14 Abril 2025
Mga Mahal na Araw - Lunes Santo
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11
Larawan: Giovanni Battista Cima da Conegliano (1459–1517), Lamentation over the Dead Christ (c. 1504), Galleria Estense, Public Domain.
Ang Ebanghelyo para sa Lunes Santo ay tungkol sa pagpapahid ng langis sa mga paa ni Jesus Nazareno. Ang mga paa ni Jesus Nazareno ay pinahiran ng isa sa dalawang kapatid na babae ni San Lazaro na si Santa Maria na taga-Betania. Ang isinagawang pagpapahid ng mamahaling langis sa mga paa ni Jesus Nazareno ay pinagtuunan ng galit at inis ni Hudas Iskariote.
Ipinagtanggol ng Mahal na Poong Jesus Nazareno si Santa Maria na taga-Betania na kapatid ng minamahal Niyang kaibigang si San Lazaro at Kaniya ring kaibigan mula sa galit at inis ni Hudas Iskariote. Batid ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang tunay na dahilan kung bakit ito ginawa ni Santa Maria na taga-Betania. Sa pamamagitan ng pagpapahid ng mamahaling langis sa Kaniyang mga paa, inihayag ni Santa Maria na taga-Betania na tunay nga siyang nananalig at umaaasa sa Mahal na Poong Jesus Nazareno nang lubusan.
Sa Unang Pagbasa, ipinakilala ng Panginoong Diyos ang ipinangakong Mesiyas. Ang ipinangakong Mesiyas ay kusang-loob Niyang ipagkakaloob sa lahat ng tao nang sa gayon ay maidulot at maipalaganap Niya ang tunay na pag-asang tanging sa Kaniya lamang nagmumula. Ipinakilala rin ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas bilang tanglaw at kaligtasan. Tinupad ng Panginoong Jesus Nazareno ang lahat ng mga pahayag na ito tungkol sa Kaniya nang dumating Siya sa mundo.
Kusang-loob na dumating ang Nuestro Padre Jesus Nazareno upang idulot sa tanan ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagtubos sa atin. Gaya ni Santa Maria na taga-Betania, buksan natin ang ating mga sarili sa biyaya ng tunay na pag-asang nagmumula lamang sa Kaniya at buong puso itong tanggapin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento