Huwebes, Marso 20, 2025

ANG IGINANTI SA BUKAL NG TUNAY NA PAG-ASA

PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA 
Ikaapat na Hapis: Sa Daan patungong Kalbaryo 


Nagsimulang mag-iba ang lahat para sa Mahal na Birheng Maria sa pamamagitan ng kaniyang Ikaapat na Hapis. Kung ang mga unang tatlong Hapis ng Mahal na Birheng Maria ay naganap sa iba't ibang yugto ng kabataan ng kaniyang minamahal na Anak, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, naganap ang mga susunod na Hapis ng Mahal na Birheng Maria sa loob lamang ng isang araw simula sa kaniyang Ikaapat na Hapis. Sa unang Biyernes Santo naganap ang kaniyang mga sumunod na Hapis. Maaari nating ituring na pinakamahabang araw para sa Mahal na Birheng Maria ang araw na yaon. 

Kung sa mga unang tatlong pagkakataong napuspos ng hapis ang kaniyang puso ay mayroon siyang nagawa kasama ang kaniyang minamahal na kabiyak ng pusong si San Jose upang ipagtanggol ang Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa iba't ibang panganib, simula sa sandaling ito na naging dahilan kung bakit ang kaniyang Kalinis-linisang Puso ay napuspos ng hapis sa ikaapat na pagkakataon, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay hindi niya maipagtanggol at mailayo mula sa panganib. Sa kabila ng tapat at matamis na pag-ibig ng Mahal na Birheng Maria para sa kaniyang Anak, hindi siya makakakilos upang iligtas at ipagtanggol ang kaniyang Anak. Iyon ay dahil bahagi ito ng misyon ng kaniyang Anak bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Batid ng Mahal na Inang si Mariang Birhen na higit pa sa mabuti ang hatid at dulot ng kaniyang minamahal na Anak na si Jesus Nazareno. Subalit, noong nagkatagpo ang Mahal na Inang si Mariang Birhen at ang kaniyang Anak na lubos niyang iniibig na pasan-pasan ang Krus sa daan patungong Kalbaryo, nasaksihan at narinig niya kung ano ang iginanti ng nakararami sa hatid at dulot ng kaniyang Anak na dumating sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kusang-loob na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan. Hindi taos-pusong pasasalamat ang inialay sa Kaniya kundi walang tigil na pangungutya, panlilibak, at pagtatakwil. Katunayan, ipinapapatay nga Siya. Ang Krus ay pinasan dahil hinatulan Siya ng kamatayan. 

Labis na nasaktan ang Mahal na Birheng Maria dahil ipinasiya ng marami na huwag imulat ang sarili sa kagandahan ng hatid at dulot ng kaniyang Anak na minamahal na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Alam ng Mahal na Birheng Maria na ang Poong Jesus Nazareno ay naparito sa lupa upang idulot at ihatid sa lahat ang biyaya ng tunay na pag-asa na nagmumula lamang sa Kaniya. Binuksan pa nga ng Mahal na Birheng Maria ang kaniyang puso sa biyayang ito na ibinigay ng kaniyang Anak na lubos niyang minamahal. Subalit, hindi ito ginawa ng marami. Dahil dito, napuspos ng sakit, hapdi, lungkot, hapis, at dalamhati ang puso ng Mahal na Birheng Maria. 

Isa lamang ang pakiusap sa atin ng Mahal na Inang si Mariang Birhen - buksan ang ating mga puso at sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang dulot ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa tanan. Huwag nating patigasan ang ating mga puso sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento