Huwebes, Marso 13, 2025

GALAK NA NAGMUMULA SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

30 Marso 2025 
Ikaapat na Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Linggo ng "Laetare" (Kagalakan) 
Josue 5, 9a. 10-12/Salmo 33/2 Corinto 5, 17-21/Lucas 15, 1-3. 11-32 


Kilala rin ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma bilang Linggo ng "Laetare" na ang ibig sabihin ay "Kagalakan." Habang ipinagpapatuloy natin ang ating paghahanda ng ating mga puso at sarili para sa pinakadakilang pagdiriwang sa Liturhikal na Kalendaryo na walang iba kundi ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno, ipinapaalala sa atin ng Simbahan kung bakit tayong lahat ay puspos ng galak. Isa lamang ang dahilan kung bakit tayong lahat ay laging puspos ng galak bilang mga bumubuo ng Simbahang itinatag mismo ni Kristo. Ang dahilan ng ating galak ay walang iba kundi ang bukal ng tunay na pag-asa - ang Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, buong linaw na inilarawan kung paanong ang mga Israelita ay nagbigay ng halaga sa pagdiriwang ng Paskuwa. Lubos nilang pinahahalagahan ang pagdiriwang ng Paskuwa dahil ginugunita nila sa nasabing pagdiriwang ay walang iba kundi ang pagpapalaya sa kanila ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Sa Salmong Tugunan, inihayag ng mang-aawit na itinampok kung ano ang dapat gawin ng bawat isa sa atin bilang mga pinagkalooban ng tunay na galak ng bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Dapat nating buksan ang ating mga sarili sa dakilang biyayang ito na kaloob sa atin ng Diyos. Sa Ikalawang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa dahilan ng pagkakaloob ng Diyos kay Kristo sa atin. Ipinagkaloob sa atin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang tayong lahat ay magkaroon ng kaligtasan sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay. Dahil dito, puspos tayo ng tunay na galak at tunay na pag-asa. Sa Ebanghelyo, ang talinghaga tungkol sa Alibughang Anak ay isinalaysay ng Panginoong Jesus Nazareno upang isalungguhit ang kadakilaan ng pag-ibig, habag, at awa ng Diyos. 

Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at awa para sa ating lahat, kusang-loob na ipinasiya ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, na idulot sa atin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya na nagdudulot rin ng tunay na galak. Ito ay ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Pahalagahan natin ang biyayang ito na kusang-loob na ipinagkakaloob sa atin ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento