Lunes, Marso 10, 2025

"OO" SA TUNAY NA PAG-ASANG NAGMUMULA SA KANIYA

25 Marso 2025 
Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon 
Isaias 7, 10-14; 8, 10/Salmo 39/Hebreo 10, 4-10/Lucas 1, 26-38 


"Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari sa akin ang iyong sinabi" (Lucas 1, 38). Kusang-loob na ibinigay ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang kaniyang matamis na "Oo" sa kalooban ng Diyos para sa kaniya sa pamamagitan ng mga katagang ito, gaya ng nasasaad sa katapusan ng salaysay ng pagpapakita ng Arkanghel na si San Gabriel sa kaniya upang ibalita ito sa kaniya na itinampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito. Sa pamamagitan ng pagbigay ng kaniyang matamis na "Oo" sa pagkahirang sa kanya ng Diyos upang maging Ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinagkaloob sa tanan na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, binuksan ng Mahal na Birheng Maria ang buo niyang puso at sarili sa tunay na pag-asang sa Diyos lamang matatagpuan. Pinahintulutan niyang baguhin ng biyayang ito ang kaniyang buhay. 

Nakatuon sa taos-pusong pagbukas ng puso at sarili sa tunay na pag-asang sa Diyos lamang nagmumula ang pagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Gaya ng Mahal na Birheng Maria sa salaysay ng pagpapakita sa kanya ng Arkanghel na si San Gabriel na itinampok sa Ebanghelyo, ating ibukas ang ating mga puso at sarili sa tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. Pahintulutan nating kumilos sa ating buhay ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos. Ito ay magdudulot ng pagbabago sa ating buhay. Huwag tayong matakot dahil mabuti ang pagbabagong idinudulot ng dakilang biyayang ito sa ating lahat. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias kung paano Niya ipagkakaloob sa sangkatauhan ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay darating sa daigdig sa pamamagitan ng isang sanggol na lalaki na ipangaganak ng isang dalaga. Tatawaging "Emmanuel" ang sanggol na lalaking ito. Nang sumapit ang takdang panahon, tinupad ng Diyos ang pangakong ito sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na naging Anak rin ng Birheng Maria - si Jesus Nazareno. 

Tiyak na maraming ulit na napakinggan ng Mahal na Birheng Maria ang propesiyang ito. Subalit, hindi sukat akalain ng Mahal na Birheng Maria na siya pala ang dalaga o birhen sa nasabing propesiya. Hindi niya akalaing sa kaniya mismo ibibigay ng Diyos ang pananagutang inilaan sa dalaga o birhen ng nasabing propesiya (Ito mismo ang dahilan kung bakit siya iniligtas ng Diyos mula sa bahid ng kasalanan noong ipinaglihi siya ng kaniyang inang si Santa Ana).

Bagamat hindi inakala ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na hinirang at itinalaga siya ng Diyos upang tuparin ang pananagutang inilaan sa dalaga o birhen sa nasabing propesiya, inihandog pa rin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa Diyos ang buo niyang puso at sarili. Ipinasiya pa rin ng Mahal na Birheng Maria na pahintulutan ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang sa Diyos lamang nagmumula na baguhin ang kaniyang buhay. Pinili pa rin niyang manalig at umasa sa Diyos, kahit mahirap.

Inilarawan sa Salmong Tugunan at Ikalawang Pagbasa kung paanong dumating ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang sa Panginoong Diyos lamang nagmumula. Sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno, ang Bugtong na Anak ng Diyos, dumating sa daigdig na ito ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Diyos lamang nagmumula. Natupad ang propesiyang inilahad sa Unang Pagbasa sa pamamagitan nito. 

Huwag tayong matakot ibigay ang ating "Oo" sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagbigay ng ating matamis na "Oo" sa kalooban ng Diyos gaya ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, pinahihintulutan natin ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Diyos lamang nagmumula na baguhin tayo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento