Linggo, Marso 16, 2025

SA GITNA NG MGA HIRAP, SAKIT, AT DALAMHATI

11 Abril 2025 
Biyernes sa Ikalimang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda 
Jeremias 20, 10-13/Salmo 17/Juan 10, 31-42 


Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay nakatuon sa karanasan ng marami sa mga banal. Marami sa mga nasa hanay ng mga banal ay namatay bilang mga martir. Hindi nila isinuko ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Sa halip na manalig at umasa sa iba, ang Panginoon pa rin ang kanilang pinanaligan at inasahan. Gaano mang kahirap gawin ito dala ng mga matinding hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay sa lupa, sa Panginoong Diyos pa rin sila nanatiling tapat. 

Isang buod ng karanasan ng lahat ng mga propeta sa Lumang Tipan ang ibinahagi ni Propeta Jeremias sa Unang Pagbasa. Katulad ng mga propetang hinirang ng Diyos sa Lumang Tipan, naranasan ni Propeta Jeremias ang lahat ng mga inilarawan sa sarili niyang pahayag sa Unang Pagbasa. Nakaranas ng mga pag-uusig si Propeta Jeremias dahil sa kaniyang tungkulin bilang propeta ng Diyos. Ang pag-uusig sa lahat ng mga tapat na lingkod ng Diyos ay pinagtuunan ng pansin sa Salmong Tugunan. Pati na rin ang mismong Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno ay hindi naging ligtas mula sa mga matitinding pag-uusig sa kamay ng mga kaaway, gaya ng inilarawan sa salaysay na itinampok sa Ebanghelyo. Hindi naging matagumpay ang Kaniyang mga kaaway sa kanilang balak na Siya'y bauthin hanggang sa mamatay dahil ang takdang oras ay hindi pa sumasapit. 

Hindi ipinangako ng Panginoong Diyos na maliligtas mula sa mga matitinding hirap, sakit, pagsubok, tukso, at pag-uusig sa buhay sa daigdig ang lahat ng mga nananalig at umaaasa sa Kaniya nang taos-puso. Isa na itong bahagi ng buhay sa daigdig. Ang pangako ng Panginoong Diyos ay hindi Niya pababayaan. Lagi Niya silang sasamahan upang tulungan, palakasin, at ipagsanggalang. Patunay ito na ang Panginoon ay lagi nating mapagkakatiwalaan at maaasahan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento