Lunes, Hunyo 29, 2015

SAN PEDRO AT SAN PABLO APOSTOL: DALAWANG DAKILANG MARTIR NA NAMATAY PARA SA SIMBAHAN

Hunyo 29, 2015
Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo (B)
Mga Gawa 12, 1-11/Salmo 33/2 Timoteo 4, 6-8. 17-18/Mateo 16, 13-19 


Sina San Pedro at San Pablo Apostol ay kilala bilang mga haligi ng Simbahan. Ang dalawang Santong ito ay ang dakilang santo ng Inang Simbahan. Buong katapangan at katapatan ipinangaral ang Mabuting Balita ni Hesukristo sa bawat dako hanggang sa araw ng kanilang kamatayan. Ayon sa tradisyon, magkaparehas ang araw ng kanilang kamatayan. Marahas na kamatayan ang dinanas ng dalawang santong ito - si San Pedro Apostol ay ipinako sa krus nang patiwarik, sapagkat hindi siya karapat-dapat mamatay katulad ni Kristo; si San Pablo Apostol naman ay pinugutan ng ulo. 


Maraming pagkakataon sa kani-kanilang mga buhay kung saan nakaranas sina Apostol San Pedro at San Pablo ng karahasan. Ilang ulit silang dinakip ng mga autoridad, at ilang ulit silang binalak patayin, katulad ng ibang mga apostol ni Kristo. Subalit, nanatili silang matatag sa kanilang pananampalataya sa Diyos at patuloy na ipinangaral ang Mabuting Balita hanggang sa kanilang pagpanaw. 

Sa Unang Pagbasa, mapapakinggan natin na idinakip si San Pedro Apostol ni Haring Herodes. Bago dinakip si San Pedro Apostol, pinagbitay niya si Santiago Apostol, ang kapatid ni San Juan Apostol. Paano binitay ni Haring Herodes si Santiago Apostol? Pinugutan ang ulo ni Santiago Apostol. Napakarahas ang kamatayang dinanas ni Santiago Apostol. Hindi lang iyon ang binalak ni Haring Herodes. Binalak niyang usigin at patayin ang mga apostol. Gusto niyang wasakin ang Simbahang itinatag ni Kristo dito sa mundo. 

Binalak ni Haring Herodes na iharap si San Pedro Apostol sa bayan kinabukasan. Subalit, hindi iyon natuloy. Bakit? Ipinadala ng Panginoon ang Kanyang anghel mula sa langit upang itakas si Pedro mula sa kagipitan at pag-uusig ni Haring Herodes. Hindi pa iyon ang panahon kung kailan magwawakas ang buhay ni San Pedro Apostol. Marami pa siyang kailangang gawin. 

Nakaranas din si San Pablo Apostol ng mga karahasan sa kanyang buhay. Noong siya ay nasa Listra, pinalakad niya ang isang lumpo. Akala ng mga taga-Listra na sina San Pablo at San Bernabe na sila ay mga diyos ng mga Griego. Kaya, sinamba ng mga taga-Listra sina San Pablo at San Bernabe. Ngunit, isang araw, dumating ang ilang Hudyo mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga tagaroon para batuhin nila sina San Pablo Apostol at San Bernabe. Binato nila si San Pablo Apostol hanggang sa akala nilang patay na siya. Ngunit nang pinalagiran na ng mga alagad si San Pablo Apostol, tumindig siya nang buhay (Mga Gawa 14, 8-20). 

Inamin din ni Apostol San Pablo na limang ulit siyang hinagupit ng mga Hudyo sa kanyang ikalawang Sulat sa mga taga-Corinto. Sinabi niyang tatlumpu't siyam ulit siyang hinampas ng mga Hudyo bawat pagkakataon. Limang pagkakataon siyang hinagupit at hinampas. Minsan din siyang binato, at tatlong ulit siyang hinagupit ng mga Romano (2 Corinto 11, 24-26).

Humantong ang kanilang paglilibot sa mundo upang ipalaganap ang Mabuting Balita sa kanilang kamatayan. Marahas ang paraan ng kamatayang dinanas ng dalawang dakilang apostol at martir ng Simbahan. Si San Pedro Apostol ay ipinako sa krus nang patiwarik. Hiniling iyon ni San Pedro Apostol sa mga autoridad sapagkat para sa kanya, hindi siya karapat-dapat mamatay katulad ng Panginoong Hesukristo. Si San Pablo Apostol naman ay pinugutan ng ulo ng mga Romano. 

Sa kabila ng mga karahasang dinanas nila, nanatiling tapat sina San Pedro at San Pablo Apostol sa kanilang tungkulin bilang mga apostol ni Kristo. Ipinalaganap at ipinangaral nila sa lahat ng dako ang Mabuting Balita. Marami ang naging Kristiyano dahil sa mga pangangaral ng mga apostol, lalung-lalo na nina San Pedro at San Pablo Apostol. Dahil doon, marami ang piniling maging martir para sa pananampalataya kaysa itakwil si Kristo. 

Tunay ngang mga dakilang apostol at martir sina San Pedro at San Pablo Apostol. Dahil sa paghirang ni Hesus sa kanilang dalawa, naipalaganap sa daigdig ang Mabuting Balita. Magkaiba ang pamamaraan ng paghirang ni Hesus kina Apostol San Pedro at San Pablo. Subalit, hinirang silang dalawa ni Hesus para sa kaisa-isang misyon - ipalaganap sa daigdig ang Mabuting Balita. Laganap na sa daigdig ang Mabuting Balita ng Panginoon at ang Simbahang itinatag ni Kristo. Sapagkat pandaigdigan ang misyon ng Simbahan - ang pagpapahayag at pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng kaligtasan. 

Sabado, Hunyo 27, 2015

MANALIG SA DAKILANG KAPANGYARIHAN NG PANGINOON

Hunyo 28, 2015
Ikalabintatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Karunungan 1, 13-15; 2, 23-24/Salmo 29/2 Corinto 8, 7. 9. 13-15/Marcos 5, 21-43 (o kaya: 5, 21-24. 35b-43) 



Pananalig. Ito ang tema ng ating Ebanghelyo ngayong araw ng Linggo. Pananalig ang dahilan kaya nakagawa si Hesus ng dalawang himala sa salaysay ng ating Ebanghelyo ngayong araw ng Linggo. Sa mahabang Pagbasa ng Ebanghelyo natin ngayon, pinagaling ni Hesus ang isang babaeng dinudugo sa loob ng labindalawang taon, at muli Niyang binuhay ang anak ni Jairo. Ipinahihiwatig ng Ebanghelyo ngayong Linggo na malaki ang maitutulong ng pananalig sa ating pagluhog sa Panginoon. Pananalig ang susi upang tulungan tayo ng Panginoon.

Sa mahabang Pagbasa ng ating Ebanghelyo, mapapakinggan natin sa unang bahagi na may isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. Marami siyang napuntahang mga doktor o manggagamot, subalit hindi siya gumagaling. Sa loob ng labindalawang taon, pumupunta siya sa mga manggagamot, ngunit hindi kayang pagalingin ng mga manggagamot ang kanyang sakit. 

Noong nabalitaan Niyang dumadaan ang Panginoong Hesus sa kanilang lugar, nagkaroon Siya ng pag-asa. Umasa ang babaing papagalingin siya ng Panginoong Hesus. Subalit, napakalaki ang bilang ng mga taong pumupunta at sumusunod sa Kanya. Papunta sina Hesus at ang mga alagad sa bahay ni Jairo upang pagalingin ang kanyang anak. Habang papunta sila, napakarami ang mga taong sumusunod kay Hesus. Nagsisiksikan at nagtutulakan ang mga tao dahil kay Hesus. 

Hindi magiging madali para sa babae na gumaling. Subalit, determinado siyang gumaling. Malaki ang kanyang pananalig na siya ay gagaling dahil kay Kristo. Sabi niya sa sarili, "Mahawakan ko lamang ang tela ng Kanyang damit, gagaling na ako." Napakalaking pananalig ang ipinakita ng babaing ito. Hindi na mahalaga para sa kanya na hilingin sa Panginoon na pagalingin siya. Nananalig siyang pagagalingin siya ng kapangyarihan ni Hesus, kahit mahawakan lamang ang tela ng kanyang damit. 

Naramdaman ni Hesus na may kapangyarihang nawala sa Kanya. Alam Niyang may humipo sa Kanya. Hindi Niya naramdaman iyon noong nagsisiksikan ang mga tao sa Kanya. Subalit, alam Niyang isa sa mga sumusunod sa Kanya ang humipo sa Kanya. Nawala pa nga ang Kanyang kapangyarihan dahil may humipo sa Kanya. Sa dinami-dami ng mga nagsisiksikan at nagtutulakan sa Kanya, alam ng Panginoong Hesus na may humawak sa Kanya. Dahil sa paghipo sa Kanya, naramdaman ni Hesus na nawala ang Kanyang kapangyarihan.

Umamin ang babae na siya nga ang humawak kay Kristo. Alam niyang siya ay pinagaling ng kapangyarihan ni Kristo, kahit hindi siya nagpaalam o dumulog sa Kanya na pagalingin siya. Nakita ng Panginoon ang malalim na pananalig ng babaeng ito. Gumaling ang babaing ito dahil sa kanyang pananalig na siya'y pagagalingin ng kapangyarihan ni Kristo. Kahit hindi siya sumamo kay Kristo na pagalingin ang kanyang karamdaman. Nananalig siya na kahit mahawakan lamang niya ang tela ng damit ni Kristo, gagaling siya. 

Noong nabalitaan ni Jairo na patay na ang kanyang anak, nawalan na siya ng pananalig. Sabi nga ng mga dumating sa bahay ni Jairo na inaaksaya lamang niya ang oras ng Panginoong Hesukristo. Wala nang dahilan pa para papuntahin si Hesukristo sa kanyang bahay. Binawian ng buhay ang anak ni Jairo. Masakit man para kay Jairo na tanggapin ang katotohanan, tinanggap niya ang katotohanang ito at nawalan siya ng pananalig. Nang marinig ito ni Hesus, nilakasan Niya ang loob ni Jairo at sinabihang manalig lamang siya at mabubuhay ang kanyang anak. 

At noong dumating na sina Hesus at Jairo sa tahanan ni Jairo, muling binuhay ni Hesus ang anak ni Jairo. Sa isang utos ni Hesus sa bata, dumilat ang mga mata ng dalagita at tumindig siya sa harapan nina Jairo at ng kanyang mga kamag-anak. Ang hapis at kalungkutan ni Jairo at ng kanyang pamilya ay nawala na. Muling binuhay ni Hesus ang anak ni Jairo. 

Napakalaki ng makakagawa ng pananalig natin sa Diyos. Kinakailangan nating magkaroon ng pananalig sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ito ang kauna-unahang hakbang upang makamtan natin ang tulong ng Diyos. Dinirinig at dinidinggin ng Panginoon ang mga dalangin ng mga nananalig sa Kanya. Ang pananalig sa Diyos ang susi upang pakinggan at tugunan ng Panginoon ang ating mga pagsamo at pagdalangin sa Kanya. Hinding-hindi Niya binibigo ang mga taong may pananalig sa Kanya. 

Linggo, Hunyo 21, 2015

SAN JUAN BAUTISTA: IPINAHAYAG ANG KAGILIWAN NG DIYOS SA ABANG SANLIBUTAN

Hunyo 24, 2015
Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista (ABK) 
Isaias 49, 1-6/Samo 138/Mga Gawa 13, 22-26/Lucas 1, 57-66. 80 



Isang napakagandang pagdiriwang ang ipinagdiriwang ng Simbahan ngayon - ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista. Ano ang kahalagahan ni San Juan Bautista sa buhay ni Kristo at sa buhay ng Simbahan? Si San Juan Bautista ang tagahanda ng daraanan ng Mesiyas, ang huling propeta bago ang pagdating ni Kristo. Hinanda niya ang daraanan ni Kristo. 

Buong buhay nangaral si San Juan Bautista sa Ilog Jordan tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Tinawagan niya ang mga Israelita na tumalikod sa kasamaan at magpabinyag bilang tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos at upang maging handa sila para sa pagdating ng Mesiyas. Bakit siya nangaral tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos? Ang kahulugan ng kanyang pangalan ang dahilan kaya si San Juan Bautista ay nangaral tungkol sa pagsisisi at nagbibinyag - Magiliw ang Diyos

Ang Diyos ang pumili at humirang kay San Juan Bautista upang maging tagapaghanda ng daraanan ng Panginoong Hesukristo. Pinili at hinirang si San Juan Bautista upang mangaral tungkol sa pagsisisi at magbinyag ng mga tao bilang paghahanda sa pagdating ng Panginoong Hesukristo. Hindi nangangaral at nagbibinyag si San Juan Bautista dahil sa kanyang sariling autoridad. Hindi nanggaling sa kanyang sarili ang karapatang iyon. Ibinigay kay San Juan Bautista ng Diyos ang karapatang iyon. 

Pinili at hinirang ng Diyos si San Juan Bautista bilang tagapaghanda ng daraanan ng Mesiyas, si Hesus. Kagustuhan ng Diyos ang maihanda ang bayang Israel para sa pagdating ng Panginoon. Tinatawag ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ni Juan Bautista upang magsisi at magbalik-loob sa Diyos. Ipinapahayag ng Diyos sa pamamagitan ni Juan Bautista ang Kanyang kagiliwan sa santinakpan. Ayaw Niyang manatiling makasalanan ang sangkatauhan. 

Nangaral din si San Juan Bautista tungkol kay Hesus. Si Hesus ang tinutukoy ni San Juan Bautista noong sinabi niyang may isang higit na dakila kaysa sa kanya ang darating. Sinabi pa ni Juan Bautista na hindi siya karapat-dapat na magkalag ng tali ng sandalyas ni Hesukristo. Dagdag ni Juan Bautista, nagbibinyag siya sa tubig para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, ngunit iba ang binyag ni Hesus. Si Hesus ay magbibinyag sa pamamagitan ng Espiritu Santo at sa apoy. 

At noong makita ni San Juan Bautista ang Panginoong Hesukristo na dumadaan sa lugar, ipinakilala niya ang Panginoong Hesukristo bilang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Dagdag pa ni San Juan Bautista, si Hesus ang higit na dakila na susunod sa kanya. Sa pamamagitan ng pagturo kay Hesus, ipinakilala sa buong sanlibutan ang Mesiyas. Ipinahayag ni San Juan Bautista na dumating na ang Diyos ng kagiliwan dito sa sansinukob. 

Kay San Juan Bautista rin nanggaling ang mga katagang, "Kinakailangang si Hesus ay maging dakila, at ako nama'y mababa." (Juan 3, 30) Alam ni San Juan Bautista ang kanyang misyon - ipahayag ang kagiliwan ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos at pagbibinyag sa mga taong nagsisisi bilang paghahanda para sa pagdating ni Kristo. Hindi nainggit si San Juan Bautista na mas dumami pa ang mga tagasunod ng Panginoon kaysa sa kanya. Alam ni Juan Bautista na higit na dakila kaysa sa kanya si Kristo. Tagapaghanda lamang si Juan Bautista ng daraanan ni Kristo. 

Habang siya'y nabubuhay, si San Juan Bautista ay nangaral tungkol sa kagiliwan ng Diyos. Magiliw ang Diyos sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga makasalanan. Hinding-hindi ipagkakait ng Diyos ang Kanyang kagiliwan o kabutihan, kahit sa pinakamalaking makasalanan. Bagkus, patuloy na ipapadama ng Diyos ang Kanyang kagiliwan, awa at malasakit sa lahat, kahit gaano mang kabigat ang kasalanan ng sangkatauhan. Kaya Niya hinirang at sinugo si Hesus at si San Juan Bautista - upang ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa kagiliwan ng Diyos at ang kaligtasan dulot nito. 

ANG PANGINOON NG KALIKASAN

Hunyo 21, 2015 
Ikalabindalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Job 38, 1. 8-11/Salmo 106/2 Corinto 5, 14-17/Marcos 4, 35-41 


Matutunghayan natin sa Ebanghelyo na pinatigil ni Hesus ang unos. Ipinamalas ni Hesus ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos sa pagpapatahimik sa bagyo. Ang kalikasan ay nakikinig sa Diyos na nagkatawang-tao. Nakinig ang hangin at dagat kay Kristo. Si Kristo ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na lumikha sa daigdig. Ang daigdig at kalikasan ay tumatalima lamang sa Panginoon. 

Isa sa mga nilikha ng Panginoong Diyos sa simula ng panahon ay ang tubig. Noong pinalaya ng Diyos ang mga Israelita mula sa kaalipinan sa Ehipto, hinati ng Diyos ang tubig ng Dagat ng mga Tambo upang makatawid sa tuyong lupa ang mga Israelita. Nang makatawid ang lahat ng mga Israelita, binalik ng Diyos ang tubig ng Dagat ng mga Tambo sa dati nitong anyo at nilipol ang mga Ehipsiyo. 

Sa Bagong Tipan naman, makikita natin na ang Diyos na nagkatawang-tao dito sa lupa sa katauhan ni Hesus. Si Hesus ang Diyos, ang Maylikha ng lahat ng bagay, na nagkatawang-tao. Bininyagan Siya ni San Juan Bautista sa tubig ng Ilog-Jordan. Ipinamalas Niya ang Kanyang kapangyarihan bilang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo noong ang tubig ay ginawa Niyang alak sa Kasalan sa Cana. Noong kinausap ni Hesus ang Babaeng Samaritana sa Balon ni Jacob, ipinangako Niya sa kanya na ipagkakaloob Niya ang tubig ng buhay. 

Ngayon, sa Ebanghelyo ngayong Linggo, pinatahimik ni Hesus ang napakalakas na bagyo. Ang hangin at ang dagat ay tumalima naman sa Kanya. Natakot muli ang mga alagad dahil kay Hesus. Natakot sila noong bumabagyo nang malakas, pero mas natakot sila noong pinatahimik ni Hesus ang unos. Hindi pa nila lubusang nakikilala si Hesus. Nagtanung-tanungan pa nga sila kung sino nga si Hesus. 

Sa mga oras na iyon, si Hesus ay isang matalik na kaibigan, Panginoon, at Guro sa mata ng mga alagad. Subalit, hindi pa nila nakikilala si Hesus bilang Anak ng Diyos at Pangalawang Persona sa Banal na Santatlo. Hindi nila nakikilala si Hesus bilang Diyos at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Hindi pa sila natitiyak na si Hesus ang Diyos na nagkatawang-tao, ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel sa loob ng napakahabang panahon. 

Hinding-hindi pa nakasaksi ng ganitong pangyayari ang mga alagad. Wala sila nakitang tao na may kakayahang magpatahimik ng unos. Ang Panginoong Hesukristo lamang ang nakakagawa ng mga kababalaghang katulad nito. Walang ibang tao na nakakapagpatahimik ng bagyo, malakas na hangin o tubig. Si Kristo lamang ang nakakagawa noon. Hindi salamangka ang ginawa ng Panginoon. Hindi isang salamangkero ang Panginoon. Bagkus, ipinamalas ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan bilang Diyos. 

Ipinapakita sa atin ng Panginoong Hesus kung gaano kapangyarihan ang Diyos. May autoridad Siya sa kalikasan sapagkat Siya ang Diyos na lumikha sa kalikasan. Ang pagpapatahimik ng Panginoong Hesukristo sa unos ay hindi isang salamangka; ito'y pagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos. Tunay ngang Diyos at Tagapagligtas si Hesus sapagkat tumalima sa Kanya ang kalikasan. Alam ng kalikasan kung sino si Hesus - ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na Siyang lumikha ng langit at lupa. 

Linggo, Hunyo 14, 2015

MULA SA PAGIGING MALIIT, LUMALAGO AT LUMALAKI

Hunyo 14, 2015 
Ikalabing-Isang Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Ezekiel 12, 22-24/Salmo 91/2 Corinto 5, 6-10/Marcos 4, 26-34



Dalawang talinghaga ang mapapakinggan natin sa Ebanghelyo natin ngayon. Ang dalawang talinghagang itinuro ni Hesus ay ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo at ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa. Sa pamamagitan ng dalawang Talinghagang ito, itinuturo sa atin ni Hesus na ang lahat ay nagsisimula sa pagiging maliit. Habang lumilipas ang panahon, unti-unti lumalaki at lumalago ang bagay na iyon. 


Gamitin natin ang siklo ng buhay ng isang tao, bilang isang halimbawa. Nagsisimula ang tao bilang isang sanggol. Paglipas ng ilang taon, mula sa pagiging isang munting sanggol, siya ay nagiging isang bata. Lumipas na naman ng ilang taon, siya ay nagbibinata. Dumaan na naman ang ilang taon, ang tao ay nasa sapat na gulang na. Mayor de edad na siya. Siya ay nasa sapat na gulang na. At paglipas na naman ng maraming taon, siya ay tumatanda na. Ganun ang buhay natin bilang tao. Bilang tao, tayo ay tumatanda bawat oras, bawat araw, bawat taon. 

Tayong lahat ay hindi nananatiling bata. Hindi tayo nananatiling sanggol. Hindi tayo nananatiling maliit. Bagkus, tayo ay paunti-unting tumatanda at lumalaki. Darating ang panahon kung kailan ang anak ng isang mag-asawa ay magiging isang lalaki o babaeng nasa sapat na gulang. 

Noong dumating ang Kristiyanismo sa Pilipinas noong 1521, nagsimula ito bilang isang maliit na komunidad. Isang munting komunidad dito sa Pilipinas ang grupo ng mga Katoliko. Ang mga Espanyol lamang ang nagiging Katoliko. Ginawa ng mga paring Espanyol ang lahat upang ipalaganap ang pananampalatayang Katoliko dito sa Pilipinas. Noong mga kapanahunang yaon, hindi pa nakikilala ng mga Pilipino si Kristo. 

Sa paglipas ng panahon, unti-unting lumaganap ang pananampalatayang Katoliko sa buong Pilipinas. Kilala na ang Pilipinas bilang pangatlong pinakamalaking Katolikong bansa dito sa mundo. Laganap ngayon sa buong Pilipinas ang pananampalatayang Katoliko. Buhay na buhay ang Katolisismo dito sa Pilipinas. Marami din po sa ating mga Pilipinong Katoliko ang may Debosyon kay Kristo, sa Mahal na Birheng Maria at sa mga Santo. Iilan lamang sa mga masisikat na Debosyon sa Panginoong Hesukristo dito sa Pilipinas ay ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Quiapo at ang Santo Niño. Sa Mahal na Ina naman, nandoon ang Debosyon sa Ina ng Laging Saklolo, sa Birhen ng Guadalupe, at sa punong pintakasi ng Republika ng Pilipinas, ang Inmaculada Concepcion. May dalawa tayong mga Santong Pilipino - si San Lorenzo Ruiz at si San Pedro Calungsod. 

Ang nakakalungkot lamang tungkol dito ay sa panahon ngayon, taliwas ang ilang paniniwala natin sa pananampalatayang Katoliko. Halimbawa, marami po sa atin na dapat ipasabatas ang diborsyo. Subalit, malinaw na malinaw ang turo ng Simbahan tungkol sa diborsyo. Labag sa utos ng Diyos ang diborsyo. Ang Panginoon pa nga ang nagsabi noong itinanong Siya ng mga Pariseo tungkol sa paghihiwalay na hindi maaaring paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Maykapal. Sinusunod ng Simbahan ang batas ng Panginoon. Ito ang dahilan kung bakit tumututol ang Simbahan sa diborsyo. 

Isa pang nakakalungkot na bagay - hinihiwalay natin ang ating buhay sa loob ng Simbahan sa ating buhay sa labas ng Simbahan. Tayo ay nagdarasal nang mataimtim kapag tayo ay nasa loob ng Simbahan. Subalit, paglabas natin sa Simbahan, balik sa normal na gawain. Bumabalik tayo sa dati o pangkaraniwan nating mga gawain. Marami sa atin, kapag lumabas tayo sa Simbahan, nakikipagchismisan na kapag nakita natin ang ating ka-chismis. 

Magkakaugnay ang ating buhay sa loob ng Simbahan sa buhay sa labas ng Simbahan. Hindi maaaring hiwalayin ninuman ang kanyang buhay sa loob ng Simbahan sa kanyang buhay sa labas ng Simbahan. Sa tuwing magtatapos ang Misa, sinasabi ng pari, "Taglayin ninyo sa inyong pag-alis ang kapayapaan ni Kristo," o kaya, "Tapos na ang Misa. Humayo kayong mapayapa." Sa ating paghayo sa pagtatapos ng Banal na Misa, inaanyayahan tayo ng Simbahan na lumago at lumaki pa ang ating pananampalataya sa Diyos. 

Lunes, Hunyo 8, 2015

MAMUHAY NANG PAYAK KATULAD NI SAN ANTONIO DE PADUA

Hunyo 13, 2015
Paggunita kay San Antonio de Padua, pari at pantas ng Simbahan 
2 Corinto 5, 14-21/Salmo 102/Mateo 5, 33-37 


Dalawang paggunita ang ipinagdiriwang natin ngayong araw na ito. Ang una ay ang Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria. Tuwing Sabado kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Hesus, ginugunita ng Simbahan ang Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria. Ang ikalawa naman ay ang Paggunita kay San Antonio de Padua. Tuwing ika-13 ng Hunyo ay ginugunita ng Santa Iglesia si San Antonio de Padua. Kakatuwang pansin na tumugma ang dalawang paggunitang ito sa iisang araw ngayong taong ito. 

Bago siya naging Franciscano, si San Antonio de Padua ay ipinanganak sa isang mayamang pamilya. Subalit, tinalikuran niya ang buhay na punung-puno ng kayamanan at pinili niyang maging pari. Noong una, si San Antonio de Padua ay naging Agustino. Subalit, nabalitaan niya na may limang Franciscanong na nag-alay ng buhay bilang mga martir alang-alang sa Mabuting Balita at sa pananampalatayang Katoliko. Ang balitang ito ang nag-akit kay San Antonio na lumipat ng orden. Mula sa pagiging Agustino, siya'y naging Franciscano. Pinangarap din ni San Antonio na mag-alay ng buhay alang-alang sa Mabuting Balita at sa pananampalatayang Katoliko. 

Subalit, kahit hindi siya namatay katulad ng isang martir, namuhay ng isang banal na pamumuhay si San Antonio de Padua. Namuhay siya na puno ng karukhaan. Sa kabila ng kanyang karukhaan, nangaral siya tungkol sa Mabuting Balita at ipinalaganap niya ang pananampalatayang Katoliko. Ipinangtanggol niya ang pananampalatayang Katoliko mula sa mga erehe. Masigasig siyang nangaral sa lahat tungkol sa Salita ng Diyos. 

Ang pamumuhay ni San Antonio de Padua ay hindi naging madali. Namuhay siya ng isang buhay ng karukhaan. Sa kanyang pangangaral at pagmimisyon, hindi siya nagtaglay ng anumang kayamanan o damit. Hindi siya nagdala o nagbaon ng anumang kayamanan, damit, lukbutan o pagkain. Bagkus, ang tanging dala lamang niya ay ang Salita ng Diyos. Nangaral siya sa lahat tungkol sa Salita ng Diyos. Ang biyaya ng pangangaral na mula sa Diyos ang tanging dinala ni San Antonio de Padua sa kanyang pagmimisyon. 

Tayong lahat ay mga dukha rin. Maaaring nagtataglay tayo ng mga ari-arian o kayamanan. Subalit, sa paningin ng Diyos, tayong lahat ay mga maralita. Walang taong mas mataas ang posisyon sa ibang tao sa mata ng Diyos. Sa mata ng Diyos, tayong lahat ay pantay-pantay. Tayong lahat ay mga dukha sa mga mata ng Diyos. Ang Diyos lamang ang nasa pinakamataas na posisyon, at wala nang makakaabot sa Kanyang posisyon. 

Kahit tayo'y mga maralita sa paningin ng Diyos, tinatawag at pinipili tayo ng Panginoon na mamuhay nang payak at ipalaganap ang Mabuting Balita. Hindi natin kailangang maging banal o mayaman upang maging piliin ng Diyos. Tayong lahat ay pinili ng ating Panginoon upang ipalaganap ang Mabuting Balita. Tinatawag tayong lahat ni Kristo na maging mga misyonero Niya sa makabagong panahon, tulad ni San Antonio de Padua. 

Hindi tayo kailangang maging espesyal o mayaman para maging banal. Hindi natutumbasan sa galing o kayamanan ang pagiging banal. Tinatawag ng Diyos ang mga makasalanan at mga simpleng tao upang maging banal. Katulad ni San Antonio de Padua. Bago siya naging pari, namuhay siya ng isang mayamang pamumuhay. Subalit, nagbago ang lahat noong pinili maging pari si San Antonio de Padua. Buong pagpapakumbabang ibinigay ni San Antonio de Padua ang kanyang buhay sa Diyos. Sa pagpanaw ni San Antonio, itinaas naman siya ng Panginoon. Ginantimpalaan ng Diyos si San Antonio para sa kanyang pagpapakumbaba, pag-aalay ng buhay sa Diyos at kabanalan. 

O Diyos, tulungan Mo kaming mamuhay nang simple at payak, katulad ni San Antonio de Padua. Amen.

San Antonio de Padua, ipanalangin mo kami. 

PUSO NI MARIA: MAY UGNAYAN SA PUSO NI HESUS

Hunyo 13, 2015
Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria
Isaias 61, 9-11/1 Samuel 2/Lucas 2, 41-51



Ang pagdiriwang natin ngayon ay may ugnayan sa Kapistahan natin kahapon. Kung kahapon ay ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Hesus, ngayong araw naman ay ginugunita natin ang Kalinis-linisang Puso ng Birheng Maria. Sinasagisag ng puso ng Mahal na Birheng Maria ang buhay ng Mahal na Birhen. Maraming dinanas si Maria sa kanyang buhay na may ugnayan kay Hesus. Nakaranas si Maria ng tuwa at hapis dahil kay Hesus. 

Magkaiba ang Ebanghelyo natin ngayong araw na ito sa Ebanghelyo natin kahapon. Kahapon, natunghayan natin ang pag-ulos ng isang Romanong sundalo ng kanyang sibat sa tagiliran ni Hesus. Dumaloy ang dugo at tubig mula sa tagiliran ni Hesus. Ang Ebanghelyo naman ngayon ay tungkol sa paghahanap ni San Jose at ng Mahal na Birheng Maria sa Batang Hesus sa Jerusalem. Ang dalawang pangyayaring ito ay ilan lamang sa mga hapis sa buhay ni Maria. 

Noong inulos ang tagiliran ni Hesus, patay na Siya. Sinugatan ang puso ng Panginoong Hesukristo upang siguraduhin na Siya'y patay. Pero, ang nakadama ng pag-ulos na yaon ay ang Mahal na Birheng Maria. Noong inulos ang tagiliran ni Hesus, tinanggap ni Maria ang sakit dulot ng pag-ulos ng sundalong Romano sa tagiliran ng kanyang Anak. Ang tulis ng sibat ay naramdaman ni Maria sa kanyang puso. Dahil sa ugnayan ni Maria kay Hesus, naramdaman niya ang sakit dulot ng sibat ng sundalong Romano. 

Hindi laging maginhawa ang pag-ibig. May mga pagsubok din kapag tayo ay umiibig. Hindi punung-puno ng kaginhawahan at kapayapaan ang pag-ibig. Sa pag-ibig, mayroon ding mga pagsubok na naghihintay. Maraming mga paghihirap dahil sa pag-ibig. Kung tunay ang pagmamahal ang isang tao, titiisin niya ang lahat ng mga pagsubok at paghihirap alang-alang sa kanyang minamahal. 

Isang halimbawa nito ang pag-ibig ng Panginoong Hesus at ng Birheng Maria. Hindi naging madali ang buhay ni Kristo at Maria bilang mag-ina. May mga pagsubok silang dinanasan. Halimbawa, noong si San Jose ay pumanaw. Napakasakit iyon para sa Panginoon at sa Mahal na Ina. Si San Jose, na tumayong bilang amain ni Hesus dito sa lupa, ay binawian ng buhay bago pa sinimulan ni Hesus ang Kanyang pangangaral. Napakasakit iyon para sa Banal na Pamilya. Napakahirap din iyon. Subalit, dahil sa tunay na pagmamahalan ng Banal na Pamilya, napagdaanan nila iyon. Si Hesus ay nagtrabaho para sa kanilang dalawa ni Maria hanggang sa umabot Siya ng tatlumpung taong gulang. 

Sinamahan pa rin ni Maria si Hesus hanggang sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Kung ang mga alagad ay tumakas sa Halamanan at nagtago mula sa mga autoridad, hindi nagtago si Maria. Hindi natakot si Maria na makilala ng mga autoridad. Dahil sa kanyang pag-ibig kay Hesus, sumunod siya sa mga yapak ni Hesus patungong Kalbaryo. Tiniis niya ang lahat ng mga pambabastos, pagkutya, at pananakit kay Hesus na walang kalaban-laban, kahit napakasakit para kay Maria na masaksihan iyon nang personal.

Ang puso ni Maria ay nagsasalarawan sa kanyang ugnayan sa puso ng kanyang Anak na si Hesus. Punung-puno ng tunay na pag-ibig ang ugnayan ng mga puso ng mag-inang si Hesus at Maria. Maraming pinagdaanan si Hesus at si Maria bilang mag-ina. Tiniis nilang dalawa ang bawat pagsubok na humantong sa kanilang buhay, napagdaanan at napagtagumpayan ang mga iyon. Ang pag-ibig ng mag-inang sina Hesus at Maria ay ang halimbawa ng tunay na pag-ibig na hindi magwawakas. 

Linggo, Hunyo 7, 2015

PUSO NI HESUS: PUSPOS NG TUNAY AT WAGAS NA PAG-IBIG

Hunyo 12, 2015
Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ni Hesus (B) 
Oseas 11, 1. 3-4. 8k-9/Isaias 12/Efeso 3, 8-12. 14-19/Juan 19, 31-37



Ang araw ng Debosyon sa Mahal na Puso ni Hesus ay tuwing Unang Biyernes ng bawat buwan. Subalit, kahit ang Biyernes na ito ay hindi Unang Biyernes ng buwan ng Hunyo, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-mahalang Puso ng ating Panginoong Hesukristo. Ang Dakilang Kapistahan ng Kamahal-Mahalang Puso ni Hesus ay ipinagdiriwang sa Biyernes kasunod ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-Banalang Katawan at Dugo ng Panginoon. 

Isang napakagandang Debosyon ang Debosyon sa Mahal na Puso ni Hesus. Nagsimula ang napakagandang Debosyon na ito sa isang madreng taga-Pransiya na si Santa Margaret Alacoque. Ilang ulit na nagpakita ang Panginoong Hesukristo kay Santa Margaret upang ipakilala ang Debosyon sa Kanyang Mahal na Puso. Pinili ng Panginoong Hesus si Santa Margaret Alacoque upang ipalaganap ang Debosyon sa Kanyang Mahal na Puso. 

Ano ang mensahe ng Mahal na Puso ni Hesus? Pag-ibig. Ang mensaheng ipinapalaganap ng Mahal na Puso ni Hesus ay ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Ipinamalas ng Panginoong Hesus ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan noong unang Biyernes Santo. Sa pag-ng Kanyang buhay sa Kalbaryo, ipinadama ni Hesus sa buong santinakpan ang dakilang pag-ibig ng Banal na Santatlo - ang Ama, Anak at Espiritu Santo. 

Ang Ebanghelyo para sa Dakilang Kapistahan ng Mahal na Puso ni Hesus ngayong taon ay tungkol sa pag-ulos ng isang Romanong sundalo ng kanyang sibat sa tagiliran ni Hesus. Noong si Hesus ay namatay, dugo at tubig ay dumaloy mula sa Kanyang tagiliran. Mula sa Banal na Puso ni Hesus, dumaloy ang dugo at tubig. Sinugatan ng sundalo ang puso ni Hesus upang siguraduhing patay na si Hesus, dumaloy ang dugo at tubig. 

Mapapansin natin na kung titingnan natin ang buong detalye ng mga imahen o larawan ng Mahal na Puso ni Hesus, may makikita tayong sugat sa Kanyang Puso. Ang sugat na iyan ay sumasagisag sa Kanyang dakilang pag-ibig sa ating lahat. Pag-ibig ang dahilan kung bakit naparito si Hesus sa sanlibutan. Pag-ibig ang dahilan kaya't pinili ni Hesus na iligtas tayo mula sa kasamaan at kasalanan. Kahit ilang ulit Siyang nasaktan at nasugatan dahil sa pagkakasala ng santinakpan, pinili pa rin tayong ibigin at iligtas ni Hesus. 

Para kay Hesus, walang pag-ibig na makahihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Ano ang napakagandang halimbawa ng pag-ibig na iyon? Ang pag-ibig ni Hesus. Kahit alam ni Hesus na isang malagim na kamatayan ang hahantungan Niya dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin, hinarap pa rin Niya ito. Maaari din namang hilingin ni Hesus sa Ama na iligtas Siya mula sa malagim na kamatayan na umaabang sa Kanya. Subalit, alang-alang sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin ni Hesus, hinarap Niya ang kamatayang naghihintay sa Kanya. 

Sa Halamanan ng Getsemani, nagdusa si Hesus. Iniisip ni Hesus ang Kanyang kapakanan sa Halamanan at iniisip din Niya ang abang kalagayan nating lahat. Ayaw ni Hesus na dumanas ng matinding pagdurusa at kamatayan, subalit nais din Niyang maligtas ang santinakpan. Noong nasa Halamanan si Hesus kasama ang mga alagad, sinabi pa Niyang, "Ang puso Ko'y tigib ng hapis na halos ikamamatay Ko." (Mateo 27, 38; Marcos 14, 34) Nandidilim at punung-puno ng hapis ang Kanyang puso. Takot si Hesus na harapin ang kamatayan. 

Noong nananalangin na si Hesus sa Halamanan, hiniling Niya sa Ama na alisin sa Kanya ang kalis ng pagdurusa. Sa Kanyang panalangin sa Ama, tinanong Niya kung may ibang paraan upang maligtas ang sangkatauhan. Subalit, dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin ni Hesus, sinundan Niya ang kalooban ng Ama. Tinanggap Niya ang kalooban ng Ama. Ang Kanyang panalangin bago Siya dinakip, "Hindi ang kalooban Ko, kundi ang kalooban Mo ang masunod." Isang napakalaking sakripisyo ang ginawa ni Hesus. 

Walang kundisyon o pasubali ang pag-ibig ni Hesus sa ating lahat. Puspos ng pag-ibig ang Mahal na Puso ni Hesus. Nagmahal si Hesus hanggang sa katapusan. Humantong pa si Hesus sa kamatayan, hindi tumigil si Hesus sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Ang pag-ibig ni Hesus ay ang tunay na pag-ibig. Sapagkat ang pag-ibig na ipinamalas ni Hesus ang pag-ibig na handang mag-sakripisyo. Ang pinakamalaking sakripisyong naganap sa sanlibutan ay ang pag-aalay ni Hesus ng Kanyang buhay sa krus. Inialay ni Hesus ang Kanyang buhay sa Kalbaryo alang-alang sa Kanyang dakilang pag-ibig sa atin. Ang pag-ibig na ipinamalas ni Hesus sa Kalbaryo ay tunay, wagas at pang-magpakailanman. 

Panginoong Hesus, gawin Mo na ang mga puso nami'y tumulad sa Iyong Mahal na Puso. Amen. 

REFLECTIVE SONG: "Awit sa Mahal na Puso ni Hesus" 


Sabado, Hunyo 6, 2015

HESUS: SA EUKARISTIYA, KAPILING NATIN SIYA

Hunyo 7, 2015
Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon (B) 
Exodo 24, 3-8/Salmo 115/Hebreo 9, 11-15/Marcos 14, 12-16. 22-26 



Ang Ebanghelyo ngayong Solemnidad ng Katawan at Dugo ni Kristo ngayong taong ito ay ang salaysay ni San Marcos Ebanghelista tungkol sa Huling Hapunan. Sa Huling Hapunan, itinatag ni Hesus ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Noong ibinigay ni Hesus ang tinapay at alak sa mga alagad, sinabi Niya na ang tinapay ay ang Kanyang Katawan at ang alak naman ay ang Kanyang Dugo. 

Malaki siguro ang kinagulat ng mga alagad noong narinig nila ang mga salitang namutawi sa bibig ng Panginoon sa Huling Hapunan. Hindi nila mailarawan ang Panginoon sa tinapay at alak. Hindi nila maintindihan kung paano nila matitiyak na ang tinapay at alak ay ang Panginoon nga. Para sa kanila, mahirap intindihin at ilarawan ang tinapay at alak bilang Katawan at Dugo ng Panginoon. 

Sa ika-anim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan, mapapakinggan natin na nagbigay ng diskurso si Hesus tungkol sa Kanyang sarili bilang Tinapay ng Buhay. Nagulat at nagtaka ang mga Hudyong nakikinig sa Kanya. Hindi nila naintindihan ang mga salita ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay. Hindi rin nila matanggap na si Hesus ang Tinapay ng Buhay sapagkat isang tao lamang Siya. Ang akala nila siguro ay nasisiraan ng bait o loko-loko si Hesus. 

Bilang mga Katoliko, tayong lahat ay naniniwala na ang Panginoong Hesus ay tunay na Diyos at tunay na tao. Naniniwala tayo na ang Panginoong Hesukristo ang Diyos na nagkatawang-tao. Sa Kapistahan natin ng Katawan at Dugo ni Kristo, ipinapakilala ng Panginoong Hesukristo, ang Diyos na nagkatawang-tao, na Siya ang pagkain at inuming pumapawi sa napakatinding kagutuman at kauuhawan ng sanlibutan. Siya lamang ang makakapawi sa mga malalalim na pagkagutom at pagkauhaw na hindi mapapawi ng anumang pagkain o inumin dito sa mundo. 

Ang mga Protestante ay naniniwala sa presensya ni Kristo sa Banal na Eukaristiya. Para sa ilang mga Protestante, ang presensya ng Panginoon sa Banal na Eukaristiya ay isang simbolismo lamang. Sumasagisag ang tinapay at alak sa Panginoon. Simbolismo lamang iyon. May ilan namang mga Protestante ang naniniwalang espirituwal lamang ang presensya ni Kristo sa tinapay at alak ay espirituwal lamang. Pero, bilang mga Katoliko, tayo ay naniniwala na tunay at totoo ang presensya ng Panginoon sa Banal na Eukaristiya. 

Paano tayo makakatiyak na tunay at totoo ang presensya ni Hesus sa Banal na Sakramento? Sa Huling Hapunan, sinabi ni Hesus, "Ito ang Aking Katawan...Ito ang Aking Dugo." Hindi sinabi ni Hesus, "Ang tinapay at alak ay sumasagisag sa Aking Katawan at Dugo." Bagkus, ang sinabi ni Hesus, "Ito ang Aking Katawan...Ito ang Aking Dugo." Mahirap man gamitin ang agham o lohika sa pagpapaliwanag sa Misteryo ng Tunay na Presensya ni Kristo sa Banal na Eukaristiya, tayo ay naniniwala at natitiyak na Siya ang nasa tinapay at alak sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Ang karaniwang tinapay at alak ay nagiging Katawan at Dugo ni Kristo. 

Nais ng Panginoong Hesukristo na makapiling pa rin natin Siya, kahit lumisan na Siya sa mundong ito. Kahit na nakaluklok si Hesus sa kanan ng Ama, nais Niyang makapiling tayo. Kaya, iniwanan Niya ang tinapay at alak. Ibinigay Niya sa atin ang Kanyang Katawan at Dugo sa anyo ng tinapay at alak. Hindi lamang sumasagisag o sumisimbolo ang tinapay at alak sa Katawan at Dugo ni Hesus. Bagkus, ang tinapay at alak sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa ay si Hesus mismo.  Ang presensya ni Hesus sa tinapay at alak ay literal, tunay at totoo.

Sa bawat pagdiriwang ng Banal na Misa, kapiling natin si Hesus. Bagamat kasama natin si Hesus saan man dako tayo naroroon, isang misteryo ang nagaganap sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Ang ordinaryong tinapay at alak ay nagiging Katawan at Dugo ni Kristo. Ibinigay ng Panginoong Hesus ang Kanyang Katawan at Dugo upang makapiling natin Siya, kahit na Siya'y nakaluklok sa kanan ng Ama, at upang maging pagkain at inumin nating pang-espirituwal. Sapagkat si Hesus ang pagkain at inuming nagbibigay-buhay. 

REFLECTIVE SONG: "Iesu Panis Vitae" (Hesus, Tinapay ng Buhay)