PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
Ikatlong Wika (Juan 19, 26-27):
"Ginang, narito ang iyong Anak . . . Narito ang iyong Ina!"
Larawan: Attributed to Virginia Vezzi (1600–1638), Crucifixion (c. Between 1620 and 1626). Matthiesen Gallery. Public Domain.
Tiyak na alam nating lahat na naparito sa daigdig ang Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang idulot sa tanan ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Sa kabila ng pagiging makasalanan ng sangkatauhan, hindi Niya ipinagdamot ang biyayang ito. Kahit na pinagsaraduhan Siya ng karamihan dahil sa katigasan ng kanilang mga puso at loobin, kusang-loob pa rin Niyang idinulot ang dakilang biyayang ito sa buong sangkatauhan. Hindi Siya naging maramot sa tao, kahit matinding poot, galit, at kalupitan ang ibinayad sa Kaniya.
Ang pagkakaloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Mahal na Birheng Maria sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag ay patunay na hindi Siya maramot sa atin. Sa mga huling sandali ng Kaniyang buhay sa Banal na Krus, ipinagkaloob Niya sa ating lahat na bumubuo sa Kaniyang Simbahan ang Kaniyang Ina na walang iba kundi ang Birheng Maria upang maging Ina rin natin. Dahil sa Kaniyang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa, kusang-loob Niya itong ginawa.
Sinasagisag ng pagkakaloob ng Poong Jesus Nazareno sa Mahal na Inang si Mariang Birhen sa ating lahat na bumubuo sa Kaniyang Simbahan upang maging Ina rin natin ang Kaniyang paanyayang maging bahagi ng Kaniyang pamilya. Ito ay kusang-loob na ipinasiyang isagawa ng Poong Jesus Nazareno dahil sa Kaniyang kagandahang-loob, pag-ibig, habag, at awa. Mayroon tayong pagkakataong maging bahagi ng pamilya ng Mahal na Poong Jesus Nazareno dahil sa tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Ang kailangan lamang nating gawin ay buksan ang ating mga puso't sarili sa dakilang biyayang ito na kusang-loob Niyang ipinagkakaloob sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento