Huwebes, Agosto 29, 2019

HAKBANG PAPALAPIT SA PANGINOON

1 Setyembre 2019 
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Sirak 3, 19-21. 30-31 (gr. 17-18. 20. 28-29)/Salmo 67/Hebreo 12, 18-19. 22-24a/Lucas 14, 1. 7-14 



Tinalakay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang kahalagahan ng kababaang-loob at pagkakawanggawa. Sa Unang Pagbasa, pinayuhan ni Sirak ang kanyang anak na mamuhay nang may kababaang-loob araw-araw. Ang payong ito ay hindi lamang para sa anak ni Sirak kundi pati na rin sa lahat ng mga kabataan mula sa bawat henerasyon, lalung-lalo na ang mga magbabasa ng aklat na ito. Sa Ebanghelyo, ginamit ni Hesus ang larawan ng isang piging upang ituro ang kahalagahan ng kababaang-loob at pagkakawanggawa.

Ang kababaang-loob at pagkakawanggawa ay dapat pahalagahan at panatilihin sa pamumuhay natin araw-araw. Walang masamang idudulot sa atin ang pamumuhay nang may kababaang-loob at malasakit. Ang idudulot sa atin ay pawang kabutihan lamang. Ang bawat isa sa atin ay lalong mapapabuti bilang tao. Gumagawa tayo ng mabuti para sa ating mga sarili at para sa ating kapwa. Lalo tayong napapabuti bilang tao. Bumubuti ang ating mga asal. Pinapabuti at pinalalago natin ang ating mga sarili bilang kapwa. Ang ating pamumuhay ay gumaganda at bumubuti. Higit sa lahat, tinutulungan rin natin ang ating kapwa na mapabuti ang kanilang buhay. Nakikiisa tayo sa kanila kapag tayo'y namuhay nang may malasakit at kababaang-loob araw-araw. Kaya, dapat maging mulat tayo sa kahalagahan ng kababaang-loob at pagkakawanggawa o malasakit sa ating buhay araw-araw. Hindi dapat kaligtaan o tanggalin ang mga ito sa ating buhay. 

Sabi sa pinakahuling bahagi ng Ikalawang Pagbasa, "Lumapit kayo kay Hesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan" (12, 24a). Paano tayo makakalapit sa Panginoong Hesukristo? Mamuhay nang may kababaang-loob at malasakit. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob at malasakit, lalo tayong napapalapit kay Kristo. Humahakbang palapit sa Panginoong Hesus ang mga may kababaang-loob at malasakit. Kinalulugdan Niya ang mga may kababaang-loob at malasakit. Siya'y natutuwa sa mga taong nagpapakumbaba at nagkakawanggawa.

Bakit ikinatutuwa ng Panginoon ang pagkakawanggawa at pamumuhay nang may kababaang-loob? Sa pamamagitan ng pamumuhay nang may kababaang-loob, inaamin ng bawat tao na hindi niya kayang gawin ang lahat ng bagay sa lahat ng oras. Inaamin niya ang kanyang mga limitasyon. Inaamin niyang may mga oras na mangangailangan siya ng tulong. Higit sa lahat, lalo Siyang umaasa sa tulong ng Diyos. Kinikilala niya ang Diyos bilang Kanyang tulong at sanggalang sa bawat oras, lalung-lalo na sa panahon ng matinding pangangailangan. At kapag ang bawat isa'y magkakawanggawa, ibinabahagi niya ang tulong ng Diyos sa kapwa, lalung-lalo na sa mga nangangailangan. Sabi rin ng Panginoon na kapag tinulungan rin natin ang kapwa, lalung-lalo na ang mga nangangailangan, ginagawa rin natin iyon sa Kanya (Mateo 25, 40). Kapag ang kapwa, lalung-lalo na ang mga dukha, ay tinulungan rin natin katulad ng ginawa ng Panginoon para sa atin, ginagawa rin natin iyon sa Kanya. Sa tuwing tayo'y nagmamalasakit at gumagawa ng mabuti, ginagawa natin iyon para sa Panginoon. 

Mabuti ang idudulot ng pamumuhay nang may kababaang-loob at malasakit sa buhay natin. Lagi tayo mauudyok na gumawa ng mabuti para sa kapwa, lalo na para sa mga mahihirap. Mapupukaw tayong mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Sa tuwing tayo'y magkakawanggawa at mamumuhay na may kababaang-loob, patuloy tayong humahakbang palapit sa Panginoon. 

Lunes, Agosto 26, 2019

MATATAG AT MATAPAT HANGGANG SA HULI

29 Agosto 2019 
Paggunita sa Pagpapakasakit ni San Juan, ang Tagapagbinyag, martir 
Jeremias 1, 17-19/Salmo 70/Marcos 6, 17-29 


Hindi nawala sa isipan ni San Juan Bautista ang posibilidad na siya'y ipapatay ng mga may matataas na posisyon sa lipunan dahil sa kanyang pagtupad sa misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Batid niyang laging nanganganib ang kanyang buhay sa bawat araw. Kung tutuusin, sapat na dahilan iyon para sa kanya upang ihinto ang pagtupad sa pananagutang ibinigay sa kanya ng Diyos. Subalit, hindi nagpadala si San Juan Bautista sa kanyang takot. Pinili niyang tuparin nang buong katapatan ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos, kahit pa ang buhay niya ang kapalit nito. 

Akmang-akma ang mga salita ng Panginoong Diyos kay propeta Jeremias sa Unang Pagbasa sa pagdiriwang ng paggunita sa kagitinang ipinakita ni San Juan Bautista hanggang sa siya'y mamatay bilang martir. Sinabihan ng Diyos si propeta Jeremias na huwag matakot sa mga makakabangga o makakalaban niya (1, 17-18). Si propeta Jeremias ay magkakaroon ng maraming kaaway dahil sa kanyang misyon. Subalit, ipinangako ng Panginoon kay Jeremias sa huling bahagi ng Unang Pagbasa na Siya ang mag-iingat sa kanya (1, 19). Iyan ang dahilan kung bakit naging matagumpay si propeta Jeremias sa pagtupad ng kanyang misyon bilang propeta. Kasama niya ang Diyos na laging tumulong at nagtanggol sa Kanya. Hindi siya pinabayaan ng Diyos, lalung-lalo na sa panahon ng matinding pangangailangan. 

Katulad ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa, si San Juan Bautista ay nagkaroon ng maraming kaaway. Marami siyang naging kaaway dahil buong katapatan niyang tinupad ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos. Tahas na nagsalita si San Juan Bautista tungkol sa katotohanan sa kanyang mga pangaral. Hindi siya nagpaligoy-ligoy kailan man. Hindi siya gumamit ng mga matatamis na salita sa kanyang mga pangaral upang siya'y kalugdan ng mga tao. Bagkus, diretsyo niyang inihayag ang mensahe ng Diyos sa Kanyang bayan. Para kay San Juan Bautista, ang lugod ng Diyos ang dapat makamit, hindi ang lugod ng tao. Mas mahalagang tuparin ang utos at kalooban ng Panginoon kaysa makamit ang lugod ng tao. Dahil sa kanyang mga pananaw at pangaral sa ilang, marami ang nagtanim ng galit sa kanilang mga puso. At ang galit na ito ang pumukaw sa kanila na pagbantaan ang buhay ni San Juan Bautista. Binalak nilang ipapatay si San Juan Bautista dahil sa kanilang galit sa kanya. Para sa kanila, hindi kaaya-aya ang mga sinasabi ni San Juan Bautista sa kanyang mga pangaral. Masyadong masakit tanggapin. 

Sa Ebanghelyo, isinalaysay kung paanong si San Juan Bautista ay namatay bilang isang martir. Nakabangga ni San Juan Bautista sina Haring Herodes at ang asawa ng kanyang kapatid na si Herodias. Sinabihan ni San Juan Bautista na imoral ang ginagawa nina Herodes at Herodias (6, 18). Sabi sa Ebanghelyo na si Herodias ang may balak na patayin si San Juan Bautista dahil natakot si Herodes sa kanya. Ang tanging ginawa ni Herodes ay ipabilanggo si San Juan Bautista (6, 19-20). Galit ang dahilan kung bakit binalak ni Herodias na ipapatay si Juan Bautista. Kaya, siya'y nagplano nang mabuti kung paano niya magagawa iyon. At nagawa niya iyon sa tulong ng kanyang anak na babae na sumayaw sa harap ni Herodes na labis namang ikinatuwa ng hari. Sinabihan ni Herodias ang kanyang anak na ihiling kay Herodes ang ulo ni San Juan Bautista sa isang pinggan (6, 24-25). Kahit ayaw iyon gawin ni Herodes, iniutos niyang ipapugot ang ulo ni San Juan Bautista dahil ang pangakong kanyang binitiwan sa babae ay kanyang sinabi sa harap ng kanyang mga bisita (6, 27-28). Kahit labag sa kalooban ni Herodes, ginawa pa rin niya iyon. 

Batid ni San Juan Bautista na laging nanganganib ang kanyang buhay sa bawat sandali ng kanyang misyon. Maaari naman siya itigil ang pagtupad sa misyong ito na bigay sa kanya ng Panginoon. Maaari naman siya mamuhay nang tahimik na lamang upang hindi manganib ang kanyang buhay araw-araw. Subalit, ipinasiya pa rin ni San Juan Bautista na manatiling tapat sa Diyos. Nanalig siyang lagi niyang kasama ang Diyos. Nanalig siyang hindi siya pababayaan ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ipinasiya ni San Juan Bautista na manatiling tapat hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay sa lupa kung saan siya'y pinatay.

Tulad ni San Juan Bautista, lagi tayong manindigan para sa kabutihan. Ibigay natin sa Diyos ang ating katapatan at pananalig. Pumanig tayo sa Diyos. Mamuhay tayo ayon sa Kanyang kalooban. Isulong natin ang Kanyang kalooban. Manindigan tayo para sa Kanya. Huwag tayong mag-alala kapag may mga tumututol sa atin. Huwag tayo mag-alala kung magkakaroon tayo ng mga kaaway dahil sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos. Lagi nating tandaan hindi tayo pababayaan ng Panginoon. Siya'y lagi nating kasama hanggang sa huling sandali ng ating buhay. 

Biyernes, Agosto 23, 2019

HINDI GANOONG KADALI

25 Agosto 2019 
Ika-21 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Isaias 66, 18-21/Salmo 116/Hebreo 12, 5-7. 11-13/Lucas 13, 22-30 


Diretsong nagsalita ang Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Hindi Siya nagpaligoy-ligoy pa. Bagkus, diretsyahang inihayag ni Hesus ang aral na nais Niyang iparating. At ang aral na ito na inihayag ng diretso ni Hesus sa Ebanghelyo ay hindi mahirap unawain. Napakadali lamang ito unawain, kung tutuusin. Iyon nga lamang, ito'y nakakatakot at nakakalungkot. Mahirap itong tanggapin. 

Ano ang aral na ito ng Panginoong Hesukristo? Hindi lahat ng naglalakbay dito sa daigdig ay makakapasok sa langit. Hindi naman ibig sabihin noon na ang langit ay eksklusibo lamang para sa mga piling tao. Bagkus, ang lahat ng mga naglalakbay sa lupa ay may pagkakataong makapasok sa langit. Binibigyan ng Diyos ang bawat isa ng pagkakataon na makapasok sa langit. Habang namumuhay at naglalakbay ang bawat tao sa daigdig, patuloy silang binibigyan ng pagkakataon ng Panginoon na tanggapin ang Kanyang paanyayang Siya'y makasama at makapiling sa Kanyang kaharian sa langit magpakailanman pagdating ng huling sandali ng kanilang buhay sa daigdig. Sadyang may mga hindi tumatanggap sa paanyayang ito. 

Paano nating malalaman kung tinanggap natin ang paanyayang ito? Sinagot rin ito ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo. Sabi Niya, "Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan" (13, 24). Ibig sabihin, makipot ang pintuan o daan patungong langit. Kung nais nating pumasok sa langit, kailangan nating bitawan ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Ang lahat ng mga pag-aari natin dito sa daigdig ay hindi natin madadala sa langit. Kailangan nating gumawa ng sakripisyo kung hangad nating pumasok sa langit. Dapat handa tayong bumitaw sa mga bagay-bagay na nauukol sa daigdig na ito. May mga sakripisyong kapalit ang pagpasok sa langit. 

Iyan ang dahilan kung bakit ang mga propetang katulad ni propeta Isaias ay pinili't hinirang upang magsalita sa bayang Israel sa Ngalan ng Diyos noong panahon ng Lumang Tipan. Ito rin ang kadahilanan kung bakit ang mga apostol at misyonero ay naglakbay nang napakalayo upang magpatotoo tungkol kay Hesukristo saan man sila pumunta. Iyan ang misyong ibinigay ng Panginoon sa mga propeta sa Lumang Tipan at sa mga apostol sa Bagong Tipan. Sa pamamagitan ng kanilang pagtupad sa misyong ibinigay sa kanila ng Panginoon, tinutulungan nila ang lahat ng tao na pumasok sa makipot na pintuan Kapag pinagsikapan nilang pumasok sa makipot na pintuang yaon, inihahayag nila ang kanilang pagpili at pagpanig sa Diyos. Ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit ay kanilang matatamasa pagdating ng takdang oras ng kanilang paglisan sa daigdig na ito kapag Siya ang kanilang pinili at pinanigan nang buong katapatan hanggang wakas. 

Subalit, nakakalungkot, hindi lahat ay pipili at papanig sa Diyos. At batid ng Diyos kung sino ang mga hindi pipili at papanig sa Kanya. Iyan ang Kanyang tinukoy sa pambungad ng Unang Pagbasa noong sinabi Niyang talastas Niya kung ano ang mga iniisip at ginagawa ng bawat tao. Kayang ilihim ng tao ang kanilang mga iniisip at ginagawa sa iba. Subalit, hindi nila kayang ilihim iyon sa Diyos. Batid Niya ang lahat ng bagay. Walang maililihim o maitatago sa Kanya. Iyan ang ipinahiwatig sa Ikalawang Pagbasa noong sinabihan ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ang kanyang mga tagatangkilik na manatiling matatag sa mga oras ng pag-uusig. Ano ang dahilan kung bakit sila inuusig noong kapanahunang yaon? Ang kanilang pananalig at pananampalataya. Ang kanilang pagpili sa Diyos. Sila'y inuusig dahil sa kanilang ugnayan sa Diyos. At batid iyan ng Panginoon. Batid Niya na may hindi tatanggap sa Kanya. Dahil sa hindi nila pagtanggap at pagpanig sa Diyos, pinili nilang usigin ang mga nagpasiyang manalig at sumampalataya sa Diyos nang buong katapatan hanggang sa kanilang huling hininga. 

Nakakalungkot ring isipin na inuusig pa rin ang mga pumili at pumanig sa Diyos sa kasalukuyang panahon. Inuusig sila dahil sa kanilang pagsaksi kay Kristo. Inuusig sila dahil sa kanilang tapat na pananalig at pananampalataya sa Diyos. Ano naman ang dahilan kung bakit pinili nilang usigin ang mga tapat na lingkod ng Panginoon na buong katapatang nananalig at sumasampalataya sa Kanya? Sa mata ng mga tagausig, ang mga pumapanig sa Diyos ay sagabal sa kanilang mga plano. Plano ng mga tagausig na pairalin ang kultura ng pagkamakasarili, pagmamataas, pang-aapi sa mga mahihirap, katiwalian, panlilinlang, pagnanakaw, at pagpatay. Ang planong ito na balak nilang isulong ay nilalabanan ng mga nasa panig ni Hesus. Sila'y naninindigan laban sa katiwalian, pagnanakaw, panlilinlang, pagpatay, at iba pang mga masasamang gawain. Sa kagustuhan ng mga tagausig na pairalin ang mga plano nilang hindi nakakabuti sa lipunan, inuusig nila ang mga tapat na lingkod at saksi ni Kristo. Pinipilit nilang patahimikin ang mga nananalig at sumasampalataya kay Kristo nang buong katapatan sa Kanya upang maisulong nila ang kanilang mga plano. Pero, hindi nila mapatahimik ang mga pumipili at pumapanig kay Kristo dahil mulat sila sa katotohanang labag sa mga utos at aral ng Diyos ang kanilang mga masasamang binabalak. 

Bakit gusto nilang ipalaganap ang kultura ng katiwalian, pagnanakaw, panlilinlang, pang-aapi, at pagpatay? Kasakiman. Ang kanilang hangaring pairalin sa lipunan ang katiwalian, panlilinlang, pang-aapi, at pagpatay ay bunga ng kasakiman. Dahil dito, sila'y nasilaw sa kayamanan at kapangyarihan sa daigdig na ito na maglalaho rin naman pagdating ng panahon. Kasakiman ang pumupukaw sa kanila na pairalin ang kultura kung saan umiiral ang katiwalian, panlilinlang, pang-aapi, at pagpatay. Kasakiman rin ang nagbunsod sa kanila na piliin ang kayamanan at kapangyarihan sa daigdig na ito. Sa halip na piliin ang Panginoon, pinili nilang gawing mga diyus-diyusan ang pera at kapangyarihang pansamantala lamang nilang tataglayin sa lupa. Ipinagpalit nila ang Diyos sa kamunduhan. 

Ang masaklap pa diyan, iniisip ng mga umuusig sa mga tapat na lingkod ng Diyos na sila ang nasa panig ng katuwiran. Iniisip nila na ang pananamantala, pang-aapi, panlilinlang, pagnanakaw, pagpatay, at iba pang mga gawaing pawang masasama ay kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Iniisip nila na makakapasok sila sa langit dahil sa kanilang mga ginawa. Kung sino pa ang mga nang-abuso at nang-api, sila pa ang gagantimpalaan. Inaakala nilang masusuhulan nila ang Panginoon. Inaakala nilang mabibili nila ang langit. Nagkamali sila ng akala sapagkat ang Diyos ay hindi tumatanggap ng mga suhol. 

Kaya naman, ang mga sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo ay nagsisilbing babala sa lahat ng mga gahaman sa daigdig na ito. Ang mga pang-aapi at pang-aabuso na kanilang ginawa habang namumuhay at naglalakbay sila sa lupa ay hindi nila magagawa sa langit. Ang mga kayamanang kanilang nakamit dahil sa kanilang pananamantala ng kapwa, lalo na ang mga mahihirap, ay hindi nila madadala sa langit. Hindi nila masusuhulan ang Panginoon na papasukin sila sa langit dala-dala ang mga yaon na galing sa katiwalian dahil hindi Siya tumatanggap ng mga suhol. Mabibigo lamang sila kapag sinubukan nila. Matatapos ang lahat ng kabaluktutan at katiwaliang pinaiiral nila noong sila'y namuhay sa daigdig na ito kapag ang Diyos ay kanilang nakaharap. Ang Diyos ang bahala sa kanilang kalalagyan. 

Hangad ba nating makapasok sa langit? Gawin natin ang ipinagagawa ni Hesus sa bawat isa sa Ebanghelyo. Bumitaw tayo mula sa mga kayamanang taglay natin sa daigdig na ito. Huwag nating isentro ang ating buhay sa mga kayamanan dito sa lupa na maglalaho rin pagdating ng panahon. Huwag nating samantalahin, apihin, o abusuhin ang kapwa, lalo na ang mga maralita. Huwag tayong magpadala at magpatalo sa mga tukso't pang-aakit ng laman. Piliin natin ang Panginoong Diyos at mamuhay ayon sa Kanyang kalooban. Isakripisyo natin ang mga tinataglay natin sa daigdig na ito upang makapasok tayo sa makipot na pintuang patungong langit. 

Lunes, Agosto 19, 2019

PAG-IBIG AT PAGGALANG SA ATING INANG REYNA

22 Agosto 2019 
Paggunita sa Pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria 
Isaias 9, 1-6/Salmo 112/Lucas 1, 26-38 


Isinalaysay sa Ebanghelyo ang isang napakahalagang kaganapan sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesukristo. Nagpakita ang Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria upang ibalita sa kanya ang Magandang Balita tungkol sa paghirang sa kanya ng Diyos. Si Maria ay hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Kahit na labis siyang namangha dahil sa ibinalita at ipinaliwanag sa kanya ng anghel, ibinigay ni Maria ang kanyang "oo" sa Diyos. Pinahintulutan ng Mahal na Inang si Maria na matupad sa pamamagitan niya ang kalooban ng Diyos. 

Kapansin-pansin sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo ang paggalang na ibinigay at ipinakita ni Arkanghel na si San Gabriel sa Mahal na Birheng Maria. Ang paggalang na ibinigay ng anghel sa Mahal na Ina ay higit pa sa paggalang na inilalaan sa mga reyna. Ito ay pahiwatig ng karangalang ibinigay sa kanya ng Panginoon. Isa itong pagsulyap sa gagawin ng Diyos para sa Mahal na Birhen sa katapusan ng kanyang buhay sa daigdig. Pagdating ng oras ng kanyang paglisan sa lupa, ang katawan at kaluluwa ni Maria ay iaakyat ng Diyos sa langit. Sa pagpasok ng Mahal na Inang si Maria sa langit, tatanggapin niya mula sa Diyos ang kanyang korona bilang Reyna ng Langit at Lupa. Iyan ang ipinapahiwatig nito. Higit na espesyal si Maria kaysa sa ibang mga babaeng namuhay dito sa daigdig. Siya lamang ang binigyan ng ganitong karangalan at responsibilidad mula sa Diyos. 

Habang namumuhay pa sa daigdig si Maria, ipinasulyap na sa kanya ng Diyos ang karangalang ito sa pamamagitan ng pagsugo Niya kay Arkanghel San Gabriel upang ihatid ang Magandang Balita. At ang pagbati ng Arkanghel na si San Gabriel ang nagbigay ng paliwanag kung bakit si Maria ay itinampok ng Diyos sa lahat ng mga babae. Bakit nga ba napakaespesyal si Maria sa paningin ng Diyos? Bakit nga ba ginawa ng Diyos ang lahat ng iyon para kay Maria? Sabi ni San Gabriel Arkanghel sa kanyang pagbati na dadalhin ni Maria sa kanyang sinapupunan ang Panginoong Hesus (1, 31). Si Hesus, na dinala ni Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan, ang Sanggol na tinukoy ni propeta Isaias noong inihayag niya sa Unang Pagbasa na isisilang ang isang sanggol na lalaki upang mamahala sa lahat (9, 5). Ang kapalit nito'y ang pagtanggap sa pagpapala at karangalang bigay sa kaniya ng Diyos bilang Reyna ng Langit at Lupa. Iyan ang ipinasulyap sa kaganapang ito sa kasaysayan ng pagligtas sa atin ng Panginoong Diyos. 

Ang Mahal na Birheng Maria ay ang Ina at Reyna ng Haring si Kristo Hesus. Kung tunay nating iniibig ang ating Panginoon at Haring si Hesus, iibigin rin natin ang Kanyang Reyna at Inang si Maria na Ina. Tandaan, ang Mahal na Birheng Maria ay hindi lamang Ina ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus kundi Ina rin nating lahat. Siya'y Ina rin nating lahat na bumubuo sa sambayanang Kristiyano. Si Maria pa nga ang ibinigay sa atin ni Kristo upang maging ating Ina. Kaya, marapat lamang na ang Mahal na Ina ay ating ibigin at igalang bilang ating Ina at Reyna. At kapag iyan ang ating ginawa, ipinapahayag natin ang ating pagmamahal at pagsamba kay Hesus bilang ating Panginoon at Hari. 

Biyernes, Agosto 16, 2019

SIYA BA ANG ATING PAPANIGAN?

18 Agosto 2019 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 38, 4-6. 8-10/Salmo 39/Hebreo 12, 1-4/Lucas 12, 49-53 


Isa sa mga titulo ng Panginoong Hesukristo ay "Prinsipe ng Kapayapaan" (Isaias 9, 6). Subalit, ang Kanyang pahayag sa Ebanghelyo ay parang taliwas sa nais ilarawan ng titulong ito. Dahil kilala Siya bilang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Panginoong Hesukristo ay inaaasahang maghatid ng kapayapaan. At iyon naman ang Kanyang ginawa. Kaya naman, nakakapagtaka kung bakit nagsalita nang ganoon na lamang sa Ebanghelyo ang Panginoong Hesukristo. 

Mapapaisip ang karamihan kung bakit iginawad sa Panginoong Hesus ang titulong iyon. Hindi iyon ang nararapat sabihin ng kinikilalang Prinsipe ng Kapayapaan. At kung tutuusin, ang kapayapaan at pagkahati-hati ay magkasalungat. Kaya naman, sa unang tingin pa lamang, ang mga sinabi ni Kristo sa Ebanghelyo at ang Kanyang titulo ay magkasalungat. Paano Niyang magagawang maghatid ng kapayapaan sa lahat at maging dahilan ng pagkahati-hati? Magtataka lamang tayo kung bakit ang Prinsipe ng Kapayapaan ay isa sa mga titulo ni Kristo kahit na ang mga salitang namutawi mula sa Kanyang mga labi sa Ebanghelyo ay ibang-iba. Nagmistulang huwad ang titulong Prinsipe ng Kapayapaan dahil sa mga inihayag ng Panginoon sa Ebanghelyo. Parang sumasalungat si Kristo sa Kanyang misyon.

Taliwas nga ba talaga ang pahayag ng Panginoon sa Ebanghelyo sa pagsasalarawan sa Kanya ng Kanyang titulong Prinsipe ng Kapayapaan? Talaga bang hindi naaayon ang Kanyang mga sinabi sa Kanyang titulo? Ano nga ba talaga ang nais iparating ng Panginoon sa pahayag Niyang ito sa Ebanghelyo? 

Si Hesus ay hindi tumataliwas sa pagiging Prinsipe ng Kapayapaan. Si Hesus ay hindi sumasalungat sa Kanyang tungkulin bilang Prinsipe ng Kapayapaan. Ang nais Niyang iparating sa pahayag na ito ay ibang-iba ang kapayapaang kaloob Niya sa bawat isa sa kapayapaang ibinibigay ng daigdig. Kapayapaan naman talaga ang Kanyang bigay sa lahat. Subalit, ang ibig sabihin ng Panginoong Hesus ay hindi Siya tatanggapin ng lahat ng mga pinagkalooban Niya ng kapayapaan. Nakakalungkot, pero iyon ang katotohanan. Si Hesus ay hindi tatanggapin ng lahat, kahit mabuti at maganda ang Kanyang ibinibigay. Hindi rin malabo ang posibilidad na kahit ang ating mga kapamilya, kapatid, kaibigan, o 'di kaya kapanalig ay hindi tatanggap sa butihing Panginoon at ang Kanyang mga kaloob. 

Naranasan ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa ang hindi pagtanggap sa kanya dahil sa kanyang pagtupad sa misyong ibinigay ng Panginoong Diyos nang buong katapatan. Hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan dahil nanatili siyang tapat sa Panginoon. Tampok pa nga sa salaysay sa Unang Pagbasa kung paanong si propeta Jeremias ay binalak patayin ng kanyang mga kaaway. Isinalaysay pa kung ano ang kanilang ginawa laban kay Jeremias upang tiyakin na siya'y mamamatay. Bakit nais nilang patayin si propeta Jeremias? Sapagkat hindi nila matanggap ang mensahe ng Diyos na inilahad sa kanila ni propeta Jeremias. Ipinasiya ni propeta Jeremias na manatiling tapat at masunurin sa Diyos. Ipinasiya niyang tuparin ang ipinagawa sa kanya ng Diyos nang buong katapatan. Subalit, ang kapalit ng kanyang pasiya ay napakabigat at napakasakit. Dumami ang kanyang mga kaaway. Dumami ang mga naghangad na siya'y patayin. Siya'y naging kaaway ng lahat. 

Iyan din ang pinatotohanan ng manunulat ng Ikalawang Pagbasa. Alam niyang ang pag-uusig na kanyang dinadanas ay dinadanas rin ng kanyang mga tagasubaybay. Silang lahat ay inusig dahil ipinasiya nilang manalig at sumampalataya kay Kristo. Dahil sa kanilang pananalig at pananampalataya kay Kristo Hesus, ipinasiya nilang magpabinyag at umanib sa Kanyang Simbahan. Si Kristo ang natatanging dahilan kung bakit sila'y inusig. Si Kristo ang dahilan kung bakit lagi silang nanganib mula noong sila'y magpabinyag. Inusig sila dahil kay Kristo. 

Sa kasalukuyang panahon, marami ang nagiging mga martir dahil ipinasiya nilang pumanig sa Panginoon. Pinatotohanan nila ang habag ng Panginoon nang buong katapatan. Dahil sa kanilang tapat na pagsaksi sa Ebanghelyo, sila'y inusig ng mga ayaw tumanggap sa Kanya. Inuusig sila ng mga nagnanais isulong ang kultura ng pang-aapi, panlilinlang, at pagpatay. Ang garapalang katiwalian ay pinapairal nila nang buong sigasig. Iyan ang dahilan kung bakit inuusig nila nang gayon na lamang ang mga tapat na lingkod ng Panginoon. Tinututulan nila ang nais isulong ng mga garapal sa lipunan na pawang magdudulot ng masama sa lahat. Bakit sila tutol sa mga binabalak ng mga tiwali? Dahil ang mga adhikain na ito na magdudulot ng kasamaan ay labag sa paningin ng Diyos. Ang kulturang nais nilang isulong na puno ng katiwalian, panlilinlang, pang-aapi, at pagpatay sa tao, lalo na sa mga inosente, ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ang mga tapat na lingkod ng Panginoon na sumasaksi sa Ebanghelyo ay naninindigan laban sa pagsulong ng kultura ng pang-aapi, panlilinlang, at pagpatay sa lipunan. 

Nakakalungkot nga lamang isipin na may mga pumapanig sa mga naghahangad na pairalin ang kultura ng garapalang katiwalian sa lipunan. Pinapanigan nila ang mga manlilinlang, mang-aapi, at walang pagpapahalaga sa buhay ng tao. Nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan, at nagpapalinlang. Kinukunsinti ang panlilinlang na ginagawa. Kinukunsinti ang panawagang pumatay ng mga tao, kahit inosente. At kapag binatikos o binigyan ng suhestiyon na mas maganda pa, sila pa ang magagalit dahil ang kanilang sinusundan ay laging tama at hindi nagkakamali. 

Ang bawat isa sa atin ay tinatanong kung handa ba tayong pumanig at maninidigan para sa Panginoon. Kaya ba nating maging tapat sa Panginoon kahit na hindi Siya tinatanggap ng iba? Ibibigay ba natin sa Kanya ang tapat nating pag-ibig, pananalig at pananampalataya? Handa ba tayong talikuran ang lahat para sa Kanya? 

Linggo, Agosto 11, 2019

PATUNGONG LANGIT

15 Agosto 2019 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria 
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56 


Ang buhay dito sa lupa ay pansamantala lamang. Hindi tayo mamumuhay dito sa daigdig magpakailanman. Ang buhay na walang hanggan ay hindi matatagpuan dito sa lupa. Darating ang panahon kung kailan ang bawat isa sa atin ay papanaw. Ang katotohanang ito tungkol sa buhay dito sa daigdig na ito ay hindi mapagkakaila. Masakit man ito marinig o tanggapin, iyan ang katotohanan. 

Kailan naman darating ang takdang oras? Kailan sasapit ang oras ng pagpanaw natin sa daigdig na ito? Hindi natin alam. Isang misteryo para sa atin ang araw ng ating pagpanaw. Diyos lamang ang tanging nakababatid kung kailan ang takdang oras ng ating paglisan sa daigdig. Lilisanin natin ang daigdig na ito balang araw. Hindi lang natin alam kung kailan iyon. Diyos lamang ang nakakaalam. At kung tutuusin, Siya ang bumabawi sa ating buhay. Kaya nga, sinasabi natin na ang mga pumapanaw ay binabawian ng buhay. Pag-aari ng Panginoon ang ating buhay. Siya lamang ang may karapatang bawiin iyon. 

Ito ang pinagtuunan ng pansin sa Ikalimang Utos ng Sampung Utos, "Huwag kang papatay" (Exodo 20, 13). Si Job rin ay nagpatotoo tungkol sa katotohanang ito noong nawala sa kanya ang lahat. Sabi niya, "Ang Panginoon ang nagbigay at Siya rin ang bumabawi" (Job 1, 21). Ang lahat ng bagay, pati na rin ang buhay natin, ay galing sa Panginoon. Sa Kanya nagmula ang lahat ng bagay. Siya lamang ang may karapatang magbigay at bumawi. Ang Diyos lamang ang maaaring magbigay at bumawi ng buhay. Hindi ito maaaring gawin ng sinumang tao, kahit hawak pa niya ang pinakamataas na posisyon sa lipunan. 

Subalit, ang pagpanaw sa daigdig ay hindi hudyat ng katapusan. Kahit ang ating mga katawan dito sa lupa ay maaagnas sa katapusan ng ating buhay sa daigdig na ito, hindi nangangahulugang tapos na ang lahat para sa bawat isa. May kasunod na buhay pagkatapos ng ating paglalakbay sa lupa. Ang buhay dito sa lupa ay hindi lamang ang nag-iisang buhay na mayroon tayo. May buhay sa kabila. At hindi sakop ng oras o panahon ang buhay sa kabila. Kung ang buhay sa lupa ay may katapusan, walang katapusan ang buhay sa kabila. Iyan ang aral ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria.

Ano naman ang mayroon sa kabilang buhay? Sa kabilang buhay, ang bawat isa ay may pagkakataon na masilayan ang kaganapan ng kadakilaan ng Diyos. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na nakikita natin dito sa lupa araw-araw ay isa lamang patikim o pagsulyap sa masisilayan ng bawat isa sa langit. Ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Diyos ay masisilayan ng lahat sa langit. Sa pagtawid ng bawat isa sa kabilang buhay, mayroon silang posibilidad na makita ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang inilarawan sa Unang Pagbasa tungkol sa langit ay kanilang makikita. At ang lahat ng makakakita sa kaganapan ng kaluwalhatian ng Panginoon sa langit ay mamamangha. Tunay na mapalad ang mga nakarating sa langit sa katapusan ng kanilang paglalakbay sa daigdig na ito sapagkat ang kaganapan ng kaluwalhatian ng Panginoon ay kanilang masisilayan magpakailanman. Ang langit na pinupuspusan ng Diyos ng Kanyang kadakilaan ay magiging kanilang tahanan magpakailanman. Makakapiling nila ang Panginoon na puspos ng kadakilaan magpakailanman sa langit. Tunay ngang maganda ang langit. 

Iyon nga lamang, hindi lahat ng naglalakbay dito sa daigdig ay makakarating at makakapasok sa langit. Iyan ang binigyan ng pansin ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang awitin na inilahad sa pangalawang bahagi ng Ebanghelyo. Inihayag niya na ang mga umaapi sa mga nasa abang kalagayan ay ibabagsak ng Diyos. Darating ang panahon kung kailan pagbabayarin ng Diyos ang lahat ng mga nang-aapi ng kapwa, lalo na ang mga mahihirap. Ang mga umaabuso ng kapangyarihan ay ibabagsak ng Diyos pagdating ng takdang panahon. Ang mga sakim at mga kumikitil ng buhay ng bawat tao, lalo na ng mga inosenteng tao, ay hindi papapasukin sa langit. Magsaya man sila sa bawat sandali ng kanilang buhay dito sa mundo, pagbabayarin sila ng Panginoong Diyos sa kabilang buhay. Hindi Niya sila papapasukin sa langit. Iyan ang parusa at ganti ng Panginoon laban sa mga umaapi ng kapwa, lalo na ang mga umaapi sa mga maralita, habang namumuhay sa mundo. Sinu-sino sila? Ang mga sakim at kumikitil sa buhay ng tao. 

Paano tayo makakapasok sa langit? Isabuhay ang mga utos at aral ng Panginoong Hesus, ang pinatotohanan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Si Hesus na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan. Si Hesus na nagpamalas ng kaluwalhatian ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Kapag isinabuhay natin ang Kanyang mga utos at aral, inihahayag natin ang ating pananalig at pagtanggap sa Kanya. Ang mga nananalig at tumatanggap sa Kanya hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay sa lupa ay Kanyang tatanggapin at papapasukin sa Kanyang kaharian sa langit. 

Kung nais nating matamasa ang buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa langit, mamuhay tayo ayon sa Kanyang mga utos at salita. Huwag tayong mang-abuso o mang-api ng kapwa, lalo na ang mga mahihirap. Mamuhay tayo nang may pagmamahal sa Diyos at kapwa. Mamuhay tayo nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Mamuhay tayo ayon sa mga utos at aral ng Panginoong Hesukristo. Italaga natin ang ating mga sarili sa Panginoon, tulad ng Mahal na Ina. Buong puso nating tanggapin at sundin ang kalooban ng Diyos habang tayo'y naglalakbay sa mundong ito. Iyan ang paghahandang kailangan nating gawin kung nais nating tahakin ang landas patungong langit. 

Huwebes, Agosto 8, 2019

PINANANALIGAN NANG BUONG KATAPATAN

11 Agosto 2019 
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 18, 6-9/Salmo 32/Hebreo 11, 1-2. 8-19 (o kaya: 11, 1-2. 8-12)/Lucas 12, 32-48 (o kaya: 12, 35-40) 


Sa Ebanghelyo, inilahad ng Panginoong Hesus ang mga katangian ng mga tunay na nananalig sa Kanya. Ang mga tunay na nananalig sa Kanya ay nananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Ihahanda nila ang kanilang mga sarili para sa Kanyang pagdating sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos at aral. Ano nga ba ang Kanyang mga iniuutos at itinuturo? Ang pag-ibig sa Diyos at kapwa. Kapag ang mga ito'y ating susundin, ipinapakita natin sa Panginoon na tayo'y tapat sa Kanya. Buong katapatan nating Siyang pinananaligan, sinasampalatayanan, at sinasamba. 

Ano ang mapapala ng mga tunay na nananalig sa Panginoon? Ang sagot sa tanong na ito ay inilahad sa Unang Pagbasa. Ang lahat ng mga nananalig sa Panginoon ay magagalak sa katuparan ng Kanyang mga pangako. Silang lahat ay nanalig nang buong katapatan sa Panginoon. Nanalig sila sa katapatan ng Diyos. Nanalig silang hindi sila bibiguin ng Diyos. Bagkus, nanalig silang tutuparin ng Panginoong Diyos ang Kanyang mga pangako. At ang pagtupad ng Panginoong Diyos sa Kanyang mga pangako ay kanilang pinaghahandaan at pinanabikan nang buong katapatan. Sila'y mapupuspos ng kagalakan sapagkat makikinabang sila sa mga pangako ng Diyos. At ang kanilang pananalig at katapatan sa Diyos hanggang wakas ang dahilan kung bakit sila makikinabang sa pangako ng Diyos. 

Tinalakay rin sa Ikalawang Pagbasa ang paksa ng pananalig sa Diyos nang buong katapatan hanggang wakas. Ang mga Hebreo ay hinimok na manatiling tapat sa Diyos hanggang wakas. Pinalalakas ng manunulat ng Ikalawang Pagbasa ang loob ng mga Hebreo. Sa kabila ng mga pagsubok at pag-uusig sa buhay, hinihimok silang huwag isuko ang kanilang pananalig at katapatan sa Diyos. Dahil kapag silang lahat ay nanatiling tapat sa Diyos hanggang wakas, matatamasa nila ang gantimpalang buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. Kung iyon ang nais nilang matamasa, huwag silang bumitaw mula sa kanilang pananalig sa Diyos. Manalig sa Diyos nang buong katapatan hanggang sa huli. Ang buhay na walang hanggan sa langit ay ipagkakaloob ng Panginoon sa mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Iyan ang Kanyang gantimpala. 

Nakakalungkot isipin na may mga pagkakataon sa buhay kung saan ibinibigay natin ang ating pananalig at katapatan sa mga maling bagay. Katulad na lamang sa mga umaastang diyos-diyosan. Sa halip na maging pinuno at lingkod, inaabuso nila ang kapangyarihang kalakip ng posisyon. Ang kanilang mga posisyon ay ginagamit nila para sa sariling kapakanan. Hindi na iniisip ang kapakanan ng iba. Hindi lamang diyan natatapos. Binubulag pa niya ang kanyang mga alipores at tagasuporta. Ang lumalabas, hindi na ang bayan o lipunan ang pinaglilingkuran kundi ang sariling interes, lalo na ang mga kinasasabikan ng kanilang amo. Lantaran ang panlilinlang at pagmamataas. Hindi lamang iyan, inuusig ang mga bumabatikos at nagbibigay lamang ng suhestiyon para mapabuti ang kanyang pamamahala. Sakim sa sariling ambisyon, posisyon, kapangyarihan, kayamanan, at kayabangan. Handa pa nga silang pumatay ng tao, lalo na ng mga inosente, para lamang matupad ang kanilang mga hangarin. Nakakalungkot, sila pa ang pinananaligan nang buong katapatan. At higit na nakakalungkot, sila na ang pumalit sa Diyos. 

Kanino natin ibibigay ang ating pananalig at katapatan? Sana, ang Diyos ang ating piliin. Sana, pagpasiyahan natin na ibigay ang ating pananalig at katapatan sa Diyos hanggang sa huli. Sana, tutulan natin ang mga tukso na pumanig at sumunod sa mga may masasamang balak sa lipunan. Sana, manindigan at lumaban tayo laban sa mga kasakiman, kayabangan, karahasan, at kawalan ng hustiyang nais pairalin ng mga huwad at sakim na pinuno. Sana, pumanig tayo sa Panginoon.