Biyernes, Hunyo 29, 2018

KAPAITAN NG PAGSUBOK

8 Hulyo 2018 
Ikalabing-Apat na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Ezekiel 2, 2-5/Salmo 122/2 Corinto 12, 7-10/Marcos 6, 1-6 



Bahagi ng buhay ng bawat tao ang mga pagsubok. Walang sinuman dito sa mundong ito ang namuhay na walang pinagdaanang mga pagsubok. Ang mga pagsubok ay kaakibat ng buhay ng bawat tao. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagiging maganda at maginhawa ang buhay ng bawat isa. May mga pagkakataon sa buhay kung saan haharap at dadanas ng mga matitinding pagsubok ang bawat tao. 

Kahit ang mga banal na lingkod ng Diyos ay hindi ligtas mula sa mga pagsubok noong sila'y namumuhay dito sa mundo. Hinarap at tiniis ng mga banal ang pait dulot ng mga pagsubok noong sila'y namuhay dito sa lupa. Marami silang mga pinagdaanan at tiniis sa buhay alang-alang sa Panginoon. Nanatili silang tapat sa Diyos hanggang sa wakas ng kanilang buhay, sa kabila ng mga pagsubok na kanilang hinarap at pinagdaanan. Ang kanilang mga pagtitiis at pananatiling tapat sa panahon ng kagipitan ay inialay nila sa Kanya. 

Ang katotohanang ito ang isinalungguhit sa mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Ezekiel ang sinabi sa kanya ng Diyos noong siya'y isinugo Niya sa Kanyang bayan bilang Kanyang propeta. Sinabi ng Diyos kay Ezekiel na matitigas ang ulo't puso ng kanyang magiging tagapakinig. Dahil sinabi ng Panginoong Diyos na matitigas ang puso't isipan ng magiging tagapakinig ni Ezekiel, napakalaki ng posibilidad na hindi nila pakikinggan ang kanyang sasabihin. 

Ipinahiwatig ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na marami siyang pinagdaanang mga pagsubok sa buhay, lalung-lalo na ang tinatawag na "tinik sa laman". Kahit tatlong ulit siyang dumalangin sa Diyos na ialis iyon sa kanya, hindi iyon pinahintulutan ng Diyos. Sa halip, ipinaalala sa kanya ng Diyos na sapat na ang Kanyang pagtulong (12, 9). Tutulungan siya ng Diyos sa pagtupad sa kanyang misyon bilang apostol at misyonero sa mga Hentil sa kabila ng mga pagsubok sa buhay. Gaano mang karami at kabigat ang mga pagsubok na kanyang haharapin at dadanasin sa bawat sandali ng kanyang misyon, hindi siya pababayaan ng Diyos. Lagi niyang kasama ang Diyos upang siya'y tulungan sa bawat sandali ng kanyang misyon. At iyon ay sapat na. Hindi naging madali ang buhay ni Apostol San Pablo bilang apostol at misyonero ni Kristo sa mga Hentil. May mga pagkakataon sa kanyang misyon kung saan siya'y napakahina sa pagharap at pagtiis sa mga tukso't pagsubok. Subalit, ang grasya ng Diyos ang tumulong sa kanya na manatiling tapat sa kanyang misyon sa kabila ng kanyang mga kahinaan. Kaya naman, nasabi ni Apostol San Pablo ang mga salitang ito sa wakas ng Ikalawang Pagbasa, "Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas." (12, 10) 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang isang napakasakit na sandali sa buhay ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus. Si Hesus ay hindi tinanggap ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret. Nag-alinlangan ang mga kababayan ni Hesus sa Kanya. Dahil sa kanilang pag-aalinlangan, Siya'y hindi nila kinilala. Kahit na Siya'y lumaki sa bayan ng Nazaret, hindi Siya kinilala at tinanggap. Napakasakit para sa Kanya ang di-pagtanggap sa Kanya ng mga kababayan sapagkat karamihan sa kanila ay marahil kilala Niya mula pagkabata. Marahil ay mayroon Siyang pinagsamahan sa ilan sa mga nakinig sa Kanya noong araw na iyon. Marahil ay naaalala pa rin Niya ang mga masasayang sandaling kasama Niya ang ilan sa kanila habang Siya'y lumalaki. At ngayong Siya'y kilala na bilang isang dakilang tagapagturo sa buong Galilea, hindi na Siya kinilala sa bayan kung saan Siya'y lumaki. 

Pati ang Diyos, hindi naging ligtas sa mga pagsubok sa buhay noong Siya'y naging tao sa pamamagitan ni Hesus. Naranasan Niya ang di-pagtanggap ng Kanyang mga kababayan. Naranasan ang di-pagtanggap ng ilan sa Kanyang mga tagapakinig. Naranasan Niya ang di-pagtanggap ng mga pinuno ng bayan. Kaya, nababatid Niya ang pait at sakit dulot ng mga tukso at pagsubok sa buhay sa bawat tao. Alam Niya kung gaano kahirap iyon para sa bawat tao. Nauunawaan Niya ang kalagayan ng bawat tao sa tuwing humaharap sila sa mga matitinding pagsubok sa buhay. Batid Niya ang mga hinanakit ng bawat tao sa panahon ng mga pagsubok.

Totoo ngang mapait at masakit sa pakiramdam ang pagharap at pagtiis sa mga panahon ng pagsubok sa buhay. Hindi lang ulo ang sumasakit, pati ang mga puso natin ay nasasaktan sa mga sandaling iyon. Sa panahon ng kagipitan, napakadaling mawalan ng pananalig at pag-asa sa Diyos. Mas madali pang sumuko at tumunganga na lamang dahil tila wala nang tayong magagawa upang lampasan at pagtagumpayan ang mga pagsubok sa buhay. 

Subalit, mayroon tayong Diyos na lagi nating kasama sa mga sandali ng hirap at ginhawa. Nababatid ng Diyos ang kapaitan at hirap na dinaranas ng bawat tao sa panahon ng mga pagsubok sa buhay. Batid Niya ang ating nararamdaman sa tuwing tayo'y may pinagdadaanang pagsubok sa buhay. Hinding-hindi Siya nang-iiwan at nagpapabaya sa panahon ng kagipitan. Bagkus, lagi Siyang nandiyan palagi upang tayo'y tulungan sa ating mga pinagdadaanan sa buhay. Tayong lahat ay binibigyan Niya ng katatagan ng loob upang mapagtagumpayan natin ang mga pagsubok sa buhay. Siya'y laging kasama natin upang tayo'y tulungan at gabayan hanggang wakas. Hindi Siya nambibigo. Siya'y tapat magpakailanman. 

Huwebes, Hunyo 28, 2018

PAANYAYA NG TAGAPAGLIGTAS

1 Hulyo 2018 
Ikalabintatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Karunungan 1, 13-15; 2, 23-24/Salmo 29/2 Corinto 8, 7. 9. 13-15/Marcos 5, 21-43 (o kaya: 5, 21-24. 35b-43) 



Ang mga makapangyarihang salitang ito ang bumungad sa Unang Pagbasa, "Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos, ang pagkamatay ng alinmang may buhay ay hindi Niya ikinalulugod." (1, 13) Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang Diyos ay ipinapakilala bilang isang diyos na nagpapahalaga sa buhay ng bawat tao. Hindi Niya ninanais mamatay ang bawat tao. Nais Niyang maranasan ng lahat ng tao ang biyaya ng buhay na Kanyang kaloob. Kaya naman, ang bawat tao dito sa lupa ay pinahintulutan ng Panginoong Diyos na maranasan ang biyaya ng buhay na mula sa Kanya. Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Panginoong Diyos na Siyang bukal ng buhay ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa sangkatauhan. 

Kaya naman, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa pag-ibig ng Diyos na inihayag sa lahat sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo sa Ikalawang Pagbasa. Ganito niyang inilarawan ang pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan, "Alam ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ng ating Panginoong Hesukristo na bagamat mayaman ay nagpakadukha upang yumaman kayo sa pamamagitan ng Kanyang karukhaan." (8, 9) Dahil sa laki ng Kanyang pag-ibig, buong kababaang-loob na iniwan ng Panginoon ang Kanyang kayamanan at kaluwalhatian sa langit at naging tao upang tayo'y iligtas. Sa pamamagitan ng pagtubos sa atin, binuksan ng Panginoon ang pintuan ng langit para sa ating lahat. Ang bawat isa ay mayroon nang pagkakataong makapasok sa maluwalhating kaharian ng langit na puno ng tunay na kayamanang hatid ni Kristo sa bawat isa sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa dahil sa Kanyang pagtubos sa atin. 

Subalit, hindi nangangahulugang makakapasok tayo agad-agad sa langit nang gayon na lamang. Makakapasok lamang tayo sa kaharian ni Kristo sa langit kung tayo'y sasampalataya sa Kanya at tatalima sa Kanyang mga utos nang buong katapatan hanggang sa wakas ng ating buhay dito sa lupa. Hindi lamang sapat na sumampalataya lamang kay Kristo para makapasok sa langit. Kailangang isabuhay natin ang ating pananampalataya; ipakita ito sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa upang ipagkaloob sa atin ang gantimpala ng kalangitan. Kaya nga, sabi sa aklat ng Pahayag na walang maruming makakapasok sa kaharian ng langit (21, 27). Tanging mga ganap na malilinis, busilak, dalisay lamang ang nakakapasok sa langit. Kaya, kung nais nating mapabilis ang ating pagpasok sa langit sa katapusan ng ating buhay sa lupa, ipahayag natin ang ating pag-ibig at pananampalataya sa Diyos sa pamamagitan ng ating mga salita't gawa. Sabi nga ni Apostol Santiago sa kanyang sulat, "Patay ang pananampalatayang walang gawa." (2, 17) 

Isinalaysay naman sa Ebanghelyo kung paanong isinaayos ni Hesus ang kalusugan ng dalawang babae. Katunayan, yung isa sa dalawang babae, ang anak ni Jairo, ay binuhay Niyang muli. Sa pamamagitan ng dalawang himalang ito, ipinakita ni Hesus ang Kanyang pag-ibig para sa bawat isa. Ipinapaalala sa atin ni Hesus ang dahilan kung bakit ang bawat isa dito sa mundo ay humihinga. Ang bawat tao dito sa mundo ay nakakaranas ng buhay sapagkat ito'y niloob Niya. Pinahintulutan Niya ang bawat tao na makaranas ng buhay. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng buhay sa bawat tao, ipinakita Niya sa atin ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. Isa itong pasulyap sa Kanyang gagawin pagdating ng takdang oras. Si Hesus ay mamamatay sa krus at muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa pamamagitan nito, binigyan Niya ng pagkakataon ang bawat tao na makapamuhay sa Kanyang piling sa langit magpakailanman sa katapusan ng buhay dito sa lupa. At iyon ang pinakadakilang paghahayag ng pag-ibig at kagandahang-loob. 

Ang Panginoon ang nagbigay ng buhay sa atin. Hindi nagmumula sa Kanya ang kamatayan. Ang kamatayan ay hinding-hindi Niya ikinalulugod. Kaya naman, ang buhay ay isang napakahalagang pagpapala mula sa Diyos. Siya ang bukal ng buhay. Sa Kanya nagmumula ang ating buhay. Siya lamang ang may kapangyarihang magbigay ng buhay at bumawi nito. Tayong lahat ay binigyan Niya ng pahintulot upang maranasan ang biyaya ng buhay, sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Kahit likas sa atin ang magkasala, pinayagan pa rin ng Diyos na maranasan natin ang buhay na hiram na nagmumula sa Kanya. Ang pagpapahintulot na ito ang nagpapahayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob. 

Subalit, ang buhay dito sa mundo ay pansamantala lamang. Hindi tayo mamumuhay dito sa mundo magpakailanman. Darating din ang panahon kung kailan tayo sasakabilang-buhay. At sa kabilang buhay, mayroong gantimpalang inihanda ang Diyos para sa bawat isa. Ang gantimpalang iyon ay ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling Niya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. Ang mga pinto ng langit ay binuksan ng Diyos noong tayo'y Kanyang iniligtas at pinalaya mula sa kaalipinan sa ilalim ng kasamaan at kamatayan sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Ang bawat tao'y may pagkakataong makapasok sa kaharian ng langit dahil sa pagtubos ni Kristo Hesus. Subalit kinakailangang maging banal at dalisay muna sila bago makapasok dito. Walang sinumang may bahid ng kasalanan ang makakapasok sa kaharian ng langit. At ang pamumuhay nang banal ay tanda ng ating pagtanggap sa paanyaya ni Kristo na maranasan ang kaganapan ng biyaya ng Kanyang pagliligtas sa Kanyang kaharian sa kalangitan. 

Kaya naman, ang hamon sa atin ay mamuhay nang ganap at kasiya-siya. Tahakin ang landas tungo sa kabanalan habang tayo'y naglalakbay dito sa lupa. Tutulan at talikdan ang pang-aakit at tukso ng kasamaan. Tumalima sa kalooban ng Diyos. Isabuhay ang pananampalataya at pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Laging gumawa ng mabuti araw-araw. Kapag iyan ay ating ginawa, matitiyak natin na tayo'y tatanggapin ng Diyos sa Kanyang kaharian sa langit pagdating ng panahon ng ating paglisan sa mundong ito. Pansamantala lamang ang buhay dito sa sanlibutan. Subalit, ang buhay na walang hanggan ay matatagpuan lamang sa piling ng Maykapal sa Kanyang kaharian sa langit. 

Sa pamamagitan ng pagtubos sa atin, tayong lahat ay binigyan ng pagkakataon ni Hesus na makapamuhay sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman. Ibinigay rin sa atin ni Hesus ang kapangyarihang magpasiya kung tatanggapin ba natin ang Kanyang paaanyaya na makapamuhay na kapiling Niya sa langit magpakailanman sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa. Kung tinatanggap natin ang Kanyang paanyaya, ipakita natin ito sa pamamagitan ng ating mga kilos at salita. 

Martes, Hunyo 26, 2018

KATAPATANG IPINAGMAMALAKI

29 Hunyo 2018 
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo 
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 



Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa ang ilan sa mga pagsubok na hinarap ng dalawang dakilang santo ng Simbahan na sina Apostol San Pedro at San Pablo. Tulad ng kanilang mga kapwa apostol at misyonero, sina Apostol San Pedro at San Pablo ay humarap sa mga matitinding pagsubok sa kanilang pagmimisyon bilang mga saksi ni Kristo. Ang pangangaral at pagtuturo tungkol sa Ebanghelyo ay napakahirap para sa lahat ng mga apostol sa mga sandaling yaon, lalung-lalo na't sila'y nagiging mga biktima ng pag-uusig na nagsimula pa sa Herusalem. 

Maraming dahilan para itigil at talikuran ng mga apostol tulad nina Apostol San Pedro at San Pablo ang pagmimisyon bilang mga saksi ni Kristo sa iba't ibang bansa sa daigdig. Marami silang dahilan para tumiwalag mula sa Simbahan. Subalit, sa kabila ng lahat ng iyon, nanatili pa ring tapat sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa bawat sulok ng daigdig ang mga apostoles, lalung-lalo na sina Apostol San Pedro at San Pablo. Patuloy silang nangaral at nagbigay ng patotoo tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Kristo Hesus hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Karamihan sa mga apostol at misyonero noong kapanahunang yaon tulad nina Apostol San Pedro at San Pablo ay namatay bilang mga martir. Tanging si Apostol San Juan lamang ang hindi namatay bilang martir. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang paghirang ng Panginoong Hesus kay Apostol San Pedro bilang unang Santo Papa ng Simbahan. Ang mga susi ng kaharian ng langit ay ibinigay ni Hesus kay Apostol San Pedro upang maging tanda ng kanyang kapangyarihan dito sa lupa bilang Kanyang kinatawan. Subalit, ang tungkulin at titulong ibinigay sa kanya ni Hesus bilang unang Santo Papa ng Simbahan ay hindi nangangahulugang magiging maginhawa ang lahat para sa kanya. Maraming mga pagkakataon sa buhay kung saan susubukin ang kanyang pananalig sa Panginoon. May mga madidilim na sandali sa buhay na kailangang harapin at danasin ni Apostol San Pedro. Tulad na lamang ng salaysay sa Unang Pagbasa kung saan siya'y idinakip at ibinilanggo ni Haring Herodes para matupad ang kanyang balak na siya'y iharap sa bayan pagkatapos ng Pista ng Tinapay na Walang Lebadura. 

Si Apostol San Pablo naman ay dating tagausig ng mga sinaunang Kristiyano. Ang layunin ni Apostol San Pablo noon ay ibagsak ang Simbahan. Nais niyang mabigo ang mga sinaunang Kristiyano at tumiwalag mula sa kanilang pananampalataya kay Kristo. Subalit, nagbago ang kanyang buhay noong nakatagpo niya ang Panginoong Hesukristo sa daang patungong Damasco. Mula noon, ginampanan niya ang misyong ibinigay sa kanya ng Panginoong Hesukristo bilang apostol sa mga Hentil. Ang kanyang buhay bilang misyonero ni Kristo Hesus sa mga Hentil ay hindi naging madali para sa kanya. Marami siyang mga pinagdaanan sa kanyang buhay bilang misyonero ng Simbahan. Ang mga pinagdaanan ni Apostol San Pablo ay kanyang ibinuod sa Ikalawang Pagbasa noong winika niyang, "Puspusan akong lumaban sa paligsahan. Natapos ko na ang dapat kong takbuhin." (4, 7)

Ang mga pagsubok na dinanas nina Apostol San Pedro at San Pablo bilang dalawa sa mga apostol at misyonero ng sinaunang Simbahan ay mga sapat na kadahilanan para itigil ang kanilang pagmimisyon at tumiwalag mula sa Simbahan. Masyadong mabigat ang responsibilidad na ibinigay sa kanila. May mga kaakibat na pagsubok ang kanilang buhay bilang mga misyonero. Kung tutuusin, mas maginhawa pa ang kanilang buhay bago nila nakilala ang Panginoon. Mas maginhawa pa nga ang dati nilang pamumuhay kung saan hindi sila inuusig dahil kay Kristo. 

Batid nina Apostol San Pedro at San Pablo na mas maginhawa pa ang dati nilang pamumuhay bago sila naging mga apostol ni Kristo. Subalit, kahit batid nila ito, mas pinili pa rin nilang gampanan ang kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo sa iba't ibang panig ng daigdig. Kahit mahirap gawin iyon, mas pinili nilang manatiling tapat sa Panginoon at sa Simbahan kaysa tumalikod at tumigil sa kanilang pagmimisyon. Nanaisin pa nilang mamatay alang-alang kay Kristo at sa Ebanghelyong sinasampalatayanan ng Simbahan kaysa mamuhay nang maginhawa sa mundo na kung saan ang lahat ng bagay ay pansamantala lamang. 

Sabi nga ni Apostol San Pablo sa bandang huli ng Ikalawang Pagbasa na ang Panginoon ang magliligtas sa kanya at maghahatid sa kanya sa Kanyang kaharian sa langit (4, 18). Ipinakita nga nina Apostol San Pedro at San Pablo ang kanilang pananalig sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanilang misyon bilang mga misyonerong sumasaksi sa Kanya. Nanalig silang lagi nilang kasama ang Panginoon na pumapatnubay sa kanila at nagbibigay sa kanila ng katatagan, tulad ng sinabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa (4, 17). Dahil sa kanilang pananalig sa pamamatnubay ng Panginoon saanman sila pumaroon, ang mga apostol tulad nina Apostol San Pedro at San Pablo ay nanatiling tapat sa kanilang misyon bilang Kanyang mga saksi sa iba't ibang panig ng daigdig. 

Sina Apostol San Pedro at San Pablo ay ipinagmamalaki ng Simbahan dahil sa kanilang katapatan sa Panginoon at sa Mabuting Balita. Sa kabila ng mga pagkakataon sa buhay kung saan maaari na lamang sila sumuko, tumigil, at tumalikod sa kanilang pagmimisyon, ipinasiya nilang manatiling tapat sa Simbahan. Batid nila ang mga kahirapan sa kanilang pamumuhay bilang mga misyonero. Subalit, sa kabila ng lahat ng iyon, mas ninais nilang ialay ang kanilang buhay para sa Panginoong Hesus at sa Mabuting Balita na sinasampalatayanan at ipinapangaral ng Simbahang Kanyang itinatag. Sa pamamagitan ng kanilang desisyong manatiling tapat sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Kristo, inihayag nina Apostol San Pedro at San Pablo ang kanilang pananalig sa Kanya, ang Panginoong laging pumapatnubay at sumasama sa kanila saan man sila pumunta. 

Lunes, Hunyo 25, 2018

MARIA: IBINIGAY UPANG MAGING ATING SAKLOLO

27 Hunyo 2018 
Kapistahan ng Mahal na Ina ng Laging Saklolo 
Juan 19, 25-27 


Sa titulong "Ina ng Laging Saklolo", napakalinaw ng pagsasalungguhit sa pagiging matulungin ng Mahal na Inang si Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay ipinapakilala sa atin ng Simbahan bilang Inang laging handang tumulong sa kanyang mga anak. Walang sandaling pinalalampas ang Mahal na Ina. Ni minsan ay naging manhid ang Mahal na Ina sa pagdaing ng kanyang mga anak. Lagi siyang handang humingi ng tulong para sa atin sa Panginoong Hesus. Kaya nga, pinagtutuunan ng pansin sa titulong ito ay ang huling dalawang salita nito, "Laging Saklolo". Si Maria ang Ina na laging sumasaklolo sa kanyang mga anak. 

Sa Ebanghelyo, ipinakilala ni Hesus na nakapako sa krus kay Apostol San Juan na kumakatawan sa sambayanang Kristiyano sa mga sandaling yaon ang Mahal na Birheng Maria bilang Ina. Sa pamamagitan ni Maria, si Hesus ay nagbigay ng Ina sa Simbahan. Binigyan tayo ng Ina ni Hesus upang lagi tayong tulungan at samahan sa bawat sandali ng ating paglalakbay sa buhay. At ang inang ibinigay ni Hesus sa atin ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Bilang ating Mahal na Ina, ang Mahal na Birheng Maria ay laging nananalangin para sa atin. Tayo'y lagi rin niyang kinupkop sa kanyang mantel. Ipinapakita niya ang kanyang pag-ibig at pagkalinga sa pamamagitan ng pakikiisa at pag-aalay ng mga panalangin para sa ating lahat. At walang sandaling lumipas na kung saan kinaligtaan ng  Mahal na Birheng Maria ang pagiging ina para sa ating lahat. 

Isang ina ang ibinigay ng Panginoong Hesukristo sa ating lahat na bumubuo sa Kanyang Simbahan. Isang ina ang ibinigay ng Panginoong Hesus sa ating lahat upang tayo'y samahan at saklolohan sa bawat sandali ng ating buhay. At iyon ay walang iba kundi ating Mahal na Inang si Maria. Ang Mahal na Birheng Maria ay ipinagkaloob sa atin upang maging ating Inang laging kumakalinga at sumasaklolo sa atin. Hindi siya tumigil sa pagpapadama ng kanyang pagkupkop, pagkalinga, at pagtulong sa atin kahit minsan. Lagi tayong sinasamahan, kinakalinga, dinadamayan, at tinutulungan ng Mahal na Inang si Maria. Sa pamamagitan ng kanyang patuloy na pananalangin para sa atin sa bawat araw, tayong lahat ay tinutulungan ng Mahal na Inang si Maria. Ganyan tayo kamahal ng ating Inang Mahal na si Mariang Birhen. 

Tayong lahat ay binigyan ni Hesus ng Ina sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria. Huwag tayong mahiyang lumapit at dumulog sa ating Inang si Maria upang hingin ang kanyang saklolo. Huwag tayong mahiyang hilingin sa kanya na tayo'y tulungan sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin. Laging handang sumaklolo ang Mahal na Inang si Maria sa pamamagitan ng kanyang mga panalangin. Kaya naman, si Maria ay kilala natin bilang Mahal na Ina ng Laging Saklolo. 

Huwebes, Hunyo 21, 2018

ISANG TUNAY NA PAGPAPALA

24 Hunyo 2018 
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista
Isaias 49, 1-6/Salmo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 


Tatlong tao lamang ang binibigyan ng karangalan ng Simbahan na gunitain at ipagdiwang ang araw ng kanilang pagsilang. Unang-una, ang Panginoong Hesukristo. Ang Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo ay ipinagdiriwang tuwing sasapit ang ika-25 ng Disyembre. Pangalawa, ang Mahal na Birheng Maria. Ang Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria ay ipinagdiriwang ng Simbahan tuwing ika-8 ng Setyembre. At ang pangatlo't panghuli ay si San Juan Bautista. Ang kanyang pagsilang ay ipinagdiriwang sa araw na ito (ika-24 ng Hunyo). 

Isinasalungguhit ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista ang kanyang kahalagahan sa kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos. Sa kanyang pangalan pa lamang malalaman ang kanyang kahalagahan. Ang pangalang "Juan" ay nangangahulugang "Ang Diyos ay mapagpala." At tunay ngang isang pagpapala mula sa Diyos si San Juan Bautista. Ipinapaalala ni San Juan Bautista na ang Diyos ay tunay na matapat sa Kanyang pangako. Hindi nakakalimot ang Panginoon sa Kanyang pangako. Lagi Niyang naaalala ang Kanyang pangako at tinutupad Niya rin ito pagdating ng takdang panahon. 

Lalong nabibigyang-linaw ang kahalagahan ni San Juan Bautista sa papel na kanyang ginampanan sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo. Ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus. Subalit, bago Siya dumating, si San Juan Bautista ay lumitaw. Si San Juan Bautista ang unang ipinagkaloob ng Diyos sa Kanyang bayan upang magsilbing hudyat na nalalapit na ang Kanyang pagliligtas na matutupad sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Kaya naman, isang tunay na pagpapala si San Juan Bautista sapagkat siya ang nagsilbing tagapanguna ng Mesiyas at Manunubos na si Hesus, ang pinakadakilang pagpapalang kaloob ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Nakasaad sa pahayag ng lingkod ng Diyos sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias na ang lingkod ng Diyos na ito ay pinili bago siya isilang. Sa Ebanghelyo, isinalungguhit ni San Lucas na ang buhay ni San Juan Bautista ay nakatalaga na sa Diyos bago pa man siya isilang. Kaya nga ang tanong ng mga dumalaw kina Elisabet at Zacarias sa pagtutuli ni San Juan Bautista, "Magiging ano kaya ang batang ito?" (1, 66) Napagtanto ng mga dumalaw sa pagtutuli ni Juan Bautista na hindi siya isang ordinaryong bata. Hindi siya ipinangalan sa kanyang mga kamag-anak. Ang ama ng sanggol na si Zacarias ay nakapagsalita matapos pagtibayin na "Juan" nga ang pangalang ibibigay sa sanggol. Napaisip sila sa kung ano nga bang mayroon sa sanggol na iniluwal mula sa sinapupunan ni Elisabet. Ang sanggol na iniluwal ni Elisabet ay napakaespesyal sapagkat ang kanyang misyon at tungkulin ay ibinigay na sa kanya ng Diyos bago siya isilang. Nakatalaga na sa Diyos ang buhay ni San Juan Bautista bago siya ipaglihi at iluwal mula sa sinapupunan ng kanyang inang si Elisabet. 

Ang pangangaral ni San Juan Bautista bago lumitaw ang Panginoong Hesus sa madla ay binanggit ni Apostol San Pablo bilang bahagi ng kanyang pangangaral sa Ikalawang Pagbasa mula sa mga Gawa ng mga Apostol. Inilarawan ni Apostol San Pablo sa kanyang pangangaral ang papel na ginampanan ni Juan Bautista sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa pamamagitan ng pangangaral tungkol sa pagsisisi at pagbibinyag, inihanda ni San Juan Bautista ang daraanan ni Kristo. Inihanda ni San Juan Bautista ang bayang Israel para sa pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. At buong katapatan at kababaang-loob niyang tinupad at ginampanan ang tungkuling ibinigay sa kanya ng Diyos. Bilang tagapagpauna ng Panginoon, ang lahat ng mga bumubuo sa bayan ng Diyos ay inihanda ni San Juan Bautista para sa pagdating ng ipinangakong Tagapagligtas na mula sa bayan ng Nazaret. 

Si San Juan Bautista ay isang tunay na pagpapala mula sa Diyos. Sa kanyang pagdating bilang tagapagpauna ng Mesiyas at Manunubos na si Hesus, siya'y nagsalita sa lahat tungkol sa katapatan ng Diyos sa pangakong Kanyang binitiwan sa Lumang Tipan. Inihayag niya na nalalapit na ang takdang panahon kung kailan tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako. Sa pamamagitan ng kanyang tungkulin bilang huling mensahero at propeta ng Diyos bago dumating si Kristo, ang bawat taong nananabik para sa katuparan ng pangako ng Diyos ay binigyan ng pag-asa. Ang Diyos ay nagbigay ng pag-asa sa mga naghahangad at nananabik para sa pagdating ng pinakadakilang pagpapalang kaloob Niya na si Kristo Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, sa pamamagitan ng pagsugo Niya sa Kanyang Tagapagpauna na si San Juan Bautista.

Ipinapaalala sa atin ni San Juan Bautista na ang Diyos ay tunay na matapat. Hindi Siya nakakalimot sa pangako. Hindi Niya binabali ang mga pangakong binitiwan. Bagkus, lagi Siyang nakakaalala sa Kanyang mga pangako at lagi Niyang itinatakda ang panahon ng Kanyang pagtupad sa mga ito. May mga takdang panahon kung kailan tutuparin ng Diyos ang mga pangakong binitiwan. At ang Mabuting Balitang ito na siyang paksa ng pangangaral ni San Juan Bautista sa Ilog Jordan ay tunay ngang naghahatid ng pag-asa sa lahat ng mga nananalig at sumasampalataya. 

Sabado, Hunyo 16, 2018

ANG PAGKILING NG DIYOS

17 Hunyo 2018 
Ikalabing-Isang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Ezekiel 12, 22-24/Salmo 91/2 Corinto 5, 6-10/Marcos 4, 26-34 


Isinasalungguhit sa mga Pagbasa ang pagkiling ng Diyos sa mga aba. Ang mga hamak ay Kanyang itinatampok at dinadakila. Ang Diyos ay nasa panig ng mga mapagpakumbaba. Ang kababaang-loob ay lubos na kinalulugdan ng Diyos sapagkat nakikita sa kababaang-loob ang labis na pangangailangan para sa Kanya. Ang mga may kababaang-loob ay umaamin na kailangan nila ang pamamatnubay ng Diyos sapagkat hindi nila kayang gawin ang lahat ng bagay kung hindi sila gagabayan Niya. Sa pamamagitan ng kababaang-loob makikita ang buong pusong pananalig sa Awa at Habag ng Panginoong Diyos.

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ng mga salitang patalinghaga na itataas Niya ang mga aba at mga may kababaang-loob. Ang mga aba at may kababaang-loob ay inihalintulad sa isang mababang punongkahoy. Ang mga aba at may kababaang-loob ay itatampok Niya sa lahat upang mahayag ang Kanyang kadakilaan. Inihahayag ng Panginoong Diyos ang Kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng pagtampok sa mga nasa abang kalagayan. Hindi mananatili ang mga aba sa kanilang kalagayan sapagkat sila'y itatampok ng Diyos. Ang Diyos ay nasa panig ng mga aba at may kababaang-loob. 

Ang paksa ng pahayag ng Diyos sa Unang Pagbasa ang paksang pinagtuunan ng pansin sa mga talinghaga ni Hesus sa Ebanghelyo. Si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay nangaral tungkol sa Kanyang pagkiling sa mga aba at mga may kababaang-loob. Kung paanong ang isang maliit na binhi na inihasik ng isang magsasaka ay nagkakaroon ng bunga sa pagtubo at paglago nito, at kung paanong ang isang butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi ay nagiging isang napakalaking puno - ang pinakamalaking puno sa lahat, gayon din naman, ang mga nasa abang kalagayan ay itatampok ng Panginoon. 

Katatagan ng loob at pag-asa ang hatid ng mga salitang ito sa lahat, lalung-lalo na sa mga nasa abang kalagayan. Ito ang isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa pambungad ng Ikalawang Pagbasa noong sinabi niyang laging malakas ang kanyang loob (5, 6). Si Apostol San Pablo ay puno ng katatagan ng loob dahil batid niyang kinalulugdan ng Diyos ang kanyang kababaang-loob. Si Apostol San Pablo ay naglingkod at tumalima sa Diyos nang buong kababaang-loob. Ang kababaang-loob at pananalig ni Apostol San Pablo na nahayag sa kanyang pagtalima't paglingkod bilang misyonerong nangangaral at sumasaksi sa Mabuting Balita sa bawat bansa sa daigdig ay kalugud-lugod sa paningin ng Panginoong Diyos. At sabi ni Apostol San Pablo, iyon lamang ang kanyang hinahangad nang higit sa lahat - ang kalugdan siya ng Diyos (5, 9). 

Nalulugod ang Diyos sa mga aba at mga may kababaang-loob. Kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang pagmamataas, ang kayabangan. Ang birtud ng kababaang-loob ay kalugud-lugod sa Kanyang paningin. Kung ang bawat isa sa atin na nananalig at sumasampalataya sa Diyos ay magpapakita ng kababaang-loob sa pamamagitan ng ating mga kilos at salita, tayong lahat ay magiging kalugud-lugod sa Kanyang paningin sapagkat ang bawat taong nagpapakumbaba ay tunay na naglilingkod at tumatalima sa Kanya.  At mayroong gantimpalang inilaan ang Diyos para sa mga aba at mga mapagpakumbabang tumatalima sa Kanya - ang buhay na walang hanggan sa piling Niya sa Kanyang maluwalhating kaharian sa langit. 

Sabado, Hunyo 9, 2018

TAGUMPAY NA NAGHAHAYAG NG PAG-IBIG

10 Hunyo 2018 
Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Genesis 3, 9-15/Salmo 129/2 Corinto 4, 13-5, 1/Marcos 3, 20-35 


Tinalakay sa mga Pagbasa ang tagumpay ng Diyos laban sa demonyo. Katunayan, ang pinakamaikling buod ng Banal na Bibliya ay ibinunyag sa paksang tinalakay sa mga Pagbasa. Ang sangkatauhang nilikha ng Diyos ay nalugmok sa kasalanan, subalit ipinakita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagtubos sa ating lahat. Ang Diyos ay bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Ang pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Kristo ang naghayag ng Kanyang maluwalhating kapangyarihan. Sa pamamagitan ni Kristo, ang tagumpay ng Diyos laban sa demonyo ay nahayag at naipamalas sa lahat. Ang kapangyarihan ng Diyos na nagwagi laban sa kapangyarihan ng demonyo ay isinalarawan ng Pasyon at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. 

Ang pangakong pagtubos sa sangkatauhan ay unang inihayag ng Diyos sa salaysay sa Unang Pagbasa. Inihayag ng Diyos na darating ang takdang panahon kung kailan dudurugin ang ulo ng ahas. Ang pagdurog sa ulo ng ahas ang hudyat ng pagbagsak at katapusan ng demonyo. Ang dudurog sa ulo ng ahas, ang tatalo sa demonyo, ay iluluwal ng isang babae. Ang Mesiyas at Manunubos na si Hesus ang dudurog sa ulo ng ahas na si satanas at ang magluluwal sa Kanya ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Ang Panginoong Hesus at ng Mahal na Inang si Maria ang tatalo kay Satanas. Sa pamamagitan ng Panginoong Hesus na iniluwal mula sa sinapupunan ng Mahal na Inang si Maria, si Satanas ay natalo. 

Hindi matanggap ni Satanas magpahanggang ngayon na tinalo siya ni Hesus. Kaya ginagawa pa rin niya ang lahat upang mapahamak ang bawat isa sa atin. Tinutukso tayo ni Satanas upang matiyak ang ating kapahamakan. Isa iyon sa mga taktikang kanyang ginagamit sa digmaang espirituwal sa pagitan niya at ng Panginoon na nagpapatuloy magpahanggang ngayon. Subalit, ipinagkaloob sa atin ni Hesus ang biyaya ng kaligtasan. Minsan Niyang ialay ang Kanyang buhay sa Kalbaryo para sa ating kaligtasan. Sa pamamagitan nito'y binigyan tayo ng pag-asang makapiling Siya sa Kanyang kaharian sa langit sa katapusan ng ating buhay dito sa lupa. Ang Panginoong Diyos ay makakapiling natin sa langit na Kanyang kaharian kung hahayaan natin Siyang maging tagapagsanggalang natin araw-araw laban sa mga tukso ng diyablo at maging hari ng ating buhay.

Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na hindi siya pinaghihinaan ng loob (4, 16). Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, sa kabila ng panghihina ng kanyang pangangatawan dahil sa mga pisikal na pag-uusig sa kanya, nanatiling matibay ang pananampalataya at pananalig ni Apostol San Pablo sa Diyos. Ang Diyos na tumubos sa lahat sa pamamagitan ng Pasyon at Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ang nagbibigay ng katatagan ng loob sa bawat isa sa mga sandali ng pagsubok sa buhay. Hindi hahayaan ng Diyos na nagtagumpay laban sa diyablo sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo Hesus na ang bawat isa na nananalig at sumasampalataya sa Kanya ay panghinaan ng loob. Sa halip, pinapatatag ng Diyos ang loob ng bawat isa na nananalig at sumasampalataya sa Kanya nang buong puso't kaluluwa. 

Sa Ebanghelyo, sinagot ng Panginoong Hesus ang mga paratang na Siya'y inaalihan ng prinsipe ng mga demonyo na nagngangalang Beelzebul sa pamamagitan ng mga patalinhagang salita. Inilarawan ni Hesus sa Kanyang kasagutan na hindi mula kay Beelzebul ang Kanyang kapangyarihang magpalayas ng mga masasamang espiritu. Ang Kanyang pagpapalayas ng masasamang espiritu mula sa mga inaalihan ng mga ito ang nagpapatunay na Siya'y higit na makapangyarihan kaysa sa demonyo. Wala si Hesus sa impluwensya o sa ilalim ng kapangyarihan ng demonyo. Ang Kanyang kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo ang nagpapatunay na Siya ang Diyos na bumaba mula sa langit at nagkatawang-tao upang tayong lahat ay iligtas at palayain mula sa pagkaalipin at pagkabihag sa ilalim ng kapangyarihan ng demonyo na walang ibang hinangad kundi ang ating kapahamakan. 

Ang pinakadakilang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat tao ay ang kaligtasan mula sa kapangyarihan ng kasamaan. Ang Diyos ay bumaba mula sa langit at naging tao katulad natin sa pamamagitan ni Hesus upang maging Mesiyas at Manunubos natin. Sa pamamagitan ng Diyos Anak na si Hesus, ang Diyos ay nagtagumpay laban sa demonyo. At ang tagumpay ng Diyos laban sa demonyo sa pamamagitan ni Kristo ang naghayag at nagpamalas ng Kanyang dakilang pag-ibig at kagandahang-loob para sa ating lahat.