Linggo, Marso 29, 2015

MASDAN ANG KARUKHAAN NI HESUS SA KRUS

Abril 3, 2015 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 



Mula noong isinilang si Hesus sa sanlibutan, namuhay Siyang dukha. Hindi naranasan ng Panginoong Hesus ang karangyaan at kayamanan dito sa mundo. Kahit na Siya'y Diyos at kahit na Siya ang Mesiyas, hindi namuhay si Hesus katulad ng isang hari o prinsipe dito sa mundo. Walang kayamanan si Hesus noong nabubuhay Siya dito sa daigdig. Bagkus, si Hesus ay namuhay ng isang buhay ng karukhaan bilang pakikiisa sa ating karukhaan. 

Noong ipinako ang Panginoong Hesukristo sa krus, pinagsapalaran ng mga kawal ang Kanyang damit. Hinubaran ang Panginoon ng Kanyang mga damit bago Siya ipako sa krus. Ang damit ng Panginoon na sinuot Niya buong buhay Niya ay hinubaran at pinagsapalaran ng mga kawal. Walang sinuot ang Panginoon noong Siya ay nakabayubay sa krus. 

Kung titingnan po ninyo ang imahen o larawan ni Kristo na nakapako sa krus, maaawa kayo kay Kristo. Suot Niya ang koronang tinik. Wala Siyang damit, bukod pa sa Kanyang kasuutang pang-ilalim. Dumudugo ang Kanyang Katawan. Sa unang tingin, kawawa na talagang tingnan ang Panginoong nakabayubay sa krus. 

Hindi lang noong ipinako si Hesus sa krus makikita ang Kanyang karukhaan. Noong iniharap ni Pilato si Hesus sa madla, sinabi niya, "Narito ang tao!" (Juan 19, 5) Dumadaloy ang Dugo mula sa Katawan ni Hesus. Suot Niya ang koronang tinik. Hinampasan pa ang Katawan ni Hesus. Mukhang inosente si Hesus. Mukhang dukha si Hesus. Kawawa si Hesus, sa unang tingin pa lamang. 

Ang karukhaang ipinamalas ni Hesus buong buhay Niya at noong Siya ay ipinako sa krus ay nakakabighani. Sino ang hindi maaakit sa karukhaang ipinamalas ni Hesus sa krus? Sino ang hindi maaakit na lumapit kay Hesus na nag-alay ng sarili para sa atin? Sino ang hindi maaakit sa habag, pagdamay at pag-ibig sa atin ng Panginoon na nakabayubay sa krus? 

Si Hesus ay nagpakadukha alang-alang sa atin. Nagpakababa Siya, naging tao, at nabuhay ng isang buhay na payak at puno ng karukhaan. Ipinapakita sa atin ni Hesus ang Kanyang pakikiisa sa ating karukhaan. Kahit gaano mang karami ang ating kayamanan dito sa mundo, may pagkadukha din tayo. Kahit gaano mang karami ang ating pera, tayo ay dukha pa rin. Dukha pa rin tayo dahil kailangan natin ang Diyos. Tayong lahat ay pantay-pantay sa paningin ng Diyos. Lahat tayo ay mga aba sa paningin ng Diyos. 

Ang kayamanan at kapangyarihan ay hindi masama. Subalit, nagiging masama na ito kapag ginamit natin ito sa masasamang paraan. Paano nating ginagamit sa masasamang paraan ang kayamanan? Sa pagiging maramot, ganid, gahaman, at kayabangan. Inaabuso natin ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Sa halip na magbunga ng kabutihan ang mga biyaya ng Diyos sa atin, ginagamit na natin ito sa masasamang paraan. 

Pagmasdan natin ang Panginoong Hesus na nakabayubay sa krus. Kahit Siya ay Diyos, hinubaran Niya ang Kanyang pagka-Diyos at naging tao katulad natin. Sa Kanyang pagpapakadukha, ipinapakita ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang pakikiisa sa ating lahat. Ipinapakita sa atin ng Panginoon ang taliwas ng pagmamataas at pagmamarot. Hindi nagmayabang o naging maramot ang Panginoon dito sa lupa. Bagkus, nagpakababa ang Panginoon at inihain ang Kanyang buhay para sa ating lahat. 

Mahirap magpakababa, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Tinuturo tayong lahat ng sistema, lalung-lalo na ang mga kabataan, na may mga pagkakataon kung kailan dapat magyabang. Kapag nakakuha ng bagong sasakyan, pwedeng na niyang ipagyabang. Kapag mas mataas ang grado ng isang estudyante sa kanyang kaibigan, pwede niyang ipagyabang iyon. Kapag naging kasintahan na ng isang lalaki ang crush ng buong tropa, pwede na niyang ipagyabang iyon. Pwede naman nating ipagmalaki iyon, pero huwag naman nating paghaluan ng yabang ang pagmamalaki natin sa ating mga tagumpay sa buhay. 

Sa krus ng Kalbaryo, ipinagmalaki ni Hesus ang Kanyang pag-ibig, awa at pagdamay sa ating lahat. Inalay ni Hesus nang buong pagpapakumbaba at pagpapakadukha ang Kanyang buhay para sa ating kaligtasan. Habang Siya'y nakabayubay sa krus, tinuturuan tayo ni Hesus na ang pagpapakumbaba at pagpapakadukha ay tanda ng pagmamahal. Kahit Siya'y dukha noong nabubuhay Siya sa mundo, ibinigay ni Hesus ang pinakamahalagang biyaya - ang pag-aalay ng Kanyang sarili sa krus. 

Ating pagmasdan at tularan ang karukhaan at ang pagpapakumbaba ni Hesus. Ipinakita ni Hesus ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng Kanyang pagiging dukha at pagpapakumbaba. Tayo ay nailigtas at nabubuhay ngayon dahil sa pagpapakababa at pagmamahal ni Hesus na nagpakadukha.

REFLECTIVE SONG: "Pagkabighani" (Bukas Palad Music Ministry) 



PAG-ALAALA SA KALIGTASAN DULOT NI KRISTO

Abril 2, 2015
Huwebes Santo 
Pagmimisa sa Pagtatakipsilim sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 


Sinisimulan natin ang Banal na Tatlong Araw o ang Banal na Triduo. Sa unang araw ng Banal na Triduo, ginugunita natin ang Huling Hapunang pinagsaluhan ng Panginoong Hesukristo at ng Kanyang mga alagad. Napakahalaga ang mga huling sandaling magkakasama ang Panginoong Hesukristo at ang mga alagad. Alam ng Panginoong Hesus na nalalapit na ang oras ng Kanyang kamatayan. Kaya, magkasamang ipinagdiwang ng Panginoong Hesus ang Hapunang Pampaskuwa kasama ang Kanyang mga alagad. 

Ang Paskuwa ay ang pinakamahalagang pagdiriwang ng mga Hudyo. Ginugunita nila ang pagpapalaya ng Diyos sa kanilang mga ninuno noong sila'y mga alipin sa Ehipto. Pinalaya ng Diyos ang bayang Israel na naging alipin sa Ehipto sa loob ng mahabang panahon. Iniligtas ng Diyos ang bayang Israel mula sa huling salot sa Ehipto. Pinatay ang isang kordero o bisirong kambing, at ang dugo nito ay inilagay sa pintuan ng kanilang mga tirahan. 

Sa pamamagitan ng dugo ng korderong inilagay ng mga Israelita sa mga pintuan ng kanilang mga tirahan, iniligtas sila ng Diyos mula sa pinakahuling salot sa Ehipto. Ang mga panganay na lalaki ay papatayin ng Diyos, kabilang na doon ang panganay na lalaki ng Faraon. Kaya, mahalaga para sa mga Hudyo ang kordero. Sa pamamagitan ng dugo ng kordero, iniligtas at pinalaya ng Diyos ang bayang Israel mula sa kaalipinan sa Ehipto. 

Hindi lamang iyon ang dahilan kaya napakahalaga ang kordero para sa mga Hudyo. Ang kordero ay inihahain ng mga Hudyo sa Diyos bilang pagbabayad-puri sa kanilang mga kasalanan. Sa dinami-dami siguro ng mga kasalanang nagawa ng mga tao noon, maraming mga inosenteng kordero ang pinatay. Ang kordero ay kilala bilang isang pinakainosenteng hayop. Kaya, dahil walang dungis ang isang kordero, ito'y inihahain ng mga Hudyo bilang tanda ng paghingi ng kapatawaran sa Diyos mula sa kanilang mga kasalanan. 

Isang bagong kordero ang natunghayan natin sa Bagong Tipan - si Hesus. Si Hesus ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, katulad ng sinabi ni San Juan Bautista (Juan 1, 29; Juan 1, 36). Kahit nagkatawang-tao si Hesus katulad natin, hindi Siya nagkasala kahit kailan. Hindi dinungisan ng kasalanan si Hesus. Bagkus, si Hesus ay nanatiling perpekto, walang dungis, at walang kasalanan. Kaya tinatawag natin Siyang, "Kordero ng Diyos." 

Sa Huling Hapunang pinagsaluhan ni Hesus at ng mga alagad, kumuha si Hesus ng tinapay at hinati iyon sa dalawa. Kinuha din ni Hesus ang kopa ng alak. Ibinigay ni Hesus ang mga iyon sa mga alagad. Ang tinapay at alak ay naging Katawan at Dugo ni Kristo. Inihain ni Kristo ang Kanyang Katawan sa krus sa Kalbaryo at dumaloy ang Dugo mula sa Kanyang Katawan. Binilin pa ni Kristo sa mga alagad, "Gawin ninyo ito bilang pag-alala sa Akin." (1 Corinto 11, 24) 

Nais ni Hesus na maalala natin Siya. Kaya itinatag Niya ang pagdiriwang ng Banal na Misa. Sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, ginugunita natin ang sakripisyo ni Hesus sa Kalbaryo. Inihain ni Kristo ang Kanyang sarili sa Kalbaryo. Sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang Katawan at Dugo sa krus sa Kalbaryo, iniligtas at pinalaya tayo ni Hesus mula sa kaalipinan ng kasamaan at kasalanan.

Sa pagpapatuloy ng ating paggunita sa Banal na Tatlong Araw, atin pong alalahanin ang kaligtasan dulot ni Kristo. Tinamo ng Panginoon ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang Katawan at Dugo sa Kalbaryo. Sa pamamagitan ng pagkamit ng kaligtasan para sa atin, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang paglilingkod at pagmamahal sa atin. 

GAANO KAHALAGA SA IYO ANG PANGINOONG HESUS?

Abril 1, 2015 
Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 



Sa ating Ebanghelyo, natunghayan natin kung paanong sumang-ayon si Hudas Iskariote sa mga Pariseo na ipagkanulo si Hesus. Nakipagkasundo si Hudas Iskariote na ipagkanulo si Hesus kapalit ng tatlumpung pirasong pilak. Tatlumpug pirasong pilak ang halaga ni Hesus. Ibinenta lamang si Hesus ni Hudas Iskariote. Pagkatapos ng matagal na panahon na kanilang pinagsambahan, si Hesus ay binenta ni Hudas Iskariote sa mga Pariseo at mga matatanda ng bayan. 

Napakasakit para sa atin bilang tao na talikuran tayo ng ating kaibigan, lalung-lalo na ang pinakamatalik na kaibigan. Pagkatapos ng inyong mahabang samahan, tinalikuran ka bigla ng iyong pinakamatalik na kaibigan. Ang lahat ng mga oras na pinagsamahan ninyo ay binalewala na lamang niya. 

Kahit palihim na nakipagkita si Hudas Iskariote sa Sanedrin, alam ng Panginoong Hesus na ipagkakanulo Siya ni Hudas. Hindi na kailangan ng Panginoong Hesus ng makapagsasabi sa Kanya kung ano ang plano ni Hudas. Kahit ano pang gawin ni Hudas, hindi niya maitatago kay Hesus ang kanyang planong ipagkanulo Siya. Alam ng Panginoong Hesukristo na binalewala ni Hudas Iskariote ang matagal nilang pagsasama. Alam ng Panginoong Hesukristo sa simula pa lamang na ipagkakanulo Siya ng isa sa Kanyang mga alagad. 

Tatlumpung piraso ng pilak. Napakasakit siguro para kay Hesus na isipin na hindi na kaibigan ang turing sa Kanya ni Hudas Iskariote. Pagkatapos kaibiganin ni Hesus si Hudas Iskariote nang matagal na panahon, ganito ang ginawa ni Hudas. Si Hesus ay nilagyan ni Hudas ng presyo sa ulo. 

Naalala ko po tuloy ang kwentong ibinahagi ni Cardinal Tagle noong pinangunahan niya ang Misa ng Linggo ng Palaspas noong nakaraang taon sa Manila Cathedral. Ibinahagi niya ang isang pangyayari noong siya'y Obispo pa lamang ng Imus, Cavite. Sa isang Kumpilan sa basketbolan, tinanong niya ang mga kabataan, "Alin ang mas mahalaga? Ang Misa o tatlumpung milyong dolyar?" Dinaig pa ng koro ang sagot ng mga kabataan, "Tatlumpung milyong dolyar!" 

Tingnan po ninyo, napakadaling pagpalitan ang Diyos. Maaaring piliin nating mag-aral kaysa manood ng TV. Maganda iyan. Kailangang mag-aral tayo nang mabuti. Dapat hindi tayo nagbubulakbol. Pero, tatlumpung milyong dolyar kaysa ang Diyos? Napakasakit isipin iyon! Ang halaga ba ng Diyos, tatlumpung milyong dolyar? Alam kong karamihan sa atin ay hindi mga milyonaryo, pero dapat nating malaman na hindi natin maipagpapalit ang Diyos. 

Sa panahon ngayon, halos wala na tayong panahon para sa Diyos. Kahit ang magdasal sa gabi bago matulog, parang balewala lamang iyon. Kahit sabihin pa naman nating, "Katoliko ako!" hindi binibigyan ng panahon ang Diyos. Mahirap ba ang magdasal ng Ama Namin, Aba Ginoong Maria, at Luwalhati bago matulog? 

Pagnilayan natin ang katananungang ito ngayong Miyerkules Santo. Tanungin natin ang ating mga sarili, "Gaano ba kahalaga sa akin ang Panginoong Hesus?" Gaano ba kahalaga ang Panginoon sa buhay mo? May halaga ba ang Panginoon sa buhay mo? Ipagpapalit mo ba ang Panginoon, katulad ng ginawa ni Hudas? Mananatili ka bang tapat sa Panginoon? 

Sabado, Marso 28, 2015

KATULAD NI HUDAS AT NI PEDRO, MAY MGA KAHINAAN DIN TAYO

Marso 31, 2015
Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 



Alam ni Hesus kung ano ang mangyayari sa Kanya. Alam Niya na dalawa sa Kanyang mga alagad ang may malaking papel sa salaysay ng Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay. Ipagkakanulo si Hesus ni Hudas Iskariote. Tatlong beses namang ipagkakaila ni San Pedro Apostol na kilala niya ang Panginoong Hesus. Masakit man isipin iyon, alam ni Hesus na mangyayari ang mga iyon. 

Subalit, magkaiba ang nangyari kina San Pedro Apostol at Hudas Iskariote pagkatapos gampanan ang kanilang papel sa Mahal na Pasyon ng Panginoon. Nagsisi silang dalawa pagkatapos magawa nila ang kanilang pagtalikod sa Panginoon. Nanghinayang sila na hindi nila naipagtanggol si Kristo. Pero, magkaiba ang ginawa nila. 

Nagpakamatay si Hudas Iskariote dahil para sa kanya, wala nang pag-asa. Hindi siya nanalig sa pag-asa ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Para sa kanya, huli na ang lahat. Hindi na siya makakapagsisi sa kasamaang ginawa niya sa Panginoon. Kaya, nagbigti si Hudas Iskariote. 

Iba naman ang ginawa ni San Pedro Apostol pagkatapos niyang ipagkaila nang tatlong ulit ang Panginoong Hesus. Nanangis siya, katulad ni Hudas Iskariote. Pero, sa halip na magpakamatay, si San Pedro Apostol ay nananalangin sa Diyos upang patawarin siya. Nananalig siya na muling mabubuhay ang Panginoon. Hindi pa man naintindihan ni San Pedro Apostol ang mga nangyayari, nananalig siya sa pangako ng Panginoon na Siya'y muling mabubuhay. 

Katulad ni Hudas Iskariote at ni San Pedro Apostol, may mga kahinaan din tayo. Alam din iyon ng ating Panginoon. Bilang tao, may mga kahinaan tayo. Subalit, ano ang gagawin natin kapag tayo ay nagkasala laban sa Diyos at kapwa-tao? Nawa'y humingi tayo ng kapatawaran sa ating Panginoon at sa ating kapwa-tao. Walang makakahadlang o makahihigit sa awa at grasya ng Panginoon. 

PAGLILINGKOD AT PAGMAMAHAL: TUNAY NA MENSAHE NG MAHAL NA ARAW

Marso 30, 2015 
Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 


Natunghayan natin sa ating Ebanghelyo kung paanong binuhusan ng pabango ni Santa Maria, ang kapatid nina Santa Marta at ni San Lazaro, ang mga paa ng Panginoong Hesus. Pinaglingkuran ni Maria si Hesus sa pamamagitan ng pagbuhos ng mamahaling pabango sa Kanyang mga paa. Ginawa ito ni Maria para ipakita kay Hesus ang kanyang pagmamahal at pasasalamat sa Panginoon. 

Ang pabangong ibinuhos ni Santa Maria sa mga paa ng Panginoong Hesukristo ay napakamahal. Mga negosyante lamang ang makakabili ng ganung pabango. Ibinuhos sa mga paa ni Hesus ang isa sa mga pinakamamahaling pabango noong kapanahunang iyon. Siguro, naamoy ng lahat ng naroroon sa bahay nina San Lazaro ang pabangong ibinuhos sa paa ni Hesus. 

Ipinakita ni Maria ang kanyang pagmamahal at paglilingkod kay Hesus. Nagbili si Maria ng mamahaling pabango at ibinuhos niya ito sa mga paa ni Hesus. Sa pamamagitan nito, ipinapakita ni Maria ang kanyang pagmamahal kay Hesus. Ang ginawa ni Maria para kay Hesus ang tanda ng kanyang pagmamahal at pasasalamat kay Hesus. 

Sa Pilipinas, marami tayong mga kostumbre tuwing Mahal na Araw. Idinadaos natin ang Pabasa ng Pasyong Mahal. Karamihan sa atin, dinadasal ang Via Crucis o ang Daan ng Krus. Isinasagawa din natin ang Visita Iglesia, lalung-lalo na sa gabi ng Huwebes Santo. Marami pa nga sa atin, naglalakbay tayo papunta sa Quiapo, Antipolo, Manaoag, atbp. 

Pero, madalas nakakalimutan natin ang tunay na dahilan ng pagsasagawa ng mga tradisyong ito. Nakakalimutan din natin ang kahalagahan at ang tunay na diwa ng mga pagdiriwang na isinasagawa sa mga Mahal na Araw. Sa panahon ngayon, ang mga Mahal na Araw ay nagiging panahon ng pagbabakasyon o paglalakwatsya. Iniisip din natin madalas na mga tradisyon lamang ang paggunita at ang mga pagdiriwang sa mga Mahal na Araw. 

Bakit ipinagdiriwang ng Simbahan ang mga Mahal na Araw? Dahil ginugunita natin sa sanlinggong ito ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Binibigyang-diin ng Simbahan sa mga Mahal na Araw ang dakilang pagmamahal ng Diyos na ipinamalas Niya noong si Hesus ay ipinako sa krus. Iyan ang tunay na diwa at ang kahalagahan ng mga Mahal na Araw. Iyan ang tunay na mensahe ng Mahal na Araw. Paglilingkod at pagmamahal. 

Sa pagpapatuloy ng ating paggunita sa mga Mahal na Araw, atin pong alalahanin ang dakilang sakripisyo ng Diyos sa Kalbaryo. Inalay ni Hesus ang Kanyang buhay dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Kaya, dapat din nating paglingkuran at mahalin ang ating kapwa-tao. Ayon nga kay San Juan Apostol, "Tayo ay nagmamahal sapagkat Siya ang unang nagmahal sa atin." (1 Juan 4, 19) 

ANG PAGIGING MASUNURIN NI HESUS SA KABILA NG PAGDURUSA

Marso 29, 2015 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (B) 
Sa Pursisyon ng Palaspas: Marcos 11, 1-10 (o kaya: Juan 12, 12-16) 
Sa Misa: Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Marcos 14, 1-15, 47 (o kaya: 15, 1-39) 


Ngayong Linggo ng Palaspas, ginugunita ng Simbahan ang maluwalhating pagpasok ng Panginoong Hesukristo sa Jerusalem. Ang Panginoong Hesukristo'y pumasok sa Jerusalem, na nakasakay sa isang asno. Habang pumapasok ang Panginoong Hesus sa Jerusalem, Siya'y sinalubong ng mga taong nagwawagayway ng mga palaspas at naglalatag ng kanilang mga balabal sa daanan. Lahat sila'y nagbigay-pugay sa Panginoong Hesus, katulad ng isang hari o isang mandirigmang nagtagumpay sa digmaan. Sigaw pa nila, "Osana, anak ni David! Pinagpala ang naparirito sa Ngalan ng Panginoon!" 

Subalit, alam ni Hesus na ang mga pagpupugay na tinanggap Niya sa Kanyang pagpasok sa Jerusalem ay hindi magtatagal. Alam ni Hesus na darating din ang araw kung kailan dadakipin Siya ng Kanyang mga kaaway at ihaharap ni Poncio Pilato sa mga tao. Hindi na mga pagpupugay ang maririnig Niya mula sa mga tao sa sandaling ihaharap Siya ni Pilato sa taong-bayan. Bagkus, iinsultuhin ng mga tao si Hesus at hihilinging patayin Siya. 

Ano kaya ang nararamdaman ni Hesus sa mga sandaling iyon? Natatakot o nabibigo kaya si Hesus dahil sa alam Niya kung ano ang mangyayari pagkatapos ng araw na iyon? Masasabi natin na sa kabila ng ingay at pagpupugay ng mga tao sa Kanya, may pagkabagabag na nararamdaman si Hesus. Alam Niya kung gaano kasakit ang ituturing sa Kanya ng mga tao ilang araw makalipas ang Kanyang matagumpay na pagpasok sa Jerusalem. 

Tinalikuran ng mga alagad si Hesus noong Siya ay dinakip. Ang mga taong sumalubong sa Kanya noong pumasok Siya sa Jerusalem ay kumutya sa Kanya. Napakasakit para sa isang tao na siya'y talikuran ng mga humahanga sa kanya. Ano pa kaya ang sakit na naramdaman ni Hesus noong nakikita Niya ang Kanyang mga alagad at ang mga taong sumasalubong sa Kanya? Alam Niya kung ano ang gagawin nila sa Kanya. Ang mga alagad ay tatalikod at tatakas habang ang mga taong sumalubong sa Kanya ay kukutya sa Kanya sa harapan ni Pilato. 

Maaaring humiling si Hesus sa Ama na huwag nang ituloy ang Kanyang plano na mamatay sa krus. Napakasakit at napakabrutal ang kamatayan sa krus. Hindi lamang pisikal na sakit ang naramdaman ni Hesus sa krus. Nasaktan din ang damdamin ni Hesus noong Siya ay nakabayubay sa krus. Si Hesus ay kinukutya ng mga tao na walang kalaban-laban. 

Kahit maaaring hilingin ni Hesus sa Diyos na iligtas Siya mula sa nalalapit Niyang pagdurusa at pagkamatay, pinili pa rin ni Hesus na sumunod at tumalima sa kalooban ng Diyos. Nagsalita si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa tungkol sa pagiging masunurin ni Hesus noong Siya'y nabubuhay dito sa lupa. Ipinaliwanag ni San Pablo Apostol na si Hesus ay nagpakababa, kahit na Siya ay Diyos. Nagpakababa, nagkatawang-tao, at namuhay nang masunurin sa kalooban ng Ama si Hesus. 

Napakahirap ang pinapagawa ng Diyos Ama kay Kristo. Isang karumal-dumal na kamatayan ang dadanasin ni Kristo sa Kanyang buhay dito sa lupa. Subalit, bilang pagsunod sa kalooban ng Ama, hindi tinakasan ni Kristo ang krus at ang Kalbaryo. Bagkus, hinarap Niya ito nang buong pagtalima sa kalooban ng Ama. Mula sa Kanyang pagsilang sa mundo, hindi sinuway ni Hesus ang Ama. Hanggang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay, sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama. 

Katulad ng Panginoong Hesus, maging masunurin nawa tayong lahat sa kalooban ng Diyos. Sa bawat sandali ng ating buhay dito sa lupa, tularan natin si Hesus sa pagsunod sa kalooban ng Ama. Tandaan, ang kalooban ng Ama ang nakabubuti para sa ating lahat. May plano ang Diyos para sa ating lahat. Katulad ng Panginoong Hesukristo, manalig at tumalima tayo sa Kanyang kalooban. Sa kahuli-hulihan, magaganap ang kagustuhan ng Diyos. 

Ama, mangyari nawa ang Iyong kalooban. Nawa'y maging masunurin kami sa Iyong kalooban, katulad ng Panginoong Hesus. Amen. 

SAN PEDRO CALUNGSOD: NAG-ALAY NG BUHAY PARA SA DIYOS

Marso 28, 2015 
Sabado sa Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay 
Paggunita kay San Pedro Calungsod, katekista at martir 
Ezekiel 37, 21-28/Jeremias 31/Juan 11, 45-56 



Bukas na po magsisimula ang mga Mahal na Araw. Sa ating Ebanghelyo ngayong Sabado bago ang Linggo ng Palaspas, matutunghayan natin na ang mga punong saserdote at ang mga matatanda ng bayan ay nagpulong para iplano kung paano nila maipadadakip si Hesus at ipapapatay. Hindi nila mapigilan ang ginagawa ni Hesus. Naiinggit lamang ang mga saserdote kay Hesus dahil sa dami ng mga taong lumalapit at pumupunta sa Kanya. 

Ayon kay Kaipas, si Hesus ay dapat mamatay alang-alang sa bayang Israel. Isang tao lamang ang dapat mamatay alang-alang sa bayan. Ito'y isang hula. Si Hesus ay mamamatay, hindi lamang para sa bayang Israel, kundi para sa buong mundo. Alam ito ni Hesus. Alam ni Hesus na dapat matupad ang hulang iyon. Bukas, gugunitain natin ang maluwalhating pagpasok ni Hesus sa Jerusalem upang tupdin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas. 

Inalay ni Hesus ang Kanyang buhay sa krus alang-alang sa ating lahat. Mahal na mahal tayo ni Hesus, kaya pinili Niyang ialay ang Kanyang buhay sa krus. Walang kasalanang ginawa ang Panginoong Hesus buong buhay. Hinatulan Siya para sa ating mga kasalanan. Pero, kusang-loob na inalay ni Hesus ang Kanyang buhay bilang kabayaran sa dinami-dami ng ating mga kasalanan. 

Ngayon po ay ginugunita natin ang Ikalawang Pilipinong Santo - si San Pedro Calungsod. Hindi niya alam na siya ay papatayin. Alam ni San Pedro Calungsod na may mga pagkakataon kung kailan magiging mahirap ang pagtulong niya kay Beato Diego Luis de San Vitores. Maaari ding alam ni San Pedro Calungsod na may masamang mangyayari sa kanya doon. 

Subalit, bakit pinili ni San Pedro Calungsod na sumama kay Beato Diego Luis de San Vitores? Inalay ni San Pedro Calungsod ang kanyang buhay bilang paglilingkod sa Diyos. Bagamat hindi pari o relihiyoso si San Pedro Calungsod, inalay niya ang kanyang buhay para sa Diyos. Buong buhay at pagmamahal sa Panginoon na inalay ni San Pedro Calungsod ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa. 

Iyan ang mensahe ng mga Mahal na Araw. Ang Diyos ang unang nagmahal sa atin, at patuloy na nagmamahal sa atin. Kaya, dapat tayong mamuhay ng isang buhay ng pagmamahal. Dapat tayong mabuhay nang may pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa-tao.