Miyerkules, Setyembre 26, 2018

MGA DAPAT IWASAN

30 Setyembre 2018 
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Bilang 11, 25-29/Salmo 18/Santiago 5, 1-6/Marcos 9, 38-43. 45. 47-48 



Sinabi ni Moises kay Josue sa huling bahagi ng Unang Pagbasa na hindi siya nangangambang mabawasan ng karangalan dahil sa ginawang pagbabahagi ng espiritu ng Panginoon kina Eldad at Medad kahit na hindi sila kasama sa pitumpung matatanda. Sila'y nagpapahayag kahit hindi sila sumama sa pitumpung matatanda. Subalit, hindi sila sinawayan ni Moises. Hindi niya pinairal ang inggit dahil sa ginawa ng dalawang matatandang lalaki. Natuwa pa nga si Moises dahil mayroon ring nagpapahayag sa Ngalan ng Panginoong Diyos bukod sa kanya at sa pitumpung matatandang hinirang upang maging pinuno. Sabi pa nga ni Moises sa bahaging yaon na mas nanaisin pa niyang maging propeta at mapuspos ng espiritu ng Diyos ang lahat ng mga Israelita (11, 29). 

Pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa ngayong Linggo ang mga dapat iwasan ng bawat isa. Tulad ni Moises na umiwas sa inggit sa Unang Pagbasa, nararapat lamang na iwasan natin ang mga dapat iwasan. At iyon ang punto ng Panginoong Hesus sa huling bahagi ng Ebanghelyo - umiwas sa kasalanan. Ang bawat isa'y tinatawag ng Panginoong Hesukristo upang maging Kanyang mga tagasunod at saksi. Kung nais nating maging tunay na saksi at tagasunod ni Kristo, kinakailangan nating iwasan ang kasalanan, tulad ng Kanyang iniuutos. 

Gumamit ng matitinding eksaherasyon si Hesus sa huling bahagi ng Ebanghelyo upang isalungguhit ang punto ng pag-iwas sa kasalanan. Noong sinabi Niyang putulin ang kamay at paa o dukitin ang mata kapag iyon ang naging dahilan kung bakit nagkasala ang isang tao, hindi Niya ito sinasabi nang literal. Hindi dapat maging literal ang pagsunod at pag-unawa sa mga salitang ito ni Hesus sa Ebanghelyo. Iisa lang ang nais sabihin ni Hesus sa paggamit ng eksaherasyon - iwasan ang lahat ng bagay na mag-uudyok sa atin na magkasala. Tutulan ang mga pang-aakit ng tukso sa ating buhay at manatiling tapat kay Kristo. 

Nagbigay ng babala si Apostol Santiago sa mga sakim at kumakapit sa kanilang mga kayamanan sa Ikalawang Pagbasa. Ang pagiging sakim at uhaw sa mga yaman sa mundo ang aakay sa bawat isa tungo sa kapahamakan. Sa halip na piliin at unahin ang Diyos, inuuna ang kayamanan dito sa mundo. Hinahayaan ang kanilang mga sarili na mabulag sa mga makamundong kayamanan. Uunahin ang ambisyon, ang pagkauhaw sa makamundong kayamanan at kapangyarihan. At sa halip na gamitin ang mga iyon para sa kabutihan, ginagamit nila iyon para mang-api ng mga mahihirap at walang kalaban-laban. Ito ang babala ni Apostol Santiago - may araw din sila. Darating rin ang panahon kung kailan magwawakas ang kanilang pang-aapi sa mga mahihirap at ito ang ikapapahamak nila. Ang mga salitang ito sa Ikalawang Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago ay isang babala para sa lahat laban sa kasakiman at kamunduhan. 

Ang bawat isa'y pinagpapala ng Diyos. Ang mga pagpapalang tinanggap ng bawat isa mula sa Diyos ay hindi gamitin sa kasamaan. Bagkus, ang mga ito'y dapat gamitin para sa kabutihan. Sinasayang lamang natin ang mga pagpapalang ibinigay sa atin ng Diyos kung gagamitin natin ang mga ito sa kasamaan. Kaya tayo binababalaan na iwasan ang kasamaan upang hindi natin magamit dito ang mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon. 

Bilang mga tagasunod ng Panginoon, may mga dapat tayong iwasan. Ang mga dapat nating iwasan ay ang mga aakay sa atin tungo sa kapahamakan. Inuutusan tayong itakwil at umiwas sa kasamaan na aakay sa atin tungo sa kapahamakan. Ang landas na dapat nating tahakin at sundin ay ang landas ng kabanalan. Ang landas ng kabanalan ang aakay sa atin tungo sa kaligtasan. Kung hinahangad nating maging tunay na tagasunod ni Kristo, tatahakin natin ang landas ng kabanalan. 

Lunes, Setyembre 24, 2018

SAN LORENZO RUIZ: MATAPAT HANGGANG WAKAS

28 Setyembre 2018 
Paggunita kay San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir 
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25 (Maaring laktawan)/Mateo 5, 1-12 


"...talikdan na ninyo ang masasamang hilig ng katawan na naghihimagsik laban sa espiritu." (2, 11) Ito ang mga salita ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa na hango mula sa kanyang unang sulat. Para kay Apostol San Pedro, ang mga tunay na Kristiyano ay tumututol sa mga pita ng laman. Nilalabanan at itinatakwil ang mga tukso ng laman. Ang mga tunay na Kristiyano ay hindi naghahangad at nagpapatalo sa kamunduhan. Bagkus, ang mga tunay na Kristiyano ay yaong mga naghahangad ng tunay na kayamanan na matatagpuan lamang sa piling ng Diyos sa langit. Sila ang mga mananatiling tapat sa Diyos hanggang wakas. Hindi nila ipagpapalit ang Diyos sa kung anumang yaman dito sa mundo na pansamantala lamang.

Ang temang ito ng pagtatakwil sa kamunduhan ay siya ring pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo. Itinuro sa Unang Pagbasa ang kahalagahan ng pagtitiis. Sa pagtitiis lamang masusukat ang katapatan. Sa pagtitiis lamang makikita ang pananalig at pagmamahal sa Diyos. Kung ang bawat tao ay magtitiis sa mga panahon ng pagsubok sa buhay, kung ang mga tukso't pita ng laman ay itatakwil ng bawat tao, makakamit nila ang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos sa langit bilang gantimpala para sa kanilang katapatan hanggang sa wakas. At sa Ebanghelyo, itinuro ng Panginoong Hesus sa mga Beatitudo kung sinu-sino ang mga maituturing na mapapalad. Kabilang na rito ay ang mga inuusig dahil sa kanilang pagtalima't pagsunod sa kalooban ng Diyos. Dahil sa katapatan nila sa Diyos, mas mamatamisin pa nilang mamatay alang-alang sa Kanya kaysa talikuran Siya para lamang sa mga yaman dito sa sanlibutan na pansamantala lamang. 

Si San Lorenzo Ruiz ay huwaran ng pagiging matapat sa Diyos hanggang wakas. Kahit na inalok sa kanya ang pamumuhay nang malaya at ligtas kung itatakwil niya ang kanyang pananampalataya sa Diyos, pinili pa rin niyang manatiling tapat hanggang kamatayan. Tinutulan niya ang tukso't pita ng laman. Buong katatagan niyang inihayag ang kanyang katapatan sa Panginoon hanggang kamatayan. Inihayag niyang hinding-hindi niya ipagpapalit ang Panginoong Diyos. Mas mamatamisin pa niyang mamatay bilang martir ng Panginoon kaysa ipagpalit Siya para sa kanyang sariling kaligtasan at kalayaan sa ibang bansa. Pinili niyang itakwil ang tukso ng laman at manatiling tapat sa Panginoon hanggang kamatayan. 

Lunes, Setyembre 17, 2018

ANG UGNAYAN NG KABABAANG-LOOB AT KADAKILAAN

23 Setyembre 2018 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Karuungan 2, 12. 17-20/Salmo 53/Santiago 3, 16-4, 3/Marcos 9, 30-37 


Katulad ng Ebanghelyo noong nakaraang Linggo, ang Ebanghelyo para sa Linggong ito ay mayroong dalawang bahagi. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ang pangalawang pagkakataong nagsalita ang Panginoong Hesukristo sa mga alagad tungkol sa Kanyang sasapitin sa Herusalem, tulad ng isinalaysay sa unang bahagi ng Ebanghelyo noong nakaraang Linggo. Pagdating sa Herusalem, haharapin Niya ang Kanyang pagpapakasakit at pagkamatay sa krus. Subalit, hindi Siya mananatiling patay sapagkat Siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. At sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo, ang Panginoong Hesus ay nangaral sa mga alagad ukol sa kadakilaan at kababaang-loob. 

Napakalinaw ng dalawang bahaging ito. Itinuro ng Panginoong Hesus sa mga alagad na makakamit ang kadakilaan sa pamamagitan ng kababaang-loob. Hindi kinalulugdan ng Diyos ang kayabangan. Hinding-hindi idadakila o itatampok ng Diyos ang sinumang nagpapairal ng kayabangan. Bagkus, kinalulugdan ng Diyos ang mga may kababaang-loob. Tanging ang mga may kababaang-loob lamang ay itatampok at itataas ng Diyos. Ito ang ipinakita ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Sabi ni Apostol San Pablo sa ikalawang kabanata ng kanyang sulat sa mga taga-Filipos na si Hesus ay itinampok at binigyan ng Pangalang hgit sa lahat ng pangalan dahil sa Kanyang pagsunod sa kalooban ng Ama nang buong kababaang-loob (2, 9). Buong kababaang-loob na hinarap ni Kristo ang Kanyang kamatayan sa krus bilang pagsunod sa kalooban ng Ama. Subalit, hindi nagtagal at naganap sa ikatlong araw ang Kanyang Muling Pagkabuhay. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa ang balak ng mga masasama laban sa mga matutuwid. Binalak nilang patayin ang mga matutuwid sa pag-aakalang makakamit nila ang kadakilaan kapag nagawa nila iyon. Hangad nilang makamit ang kadakilaan at karangalan. Hangad nilang maging matagumpay. Hangad nilang umangat sa mga matutuwid. Kaya naman, papaslangin nila ang mga matutuwid na humahadlang sa kanilang balak upang maangat nila ang kanilang mga sarili. Ito rin ang pinagtuunan ng pansin ni Apostol Santiago sa pasimula ng Ikalawang Pagbasa kung saan sinabi niyang maghahari ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa kung saan umiiral ang inggit at masasamang hangarin. (3, 16) Iyon ang ipinakita ng mga masasama sa Unang Pagbasa. Inggit sila sa mga matutuwid. 

Ang mga kaaway ni Hesus ay nagpakita ng inggit sa Kanya, lalung-lalo na sa salaysay ng Pasyon. Sabi nga sa salaysay ng Mahal na Pasyon na batid ni Pilato ang tunay na dahilan kung bakit si Kristo ay dinala ng Kanyang mga kaaway sa kanya - inggit (Marcos 15, 10). Nainggit sila sapagkat lalong dumarami ang mga nakikinig at sumusunod sa Panginoong Hesus. Inggit ang dahilan kung bakit binalak ng mga kaaway ni Hesus na patayin Siya. Nais nilang mainangat ang kanilang mga sarili. Nais nilang magtagumpay laban sa Panginoong Hesukristo. Nais nilang pabagsakin ang Panginoong Hesukristo para matupad ang kinasasabikan nila. 

May mga pagkakataon sa buhay kung saan ang inggit ay pinaiiral. At ito ang umuudyok sa bawat isa na gumawa ng masama laban sa kapwa kung hinayaan itong lumaki. Dahil sa inggit, gagawin ng bawat isa ang lahat para lang makuha ang tagumpay. Kahit ang ibig sabihin nito'y mayroon silang dapat patumbahin, gagawin para lang makamit ang ambisyon. At kapag nagawa na nila iyon, sasabihing nakamit ang tagumpay at ang karangalan. Walang sasantuhin para sa ambisyon. Subalit, ang tanong, iyon ba ang tunay na kadakilaan? 

Para sa Panginoon, hindi magiging tunay na dakila ang sinuman kung ang inggit at iba pang mga masasamang hangarin ang paiiralin. Hindi magiging dakila ang sinumang nang-aapak at nang-aapi ng kapwa. Bagkus, magiging tunay na dakila ang isang tao kung magpapakita siya ng kababaang-loob. Itatampok ng Diyos ang mga magpapakita ng kababaang-loob at bibigyan ng karangalan. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng kababaang-loob, makakamtan ang tunay na kadakilaan. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng kababaang-loob, ang bawat isa'y nagbibigay ng karangalan at kaluwalhatian sa Panginoong Diyos. 

Si Hesus ay itinampok dahil buong kababaang-loob Niyang tinanggap at sinunod ang kalooban ng Ama. Gayon din si Maria, ang Mahal na Ina. Kung tutularan ng bawat isa ang halimbawang ipinakita ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria, ang tunay na kadakilaan ay kanilang makakamtan. Sapagkat ang tunay na kadakilaan ay makakamit lamang sa pamumuhay nang may kababaang-loob. 

Sabado, Setyembre 15, 2018

KAYA BANG TANGGAPIN?

16 Setyembre 2018
Ika-24 na Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Isaias 50, 5-9a/Salmo 114/Santiago 2, 14-18/Marcos 8, 27-35 



Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, inilarawan ni Hesus sa mga alagad ang Kanyang misyon bilang Mesiyas. Nangyari ito matapos ihayag ni Apostol San Pedro na si Hesus ang ipinangakong Mesiyas. Ang rebelasyon ni Hesus tungkol sa Kanyang sasapitin sa Herusalem ay iba sa inaaasahan ng mga apostol sa Mesiyas. Hindi nila lubusang maunawaan o matanggap na ang ipinangakong Mesiyas ay dadanas ng matinding pagdurusa't kamatayan sa kamay ng mga pinuno, tulad ng inihayag ni propeta Isaias sa kanyang hula sa Unang Pagbasa. Hindi nila maintindihan kung anong uri ng Mesiyas ang Panginoong Hesus. 

Napakahirap para sa mga apostol, lalung-lalo na para kay Apostol San Pedro, na tanggapin na lamang ang rebelasyong ito ng Panginoong Hesus. Ito ang dahilan kung bakit si Hesus ay pinagsabihan ni Pedro tungkol dito. Hindi nila matatanggap ang inihayag ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili dahil hindi ito tumutugma sa mga inaasahan nila sa Mesiyas. Inaasahan nila na magiging isang makapangyarihang hari't pinuno ang Mesiyas. Inaasahan nila na ang Mesiyas ay magiging isang pulitikal na pinuno. Subalit, kung pagbabasehan ang ibinunyag ni Hesus, ang Mesiyas ay magiging isang lingkod na magbabata ng matinding pagdurusa na walang kalaban-laban. Ang hirap tanggapin. Hindi ito ang inaasahan. Hindi iyan ang larawan ng Mesiyas na kanilang itinanim sa kanilang isipan. 

Ibang-iba si Kristo sa inaasahan. Sa halip na gumamit ng dahas, si Kristo ay nagpakita ng kahinahunan at kahinaan. Sa pamamagitan ng Kanyang kahinaan at kahinahunan, iniligtas Niya ang sangkatauhan. Niloob ng Diyos na maligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo. Kahit napakasakit para sa Ama na makita ang pagbabata ng matinding hirap at kamatayan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus, niloob pa rin Niya ito mangyari upang ang sangkatauhan ay maligtas. Pinatunayan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Hesus na tunay Siyang mapagmahal. Si Hesus ay dumating bilang Mesiyas na ibang-iba sa inaasahan ng lahat sa Kanya. 

Sa ikalawa't huling bahagi ng Ebanghelyo, inilahad ni Hesus ang mga kundisyon sa pagiging tagasunod Niya. Inihayag Niya na kinakailangang limutin ng bawat isa ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa Kanya ang mga nais maging alagad Niya. Ang mga nais maging tagasunod ni Kristo ay dapat sumunod sa Kanyang atas tungkol sa pagiging Kanyang tagasunod. Sa pahayag na iyon, ipinapaalala ng Panginoong Hesukristo na hindi laging magiging maginhawa ang buhay ng bawat sumusunod sa Kanya. Ibang-iba iyon sa inaasahan ng karamihan na magiging maganda ang buhay ng bawat isa dito sa mundo kapag sila'y sumunod kay Kristo. Inaasahan ng karamihan na kapag sumunod sila kay Kristo, mawawala ang kanilang mga problema. Inaasahan nilang magiging madali ang lahat sa buhay. Subalit, kahit ang mga nananalig at sumusunod kay Kristo ay nakakaranas ng mga matitinding pagsubok sa buhay. Hindi sila ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay. Lagi silang nagtitiis upang manatiling tapat kay Kristo. Kung paanong si Kristo'y nagbata ng matinding pagdurusa't kamatayan sa krus, ang mga nananalig at sumusunod sa Kanya ay nagtitiis at nakikipagdigma sa mga tukso sa buhay upang ihayag ang kanilang katapatan sa Kanya. 

Ang kundisyon sa pagiging tagasunod ni Kristo na inilahad sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo ang pinagtuunan ng pansin ni Apostol Santiago sa Ikalawang Pagbasa. Sabi ni Apostol Santiago sa Ikalawang Pagbasa, "Patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa." (2, 17) Walang saysay ang pananalig kay Kristo kapag puro salita lamang ang ginagamit at walang kalakip na gawa. Kapag inihayag ng isang tao na siya'y nasa panig ni Kristo subalit hindi tumutugma ang kanyang mga gawa sa kanyang inihayag, walang saysay ang kanyang sinabi. Magkarugtong ang mga salita't gawa. Hinding-hindi ito maipaghihiwalay. Kailangang tumugma sa mga salitang binitiwan ng bawat isa ang kanilang mga gawa. At pagdating sa pagiging tagasunod ni Kristo, kinakailangang ipakita ang pananalig at katapatan sa Kanya sa pamamagitan ng mga salita't gawa. Kahit mahirap ang ipinapagawa ng Panginoon sa atin, kung tunay natin Siyang iniibig, tatalima pa rin tayo sa Kanyang utos. Sa mga gawa lamang natin mapapatunayang autentiko ang ating pahayag na tayo'y tunay ngang nasa panig ng Panginoon. 

Tularan ang Panginoong Hesus. Tularan ang Kanyang pagtanggap at pagpasan sa krus patungong Kalbaryo. Iyan ang kundisyon sa pagiging tagasunod ni Hesus. Iba ito sa inaakala ng lahat na magiging madali ang buhay ng mga tumatalima't sumusunod sa Kanya dito sa mundo. Subalit, sa piling lamang ng Panginoon sa langit matatagpuan ang walang hanggang kaginhawaan. At habang naglalakbay ang bawat isa dito sa lupa, humaharap sila sa mga pagsubok sa buhay. Hindi ligtas ang mga buong pusong nananalig at sumusunod kay Kristo sa mga pagsubok sa buhay. Subalit, napapagtagumpayan ng mga banal ang mga pagsubok na ito sa buhay sa tulong ni Kristo Hesus na buong katapatan nilang iniibig, sinasamba, pinananaligan, pinaglilingkuran, at sinusundan. 

Kung nais nating maging tunay na tagasunod ni Hesus, kailangang tumalima tayo sa Kanyang atas, gaano mang kahirap ito. Hindi sapat na sabihing pinananaligan at iniibig natin ang Panginoon upang maging Kanyang tagasunod. Kinakailangang nating sumunod sa Kanyang loobin. Ang mga tunay na tagasunod ng Panginoong Hesus ay tatalima sa Kanyang kalooban nang buong pananalig at pagmamahal sa Kanya, gaano mang kahirap gawin ito. 

Ang tanong para sa bawat isa - kaya ba nating tanggapin ang mga atas ni Hesus? Kaya ba nating sundin at tanggapin ang Kanyang naisin nang buong katapatan? Handa ba tayong manatiling tapat sa Kanya hanggang sa katapusan ng buhay natin dito sa lupang ibabaw? 

Lunes, Setyembre 10, 2018

NASAKTAN DAHIL NAGMAHAL

15 Setyembre 2018 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35) 


Sa kasalukuyang panahon, napakaraming hugot tungkol sa pagmamahal. Ang mga hugot na ito'y binabasa at ibinabahagi ng karamihan sa kanilang mga kakilala, lalung-lalo na ang mga kabataan. Kapag nababasa nila ang ilan sa mga hugot na ito, naaalala nila ang kanilang mga karanasan sa kanilang buhay pag-ibig. At inilalarawan ng ilang mga hugot tungkol sa pagmamahal ang sakit na kaakibat ng desisyong magmahal. Sabi nga ng karamihan, "Masakit magmahal." 

Itinutuon ng Simbahan ang pansin ng bawat isa sa sakit dulot ng pagmamahal sa araw na ito. Inilalaan ng Simbahan ang araw na ito upang gunitain, ipakilala, at nagbibigay-pugay sa isang babaeng na labis na nasaktan dahil sa pagmamahal. Ang babaeng ito ay walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Dahil sa kanyang pagmamahal para sa kanyang minamahal na Anak na si Hesus, si Maria ay nagtiis ng matinding kapaitan sa kanyang puso. Tiniis ni Maria ang lahat ng sakit sa kanyang puso dahil sa kanyang pagmamahal sa Panginoon. 

May dalawang salaysay sa Ebanghelyo ngayon na maaaring pagpilian. Ang isang salaysay ay hango mula sa ikalawang kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas at ang isa naman ay hango mula sa ika-19 na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan. Sa salaysay mula sa Ebanghelyo ni San Lucas, inihayag ni Simeon kay Maria kung ano ang mangyayari sa Batang Hesus pagdating ng takdang panahon at kung paano siya maaapektuhan. Sa salaysay mula sa Ebanghelyo ni San Juan, si Maria ay nakatayo sa tabi ng krus ng Panginoong Hesus kasama ang minamahal na alagad na si Apostol San Juan. Ang dalawang kaganapang isinalaysay ay dalawa sa mga Pitong Hapis ng Mahal na Inang si Maria. 

Katulad ni Hesus na nagtiis ng matinding paghihirap dahil sa Kanyang pag-ibig para sa Ama at para sa sangkatauhan na pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa, nagtiis rin ng matinding paghihirap ang Mahal na Birheng Maria dahil sa kanyang pagmamahal sa Panginoon. Tiniis ni Maria ang hapdi at pait na naramdaman at dinala sa kanyang puso dahil tunay niyang minahal ang Anak niyang si Hesus. Ang lahat ng mga sakit na kanyang naramdaman at dinala sa puso ay kanyang tiniis. Sa kanyang pagtitiis ng hirap at sakit, naipakita ni Maria ang tunay at tapat niyang pagmamahal kay Kristo. Nakiisa siya sa pagdurusang dinanas ni Kristo dahil tunay niyang minahal ang kanyang Anak nang buong katapatan. 

Tinuturuan ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Hapis, ang bawat isa kung paanong magmahal. Kung tunay tayong nagmamahal, dapat handa tayong masaktan. Dapat handang magtiis ng maraming hirap ang bawat isa kapag siya'y nagmamahal. Ang pagtitiis ng maraming hirap at sakit lamang ang tanging makakapagpatunay na tunay at tapat ang pagmamahal ng bawat isa. Ang bawat isang umiibig nang tunay ay handang magtiis para sa kanyang sinisinta. 

Si Hesus at si Maria ay nasaktan dahil sa pagmamahal. Handa ba tayong masaktan dahil sa pagmamahal? 

Sabado, Setyembre 8, 2018

HINDING-HINDI MAKAKALIMUTAN

14 Setyembre 2018 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


Sabi sa Salmong Tugunan para sa araw na ito, "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D'yos." (Salmo 77, 7k) Isinasalungguhit sa mga katagang ito ang kadakilaan ng Diyos. Nahahayag ang kadakilaan ng Diyos sa Kanyang mga gawa. Ang kadakilaan ng Diyos ay hinding-hindi mapapantayan. Kaya, nararapat lamang na alalahanin ng bawat isa na ang Diyos lamang ang tunay na dakila. Paulit-ulit na pinatunayan ng Diyos ang Kanyang kadakilaan sa pamamagitan ng Kanyang mga kahanga-hangang gawa sa simula't sapul. 

Pinagtutuunan ng pansin sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito ang kadakilaan ng krus ni Kristo. Sa pamamagitan ng krus ni Kristo, ang lahat ng tao ay naligtas. Ang krus, na dati-rati'y instrumento ng kapahamakan at kamatayan, ay ginamit ni Kristo bilang instrumento ng kaligtasan. Ginamit ni Kristo ang kahoy na krus para tubusin ang sangkatauhan. Paano Niya ginamit ang krus? Siya'y namatay sa krus. Mula sa kahoy na krus sa Kalbaryo, ibinubo ni Kristo ang Kanyang Kabanal-banalang Dugo para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Ang lahat ng tao ay naligtas sa pamamagitan ng ginawang paghahain ng sarili ni Kristo sa krus. 

Sa Ebanghelyo, inihayag na kinailangang itampok si Hesus, ang Anak ng Tao, tulad ng ginawang pagtatampok ni Moises sa ahas doon sa ilang na isinalaysay sa Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong ang bawat taong tinuklaw ng makamandag na ahas ay gumaling noong sila'y tumingin sa ahas na tanso na itinampok ni Moises sa ilang. Si Moises ay iniutusan ng Diyos na gumawa ng ahas na tanso at ilagay ito sa dulo ng isang tikin upang maligtas ang lahat na tumingin dito, kahit matuklaw ng makamandag na ahas. Ipinapakita ng salaysay sa Unang Pagbasa at ng pahayag sa Ebanghelyo na pipiliin ng Diyos na sila'y iligtas kaysa ipahamak sa kabila ng kanilang pagiging makasalanan. 

Kahit paulit-ulit na magkasala ang tao, kalooban pa rin Niyang maligtas silang lahat. Hindi hinahangad ng Diyos na mapahamak ang tao. Nais ng Diyos na makapamuhay nang malaya bilang Kanyang mga anak ang lahat ng tao. Nais ng Diyos na maranasan ng bawat isa ang biyaya ng Kanyang pagliligtas. Kaya naman, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus upang iligtas ang sangkatauhan. At sabi ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, buong kababaang-loob na tinupad ng Panginoong Hesukristo ang ipinagawa sa Kanya ng Ama bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. 

Inihayag ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng krus ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig, ang Diyos ay bumaba mula sa langit at naging tao sa pamamagitan ni Hesus upang tayong lahat ay iligtas. Kahit karumal-dumal iyon, tinanggap pa rin ni Hesus ang pagdurusa't kamatayan sa krus. Sa pamamagitan nito'y napatunayang kahanga-hanga at tunay ngang dakila ang pag-ibig at kagandahang-loob ng Diyos. Ang pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan sa pamamagitan ni Hesus ang naghayag ng Kanyang pag-ibig at kagandahang-loob para sa lahat. At hinding-hindi ito makakalimutan. 

Ang ginawang paghahain ni Hesus sa krus ay hinding-hindi makakalimutan. Ito'y sapagkat sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay, iniligtas Niya ang lahat ng tao. 

Miyerkules, Setyembre 5, 2018

MGA ABANG INSTRUMENTO NG DIYOS

9 Setyembre 2018 
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Isaias 35, 4-7a/Salmo 145/Santiago 2, 1-5/Marcos 7, 31-37 


Pinagtutuunan ng pansin sa mga Pagbasa ngayon ang paghirang ng Diyos sa mga dukha. Ang mga dukha ay pinili't hinirang ng Diyos upang sa pamamagitan nila'y mahahayag ang Kanyang kadakilaan. Sila'y magiging mga instrumento ng Diyos. Bilang mga instrumento ng Panginoong Diyos, patotohanan nila ang Kanyang kahanga-hangang kadakilaan. Sila ang pinalad na maranasan ang kamay ng Diyos na mapaghimala at mapagpagaling upang malaman ng lahat na Siya'y tunay na dakila at kahanga-hanga. Ang Panginoong mahabagin ay tunay ngang dakila at kahanga-hanga. Walang makakapantay o makahihigit sa Kanya. 

Ang puntong ito ay isinalungguhit sa Ikalawang Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago. Kaya naman, nagbigay ng babala si Apostol Santiago sa kanyang mga tagapakinig tungkol sa pagtatangi o diskriminasyon. Kung ang mga dukhang hinirang ng Diyos ay itinatangi ng bawat isa, para na ring sinasabing tinututulan ng bawat isa ang Kanyang kalooban. Nawawalan na ng saysay o kabuluhan ang pamamanata at pananampalataya ng bawat Kristiyano kung ito ang gagawin. Ang mga tunay na kapanig ng Panginoon ay walang dapat itinatangi sapagkat ang lahat ay pantay-pantay sa Kanyang paningin. At kasuklam-suklam sa paningin ng Panginoon ang pagdiskrimina sa mga mahihirap. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ang ilan lamang sa mga kahanga-hangang bagay na gagawin ng Diyos sa Kanyang pagdating. Ipinangako ng Diyos sa mga talatang ito na Siya'y darating bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Ang mga bulag ay makakakita, ang mga bingi ay makakarinig, ang mga pilay ay makakalakad, at ang mga pipi ay makakapagsalita't makakaawit ng mga awitin ng pagpupuri't pasasalamat sa Panginoon nang buong kagalakan (35, 5-6). 

Isang pagpapagaling ng Panginoong Hesus ang isinalaysay sa Ebanghelyo. Isang lalaking bingi't utal ang pinagaling ni Hesus. Namangha ang mga nakasaksi sa pangyayari, anupa't ang bilin ni Hesus ay hindi nila sinundan. Kahit sinabihan sila ni Hesus na huwag ipamalita ang Kanyang ginawang pagpapagaling sa lalaking bingi't utal sa kahit na sino, lalo pa nila itong ibinalita. Nakakapagsalita't nakakarinig ang dating bingi't pipi dahil kay Hesus na taga-Nazaret. Sa pamamagitan ng ginawang pagpapagaling ng Panginoong Hesukristo sa lalaking bingi't pipi ay nahayag sa lahat ang kabutihan at kadakilaan ng Diyos na kahanga-hanga. Ang lalaking bingi't pipi ay naging instrumento ng Panginoon upang ihayag ang Kanyang kadakilaan at kabutihan na tunay ngang kahanga-hanga. Ang dating isinasantabi ng lipunan dahil sa kanyang kapansanan ay ginamit ng Diyos bilang Kanyang instrumento upang mahayag ang Kanyang kadakilaan at kabutihan.

Bilang mga Kristiyano, wala dapat tayong itinatangi. Hindi natin dapat pairalin ang diskriminasyon, lalung-lalo na sa mga mahihirap. Kung hahayaan nating maging mga biktima ng diskriminasyon ang mga mahihirap, ipinapakita natin na tayo'y tutol sa kalooban ng Diyos. Sapagkat ang Diyos ay malapit sa mga mahihirap. Ang Puso Niya ay malapit sa mga dukha. At labag sa Kanyang kalooban ang pang-aapi sa mga dukha. Kinasusuklaman ng Panginoong Diyos ang mga umaapi ng mga dukha at mga walang kalaban-laban. 

Kung nais nating maging tunay na kapanig ng Diyos, huwag tayong magtatangi, tulad ng ipinapaalala sa atin sa Ikalawang Pagbasa. Tanging ang Diyos lamang na Siyang bukal ng lahat ng kabanalan ang dakila't makapangyarihan sa lahat. Walang makakapantay at makahihigit sa Kanyang kadakilaan at kapangyarihan na kahanga-hanga. At sa Kanyang paningin, tayong lahat na Kanyang nilalang ay magkakapantay. Walang sinuman sa atin ang nakakaangat o nakahihigit sa kapwa sa Kanyang paningin. Tanging Siya lamang ang Kataas-taasan.

Martes, Setyembre 4, 2018

ISANG NAPAKAHALAGANG ARAW

8 Setyembre 2018 
Kapistahan ng Pagsilang ng Mahal na Birheng Maria 
Mikas 3, 1-4a (o kaya: Roma 8, 28-30)/Salmo 12/Mateo 1, 1-16. 18-23 (o kaya: 1, 18-23) 


Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Mikas na isisilang ang Sanggol na Mesiyas sa bayan ng Betlehem. Ang Betlehem na kilala rin bilang bayan ni Haring David ay pinalad sa lahat ng sambayanan sa Israel sapagkat sila ay pinili upang maging lugar na sinilangan ng Mesiyas. Mapapabilang sa sambahayan ni Haring David ang ipinangakong Mesiyas na tutubos sa Kanyang bayan. Isang babae ang magluluwal sa Banal na Sanggol na Siyang ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa munting bayan ng Betlehem. 

Ang araw na ito ay inilaan ng Simbahan upang gunitain at ipagdiwang ang pagsilang ng babaeng nagluwal sa ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas mula sa kanyang sinapupunan sa bayan ng Betlehem. Siya'y walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria. Sa lahat ng kababaihan, ang Mahal na Birheng Maria ay pinili't hinirang ng Diyos upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Sa kabila ng kanyang estado sa lipunan noong kanyang kapanahunan, ang Mahal na Inang si Maria ang pinili ng Diyos para tuparin ang pananagutang iyon. 

Kaya naman, isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng kaligtasan ang pagsilang ng Mahal na Inang si Maria. Napakaespesyal ang araw ng kapanganakan ng Mahal na Inang si Maria sapagkat siya ang naglihi at nagluwal kay Kristo Hesus - ang Emmanuel, ang Diyos na sumasaatin, ayon sa propesiya ni propeta Isaias na siyang pinagtuunan ng pansin sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ni Maria, ang Diyos na laging sumasaatin na si Kristo ay dumating sa mundo upang tubusin ang sangkatauhan. 

Ipinangako ng Diyos sa Lumang Tipan na isusugo Niya ang Mesiyas. Sa pamamagitan ng Mesiyas, ililigtas ng Diyos ang Kanyang bayan. At ang pangakong binitiwan ng Panginoon ang paksa ng mga propesiya ng mga propeta sa Lumang Tipan. At nang dumating ang takdang panahon, natupad ang pangakong binitiwan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus. Ang Diyos Anak na si Hesukristo ay dumating sa sanlibutan bilang Mesiyas at Manunubos. At sa Kanyang pagdating sa sanlibutan, niyakap Niya ang ating pagkatao. Kung paanong ang bawat tao ay dumarating sa lupa sa pamamagitan ng inang naglihi at nagluwal sa kanya, sa ganoong pamamaraan ri'y dumating si Hesus sa lupa. At si Maria ang naglihi at nagluwal sa Kanya. Si Hesus ay nagkaroon rin ng Ina tulad ng bawat tao sa pamamagitan ni Maria. At si Maria ay Ina rin nating lahat na buong puso't kaluluwang nananalig, sumasampalataya, at sumusunod kay Kristo.

Kung ang araw ng pagsilang ng Panginoong Hesukristo sa lupa ay binibigyan ng halaga, gaano pa kaya ang araw ng pagsilang ng Mahal na Birheng Maria sa lupa? Ang Mahal na Birheng Maria ang naglihi at nagluwal sa Panginoong Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Diyos na laging nating kasama (Emmanuel), kaya nararapat lamang na bigyan rin ng halaga ang araw ng kanyang kapanganakan dito sa mundo. Mahalaga ang papel na ginampanan ng Mahal na Birheng Maria sa kasaysayan ng pagtubos ng Diyos sa sangkatauhan, kaya mahalaga rin ang araw ng kanyang pagsilang dito sa mundo.