Biyernes, Marso 21, 2025

KAHIT NA TUNAY NA PAG-ASA ANG KANIYANG DULOT

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA 
IKALIMANG HAPIS: Sa Paanan ng Krus (Juan 19, 25-27) 

Ang pinakamahabang araw sa buhay ng Mahal na Birheng Maria sa daigdig na ito ay walang iba kundi ang unang Biyernes Santo. Marami siyang pinagdaanan sa araw na yaon. Kaliwa't kanan ang mga hirap, sakit, hapdi, pait, lungkot, hapis, at dalamhati na kaniyang tinamo at binata noong araw ng unang Biyernes Santo. Bukod sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, nagdusa rin noong unang Biyernes Santo ang Mahal na Birheng Maria. 

Hindi biro ang hirap, sakit, pagdurusa, lungkot, pait, hapis, at dalamhati na tinamo at binata ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa kaniyang Kalinis-linisang Puso noong unang Biyernes Santo. Ang kaniyang Ikalimang Hapis ay ang pangalawang hapis na naganap noong unang Biyernes Santo. Sunod-sunod ang kaniyang mga hapis noong araw na iyon. Kung ang kaniyang mga unang tatlong Hapis ay nagkaroon ng agwat sa panahon, sunod-sunod na nangyari ang kaniyang Ikaapat at Ikalimang Hapis. 

Ito ang pinakamasakit na sandali sa buhay ng Mahal na Birheng Maria. Nasaksihan niya kung paanong mamatay sa Krus sa Kalbaryo ang minamahal niyang Anak na si Jesus Nazareno. Wala siyang magawa sa mga sandaling iyon kundi saksihan ang mga huling sandali sa buhay ni Jesus Nazareno. Nasaksihan niyang malagutan ng hininga ang kaniyang minamahal na Anak. 

Tiyak na naalala muli ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa mga sandaling iyon ang mga salitang binigkas sa kaniya ni Simeon. Ito ang ibig sabihin ng mga salitang buong linaw na binigkas sa kaniya ni Simeon. Kahit na kusang-loob na dumating sa lupa upang maghatid at magdulot ng tunay na pag-asa ang Poong Jesus Nazareno, hindi Siya tatanggapin ng marami. Mayroon pa ring mga magmamatigas at magsasara ng pintuan ng kanilang mga puso sa Kaniya. Humantong ang lahat ng ito sa pagkamatay ng Poong Jesus Nazareno sa Krus sa bundok ng Kalbaryo. 

Bagamat ang Kaniyang dulot at hatid sa lahat ay ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula, mayroon pa ring mga nagpasiyang magmatigas at magsara ng pintuan ng kanilang mga puso. Pinagsaraduhan nila ang Poong Jesus Nazareno. Ito ang dahilan kung bakit Siya namatay sa Krus noong unang Biyernes Santo. Dahil dito, napuspos ng hapis at dalamhati ang Mahal na Birheng Maria. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento