PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
Ikapito at Huling Hapis: Ang Paglilibing kay Jesus Nazareno
(Mateo 27, 59-60; Marcos 15, 46-47; Lucas 23, 54-56; Juan 19, 41-42)
Hindi biro ang dami ng mga pinagdaanan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen noong unang Biyernes Santo. Ang dami niyang pinagdaanan, tiniis, at binata sa loob lamang ng isang araw - ang unang Biyernes Santo. Kaya naman, maaaring ituring ang unang Biyernes Santo bilang pinakamahabang araw sa buhay ng Mahal na Birheng Maria sa lupa. Tila walang tigil ang pagtarak ng balaraw sa Puso niyang Kalinis-linisan. Kung ating bibilangin ang mga sandaling nagdulot ng hapis sa kaniyang puso, apat ang mga nasabing sandali. Ang kaniyang mga unang tatlong Hapis ay may agwat. Subalit, sunod-sunod ang kaniyang mga huling apat na Hapis at tila walang tigil ito.
Nasaksihan ng Mahal na Birheng Maria kung paanong ang Poong Jesus Nazareno ay labis na nahirapan sa pagpasan ng Kaniyang Krus. Bugbog sarado at puspos ng mga pasa, sugat, at dugo ang Katawan ng kaniyang Anak. Agad na sumunod ang pagpako sa Kaniya sa Krus na Kaniyang pinasan mula sa Herusalem patungong Kalbaryo. Sa bundok ng Kalbaryo, namatay ang kaniyang Anak na nakapako sa Krus. Ibinaba ang walang buhay na Katawan ng minamahal niyang Anak. Pagkatapos nito, inilibing ang kaniyang minamahal na Anak. Ang daming nangyari. Tila walang tigil ito.
Bagamat puspos ng hapis at dalamhati ang kaniyang puso, hindi iniwan, tinalikuran, at pinabayaan ng Mahal na Birheng Maria ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Hindi niya hinayaang pigilin siya ng hapis, lungkot, at dalamhati na umasa. Ang tahimik na pakikiisa ng Mahal na Birheng Maria sa pagtitiis at pagbabata ng maraming hirap at sakit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno hanggang sa sandaling pumanaw Siya sa Krus sa Kalbaryo ay patunay ng pagtanggap niya sa biyaya ng tunay na pag-asang dulot ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa tanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento