Biyernes, Marso 5, 2021

ANG HAPIS NG NAGMAMAHAL

26 Marso 2021 
Biyernes sa Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda 
(Viernes de Dolores) 
Jeremias 20, 10-13/Salmo 17/Juan 10, 31-42 



Bagamat pinaparangalan ng Simbahan ang Mahal na Birheng Maria sa ilalim ng kanyang titulong "Ina ng Hapis" tuwing ika-15 ng Setyembre, ang tradisyon ng paggunita sa mga hapis ng Mahal na Ina ay patuloy na isinasagawa ng maraming Katoliko sa Biyernes bago ang Mahal na Araw. Maaari itong ituring na isang uri ng paghahanda para sa nalalapit na Mahal na Araw ang kaugaliang ito na isinasagawa ng maraming Katoliko. Kaya naman, kilala rin bilang "Viernes de Dolores" o Biyernes ng Hapis ang araw na ito. 

Hapis ang temang tinalakay sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Angkop na angkop ang tema ng mga Pagbasa habang ang mga hapis ng Mahal na Birheng Maria ay ginugunita at pinagninilayan ng bawat Katoliko. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ni propeta Jeremias ang nagdudulot ng hapis sa kanyang puso. Ang di-pagtanggap ng mga tao sa mensaheng nagmumula sa Diyos na hatid niya sa kanila ay nagdudulot ng hapis sa kanyang puso. Napuno ng hapis ang kanyang puso dahil sa di-pagtanggap ng bayang Israel sa kanyang mensahe. Binalak pa nga siyang usigin ng marami dahil sa mensaheng hatid niya. Hapis, pighati, at lungkot ang naramdaman ni propeta Jeremias sapagkat hindi tinanggap ng mga tao ang mensahe ng Panginoong Diyos na kanyang ipinarating sa kanila. Ang kanyang pag-ibig sa Diyos ang dahilan kung bakit siya'y napuno ng hapis para sa bayang Israel. 

Katulad ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Hesukristo ay nakaramdam din ng hapis. Sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paanong si Hesus ay binalak batuhin ng mga Hudyo. Kahit na gumawa ng maraming mabubuting bagay si Hesus bilang pagsunod sa kalooban ng Ama, hindi Siya tinanggap ng marami. Hindi nila matanggap na Siya ang Anak ng Diyos. Para sa kanila, hindi Siya ang Mesiyas. Marami ang nagalit sa Kanya. Binalak Siyang patayin. Kaya naman, noong sinabi sa huling bahagi ng Ebanghelyo na si Hesus ay umalis sa piling ng mga nais patayin Siya, maaari nating sabihing puno Siya ng hapis sa mga sandaling iyon. Hindi Siya napuspos ng hapis dahil tila nasira na nang tuluyan ang Kanyang reputasyon. Hindi Siya napuno ng hapis dahil mukhang lalo Siyang napasama sa mata ng iba. Hindi Siya napuno ng hapis dahil marami ang nagalit at hindi natuwa sa Kanya. Bagkus, napuno ng hapis si Kristo dahil hindi tinanggap ang biyayang hatid Niya sa kanila. Dumating si Kristo upang maghatid ng pag-asa at kaligtasan para sa lahat. Subalit, mayroong mga hindi tumanggap sa mga biyayang Kanyang hatid. Iyon ang dahilan ng pagka-hapis ng Panginoong Hesukristo, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay napuspos ng hapis dahil sa kanyang Anak na tunay niyang minamahal. Ang kanyang Anak na si Hesus ay ang ipinangakong Manunubos. Siya'y napuno ng hapis dahil sa pagdurusa ng Panginoong Hesus para sa sangkatauhan. Kahit alam ni Maria ang misyon ng kanyang Anak, hindi nawala ang sakit at pagdurusa ng isang ina para sa kanyang anak. Napuno ng hapis si Maria dahil tunay niyang minahal ang kanyang Anak na si Hesus. 

TAOS-PUSONG PAG-"OO"

25 Marso 2021 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 


Isa sa mga awitin para sa Ika-500 Anibersaryo ng Pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas ay ang awiting We Give Our Yes. Ang mga titik ng nasabing awitin ay isinulat at nilapat ng musika ng isa sa mga pari ng Arkidiyosesis ng Maynila na si Padre Carlo Magno Marcelo. Ang Tagalog na bersyon ng nasabing awit ay pinamagatang Awit ng Misyon. Sa koro ng nasabing awitin, Ingles at Tagalog, binigyan ng pansin ang halaga ng tugon sa tawag ng misyon. Ang bawat isa ay tinatawag ng Panginoong Diyos para sa misyon. 

Bagamat ang sentro ng pistang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo, itinatampok rin sa araw na ito ang Mahal na Birheng Maria. Sa maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon, itinatampok ng Simbahan ang Mahal na Birheng Maria dahil ibinigay niya ang kanyang "Oo" na tinatawag na fiat sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Ang buo niyang sarili ay kanyang ibinigay sa kalooban ng Diyos. Kahit na mahirap para sa kanya na unawain nang buo ang plano ng Diyos, ipinasiya pa rin ni Maria na ibigay ang kanyang buong pusong pagtalima sa Panginoon. 

Ang misyong ibinigay ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria ay inilarawan sa propesiya sa Unang Pagbasa. Sabi ng Panginoong Diyos na isang dalaga ang maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki na tatawaging "Emmanuel" na ang ibig sabihin ay "Ang Diyos ay sumasaatin" (Isaias 7, 14). Ito ang misyong ibinigay ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria. Si Maria ang pinili at hinirang ng Diyos upang maging ina ng "Emmanuel" na walang iba kundi si Hesus. 

Sa Ikalawang Pagbasa, inilarawan ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo ang misyon ng Panginoong Hesukristo bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Mayroong dahilan ang pagparito ni Kristo. Pumanaog Siya sa daigdig dahil binigyan Siya ng misyon ng Ama. Kaya nga, sinabi Niyang naparito Siya upang tuparin ang kalooban ng Diyos (Hebreo 10, 7. 9). Ano naman ang misyon ni Kristo? Sabi sa Ikalawang Pagbasa na ang Kanyang misyon ay mamatay bilang handog sa krus alang-alang sa sangkatauhan. Ito ang tinukoy ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa kanyang pangaral tungkol sa misyon ni Kristo sa mundong ito nang sabihin niyang nilinis tayo mula "sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng Kanyang sarili" (Hebreo 10, 10). Iyan ang misyon ni Kristo. Iyan ang kalooban ng Ama. Niloob ng Ama na pumanaog si Kristo sa daigdig upang linisin tayo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. Sabi nga ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa wakas ng Ikalawang Pagbasa, sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama (Hebreo 10, 10). Ibinigay ng Panginoong Hesus ang Kanyang "Oo" sa kalooban ng Ama. 

Mayroon tayong misyon bilang mga Kristiyano. Ang misyong ito ay ibinigay sa atin ng Diyos. Ibibigay ba natin ang ating "Oo" sa Kanya nang taos-puso? 

Huwebes, Marso 4, 2021

ANG SENTRO NG ATING PANANAMPALATAYA

21 Marso 2021 
Ikalimang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Jeremias 31, 31-34/Salmo 50/Hebreo 5, 7-9/Juan 12, 20-33 



Pagsapit ng Ikalimang Linggo ng Kuwaresma, ang Simbahan ay pumapasok sa isang espesyal at maikling panahon na tinatawag na Passiontide. Bahagi pa rin ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay na mas kilala bilang Kuwaresma ang panahong ito. Hindi ito isang hiwalay na panahon mula sa Kuwaresma. Napapaloob pa rin sa Kuwaresma ang panahong ito. Ang pangalang Passiontide ay hindi ginagamit sa kalendaryo ng Simbahan para sa espesyal at maikling panahong ito dahil sa ilang mga pagbabago matapos ang Ikalawang Konsiliyo ng Vatikano. 

Sa simula ng espesyal at maikling panahong ito, lalong itinutuon ng Simbahan ang pansin ng bawat mananampalataya sa Misteryo Paskwal. Ang misteryong ito na patungkol sa krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ang pagninilay ng buong Simbahan ay nakasentro sa pagligtas ng Diyos sa lahat ng tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sa misteryong ito nakasentro ang ating atensyon at pagninilay bilang mga Katoliko, bilang mga Kristiyano, bilang mga mananampalataya. Katunayan, ito ang buod ng ating pananampalataya bilang Simbahan. Ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano ay nakasentro sa dakilang misteryong ito ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamgitan ni Kristo. Ito ang ating sinasampalatayanan. 

Ang mga salitang binigkas ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo ay tungkol sa misteryong ito. Ang misteryong ito ang tinukoy ng Panginoong Hesukristo noong sinabi Niyang dumating "ang oras upang maparangalan ang Anak ng Tao" (Juan 12, 23). Sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay, si Hesus ay mapaparangalan. Sa pamamagitan ng pagpaparangal sa Panginoong Hesus, ang kadakilaan ng Diyos ay mahahayag. Sa pamamagitan ng paghahayag ng kadakilaan ng Diyos, maliligtas ang sangkatauhan.

Nakasentro sa kababaang-loob ni Hesus ang pangaral ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa. Hinarap at tiniis ni Hesus nang buong kababaang-loob ang lahat ng hirap at pagdurusang hatid ng Kanyang misyon bilang Tagapagligtas. Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo na ang Kanyang misyon ay ang dahilan ng Kanyang pagdating sa daigdig na ito (Juan 12, 27). Si Hesus ay dumating upang tuparin ang misyong ito. Kahit alam Niyang puno ng hirap at pagdurusa ang landas na ito, pinili Niyang tahakin ito nang buong kababaang-loob dahil iyon ang kalooban ng Diyos. 

Sabi ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa na Siya'y nagtiyaga sa Kanyang bayang Israel sa kabila ng kanilang pagsuway at pagsira sa kasunudan nila sa Kanya (Jeremias 31, 32). Sabi pa nga Niya sa simula ng Unang Pagbasa na gagawa Siya ng isang panibagong tipan sa Israel at Juda (Jeremias 31, 31). Sa wakas ng Unang Pagbasa, sinabi Niyang patatawarin at kakalimutan Niya ang pagsuway at maling gawain ng Kanyang bayan (Jeremias 31, 34). Inilarawan sa mga salitang ito ng Panginoong Diyos ang Kanyang kalooban. Ang naisin ng Diyos ay kapatawaran ng kasalanan. Ang kalooban Niyang ito ay nahayag sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Gaya ng sabi sa banal na konsegrasyon, "Ang Aking Dugo na ibinubuhos para sa inyo at para sa lahat sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan" (Mateo 26, 28; Marcos 14, 24; Lucas 22, 20). Kapatawaran ang nais ng Diyos.

Bakit mahalaga ang krus ni Kristo? Bakit mahalaga ang Misteryo Paskwal? Sa pamamagitan ng Kanyang krus, pinarangalan si Kristo. Ang kadakilaan ng Diyos ay nahayag sa pamamagitan ng pagpaparangal kay Kristo. Ang bunga nito ay kaligtasan ng sangkatauhan at kapatawaran ng lahat ng kasalanan. Ang lahat ng ito ay nangyari dahil sa kababaang-loob ni Hesus na Kanyang ipinakita nang sundin Niya ang kalooban ng Ama. 

Biyernes, Pebrero 26, 2021

SAN JOSE: IBINIGAY ANG SARILI SA MISYON

19 Marso 2021 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51a) 


"Misyong kaloob sa ating puso, aming sarili ay aming handog, laging tapat at laging tugon: Naririto, handa kami, Panginoon!" Ang mga salitang ito ay mula sa koro ng "Awit ng Misyon," ang Tagalog na salin ng awiting "We Give Our Yes!" na ginagamit ng Arkidiyosesis ng Maynila bilang opisyal na awiting pang-misyon sa pagdiriwang ng Ika-500 Taong Anibersaryo ng Pagdating ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Kasabay ng Ikalimang Sentenaryo ng Pagdating ng Kristiyanismo sa bansang Pilipinas, ipinagdiriwang rin sa buong taong ito ang Taon ni San Jose, ang Pinatakasi ng Simbahan sa buong daigdig. 

Sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni San Jose sa taong ito, magandang bigyan ng pansin ang tugon ni San Jose sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang paghirang ng Diyos kay San Jose. Si San Jose ay binigyan ng isang misyon. Ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos ay ang responsibilidad bilang kabiyak ng puso ng Mahal na Inang si Maria at ama-amahan ng Panginoong Hesukristo. Sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo ayon kay San Mateo, mapapansin natin na agad niyang ginawa ang utos ng Diyos na inihayag sa kanya ng isang anghel sa panaginip. Sa pamamagitan ng kanyang ginawa sa wakas ng salaysay ni San Mateo tungkol sa pangyayaring ito sa Ebanghelyo, ibinigay ni San Jose ang kanyang "Oo" sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga gawa, tahimik na ipinahayag ni San Jose ang kanyang "Oo" sa tawag ng Diyos. 

Kung babalikan natin ang simula ng salaysay sa Ebanghelyo ni San Mateo, nakaranas ng kabiguan si San Jose. Labis siyang nalungkot dahil sa mga usap-usapan tungkol sa Mahal na Birheng Maria. Tunay niyang minahal si Maria at pinangarap niyang mamuhay nang tahimik kasama niya bilang mag-asawa. Ang mga planong ito ni San Jose ay tila gumuho dahil sa pagdadalantao ni Maria na kanyang mapapangasawa. Malapit na siyang ikasal. Tapos, malalaman niyang ang kanyang magiging kabiyak ay nagdadalantao nang hindi pa kasal. Labis na nasaktan si San Jose dahil dito. 

Subalit, sa kabila nito, ibinigay ni San Jose ang kanyang "Oo" sa kalooban ng Diyos. Kahit na siya'y nasa isang madilim na yugto ng kanyang buhay, tumalima pa rin siya sa kalooban ng Diyos. Ibinigay niya ang buo niyang sarili sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Nagpasakop siya sa Diyos kahit na labis siyang nalungkot sa mga sandaling iyon. Bakit? Dahil lang ba sa sinabi ng anghel na ang Mahal na Birheng Maria ay naglihi at nabuntis dahil sa kapangyarihan ng Espiritu Santo? Iyon lang ba ang dahilan? 

Kahit papaano, nakaranas ng kapanatagan ng loob si San Jose nang malaman niya sa pamamagitan ng pagbabalita ng anghel sa panaginip na ang Mahal na Birhen ay hindi nagtaksil sa kanya. Subalit, higit pa roon ang dahilan kung bakit ibinigay niya ang kanyang "Oo" sa kalooban ng Diyos. Ibinigay ni San Jose ang kanyang "Oo" sa Diyos dahil sa kanyang pananalig. Nanalig siya sa katapatan ng Diyos na walang hanggan. Nanalig siyang hindi nambibigo ang Diyos. Si San Jose ay buong pusong nanalig na ang Diyos ay mapagkakatiwalaan. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ng Diyos kay propeta Natan ang Kanyang pangako kay Haring David. Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsalita tungkol sa pananalig ni Abraham sa pangako ng Panginoong Diyos. Tinupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako kina Abraham at Haring David. Hindi Niya binaon sa limot ang mga pangakong ito. Tinupad Niya ang mga ito sa takdang panahon. Sa panahong Siya mismo ang nagtakda, tinupad Niya ang lahat ng mga pangakong ito. Tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako.

Ang katapatang ito ay umakit kay San Jose na ibigay ang kanyang "Oo" sa tawag ng Diyos. Kahit na wala siyang sinabing salita sa salaysay, ipinakita pa rin niya ang kanyang "Oo" sa kalooban ng Panginoong Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga gawa, nahayag ang pagtalima ni San Jose sa kalooban ng Diyos. 

Katulad ni San Jose, ihandog natin sa Diyos ang ating mga sarili. Ibigay natin sa Diyos ang taos-puso nating pagtalima, ang ating "Oo", sa misyong ibinigay Niya sa atin. Mayroong misyong ibinigay sa atin ng Diyos. Ibigay natin ang buong puso nating "Oo" sa tawag ng Diyos na tuparin ang misyong ito. 

Huwebes, Pebrero 25, 2021

PAG-IBIG AT HABAG NA NAGHAHATID NG TUNAY NA GALAK

14 Marso 2021 
Ikaapat na Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
2 Cronica 36, 14-16. 19-21/Salmo 136/Efeso 2, 4-10/Juan 3, 14-21 


Tuwing sasapit ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma, itinutuon ng Simbahan ang ating pansin sa kagalakang nagmumula sa Diyos. Kaya nga, ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag ring "Linggo ng Laetare" o "Linggo ng Kagalakan." Habang ang buong Simbahan ay napapaloob pa rin sa panahon ng pagpepenitensya at pagbabalik-loob na tinatawag na Kuwaresma, ipinapaalala sa bawat isa sa atin na ang tunay na kagalakan ay nagmumula sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nagbibigay ng tunay na kagalakan. Kaya, kung gusto nating maranasan ang tunay na kagalakan, kailangan nating magbalik-loob sa Diyos. 

Ang Panginoong Diyos ay ipinapakilala ng mga Pagbasa para sa Linggong ito bilang tagapaghatid ng tunay na kagalakan. Ilan sa mga sandali sa kasaysayan ng daigdig kung saan ang Diyos ay naghatid ng tunay na kagalakan sa lahat ay inilarawan sa mga Pagbasa. Siya ang tagapaghatid ng tunay na kagalakang ito. Paulit-ulit Niyang ibinibigay o inihahatid sa lahat ang biyayang ito. Katunayan, hindi na mabilang kung ilang ulit na Niya itong ginawa sa kasaysayan. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa ang relasyon ng Diyos at ng Kanyang bayang hinirang. Ang Diyos ay hindi tumigil sa pagpapakita ng Kanyang pag-ibig para sa kanila, kahit na paulit-ulit nila Siyang tinalikuran at sinuway. Sabi sa unang bahagi ng Unang Pagbasa nagpadala Siya ng mga sugo (2 Cronica 36, 15). Sa ikalawang bahagi ng Unang Pagbasa, inilarawan kung paanong pinalaya ng Diyos ang mga Israelita mula sa pagkakatapon sa Babilonia. Pinukaw Niya ang puso ni Ciro, ang Hari ng Persia, na bigyan ng pahintulot ang mga Israelita na makauwi sa Herusalem. Niloob ng Diyos na matapon ang mga Israelita sa Babilonia dahil sa kanilang pagsuway sa Kanya. Subalit, dahil sa Kanyang pag-ibig at awa, niloob Niyang makabalik sila sa Herusalem. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay naghatid ng galak sa mga Israelita. 

Sa Ebanghelyo, itinampok ang isa sa mga pinakamasikat na talata sa Banal na Bibliya: "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay Niya ang Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa Kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan" (Juan 3, 16). Inilarawan ng mga salitang ito ang pinakadakilang biyayang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan. Ang pinakadakilang biyayang tinukoy sa talatang ito ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo. Sa pamamagitan ni Kristo Hesus, ang Diyos ay naghatid ng tunay na kagalakan sa lahat ng tao sa mundong ito. 

Bakit mahalagang talakayin ang pag-ibig at habag ng Panginoong Diyos sa pagninilay sa tunay na kagalakang bigay Niya sa lahat? Magkaugnay ang tunay na kagalakang nagmumula sa Diyos sa Kanyang pag-ibig at habag. Ang pag-ibig at habag ng Diyos ay hindi maihihiwalay sa tunay na kagalakang Kanyang kaloob sa lahat. Sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig at habag, inihatid ng Diyos ang biyaya ng tunay na kagalakan. Ang pinagmulan ng biyayang ito, ang tunay na galak, ay nagmumula sa Kanya. Dahil sa Kanyang pag-ibig at habag, ang biyayang ito ay Kanyang ipinagkakaloob sa lahat. 

Katulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, masambit nawa natin ang mga salitang ito: "Napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol Niya sa atin!" (Efeso 2, 4). Sa pamamagitan nito, ang habag at pag-ibig ng Diyos na naghahatid ng tunay na kagalakan ay pinatotohanan natin nang buong puso. Kahit na hindi tayo karapat-dapat dahil dami ng ng ating mga salang laban sa Kanya na hindi na mabilang, pinili pa rin Niyang ipagkaloob sa atin ang biyayang ito ng tunay na galak dahil sa Kanyang pag-ibig at habag. 

Sabado, Pebrero 20, 2021

ANG PALATANDAANG IBINIGAY NG DIYOS

7 Marso 2021 
Ikatlong Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Exodo 20, 1-17 (o kaya: 20, 1-3. 7-8. 12-17)/Salmo 18/1 Corinto 1, 22-25/Juan 2, 13-25 


Sabi ni Hesus sa mga Hudyong humingi ng isang palatandaan mula sa Kanya matapos Niyang linisin ang templo sa Ebanghelyo, "Gibain ninyo ang templong ito at muli Kong itatayo sa loob ng tatlong araw" (Juan 2, 19). Sabi pa sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo na ang templong tinukoy ni Hesus ay ang Kanyang Katawan (Juan 2, 21). Ang palatandaang ibibigay ng Panginoong Hesus bilang patunay ng Kanyang kapangyarihan ay walang iba kundi ang Kanyang sarili. Si Hesus ang magpapatunay ng sarili Niyang kapangyarihan at autoridad bilang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. 

Ang kadakilaan at pagka-Diyos ng Panginoong Hesukristo ay mahahayag sa pamamagitan ng Kanyang Pasyon at Muling Pagkabuhay. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit Siya naparito sa sanlibutan. Iligtas ang sangkatauhan upang sa pamamagitan nito'y mahayag ang kadakilaan at kapangyarihan ng tunay at nag-iisang Diyos, ang Banal na Santatlo. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit, pagkamatay, at Muling Pagkabuhay. 

Nakasentro sa kahanga-hangang gawang ito ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang ipinangangaral niya at ng iba pang mga apostol ay walang iba kundi ang Panginoong Hesukristong nakabako sa krus (1 Corinto 1, 23). Ipinapahiwatig nito na noon pa man ay pinahahalagahan ng Simbahan ang krus ng Panginoong Hesukristo. Hindi magsasalita ang mga apostol at ang mga humalili sa kanila tungkol sa krus ni Kristo kung ito'y hindi nila pinahalagahan. Ang kanilang mga labi ay magiging tikom tungkol sa Misteryo Paskwal ni Kristo kung hindi ito mahalaga. Subalit, sila'y nangaral tungkol sa krus ng Panginoon sapagkat ito'y kanilang pinahalagahan. Ang krus ni Kristo ay pinahalagahan ng buong Simbahan noon pa man dahil, gaya ng sabi ni Apostol San Pablo sa wakas ng kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa, ang inakalang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa kaysa sa karunungan ng tao at ang inakalang kahinaan ng Diyos ay lakas na higit pa sa lakas ng tao (1 Corinto 1, 25). 

Sa Unang Pagbasa, ibinigay ng Diyos ang Sampung Utos. Sa Bagong Tipan, ang Diyos ay nagbigay ng isang dakilang tanda ng Kanyang kapangyarihan at kadakilaan. Hindi mapapantayan o mahihigitan kailanman ang tandang ito. Ang tandang iyon ay walang iba kundi ang krus at Muling Pagkabuhay ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo. Sa pamamagitan ng krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo, iniligtas ng Diyos ang sangkatauhan. Nahayag sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan ang kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos. 

Isang palatandaan ang ibinigay ng Diyos sa sangkatauhan noong sumapit ang takdang panahon. Ang Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Hesukristo, ay Kanyang ibinigay upang tubusin tayo sa pamamagitan ng Kanyang krus at Muling Pagkabuhay. Ang kapangyarihan at kadakilaan ng Diyos ay nahayag sa pamamagitan ng kahanga-hangang gawaing ito na niloob Niyang mangyari. 

Biyernes, Pebrero 19, 2021

PATUNAY NG KABUTIHAN NG DIYOS

28 Pebrero 2021 
Ikalawang Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (B) 
Genesis 22, 1-2a. 9. 10-13. 15-18/Salmo 115/Roma 8, 31b-34/Marcos 9, 2-10 


Inilalarawan ng mga Pagbasa para sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma ang kabutihan ng Diyos sa atin. Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na hindi ipinagkait sa atin ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak (Roma 8, 32). Ang mga salitang ito ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay nagbibigay ng larawan ng kabutihan ng Panginoon. Ang kabutihan ng Diyos ay nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus. 

Hindi nagdalawang-isip ang Diyos sa pagligtas sa atin. Katunayan, hindi naman kailangan ng Diyos na iligtas tayo. Maaari Niya tayong pabayaang mapahamak dahil sa ating mga kasalanan, kung iyon ang Kanyang ninas. Subalit, pinili pa rin ng Diyos na iligtas tayo mula sa kasalanan dahil sa Kanyang kabutihan. Ang biyaya ng Kanyang pagliligtas ay dumating sa mundong ito sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo, ang Kanyang Bugtong na Anak. Sa pamamagitan nito, ang kabutihan ng Diyos ay nahayag sa lahat. 

Si Hesus na ipinakilala ng Amang nasa langit sa salaysay tungkol sa Kanyang pagbabagong-anyo sa bundok sa Ebanghelyo ay ang pinakadakilang larawan ng kabutihan ng Diyos. Sa pamamagitan Niya, ang kabutihan ng Diyos para sa sangkatauhan ay nahayag. Pinatunayan ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang misyon ang kabutihan ng Diyos. Si Hesus ay dumating sa daigdig upang iligtas ang sangkatauhan. Nangyari ang lahat ng ito dahil sa kabutihan ng Diyos. Ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa daigdig na ito dahil sa Kanyang kabutihan. Sa pamamagitan ni Kristo, dumating sa daigdig ang biyayang ito.  

Kung paanong si Abraham ay binigyan ng Panginoong Diyos ng isang lalaking tupa bilang kapalit ng kanyang anak na si Isaac sa dambana ng paghahandog sa Unang Pagbasa, ibinigay sa atin ang Panginoong Hesus bilang Manunubos. Ang Diyos ay nagbigay ng Tagapagligtas sa atin. Ang Tagapagligtas na iyon ay walang iba kundi si Kristo. Nangyari ito dahil sa kabutihan ng Diyos. 

Ang Diyos ay tunay ngang mapagbigay at mabuti. Iyan ang dahilan kung bakit mayroon tayong Tagapagligtas. Ibinigay sa atin ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Ang kabutihan ng Diyos ay napatunayan sa pamamagitan nito.