21 Marso 2025
Biyernes sa Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda
Genesis 37, 3-4. 12-13a. 17b-28/Salmo 104/Mateo 21, 33-43. 45-46
Larawan: Master of Messkirch (fl. 1520–1540), Mocking of Christ (c. 1535). National Museum in Warsaw. Public Domain.
Ang talinghagang isinaysay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa madla sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay naiiba sa mga talinghagang Kaniyang isinalaysay. Hindi lamang ito isang talinghaga kung saan ang Kaniyang mga tagapakinig ay Kaniyang tinuturuang mamuhay ayon sa mga loobin ng Diyos. Bagkus, ang talinghagang ito ay isang propesiya. Sa pamamagitan ng talinghagang ito, inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa madla kung ano ang mangyayari sa Kaniya sa kamay ng Kaniyang mga kaaway. Kahit na Siya mismo ang Bugtong na Anak ng Diyos at ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na kusang-loob na nagpasiyang dumating sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas, hindi Siya tatanggapin ng lahat. Lubos Siyang kaiiggitan at kapopootan ng Kaniyang mga kaaway. Sa kabila ng pagpapalang dulot Niya sa lahat, ang tunay na pag-asa, ipapapatay Siya ng Kaniyang mga kaaway.
Kaya naman, ang mga salitang ito ay nasasaad sa wakas ng salaysay na itinampok sa Ebanghelyo sa araw na ito: "Narinig ng mga punong saserdote at ng mga Pariseo ang mga talinghaga ni Hesus, at naunawaan nilang sila ang pinatatamaan Niya" (Mat 21, 45). Agad nilang napagtantong ang talinghagang isinaysay ng Poong Jesus Nazareno sa madla ay hindi isang karaniwang talinghaga. Bagkus, isa itong pahayag tungkol sa binabalak ng Kaniyang mga kaaway laban sa Kaniya. Walang silang ibang balak kundi ipapatay ang Poong Jesus Nazareno. Mangyayari iyon sa takdang panahon.
Gaya ng anak ni Jacob na si Jose sa Unang Pagbasa, magbabata ng maraming hirap, sakit, at pagdurusa sa kamay ng Kaniyang mga kaaway ang Poong Jesus Nazareno. Kahit na Siya mismo ang bukal ng kabanalan, labis Siyang kaiinggitan. Dumating Siya bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang idulot sa lahat ng tao ang tunay na pag-asa. Iyon nga lamang, hindi Siya tinanggap ng lahat.
Buong linaw na inihayag sa Salmong Tugunan: "Gunitain nang malugod ang dakilang gawa ng D'yos" (Salmo 104, 5a). Ginugunita natin sa pagdiriwang ng Banal na Misa ang pinakadakilang gawa ng Diyos. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa, ang Poong Jesus Nazareno ay laging dumarating sa ating piling sa anyo ng tinapay at alak upang ipaalala sa atin kung gaano tayo kahalaga sa Kaniya. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila, dumating Siya sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang idulot sa atin ang tunay na pag-asang na nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng Kaniyang Krus at Muling Pagkabuhay. Ito ang Kaniyang ginagawa sa atin araw-araw sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa.
Lubos na kinainggitan at kinapootan ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ng Kaniyang mga kaaway. Ito ang dahilan kung bakit ang pintuan ng kanilang mga puso ay buong katigasan nilang isinara at ipininid. Alam ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na ito ang pasiya ng Kaniyang mga kaaway noon pa mang una. Subalit, hindi ito naging dahilan upang hindi ituloy ang Kaniyang planong idulot sa lahat ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento