Linggo, Marso 9, 2025

BUNGA NG HABAG AT AWA NG DIYOS

23 Marso 2025 
Ikatlong Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Exodo 3, 1-8a. 13-15/Salmo 102/1 Corinto 10, 1-6. 10-12/Lucas 13, 1-9 


"Ang ating mahabaging D'yos ay nagmamagandang-loob" (Salmo 102, 8a). Nakatuon sa mga salitang ito ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang liturhikal na pagdiriwang ng Simbahan sa Linggong ito. Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang katotohanan tungkol sa lahat ng mga kabutihang nagaganap ay isinalungguhit nang buong linaw ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Dahil sa habag at awa ng Diyos, ang lahat ng mga mabubuti ay Kaniyang pinahihintulutang maganap. Isa na rito ay ang pagdating ng tunay na pag-asang sa Kaniya nagmumula sa lupa. Bagamat hindi tayo karapat-dapat sa mga ito dahil sa dami ng ating mga nagawang kasalanan laban sa Kaniya, pinahintulutan pa rin ng Diyos na maganap ang lahat ng kabutihan dito sa daigdig na ito. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ang salaysay ng pagkahirang kay Moises. Si Moises ay hinirang at itinalaga ng Panginoong Diyos upang sa pamamagitan ng lingkod Niyang ito ay magkaroon ng kalayaan mula sa pagkaalipin sa Ehipto ang Kaniyang bayan. Sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, binanggit ang pagpapalaya sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa bansang Ehipto upang isalungguhit nang buong linaw ang katotohanan tungkol sa kabutihan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang palayain ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ipinakita ng Diyos ang Kaniyang habag at awa na nagdudulot ng kabutihan. Sa Ebanghelyo, buong linaw na inilarawan ng Panginoong Jesus Nazareno ang halaga ng taos-pusong pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos, ang ating mga puso at sarili ay ating binubuksan sa Diyos. Sa pamamagitan nito, pinahihintulutan nating kumilos sa buhay natin ang habag at awa ng Diyos. Sa pamamagitan nito, tinatanggap natin ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Diyos na nagdudulot ng pagbabago. 

Dahil sa habag at awa ng Diyos, palagi Niyang idinudulot sa ating lahat ang tunay na pag-asang sa Kaniya nagmumula. Ang lahat ng mga mabubuting bagay, malaki man o maliit, na nagaganap sa ating paligid, ay pinahintulutan Niyang maganap upang ang bawat isa sa atin ay mamulat sa tunay na pag-asang bunga ng Kaniyang habag at awa na tunay ngang dakila at kahanga-hanga.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento