Sabado, Marso 15, 2025

PAG-ASANG NAGDUDULOT NG PAGBABAGO

6 Abril 2025 
Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Isaias 43, 16-21/Salmo 125/Filipos 3,8-14/Juan 8, 1-11 


"Gawa ng D'yos ay dakila kaya tayo'y natutuwa" (Salmo 125, 1). Sa mga katagang ito mula sa papuring awit ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa Linggong ito. Habang napapalapit ang pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno na siyang pinakadakilang pagdiriwang sa Liturhikal na Kalendaryo ng Simbahan, lalo tayong iminumulat sa kadakilaan ng kahanga-hangang gawang ito ng Diyos. Dahil sa dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos, ipinasiya Niyang ipagkaloob sa atin nang kusang-loob ang biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Ito ay isinagawa ng Diyos nang sumapit ang takdang panahon sa pamamagitan ni Kristo. 

Sa Ebanghelyo, isang babaeng nahuling nakiapid ay pinagkalooban ng tunay na pag-asa ng Poong Jesus Nazareno. Ang tunay na pag-asang ito na ipinagkaloob ng Poong Jesus Nazareno sa kaniya nang kusang-loob ang umudyok at pumukaw sa kaniya na baguhin ang kaniyang buhay at magbalik-loob sa Diyos. Dahil sa biyaya ng tunay na pag-asa na ibinigay nang kusang-loob ng Poong Jesus Nazareno, ang babaeng ito ay nagkaroon ng pagkakataong talikdan ang makasalanan niyang pamumuhay nang sa gayon ay matahak niya ang landas ng kabanalan. 

Isang pangako mula sa Panginoong Diyos para sa Kaniyang sambayanan ang inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Sa pamamagitan ng pagtupad sa pangakong ito, ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya ay lalaganap. Nakasentro sa pagsasabuhay ng pagtanggap sa biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos na kusang-loob naman Niyang ibinigay sa tanan sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa taos-pusong pagtanggap sa nasabing biyaya, ipinagpatuloy ni Apostol San Pablo ang kaniyang misyon bilang apostol at saksi ng Poong Jesus Nazareno, sa kabila ng mga hirap at sakit na kaakibat nito. 

Kusang-loob na ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Bubuksan ba natin ang ating mga puso at sarili sa biyayang ito? 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento