Huwebes, Marso 30, 2023

MGA MAGIGITING MANANAMPALATAYA

10 Abril 2023 
Lunes sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 2, 14. 22-33/Salmo 15/Mateo 28, 8-15 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1616) Christ appears as a gardener to the three Marys by Jacob Jordaens  (1593–1678), as well as the actual work of art itself from the Gemäldegalerie in Berlin, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Hindi lamang isang araw ang pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Isa itong panahong may haba ng 50 araw. Katunayan, ang mga unang araw ng panahong ito ay isang Oktaba o Walong Araw na Pagdiriwang. Sa pamamagitan nito, malakas at buong linaw na ipinapahiwatig ng Simbahan na hindi sasapat ang isang araw lamang upang ipagdiwang ang tagumpay ng Diyos na Kanyang inihayag sa buong sansinukob sa pamamagitan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Gaya ng sabi sa isa sa mga pagbubunyi o aklamasyon sa bawat Misang ipinagdiriwang, "Sa Krus Mo at Pagkabuhay, kami'y natubos Mong tunay." Mayroong kabuluhan at saysay ang ating pananampalataya bilang Simbahan sapagkat tinubos tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno na Bugtong na Anak ng Diyos. 

Ang halaga ng maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno ay muling isinalungguhit at binigyan ng pansin sa mga Pagbasa para sa araw na ito. May kabuluhan ang lahat ng ating mga ginagawa bilang mga Kristiyano sapagkat si Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Gaya ng sabi ni Apostol San Pablo sa isa sa kanyang mga pangaral: "Walang kabuluhan ang ating pananampalataya kung hindi muling nabuhay si Kristo" (1 Corinto 15, 14). Ito ang natatanging dahilan kung bakit buong sigasig at kagitingang nangaral ang mga apostol, katulad na lamang ng unang Santo Papa ng Simbahan na si Apostol San Pedro sa Unang Pagbasa, tungkol sa pagkakilanlan ni Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan. Bagamat ipinagpipilit ng mga kaaway ng Poong Jesus Nazareno na ninakaw lamang ang Kanyang bangkay at hindi Siya nabuhay na mag-uli, tulad na lamang ng ipinahihiwatig sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo na nagsalaysay ng palihim nilang pakikipagpulong at pakikipagsabwatan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno kung saan binuo nila ang pekeng balitang ninakaw lamang ng mga apostol ang Kanyang bangkay noong madilim-dilim pa sa nasabing gabi, buong paninindigan, kagitingan, sigasig, at pananalig sa Diyos na ipinangaral ng Simbahan mula noon hanggang ngayon na si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. 

Sa unang bahagi ng Ebanghelyo para sa araw na ito, nakasalubong ng mga babaeng pumunta sa libingan ang Muling Nabuhay na Panginoong Jesus Nazareno. Habang naglalakad sila pabalik sa kinaroroonan ng mga apostol upang ibalita sa kanila na si Jesus Nazareno ay nabuhay na mag-uli, gaya ng sabi ng anghel na nagbabantay sa libingan, si Jesus Nazareno na Muling Nabuhay ay mismong nagpakita sa kanila. Ang ginawang pagpapakita ng Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay sa mga babaeng banal sa daang pauwi ang nagbigay sa kanila ng lakas ng loob at katiyakang hindi kasinungalingan ang kanilang ibabalita sa mga apostol. Gaya ng nasasaad sa unang bahagi ng salaysay sa Ebanghelyo, magkahalong takot at galak ang laman ng mga puso ng mga babaeng pumunta sa banal na libingan. Subalit, nang magpakita sa kanila si Kristong Muling Nabuhay, napawi ang lahat ng kanilang mga takot na dala-dala nila sa kanilang mga puso at loobin at tuluyan itong pinalitan ng galak at tuwang tunay dahil na rin mismo sa Mahal na Poon.

Dahil nabuhay na mag-uli ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, mayroong saysay ang ating pananampalataya bilang mga bumubuo sa Kanyang tunay na Simbahan. Sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay na magkaugnay, iniligtas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang sangkatauhan. Ito ang bukod-tanging dahilan kung bakit mayroong Simbahan at kung bakit buong kagitingan tayong nananalig at sumasampalataya sa Kanya. 

Miyerkules, Marso 29, 2023

ITO ANG PINKADAKILANG ARAW

9 Abril 2023 
Araw ng Pasko ng Muling Pagkabuhay 
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 117/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1530) The Resurrection of Christ by the Royal Workshop of Lisbon (attributed to Cristóvão de Figueiredo and Diogo de Contreiras), as well as the actual work of art itself from Veritas Art Auctioneers, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Umaalingangaw nang malakas sa buong Simbahan ang salitang "Aleluya" pagsapit ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Sa gabi ng Sabado de Gloria kung kailan isinagawa o idinadaos ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay, buong galak na ipinapahayag at inaawit nang paulit-ulit ang salitang "Aleluya." Matapos ito hindi marinig sa loob ng 40 araw ng panahon ng Kuwaresma, walang tigil at walang sawa itong ipinapahayag at inaawit ng Simbahan dahil buong galak na ipinagbubunyi at ipinagdiriwang ng Simbahan ang tagumpay ng Diyos na inihayag Niya sa tanan sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang tanging dahilan kung bakit buong galak na nagdiriwang at nagbubunyi ang Simbahan sa araw na ito. Ito ang pinakamahalagang sandali sa kasaysayan ng Simbahan Siya mismo ang nagtatag sapagkat ang mismong sandaling ito ang nagbibigay saysay at kahulugan sa ating pananampalataya. Gaya ng sabi ni Apostol San Pablo, patuloy pa ring mananatiling mga alipin ng kasamaan at kasalanan ang sangkatauhan at walang saysay o kabuluhan ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano kung si Kristo ay hindi nabuhay na mag-uli (1 Corinto 15, 17). Kaya naman, gayon na lamang ang pagpapahalaga ng Simbahan sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno. Dahil sa maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang tagumpay ng Diyos na nagbibigay ng kabuluhan o saysay sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano ay nahayag. 

Gaya ng inihayag ng mang-aawit sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito na siyang pinakadakilang araw ng bawat taon sa Kalendaryo ng Simbahan, "Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang" (Salmo 117, 24). Katunayan, mayroon pa nga ring alternatibong tugon para sa Salmo sa araw na ito. Ito ay walang iba kundi ang salitang "Aleluya!" na walang tigil na ipinapahayag at inaawit ng Simbahan sa araw na ito nang buong galak bilang pagbubunyi kay Kristong Muling Nabuhay. Katunayan, ang alternatibong Salmo para sa Linggong ito, "Aleluya!", ay unang inihayag at inawit bilang huling Salmong Tugunan matapos basahin ang Sulat at bago basahin ng pari o diyakono ang Mabuting Balita sa naganap na Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay noong gabi ng Sabado de Gloria. Bukod pa roon, ang salitang ito ay inawit at inihayag nang tatlong ulit noong una itong isinambit ng Simbahan matapos hindi ito sambitin o awitin ng Simbahan sa loob ng 40 araw ng panahon ng Kuwaresma na inilaan para sa pinakadakilang araw na ito. 

Inihayag ng Muling Pagkabuhay ni Kristo na hindi nauwi sa wala, kabiguan, kasawian, at pagkatalo ang lahat para sa Diyos. Ang lahat ng mga hirap, pagdurusa, sakit, at maging ang kamatayan sa Krus na Banal na Kanyang hinarap, tiniis, at binata para sa ikaliligtas ng sangkatauhan ay nagkaroon ng saysay sapagkat nabuhay Siyang mag-uli sa ikatlong araw, katulad ng Kanyang inihayag at ipinangako nang paulit-ulit bago Siya pumasok sa Herusalem. Sa pamamagitan nito, nahayag ang tagumpay ng Diyos na nagbibigay ng saysay at kabuluhan sa lahat. Ang ating pananampalataya bilang tunay na Simbahan ay mayroong kabuluhan sapagkat ang Diyos ay nagtagumpay sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dahil nagtagumpay ang Diyos sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay Kanyang naligtas at ibinilang sa Kanyang pamilya. 

Sa Ebanghelyo, inilarawan kung ano ang nakita nina Santa Maria Magdalena at ng dalawang alagad ng Poong Jesus Nazareno noong nagsitungo sila sa libingan noong araw na naganap ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poon. Isang napakahalagang detalye ang binigyan ng pansin sa salaysay sa Ebanghelyo para sa maringal na Linggong ito. Bukod sa naalis ang batong panakip mula sa libingan ni Kristo, nakita nina Apostol San Pedro at Apostol San Juan ang mga kayong lino na ginamit bilang pambalot sa katawan ng Panginoong Jesus Nazareno na hiwalay sa panyong ibinalot sa Kanyang ulo (Juan 20, 1. 5-8). Ito ang patunay na nabuhay na si Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli at hindi ninakaw ang Kaniyang bangkay mula sa libingan. Tinupad ng Mahal na Poon ang Kanyang pangako. 

Dahil tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Panginoong Jesus Nazareno sa ikatlong araw, katulad ng Kanyang ipinangako nang paulit-ulit sa mga apostol bago magtungo sa Herusalem, ang mga apostol ay buong sigasig at kagitingang nangaral tungkol sa katotohanang ito matapos pumanaog ang Espiritu Santo sa kanila noong araw ng Pentekostes. Ang ginawang pangangaral ni Apostol San Pedro kay Cornelo sa bahay ni Cornelio sa Unang Pagbasa para sa dakilang Linggong ito ay isang napakagandang halimbawa nito. Nangaral siya kina Cornelio tungkol sa Muling Pagkabuhay ng Poong Jesus Nazareno sa ikatlong araw. Hindi Siya nanatiling patay. Bagkus, pagsapit ng ikatlong araw, nabuhay Siyang mag-uli. Ito rin ang ginawa ni Apostol San Pablo sa dalawang Ikalawang Pagbasa. Bagamat mayroong dalawang talatang maaaring gamitin para sa Ikalawang Pagbasa, iisa lamang ang paksang tinalakay sa dalawang pangaral na ito ni Apostol San Pablo. Ito ay walang iba kundi ang pagbabagong hatid ng Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno. 

Mayroong dahilan kung bakit ang buong Simbahan ay buong galak na nagdiriwang at nagbubunyi sa araw na ito. Ang araw na ito ay ang pinakamahalagang araw sa buong taon. Sa araw na ito, ginugunita, pinagninilayan, at ipinagdiriwang natin nang buong galak ang pinakadakilang tagumpay ng Diyos na nahayag sa buong sansinukob sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno.

Kaya naman, bilang mga Kristiyano na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ni Kristo, marapat lamang tayong magbunyi at magdiwang nang buong galak sa dakilang araw na ito. Sabi nga sa Salmong Tugunan para sa maringal na Linggong ito: "Araw ngayon ng Maykapal, magalak tayo't magdiwang" (Salmo 117, 24). Dinggin nawa natin ang panawagan at paanyayang ito ng Salmong Tugunan para sa dakilang araw na ito, ang pinakadakilang araw sa buong taon. 

TUNAY NGANG NABUHAY NA MAG-ULI SI KRISTO! ALELUYA! ISA PONG MAPAGPALA AT MALIGAYANG PASKO NG MULING PAGKABUHAY SA INYONG LAHAT! 

Martes, Marso 28, 2023

MGA KALOOB NG MULING PAGKABUHAY

8 Abril 2023 
Sabado de Gloria: Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (A) 
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Mateo 28, 1-10 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1515 and 1525), Christ appearing to Mary by Bartholomäus Bruyn the Elder, as well as the actual work of art itself from the National Museum in Warsaw, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Inilarawan sa maraming mga anime tungkol sa iba't ibang palakasan (sports) katulad na lamang ng Haikyu!! (ハイキュー!!) at Kuroko's Basketball (黒子のバスケ) ang pakiramdam ng mga pinaghirapang panalo. Matapos manalo sa mga mahahalagang laro, mapa-basketball man o volleyball, katulad na lamang ng inilalarawan sa mga anime na ito, ang mga karakter sa kupunang nanalo sa mga nasabing laro na tunay ngang napakahalaga para sa kanila, lalung-lalo na kapag ang kuwento ng nasabing palabas ay nakasentro sa kanila, ay punung-puno ng saya. Ang kanilang pagkakayod at pagsasanay ay hindi nauwi sa wala kundi nagbunga sapagkat pinaghirapan nilang makamit ang tagumpay o panalo sa (mga) nasabing laro. Masarap naman talaga sa pakiramdam ang pagkamit ng panalo matapos itong paghirapan. 

Matapos ang 40 araw ng pananatiling tahimik o 'di pag-awit nito sa mga liturhikal na pagdiriwang, at matapos rin ang araw ng paggunita sa matinding hirap, pagdurusa, sakit, at kamatayang Kaniyang hinarap, tiniis, at binata sa Banal na Krus na nagdulot ng matinding hapis at dalamhati sa puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, bilang isang Simbahan, muli nating inaawit nang buong galak ang salitang "Aleluya" kasama ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ito ay dahil sa liturhikal na pagdiriwang sa gabing ito ng Sabado de Gloria, ipinagdiriwang at ginugunita natin nang buong galak bilang Simbahan ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, nakumpleto ng Poong Jesus Nazareno ang tungkulin at misyong iniatas sa Kanya bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Kaya naman, kasama ng Mahal na Inang si Mariang Birhen, "Aleluya" ang ating awit dahil tunay nga namang nabuhay na mag-uli ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Bukod-tangi at naiiba sa lahat ng mga liturhikal na pagdiriwang sa buong taon ang liturhikal na pagdiriwang sa gabi ng Sabado de Gloria. Nagsisimula ito sa dilim at ang tanging liwanag sa gitna ng dilim ay yaong liwanag mula sa Kandilang Pampaskuwa na binasbasan at sinindihan sa simula ng maringal na pagdiriwang na ito kung saang ginanap ang pagbabasbas sa apoy na pinagmulan nito. Bubuksan ang lahat ng mga ilaw ng Simbahan sa sandaling awitin ng "Gloria" o "Papuri sa Diyos" pagkatapos ng Pitong Pagbasa mula sa Lumang Tipan at Pitong Salmo. Matapos basahin ang sulat, aawitin nang maringal ang "Aleluya" matapos hindi ito pakinggan at awitan ng koro sa loob ng panahon ng Kuwaresma. 

Hudyat ng wakas ng pighati, lungkot, hapis, at dalamhating dulot ng Kanyang mapait at napakasakit na pagpapakasakit at pagkamatay sa Krus ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ni Kristo, ang Poong Jesus Nazareno. Ang panahon ng pighati, lungkot, dalamhati, at hapis ay hindi matagal o mahaba. Sa pamamagitan ng maluwalhating Muling Pagkabuhay, agad na winakasan ng Poong Jesus Nazareno ang pighati, hapis, lungkot, at dalmahati dulot ng Kanyang pagkamatay sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Agad na pinawi ni Jesus Nazareno ang lahat ng mga hapis, dalamhati, at luha dulot ng Biyernes Santo at agad-agad rin Niya itong ginawa o pinalitan ng tunay na galak at tuwang kaloob Niya. 

Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno ay isang patunay na hindi nauwi sa wala, kabiguan, at talo ang planong pagligtas sa sangkatauhan na Kanyang pinaghirapang buuin kaisa ng Amang nasa langit at ng Espiritu Santo at pinaghirapan ring isakatuparan. Ito ang nagbigay ng saysay sa Kanyang pagdating sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na ipinanganak ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Nagkaroon rin ng saysay ang Kanyang pag-aalay ng buo Niyang sarili sa Krus sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo sapagkat nabuhay Siyang mag-uli sa ikatlong araw, katulad ng paulit-ulit Niyang ipinangako sa mga apostol noong kasama pa Niya sila bago Siya dakpin at ipapapatay. 

Dahil sa Muling Pagkabuhay ni Jesus Nazareno, bilang isang Simbahan, kasama ang ating Mahal na Inang si Mariang Birhen, tayong lahat ay nagagalak. Pinatunayan ng maluwalhating Muling Pagkabuhay ni Kristo na laging magtatagumpay ang Diyos sa kabila ng lahat. Sa kabila ng lahat ng mga naganap noong unang Biyernes Santo na nagdulot ng matinding hapis, lungkot, pighati, at dalamhati, hindi doon nagtapos ang lahat. Mula sa hapis, lungkot, pighati, at dalamhati, ang Diyos ay gumawa ng isang himalang tunay nga namang kahanga-hanga. Si Kristo, ang Poong Jesus Nazareno, ay tunay nga namang nabuhay na mag-uli. Ang Diyos na lumikha ng langit at lupa sa Unang Pagbasa, nagbigay ng tupa kapalit ni Isaac sa Ikalawang Pagbasa, humati sa tubig sa Ikatlong Pagbasa, nagkaloob ng maraming biyaya sa lahat ng tao sa Ikaapat, Ikalima, Ikaanim, at Ikapitong Pagbasa, ay Siya ring nagpamalas o nagpahayag ng pinakadakila Niyang tagumpay sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng Kaniyang Bugtong na Anak na si Jesus Nazareno. 

Kaya naman, ang mga unang salitang binigkas ng anghel sa mga babaeng dumalaw sa libingang walang laman ay isang pahiwatig ng ipinagkakaloob sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ni Jesus Nazareno. Ang ating mga pangamba, takot, luha, hapis, at dalamhati ay tuluyang pinapawi ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno. Sa pamamagitan rin Niya, binibigyan rin tayo ng Diyos ng tunay na galak at bagong buhay at pagkakilanlan bilang Kanya ring mga anak, tulad ng inilarawan sa Sulat para sa maringal na bihiliyang ito. Ito ang mga biyayang ipinagkakaloob sa Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay. 

Pagsapit ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, sa maraming Simbahan sa Pilipinas, ang tradisyunal na rito ng Salubong o Encuentro ay laging idinadaos. Mayroong ilang mga Simbahan na kung saan ang tradisyunal na ritong ito ay idinadaos agad pagkatapos ng Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay at mayroon naman ring ilang mga Simbahan na nagdadaos ng tradisyunal na ritong ito sa madaling-araw o bukang-liwayway ng Linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay bago idaos ang unang Misa para sa nasabing Linggo. Sa ritong ito, pinagninilayan at ginugunita natin bilang mga Pilipinong Katoliko ang pagpapakita ni Kristong Muling Nabuhay sa Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ayon sa tradisyon ng Simbahan, unang nagsitungo ang Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay sa kinaroroonan ng Mahal na Inang si Mariang Birhen upang pawiin ang kanyang mga luha, hapis, lumbay, at dalmhati dulot ng mga malulungkot na kaganapang nangyari noong unang Biyernes Santo at agad itong pinalitan ng pag-asa, galak, at tuwa. Ito rin ang patuloy na ginagawa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay para sa tanan. Patuloy Siyang naghahatid ng pag-asa, galak, at tuwa sa ating lahat, tulad na rin ng Kanyang ginawa para sa Mahal na Inang si Mariang Birhen matapos Siyang lumabas ng libingan. Ang ating mga luha, hapis, lumbay, at dalamhati ay Kanyang pinapawi at pinapalitan rin Niya ito ng pag-asa, galak, at tuwang Kanyang kaloob. 

Winakasan na ng Panginoong Muling Nabuhay na si Jesus Nazareno ang panahon ng takot, pangamba, hapis, lungkot, dalamhati, at lumbay. Hindi Niya ito pinatagal pa sa pamamagitan ng maluwalhati Niyang Muling Pagkabuhay. Kaya naman, bilang mga bumubuo sa Kanyang Simbahan, kasama ng ating Mahal na Inang si Mariang Birhen, magdiwang tayo nang buong galak dahil nagtagumpay ang Diyos sa pamamagitan ni Kristong Muling Nabuhay. Ang lahat ng mga pinaghirapan ng Diyos alang-alang sa atin na tunay Niyang minamahal ay nagbunga. Bilang patunay o tanda ng ating galak sa Muling Pagkabuhay ni Kristo, tanggapin rin natin ang ating bagong pagkakilanlan bilang mga anak ng Diyos. Pinaghirapan ni Kristo, ang Panginoong Muling Nabuhay, na makamit ang tagumpay upang maibilang tayo sa Kanyang pamilya sapagkat ang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob Niya para sa ating lahat ay tunay, tapat, totoo, at talaga ngang dakila. 

Tapos na rin sa wakas ang panahon ng paghihinagpis at pagdadalmhati. Ang ating ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang ating Mahal na Poong Jesus Nazareno ay tunay ngang nabuhay na mag-uli. Magdiwang tayo nang buong galak bilang Kanyang Simbahan kasama ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ating awitin nang buong galak ang "Aleluya!" Bakit? Ang Diyos ay nagtagumpay nang totoo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus Nazareno na Muling Nabuhay. 

Lunes, Marso 27, 2023

DAHIL SA KANYANG PAG-IBIG NA TUNAY NGANG DAKILA

7 Abril 2023 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5-7/Juan 18, 1-19, 42 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1545 and 1550), Crucifixion by Maarten van Heemskerck  (1498–1574), as well as the actual work of art from the Hermitage Museum through the Web Gallery of Art, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Ang unang awiting ginamit para sa Akame Ga Kill, isang masikat na seryeng anime na hango sa isa ring masikat na manga, ay pinamagatang こんな世界、知りたくなかった (Tagalog: Hindi ko hinangad na makilala ang mundong ito). Inilalarawan ng mga titik ng nasabing awitin ang dahilan kung bakit ipinasiya ng pangunahing karakter na itinatampok sa nasabing awitin na patigasin ang kanyang puso. Kasing-tigas ng isang bato ang kanyang puso. Sa totoo lamang, ipinahiwatig ng pamagat ng awiting ito ang dahilan kung bakit. Gaya ng nasasaad sa mga titik ng nasabing awitin, ang nasabing mundong kinabibilangan ng nasabing karakter ay puno ng pang-aapi, katiwalian, at kasamaan. Sino ba naman ang nais mamuhay sa isang mundo o lipunan kung saan laganap ang iba't ibang uri ng kasamaan, katiwalian, at karahasan? Hindi ba, wala? Walang naghahangad na mamuhay kung saan ang katarungan ay pinagkakaitan at umiiral ang kasamaan sa halip na kabutihan at katarungan. 

Taun-taon, sa pagsapit ng araw na ito, Biyernes Santo, pinagninilayan at ginugunita natin nang buong kataimtiman bilang isang Simbahan ang isang sandali kung saang umiral ang kawalan ng katarungan. Lantarang ipinagkait sa isang inosente ang katarungan. Mayroong isang inosenteng namatay dahil ang katarungan ay lantarang ipinagkait sa Kanya ng Kanyang mga kaaway na hindi nagdalawang-isip o nahiyang magpakita ng kagarapalan. Ang biktima ng walang awang pagkakait ng katarungan ay walang iba kundi si Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. 

Nakakalungkot ang sinapit ng Poong Jesus Nazareno. Ang Kanyang sinapit noong unang Biyernes Santo ay nagdulot ng hapis at dalamhati, lalung-lalo sa Mahal na Inang si Mariang Birhen na nakatayo sa tabi ng Banal na Krus noong araw na yaon, gaya ng nasasaad sa mahabang salaysay ng Pasyong Mahal sa Ebanghelyo. Subalit, ang sinapit ng Mahal na Poong Jesus Nazareno noong unang Biyernes Santo na ating pinagninilayan at ginugunita nang buong kataimtiman bilang mga kaanib ng Kanyang Simbahan sa Biyernes Santo ng kasalukuyan at sa mga Biyernes Santo pang darating kasunod nito ay inihayag na ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga hirang na propeta noong panahon ng Lumang Tipan. Isang halimbawa nito ay ang mahabang propesiya ni Propeta Isaias na itinatampok sa Unang Pagbasa. Tayo ang dahilan kung bakit Siya humarap, nagtiis, at nagbata ng maraming hirap, pagdurusa, sugat, at kamatayan (Isaias 53, 5). Ang lantarang pagpapamalas ng kagarapalan at pagkakait ng katarungan ay Kanyang hinarap, dinanas, tiniis, at binata alang-alang sa atin, mga marurupok at mahihinang makasalanan. Dagdag ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa, ito ang tungkulin ng Poong Jesus Nazareno.

Batid ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, kung gaano katindi at kasakit ang Kanyang tungkulin bilang Dakilang Saserdote. Haharap, magtitiis, at magbabata Siya ng napakaraming pagdurusa, hirap, sakit, at pati na rin ang karumal-dumal na uri ng pagkamatay sa isang kahoy na krus. Noong panahong yaon, ang pagkamatay sa krus ay ang pinakanakakahiyang uri ng kamatayan. Hindi lamang labis-labis ang sakit at hirap na titiisin hanggang kamatayan. Pati ang dignidad ng hinatulan ng kamatayan sa krus ay tinatanggalan at ipinagkakait. Kaya, noong mga araw na yaon, ipinapataw lamang ito sa mga hindi taga-Roma. Alam ito ni Jesus Nazareno na iyon ang Kanyang misyon at tungkulin bilang Dakilang Saserdote. Kaya naman, nasasaad sa Ikalawang Pagbasa na buong kababaang-loob, kataimtiman, pagsusumamo, at pagluha Siyang nanalangin sa Amang nasa langit. Oo, nakaramdam din si Kristo ng takot, pangamba, hapis, at dalamhati sapagkat batid Niya kung gaano kalupit at kasakit ito. Katunayan, ang takot, pangamba, hapis, at dalamhati ng Panginoong Jesus Nazareno dahil sa Kanyang misyon at tungkulin ay napakatindi. Isang patunay nito ay ang Kanyang pagdurusa habang nanalangin sa Ama sa Halamanan ng Hetsemani bago Siya dakpin roon ng mga kawal na padala ni Caifas. 

Kung matagal na'ng batid ng Panginoong Jesus Nazareno na napakatindi ang mga hirap, pagdurusa, sakit, at kamatayang Kanyang haharapin, titiisin, at babatain bilang ipinangakong Mesiyas, Tagapagligtas, at Dakilang Saserdote, bakit ang tungkulin at misyong ito ay ipinasiya pa rin Niyang tanggapin at tuparin nang buong kababaang-loob, pananalig, at pagtalima sa Ama? Ang Kanyang dakilang kagandahang-loob, pag-ibig, at habag. Ipinahiwatig ito sa unang bahagi ng napakahabang salaysay ng Kanyang mapait na pagpapakasakit at pagkamatay na inilahad sa Ebanghelyo para sa araw ng Biyernes Santo. Sa makalawang pagpapakilala ng Kanyang sarili sa mga bantay at kawal na padala ni Caifas, malakas na inihayag at pinakiusapan ng Poong Jesus Nazareno na hayaang makaalis nang malaya ang Kanyang mga apostol (Juan 18, 8). Isa itong malinaw na pahiwatig ng pag-ibig ng Nuestro Padre Jesus Nazareno. Dahil Siya naman ang kanilang pakay, nakiusap Siya sa kanila na paalisin ang mga alagad. Ganyan tayo ka-mahal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno.  

Dahil rin sa Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, bagamat puno ng hapis, dalamhati, takot, at pangamba habang buong pagdurusang nananalangin sa Amang nasa langit sa Halamanan ng Hetsemani bago Siya dakpin ng Kanyang mga kaaway, buong lakas, pananalig, at kababaang-loob na binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno sa Kanyang dalangin: "Mangyari nawa ang kalooban Mo!" (Mateo 26, 39. 42; Marcos 14, 37; Lucas 22, 42). Ito rin ang tinukoy Niya sa isa sa Kanyang mga huling pangaral sa mga apostol bago Siya dakpin nang Kanyang bigkasin sa kanila: "Walang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng buhay niya para sa kanyang mga kaibigan" (Juan 15, 13). Pinatunayan ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Krus sa Kalbaryo kung saan inihandog Niya ang buo Niyang sarili upang tayo'y iligtas mula sa kasalanan at kamatayan. 

Walang sinuman sa atin ang naghangad na isilang sa mundong puno ng pang-aapi, pananamantala, karahasan, kalupitan, kadiliman, katiwalian, at kasalanan. Ito ang dahilan kung bakit naiiba si Jesus Nazareno. Bagamat labag sa Kanyang kalooban na masaksihan kung paanong napuno ng kasalanan, kalupitan, katiwalian, at kasamaan ang mundong ito na Kanyang nilikha kaisa ng Ama at ng Espiritu Santo, hinangad pa rin Niya itong pasukin para sa ating ikaliligtas. Kahit alam Niyang hindi Siya magiging ligtas mula sa katiwalian, pang-aapi, at kawalan ng katarungan, ipinasiya pa rin Niya itong harapin, tiisin, at batain nang kusang-loob hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus upang tayo'y maligtas dahil sa Kanyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob na tunay ngang dakila at kahanga-hanga. Ito ang tunay Niyang ninais at hinangad gawin para sa atin dahil tunay Niya tayong minamahal. 

Linggo, Marso 26, 2023

HINDI NIYA BABAGUHIN ANG KANYANG IPINASIYA NOON

6 Abril 2023 
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23b-26/Juan 13, 1-15  

This faithful photographic reproduction of the painting (c. Between 1624 and 1625) The Last Supper by Giovanni Lanfranco (1582–1647), as well as the actual work of art itself from the National Gallery of Ireland, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Isa sa mga anime na tumatalakay sa paksa o konsepto ng paglalakbay sa nakaraan ay walang iba kundi ang pelikulang anime na pinamagatang Fireworks (打ち上げ花火、下から見るか? 横から見るか?). Kilala rin ang nasabing pelikulang anime bilang Fireworks: Should We Watch It From the Side or the Bottom?. Bagamat hindi naging kasing-sikat ng isa sa mga napakasikat na pelikulang anime na pinamagatang Your Name (君の名は) o kaya naman ng seryeng anime na halaw sa isa ring masikat na manga, ang Tokyo Revengers, na tumalakay rin sa nasabing paksa o konsepto, ang layunin ng nasabing pelikulang anime na tumalakay sa paksa o konsepto ay malinaw rin naman, kahit papaano. Tinalakay ng pelikulang anime na ito ang tanong tungkol sa gagawin ng bawat tao kapag binigyan sila ng pagkakataong baguhin ang anumang pasiyang isinagawa nila noon at kung ano kaya ang magiging resulta noon. 

Masarap rin namang isipin paminsan-minsan kung ano nga ba ang magiging itsura ng ating buhay sa kasalukuyan kung iniba lamang natin ang ipinasiya nating gawin kaysa sa aktual na ipinasiya nating gawin noon. Ano kaya ang magiging pagkakaiba sa ating buhay kung iba lamang ang ipinasiya nating isagawa noon? Kung sakaling pagkalooban tayo ng pagkakataong baguhin ang ating nakaraan, isasagawa ba natin iyon? Ano naman ang ating iibahin o babaguhin noon, kung oo ang naging sagot? 

Bakit madalas itong gawin ng marami? Ano'ng mayroon sa pag-iisip at pagtatanong tungkol sa mga ipinasiyang gawin noon habang binabalikan natin ang mga alaaala ng nakaraan? Maraming maaaring maging dahilan nito. Isa sa mga madalas na dahilan kung bakit madalas itong gawin ng maraming tao, na maaari rin nating sabihin at ituring bilang pinakamasikat na dahilan, ay mga panghihinayang. Marahil mayroong mga nanghihinayang sa pagkakataong makagawa ng mas mabuti o maganda. Yaong pakiramdam na sayang sapagkat hindi nila nagawa ang isang bagay. Madalas itong gawin ng mga nagkaroon ng masakit at mapait na hiwalayan. Sayang sapagkat ang relasyon o ugnayan ng dating magkasintahan ay hindi naipaglaban o pinandigan. 

Sinisimulan natin bilang Simbahan sa araw na ito, Huwebes Santo, ang pinakabanal na tatlong araw sa buong taon na walang iba kundi ang Banal na Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Jesus Nazareno. Lalo nating pinaiigtingin ang ating pagninilay at paggunita sa naging kusang-loob na paghahandog ng sarili ng Panginoong Jesus Nazareno alang-alang sa atin sa loob ng tatlong araw na ito. Sa pamamagitan nito, ang dakilang habag, pag-ibig, at kagandahang-loob ng Diyos ay inihayag ng Panginoong Jesus Nazareno. Kung tutuusin, ito ang dahilan kung bakit ipinasiya itong isagawa ng Mahal na Poon. Ang habag, pag-ibig at kagandahang-loob ni Kristo para sa atin na tunay na dakila ay ang dahilan kung bakit iniligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. 

Nakatuon sa mga kahanga-hangang gawa na ipinasiyang isagawa ng Diyos dahil sa pag-ibig Niyang tunay ngang dakila ang mga Pagbasa para sa araw na ito na inilaan sa pagninilay at paggunita sa mga huling sandaling kapiling ng Poong Jesus Nazareno ang mga apostol. Sa Unang Pagbasa, itinampok ang pasiya ng Panginoong Diyos na iligtas ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa bansang Ehipto. Ito ang ginugunita ng mga Hudyo sa tuwing ipinagdiriwang nila ang Paskuwa. Sa pamamagitan ng dugo ng kordero na inilapat sa kanilang mga pintuan habang pinagsasaluhan nila ang unang Hapunang Pampaskuwa sa Ehipto, ayon sa mga utos ng Diyos kina Moises at Aaron, tinubos sila ng Diyos mula sa pagkaalipin at kamatayan sa bansang Ehipto. Ito ang ginunita ng Poong Jesus Nazareno at ng Kanyang mga apostoles sa Huling Hapunan bilang mga Hudyo. Subalit, habang pinagsasaluhan nila ang Hapunang Pampaskuwa upang gunitain ang dakilang pasiya ng Diyos na palayain ang mga Israelita mula sa Ehipto bilang mga Hudyo, may mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sa Ikalawang Pagbasa, itinuon ang ating pansin sa pagtatag sa pinakamahalagang Sakramento ng Simbahan na walang iba kundi ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Inihandog ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kanyang Katawan at Dugo bilang tunay na pagkain at inumin. Ang tinapay at alak sa tuwing ipinagdiriwang ang Banal na Misa ay hindi lamang mga simbolo o sagisag. Bagkus, si Jesus Nazareno nga mismo iyon sa anyo ng tinapay at alak. Sa tuwing ipinagdiriwang ang Sakramento ng Banal na Eukaristiya araw-araw, laging dumarating ang literal na Poong Jesus Nazareno upang ibigay ang Kanyang sarili sa anyo ng tinapay at alak bilang pagkain at inumin, gaya ng Kanyang ginawa noon sa bundok ng Kalbaryo. Hindi lamang iyan ang Kanyang ginawa sa mga oras na iyon. Sa Ebanghelyo, hinugasan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga paa ng mga apostol. Tinuruan at inutusan ng Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan nito na ibigay nang buong-buo ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa Diyos at kapwa bilang pagpapahayag ng kanilang pag-ibig para sa isa't isa katulad ng Kanyang ipinasiyang gawin nang kusang-loob para sa atin. 

Dahil sa dakila Niyang pag-ibig, habag, at kagandahang-loob, ipinasiya ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, na ipagkaloob sa atin ang biyaya ng kaligtasan. Kusang-loob itong ipinasiyang gawin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang lahat ng mga hirap, sakit, at pagdurusang kaakibat ng pasiyang ito ay hindi naging sagabal para sa atin. Bagamat hindi tayo karapat-dapat sa biyayang ito sapagkat likas naman sa atin bilang mga marurupok at mahihinang tao na paulit-ulit na magkasala laban sa Panginoong Diyos, ipinasiya pa rin Niya itong gawin para sa atin dahil tunay Niya tayong kinahahabagan. Gaya ng nasasaad sa mga titik ng isa sa mga awiting kinatha para sa Paghahandog ng mga Alay sa Banal na Misa, ang "Alay sa Diyos," ang awa ng Diyos ay hindi mabilang. Hindi man mabilang ang ating mga kasalanan laban sa Panginoong Diyos dahil sa sobrang dami nito, mas lalong hindi mabibilang o matutumbasan ang awa ng Diyos. Ang habag at pag-ibig ng Diyos ay higit na dakila kaysa sa ating mga kasalanan.

Kusang-loob na ipinasiya ni Taki Tachibana (君の名は) na bumalik sa nakaraan bilang si Mitsuha Miyamizu upang iligtas ang mga taga-Itomori, kabilang na rito si Mitsuha, mula sa isang comet. Sa pamamagitan nito, nagbago ang kasaysayan para sa mga dating taga-Itomori. Naligtas sila sa halip na mamatay dahil sa nasabing comet. Gayon din ang ipinasiyang gawin ni Takemichi para kay Hina at pati na rin para sa kanyang mga naging kaibigan kalaunan. Maging si Noremichi (Fireworks), nagbalik siya sa nakaraan nang paulit-ulit upang mapagbigyan ang mga hiling ni Nazuna at upang matuklasan na rin ang magiging kalalabasan ng lahat kung si Nazuna ay naging kanyang kasintahan. Ang mga panauhing ito na mga karakter sa mga anime ay pinagkalooban ng pagkakataon baguhin ang nakaraan para sa isang magandang kinabukasan kapiling ang kanilang minamahal. Subalit, kung ang Panginoong Jesus Nazareno ay bibigyan ng pagkakataong baguhin o ibahin ang Kanyang pasiya upang mailigtas ang sarili, hindi Niya ito gagawin. Walang babaguhin o iibahin ang Poong Jesus Nazareno sa Kanyang ipinasiyang gawin noong dumating Siya sa mundong ito bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Bagkus, gagawin pa nga Niya iyon ulit sapagkat tunay Niya tayong minamahal at kinahahabagan.

Hindi babaguhin o iibahin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kanyang pasiya na ihandog ang Kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo nang kusang-loob alang-alang sa atin. Patuloy Niya itong pinaninindigan. Ganyan tayo kamahal ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ating ipinangakong Panginoon at Tagapagligtas. Gaano mang karami ang mga pagkakataong ibigay sa Kanya upang ibahin o baguhin ang Kanyang ipinasiyang gawin sa mga sandaling iyon, wala Siyang babaguhin o iibahin sa Kanyang pasiyang iligtas tayo sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo dahil tunay Niya tayong minamahal at kinahahabagan. 

Sabado, Marso 25, 2023

ANG TUNAY NA MAAASAHAN AT MAPAGKAKATIWALAAN

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKAPITO AT HULING WIKA (Lucas 23, 46): 
"Ama, sa mga Kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu!" 

This faithful photographic reproduction of the painting (Between c. 1598 and c. 1600), Calvario by Hermano Adriano, as well as the work of art itself from the Museum of Fine Arts of Córdoba, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Bilang mga taong namumuhay at naglalakbay dito sa mundo, mayroong mga bagay na hindi natin kontrolado. Mayroon tayong mga limitasyon at hangganan. Ito ang katotohanan tungkol sa buhay natin dito sa mundong ito na hindi natin matatakasan at maipagkakaila. Gaano man tayo kagaling at kahusay sa maraming bagay o kaya sa iilang mga bagay lamang, hindi natin kontrolado ang lahat ng bagay dito sa mundo. 

Maging ang ating buhay dito sa mundo ay mayroong hangganan. Hindi natin hawak ang ating buhay. Walang sinumang tao na namuhay at naglakbay sa mundong ito ay namuhay rito magpakailanman. Oo, mayroong ilang mga taong pinalad na mamuhay sa mundong ito sa loob ng napakatagal na panahon, subalit, katulad ng ibang mga taong namuhay sa mundong ito, mayroon pa rin siyang hangganan at wakas. Ang ipinagkaloob sa kanila, na mga tao rin tulad natin, ay ang biyaya ng mahabang buhay, hindi pagiging imortal. Kung matatagpuan sa mundo ang buhay na walang hanggan, wala sanang mga laman ang mga libingan. Iyon nga lamang, may mga nakalibing pa rin doon. Patunay lamang ito na pansamantala lamang ang buhay dito sa lupa. 

Ito ang aral ng Ikapitong Wika ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Banal na Krus bago Siya tuluyang malagutan ng hininga. Sa Ikapito at Huling Wikang binigkas nang malakas ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Banal na Krus, ipinaalala Niya muli sa lahat na tanging ang Diyos lamang ang may kontrol sa lahat ng bagay. Maituturing natin ang Ikapitong Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na Siyang pinakahuling wikang binigkas Niya bago Siya mamatay sa Krus bilang Kanyang huling mensahe at pangaral para sa ating lahat, katulad ng mga huling mensahe ng mga guro para sa kanilang mga estudyante sa huling araw ng mga klase bago ang mga araw na inilaan o itinakda para sa mga huling pagsusulit. Tila, pahabol na mensahe na lamang. 

Ang Ikapito at Huling Wika ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Banal na Krus ay hango mula sa Salmo 31. Katunayan, isinalungguhit ng mga dalubhasa sa Bibliya na itong mga katagang ito na binigkas ng Poong Jesus Nazareno mula sa Krus na hango mula sa Salmo 31 ay isinasambit ng mga Hudyo bilang panalangin bago matulog sa gabi. Naaangkop sambitin ang mga salitang ito bilang panalangin bago matulog dahil isinasalungguhit ng mga salitang ito ang pagiging matapat at maaaasahan ng Diyos bilang ating tagapagtanggol at sanggalang. 

Gaya ng isinalungguhit ng mga dalubhasa sa Bibliya, ang Ikapito at Huling Wikang binigkas ng ating Mahal na Poong Jesus Nazareno na hango mula sa Salmo 31 ay ang panalangin ng mga Hudyo bago matulog sa gabi. Magandang pagtuunan ng pansin ang katangiang ito ng mga katagang binigkas ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bago tuluyang malagot ang Kanyang hininga mula sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Isa sa mga sandali kung saan wala tayo kontrol sa mga kaganapang nangyayari ay kapag natutulog tayo. Oo, maganda naman ang idinudulot sa atin ng pagtulog, lalung-lalo na yaong mga mahihimbing na pagtulog. Subalit, sa mga oras o sandaling natutulog tayo, mayroong mga maaaring mangyari sa atin na hindi maganda o kaaya-aya. Totoo ito, lalung-lalo na kapag tayo'y nasa mga mataong lugar katulad ng Quiapo. Aminin natin, tumalikod o pumikit lamang tayo kapag nasa Quiapo tayo o kaya sa mga lugar tulad noon, tiyak may nangyari na sa atin. Maaaring dinukutan na tayo ng anumang ari-ariang dala natin kapag pumunta tayo roon. Sa isang iglap lamang, may nawala. Maaari na itong dinukutan, o kung hindi, nalaglag. Alam naman natin na kapag mayroon tayong mga nalaglag sa mga mataong lugar katulad na lamang ng Quiapo, huwag na tayong umasang mahahanap at mababawi natin iyon muli sapagkat tiyak may iba na'ng nakapulot niyon.

Hindi lamang sa pagpunta sa mga mataong lugar gaya ng Quiapo. Pati na rin sa mga mismo nating bahay. Maaaring pasukin ng mga magnanakaw ang mga bahay nang palihim at hindi natin nalalaman sapagkat natutulog tayo nang mahimbing. Oo, hindi ito nangangahulugang hindi tayo handa. Lagi nating pinagsisikapang maging handa upang mahuli at maiulat sa mga autoridad ang mga nagbabalak na looban ang mga bahay natin upang hindi sila makapagnakaw. Subalit, kapag pagod na pagod na tayo, likas sa atin bilang mga tao ang magpahinga. Matutulog kung sobrang pagod. 

Kaya, isinasalungguhit ng mga salitang ito ang tiwala sa Diyos. Ang pagiging tapat at maaasahan ng Diyos sa lahat ng oras at sandali ay isinasalungguhit ng mga katagang ito na binigkas ni Kristo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno, sa Banal na Krus. Hindi natin kontrol ang lahat ng bagay dito sa mundo. Sa tuwing haharap sa mga bagay na wala sa ating kontrol, mayroon tayong maaaring lapitan - ang Panginoon. Tanging ang Diyos lamang ang maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay sa mundong ito bilang ating sanggalang at tagapagtanggol.

Sa mga anime na maaaksyon, tulad na lamang ng Sword Art Online, mayroong mga eksena kung saang mahirap unawain kung paano nakaligtas at namuhay ang bida ng nasabing serye. Halimbawa na lamang, sa Sword Art Online, ang bidang si Kirito na kilala rin bilang si Kazuto Kirigaya, ang kanyang pangalan sa tunay na buhay, ay ilang ulit na nakaligtas mula sa mga matitinding panganib sa mga online na laro. Kapag sa ibang tao nangyari iyon, tiyak na patay na siya. Subalit, dahil si Kirito ang bida noon, hindi siya namatay. Mahirap para sa ilang mga manonood noon na ipaliwanag kung paanong namuhay si Kirito gayong nasa gitna siya ng mga matitinding panganib sa laro. Para siyang Cardo Dalisay ng dating sikat na serye Ang Probinsyano na pitong taong namayagpag sa himpapawid. 

Mabuti pa sa mga palabas sa telebisyon katulad na lamang ng mga maaksyong serye at pelikula, anime man o live-action. Subalit, hindi ito katulad ng totoong buhay. Kaya nga, kathang-isip lamang ang mga ito. Iba ito sa totoong buhay. Hindi tayo ang may hawak o kontrol ng lahat ng bagay sa mundo dahil hindi tayo mga diyos o bathala. Isa lamang ang Diyos. Siya ang may kontrol ng lahat ng bagay. Ang Panginoong Diyos ay tunay nga nating mapagkakatiwalaan at maaasahan sa bawat sandali ng ating buhay dito sa mundo bilang ating sanggalang at tagapagtanggol. 

Bago malagot ang Kanyang hininga sa Banal na Krus, may pahabol na aral para sa lahat si Kristo, ang Panginoong Jesus Nazareno. Ang Diyos lamang ang tangi nating maaasahan at mapagkakatiwalaan bilang sanggalang at tagapagtanggol. Hindi Niya tayo pababayaan. Lagi Niya tayong tutulungan, ipagsasanggalang, at ipagtatanggol sa bawat sandali ng ating buhay dito sa mundong ito. Isa lamang ang kinakailangan nating gawin: lumapit tayo sa Kanya nang buong kababaang-loob at pananalig upang hingin ang Kanyang pagtulong at pagsasanggalang. Hinding-hindi Niya ito ipagkakait o ipagdadamot sa atin dahil tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. 

Biyernes, Marso 24, 2023

WALA BA SA LUGAR AT ORAS?

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30): 
"Naganap na!" 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1680) Calvário, which is attributed to Bento Coelho da Silveira  (1617–1708), as well as the actual work of art itself from the Museu de São Roque, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Maraming mga maaksyong pelikula, serye, anime, at manga ang naglalarawan ng pakiramdam ng mga taong nagwawagi matapos ang isang matinding labanan kung saan nakasalalay ang tadhana ng isang bansa o kaya naman ang buong mundo. Isang halimbawa nito ay inilarawan sa ikalawang yugto ng isa sa mga masisikat na manga na binigyan ng isang adapsyong anime at adapsyong pelikula na walang iba kundi ang Rurouni Kenshin (Samurai X). Matapos ang isang napakatinding sagupaan laban kay Shishio Makoto, marami ang nagsaya dahil ang nanalo sa nasabing laban ay walang iba kundi ang bidang si Himura Kenshin. Bagamat pagod na pagod na si Kenshin sa mga sandaling iyon dahil sa tindi at hirap ng labang iyon, masaya siya sapagkat nagbunga ang kanyang mga paghihirap sa pagsasanay at paghahanda upang makamit ang tagumpay laban kay Shishio para sa ikatatahimik at ikapapayapa ng kanyang mga mahal sa buhay at kaibigan at pati na rin ng mga kababayan niya.

Ang Ikaanim na Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Krus ay Kanyang binigkas sa isang kakaibang sandali. Kung susundin natin ang pananaw at lohika ng tao, ang mga pahayag katulad na lamang ng wikang ito ng Poong Jesus Nazareno ay hindi sasabihin ninuman kapag iniligay nila ang kanilang mga sarili sa kalagayan ng Mahal na Poon nang bigkasin Niya nang malakas ang wikang ito. Ang wikang ito ay binigkas ng Poong Jesus Nazareno sa sandali ng matinding pagdurusa, dilim, hapis, at dalamhati. Tila hindi nararapat bigkasin ang mga ganitong pahayag sa mga sandaling iyon. Maaaring sabihin ng ilan na hindi binasa nang maigi ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang paligid nang bigkasin Niya ito. Bakit Niya ito sinabi nang malakas sa gitna ng mga pagdurusa, hapis, at dalamhati? Para kasing wala ito sa lugar at oras. 

Wala nga ba sa lugar o sa oras ang Ikaanim na Wika ni Kristo mula sa Krus? Sa unang tingin, oo. Kung gagamitin natin ang pag-iisip at lohika ng tao, oo, wala ito sa tamang lugar at oras. Subalit, huwag nating kakalimutang ang pag-iisip at lohika ng Diyos ay hindi katulad ng pag-iisip at lohika ng tao. Ang Diyos na rin ang nagsabi: "Ang Aking isipa'y 'di ninyo isipan, at magkaiba ang ating daan. Kung paanong ang langit [ay] higit na mataas, mataas sa lupa, ang daa't isip Ko'y hindi maaabot ng inyong akala" (Isaias 55, 8-9). Maaaring isipin ng mundo na tuluyan na'ng naging hibang ang Panginoong Jesus Nazareno sa mga sandaling yaon, subalit sa pananaw ng Diyos, ang Kanyang ginawang pagpapahayag ng mga katagang ito ay nararapat lamang gawin. 

Sa pananaw ng mundo, ang pagbigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ng wikang ito habang naghihingalo at unti-unting binabawian ng buhay sa Krus sa bundok ng Kalbaryo ay isang napakalaking kabalintunaan. Hindi ito gagawin ninuman kapag sila mismo ang nasa kalagayan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa sandaling binigkas Niya nang malakas at buong tiwala mula sa Banal na Krus ang wikang ito. Mayroon pa ngang ilang mag-aakalang nahihibang o nasisiraan na ng bait si Jesus Nazareno dahil nasabi Niya ito. Subalit, sa pananaw ng Panginoon at sa pananaw nating mga bumubuo sa Kanyang Simbahan, isa itong pahayag ng tagumpay. Bagamat puno ng hapis, dalamhati, at pagdurusang tunay ngang napakatindi sa mga sandaling yaon, ang Panginoong Jesus Nazareno ay nagpahayag ng Kanyang tagumpay. 

Bakit Niya ipinasiyang kamtin ang tagumpay sa ganitong pamamaraan? Dahil tunay ang Kanyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob para sa atin. Kusang-loob na ipinasiya Niyang harapin, tiisin, at batain ang lahat ng mga hirap, sakit, pagdurusa, kawalan ng katarungan, paglilibak, hapis, at dalamhati alang-alang sa atin. Ito ang patunay na tunay Niya tayong iniibig at kinahahabagan. Alang-alang sa ating lahat na tunay Niyang iniibig at kinahahabagan, kinamit ni Jesus Nazareno ang tagumpay sa ganitong paraan, gaano man kahirap at kasakit ang pamamaraang ito. Kaya naman, malakas Niyang ipinahayag ang wikang ito sa gitna ng hapis at dalamhati. 

Hindi wala sa tamang lugar at oras ang pagbigkas ng Panginoong Jesus Nazareno ng wikang ito. Bagkus, ito ang tamang lugar at oras upang ipahayag ito sapagkat ito ay isang pahayag para sa mga tunay Niyang minamahal. Ang nasa likod ng wikang ito ay pag-ibig at habag na tunay nga namang wagas at dakila. Binata ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang lahat ng mga hirap, sakit, pagdurusa, hapis, at dalamhati upang makamit Niya ang tagumpay at kaligtasan para sa ating lahat. 

Kapag tumingin tayo sa mga Krusipiho, huwag nating kakalimutan ang wikang ito na binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno. Ang wikang ito ay isang buod ng tanging dahilan kung bakit Niya ipinasiyang ihandog ang Kanyang sarili sa Banal na Krus na pinasan Niya mula sa pretoryo sa Herusalem patungo sa bundok ng Kalbaryo. Dugo at pawis ang ibinuhos at ibinigay ng Panginoong Jesus Nazareno sa mga nalalabing sandali ng Kanyang buhay at misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Isa lamang ang dahilan nito - tunay Niya tayong minamahal. 

Lagi nating tatandaang tunay tayong minamahal at kinahahabagan ng Diyos. Ito ay pinatunayan ni Kristo, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, sa mga huling sandali ng Kanyang buhay at misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ang lahat ng mga matitinding hirap, sakit, pagdurusa, lungkot, hapis, at dalamhating nakaakibat o nakadikit sa Kanyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob sa sangkatauhan ng Diyos ay kusang-loob Niyang tiniis at binata alang-alang sa atin. Ang Kanyang Ikaanim na Wika mula sa Krus ay isang naaangkop na buod nito. 

Huwebes, Marso 23, 2023

TUGON SA KANYANG PAKIUSAP

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28): 
"Nauuhaw Ako."  

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1606) Crucifixion by Frans Francken the Younger (1581–1642), as well as the work of art itself from the Kunsthistorisches Museum, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Kung paiklihan ang pag-uusapan, sa lahat ng mga wikang Kanyang binigkas habang nakabayubay sa Krus, ang Ikalimang Wika ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pinakamaikling wikang Kanyang binigkas mula sa Banal na Krus. Sa Latin na salin, isang salita lamang ang Kanyang binigkas: "Sitio." Medyo mayroong kaunting haba ang ibig sabihin ng wikang ito sa Hapones, subalit ang ibig sabihin ng wikang ito sa Hapones ay 喉が渇く o kaya naman 喉が渇いている. Kung ang pormal na paraan ay gagamitin natin, ang ibig sabihin nito ay 喉が渇きます o kaya 喉が渇いています. Sa mga salin ng wikang ito sa wikang Hapones, isinasalungguhit ang pagiging tuyo ng lalamunan. Humihingi ng inumin ang tao dahil natutuyo ang lalamunan. 

Naranasan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang kalagayang ito ng tao. May mga pagkakataong nauuhaw ang tao. Gayon din ang Poong Jesus Nazareno, lalung-lalo na sa mga huling sandali ng Kanyang buhay sa Krus. Subalit, sa salaysay ng sandaling ito, mayroong isang napakahalagang detalyeng isinulat ang Manunulat ng Mabuting Balita na si Apostol San Juan na sinabi ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno upang matupad ang nasasaad sa Kasulatan (Juan 19, 28). Agad itong sinundan ng isa pang detalyeng napakahalaga. Ito ay ang tugon sa pagbigkas ng Poong Jesus Nazareno ng wikang ito. Nasusulat na nilublob sa isang mangok na may maasim na alak ang isang espongha na ikinabit sa isang sanga ng isopo at idiniit sa bibig ng Poong Nazareno upang mainom Niya ito (Juan 19, 29). Sa sandaling ito, natupad ang isang bahagi ng aklat ng mga Awit o Salmo na kung saan nasusulat ay binigyan ng suka sa halip na tubig ang lingkod ng Diyos na nauuhaw (Salmo 69, 21). 

Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Jesus Nazareno, bagamat maraming ulit Siyang nagbigay at nagkaloob ng maraming biyaya sa lahat, katulad na lamang ng pagkain para sa 5000 tao na nagtipon sa isang ilang na lugar upang makinig sa Kanyang pangangaral, ay pinagkaitan ng malasakit mula sa mga taong tunay Niyang inibig at kinahabagan. Kahit kaunting malasakit man lamang ay ipinagkait sa Poong Jesus Nazareno na puspos ng tunay at wagas na pag-ibig, habag, kagandahang-loob, malasakit, at kabutihan para sa lahat. Tapos, ang naging kapalit ng mga ito ay ang hindi makatarungan at hindi makataong pagtrato sa Kanya sa mga huling sandali ng buhay Niya rito sa mundo. 

Mabuti pa sa pelikulang Weathering With You  (天気の子 ). Bagamat sa unang bahagi ng nasabing pelikula kung kailan naganap ang eksena ng pagbigay ni Amano Hina ng isang hamburger kay Morishima Hodaka na gutom na gutom na sa mga oras na iyon ay hindi magkakilala ang dalawang ito, hindi nagdalawang-isip si Hina na bigyan ng kahit kaunting pagkaing panawid-gutom si Hodaka. Mabuti pa sa pelikulang anime. Sa totoong buhay, ano'ng mayroon? Mayroong pa ngang mga walang puso at awang hindi nagdadalawang-isip na manlinlang, manamantala, magnakaw, at mangitil ang buhay ng kapwa. Higit pa'ng nakakalungkot ang katotohanang ginagawa ito ng mga taong iniluklok sa taas ng lipunan at binigyan ng kapangyarihan upang maglingkod. Dahil dito, lumalaganap ang katiwalian at kawalan ng katarungan. Ipinagtatanggol pa nga sila ng kanilang mga alipores sa pamamagitan ng paglikha ng mga pekeng balita upang mapabango ang kanilang mga pangalan. Isa itong napakalaking problema sa ating lipunan. Pagbabago ng mga sariling pangalan ang inatupag. Bakit ginagawa ito? Para lalo pa nilang pairalin ang kanilang pagiging gahaman at sakim. 

Umaalingawngaw pa rin nang malakas sa kasalukuyang panahon ang wikang ito ng ating Panginoong Jesus Nazareno. Sabi pa nga Niya sa isa sa Kanyang mga pangaral tungkol sa Huling Paghuhukom na magaganap sa wakas ng panahon na ginagawa sa Kanya ang lahat ng mga mabubuting ginagawa sa mga aba Niyang kapatid (Mateo 25, 40). Ano ang ating magiging tugon? Bukal ba sa ating mga puso at kalooban ang paggawa ng mabuti o kaya naman pahihintulutan nating umiral ang hindi makatao at hindi makatarungang gawaing umaapi sa mga aba? 

Lingid sa kaalaman ng marami, mayroon pa ring saysay sa kasalukuyan ang wikang ito na binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Krus. Ang wikang ito ni Jesus Nazareno ay patuloy Niyang binibigkas sa kasalukuyang panahon. Hindi lamang ito para sa mga taong nakakarinig sa Kanya noong dumating Siya sa mundong ito. Ito ay sinasambit pa rin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa kasalukuyan at patuloy na umaalingangaw ang mga salitang ito sa pamamagitan ng Simbahan. Araw-araw, si Jesus Nazareno ay laging lumalapit sa atin upang pakiusapan tayong pagbigyan ang tangi Niyang hiling para sa atin - ibigay at ihandog ang ating mga sarili sa Kanya bilang Kanyang mga tapat na lingkod na magiging salamin ng Kanyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob para sa lahat. 

Hindi lamang nananatili ang mga salitang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga huling sandali ng Kanyang buhay sa Kalbaryo. Bagkus, ang Kanyang wikang ito ay patuloy na umaalingawngaw nang malakas sa kasalukuyan. Ano ang ating tugon? 

Miyerkules, Marso 22, 2023

KASAMA SA MGA MADIDILIM NA SANDALI SA BUHAY

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34): 
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1600) Crucified Christ by Orazio Borgianni  (1574–1616), as well as the actual work of art itself from Museo de Cádiz, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin and in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Nang mapagtanto ni Lelouch vi Britannia ang katotohanang buhay ang kanyang mga magulang na sina Charles vi Britannia at Marianne vi Britannia upang isakatuparan ang kanilang planong lumikha ng isang panibagong mundo sa yugto bago ang huling yugto sa ikalawa't huling kabanata ng seryeng Code Geass: Lelouch of the Rebellion, inihayag ni Lelouch ang kanyang galit, pagtakwil, at pagtutol sa kanilang plano, lalo't higit ay sinubukan pa nga nilang bigyan ng katuwiran ang ginawa nilang pag-iwan at pagpapabaya sa kanilang dalawa ng kapatid niyang si Nunnally noong mga bata pa sila. Habang inihahayag ni Lelouch ang kanyang nais na magkaroon ng isang mundo kung saan may pagkakataong ang bawat tao lumikha ng isang magandang bukas, si Lelouch ay hindi nagdalawang-isip na ihayag nang malakas sa mga magulang niya tungkol sa kanyang galit para sa kanila dahil hindi sila nag-atubiling pabayaan nilang dalawa sina Lelouch at Nunnally noong mga bata pa sila. 

Hindi biro ang pakiramdam ng pinabayaan. Ang pakiramdam ng pinabayaan ay mag-isa ka lamang na humaharap sa mga pagsubok sa buhay na walang karamay. Oo, mayroon tayong mga kani-kanilang mga problema o pagsubok na hinaharap sa ating buhay dito sa mundo na pansamantala lamang, subalit bilang tao, naghahangad tayo ng mga karamay at kasama upang maibsan nang kahit kaunti man lamang ang mga sakit at hapdi dulot ng mga tiisin at pagsubok sa buhay. 

Ilan lamang sa mga problema o pagsubok na ito sa kasalukuyang panahon na tiyak na hindi pa umaalis sa isipan ng bawat tao ay ang pandemiyang COVID-19. Tiyak na batid ng mga nagkaroon ng COVID-19 ang pakiramdam ng tila pinabayaan na sila ng lahat dahil wala silang karamay o kasama. Oo, mayroon namang mga makabagong teknolohiya katulad na lamang ng mga telepono upang magamit ng marami nang sa gayon ay makausap nila ang kanilang mga magulang mula sa malayo, subalit iba pa rin ang pakiramdam ng pakikipaghalubilo sa ibang tao. Iyon nga lamang, ang mga nagkaroon ng sakit na ito ay hindi maaaring makaalis mula sa kanilang mga bahay o kaya kuwarto kung saan man sila hangga't hindi sila gumagaling. 

Sa paglipas ng bawat araw na hindi pa gumagaling ang isang tao mula sa sakit na ito, tila mapapatanong na lamang ang mga tinamaan ng nasabing sakit kung hanggang kailan pa ba nila ito titiisin o kaya naman kung gagaling pa nga ba sila. Kung tutuusin, hindi malayo sa posibilidad ang pagsisimula ng kanilang pagtatanong sa Panginoong Diyos kung bakit nangyari ito sa kanila at kung bakit hindi nila maramdaman sa mga oras at sandaling iyon ang Kanyang presensya. Mayroon nga ring ilang nagsisimulang manumbat sa Diyos habang tumatagal ang panahong kinakailangan nilang mapag-isa dahil sa nasabing sakit. Bakit ito nangyari sa kanila? Nasaan ang Diyos? 

Tiyak na tagos sa puso at isipan ng maraming taong nagbibitbit at humaharap sa maraming mga pagsubok at pasanin sa buhay, katulad na lamang ng COVID-19 at iba pang mga sakit katulad noon, ang Ikaapat na Wikang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Banal na Krus sa bundok ng Kalbaryo. Ito ay ang pinakamarubdob o pinakamadamdaming wikang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno. Malapit ito sa karanasan ng maraming tao araw-araw. Sa wikang ito, pinatunayan ng Poong Jesus Nazareno na naging tunay Siyang tao. Bagamat Siya'y Diyos, kusang-loob na ipinasiya Niyang maging tao at maranasan ang lahat ng kanilang mga naranasan sa buhay dito sa lupa. Nang bigkasin ni Jesus Nazareno ang wikang ito mula sa Banal na Krus, naranasan Niya ang pakiramdam ng pagkakaroon ng walang karamay sa mga hirap, sakit, dalamhati, lumbay, at hapis sa buhay. 

Ang Ikaapat na Wikang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno ay ang mga unang salita ng Salmo 22. Sa unang tingin o basa, mukha itong panunumbat sa Diyos dahil tila hindi na maramdaman ang Kanyang pagdamay at presensya sa mga sandali ng mga madidilim at matitinding pagsubok sa buhay dito sa mundong ito. Kung kailan kinailangan ang Diyos, saka pa Siya hindi magpapakita o magpaparamdam. Subalit, hindi ito isang panunumbat sa Diyos. Bagkus, isa itong taos-pusong panalangin at pakiusap sa Panginoong Diyos na tulungan ang Kanyang mga lingkod sapagkat Siya lamang ang tunay at tanging makakatulong sa Kanyang mga tapat na lingkod na hindi nagsasawang manalig, sumunod, at tumalima sa Kanya na pagtagumpayan ang iba't ibang mga pagsubok sa buhay dito sa mundong ito. 

Dinanas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa mga huling sandali ng Kanyang buhay sa Krus ang pinakamadilim at pinakamasakit na karanasan ng lahat ng tao dito sa mundong ito. Hindi lamang ang pinakamasakit na uri ng kamatayan na walang iba kundi ang pagkamatay sa krus kundi pati na rin ang pinakamasakit na karanasan ng pagiging mapag-isa sa mga sandali ng matitinding kadiliman at pagsubok sa buhay. Niloob ng Poong Nazareno itong mangyari sa Kanya upang ituro sa atin kung sino lamang ang tanging makakatulong sa atin na magtagumpay - ang Diyos. Hindi Niya tayo iiwanan at pababayaan. Lagi tayong tutulungan, sasamahan, at dadamayan ng butihing Diyos na tunay tayong iniibig at kinahahabagan. 

Martes, Marso 21, 2023

BIYAYANG IPINAGKALOOB DAHIL SA PAG-IBIG

PAGNINILAY SA PITONG HULING WIKA NG MAHAL NA POONG JESUS NAZARENO 
IKATLONG WIKA (Juan 19, 26-27): 
"Babae, narito ang iyong Anak . . . Narito ang iyong Ina!" 

This faithful photographic reproduction of the painting (c. 1679) Calvary (Portuguese: Calvário) by Josefa de Óbidos  (1630–1684), as well as the actual work of art itself from the Santa Casa da Misericórdia, Peniche, Portugal, is in the Public Domain ("No Copyright") in its country of origin as well as in other countries and areas, including the United States, where the copyright term is the author's life plus 100 years or fewer due to its age. 

Habang pinagninilayan ang Ikatlong Wikang binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Krus, itinutuon ng Simbahan ang ating mga pansin sa kahulugan ng tatlong pangalan. Ang tatlong pangalang isinasaliksik sa wikang ito ay ang mga pangalan ng tatlong taong inilalarawan sa sandaling binigkas ng Panginoong Jesus Nazareno ang wikang ito mula sa Krus: Hesus, Maria, at Juan. 

Una, ang Pangalang "Hesus." Ang ibig sabihin ng Pangalang "Hesus" ay "Ang Diyos ay nagliligtas." Habang nakabayubay sa Banal na Krus at naghihingalo, ang wikang ito ay binigkas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Mahal na Inang si Maria at ang isa sa Kanyang mga apostol na si Apostol San Juan. Sa sandaling ito kung kailan ang wikang ito ay Kanyang binigkas habang inililigtas Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pagbubo ng Kanyang Kabanal-banalang Dugo mula sa Krus na Banal, ang Poong Jesus Nazareno ay nagbigay ng isang napakagandang biyaya para sa sangkatauhang tunay Niyang iniibig. 

Ikalawa, ang pangalang "Maria." Maraming kahulugan ang pangalang "Maria." Ilan sa mga kahulugan ng pangalang ito ay "Nagmula sa dagat," "Mapait," "Mapaghimagsik," at "Iniibig." Subalit, sa konteksto ng wikang ito na binigkas ni Kristo mula sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo, nararapat lamang ituon ang ating pansin sa kahulugan ng nasabing pangalan bilang "Iniibig" o "Minamahal." Ibinigay ng Diyos ang Mahal na Inang si Mariang Birhen sa kanyang mga magulang na sina San Joaquin at Santa Ana dahil sa Kanyang pag-ibig, hindi lamang para sa mag-asawang ito, kundi para na rin sa sangkatauhan. Katunayan, ito rin ang dahilan kung bakit iniligtas na ng Diyos ang Mahal na Inang si Mariang Birhen mula sa kasalanan bago siya isilang sa mundong ito upang maging marapat siyang dalhin ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Pag-ibig rin ang dahilan kung bakit hinirang ng Diyos si Maria para sa nasabing misyon at tungkulin. Ang misyon at tungkuling ito na bigay ng Diyos ay buong pananalig at kababaang-loob na tinanggap ni Maria dahil rin sa kanyang pag-ibig para sa Diyos. 

"Juan" ang ikatlo at huling pangalang binibigyan ng pansin ng Simbahan sa pagninilay sa Ikatlong Wika ng Panginoong Jesus Nazareno mula sa Krus na Banal. Madalas na pinagninilayan tuwing sasapit ang panahon ng Adbiyento at maging sa Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista tuwing ika-24 ng Hunyo ang kahulugan ng pangalang "Juan." Bihira lamang ito bigyan ng pansin at taimtim na pagnilayan sa labas ng mga nasabing araw. Subalit, sa konteksto ng wikang ito na binigkas ng ating Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Kabanal-Banalang Krus, nararapat lamang itong bigyan ng pansin at pagnilayan. Ang ibig sabihin ng pangalang "Juan" ay "Ang Diyos ay mapagpala." Mula sa Krus, isang pagpapalang natatangi ay ipinagkaloob sa tanan ng pinakadakilang pagpapalang si Jesus Nazareno, ang ating Mahal na Poon. Bukod sa biyaya ng kaligtasan, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay nagbigay ng dagdag na pagpapala para sa Simbahan - ang Mahal na Inang si Mariang Birhen. 

Napakalinaw kung paanong isinasalungguhit ng kahulugan ng tatlong pangalang ito ang aral at mensahe ng Ikatlong Wikang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno mula sa Krus. Mula sa Krus na Banal, bumuhos ang lahat ng mga pagpapalang bigay ng Diyos sa sangkatauhan dahil sa pag-ibig Niyang tapat at walang hanggan. Bukod sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos, ang biyaya ng isang Ina para sa Simbahan ay kusang-loob na ipinagkaloob ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na nakapako sa Krus. Kahit hirap na hirap na Siya noon at naghihingalo, nagbigay pa rin Siya ng isa pang biyaya upang patunayan ang Kanyang pag-ibig para sa atin - ang Mahal na Birheng Maria. 

Maraming ulit na itinampok sa ilang mga masisikat na serye at pelikulang gawa sa Korea o kaya naman sa ilang mga serye at pelikulang anime katulad na lamang ng Hello World ang ilang mga bagay na ginagawa sa ngalan ng pag-ibig. Halimbawa, sa pelikulang anime na Hello World, lalo na sa ikalawang bahagi ng nasabing pelikulang anime, inilarawan ang mga ginawa ni Naomi Katagaki para lamang mailigtas si Ruri Ichigyo. Subalit, gaano man nakakakilig, nakakaaliw, nakakaakit, at kaganda ang mga kuwentong isinasalaysay sa mga nasabing pelikula o serye, anime man ito o hindi, wala sa mga iyon ang pinakadakilang bagay na ginawa sa ngalan ng pag-ibig. Ang pinakadakilang bagay na ginawa sa ngalan ng pag-ibig ay ginawa mismo ng butihing Diyos sa pamamagitan ni Jesus Nazareno. Katunayan, bukod sa biyaya ng pagliligtas ng Diyos, ipinagkaloob sa atin ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na nakapako sa Krus ang biyaya ng pagiging bahagi ng Kanyang pamilya na pinatutunayan ng ating Inang Minamahal na si Mariang Birhen. 

Ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ay pinili, hinirang, at inatasan ng Diyos upang maging Ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Jesus Nazareno dahil sa Kanyang pag-ibig para sa tanan. Dahil rin sa dakilang pag-ibig na ito ng Panginoon, ipinagkaloob rin siya sa atin na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ng Nuestro Padre Jesus Nazareno na kinatawan ni Apostol San Juan sa sandaling ang wikang ito ay Kanyang binigkas mula sa Krus na Banal sa bundok ng Kalbaryo. Tunay tayong minamahal ng Panginoon, kaya ibinilang Niya tayo sa Kanyang pamilya. Ang patunay nito ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Mariang Birhen.