Biyernes, Marso 7, 2025

KAHIT MAHIRAP

19 Marso 2025 
Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Puso ng Mahal na Birhen 
2 Samuel 7, 4-5a. 12-14a. 16/Salmo 88/Roma 4, 13. 16-18. 22/Mateo 1, 16. 18-21. 24a (o kaya: Lucas 2, 41-51) 



Ang araw na ito ay isa sa dalawang araw na inilaan ng Inang Simbahan sa buong taon upang ang kabanalan ni San Jose ay gunitain at ipagdiwang. Nakasentro sa pagiging kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria ang Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa karangalan ni San Jose sa araw na ito. Buong kababaang-loob niyang tinanggap ang misyong bigay sa kaniya ng Diyos. Hinirang at itinalaga ng Diyos si San Jose upang maging kabiyak ng puso ng Mahal na Birheng Maria at ama-amahan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno.

Walang naitalang salita si San Jose sa mga salaysay sa Ebanghelyo tungkol sa mga kaganapan sa buhay ni Jesus Nazareno kung saang kabilang siya sa mga tampok na panahuin. Gaya na lamang ng isa sa mga salaysay na itinampok sa Ebanghelyo. Isa sa dalawang salaysay na maaaring pagpilian upang ipahayag ng mga pari o diyakono sa Ebanghelyo para sa liturhikal na pagdiriwang sa Dakilang Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ay ang salaysay ng pagpapakita ng isang anghel ng Panginoon kay San Jose sa isang panaginip. Matapos ibalita sa kaniya ng nasabing anghel mula sa langit na hinirang at itinalaga siya ng Diyos upang maging minamahal na kabiyak ng puso ni Maria at ama-amahan ni Jesus Nazareno, walang binigkas na salita si San Jose bilang tugon. Bagkus, nasasaad sa nasabing salaysay na tinupad at sinunod niya agad ang utos at loobin ng Diyos. O 'di kaya sa isa pang salaysay na itinampok sa Ebanghelyo kung saan nawala sa loob ng tatlong araw ang Batang Jesus Nazareno. Ni minsan ay nagsalita si San Jose. Bagkus, tahimik niyang sinamahan at tinulungan ang Mahal na Inang si Mariang Birhen sa paghahanap sa Batang Poong Jesus Nazareno. 

Tahimik lamang si San Jose. Walang naitalang salita si San Jose sa Ebanghelyo. Hindi nagsalita si San Jose kahit minsan lamang. Subalit, sa katahimikan, isinabuhay ni San Jose ang kaniyang pasiyang manalig at umasa sa Diyos nang taos-puso. Sa kabila ng mga hirap at pagsubok sa buhay, ipinasiya niyang manalig at umasa sa Panginoong Diyos. Ipinagkatiwala niya sa Diyos ang buo niyang sarili. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa propetang Kaniyang hinirang at itinalaga na si Natan ang Kaniyang pangako kay Haring David. Tinupad nga Niya ito noong si Haring Solomon na isa sa mga anak ni Haring David ang pumalit sa kaniya bilang hari ng Israel. Pagdating ng takdang panahon, nagmula rin sa angkan ni Haring David ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Amang nasa langit na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Hari ng mga Hari. Buong linaw na inihayag ng tampok na mang-aawit sa mga taludtod ng kaniyang papuring awit na inilahad sa Salmong Tugunan ang kaniyang taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa bukal ng tunay na pag-asa na walang iba kundi ang Diyos. Itinampok ang dakilang patriarkang si Abraham sa pangaral ni Apostol San Pablo ukol sa pananalig at pag-asa sa Diyos na inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Bilang mga Kristiyano, dapat manalig at umasa tayo sa Diyos nang taos-puso, gaano mang kahirap gawin ito. 

Itinuturo ni San Jose kung kanino tayo dapat manalig at umasa sa bawat sandali ng ating buhay sa lupa - ang Diyos. Hindi tayo bibiguin ng Diyos. Ang Diyos ay lagi nating mapagkakatiwalaan at maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay sa mundo dahil Siya ang bukal ng tunay na pag-asa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento