Biyernes, Marso 14, 2025

UMAAASA SA GITNA NG MATINDING HIRAP, SAKIT, AT PAG-UUSIG

4 Abril 2025 
Biyernes sa Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Karunungan 2, 1a. 12-22/Salmo 33/Juan 7, 1-2. 10. 25-30 


Ang katotohanan tungkol sa mga taos-pusong nananalig at umaaasa sa Diyos ay ang pangunahing temang tinatalakay at pinagninilayan sa mga Pagbasa. Isa lamang ang layunin ng Simbahan - ipaalala sa atin kung gaano kahirap ang pamumuhay ng mga tapat na debotong taos-pusong nananalig, sumusunod, at umaaasa sa Poong Jesus Nazareno. Hindi sapat ang mga salita lamang. Kailangan itong isabuhay, gaano mang kahirap isagawa ito. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang balak laban sa mga tapat na lingkod ng Diyos. Kung tutuusin, maaari rin itong ituring na buod ng karanasan ng lahat ng mga propeta ng Diyos sa Matandang Tipan. Maging sa panahong kasalukuyang, mayroon pa ring mga nagsisikap maglingkod sa Diyos nang taos-puso na nakakaranas ng mga matitinding pag-uusig dahil sa kanilang pasiyang maglingkod sa Kaniya. Pati ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi naging ligtas mula sa mga pag-uusig. Inilarawan nang buong linaw sa Ebanghelyo kung paanong hindi maisakatuparan ng mga kaaway ng Senor ang kanilang balak na ipapatay Siya sapagkat ang takdang oras ay hindi pa sumapit. 

Inilarawan sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ipinapasiya pa rin ng lahat ng mga tapat na lingkod ng Diyos sa Lumang Tipan at maging ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno na tuparin at sundin ang kalooban ng Diyos. Sabi ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan nang buong linaw: "Sa D'yos hindi mabibigo ang mga nasisiphayo" (Salmo 33, 19a). Pinatutunayan ng tapat na pakikinig at pagsunod sa kalooban ng Diyos, gaano mang kahirap ito gawin, ang taos-pusong pananalig at pag-asa sa Kaniya. 

Hindi madaling manalig at umasa sa Diyos dahil sa tindi ng mga hamon, hirap, sakit, tukso, pagsubok, at pag-uusig sa buhay sa lupa. Subalit, hindi binibigo ng Diyos ang sinumang nananalig at umaaasa sa Kaniya nang buong katapatan hanggang sa huli.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento