Linggo, Disyembre 31, 2017

PINAKADAKILANG PAGPAPALA

1 Enero 2018 
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos
Ikawalong Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang 
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21 


Isa sa mga titulo ng Mahal na Birheng Maria ay ang titulo ng Theotokos. Ang kahulugan ng Theotokos ay "Tagapagdala ng Diyos" o "Ina ng Diyos". Ang Diyos ay naging tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang dalhin sa kanyang sinapupunan ang Salitang nagkatawang-tao sa loob ng siyam na buwan. At matapos ng siyam na buwan ng pananahan sa sinapupunan ni Maria, iniluwal ang Sanggol na Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Dinala at iniluwal ni Maria mula sa kanyang sinapupunan ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan - ang Kanyang Bugtong na Anak at ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Hesus.  

Ang pagkakaloob ng pinakadakilang pagpapalang ito ay pinatotohanan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa mula sa kanyang sulat sa mga taga-Galacia. Wika ni Apostol San Pablo na isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus at Siya'y isinilang ng isang babae nang sumapit ang takdang panahon. Nagmula sa sinapupunan ng isang babae, isang dalaga, ang pinakadakilang biyayang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus at ang dalagang nagdala, nagluwal, at umalaga sa Kanya ay si Maria. 

Sa huling bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ang pagtutuli sa Banal na Sanggol at ang pagpapangalan sa Kanya. Ang pangalang ibinigay nina Maria at Jose sa Banal na Sanggol ay ang pangalang ibinigay ng anghel noong Siya'y ipinaglihi. Hesus ang Pangalang ibinigay sa Kanya. Ang kahulugan ng pangalang ni Hesus sa wikang Hebreo ay "Ang Diyos ay nagliligtas." Sa pangalan pa lamang malalaman ang misyon ng Banal na Sanggol sa Kanyang paglaki. Sa pamamagitan ni Hesus, ililigtas ng Diyos ang lahat ng tao. Ito ang dahilan kung bakit ang mga pastol sa unang bahagi ng Ebanghelyo ay umuwing nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos. Nakita ng mga pastol ang Sanggol na magliligtas sa lahat pagdating ng takdang panahon. Ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos ay nakita ng mga pastol sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na nakahimlay sa sabsaban. Ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob Niya sa santinakpan. 

Ibinuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa sangkatauhan sa iba't ibang pamamaraan. Tulad na lamang sa Unang Pagbasa. Iniutos ng Panginoong Diyos kay Moises na ibigay kina Aaron at sa kanyang mga anak ang pormula ng pagbebendisyon sa bayang Israel. Sa pamamagitan ng bendisyon ng mga saserdote, ibinibuhos ng Diyos ang Kanyang pagpapala sa Kanyang bayan. At ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa lahat ng tao ay Kanyang ibinuhos sa pamamagitan ng Dakilang Saserdote na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Dakilang Saserdoteng si Hesus, ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang pinakadakilang pagpapala ng Kanyang pagliligtas. 

Si Hesus ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa lahat. Siya, ang Bugtong na Anak ng Diyos na ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Kanyang Kalinis-linisang Birheng Inang si Maria na Ina rin nating lahat, ay ipinagkaloob para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Sa pamamagitan Niya, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Sa pamamagitan Niya, nasilayan ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig ang kahanga-hangang pagliligtas ng Diyos. At ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos, ang pagliligtas Niya sa lahat sa pamamagitan ni Hesus, ay nagdulot ng kagalakang tunay sa lahat ng tao sapagkat namalas nila ang kadakilaan ng habag at kagandahang-loob ng Diyos. 

Sabado, Disyembre 30, 2017

HINDI MADALI

31 Disyembre 2017 
Linggo sa loob ng walong araw na pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
Kapistahan ng Banal na Mag-Anak Hesus, Maria, at Jose (B) 
Genesis 15, 1-6; 21, 1-3 [o kaya: Sirak 3, 3-7. 14-17a (gr. 2-6. 12-14)]/Salmo 104 [o kaya: Salmo 127]/Hebreo 11, 8. 11-12. 17-19 [o kaya: Colosas 3, 12-21]/Lucas 2, 22-40 


Isinalaysay sa Unang Pagbasa ang paghirang ng Diyos kay Abram, na ngayo'y kilala bilang si Abraham. Si Abraham, na kilala dati sa pangalang Abram, ay hinirang ng Diyos upang maging ama ng maraming bansa. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na magiging kasindami ng mga bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan ang bilang ng kanyang mga anak at apo, sa kabila ng katandaan niya at ng kanyang asawang si Sara na dating kilala bilang si Sarai. Si Abraham ay magiging ninuno ng lahat ng tao mula sa iba't ibang bansa. Ang angkan ni Abraham ay bubuin ng maraming tao mula sa iba't ibang bansa, ayon sa pangako ng Panginoon. 

Ang kwento ng pananampalataya ni Abraham, na isinalaysay nang buo sa Lumang Tipan, ay binigyan ng isang maikling buod sa Ikalawang Pagbasa. Inilahad ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa ang mga benepisyo at gantimpalang natanggap ni Abraham dahil sa kanyang pananalig at pananampalataya sa Diyos. Hindi naging madali para kay Abraham na manalig sa Diyos. Subalit, dahil sa kanyang pananalig at pananampalataya sa Diyos, siya'y ginantimpalaan ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagtalima sa kalooban ng Diyos, ipinakita ni Abraham ang kanyang malalim at buong puso't kaluluwang pananalig at pananampalataya sa Diyos. Tumalima si Abraham sa kalooban ng Diyos, gaano pa mang kahirap tuparin at sundin ito, dahil sa kanyang pananalig. Dahil dito, si Abraham ay tumanggap ng maraming gantimpala mula sa Diyos. Siya at ang kanyang asawa ay ginantimpalaan ng anak sa kabila ng kanyang katandaan. At noong ipinasiya ni Abraham na ihandog ang kanyang anak na si Isaac bilang hain sa Diyos, tulad ng Kanyang iniutos, ipinagkaloob ng Diyos ang isang lalaking tupa bilang kapalit ng kanyang anak na si Isaac. 

Sa mahabang salaysay ng Mabuting Balita (2, 22-40), isang matandang lalaki na ang pangala'y Simeon ay nagsalita sa Mahal na Birheng Maria tungkol sa magiging misyon at tadhana ng Sanggol na Hesus paglaki Niya. Bagamat ang mga salitang ito ay winika ni Simeon kay Maria, marahil ay pinakinggan rin ni San Jose ang mga salitang ito tungkol sa Banal na Sanggol. Narinig ng mga magulang ni Hesus na hindi maganda ang mangyayari sa Kanya pagdating ng panahon. Isang kabalintunaan ang mangyayari - ang Mesiyas at Manunubos na si Hesus na dapat magsilbing palantandaan ng pagtubos ng Diyos ay hahamakin ng marami. Kamumuhian Siya ng Kanyang mga kababayan, kahit na Siya'y ipinagkaloob ng Diyos sa kanila upang sila'y maligtas Niya. At ang mangyayari kay Hesus pagdating ng takdang panahon ay magdudulot ng matinding hapdi't kirot sa puso ng Maria. Ang hapdi't kirot na ito ay kasinghapdi ng paghiwa ng isang balaraw. Ang puso ng Mahal na Inang si Maria ay parang tatarakan ng isang balaraw dahil sa mangyayari sa kanyang minamahal na Anak na si Hesus. 

Labis na nasaktan ang Mahal na Birheng Maria at si San Jose sa mga salitang namutawi mula sa mga labi ni Simeon tungkol sa magiging tadhana ng kanilang Anak. Iisa lamang ang ibig sabihin ng mga winika ni Simeon sa Templo, ang kanilang minamahal na Anak ay papatayin ng Kanyang mga kababayan. Kaloob nga Siya ng Diyos sa Kanyang bayan, subalit hindi Siya tatanggapin ng Kanyang mga kababayan. Kapopootan, kamumuhian Siya ng lahat, lalung-lalo na ng mga pinuno ng bayang Israel. Napakasakit para sa kanila na malamang iyan ang kalooban ng Diyos. Para kina Maria at Jose, napakasakit at napakahirap tanggapin ang katotohanang papatayin ng kanilang mga kababayan ang kanilang Anak na ipinagkaloob ng Diyos sa Kanyang bayan bilang Mesiyas at Manunubos at wala na silang magawa upang mapigilan ito. 

Sa kabila ng masakit na katotohanan ukol sa kalooban ng Diyos, ang masakit na katotohanan na walang magawa para pigilan ang pagpatay sa kanilang Anak na labis nilang minamahal at inaaaruga, hindi nawalan ng pananalig at pananampalataya ang Mahal na Birheng Maria at ni San Jose sa Diyos. Patuloy na nanalig at sumampalataya nang buong puso't kaluluwa sina Maria at Jose sa kalooban ng Diyos sapagkat ito'y higit na dakila at higit na mabuti kaysa sa kanilang sariling kalooban at naisin. Tulad nina Maria at Jose, si Hesus ay tumalima sa kalooban ng Ama. Kaya nga Siya'y kinalugdan ng Diyos sa simula't simula pa lamang. Kahit gaano pa mang kahirap na tuparin ang kalooban ng Ama, pinili ni Hesus na maging masunurin sa kalooban ng Ama. Siya, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ay naging masunurin sa plano ng pagliligtas na binuo bago pa man Siya pumanaog sa lupa at magkatawang-tao. Ang Banal na Mag-Anak nina Hesus, Maria, at Jose ay nanalig at tumalima sa kalooban ng Ama nang buong katapatan, gaano mang kahirap itong sundin at tuparin. 

Ang kalooban ng Diyos ay hindi madaling tuparin at sundin. May mga pagkakataong hindi natin maintindihan o maunawaan ito nang mabuti. Hindi ito matarok nang lubusan ng bawat tao, kahit ng pinakamatalinong tao sa mundo. Mayroon ding mga pagkakataon na tayo'y masasaktan dahil sa mga kailangang isakripisyo para sa katuparan nito. Subalit, kung hahayaan natin ang Diyos na maging sentro ng buhay natin bilang pamilya, kung isusuko natin ang lahat sa Kanya, binibigyan natin ng pahintulot ang pagtupad ng kalooban ng Diyos sa pamamagitan natin. Kung hahayaan nating maghari ang kalooban ng Diyos sa buhay natin, malalampasan natin ang lahat ng mga pagsubok na haharapin natin sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos. Magkakaroon tayo ng lakas at tibay ng loob upang sundin ang kalooban ng Diyos, na higit pang dakila at maganda kaysa sa mga naisin ng bawat tao. Sapagkat sa pamamagitan ng buong puso't kaluluwang pagtupad at pagtalima sa kalooban ng Diyos, ipinapakita't inihahayag natin ang ating pagmamahal, pananalig at pananampalataya sa Kanya na Siyang Makapangyarihan sa lahat ng nilalang. 

NAGDUDULOT NG KAGALAKAN

30 Disyembre 2017 
Ikaanim na Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang 
1 Juan 2, 12-17/Salmo 95/Lucas 2, 36-40 


Itinatampok sa Ebanghelyo ang karakter ni Ana, ang asawa ni Simeon at isang propetang babae. Nang masilayan rin ni Ana ang Sanggol na Hesus na kalong-kalong ng kanyang kabiyak ng pusong si Simeon sa kanyang mga bisig, siya'y nagpasalamat at nagpuri sa Diyos nang buong kagalakan. Siya'y napuspos ng kagalakan sapagkat nakita na ng kaniyang mga mata ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Dumating na ang pinakahihintay na Tagapagligtas. Tinupad na ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan. Kaya naman, matapos niyang masilayan ang Banal na Sanggol, si Ana ay nagsalita tungkol sa Kanya sa mga naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Herusalem. Nagbigay ng patotoo si Ana tungkol sa Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus, ang Salitang nagkatawang-tao na sa simula pa lamang ay Siya na, tulad ng winika ni Apostol San Juan tungkol sa Kanya sa Unang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat (2, 13).

Si Ana ay napuspos ng galak sapagkat nasaksihan niya ang katuparan ng pangako ng Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesukristo. Dumating na sa wakas ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na matagal nang pinanabikan ng sambayanang Israel. Nangako ang Diyos noong kapanahunan ng kanilang mga ninuno, ang panahon ng Matandang Tipan, na Siya'y darating bilang Mesiyas at Manunubos. Ang bayang Israel ay nanabik nang buong kagalakan para sa araw na ito. Hinintay nila nang may buong galak ang pagsapit ng araw na iyon kung kailan tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Kaya naman, nang makita ni Ana ang Banal na Sanggol na si Hesus, buong galak siyang nagpuri't nagpasalamat sa Diyos at nagpatotoo sa mga naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Herusalem tungkol sa Banal na Sanggol. 

Hinding-hindi nakakalimot ang Diyos sa Kanyang pangako. Hinding-hindi Siya nakakalimot sa Kanyang bayan. Lagi Niyang naaalala ang Kanyang bayan. Lagi Niyang natatandaan ang Kanyang pangakong binitiwan. Ang Diyos ay laging tapat sa Kanyang pangako. Pinatunayan Niya ang Kanyang katapatan sa pangakong binitiwan noong Siya'y pumanaog sa lupa at nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo. Sa pammaagitan nito'y tinupad ng Diyos ang  pangakong binitiwan. At sa pamamagitan ng pagtupad sa pangakong binitiwan, ang Diyos ay naghatid, nagdulot ng kagalakan sa lahat ng tao na labis Niyang minamahal at kinahahabagan nang buong katapatan. At ang katapatan, pag-ibig, at habag ng Maykapal para sa sangkatauhan ay tunay at totoo. 

Biyernes, Disyembre 29, 2017

TUNAY NA ILAW

29 Disyembre 2017
Ikalimang Araw ng Pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang
1 Juan 2, 3-11/Salmo 95/Lucas 2, 22-35 


Muling inilalahad at binibigyang-diin sa mga Pagbasa ngayong Ikalimang Araw ng Oktaba ng Pasko ng Pagsilang ang tema ng liwanag. Si Kristo ang tunay na liwanag. Wika ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa mula sa kanyang unang sulat na ang kadiliman ay napapawi ng tunay na liwanag (2, 8). Si Kristo ang liwanag na nagniningning at pumapawi sa kadilimang bumabalot sa buong lupain. Ang pagpawi ng tunay na liwanag na si Kristo sa kadiliman ay nasaksihan ng lahat ng tao mula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa sa daigdig. 

Isinalaysay sa Ebanghelyo ang pagdadala sa Sanggol na Hesus sa Templo. Nang makita ang ni Simeon ang Banal na Sanggol, buong kagalakan niyang inihayag na maaari nang bawiin ng Diyos ang kanyang buhay sapagkat nasilayan na niya ang liwanag ng kaligtasan. Nakita na niya ang tunay na liwanag mula sa kalangitan na nagkatawang-tao sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus. Ang tunay na kaliwanagan na si Hesus ang magdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ililigtas Niya ang lahat na namumuhay sa ilalim ng pamumuno ng kadiliman. Hindi na ang mga pwersa ng kadiliman ang maghahari o mamamayani sa buong lupain sapagkat ang liwanag ng Panginoong Hesukristo ang papawi nito. Paiiralin ng Panginoong Hesus ang Kanyang maningning na liwanag sa buong lupain. 

Si Hesus ang tunay na kaliwanagan. Siya ang kaliwanagang umaakay sa ating lahat sa landas ng kaligtasan. Siya ang nagpapalaya sa lahat mula sa kapangyarihan ng kadilimang bumibihag at umaalipin sa bawat isa. Sa pamamagitan ng pagningning ng Kanyang liwanag, inihatid Niya sa lahat ng tao ang kagalakan at kapayapaang kaloob Niya. At ang kagalakan at kapayapaang kaloob ng Panginoong Hesus ay higit pa sa kagalakan at kapayapaang kaloob ng sanlibutang ito. 

Huwebes, Disyembre 28, 2017

ANO ANG MARARAMDAMAN MO?

28 Disyembre 2017 
Kapistahan ng mga Banal na Sanggol na walang kamalayan, mga martir 
1 Juan 1, 5-2, 2/Salmo 123/Mateo 2, 13-18


Sa panahon ngayon, bihira nang isinasagawa't sinusunod ang lumang tradisyong bilang mga Pilipino tuwing sasapit ang araw ng Niños Inocentes. Mayroon daw kaugalian na kapag sasapit ang araw na ito, hihingi o manghihiram ng pera ang ating mga kakilala na walang balak ibalik, bayaran, o isauli ito. Nagiging biktima ng kapilyuhan ng iba ang mga mamimigay ng pera sa araw na ito. Kapag nangyari iyon, sinasabi ng iba, "Na-Niños Inocentes ka!" Kaya, binabalaan ang lahat na huwag mamigay ng pera sa mismong araw na ito sapagkat maaari silang maisahan o maloko ng iba ngayong araw na ito, ang araw ng Niños Inocentes

Kung bibigyan natin nang pansin ang paksang inilalarawan sa mga Pagbasa ngayon, taliwas ito sa kaugalian natin ngayon. Inihayag ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa ngayon na hango  mula sa kanyang unang sulat na tayong lahat ay nilinis ni Kristo Hesus sa lahat ng ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kabanal-banalang Dugo. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni San Mateo ang walang awang pagpaslang sa mga sanggol na lalaki mula dalawang taong gulang pababa, ayon sa utos ni Haring Herodes. Nais ni Haring Herodes na mapatay ang Sanggol na Hesus sapagkat para sa kanya, ang Sanggol na Hesus ay isang malaking banta sa kanyang kaharian. Dapat bang pagbiruhan ang mga ganyang pangyayari? Dapat bang gawing sentro ng kalokohan o mga biro ang mga pangyayari? 

Ang hapdi't kirot na dala-dala ng mga ina ng mga sanggol na pinaslang na walang kalaban-laban sa utos ni Haring Herodes ay totoo. Ang hapdi't kirot na taglay ng Mahal na Birheng Maria nang masilayan niya ang kanyang minamahal na Anak, ang iniluwal mula sa kanyang sinapupunan noong gabi ng unang Pasko, na nakabayubay at unti-unting binabawian ng buhay sa kahoy na krus sa Kalbaryo ay totoo. Kaya ba nating gawing pagbiruan ito? Kung tayo'y nasa kalagayan ng mga ina ng mga sanggol na walang awang pinaslang ng mga kawal ni Haring Herodes at ng Mahal na Birheng Maria nang masilayan niya ang pagdurusa't pagkamatay ng kanyang Anak na si Hesus sa krus, ano ang ating mararamdaman kapag nakita natin ang ibang tao na sa kanilang pananaw ay nakakatawa ang mga pangyayaring iyon? Ano ang mararamdaman natin? 

Miyerkules, Disyembre 27, 2017

TUNAY ANG HABAG AT KAGANDAHANG-LOOB NG DIYOS

27 Disyembre 2017 
Kapistahan ni Apostol San Juan, Manunulat ng Mabuting Balita
1 Juan 1, 1-8/Salmo 96/Juan 20, 2-8


Ang alagad na minamahal ng Panginoong Hesus ay isa sa apat na manunulat ng Mabuting Balita. Ang tungkulin ng apat na Manunulat ng Mabuting Balita na mas kilala bilang mga Ebanghelista ay magpatotoo tungkol sa habag at kagandahang-loob ng Diyos na ipinamalas sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos na si Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus, ang Diyos ay nagkatawang-tao upang tayo'y tubusin mula sa kasalanan at kasamaan. Ipinasiya ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo na yakapin ang ating pagkatao (maliban sa kasalanan) at mamuhay sa ating piling bilang kaisa natin upang tayong lahat ay iligtas mula sa mga pwersa ng kasalanan, kasamaan, at kamatayan. Sa ganitong pamamaraan Niyang ipinamalas sa ating lahat ang Kanyang habag at kagandahang-loob na nagdudulot ng kaligtasan.

Binigyang-diin ni Apostol San Juan sa simula ng kanyang unang sulat na ating narinig sa Unang Pagbasa ang kanyang tungkulin bilang saksi ng Panginoong Hesus. Binigyang-diin niya na bilang saksi ng Panginoong Hesus, tungkulin niya ang ipakilala Siya sa lahat bilang Panginoon at Diyos na puspos ng habag at kagandahang-loob. Ito ang Mabuting Balitang nagdudulot ng kagalakan sa lahat. Tunay ngang mabuti at maganda ang balitang hatid ng Banal na Ebanghelyong ipinapalaganap at ipinapangaral ng mga sumasaksi kay Kristo. Nagdudulot ng kagalakan sa lahat ang Mabuting Balitang pinatotohanan ng mga saksi ni Kristo sa lahat ng nakakarinig nito sapagkat natitiyak nilang mayroong Diyos na puspos ng habag at kagandahang-loob. Tunay ngang mayroong Diyos na nahahabag at nagmamagandang-loob sa sangkatauhan sa kabila ng kanilang mga pagkakasala laban sa Kanya na Siyang bukal ng lahat ng kabutihan at kabanalan.

Sa salaysay ng Ebanghelyo ngayon, pinatotohanan ni San Juan na totoo ngang mayroong Diyos na puspos ng habag at kagandahang-loob. Nakita nina Apostol San Pedro at ng minamahal na alagad ni Hesus na si Apostol San Juan ang libingang walang laman. Nakita nila na wala nang laman ang libingan ni Hesus. Si Hesus ay muling nabuhay at nagtagumpay laban sa mga pwersa ng kasalanan, kasamaan, kadiliman, at kamatayan. Sa pamamagitan nito'y nagtagumpay ang kapangyarihan ng habag at kagandahang-loob ng Diyos. Ito ang natatanging dahilan kung bakit ang Salita ng Diyos na si Hesus ay bumaba mula sa lupa at nagkatawang-tao katulad natin. Si Hesus ay nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa sabsaban noong unang Pasko upang ipalaganap at ihatid sa lahat ang kagalakan at kagalakang dulot ng kapangyarihan ng habag at kagandahang-loob ng Diyos. 

Pinatotohanan ni Apostol San Juan sa kanyang pagsaksi sa Panginoong Hesus ang dahilan kung bakit Siya'y naging Sanggol noong unang Pasko. Ang Sanggol na Hesus ay ipinaglihi't iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria noong unang Pasko upang ihayag sa lahat na tunay ngang mayroong habag at kagandahang-loob ang Diyos. Dahil sa habag at kagandahang-loob ng Diyos, ipinasiya Niyang bumaba mula sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit, pumanaog sa lupa, at magkatawang-tao upang tayo'y iligtas. At tunay ngang nagdudulot ng kagalakan sa lahat ng tao ang katotohanang ito tungkol sa tunay na habag at kagandahang-loob ng Panginoong Diyos. 

Martes, Disyembre 26, 2017

KATAPATAN SA PANGINOON HANGGANG WAKAS

26 Disyembre 2017
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir 
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22 


Inilaan ng Simbahan ang araw na ito, ang araw pagkatapos ng Araw ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, upang gunitain ang kauna-unahang martir ng Simbahan na si San Esteban. Ang kwento ng kanyang buhay ay isinalaysay sa Unang Pagbasa. Si San Esteban ang unang santong ipinaslang dahil sa kanyang paninindigan para sa kanyang pananampalataya sa Panginoong Hesukristo. Hindi siya tinanggap ng lipunan sa bayan ng Israel noong kapanahunang yaon, lalung-lalo na ng mga bumubuo ng Sanedrin, dahil siya'y buong pusong nanalig at sumampalataya sa Panginoong Hesukristo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipagkakaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Nagbigay ng babala ang Panginoong Hesus sa mga alagad tungkol sa mga pag-uusig sa Ebanghelyo. Pinaalala ni Hesus ang mga alagad na hindi magiging madali ang kanilang pagmiministeryo at pagsaksi sa Kanya sa lahat ng tao mula sa iba't ibang lipi, wika, bayan, at bansa sapagkat makakaranas sila ng matinding pag-uusig. Ang pagmimisyon ng mga apostol bilang mga saksi at tagapangaral ng Mabuting Balita tungkol sa Panginoong Hesus ay may kalakip na pagdurusa. Sa kanilang pagmimisyon bilang mga saksi ng Panginoong Hesus, mararanasan ng mga alagad ang poot at pag-uusig mula sa iba't ibang tao. Kapopootan sila't uusigin dahil sa kanilang pananalig at pananampalataya sa Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus. Subalit, ipinangako ni Hesus sa huling bahagi ng Ebanghelyo na maliligtas ang mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. 

Sa pagsilang ng Sanggol na Hesus, inihayag sa lahat ang habag at kagandahang-loob ng Diyos. Inihatid ng Sanggol na Hesus sa sangkatauhan ang habag at kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan. Ito ang buod ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Ang Diyos ay mahabagin at nagmamagandang-loob. Ang habag at kagandahang-loob ay inihatid ng Panginoong Hesukristo noong Siya'y pumarito sa sanlibutan. Tayong lahat na bumubuo sa Simbahang itinatag ni Kristo ay hinihikayat na magpatotoo at ipalaganap ang Mabuting Balitang ito sa lahat. Hinahamon rin tayong lahat na manatiling tapat sa ating pananalig at pananampalataya sa habag at kagandahang-loob ng Diyos na Kanyang ipinamalas sa pamamagitan ni Hesukristo, ang Salitang nagkatawang-tao. Kung tayo'y mananatiling tapat sa ating pananalig at pananampalataya sa Panginoon hanggang wakas, tayong lahat ay gagantimpalaan Niya ng biyaya ng Kanyang pagliligtas at Siya'y ating makakapiling magpakailanman sa Kanyang kaharian sa langit. 

May panawagan para sa atin ang Panginoong Hesus. Manatiling tapat tayo sa Kanya at sa Mabuting Balita tungkol sa habag at kagandahang-loob na ipinamalas ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan Niya. Sa kabila ng lahat ng mga pag-uusig at pagsubok sa buhay, tinatawag tayo ni Hesus na manatiling tapat sa Kanya. Hindi madaling gawin ito. Subalit, ang habag at kagandahang-loob hatid ng Panginoong Hesus na naging sanggol noong unang Pasko ang magdudulot sa atin ng katatagan ng loob upang harapin at pagtagumpayan ang lahat ng mga sandali ng pag-uusig at pagsubok. Kung tutuparin natin ang habilin ni Hesus na manatiling tapat sa Kanya hanggang wakas sa kabila ng mga pag-uusig at pagsubok sa buhay, at kung pahihintulutan natin Siyang palakasin ang ating loob upang harapin ang pagtagumpayan ang mga ito, makakamit natin ang biyaya ng kaligtasan. Tayo'y gagantimpalaan ng Panginoon kung tayo'y mananatiling tapat sa Kanya at sa Mabuting Balita hanggang wakas at hayaan natin Siyang magdulot ng tibay ng loob sa atin. Ang gantimpalang iyan ay ang pamumuhay na kapiling ang Panginoon magpakailanman sa tunay na Paraiso, ang Kanyang kaharian sa langit.