Sabado, Marso 29, 2025

TAOS-PUSONG PAGTANGGAP SA TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
Ikalawang Wika (Lucas 23, 43): 
"Sinasabi Ko sa iyo: Ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso." 

Sa kabila ng tila walang tigil panlilibak, pagtutuya, panlalait, at pangungutya ng mga kaaway ng Poong Jesus Nazareno laban sa Kaniya, mayroong isang hindi sumabay sa agos. Ipinasiya niyang huwag makisabay sa walang tigil at walang awang panlilibak, panlalait, at pangungutya sa Poong Jesus Nazareno. Gaano mang kalakas ang tinig ng mga walang awang nanlalait, lumilibak, at nangungutya sa bukal ng tunay na pag-asang nakabayubay sa Krus na walang kalaban-laban, hindi nakisabay ang taong ito. Kahit na madaling makisabay sa walang tigil na panlalait at pangungutya sa bukal ng tunay na pag-asang nakapako sa Krus, ipinasiya niyang huwag gamitin ang kaniyang boses upang gawin iyon. 

Ang taong nagpasiyang hindi gamitin ang kaniyang boses upang makisabay sa mga malalakas at maiingay na panlilibak, panlalait, at pangungutya sa bukal ng tunay na pag-asang si Jesus Nazareno na nakabayubay sa Krus ay walang iba kundi ang isa sa dalawang salaring ipinakong kasama Niya sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Kilala siya sa tradisyon sa pangalang "Dimas." Sa halip na libikain at laitin ang bukal ng tunay na pag-asang si Jesus Nazareno, nagbalik-loob siya sa Diyos sa mga huling sandali ng kaniyang buhay sa daigdig. Habang nakabayubay sa sarili niyang krus sa bundok ng Kalbaryo, taos-puso siyang nanalangin at nakiusap kay Jesus Nazareno. Taos-puso niyang hiniling kay Jesus Nazareno na isama siya sa Kaniyang kaharian sa langit matapos niyang ipagtanggol ang Nazareno mula sa panlalait at pangungutya ni "Hestas," ang isa pang salaring ipinakong kasama ni Jesus Nazareno. 

Ipinasiya ni Dimas na imulat ang kaniyang buong sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang kusang-loob na ipinagkakaloob ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nang maimulat ni Dimas ang buo niyang sarili sa dakilang katotohanang ito tungkol sa misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa lupa, ang kaloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay agad niyang tinanggap nang taos-puso. Sa mga huling sandali ng kaniyang buhay sa lupa, hindi nag-aksaya ng panahon si Dimas. Buong pusong tinanggap ni Dimas ang dakilang biyaya ng tunay na pag-asang hatid ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Nakamit ni Dimas ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa piling ng tunay na Hari, ang Panginoong Jesus Nazareno, dahil binuksan niya ang kaniyang sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang Kaniyang kaloob sa tanan. Ito ang dapat nating gawin sa bawat sandali ng ating buhay sa daigdig bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag mismo ng Panginoong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento