PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
Ikaanim na Hapis: Ibinaba mula sa Krus ang Bangkay ni Jesus Nazareno
(Mateo 27, 57-58; Marcos 15, 42-46; Lucas 23, 50-53; Juan 19, 38-40)
Matapos malagot ang hininga ng Mahal na Poong Jesus Nazareno habang nakapako sa Krus, ibinaba mula rito ang Kaniyang bangkay. Natapos ang Kaniyang pagtitiis at pagbabata ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa sa kamay ng mga kaaway Niyang lubusan Siyang kinapootan. Bagamat naparito Siya upang idulot sa tanan ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, hindi ito tinanggap ng marami. Isang pangkat ng mga hindi tumanggap sa biyayang Kaniyang kaloob ay walang iba kundi ang mga kaaway na nagpasiyang paghariin sa kanilang mga puso ang inggit at galit. Dahil sa tindi ng kanilang inggit, galit, at poot, ipinasiya nilang ipapapatay Siya.
Subalit, kahit na natapos na rin sa wakas ang pagbabata ng maraming sakit, hirap, at pagdurusa ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ibinigay ng Diyos sa tanan na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, hindi pa rin natapos ang pagbabata ng hirap, sakit, pagdurusa, lungkot, pait, hapis, at dalamhati ng Mahal na Birheng Maria. Bagamat nagwakas ang pagdurusa ng Poong Jesus Nazareno, ang kaniyang Anak na minamahal, patuloy pa rin ang pagdurusa ng Mahal na Birheng Maria.
Napakasakit para sa Mahal na Birheng Maria na masaksihan ang karumal-dumal na pagkamatay ng kaniyang minamahal na Anak, ang Poong Jesus Nazareno. Agad itong sinundan ng pagbaba ng bangkay ng kaniyang minamahal na Anak. Sunod-sunod ang mga hapis na kaniyang binata noong unang Biyernes Santo. Tila walang preno at walang tigil ang pagbata ng hirap at sakit ng Mahal na Birheng Maria noong araw na yaon. Kaliwa't kanan ang mga hapis at dalamhati na tumarak sa kaniyang puso.
Ang tahimik na pagbabata ng hirap, sakit, pagdurusa, lungkot, hapis, at dalamhati ng Mahal na Birheng Maria noong unang Biyernes Santo ay patunay na tinanggap niya nang buong puso ang tunay na pag-asang kaloob ng kaniyang minamahal na Anak na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Kahit na ipinasiya ng nakararami na ang kanilang mga puso ay patigasan at isara sa biyayang ito, binuksan pa rin ng Mahal na Birheng Maria ang kaniyang puso sa dakilang biyayang ito na inihahatid ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento