PAGNINILAY SA PITONG HAPIS NG MAHAL NA BIRHENG MARIA
Unang Hapis: Ang Hula ni Simeon (Lucas 2, 34-35)
Larawan: Martín Gómez the Elder (1500–1562), Presentación del Niño Jesús en el templo (c. 1550), Museo Diocesano de Cuenca, Public Domain.
Nang sumapit ang panahong itinakda, kusang-loob na ipinasiya ni Jesus Nazareno na dumating sa mundo upang ipalaganap ang biyaya ng tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Hindi Siya napilitang gawin ito. Bukal sa Kaniyang kalooban ang Kaniyang pagdating sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang sa pamamagitan ng Kaniyang misyon ay maidulot at maipalaganap Niya sa lahat ng tao ang tunay na pag-asang sa Kaniya lamang nagmumula. Subalit, kahit na mabuti ang hangarin ni Jesus Nazareno, hindi Siya tinanggap ng nakararami.
Ang hula ni Simeon ay nakasentro sa napakasakit na katotohanan tungkol sa misyon ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Kahit na mabuti ang Kaniyang hangarin at sadya, hindi pa rin tatanggapin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ng marami. Mayroon pa ring mga magsasara ng kanilang mga puso at magtatakwil sa Kaniya. Katunayan, ang buhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay paulit-ulit na pagtatangkaan hanggang sa sandaling ipako Siya sa Krus na Banal sa Kalbaryo. Dahil sa katotohanang ito, ang Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen ay napuspos ng hapis at dalamhati sa unang pagkakataon. Labis siyang nasaktan dahil sa katotohanang ito.
Kung sino pa yaong may mabuting hangarin, sila pa yaong hindi tatanggapin. Sila pa yaong itatakwil at pagtatangkaan. Ang kapalit ng mabuting hagarin ay pagtatakwil at mga banta. Napakasakit at nakakalungkot. Hindi biro ang sakit, lungkot, dalamhati, at hapis dulot ng katotohanang ito.
Mabuti ang hangarin at pakay ng Poong Jesus Nazareno. Katunayan, higit pa nga ito sa mabuti. Banal ang Kaniyang hangarin at pakay sa mundong ito. Subalit, ang naging kapalit nito ay pagtatakwil at pagbabanta sa Kaniyang buhay. Ang lahat ng mga ito ay humantong sa Kaniyang kamatayan sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo. Ito ang tanging dahilan kung bakit Sanggol pa lamang ang Poong Jesus Nazareno ay puspos na ng hapis at dalamhati ang puso ni Maria. Batid niya kung ano ang mangyayari sa Anak niyang minamahal pagdating ng araw.
Sa kabila ng kabutihan at kabanalang ipinakita ng Diyos, ang bukal ng tunay na pag-asa, sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno, mayroon pa ring mga nagpapasiyang magmatigas. Nakakalungkot at napakasakit.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento