Lunes, Marso 31, 2025

NAGPAKASAKIT UPANG MAIDULOT ANG TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Mark 15, 34): 
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" 

Larawan: Diego Velázquez (1599–1660), Crucifixion of Christ (c. 1631). Museo del Prado. Public Domain.

Bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay naparito sa daigdig upang idulot sa tanan ang tunay na pag-asag nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng pagtubos sa sangkatauhan. Tiyak na alam nating lahat ang katotohanang ito tungkol sa dahilan ng pagparito sa daigdig ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahang itinatag Niya. Alam rin nating hindi sapilitan ang Kaniyang pagdating sa daigdig. Kusang-loob Niya itong ipinasiyang isagawa alang-alang sa atin. 

Subalit, kahit na naparito sa daigdig ang Poong Jesus Nazareno upang idulot sa tanan ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula, ang misyong ito ay hindi naging madali para sa Kaniya. Bagamat ang Poong Jesus Nazareno ay tunay na Diyos, hindi ito nangangahulugang magiging ligtas Siya mula sa lahat ng mga hirap, tukso, pagsubok, sakit, at pagdurusa sa buhay sa daigdig. Katunayan, bagamat may kapangyarihan ang Poong Jesus Nazareno bilang tunay na Diyos upang iligtas Niya mula sa iba't ibang mga hirap, tukso, pagsubok, sakit, pag-uusig, hapdi, kalupitan, at pagdurusa sa buhay sa daigdig, ipinasiya Niyang huwag gamitin ito. 

Hinayaan ng Poong Jesus Nazareno na maging mahina Siya. Isa itong napakalaking kahibangan sa paningin ng sanlibutan. Kung sino pa yaong pinakamakapangyarihan sa lahat, Siya pa yaong naging pinakamahina sa lahat sa mga sandali ng kalupitan at pag-uusig. Ano pa ba nga ba ang saysay at halaga ng Kaniyang kapangyarihan bilang tunay na Diyos kung hindi naman Niya ito gagamitin sa oras na kailangang-kailangan Niya ito? Parang hindi naman Siya nag-iisip. Bakit ganoon na lamang ang Kaniyang lohika o uri ng pag-iisip? 

Inilarawan ng Ikaapat na Wika ng Poong Jesus Nazareno mula sa Krus na hango mula sa Salmo 22 ang dahilan kung bakit Siya naging mahina. Hindi Niya obligasyon ang magdulot ng tunay na pag-asa sa sangkatauhan. Wala Siyang obligasyon sa atin. Sa halip na magdusa hanggang sa malagutan Siya ng hininga mula sa kahoy na Krus na pinagpakuan sa Kaniya sa bundok ng Kalbaryo, maaari na lamang magpakasarap sa Kaniyang kaharian sa langit. Pero, ipinasiya pa rin Niya itong isagawa dahil tunay at wagas ang Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, kusang-loob na ipinasiya ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na idulot ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa atin sa pamamagitan ng pagligtas sa atin. Kahit na ang kapalit nito ay ang pagharap, pagtitiis, at pagbabata ng maraming hirap, sakit, pagudursa, hapdi, at pag-uusig sa kamay ng Kaniyang mga kaaway na lubos-lubos ang poot para sa Kaniya hanggang sa mamatay Siya sa Krus sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo, ipinasiya pa rin Niya itong gawin. 

Linggo, Marso 30, 2025

BUKSAN ANG SARILI SA TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
Ikatlong Wika (Juan 19, 26-27): 
"Ginang, narito ang iyong Anak . . . Narito ang iyong Ina!" 


Habang nakapako sa Krus na Banal, ipinagkatiwala ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang Mahal na Birheng Maria at ang Kaniyang minamahal na alagad na si Apostol San Juan sa pangangalaga ng isa't isa. Sa pamamagitan nito, ipinagkaloob Niya sa tunay na Simbahang Siya mismo ang nagtatag ang Mahal na Birheng Maria bilang tanda ng tapat Niyang pag-ibig para sa Simbahan. Dahil sa Kaniyang tapat na pag-ibig, habag, kagandahang-loob, at awa, ibinigay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Kaniyang Simbahan ang Mahal na Birheng Maria upang maging kaniya ring Ina. Ito ang tanging dahilan kung bakit mahalaga para sa Simbahan ang Mahal na Birheng Maria. 

Tiyak na alam nating lahat na naparito sa daigdig ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang idulot sa tanan ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Sa kabila ng pagiging makasalanan ng sangkatauhan, hindi Niya ipinagdamot ang biyayang ito. Kahit na pinagsaraduhan Siya ng karamihan dahil sa katigasan ng kanilang mga puso at loobin, kusang-loob pa rin Niyang idinulot ang dakilang biyayang ito sa buong sangkatauhan. Hindi Siya naging maramot sa tao, kahit matinding poot, galit, at kalupitan ang ibinayad sa Kaniya. 

Ang pagkakaloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Mahal na Birheng Maria sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag ay patunay na hindi Siya maramot sa atin. Sa mga huling sandali ng Kaniyang buhay sa Banal na Krus, ipinagkaloob Niya sa ating lahat na bumubuo sa Kaniyang Simbahan ang Kaniyang Ina na walang iba kundi ang Birheng Maria upang maging Ina rin natin. Dahil sa Kaniyang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa, kusang-loob Niya itong ginawa. 

Sinasagisag ng pagkakaloob ng Poong Jesus Nazareno sa Mahal na Inang si Mariang Birhen sa ating lahat na bumubuo sa Kaniyang Simbahan upang maging Ina rin natin ang Kaniyang paanyayang maging bahagi ng Kaniyang pamilya. Ito ay kusang-loob na ipinasiyang isagawa ng Poong Jesus Nazareno dahil sa Kaniyang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa. Mayroon tayong pagkakataong maging bahagi ng pamilya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil sa tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Ang kailangan lamang nating gawin ay buksan ang ating mga puso't sarili sa dakilang biyayang ito na kusang-loob Niyang ipinagkakaloob sa atin. 

Sabado, Marso 29, 2025

TAOS-PUSONG PAGTANGGAP SA TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
Ikalawang Wika (Lucas 23, 43): 
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso." 

Sa kabila ng tila walang tigil panlilibak, pagtutuya, panlalait, at pangungutya ng mga kaaway ng Poong Jesus Nazareno laban sa Kaniya, mayroong isang hindi sumabay sa agos. Ipinasiya niyang huwag makisabay sa walang tigil at walang awang panlilibak, panlalait, at pangungutya sa Poong Jesus Nazareno. Gaano mang kalakas ang tinig ng mga walang awang nanlalait, lumilibak, at nangungutya sa bukal ng tunay na pag-asang nakabayubay sa Krus na walang kalaban-laban, hindi nakisabay ang taong ito. Kahit na madaling makisabay sa walang tigil na panlalait at pangungutya sa bukal ng tunay na pag-asang nakapako sa Krus, ipinasiya niyang huwag gamitin ang kaniyang boses upang gawin iyon. 

Ang taong nagpasiyang hindi gamitin ang kaniyang boses upang makisabay sa mga malalakas at maiingay na panlilibak, panlalait, at pangungutya sa bukal ng tunay na pag-asang si Jesus Nazareno na nakabayubay sa Krus ay walang iba kundi ang isa sa dalawang salaring ipinakong kasama Niya sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Kilala siya sa tradisyon sa pangalang "Dimas." Sa halip na libikain at laitin ang bukal ng tunay na pag-asang si Jesus Nazareno, nagbalik-loob siya sa Diyos sa mga huling sandali ng kaniyang buhay sa daigdig. Habang nakabayubay sa sarili niyang krus sa bundok ng Kalbaryo, taos-puso siyang nanalangin at nakiusap kay Jesus Nazareno. Taos-puso niyang hiniling kay Jesus Nazareno na isama siya sa Kaniyang kaharian sa langit matapos niyang ipagtanggol ang Nazareno mula sa panlalait at pangungutya ni "Hestas," ang isa pang salaring ipinakong kasama ni Jesus Nazareno. 

Ipinasiya ni Dimas na imulat ang kaniyang buong sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang kusang-loob na ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nang maimulat ni Dimas ang buo niyang sarili sa dakilang katotohanang ito tungkol sa misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa lupa, ang kaloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay agad niyang tinanggap nang taos-puso. Sa mga huling sandali ng kaniyang buhay sa lupa, hindi nag-aksaya ng panahon si Dimas. Buong pusong tinanggap ni Dimas ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang hatid ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Nakamit ni Dimas ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng tunay na Hari, ang Panginoong Jesus Nazareno, dahil binuksan niya ang kaniyang sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang Kaniyang kaloob sa tanan. Ito ang dapat nating gawin sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Biyernes, Marso 28, 2025

HINDI PINAGSISIHAN ANG PAGDULOT NG TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
UNANG WIKA (Lucas 23, 34): 
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." 


Kusang-loob na dumating sa daigdig na ito ang Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang magdulot ng tunay na pag-asa sa lahat. Hindi Siya napilitang dumating sa daigdig sapagkat hindi naman Niya ito kinailangang gawin. Maaari na lamang Siya manatili sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit at magpakasarap doon habang pinagmamasdan Niya ang kapahamakan ng lahat ng tao mula sa Kaniyang maringal at maluwalhating trono. Wala namang obligasyon sa buong sangkatauhan ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Alam rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na hindi Siya tatanggapin ng marami sa sandaling dumating Siya sa daigdig. Bagamat ang dulot Niya sa tanan ay ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, marami pa rin ang magmamatigas ng kanilang mga puso at loobin sa Kaniya. Katunayan, inihayag ng ilan sa mga hula sa Lumang Tipan na makakaranas ng matitinding pagtatakwil at pag-uusig sa kamay ng mga kaaway ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Isang halimbawa nito ay ang pahayag tungkol sa Nagdurusang Lingkod ng Diyos na mababasa sa aklat ni Propeta Isaias. Sa halip na taos-pusong pagtanggap at pagmamahal ang ihandog sa Kaniya, galit at poot na napakatindi ang iginanti sa Kaniya. 

Natupad ang mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan tungkol sa mga huling sandali ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa lupa, lalung-lalo na ang pahayag tungkol sa Nagdurusang Lingkod ng Diyos na mababasa ng lahat sa aklat ni Propeta Isaias, noong unang Biyernes Santo. Mula sa sandaling dinakip Siya ng mga kawal at bantay na padala ng Sanedrin sa Halamanan ng Hetsemani hanggang sa marating ang bundok ng Kalbaryo na pasan-pasan ang napakabigat na Krus na pinagpakuan sa Kaniya, walang tigil ang pangungutya sa Kaniya ng Kaniyang mga kaaway. Hindi nila magawa ito noong nangangaral Siya sa mga tao nang buong lakas. Subalit, noong si Jesus Nazareno ay mahinang-mahina na dala ng matinding paghahagupit sa Kaniya, hindi sila tumigil sa panlalait at pangungutya sa Kaniya. Kahit na nakapako na Siya sa Krus, gaya ng hiniling nila sa gobernador na si Poncio Pilato, hindi pa rin sila tumigil sa pangungutya. Ang panlalait, pagtutuya, paglilibak, at pangungutya laban kay Jesus Nazareno ay hindi pa rin tumigil. Walang awa nila itong ipinagpatuloy. 

Marahil maitatanong natin ang Poong Jesus Nazareno kung pinagsisihan ba Niya ang pagparito Niya sa mundong ito noong unang panahon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Bilang tunay na Diyos, hindi naman Siya obligadong isagawa ito. Alam naman ito ng Poong Jesus Nazareno. Wala Siyang obligasyon sa sangkatauhan. Kung hindi Niya nais tubusin ang sangkatauhan, hindi Niya ito isasagawa. Subalit, bagamat wala Siyang obligasyong iligtas ang sangkatauhan, niloob pa rin Niya itong gawin. 

Pinagsisihan ba ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pasiyang iligtas ang sangkatauhan? Hindi. Ito ang dahilan kung bakit ang Kaniyang Unang Wika mula sa Krus ay isang panalangin para sa Kaniyang mga kaaway. Kahit na hindi tumigil ang Kaniyang mga kaaway sa panlilibak, panlalait, at pangungutya laban sa Kaniya, hindi hinangad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maparusahan at mapahamak silang lahat. Bagkus, habang nakabayubay sa Krus na walang kalaban-laban, nanalangin pa rin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na mamulat ang Kaniyang mga kaaway sa tunay na pag-asang kusang-loob Niyang idinudulot. 

Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, kusang-loob pa ring ipinasiya ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno na idulot sa sangkatauhan ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Naisagawa ito ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi si Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang kusang-loob na pagligtas sa atin. 

Huwebes, Marso 27, 2025

IPINAGPALIT ANG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

16 Abril 2025 
Mga Mahal na Araw - Miyerkules Santo 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 


Hindi inilaan ng Simbahan ang araw ng Miyerkules Santo upang maging isang araw ng pagpaparangal at paggunita sa alagad na nagkanulo sa Panginoong Hesukristo na walang iba kundi si Hudas Iskariote. Bagamat itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Miyerkules Santo ang pakikipagpulong ni Hudas Iskariote sa mga kaaway ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno upang makipagsabwatan sa kanila, hindi ito isang uri ng pagpaparangal sa kaniya. 

Kilala rin ang araw ng Miyerkules Santo bilang Miercoles del Espia. Subalit, hindi natin dapat ituring na isang araw ng Kapistahan o Paggunita kay Hudas Iskariote ang araw ng Miyerkules Santo. Hindi porke't tinatawag ring Miercoles del Espia ang Miyerkules Santo ay nangangahulugang naglaan ng isang Kapistahan o araw ng pagpaparangal at paggunita ang Simbahan para sa alagad na nagkanulo sa Nazarenong si Hesus na walang iba kundi si Hudas Iskariote. Oo, ang Miyerkules Santo ay kilala rin natin sa tawag na "Miercoles del Espia" dahil pinagninilayan natin ang kaganapang inilahad at itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito na walang iba kundi ang pakikipagpulong at pakikipagsabwatan ng taksil na si Hudas sa mga kaaway ni Kristo Hesus, ang Nazareno. Subalit, hindi siya pinararangalan ng Simbahan. 

Ano naman ang aral na nais iparating ng Simbahan sa araw na ito na nakasentro sa pakikipagpulong at pakikipagsabwatan ni Hudas Iskariote sa mga kaaway ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? Katunayan, dahil ang kaganapang ito na isang bahagi ng kasaysayan ng Pasyong Mahal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay pinagninilayan sa araw na ito, tila nakalimutan na ng marami na pagnilayan ang propesya tungkol sa mga huling araw ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na inilahad at itinampok sa Unang Pagbasa at ang awit-papuri sa Salmong Tugunan kung saan isinalungguhit ng tampok na mang-aawit ang pagiging maaasahan ng Diyos sa lahat ng panahon. Bakit hindi na lamang itinuon ng Simbahan ang ating atensyon sa pagiging maaasahan ng Diyos? Mas mabuti pa nga iyon kaysa pagnilayan ang pagiging traydor ni Hudas, hindi ba? Anong mayroon sa pasiya ni Hudas Iskariote na ipagkanulo si Kristo? 

Si Hudas Iskariote ay pinagkalooban ng pagkakataong manalig at umasa sa bukal ng tunay na pag-asang si Jesus Nazareno. Tatlong taon pa nga niyang nakasama si Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, ang nakakalungkot, ipinasiya ni Hudas Iskariote na hindi bigyan ng halaga ang kaniyang ugnayan at relasyon sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Kahit na pinahintulutan ni Jesus Nazareno na si Hudas Iskariote ay maging isa sa Kaniyang mga matatalik na kaibigan, tagasunod, at alagad, binalewala pa rin ito ni Hudas Iskariote. Ang bukal ng tunay na pag-asang si Jesus Nazareno ay ipinagpalit at ibinenta pa rin niya sa halaga ng 30 piraso ng pilak. 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag at awa para sa ating lahat, niloob pa rin ng Panginoong Jesus Nazareno na ibahagi at idulot sa ating lahat ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Tayo ang magpapasiya kung buong puso nating tatanggapin at pahahalagahan ang biyayang ito na kusang-loob Niyang ibinabahagi at idinudulot sa ating lahat o kung tatahakin natin ang landas na ipinasiyang tahakin ni Hudas Iskariote na nagkanulo sa Kaniya. Alam rin naman natin kung ano ang nangyari sa traydor na si Hudas Iskariote sa huli. Kinakailangan nating pagpasiyahang ito nang mabuti dahil nakasalalay dito ang ating mga kaluluwa. 

Miyerkules, Marso 26, 2025

PAGKAKATAONG MANALIG AT UMASA MULI

15 Abril 2025 
Mga Mahal na Araw - Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 

Itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang pahayag ng Panginoong Jesus Nazareno tungkol sa gagawin ng dalawa sa Kaniyang mga alagad sa mga nalalabing sandali ng Kaniyang buhay. Buong linaw na inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno sa kauna-unahang pagkakataon ang isasagawang pagkakanulo sa Kaniya ni Hudas Iskariote at ang tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro. 

Tunay ngang nakakagulat ang pahayag ng Poong Jesus Nazareno tungkol sa tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro. Si Apostol San Pablo ay hinirang at itinalaga ng Poong Jesus Nazareno upang maging unang Santo Papa ng Simbahang Kaniyang itinatag. Matapos italaga siya ng Poong Jesus Nazareno bilang unang Santo Papa ng Kaniyang Simbahan, sa halip na ipagtanggol ang Poong Jesus Nazareno at tumindig para sa Kaniya, tatlong ulit niyang ipagkakaila ang Poong Jesus Nazareno. Hindi niya magawang tumindig para sa Poong Jesus Nazareno dahil sa tindi ng takot. 

Parang kay dali para kay Apostol San Pedro na ibaon sa limot ang kaniyang ugnayan sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na binuo sa loob ng tatlong taon. Katunayan, ang dahilan kung bakit "Pedro" ang kaniyang pangalan ay dahil sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang ibig sabihin ng pangalang "Pedro" ay "bato." Iyon nga lamang, hindi kasintatag ng bato si Apostol San Pablo habang nagaganap ang Mahal na Pasyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa halip na maging kasintatag ng bato, katulad ng ipinapahiwatig ng kahuluganng kaniyang pangalan, sa mga sandaling yaon, nabahag ang kaniyang buntot at naging kasinlambot ng balahibo. 

Bagamat ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay naparito upang idulot sa tanan ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagtupad sa pangako ng Diyos na inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa at ng mga salita ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan, nahirapan si Apostol San Pedro na umasa sa Kaniya. Nagpadala siya sa takot. Hindi natin masisi si Apostol San Pedro sa kaniyang ginawa sa mga sandaling yaon dahil walang sinumang tao sa daigdig na ito ang hindi matatakot at masisindak kapag sila'y nalagay sa ganyang sitwasyon. Likas na ito sa atin bilang mga tao. 

Hindi madaling manalig at umasa sa Panginoong Diyos, lalung-lalo na sa mga sandali ng mga matitinding hamon at pagsubok sa buhay sa lupa. May mga pagkakataon sa buhay kung kailan magpapadala tayo sa tindi ng takot at kahinaan. Kakalimutan ang ugnayan sa Panginoong Diyos nang ganoon na lamang. Parang kay dali naman itong gawin. Ang hirap manalig at umasa sa Panginoong Diyos. 

Alam ng Diyos na may mga pagkakataon sa pansamantala nating pamumuhay sa lupa na kakalimutan at tatalikuran natin Siya dahil sa iba't ibang mga dahilan. Subalit, hindi Siya nawawalan ng pag-asa. Bilang bukal ng tunay na pag-asa, kusang-loob na ibinabahagi at ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang dakilang biyayang ito. Palagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong manalig at umasa sa Kaniya. Buksan natin ang buo nating puso at sarili sa Kaniya.

Martes, Marso 25, 2025

HANDOG NG MGA TUNAY NA UMAAASA

14 Abril 2025 
Mga Mahal na Araw - Lunes Santo 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 


Ang Ebanghelyo para sa Lunes Santo ay tungkol sa pagpapahid ng langis sa mga paa ni Jesus Nazareno. Ang mga paa ni Jesus Nazareno ay pinahiran ng isa sa dalawang kapatid na babae ni San Lazaro na si Santa Maria na taga-Betania. Ang isinagawang pagpapahid ng mamahaling langis sa mga paa ni Jesus Nazareno ay pinagtuunan ng galit at inis ni Hudas Iskariote. 

Ipinagtanggol ng Mahal na Poong Jesus Nazareno si Santa Maria na taga-Betania na kapatid ng minamahal Niyang kaibigang si San Lazaro at Kaniya ring kaibigan mula sa galit at inis ni Hudas Iskariote. Batid ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tunay na dahilan kung bakit ito ginawa ni Santa Maria na taga-Betania. Sa pamamagitan ng pagpapahid ng mamahaling langis sa Kaniyang mga paa, inihayag ni Santa Maria na taga-Betania na tunay nga siyang nananalig at umaaasa sa Mahal na Poong Jesus Nazareno nang lubusan. 

Sa Unang Pagbasa, ipinakilala ng Panginoong Diyos ang ipinangakong Mesiyas. Ang ipinangakong Mesiyas ay kusang-loob Niyang ipagkakaloob sa lahat ng tao nang sa gayon ay maidulot at maipalaganap Niya ang tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula. Ipinakilala rin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas bilang tanglaw at kaligtasan. Tinupad ng Panginoong Jesus Nazareno ang lahat ng mga pahayag na ito tungkol sa Kaniya nang dumating Siya sa mundo. 

Kusang-loob na dumating ang Nuestro Padre Jesus Nazareno upang idulot sa tanan ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagtubos sa atin. Gaya ni Santa Maria na taga-Betania, buksan natin ang ating mga sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya at buong puso itong tanggapin. 

Lunes, Marso 24, 2025

DINUROG ANG PUSO NG BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

13 Abril 2025 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoong Jesus Nazareno (K) 
Lucas 19, 28-40 [Prusisyon ng Palaspas] 
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Lucas 22, 14-23, 56 (o kaya: 23, 1-49) [Misa] 

Larawan: Domenico Cresti - il Passignano. Entry of Christ into Jerusalem (c. 1590-1595). CC0 1.0 Universal. 

"Puso Ko'y durog na dahilan sa kutya, 
kaya naman Ako'y wala nang magawa. 
Ang inaaasahan Kong Awa ay nawala, 
ni walang umaliw sa buhay Kong aba." 
(Salmo 69, 20)

Ang mga salitang ito mula sa ika-20 taludtod ng ika-69 na kabanata ng Aklat ng mga Salmo ay ginagamit bilang Awitin sa Paghahandog ng mga Alay para sa maringal na pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas. Inilalarawan sa taludtod na ito ang pagdadanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos pagsapit ng takdang panahon. Bagamat ang dulot Niya sa lahat ng tao sa lupa ay ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, hindi Siya tatanggapin ng nakararami. Pagtatakwil at mga balak na masasama ang kanilang iginanti sa Kaniya. Nakakalungkot isipin na kung sino pa ang kusang-loob na dumating sa daigdig na ito upang maghatid ng tunay na pag-asa sa tanan ay siya pang itatakwil ng nakararami. 

Maaaring ituring na isang araw na kabalintunaan ang araw ng Linggo ng Palaspas. Sa unang Ebanghelyo na ipinapahayag sa unang bahagi ng liturhikal na pagdiriwang ng Simbahan para sa araw na ito, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakasakay sa isang asno ay pinagpugayan ng mga tao. Noong pumasok Siya sa Herusalem, buong tuwa Siyang hinandugan ng papuri at parangal ng mga taong nagwagayway ng mga palaspas at naglalatag ng kanilang mga balabal sa daan. Ang sigaw pa nga nila noon: "Osana sa Anak ni David!" Sabi pa nga sa salaysay ng kaganapang ito sa Ebanghelyo ni San Lucas Ebanghelista: "Purihin ang Hari na dumarating sa Ngalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Purihin ang Diyos!" (19, 29). Subalit, iba ang isinigaw ng mga tao sa salaysay na itinampok sa ikalawang Ebanghelyo para sa Linggo ng Palaspas. Hindi na "Osana sa Anak ni David!" ang sigaw ng mga tao. Bagkus, ang isinigaw ng madla noong iniharap Siya sa kanila ni Pilato ay "Patayin ang taong iyan! Palayain si Barrabas! Ipako sa Krus! Ipako Siya sa Krus!" (Lucas 23, 18. 21). 

Nakakadurog ng puso. Lubos na nadurog ang Puso ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga huling sandali ng Kaniyang buhay. Hindi lamang ang sakit dulot ng mga latigong ginamit upang ihampas Siya sa isang haliging bato, ng koronang tinik, ng mga suntok na hindi na mabilang sa dami nito, ng bigat ng Krus na pinasan, at ng mga pako ang Kaniyang tiniis at binata hanggang sa sandaling malagutan Siya ng hininga. Tiniis at binata rin Niya ang walang humpay na pagtatakwil at pangungutya sa Kaniya ng mga tao. Wala Siyang ginawang masama ni minsan sa Kaniyang buhay dito sa lupa. Puro kabanalan ang Kaniyang ginawa. Iyon nga lamang, kasamaan ang inalay sa Kaniya ng marami bilang ganti sa lahat ng mga banal at mabubuting bagay na ginawa Niya.

Bago pa man dumating sa mundo, alam na ng Poong Jesus Nazareno na mangyayari ang lahat ng ito sa Kaniya kung ang Kaniyang unang pagdating bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay Kaniyang itutuloy. Hindi naman Niya kailangang gawin ito, kung tutuusin. Nakita Niya ang kasamaan ng mga tao mula sa langit noon pa mang panahon ng Lumang Tipan. Tiyak na naisip Niyang hindi naman kailangang iligtas ang sangkatauhan dahil likas na sa kanila ang kasamaan at kasalanan. Kitang-kita naman Niya ang lahat ng iyon mula sa Kaniyang maluwalhating trono sa langit. Bakit pa Siya tutungo sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan? 

Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na niloob ng Amang nasa langit na mangyari sa Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno ang mga inilarawan sa hula ng Kaniyang hirang na propeta na si Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Bakit ito ang niloob ng Amang nasa langit? Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Niloob ng Diyos na tubusin ang sangkatauhang Kaniyang iniibig nang lubos. Kahit na madurog ang Kaniyang Puso dahil sa katigasan ng mga loobin at puso ng nakararami, hinangad pa rin ng Diyos na idulot pa rin sa kanila ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagligtas sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit dumating sa mundong ito si Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Kahit na alam ng Diyos na dudurugin ng sangkatauhan ang Kaniyang Puso, kusang-loob pa rin Niyang ipinasiyang idulot ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya lamang sa kanila sa pamamagitan ng pagligtas sa kanila. Pinatunayan Niya ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na kahanga-hanga't dakila ngang tunay sa pamamagitan nito. 

Linggo, Marso 23, 2025

UMAAASA SA GITNA NG HAPIS AT DALAMHATI

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA 
Ikapito at Huling Hapis: Ang Paglilibing kay Jesus Nazareno 
(Mateo 27, 59-60; Marcos 15, 46-47; Lucas 23, 54-56; Juan 19, 41-42)


Kahit na ang kaniyang Kalinis-linisang Puso ay napuspos ng hirap, sakit, pagdurusa, hapis, at dalamhati buong araw ng unang Biyernes Santo, hindi iniwan at pinabayaan ng Mahal na Birheng Maria ang minamahal niyang Anak na si Jesus Nazareno. Buong araw siyang nagtiis at nagbata ng maraming hirap, sakit, pagdurusa, luha, pait, hapis, lungkot, at dalamhati. Tahimik siyang nakiisa sa pagtitiis at pagbabata ng maraming sakit, hirap, at pagdurusa ng kaniyang Anak na si Jesus Nazareno. 

Hindi biro ang dami ng mga pinagdaanan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong unang Biyernes Santo. Ang dami niyang pinagdaanan, tiniis, at binata sa loob lamang ng isang araw - ang unang Biyernes Santo. Kaya naman, maaaring ituring ang unang Biyernes Santo bilang pinakamahabang araw sa buhay ng Mahal na Birheng Maria sa lupa. Tila walang tigil ang pagtarak ng balaraw sa Puso niyang Kalinis-linisan. Kung ating bibilangin ang mga sandaling nagdulot ng hapis sa kaniyang puso, apat ang mga nasabing sandali. Ang kaniyang mga unang tatlong Hapis ay may agwat. Subalit, sunod-sunod ang kaniyang mga huling apat na Hapis at tila walang tigil ito. 

Nasaksihan ng Mahal na Birheng Maria kung paanong ang Poong Jesus Nazareno ay labis na nahirapan sa pagpasan ng Kaniyang Krus. Bugbog sarado at puspos ng mga pasa, sugat, at dugo ang Katawan ng kaniyang Anak. Agad na sumunod ang pagpako sa Kaniya sa Krus na Kaniyang pinasan mula sa Herusalem patungong Kalbaryo. Sa bundok ng Kalbaryo, namatay ang kaniyang Anak na nakapako sa Krus. Ibinaba ang walang buhay na Katawan ng minamahal niyang Anak. Pagkatapos nito, inilibing ang kaniyang minamahal na Anak. Ang daming nangyari. Tila walang tigil ito. 

Bagamat puspos ng hapis at dalamhati ang kaniyang puso, hindi iniwan, tinalikuran, at pinabayaan ng Mahal na Birheng Maria ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi niya hinayaang pigilin siya ng hapis, lungkot, at dalamhati na umasa. Ang tahimik na pakikiisa ng Mahal na Birheng Maria sa pagtitiis at pagbabata ng maraming hirap at sakit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno hanggang sa sandaling pumanaw Siya sa Krus sa Kalbaryo ay patunay ng pagtanggap niya sa biyaya ng tunay na pag-asang dulot ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa tanan. 

Biyernes, Marso 21, 2025

TINANGGAP ANG TUNAY NA PAG-ASA, KAHIT HINDI ITO GINAWA NG MARAMI

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA 
Ikaanim na Hapis: Ibinaba mula sa Krus ang Bangkay ni Jesus Nazareno 
(Mateo 27, 57-58; Marcos 15, 42-46; Lucas 23, 50-53; Juan 19, 38-40) 


Matapos malagot ang hininga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno habang nakapako sa Krus, ibinaba mula rito ang Kaniyang bangkay. Natapos ang Kaniyang pagtitiis at pagbabata ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa sa kamay ng mga kaaway Niyang lubusan Siyang kinapootan. Bagamat naparito Siya upang idulot sa tanan ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, hindi ito tinanggap ng marami. Isang pangkat ng mga hindi tumanggap sa biyayang Kaniyang kaloob ay walang iba kundi ang mga kaaway na nagpasiyang paghariin sa kanilang mga puso ang inggit at galit. Dahil sa tindi ng kanilang inggit, galit, at poot, ipinasiya nilang ipapapatay Siya. 

Subalit, kahit na natapos na rin sa wakas ang pagbabata ng maraming sakit, hirap, at pagdurusa ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ibinigay ng Diyos sa tanan na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, hindi pa rin natapos ang pagbabata ng hirap, sakit, pagdurusa, lungkot, pait, hapis, at dalamhati ng Mahal na Birheng Maria. Bagamat nagwakas ang pagdurusa ng Poong Jesus Nazareno, ang kaniyang Anak na minamahal, patuloy pa rin ang pagdurusa ng Mahal na Birheng Maria. 

Napakasakit para sa Mahal na Birheng Maria na masaksihan ang karumal-dumal na pagkamatay ng kaniyang minamahal na Anak, ang Poong Jesus Nazareno. Agad itong sinundan ng pagbaba ng bangkay ng kaniyang minamahal na Anak. Sunod-sunod ang mga hapis na kaniyang binata noong unang Biyernes Santo. Tila walang preno at walang tigil ang pagbata ng hirap at sakit ng Mahal na Birheng Maria noong araw na yaon. Kaliwa't kanan ang mga hapis at dalamhati na tumarak sa kaniyang puso. 

Ang tahimik na pagbabata ng hirap, sakit, pagdurusa, lungkot, hapis, at dalamhati ng Mahal na Birheng Maria noong unang Biyernes Santo ay patunay na tinanggap niya nang buong puso ang tunay na pag-asang kaloob ng kaniyang minamahal na Anak na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Kahit na ipinasiya ng nakararami na ang kanilang mga puso ay patigasan at isara sa biyayang ito, binuksan pa rin ng Mahal na Birheng Maria ang kaniyang puso sa dakilang biyayang ito na inihahatid ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

KAHIT NA TUNAY NA PAG-ASA ANG KANIYANG DULOT

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA 
IKALIMANG HAPIS: Sa Paanan ng Krus (Juan 19, 25-27) 

Ang pinakamahabang araw sa buhay ng Mahal na Birheng Maria sa daigdig na ito ay walang iba kundi ang unang Biyernes Santo. Marami siyang pinagdaanan sa araw na yaon. Kaliwa't kanan ang mga hirap, sakit, hapdi, pait, lungkot, hapis, at dalamhati na kaniyang tinamo at binata noong araw ng unang Biyernes Santo. Bukod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, nagdusa rin noong unang Biyernes Santo ang Mahal na Birheng Maria. 

Hindi biro ang hirap, sakit, pagdurusa, lungkot, pait, hapis, at dalamhati na tinamo at binata ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa kaniyang Kalinis-linisang Puso noong unang Biyernes Santo. Ang kaniyang Ikalimang Hapis ay ang pangalawang hapis na naganap noong unang Biyernes Santo. Sunod-sunod ang kaniyang mga hapis noong araw na iyon. Kung ang kaniyang mga unang tatlong Hapis ay nagkaroon ng agwat sa panahon, sunod-sunod na nangyari ang kaniyang Ikaapat at Ikalimang Hapis. 

Ito ang pinakamasakit na sandali sa buhay ng Mahal na Birheng Maria. Nasaksihan niya kung paanong mamatay sa Krus sa Kalbaryo ang minamahal niyang Anak na si Jesus Nazareno. Wala siyang magawa sa mga sandaling iyon kundi saksihan ang mga huling sandali sa buhay ni Jesus Nazareno. Nasaksihan niyang malagutan ng hininga ang kaniyang minamahal na Anak. 

Tiyak na naalala muli ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa mga sandaling iyon ang mga salitang binigkas sa kaniya ni Simeon. Ito ang ibig sabihin ng mga salitang buong linaw na binigkas sa kaniya ni Simeon. Kahit na kusang-loob na dumating sa lupa upang maghatid at magdulot ng tunay na pag-asa ang Poong Jesus Nazareno, hindi Siya tatanggapin ng marami. Mayroon pa ring mga magmamatigas at magsasara ng pintuan ng kanilang mga puso sa Kaniya. Humantong ang lahat ng ito sa pagkamatay ng Poong Jesus Nazareno sa Krus sa bundok ng Kalbaryo. 

Bagamat ang Kaniyang dulot at hatid sa lahat ay ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula, mayroon pa ring mga nagpasiyang magmatigas at magsara ng pintuan ng kanilang mga puso. Pinagsaraduhan nila ang Poong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit Siya namatay sa Krus noong unang Biyernes Santo. Dahil dito, napuspos ng hapis at dalamhati ang Mahal na Birheng Maria. 

Huwebes, Marso 20, 2025

ANG IGINANTI SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA 
Ikaapat na Hapis: Sa Daan patungong Kalbaryo 


Nagsimulang mag-iba ang lahat para sa Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng kaniyang Ikaapat na Hapis. Kung ang mga unang tatlong Hapis ng Mahal na Birheng Maria ay naganap sa iba't ibang yugto ng kabataan ng kaniyang minamahal na Anak, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, naganap ang mga susunod na Hapis ng Mahal na Birheng Maria sa loob lamang ng isang araw simula sa kaniyang Ikaapat na Hapis. Sa unang Biyernes Santo naganap ang kaniyang mga sumunod na Hapis. Maaari nating ituring na pinakamahabang araw para sa Mahal na Birheng Maria ang araw na yaon. 

Kung sa mga unang tatlong pagkakataong napuspos ng hapis ang kaniyang puso ay mayroon siyang nagawa kasama ang kaniyang minamahal na kabiyak ng pusong si San Jose upang ipagtanggol ang Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa iba't ibang panganib, simula sa sandaling ito na naging dahilan kung bakit ang kaniyang Kalinis-linisang Puso ay napuspos ng hapis sa ikaapat na pagkakataon, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi niya maipagtanggol at mailayo mula sa panganib. Sa kabila ng tapat at matamis na pag-ibig ng Mahal na Birheng Maria para sa kaniyang Anak, hindi siya makakakilos upang iligtas at ipagtanggol ang kaniyang Anak. Iyon ay dahil bahagi ito ng misyon ng kaniyang Anak bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Batid ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na higit pa sa mabuti ang hatid at dulot ng kaniyang minamahal na Anak na si Jesus Nazareno. Subalit, noong nagkatagpo ang Mahal na Inang si Mariang Birhen at ang kaniyang Anak na lubos niyang iniibig na pasan-pasan ang Krus sa daan patungong Kalbaryo, nasaksihan at narinig niya kung ano ang iginanti ng nakararami sa hatid at dulot ng kaniyang Anak na dumating sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kusang-loob na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi taos-pusong pasasalamat ang inialay sa Kaniya kundi walang tigil na pangungutya, panlilibak, at pagtatakwil. Katunayan, ipinapapatay nga Siya. Ang Krus ay pinasan dahil hinatulan Siya ng kamatayan. 

Labis na nasaktan ang Mahal na Birheng Maria dahil ipinasiya ng marami na huwag imulat ang sarili sa kagandahan ng hatid at dulot ng kaniyang Anak na minamahal na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Alam ng Mahal na Birheng Maria na ang Poong Jesus Nazareno ay naparito sa lupa upang idulot at ihatid sa lahat ang biyaya ng tunay na pag-asa na nagmumula lamang sa Kaniya. Binuksan pa nga ng Mahal na Birheng Maria ang kaniyang puso sa biyayang ito na ibinigay ng kaniyang Anak na lubos niyang minamahal. Subalit, hindi ito ginawa ng marami. Dahil dito, napuspos ng sakit, hapdi, lungkot, hapis, at dalamhati ang puso ng Mahal na Birheng Maria. 

Isa lamang ang pakiusap sa atin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen - buksan ang ating mga puso at sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang dulot ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa tanan. Huwag nating patigasan ang ating mga puso sa Kaniya. 

Miyerkules, Marso 19, 2025

HAMON SA PASIYANG MANALIG AT UMASA

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA 
Ikatlong Hapis: Ang Paghahanap sa Batang Jesus Nazareno sa Templo (Lucas 2, 41-51) 


Ang Batang Poong Jesus Nazareno ay nawala sa piling nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria sa loob ng tatlong araw. Sa loob ng tatlong araw, ang Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay napuno ng matinding sakit, pait, hapdi, lungkot, hapis, at dalamhati. Hindi lamang siya napuno ng takot at bagabag. Puno rin siya ng matinding hapis at lungkot sa loob ng tatlong araw na ito.

Mukhang isang karaniwang kaganapan ang pagkawala ng Batang Jesus Nazareno, sa unang tingin. Sa tuwing magkakaroon ng malalaking pagtitipon ng mga tao, palaging inaabisuhan ang mga magulang na dadalo roon kasama ang kanilang mga anak na bantayan silang mabuti upang hindi sila mawala. Lagi ring sinasabihan ang mga bata ng kanilang mga magulang na laging dumikit sa kanila nang hindi sila magkahiwalay. 

Subalit, hindi pangkaraniwan ang kaganapang nagdulot ng sakit, hapis, at lungkot sa puso ng Mahal na Birheng Maria sa ikatlong pagkakataon. Tatlong araw na nawala sa kaniyang piling ang kaniyang minamahal na Anak na si Jesus Nazareno. Ang Batang Jesus Nazareno na tunay niyang inibig nang higit sa lahat ay hindi niya kapiling. Hindi naman niya pinabayaan ang Batang Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, kahit na laging inalagaan at iningatan ang kaniyang Anak, nawala pa rin ang kaniyang Anak. 

Tiyak na labis na nahirapan ang Mahal na Birheng Maria na manalig at umasa dahil sa pagkabalisa, pangamba, takot, sakit, pait, hapdi, hapis, at lungkot. Kahit na naging Anak niyang minamahal ang bukal ng tunay na pag-asang si Jesus Nazareno, labis pa rin siyang nahirapang manalig at umasa nang taos-puso. Dahil sa tindi ng sakit, pait, hapdi, kirot, hapis, at lungkot dulot ng nasabing kaganapan, naranasan ng Mahal na Birheng Maria kung gaano kahirap manalig at umasa nang taos-puso. Lubos siyang nahirapan dahil sa hamong ito. 

Bagamat nahirapan nang lubusan ang Mahal na Birheng Maria dahil sa kaganapang ito, ipinasiya pa rin niyang manalig at umasa nang taos-puso. Nanalig at umasa pa rin siya sa kaniyang minamahal na Anak, ang bukal ng tunay na pag-asa. Ito ang tanging dahilan kung bakit sa gitna ng sakit, hapis, at lungkot ay natiyak ng Mahal na Birheng Maria na magkikita rin sila uli ng kaniyang minamahal na Anak. Hindi magtatagal ang hapdi, kirot, sakit, lungkot, at hapis. Mapapalitan rin ito ng tuwa at saya. 

Martes, Marso 18, 2025

BANTA LABAN SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL BA BIRHENG MARIA 
Ikalawang Hapis: Ang Pagtakas sa Ehipto (Mateo 2, 13-23) 


Unang inihayag ni Simeon sa Mahal na Inang si Mariang Birhen ang napakasakit na katotohanan tungkol sa misyon ng kaniyang minamahal na Anak na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang propesiyang ito ni Simeon ay nagdulot ng matinding sakit, kirot, hapis, at dalamhati sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa kauna-unahang pagkakataon. Bagamat naparito sa daigdig ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang ipalaganap ang tunay na pag-asa, hindi Siya tatanggapin ng lahat. 

Tiyak na naalala ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang hula ni Simeon tungkol sa mangyayari sa kaniyang minamahal na Anak na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga sandaling inilarawan sa kaniyang Ikalawang Hapis. Labis ang hapis na dinala sa puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen habang tumatakas sila patungong Ehipto. Nanganganib ang buhay ng kaniyang minamahal na Anak, kahit na isang musmos na batang dalawang taong gulang o pababa (kung hindi na Siya isang sanggol na munti sa mga sandaling yaon). Hindi pa nga nag-uumpisa sa pagtupad ng Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang kaniyang Anak. 

Bagamat ang kaganapang ito ay ang Ikalawang Hapis ng Mahal na Birheng Maria, ito rin ay napakahalaga. Ang kaganapang ito ay isa ring napakahalagang sandali para sa Mahal na Birheng Maria sapagkat ito ang nagpapatunay na si Simeon ay nagsabi ng katotohanan sa kaniya noon. Unti-unting nagkakatotoo ang mga salitang binigkas ni Simeon sa kaniya sa Templo. Sa pamamagitan ng Pagtakas sa bansang Ehipto, unti-unting natutupad ang propesiyang binigkas ni Simeon tungkol sa tungkulin ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ibinigay ng Diyos sa tanan. Hindi dumating ang lahat ng mga sakit, lungkot, hapis, at dalamhati sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria sa isang bagsakan. Paunti-unti. 

Dahil sa banta ng haring si Herodes laban sa kaniyang minamahal na Anak na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno, lubusang nasaktan ang Mahal na Birheng Maria. Bagamat ang Kaniyang dulot sa lahat ay ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, hindi pa rin Siya tinanggap ng marami. Mayroon pa ring mga gaya na lamang ni Haring Herodes na nagbanta laban sa Kaniya, kahit na bata pa lamang Siya. Subalit, ito ang simula. 

Kusang-loob na dumating sa lupa si Jesus Nazareno upang idulot sa lahat ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula dahil sa Kaniyang kagandahang-loob at pag-ibig. Subalit, kalupitan at kasamaan ang iginanti sa Kaniya ng nakararami. Dahil dito, labis na nasaktan ang Mahal na Birheng Maria. 

Lunes, Marso 17, 2025

KAPALIT NG PAGDUDULOT NG TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA 
Unang Hapis: Ang Hula ni Simeon (Lucas 2, 34-35) 


Nang sumapit ang panahong itinakda, kusang-loob na ipinasiya ni Jesus Nazareno na dumating sa mundo upang ipalaganap ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Hindi Siya napilitang gawin ito. Bukal sa Kaniyang kalooban ang Kaniyang pagdating sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang sa pamamagitan ng Kaniyang misyon ay maidulot at maipalaganap Niya sa lahat ng tao ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Subalit, kahit na mabuti ang hangarin ni Jesus Nazareno, hindi Siya tinanggap ng nakararami. 

Ang hula ni Simeon ay nakasentro sa napakasakit na katotohanan tungkol sa misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kahit na mabuti ang Kaniyang hangarin at sadya, hindi pa rin tatanggapin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ng marami. Mayroon pa ring mga magsasara ng kanilang mga puso at magtatakwil sa Kaniya. Katunayan, ang buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay paulit-ulit na pagtatangkaan hanggang sa sandaling ipako Siya sa Krus na Banal sa Kalbaryo. Dahil sa katotohanang ito, ang Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay napuspos ng hapis at dalamhati sa unang pagkakataon. Labis siyang nasaktan dahil sa katotohanang ito. 

Kung sino pa yaong may mabuting hangarin, sila pa yaong hindi tatanggapin. Sila pa yaong itatakwil at pagtatangkaan. Ang kapalit ng mabuting hagarin ay pagtatakwil at mga banta. Napakasakit at nakakalungkot. Hindi biro ang sakit, lungkot, dalamhati, at hapis dulot ng katotohanang ito.

Mabuti ang hangarin at pakay ng Poong Jesus Nazareno. Katunayan, higit pa nga ito sa mabuti. Banal ang Kaniyang hangarin at pakay sa mundong ito. Subalit, ang naging kapalit nito ay pagtatakwil at pagbabanta sa Kaniyang buhay. Ang lahat ng mga ito ay humantong sa Kaniyang kamatayan sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo. Ito ang tanging dahilan kung bakit Sanggol pa lamang ang Poong Jesus Nazareno ay puspos na ng hapis at dalamhati ang puso ni Maria. Batid niya kung ano ang mangyayari sa Anak niyang minamahal pagdating ng araw.

Sa kabila ng kabutihan at kabanalang ipinakita ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno, mayroon pa ring mga nagpapasiyang magmatigas. Nakakalungkot at napakasakit. 

Linggo, Marso 16, 2025

SA GITNA NG MGA HIRAP, SAKIT, AT DALAMHATI

11 Abril 2025 
Biyernes sa Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Jeremias 20, 10-13/Salmo 17/Juan 10, 31-42 


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakatuon sa karanasan ng marami sa mga banal. Marami sa mga nasa hanay ng mga banal ay namatay bilang mga martir. Hindi nila isinuko ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Sa halip na manalig at umasa sa iba, ang Panginoon pa rin ang kanilang pinanaligan at inasahan. Gaano mang kahirap gawin ito dala ng mga matinding hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay sa lupa, sa Panginoong Diyos pa rin sila nanatiling tapat. 

Isang buod ng karanasan ng lahat ng mga propeta sa Lumang Tipan ang ibinahagi ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa. Katulad ng mga propetang hinirang ng Diyos sa Lumang Tipan, naranasan ni Propeta Jeremias ang lahat ng mga inilarawan sa sarili niyang pahayag sa Unang Pagbasa. Nakaranas ng mga pag-uusig si Propeta Jeremias dahil sa kaniyang tungkulin bilang propeta ng Diyos. Ang pag-uusig sa lahat ng mga tapat na lingkod ng Diyos ay pinagtuunan ng pansin sa Salmong Tugunan. Pati na rin ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno ay hindi naging ligtas mula sa mga matitinding pag-uusig sa kamay ng mga kaaway, gaya ng inilarawan sa salaysay na itinampok sa Ebanghelyo. Hindi naging matagumpay ang Kaniyang mga kaaway sa kanilang balak na Siya'y bauthin hanggang sa mamatay dahil ang takdang oras ay hindi pa sumasapit. 

Hindi ipinangako ng Panginoong Diyos na maliligtas mula sa mga matitinding hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay sa daigdig ang lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. Isa na itong bahagi ng buhay sa daigdig. Ang pangako ng Panginoong Diyos ay hindi Niya pababayaan. Lagi Niya silang sasamahan upang tulungan, palakasin, at ipagsanggalang. Patunay ito na ang Panginoon ay lagi nating mapagkakatiwalaan at maaasahan. 

Sabado, Marso 15, 2025

PAG-ASANG NAGDUDULOT NG PAGBABAGO

6 Abril 2025 
Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Isaias 43, 16-21/Salmo 125/Filipos 3,8-14/Juan 8, 1-11 


"Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa" (Salmo 125, 1). Sa mga katagang ito mula sa papuring awit ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito. Habang napapalapit ang pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno na siyang pinakadakilang pagdiriwang sa Liturhikal na Kalendaryo ng Simbahan, lalo tayong iminumulat sa kadakilaan ng kahanga-hangang gawang ito ng Diyos. Dahil sa dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos, ipinasiya Niyang ipagkaloob sa atin nang kusang-loob ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Ito ay isinagawa ng Diyos nang sumapit ang takdang panahon sa pamamagitan ni Kristo. 

Sa Ebanghelyo, isang babaeng nahuling nakiapid ay pinagkalooban ng tunay na pag-asa ng Poong Jesus Nazareno. Ang tunay na pag-asang ito na ipinagkaloob ng Poong Jesus Nazareno sa kaniya nang kusang-loob ang umudyok at pumukaw sa kaniya na baguhin ang kaniyang buhay at magbalik-loob sa Diyos. Dahil sa biyaya ng tunay na pag-asa na ibinigay nang kusang-loob ng Poong Jesus Nazareno, ang babaeng ito ay nagkaroon ng pagkakataong talikdan ang makasalanan niyang pamumuhay nang sa gayon ay matahak niya ang landas ng kabanalan. 

Isang pangako mula sa Panginoong Diyos para sa Kaniyang sambayanan ang inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Sa pamamagitan ng pagtupad sa pangakong ito, ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya ay lalaganap. Nakasentro sa pagsasabuhay ng pagtanggap sa biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos na kusang-loob naman Niyang ibinigay sa tanan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa taos-pusong pagtanggap sa nasabing biyaya, ipinagpatuloy ni Apostol San Pablo ang kaniyang misyon bilang apostol at saksi ng Poong Jesus Nazareno, sa kabila ng mga hirap at sakit na kaakibat nito. 

Kusang-loob na ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bubuksan ba natin ang ating mga puso at sarili sa biyayang ito? 

Biyernes, Marso 14, 2025

UMAAASA SA GITNA NG MATINDING HIRAP, SAKIT, AT PAG-UUSIG

4 Abril 2025 
Biyernes sa Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Karunungan 2, 1a. 12-22/Salmo 33/Juan 7, 1-2. 10. 25-30 


Ang katotohanan tungkol sa mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos ay ang pangunahing temang tinatalakay at pinagninilayan sa mga Pagbasa. Isa lamang ang layunin ng Simbahan - ipaalala sa atin kung gaano kahirap ang pamumuhay ng mga tapat na debotong taos-pusong nananalig, sumusunod, at umaaasa sa Poong Jesus Nazareno. Hindi sapat ang mga salita lamang. Kailangan itong isabuhay, gaano mang kahirap isagawa ito. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang balak laban sa mga tapat na lingkod ng Diyos. Kung tutuusin, maaari rin itong ituring na buod ng karanasan ng lahat ng mga propeta ng Diyos sa Matandang Tipan. Maging sa panahong kasalukuyang, mayroon pa ring mga nagsisikap maglingkod sa Diyos nang taos-puso na nakakaranas ng mga matitinding pag-uusig dahil sa kanilang pasiyang maglingkod sa Kaniya. Pati ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi naging ligtas mula sa mga pag-uusig. Inilarawan nang buong linaw sa Ebanghelyo kung paanong hindi maisakatuparan ng mga kaaway ng Senor ang kanilang balak na ipapatay Siya sapagkat ang takdang oras ay hindi pa sumapit. 

Inilarawan sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ipinapasiya pa rin ng lahat ng mga tapat na lingkod ng Diyos sa Lumang Tipan at maging ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno na tuparin at sundin ang kalooban ng Diyos. Sabi ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan nang buong linaw: "Sa D'yos hindi mabibigo ang mga nasisiphayo" (Salmo 33, 19a). Pinatutunayan ng tapat na pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos, gaano mang kahirap ito gawin, ang taos-pusong pananalig at pag-asa sa Kaniya. 

Hindi madaling manalig at umasa sa Diyos dahil sa tindi ng mga hamon, hirap, sakit, tukso, pagsubok, at pag-uusig sa buhay sa lupa. Subalit, hindi binibigo ng Diyos ang sinumang nananalig at umaaasa sa Kaniya nang buong katapatan hanggang sa huli.