtim na paghahanda ng ating mga sarili para sa pagdiriwang ng rurok o sentro ng ating pananampalataya na walang iba kundi ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, ang Kaniyang Misteryo Paskwal. 

Nakasentro sa katapatan sa Panginoong Diyos ang mga Pagbasa para sa araw na ito, ang Martes bago ang Miyerkules ng Abo. Ito ang pangunahing layunin ng taimtim na paghahanda na isasagawa natin bilang mga Katoliko sa panahon ng Kuwaresma na magsisimula sa Miyerkules ng Abo. Sa pamamagitan ng ating paghahanda para sa solemneng pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno, ang ating taos-pusong katapatan sa Kaniya ay ating pinatutunayan at inihahayag. 

Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni Apostol Santo Santiago ang kahalagahan ng walang maliw na katapatan sa Diyos hanggang sa huli. Mayroong biyayang inilaan ang Diyos para sa mga mananatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Ipagkakaloob ng Diyos ang Kaniyang biyaya, pag-ibig, habag, at awa sa mga mananatiling tapat sa Kaniya hanggang sa huli. Upang matamasa natin ang walang hanggang dakilang pag-ibig, biyaya, habag, at awa ng Diyos, dapat manatili tayong tapat sa Kaniya. 

Inilarawan sa Salmong Tugunan ang katangian ng mga tunay na matapat sa Diyos hanggang sa huli. Ang mga tunay na matapat sa Diyos ay laging bukas sa Kaniyang mga aral at loobin hanggang sa huli. Lagi nilang binubuksan ang kanilang mga puso sa Diyos. Sa pamamagitan nito, tinatanggap, pinararangalan, at sinasamba nila ang Diyos bilang tunay nilang Hari, Panginoon, at Manunubos. 

Ang Ebanghelyo para sa araw na ito ay nakasentro sa pangaral ni Jesus Nazareno na hindi nga lamang naunawaan ng mga apostol. Tampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang bersyon ni San Marcos. Subalit, mayroon ring bersyon ng kaganapang ito si San Mateo. Inilarawan sa salaysay ng kaganapang ito sa Ebanghelyo ni San Mateo kung ano ang ibig sabihin ng Poong Jesus Nazareno. Hindi lebadura na ginagamit sa paggawa ang tinutukoy ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kundi ang mga turo ng mga Pariseo at mga Saduseo (Mateo 16, 12). Sa bersyon ni San Marcos, ang mga turo ng mga Pariseo at ang mga naisin ni Herodes ang tinutukoy ng Poong Señor sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Isa lamang ang ibig sabihin nito - sa Kaniya nating buksan ang ating mga puso at isipan. Sa Señor lamang tayo dapat nakasentro. 

Kahit hindi Niya kinailangan itong gawin, ipinasiya ng Panginoong Jesus Nazareno na maging tapat sa atin. Ito ang tanging dahilan kung bakit Niya ipinasiyang harapin at tanggapin ang Kaniyang Banal na Krus. Ang larawan ng Banal na Mukha ng Poong Jesus Nazareno ay sagisag at paalala ng Kaniyang pasiyang ito. Kung naging tapat sa atin ang Panginoong Jesus Nazareno, kahit hindi naman kailangan, nararapat lamang na tayong lahat ay maging tapat rin sa Kaniya. 

Linggo, Pebrero 4, 2024

PARA SAAN?

PITONG LINGGO NG PAGNINILAY SA PITONG HAPIS AT TUWA NI SAN JOSE 
(Ikalawang Linggo) 
Ikalawang Hapis: Ang Karukhaan ng Pagsilang ng Poong Jesus Nazareno (Lucas 2, 7) 
Ikalawang Tuwa: Ang Pagsilang ng Poong Jesus Nazareno (Lucas 2, 10-11) 

This faithful photographic reproduction of the painting Nativity by Carlo Maratta (1625–1713), as well as the actual work of art itself in the National Museum in Krakow, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. The work of art itself is in the Public Domain in the United States because it was published (or registered with the U.S. Copyright Office) before January 1, 1928. The digital reproduction is made available under the Creative Commons CC0 1.0 Universal Public Domain Dedication



Tiyak na hindi inakala ni San Jose na hihirangin silang dalawa ng kaniyang kabiyak ng pusong minamahal na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria ng Diyos upang maging mga magulang ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Lalong hindi inakala ni San Jose na pahihintulutan ng Diyos na hindi iligtas ang Kaniyang sarili mula sa kahirapan ng buhay dito sa mundo. Kahit kailan ay hindi inakala ni San Jose na pahihintulutan ng Diyos na mapabilang sa mga dukha sa Kaniyang pagdating bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Jesus Nazareno. Subalit, iyon ang nangyari. 

Bagamat hindi naitala ng apat na manunulat ng Mabuting Balita o Ebanghelyo ang anumang salitang kaniyang binigkas, kahit isa man lang, tiyak na napatanong si San Jose kung para saan ang lahat ng ito. Sa katahimikan, tiyak na napatanong si San Jose kung bakit nga ba ipinasiya pa rin ng Diyos na gawin ito. Malinaw naman na hindi Siya tinanggap ng Kaniyang mga nilikha. Ni isang tao sa lungsod ng Betlehem ay nag-alok ng kahit isang maliit na espasyo man lamang sa kanila. Oo, baka maunawaan pa ni San Jose kung silang dalawa lamang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen iyon. Ang problema, hindi lamang silang dalawa ni Maria yaong naghahanap ng kahit isang maliit na espasyo sa mga bahay-panuluyan. Pati ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno na dala ng Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan, hindi inalok ng kahit isang maliit na lugar man lamang. 

Hindi nakaranas ng hapis si San Jose sa sandaling ito dahil hindi siya nakahanap ng lugar para sa kanilang dalawa ng Mahal na Birheng Maria, ang kaniyang kabiyak ng puso. Bagkus, ang hapis ni San Jose sa sandaling ito ay dulot ng hindi pagtanggap sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Walang nagbukas ng sarili sa Poong Jesus Nazareno. Malamig ang pagtanggap sa Kaniya. Si Jesus Nazareno ay hindi pinansin dahil kabilang Siya sa mga maralita. Dahil kabilang sa mga dukha ang Poong Jesus Nazareno, wala Siyang halaga. 

Para kay San Jose, hindi ito nararapat para sa nag-iisang tunay at walang hanggang dakilang Hari at Diyos. Dapat ibigay ang nararapat sa Kaniya. Kaya naman, si San Jose ay napuno ng hapis sa mga sandaling iyon. Labis siyang nasaktan sapagkat hindi niya inakalang magiging manhid ang kaniyang mga kababayan sa pinakadakilang regalo ng Diyos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. 

Subalit, ang hapis na ito ay hindi nagtagal. Pinawi agad ng Diyos ang hapis na dala-dala ni San Jose sa kaniyang puso. Nang isilang sa sabsaban ang Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, napawi ang hapis ni San Jose at naging tuwa. Ang kaniyang hapis ay naging tuwa dahil inihayag ng Diyos na minamahal pa rin Niya ang lahat sa pamamagitan ng Pagsilang ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Kahit naging manhid at malamig sa Kaniya ang lahat, ang Panginoong Diyos ay hindi nagbago. Ang pagdating ng Panginoong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay patunay nito. Gaano man ito kasakit para sa Diyos, hindi titigil sa pagbabahagi ng Kaniyang pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit dumating ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Buksan nawa natin ang ating mga puso sa pag-ibig ng Panginoong Diyos na tunay ngang dakila. Mapukaw nawa tayo sa pag-ibig ng Diyos katulad ni San Jose. Ang mga puso at sarili natin ay ating buksan sa biyaya ng pagbabagong hatid ng pag-ibig ng Diyos upang sa pamamagitan natin ay matupad ang Kaniyang kalooban. 

Sabado, Pebrero 3, 2024

NAISIN NG NAZARENO

11 Pebrero 2024
Ikaanim na Linggo sa Karaniwang Panahon [B] 
Levitico 13, 1-2. 44-46/Salmo 31/1 Corinto 10, 31-11, 1/Marcos 1, 40-45 


"Ibig Ko. Gumaling ka!" (Marcos 1, 41). Sa mga salitang ito na binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa ketonging Kaniyang pinagaling sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito nakatuon ang Simbahan sa Linggong ito. Ang ibig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno para sa atin ay maging malinis, dalisay, at busilak ang ating mga puso at loobin. Kung paanong inibig Niyang pagalingin ang ketongin sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito, ibig rin Niyang pabanalin at dalisayin ang ating mga puso at loobin. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang patakaran ng mga Hudyo kaugnay ng mga ketongin. Ito ang konteksto ng himalang isinagawa ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang mga ketongin ay itinuturing na marumi. Upang hindi makahawa ng iba, ang mga ketongin ay hindi naninirahan sa piling ng iba. Inihihiwalay sila mula sa lipunan. Kapag mayroong mga taong walang ketong napapadaan sa lugar na kanilang kinaroroonan, sisigaw nang malakas ang mga ketongin ng "Marumi! Marumi!" bilang babala. Sa gayon, ang mga walang ketong ay mag-iingat at iiwas sa mga ketongin. Doble ingat ang mga walang ketong kapag narinig nila ang (isa/mga) ketonging sumisigaw ng "Marumi! Marumi!" (Levitico 13, 45). 

Ang pagiging mahabagin ng Panginoong Diyos sa lahat ay pinagtuunan ng pansin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Katunayan, maaari ring ituring na isang propesiya ang mga salita sa Salmong Tugunan sapagkat inilarawan sa mga salitang ito kung bakit isinugo ng Diyos ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno. Ibig ng Panginoong Diyos na patawarin, dalisayin, at pabanalin ang lahat dahil sa Kaniyang habag at awa. Hindi hinangad o ninais ng Panginoon kailanman na mayroong mapahamak dahil sa kasalanan. Bagkus, hinangad Niyang patawarin ang lahat ng mga tao mula sa kanilang mga kasalanan. 

Nakasentro sa hangarin at naising ito ng Panginoong Diyos para sa lahat ng mga tao ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Muling isinalungguhit sa pangaral na ito ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang tanging dahilan kung bakit ito ang hinangad at ninais Niya para sa atin. Hinangad at ninais ng Panginoong Diyos na patawarin at linisin tayo mula sa ating mga kasalanan sapagkat nais Niya tayong bigyan ng pagkakataong ipakilala Siya bilang mahabagin at mapagmahal na Hari, Manunubos, at Diyos. Sa halip na ipalaganap ang kasalanan, nais ng Diyos na ipalaganap natin ang Kaniyang kabanalan, pag-ibig, biyaya, habag, at awa para sa lahat. Pinatutunayan natin sa pamamagitan nito ang ating taos-pusong pananalig at katapatan sa Kaniya na Siyang unang umibig sa atin. Isabuhay ang kalooban ng maawain, mahabagin, at mapagpalang Diyos. 

Hangad ng Poong Jesus Nazareno na mamuhay tayo nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin. Ito ang dahilan kung bakit Siya dumating sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kahit hindi naman kinailangan ng Nazarenong si Kristo na gawin iyon, ipinasiya pa rin Niya itong gawin dahil sa Kaniyang pag-ibig, biyaya, habag, at awa. Sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay, ang lahat ng mga tao sa mundo ay Kaniyang binigyan ng pagkakataon upang magpalinis at magpadalisay sa Kaniya.

Kung tunay tayong mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ibubukas natin ang ating mga sarili sa Kaniya upang magpalinis at magpadalisay sa Kaniya. Ang mga biyayang ito ay Kaniyang ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay. 

Biyernes, Pebrero 2, 2024

"EFFATA"

9 Pebrero 2024 
Biyernes ng Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon (I) 
1 Hari 11, 29-32; 12, 19/Salmo 80/Marcos 7, 31-37

SCREENSHOT: Enero 29, 2024 | Maringal na Pagkilala bilang Pambansang Dambana ni Jesus Nazareno (Quiapo Church Facebook and YouTube
 

"Tinig Ko'y iyong pakinggan, ang sabi ng Poong mahal" (Salmo 80, 11a at 9a). Sa mga salitang ito mula sa Salmong Tugunan nakasentro ang mga Pagbasa para sa araw na ito ng Biyernes na inilaan para sa taimtim na debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Katunayan, ang mga salitang binigkas ni Kristo sa Ebanghelyo habang pinagaling Niya ang isang lalaking bingi at utal ay "Effata" na ang kahulugan ay "Mabuksan" (Marcos 7, 34). Isa lamang ang aral na nais ituro sa atin - maging bukas sa Diyos. Laging ibukas ang sarili sa Panginoong Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong si Haring Solomon ay pinarusahan ng Diyos dahil ipinasiya niyang maging tapat. Oo, pumanaw na siya nang maganap ang mga kaganapang inilahad sa tampok na salaysay sa Unang Pagbasa. Subalit, kahit na pumanaw na si Solomon, tinupad pa rin ito ng Diyos. Ito ay dahil isang napakabigat na kasalanan ang ginawa ni Solomon sa mga huling sandali ng kaniyang buhay. Sa halip na manatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huli, ipinasiya ni Haring Solomon na sumamba sa mga diyus-diyusan (1 Hari 11, 9-11). Ang pasiyang ito ay nagdulot ng matinding sakit sa puso ng Diyos. Labis na nasaktan ang Panginoon sa pasiyang ito ni Solomon. Inihayag ni Solomon sa pamamagitan ng kaniyang pasiyang ito na hindi niya pinahalagahan ang tulong ng Diyos. Kaya naman, isinara niya ang kaniyang puso at loobin sa Panginoong Diyos. 

Kung tunay ang ating debosyon at pamamanata sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, hindi natin isasara ang ating mga puso sa Kaniya. Bagkus, lagi nating ibubukas ang ating mga sarili sa Kaniya. Pahihintulutan natin si Jesus Nazareno na maging Diyos, Panginoon, at Hari ng ating buhay sa bawat sandali ng ating buhay sa mundo. Lagi rin nating ibubukas ang ating mga sarili sa dakila Niyang kalooban bilang katibayan ng ating walang maliw na katapatan, pananalig, at pagsamba sa Kaniya. 

Huwebes, Pebrero 1, 2024

PANANALIG SA TUNAY NA TAGAHILOM

PITONG LINGGO NG PAGNINILAY SA PITONG HAPIS AT TUWA NI SAN JOSE
(Unang Linggo)
Unang Hapis: Ang Pagtuklas sa Pagdadalantao ng Mahal na Birhen (Mateo 1, 18-19) 
Unang Tuwa: Ang Pagpapakita ng Anghel kay San Jose (Mateo 1, 20-21)

This faithful photographic reproduction of the painting (Between c. 1617 and c. 1620) Dream of Saint Joseph by Francisco Pacheco (1564–1644), as well as the actual work of art itself from the Real Academia de Bellas Artes de San Fernando in Madrid, Spain, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 


"Magtitigib kayo ng kalungkutan, subalit ito'y magiging kagalakan" (Juan 16, 21). Ito ang isa sa mga salitang binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga apostol noong bisperas ng Kaniyang pagpapakasakit. Sa pamamagitan ng mga salitang ito na binigkas Niya sa kanila bilang bahagi ng Kaniyang pamamaalam noong gabing yaon, ipinakilala ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga apostol ang tunay na tagahilom. Walang sakit ang hindi Niya kayang hilumin. Ang tunay na tagahilom ay walang iba kundi ang Diyos. 

Noong binigkas ng Poong Jesus Nazareno ang mga salitang ito sa mga apostol, hindi isang bagong katotohanan ang Kaniyang ibinunyag. Bagkus, ang mga salitang ito na binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga apostol noong bisperas ng Kaniyang pagpapakasakit ay isang paalala kung sino ang Diyos. Inilarawan ni Jesus Nazareno sa mga salitang ito ang mga ginawa ng Diyos para sa lahat noon pa mang una. Hindi titigil ang Panginoong Diyos sa paggawa nito. 

Ang unang hapis at tuwa ni San Jose ay isang patotoo ng katotohanang ito tungkol sa pagkakilanlan ng Diyos. Bago isilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang Poong Jesus Nazareno, ang Diyos ay naghatid ng paghihilom sa lahat. Patunay lamang ito na matagal na itong ginagawa ng Diyos. Isa sa mga hinilom ng Diyos ay walang iba kundi si San Jose na hinirang upang maging ama-amahan ng Poong Jesus Nazareno. 

Sa unang hapis at tuwa ni San Jose, inilarawan kung paanong hinilom ng Diyos ang lingkod Niyang ito. Napakalinaw sa paningin ng Panginoong Diyos na si San Jose ay nasaktan nang labis-labis nang makarating sa kaniya ang balitang nagdadalantao ang babaeng kaniyang mapapangasawa na walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Tunay niyang inibig si Maria. Hindi maipagkakailang mayroong mga plano si San Jose para sa pamilyang balak niyang buuin kasama ni Maria. Dahil dito, tila gumuho ang lahat para kay San Jose nang mabalitaan niyang nagdadalantao ang babaeng kaniyang mapapangasawa na si Maria. 

Hindi pinabayaan ng Diyos si San Jose. Nang Kaniyang masilayan mula sa langit na labis na nasaktan si San Jose, agad Niyang ipinagkaloob kay San Jose ang biyaya ng Kaniyang paghihilom. Ang anghel na nagpakita sa panaginip ni San Jose ay ipinadala ng Panginoong Diyos upang iparating kay San Jose ang isang balitang maghahatid ng paghihilom sa kaniyang puso at loobin. Mayroon ring bahagi si San Jose sa plano ng Diyos na tunay ngang dakila. Siya ang magiging ama-amahan ng Banal na Sanggol sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria na walang iba kundi si Jesus Nazareno. 

Ipinapaalala sa ating lahat ng unang hapis at tuwa ni San Jose kung sino ang tunay na tagahilom. Ang tunay na tagahilom ay walang iba kundi ang Diyos. Gaya ni San Jose, buong pananalig nawa nating ibukas ang ating mga puso at loobin sa Kaniya.