Martes, Marso 4, 2025

BIYAYA NG TUNAY NA PAG-ASA

14 Marso 2025 
Biyernes sa Unang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Ezekiel 18, 21-28/Salmo 129/Mateo 5, 20-26 


Mayroong isang malalim na ugnayan ang tunay na pag-asang sa Panginoong Diyos lamang nagmumula sa Kaniyang habag at awa. Naka-ugat sa habag at awa ng Diyos ang tunay na pag-asang Siya lamang ang nakapagdudulot. Dahil sa habag at awa ng Diyos, kusang-loob Niyang ipinagkakaloob sa atin sa bawat sandali ng pansamantala nating pamumuhay at paglalakbay sa mundo ang biyayang bunga nito na walang iba kundi ang tunay na pag-asa. Bagamat hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito dahil sa dami ng ating mga kasalanan laban sa Kaniya, ang biyayang ito ay kusang-loob pa rin Niya itong ipinagkakaloob sa bawat isa sa atin. 

Nakasentro sa ugnayang ito ang mga Pagbasa sa araw na ito. Sa Unang Pagbasa, buong linaw na inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel na hinahangad Niyang mamulat ang lahat ng mga makasalanan sa tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang tunay na pag-asang ito ay pupukaw sa kanila na magsisi sa kasalanan at magbalik-loob sa Kaniya. Sa Salmong Tugunan, inilarawan ang pagiging mahabagin at maawain ng Diyos. Ang mga salitang inilahad sa Salmong Tugunan ay mga salita ng isang nagpasiyang imulat ang sarili sa katotohanang naka-ugat sa habag at awa ng Diyos ang tunay na pag-asa. Dahil ipinasiya niyang maging mulat sa katotohanang ito, ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos ay lubos niyang pinahahalagahan. Hindi niya ito binabalewala. Sa Ebanghelyo, nangaral ang Poong Jesus Nazareno tungkol sa pakikipagkasundo sa kapwa-tao. Ang pag-asang idinulot sa atin ng Diyos ay hindi dapat sarilinin. Bagkus, dapat natin itong ibahagi at ipalaganap. 

Dahil sa habag at awa ng Diyos, kusang-loob Niyang ipinasiyang ipagkaloob sa ating lahat ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Ang Diyos ay hindi napilitang ipagkaloob ang biyayang ito sa atin. Kusang-loob Niya itong ginawa, bagamat hindi tayo karapat-dapat sa dakilang pagpapalang ito dahil sa dami ng ating mga nagawang kasalanan. Buksan natin ang ating mga puso at sarili sa biyayang ito at tanggapin ito nang taos-puso. Ipalaganap rin natin ito sa kapwa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento