28 Marso 2025
Biyernes sa Ikatlong Linggo ng 40 Araw na Paghahanda
Oseas 14, 2-10/Salmo 80/Mateo 12, 28b-34
Bakit mayroong pag-asa? Anong mayroon sa atin at ipinapasiya pa rin ng Diyos na ipagkaloob sa ating lahat nang kusang-loob ang biyaya ng tunay na pag-asa? Hindi naman kaila sa atin na batid ng Diyos na mga makasalanan tayo. Subalit, sa kabila ng ating pagiging mga makasalanan, ang biyayang ito ay kusang-loob pa ring ibinibigay sa atin ng Diyos. Ipinaliwanag sa mga Pagbasa kung bakit ito ang pasiya ng Diyos.
Inilahad sa Unang Pagbasa ang pakiusap ng Panginoong Diyos sa Kaniyang bayan. Sa kabila ng paulit-ulit na pagsuway at pagkakasala ng Kaniyang bayan laban sa Kaniya, sinusuyo pa sila ng Panginoong Diyos. Nakikiusap ang Panginoong Diyos sa kanila na magbalik-loob sa Kaniya. Dinulutan ng Panginoong Diyos ng biyaya ng tunay na pag-asa na nagmumula lamang sa Kaniya ang Kaniyang bayang hinirang sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang ito. Sa Ebanghelyo, buong linaw na inihayag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ang pinakamahalagang utos bilang tugon sa tanong ng isang eskriba tungkol sa usaping ito. Taos-pusong pag-ibig para sa Diyos at kapwa-tao.
Hindi namang kinailangan ng Diyos na dulutan tayo ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula dahil sa ating mga kasalanan. Subalit, dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at awa, ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa atin ang biyayang ito na tunay ngang dakila. Ang pinakadakilang patunay nito ay walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Nakasentro sa dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos na nagdudulot ng tunay na pag-asa sa atin ang mga salita ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Para sa atin ang pakiusap na ito ng Diyos na inilahad sa Salmong Tugunan. Bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ni Kristo, ang panawagang ito ng Diyos ay dapat nating tuparin, sundin, at isabuhay.
Dahil sa pag-ibig, habag, at awa ng Diyos na tunay ngang dakila at kahanga-hanga, kusang-loob pa rin Niyang ipinasiyang dulutan tayo ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Buksan natin ang ating mga puso at sarili sa dakilang biyayang ito na kusang-loob Niyang ipinagkakaloob sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento