Miyerkules, Marso 19, 2025

HAMON SA PASIYANG MANALIG AT UMASA

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA 
Ikatlong Hapis: Ang Paghahanap sa Batang Jesus Nazareno sa Templo (Lucas 2, 41-51) 


Ang Batang Poong Jesus Nazareno ay nawala sa piling nina San Jose at ng Mahal na Birheng Maria sa loob ng tatlong araw. Sa loob ng tatlong araw, ang Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay napuno ng matinding sakit, pait, hapdi, lungkot, hapis, at dalamhati. Hindi lamang siya napuno ng takot at bagabag. Puno rin siya ng matinding hapis at lungkot sa loob ng tatlong araw na ito.

Mukhang isang karaniwang kaganapan ang pagkawala ng Batang Jesus Nazareno, sa unang tingin. Sa tuwing magkakaroon ng malalaking pagtitipon ng mga tao, palaging inaabisuhan ang mga magulang na dadalo roon kasama ang kanilang mga anak na bantayan silang mabuti upang hindi sila mawala. Lagi ring sinasabihan ang mga bata ng kanilang mga magulang na laging dumikit sa kanila nang hindi sila magkahiwalay. 

Subalit, hindi pangkaraniwan ang kaganapang nagdulot ng sakit, hapis, at lungkot sa puso ng Mahal na Birheng Maria sa ikatlong pagkakataon. Tatlong araw na nawala sa kaniyang piling ang kaniyang minamahal na Anak na si Jesus Nazareno. Ang Batang Jesus Nazareno na tunay niyang inibig nang higit sa lahat ay hindi niya kapiling. Hindi naman niya pinabayaan ang Batang Jesus Nazareno. Iyon nga lamang, kahit na laging inalagaan at iningatan ang kaniyang Anak, nawala pa rin ang kaniyang Anak. 

Tiyak na labis na nahirapan ang Mahal na Birheng Maria na manalig at umasa dahil sa pagkabalisa, pangamba, takot, sakit, pait, hapdi, hapis, at lungkot. Kahit na naging Anak niyang minamahal ang bukal ng tunay na pag-asang si Jesus Nazareno, labis pa rin siyang nahirapang manalig at umasa nang taos-puso. Dahil sa tindi ng sakit, pait, hapdi, kirot, hapis, at lungkot dulot ng nasabing kaganapan, naranasan ng Mahal na Birheng Maria kung gaano kahirap manalig at umasa nang taos-puso. Lubos siyang nahirapan dahil sa hamong ito. 

Bagamat nahirapan nang lubusan ang Mahal na Birheng Maria dahil sa kaganapang ito, ipinasiya pa rin niyang manalig at umasa nang taos-puso. Nanalig at umasa pa rin siya sa kaniyang minamahal na Anak, ang bukal ng tunay na pag-asa. Ito ang tanging dahilan kung bakit sa gitna ng sakit, hapis, at lungkot ay natiyak ng Mahal na Birheng Maria na magkikita rin sila uli ng kaniyang minamahal na Anak. Hindi magtatagal ang hapdi, kirot, sakit, lungkot, at hapis. Mapapalitan rin ito ng tuwa at saya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento