Miyerkules, Marso 26, 2025

PAGKAKATAONG MANALIG AT UMASA MULI

15 Abril 2025 
Mga Mahal na Araw - Martes Santo 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 

Itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang pahayag ng Panginoong Jesus Nazareno tungkol sa gagawin ng dalawa sa Kaniyang mga alagad sa mga nalalabing sandali ng Kaniyang buhay. Buong linaw na inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno sa kauna-unahang pagkakataon ang isasagawang pagkakanulo sa Kaniya ni Hudas Iskariote at ang tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro. 

Tunay ngang nakakagulat ang pahayag ng Poong Jesus Nazareno tungkol sa tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro. Si Apostol San Pablo ay hinirang at itinalaga ng Poong Jesus Nazareno upang maging unang Santo Papa ng Simbahang Kaniyang itinatag. Matapos italaga siya ng Poong Jesus Nazareno bilang unang Santo Papa ng Kaniyang Simbahan, sa halip na ipagtanggol ang Poong Jesus Nazareno at tumindig para sa Kaniya, tatlong ulit niyang ipagkakaila ang Poong Jesus Nazareno. Hindi niya magawang tumindig para sa Poong Jesus Nazareno dahil sa tindi ng takot. 

Parang kay dali para kay Apostol San Pedro na ibaon sa limot ang kaniyang ugnayan sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na binuo sa loob ng tatlong taon. Katunayan, ang dahilan kung bakit "Pedro" ang kaniyang pangalan ay dahil sa Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang ibig sabihin ng pangalang "Pedro" ay "bato." Iyon nga lamang, hindi kasintatag ng bato si Apostol San Pablo habang nagaganap ang Mahal na Pasyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa halip na maging kasintatag ng bato, katulad ng ipinapahiwatig ng kahuluganng kaniyang pangalan, sa mga sandaling yaon, nabahag ang kaniyang buntot at naging kasinlambot ng balahibo. 

Bagamat ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay naparito upang idulot sa tanan ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng pagtupad sa pangako ng Diyos na inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa at ng mga salita ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan, nahirapan si Apostol San Pedro na umasa sa Kaniya. Nagpadala siya sa takot. Hindi natin masisi si Apostol San Pedro sa kaniyang ginawa sa mga sandaling yaon dahil walang sinumang tao sa daigdig na ito ang hindi matatakot at masisindak kapag sila'y nalagay sa ganyang sitwasyon. Likas na ito sa atin bilang mga tao. 

Hindi madaling manalig at umasa sa Panginoong Diyos, lalung-lalo na sa mga sandali ng mga matitinding hamon at pagsubok sa buhay sa lupa. May mga pagkakataon sa buhay kung kailan magpapadala tayo sa tindi ng takot at kahinaan. Kakalimutan ang ugnayan sa Panginoong Diyos nang ganoon na lamang. Parang kay dali naman itong gawin. Ang hirap manalig at umasa sa Panginoong Diyos. 

Alam ng Diyos na may mga pagkakataon sa pansamantala nating pamumuhay sa lupa na kakalimutan at tatalikuran natin Siya dahil sa iba't ibang mga dahilan. Subalit, hindi Siya nawawalan ng pag-asa. Bilang bukal ng tunay na pag-asa, kusang-loob na ibinabahagi at ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ang dakilang biyayang ito. Palagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataong manalig at umasa sa Kaniya. Buksan natin ang buo nating puso at sarili sa Kaniya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento