Mga Mahal na Araw - Miyerkules Santo
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25
Larawan: Master of Dreux Budé (–1450), The Arrest of Christ (c. 1450). Louvre Museum. Public Domain.
Hindi inilaan ng Simbahan ang araw ng Miyerkules Santo upang maging isang araw ng pagpaparangal at paggunita sa alagad na nagkanulo sa Panginoong Hesukristo na walang iba kundi si Hudas Iskariote. Bagamat itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa Miyerkules Santo ang pakikipagpulong ni Hudas Iskariote sa mga kaaway ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno upang makipagsabwatan sa kanila, hindi ito isang uri ng pagpaparangal sa kaniya.
Kilala rin ang araw ng Miyerkules Santo bilang Miercoles del Espia. Subalit, hindi natin dapat ituring na isang araw ng Kapistahan o Paggunita kay Hudas Iskariote ang araw ng Miyerkules Santo. Hindi porke't tinatawag ring Miercoles del Espia ang Miyerkules Santo ay nangangahulugang naglaan ng isang Kapistahan o araw ng pagpaparangal at paggunita ang Simbahan para sa alagad na nagkanulo sa Nazarenong si Hesus na walang iba kundi si Hudas Iskariote. Oo, ang Miyerkules Santo ay kilala rin natin sa tawag na "Miercoles del Espia" dahil pinagninilayan natin ang kaganapang inilahad at itinampok sa salaysay sa Ebanghelyo para sa araw na ito na walang iba kundi ang pakikipagpulong at pakikipagsabwatan ng taksil na si Hudas sa mga kaaway ni Kristo Hesus, ang Nazareno. Subalit, hindi siya pinararangalan ng Simbahan.
Ano naman ang aral na nais iparating ng Simbahan sa araw na ito na nakasentro sa pakikipagpulong at pakikipagsabwatan ni Hudas Iskariote sa mga kaaway ng Mahal na Poong Jesus Nazareno? Katunayan, dahil ang kaganapang ito na isang bahagi ng kasaysayan ng Pasyong Mahal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay pinagninilayan sa araw na ito, tila nakalimutan na ng marami na pagnilayan ang propesya tungkol sa mga huling araw ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na inilahad at itinampok sa Unang Pagbasa at ang awit-papuri sa Salmong Tugunan kung saan isinalungguhit ng tampok na mang-aawit ang pagiging maaasahan ng Diyos sa lahat ng panahon. Bakit hindi na lamang itinuon ng Simbahan ang ating atensyon sa pagiging maaasahan ng Diyos? Mas mabuti pa nga iyon kaysa pagnilayan ang pagiging traydor ni Hudas, hindi ba? Anong mayroon sa pasiya ni Hudas Iskariote na ipagkanulo si Kristo?
Si Hudas Iskariote ay pinagkalooban ng pagkakataong manalig at umasa sa bukal ng tunay na pag-asang si Jesus Nazareno. Tatlong taon pa nga niyang nakasama si Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, ang nakakalungkot, ipinasiya ni Hudas Iskariote na hindi bigyan ng halaga ang kaniyang ugnayan at relasyon sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi si Jesus Nazareno. Kahit na pinahintulutan ni Jesus Nazareno na si Hudas Iskariote ay maging isa sa Kaniyang mga matatalik na kaibigan, tagasunod, at alagad, binalewala pa rin ito ni Hudas Iskariote. Ang bukal ng tunay na pag-asang si Jesus Nazareno ay ipinagpalit at ibinenta pa rin niya sa halaga ng 30 piraso ng pilak.
Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag at awa para sa ating lahat, niloob pa rin ng Panginoong Jesus Nazareno na ibahagi at idulot sa ating lahat ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Tayo ang magpapasiya kung buong puso nating tatanggapin at pahahalagahan ang biyayang ito na kusang-loob Niyang ibinabahagi at idinudulot sa ating lahat o kung tatahakin natin ang landas na ipinasiyang tahakin ni Hudas Iskariote na nagkanulo sa Kaniya. Alam rin naman natin kung ano ang nangyari sa traydor na si Hudas Iskariote sa huli. Kinakailangan nating pagpasiyahang ito nang mabuti dahil nakasalalay dito ang ating mga kaluluwa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento