Martes, Marso 18, 2025

BANTA LABAN SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL BA BIRHENG MARIA 
Ikalawang Hapis: Ang Pagtakas sa Ehipto (Mateo 2, 13-23) 


Unang inihayag ni Simeon sa Mahal na Inang si Mariang Birhen ang napakasakit na katotohanan tungkol sa misyon ng kaniyang minamahal na Anak na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang propesiyang ito ni Simeon ay nagdulot ng matinding sakit, kirot, hapis, at dalamhati sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa kauna-unahang pagkakataon. Bagamat naparito sa daigdig ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang ipalaganap ang tunay na pag-asa, hindi Siya tatanggapin ng lahat. 

Tiyak na naalala ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ang hula ni Simeon tungkol sa mangyayari sa kaniyang minamahal na Anak na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno sa mga sandaling inilarawan sa kaniyang Ikalawang Hapis. Labis ang hapis na dinala sa puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen habang tumatakas sila patungong Ehipto. Nanganganib ang buhay ng kaniyang minamahal na Anak, kahit na isang musmos na batang dalawang taong gulang o pababa (kung hindi na Siya isang sanggol na munti sa mga sandaling yaon). Hindi pa nga nag-uumpisa sa pagtupad ng Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang kaniyang Anak. 

Bagamat ang kaganapang ito ay ang Ikalawang Hapis ng Mahal na Birheng Maria, ito rin ay napakahalaga. Ang kaganapang ito ay isa ring napakahalagang sandali para sa Mahal na Birheng Maria sapagkat ito ang nagpapatunay na si Simeon ay nagsabi ng katotohanan sa kaniya noon. Unti-unting nagkakatotoo ang mga salitang binigkas ni Simeon sa kaniya sa Templo. Sa pamamagitan ng Pagtakas sa bansang Ehipto, unti-unting natutupad ang propesiyang binigkas ni Simeon tungkol sa tungkulin ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ibinigay ng Diyos sa tanan. Hindi dumating ang lahat ng mga sakit, lungkot, hapis, at dalamhati sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria sa isang bagsakan. Paunti-unti. 

Dahil sa banta ng haring si Herodes laban sa kaniyang minamahal na Anak na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno, lubusang nasaktan ang Mahal na Birheng Maria. Bagamat ang Kaniyang dulot sa lahat ay ang tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya, hindi pa rin Siya tinanggap ng marami. Mayroon pa ring mga gaya na lamang ni Haring Herodes na nagbanta laban sa Kaniya, kahit na bata pa lamang Siya. Subalit, ito ang simula. 

Kusang-loob na dumating sa lupa si Jesus Nazareno upang idulot sa lahat ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula dahil sa Kaniyang kagandahang-loob at pag-ibig. Subalit, kalupitan at kasamaan ang iginanti sa Kaniya ng nakararami. Dahil dito, labis na nasaktan ang Mahal na Birheng Maria. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento