Huwebes, Marso 6, 2025

PAGDATING NG TUNAY NA PAG-ASA

16 Marso 2025 
Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay (K) 
Genesis 15, 5-12. 17-18/Salmo 26/Filipos 3, 17-4, 1 (o kaya: 3, 20-4, 1)/Lucas 9, 28b-36


"Pinag-usapan [nina Hesus, Moises, at Elias] ang nalalapit na pagpanaw ni Hesus na magaganap sa Herusalem" (Lucas 9, 31). Isa itong natatanging detalye na mababasa lamang sa salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ni San Lucas. Matatagpuan sa Ebanghelyo nina San Mateo, San Marcos, at San Lucas ang salaysay ng kaganapang ito sa buhay ng Poong Jesus Nazareno sa lupa. Subalit, tanging si San Lucas lamang ang nagsulat tungkol sa paksa ng usapan sa pagitan ng dalawang dakilang panauhin mula sa Matandang Tipan na sina Moises at Elias at ang ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. 

Taun-taon, tuwing sasapit ang Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, laging itinatampok sa Ebanghelyo para sa liturhikal na pagdiriwang ng Inang Simbahan ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ni Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, muling isinesentro ang ating mga pansin sa tunay na pagkakilanlan at misyon ni Jesus Nazareno. Mayroong dahilan kung bakit si Jesus Nazareno ay dumating sa mundong ito. Hindi dumating sa mundong ito si Jesus Nazareno bilang isang turista. 

Sa salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Jesus Nazareno na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo, ang Amang nasa langit ay nagsalita muli upang ipakilala muli ang Kaniyang Bugtong na Anak at ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Hindi lamang isang taong puno ng karunungan at mahusay magsalita sa madlang tao ang Panginoong Jesus Nazareno. Bagkus, Siya mismo ay ang Bugtong na Anak ng Diyos. Iyon nga lamang, ano nga ba talaga ang ginagawa Niya sa mundong ito? 

Katulad ng nabanggit sa salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo ayon kay San Lucas na itinampok sa Ebanghelyo para sa liturhikal na pagdiriwang ng Simbahan, naparito Siya upang ihandog ang Kaniyang buong sarili sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo at mabuhay na mag-uli sa ikatlong araw upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay Kaniyang dinulutan ng tunay na pag-asang galing lamang sa Kaniya. Dahil sa dakila Niyang habag at awa, ginawa Niya ito nang kusang-loob, kahit na hindi naman kailangan. 

Sa Unang Pagbasa, ang Panginoong Diyos ay nakipagtipan kay Abram na kalaunan ay bibigyan Niya ng isang bagong pangalan - Abraham. Inihayag ng Panginoong Diyos kay Abraham na Kaniyang lingkod ang Kaniyang habag at awa sa pamamagitan nito. Naidulot ng Panginoong Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng tipang binuo Niya sa pagitan Niya at ng Kaniyang lingkod na si Abraham ang bunga ng Kaniyang dakilang habag at awa na walang iba kundi ang biyaya ng tunay na pag-asa tanging sa Kaniya lamang nagmumula. Sa Salmong Tugunan, ipinakilala ng tampok na mang-aawit ang Diyos bilang tanglaw at kaligtasan. Buong linaw niyang inilarawan sa bawat kataga o taludtod ng nasabing papuring awitin ang dahilan kung bakit ang Diyos ay lagi nating maaasahan. Hindi Niya tayo bibiguin 'pagkat Siya mismo ang bukal ng tunay na pag-asa. Sa Ikalawang Pagbasa, isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral sa pinakadakilang biyayang kaloob sa atin ng Diyos. Dahil sa habag at awa ng Diyos, ang bawat isa sa atin ay mayroong pag-asang makapiling Siya sa Kaniyang maluwalhati at walang hanggang kaharian sa langit magpakailanman. Ang lahat ng ito ay dahil sa Kaniyang pasiyang iligtas tayo sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. 

Dahil sa habag at awa ng Diyos, kusang-loob Niyang ipinasiyang ipagkaloob sa atin ang biyaya ng tunay na pag-asa. Ang biyayang ito ay dumating sa mundong ito nang sumapit ang takdang panahon sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento