13 Abril 2025
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoong Jesus Nazareno (K)
Lucas 19, 28-40 [Prusisyon ng Palaspas]
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Lucas 22, 14-23, 56 (o kaya: 23, 1-49) [Misa]
Larawan: Domenico Cresti - il Passignano. Entry of Christ into Jerusalem (c. 1590-1595). CC0 1.0 Universal.
"Puso Ko'y durog na dahilan sa kutya,
kaya naman Ako'y wala nang magawa.
Ang inaaasahan Kong Awa ay nawala,
ni walang umaliw sa buhay Kong aba."
(Salmo 69, 20)
Ang mga salitang ito mula sa ika-20 taludtod ng ika-69 na kabanata ng Aklat ng mga Salmo ay ginagamit bilang Awitin sa Paghahandog ng mga Alay para sa maringal na pagdiriwang ng Linggo ng Palaspas. Inilalarawan sa taludtod na ito ang pagdadanan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos pagsapit ng takdang panahon. Bagamat ang dulot Niya sa lahat ng tao sa lupa ay ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, hindi Siya tatanggapin ng nakararami. Pagtatakwil at mga balak na masasama ang kanilang iginanti sa Kaniya. Nakakalungkot isipin na kung sino pa ang kusang-loob na dumating sa daigdig na ito upang maghatid ng tunay na pag-asa sa tanan ay siya pang itatakwil ng nakararami.
Maaaring ituring na isang araw na kabalintunaan ang araw ng Linggo ng Palaspas. Sa unang Ebanghelyo na ipinapahayag sa unang bahagi ng liturhikal na pagdiriwang ng Simbahan para sa araw na ito, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakasakay sa isang asno ay pinagpugayan ng mga tao. Noong pumasok Siya sa Herusalem, buong tuwa Siyang hinandugan ng papuri at parangal ng mga taong nagwagayway ng mga palaspas at naglalatag ng kanilang mga balabal sa daan. Ang sigaw pa nga nila noon: "Osana sa Anak ni David!" Sabi pa nga sa salaysay ng kaganapang ito sa Ebanghelyo ni San Lucas Ebanghelista: "Purihin ang Hari na dumarating sa Ngalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Purihin ang Diyos!" (19, 29). Subalit, iba ang isinigaw ng mga tao sa salaysay na itinampok sa ikalawang Ebanghelyo para sa Linggo ng Palaspas. Hindi na "Osana sa Anak ni David!" ang sigaw ng mga tao. Bagkus, ang isinigaw ng madla noong iniharap Siya sa kanila ni Pilato ay "Patayin ang taong iyan! Palayain si Barrabas! Ipako sa Krus! Ipako Siya sa Krus!" (Lucas 23, 18. 21).
Nakakadurog ng puso. Lubos na nadurog ang Puso ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga huling sandali ng Kaniyang buhay. Hindi lamang ang sakit dulot ng mga latigong ginamit upang ihampas Siya sa isang haliging bato, ng koronang tinik, ng mga suntok na hindi na mabilang sa dami nito, ng bigat ng Krus na pinasan, at ng mga pako ang Kaniyang tiniis at binata hanggang sa sandaling malagutan Siya ng hininga. Tiniis at binata rin Niya ang walang humpay na pagtatakwil at pangungutya sa Kaniya ng mga tao. Wala Siyang ginawang masama ni minsan sa Kaniyang buhay dito sa lupa. Puro kabanalan ang Kaniyang ginawa. Iyon nga lamang, kasamaan ang inalay sa Kaniya ng marami bilang ganti sa lahat ng mga banal at mabubuting bagay na ginawa Niya.
Bago pa man dumating sa mundo, alam na ng Poong Jesus Nazareno na mangyayari ang lahat ng ito sa Kaniya kung ang Kaniyang unang pagdating bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay Kaniyang itutuloy. Hindi naman Niya kailangang gawin ito, kung tutuusin. Nakita Niya ang kasamaan ng mga tao mula sa langit noon pa mang panahon ng Lumang Tipan. Tiyak na naisip Niyang hindi naman kailangang iligtas ang sangkatauhan dahil likas na sa kanila ang kasamaan at kasalanan. Kitang-kita naman Niya ang lahat ng iyon mula sa Kaniyang maluwalhating trono sa langit. Bakit pa Siya tutungo sa mundo upang iligtas ang sangkatauhan?
Sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na niloob ng Amang nasa langit na mangyari sa Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno ang mga inilarawan sa hula ng Kaniyang hirang na propeta na si Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Bakit ito ang niloob ng Amang nasa langit? Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa. Niloob ng Diyos na tubusin ang sangkatauhang Kaniyang iniibig nang lubos. Kahit na madurog ang Kaniyang Puso dahil sa katigasan ng mga loobin at puso ng nakararami, hinangad pa rin ng Diyos na idulot pa rin sa kanila ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagligtas sa kanila. Ito ang dahilan kung bakit dumating sa mundong ito si Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Kahit na alam ng Diyos na dudurugin ng sangkatauhan ang Kaniyang Puso, kusang-loob pa rin Niyang ipinasiyang idulot ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula sa Kaniya lamang sa kanila sa pamamagitan ng pagligtas sa kanila. Pinatunayan Niya ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na kahanga-hanga't dakila ngang tunay sa pamamagitan nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento