PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO
UNANG WIKA (Lucas 23, 34):
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."
Larawan: Adriaen Backer (1635/1636–1684), The Elevation of the Cross (c. 1683). Amsterdam Museum. Public Domain.
Alam rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na hindi Siya tatanggapin ng marami sa sandaling dumating Siya sa daigdig. Bagamat ang dulot Niya sa tanan ay ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, marami pa rin ang magmamatigas ng kanilang mga puso at loobin sa Kaniya. Katunayan, inihayag ng ilan sa mga hula sa Lumang Tipan na makakaranas ng matitinding pagtatakwil at pag-uusig sa kamay ng mga kaaway ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Isang halimbawa nito ay ang pahayag tungkol sa Nagdurusang Lingkod ng Diyos na mababasa sa aklat ni Propeta Isaias. Sa halip na taos-pusong pagtanggap at pagmamahal ang ihandog sa Kaniya, galit at poot na napakatindi ang iginanti sa Kaniya.
Natupad ang mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan tungkol sa mga huling sandali ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa lupa, lalung-lalo na ang pahayag tungkol sa Nagdurusang Lingkod ng Diyos na mababasa ng lahat sa aklat ni Propeta Isaias, noong unang Biyernes Santo. Mula sa sandaling dinakip Siya ng mga kawal at bantay na padala ng Sanedrin sa Halamanan ng Hetsemani hanggang sa marating ang bundok ng Kalbaryo na pasan-pasan ang napakabigat na Krus na pinagpakuan sa Kaniya, walang tigil ang pangungutya sa Kaniya ng Kaniyang mga kaaway. Hindi nila magawa ito noong nangangaral Siya sa mga tao nang buong lakas. Subalit, noong si Jesus Nazareno ay mahinang-mahina na dala ng matinding paghahagupit sa Kaniya, hindi sila tumigil sa panlalait at pangungutya sa Kaniya. Kahit na nakapako na Siya sa Krus, gaya ng hiniling nila sa gobernador na si Poncio Pilato, hindi pa rin sila tumigil sa pangungutya. Ang panlalait, pagtutuya, paglilibak, at pangungutya laban kay Jesus Nazareno ay hindi pa rin tumigil. Walang awa nila itong ipinagpatuloy.
Marahil maitatanong natin ang Poong Jesus Nazareno kung pinagsisihan ba Niya ang pagparito Niya sa mundong ito noong unang panahon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Bilang tunay na Diyos, hindi naman Siya obligadong isagawa ito. Alam naman ito ng Poong Jesus Nazareno. Wala Siyang obligasyon sa sangkatauhan. Kung hindi Niya nais tubusin ang sangkatauhan, hindi Niya ito isasagawa. Subalit, bagamat wala Siyang obligasyong iligtas ang sangkatauhan, niloob pa rin Niya itong gawin.
Pinagsisihan ba ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang pasiyang iligtas ang sangkatauhan? Hindi. Ito ang dahilan kung bakit ang Kaniyang Unang Wika mula sa Krus ay isang panalangin para sa Kaniyang mga kaaway. Kahit na hindi tumigil ang Kaniyang mga kaaway sa panlilibak, panlalait, at pangungutya laban sa Kaniya, hindi hinangad ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na maparusahan at mapahamak silang lahat. Bagkus, habang nakabayubay sa Krus na walang kalaban-laban, nanalangin pa rin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na mamulat ang Kaniyang mga kaaway sa tunay na pag-asang kusang-loob Niyang idinudulot.
Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, kusang-loob pa ring ipinasiya ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno na idulot sa sangkatauhan ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya. Naisagawa ito ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi si Jesus Nazareno sa pamamagitan ng Kaniyang kusang-loob na pagligtas sa atin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento