Huwebes, Marso 25, 2021

ANG NAGBIGAY NG SAYSAY SA ATING PANANAMPALATAYA

4 Abril 2021 
Pasko ng Muling Pagkabuhay
Mga Gawa 10, 34a. 37-43/Salmo 118/Colosas 3, 1-4 (o kaya: 1 Corinto 5, 6b-8)/Juan 20, 1-9 


Sabi ni Apostol San Pablo na ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano ay walang kabuluhan kung hindi nabuhay na mag-uli si Kristo (1 Corinto 15, 14). Ito ang katotohanan tungkol sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyanong bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo dito sa mundo. Ito rin ang dahilan kung bakit tayo'y nananalig at sumasampalataya sa Panginoon. Mayroong kabuluhan ang ating pananampalataya dahil sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. 

Napakahalaga para sa atin bilang mga Kristiyano ang Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Katunayan, ang Muling Pagkabuhay ni Hesus ay isang napakalaking biyaya para sa Simbahan. Kung tutuusin, wala nang hihigit o makakapantay sa biyayang ito na tinanggap natin bilang mga Kristiyano. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, ang ating pananampalataya ay binigyan ng saysay ni Hesus. Kung hindi nabuhay na mag-uli si Hesus, walang saysay ang ating pananampalataya. 

Ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ay ang dahilan kung bakit may kabuluhan ang ating pananampalataya bilang mga Kristiyano. Ang kahalagahan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon sa ating pananampalataya ay binigyan ng pansin sa Unang Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, nangaral si Apostol San Pedro tungkol kay Kristo Hesus na namatay at nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Sa pamamagitan nito, ipinakilala ni Apostol San Pedro si Cornelio at ang buo niyang sambahayan sa pananampalatayang Kristiyano na binigyan ng saysay ni Hesus sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Nagkaroon lamang ng saysay ang pananampalatayang Kristiyano dahil nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw ang ating Panginoong Hesukristo. 

Bilang isang Simbahang nagdiriwang nang buong galak sa dakilang araw na ito, nakatuon ang ating pansin sa libingang walang laman. Tampok sa Ebanghelyo para sa araw na ito ang libingang walang laman. Ang libingang ito ay mukhang ordinaryo lamang. Subalit, nakasaad sa Ebanghelyo ang dahilan kung bakit ito ang sentro ng ating atensyon. Hindi na matagpuan roon ang bangkay ni Hesus. Inilibing si Hesus sa nasabing libingan nang Siya'y mamatay. Subalit, pagsapit ng ikatlong araw, wala nang laman ang libingan. Wala na sa libingang ito ang bangkay ni Hesus. Katunayan, sabi pa nga sa Ebanghelyo na nakatiklop ang panyong ibinalot sa ulo ni Hesus at hiwalay ito sa mga kayong lino (Juan 20, 6-7). Isa lamang ang ibig sabihin nito. Ang bangkay ng Panginoong Hesus ay hindi ninakaw ninuman. Bagkus, Siya'y nabuhay na mag-uli. 

Kaya naman, ang panawagan sa atin ni Apostol San Pablo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa ay tanggapin at yakapin ang biyaya ng bagong buhay na handog sa atin ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Isang bagong buhay puspos ng kalinisan. Isang bagong buhay na nakatuon ang pansin sa mga bagay na nauukol sa kalangitan. Ito ang ibig sabihin ni Apostol San Pablo nang sabihin niyang dapat alisin ang lumang lebadura, ang kasalanan, upang maging malinis (1 Corinto 5, 7). Ito rin ang ibig niyang sabihin noong sinabi niyang dapat isaisip ang mga bagay na panlangit (Colosas 3, 2). Isa lamang ang ibig sabihin ni Apostol San Pablo. Tanggapin natin ang biyaya ng bagong buhay na puno ng kabanalan. Ipinagkaloob ng Panginoong Hesukristo ang biyayang ito sa atin. 

Tayong mga Kristiyano ay buong galak na nagdiriwang sa araw na ito na tunay ngang napakahalaga. Ang dahilan ng ating pagdiriwang sa dakilang araw na ito ay walang iba kundi ang Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesus. Dahil sa Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo, nagkaroon ng saysay ang ating pananampalataya. Sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay, binigyan rin Niya tayo ng isang bagong buhay na puno ng kabanalan. Kung tunay ngang mahalaga para sa atin ang ating pananampalatayang ito na nagkaroon lamang ng saysay dahil sa Muling Pagkabuhay, tatanggapin natin ang biyaya ng bagong buhay na ipinagkakaloob sa atin ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. 

Miyerkules, Marso 24, 2021

GALAK ANG KANYANG HATID SA LAHAT

3 Abril 2021 
Sabado de Gloria
Ang Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay (B)
Genesis 1, 1-2, 2 (o kaya: 1, 1. 26-31a)/Salmo 103 (o kaya: Salmo 32)/Genesis 22, 1-18 (o kaya: 22, 1-2. 9a. 10-13. 15-18)/Salmo 15/Exodo 14, 15-15, 1/Exodo 15/Isaias 54, 5-14/Salmo 29/Isaias 55, 1-11/Isaias 12/Baruc 3, 9-15. 32-4, 4/Salmo 18/Ezekiel 36, 16-17a. 18-28/Salmo 41 (o kaya: Salmo 50)/Roma 6, 3-11/Salmo 117/Marcos 16, 1-7 


 
Bilang mga Pilipinong Katoliko, bihira nating tawaging "Sabado Santo" o "Banal na Sabado" ang araw na ito. Mas madalas nating tawaging "Sabado de Gloria" ang araw na ito. Magandang bigyan natin ng pansin ang pangalang "Sabado de Gloria" at kung ano ang ipinapahiwatig nito. Bagamat ang tingin ng karamihan, lalo na sa kasalukuyang panahon, ay isa lamang pangalan para sa isang araw, mayroong isang detalye ang pangalan nito na nagbibigay ng isang indikasyon o pahiwatig tungkol sa kahalagahan ng araw na ito. Bagamat tila isang maliit na detalye lamang ito, napakalaki ang maitutulong nito sa ating pagninilay tungkol sa halaga ng araw na ito. 

Ano ang ipinapahiwatig ng pangalang "Sabado de Gloria"? Kung titingnan natin nang mabuti ang pangalang "Sabado de Gloria", makakakita tayo ng pahiwatig o indikasyon tungkol sa halaga ng araw na ito para sa Simbahan. Ang salitang "Gloria" ay isang maliit na indikasyon o pahiwatig para sa atin. Ipinapahiwatig ng salitang "Gloria" na isasagawa sa nasabing araw ang isang napakaespesyal na pagdiriwang. Napakaespesyal ang isasagawa ng Simbahan sa araw na ito. May mahalagang pagdiriwang o gawain ang Simbahan sa araw na ito. 

Sa gabi ng Sabado de Gloria, isinasagawa ng Simbahan ang pinakaespesyal at pinakamahalagang pagdiriwang. Sa gabi ng Sabado de Gloria, buong galak na ipinagdiriwang ng Simbahan ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. Ito ang sentro ng ating pananampalataya bilang mga Kristiyanong bumubuo sa Simbahan. Ito ang huling yugto o bahagi ng Misteryo Paskwal. Ito ang dahilan kung bakit ang lahat ng mga bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo sa daigdig na ito ay buong galak na nagdiriwang sa gabing ito. 

Inihayag ng Panginoong Hesukristo ang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Ang kadakilaang ito ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo ay naghatid ng galak sa lahat. Ito ang dahilan kung bakit sinabihan ang mga babaeng pumunta sa Kanyang libingan sa Ebanghelyo na huwag matakot (Marcos 16, 6). Ang kaloob ng kadakilaan ng Diyos na nahayag sa pamamagitan ng maluwalhating Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo ay galak. Ang panahon ng hapis at dalamhati ay winakasan na ng Panginoong Hesus na Muling Nabuhay. Ang hapis at dalamhati ay pinalitan na Niya ng galak. 

Katulad ng Mahal na Ina na walang iba kundi ang Mahal na Birheng Maria, ang bawat isa sa atin ay napupuspos ng galak sapagkat tunay ngang nabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesukristo. Hindi nagtapos ang lahat para sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang pagpapakasakit at kamatayan sa krus sapagkat ito'y sinundan agad ng Kanyang Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, nahayag ang kadakilaan ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit inaawit natin ang "Aleluya" nang buong galak sa gabing ito. 



Martes, Marso 23, 2021

ANG DAHILAN NG KRUS

2 Abril 2021 
Biyernes Santo sa Pagpapakasakit ng Panginoon 
Isaias 52, 13-53, 12/Salmo 30/Hebreo 4, 14-16; 5, 7-9/Juan 18, 1-19, 42 


"Dahil sa ating mga kasalanan kaya Siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan" (Isaias 53, 5). Ito ang mga salitang naglalarawan sa tunay at nag-iisang dahilan kung bakit ginugunita natin bilang isang Simbahan ang mga kaganapan noong unang Biyernes Santo. Ang araw na ito, Biyernes Santo, ay inilaan sa paggunita sa isang kaganapan na puno ng hapis at pagdurusa. Kung tutuusin, inilarawan ng mga salitang ito mula sa ika-53 kabanata ng aklat ni propeta Isaias ang dahilan kung bakit nagbata ng maraming hirap at sakit ang Mesiyas at Manunubos na si Hesus noong unang Biyernes Santo. 

Sa araw ng Biyernes Santo, isang kaganapang puno ng dalamhati ay ating ginugunita. Bagamat puno ng dalamhati ang kaganapang ito, napakahalaga ito para sa atin bilang mga Kristiyano. Ito ang dahilan kung bakit walang Banal na Misa sa araw na ito. Ang araw ng Biyernes Santo ang nag-iisang araw sa buong taon kung saan walang Misang ipinagdiriwang. Sa halip na Misa, isang liturhiya na isinagawa sa hapon, kadalasan ay ika-3 ng hapon, kung saan inaalala ng buong Simbahan ang pagpapakasakit at pagkamatay ni Kristo. Ang kaganapang ito na nagdulot ng hapis sa puso ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Ito ang ating ginugunita sa araw na ito. 

Mahaba ang salaysay ni San Juan ng pagpapakasakit ni Kristo. Ang haba ng salaysay na ito ay dalawang buong kabanata. Ang salaysay ng pagpapakasakit ng Panginoon sa Ebanghelyo ni San Juan ay nagsimula sa pagdakip sa Kanya (unang bahagi ng ika-18 kabanata) at nagwakas sa paglilibing sa Kanya (huling bahagi ng ika-19 na kabanata). Dalawang kabanata ang haba nito. Subalit, isa lamang ang dahilan kung bakit naganap ang lahat ng mga isinalaysay ni San Juan kaugnay ng Pasyon ni Kristo. Ang dahilan kung bakit ang lahat ng mga kaganapang kaugnay ng pagpapakasakit at pagkamatay ng Panginoong Hesus ang nagbibigay ng saysay at halaga sa lahat ng ito.  

Gaya ng sinabi sa Unang Pagbasa, ang dahilan kung bakit si Hesus ay nagbata ng maraming hirap at pagdurusa sa mga huling sandali ng Kanyang buhay ay walang iba kundi tayo. Iyon nga lamang, bakit Niya piniling gawin iyon para sa atin? Para naman kasi Siyang nag-aaksaya ng panahon kung isinaisip pa Niya tayo na mga makasalanang hamak. Bakit Niya tayo iniligay sa Kanyang isip at puso? Bakit tayo ang pinili Niyang maging dahilan ng Kanyang pagbabata ng maraming hirap at pagdurusa hanggang kamatayan? 

Nasusulat sa Unang Pagbasa na "inibig ng Panginoon na sa Kanya ipataw ang parusang tayo ang dapat tumanggap" (Isaias 53, 6). Ito ang dahilan kung bakit ang habag ng Diyos ay pinagtuunan ng pansin ng manunulat ng sulat sa mga Hebreo sa kanyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa. Dahil sa Kanyang habag, dumating sa mundo ang dakilang saserdote na walang iba kundi ang Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Ang dakilang saserdoteng ibinigay ng Diyos para sa kapakanan natin ay walang iba kundi ang Panginoong Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sa pamamagitan Niya, dumating ang Diyos sa lupa upang ihayag sa atin ang Kanyang habag at awa. 

Ang krus ni Hesus ay ang dahilan kung bakit mayroong Biyernes Santo. Ang krus ng Panginoong Hesukristo ang naghayag sa misteryo ng habag at awa ng Diyos. Dahil sa Kanyang habag at awa para sa atin, niloob ng Diyos na magtiis ng maraming hirap at sakit ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo upang iligtas ang sangkatauhan. Sa pamamagitan ng krus ni Kristo, ang misteryo ng habag at awa ng Diyos ay nahayag. 



Sabado, Marso 20, 2021

MGA PAGDIRIWANG NA HINDI MAGKAHIWALAY

1 Abril 2021 
Huwebes Santo sa Paghahapunan ng Panginoon 
Exodo 12, 1-8. 11-14/Salmo 115/1 Corinto 11, 23-26/Juan 13, 1-15 


Hindi pangkaraniwan ang tatlong araw na pinapasok ng Simbahan pagsapit ng dapit-hapon o takipsilim ng Huwebes Santo. Napakaespesyal ang tatlong araw na sinisimulan ng Simbahan sa takipsilim ng Huwebes Santo. Iyon ay walang iba kundi ang Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Kilala rin ang tatlong araw na ito bilang Banal na Tatlong Araw o Banal na Triduo. Sa loob ng tatlong araw na ito, lalong itinutuon ng Simbahan ang pansin ng bawat mananampalataya sa krus at Pagkabuhay ng Panginoon. Ang misteryo ng krus at Pagkabuhay ng Panginoon ay tinatawag ring Misteryo Paskwal. 

Para sa Simbahan, ang tatlong araw na ito ay ang pinakamahalagang tatlong araw sa buong taon. Katunayan, ang pagdiriwang ng Banal na Tatlong Araw na kilala rin bilang Banal na Triduo o Triduo Pampaskuwa ay pinaghandaan ng Simbahan sa buong daigdig sa loob ng anim na linggo ng panahon na kilala sa opisyal na pangalan nito na Apatnapung Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay o mas kilala ng bawat Kristiyano sa tawag na Kuwaresma. Ang panawagan ng Simbahan sa bawat mananampalataya sa buong panahon ng Kuwaresma ay isa lamang pruweba o katibayan ng kanyang pagpapahalaga sa tatlong araw ng Triduo Pampaskuwa. Ang panawagan ng Simbahan sa bawat mananampalataya noong panahon ng Kuwaresma ay pagsisihan ang kasalanan at magbalik-loob bilang paghahanda ng sarili para sa isang napakaespesyal na pagdiriwang. Sinisimulan ng Simbahan ang napakaespesyal na pagdiriwang na ito, ang Banal na Tatlong Araw, sa takipsilim ng Huwebes Santo. Ang panahon ng Kuwaresma na tumatagal nang apatnapung araw (hindi kasali sa pagbibilang ang mga araw ng Linggo) sa paghahanda ng sarili para sa napakaespesyal na pagdiriwang ng Banal na Tatlong Araw. 

Isa pang katangian ng tatlong araw ay ang paghahati ng pagdiriwang sa tatlong araw. Ang pagdiriwang ng Banal na Tatlong Araw ay magkakaugnay. Mayroong binibigyang-pansin ang Simbahan sa bawat araw. Ang pinagtutuunan ng pansin ng Simbahan sa tatlong araw na ito ay ang mga kaganapan na nakasentro sa Misteryo Paskwal ni Hesus. Sa dapit-hapon ng Huwebes Santo, binibigyan ng pansin ng Simbahan ang Huling Hapunan. Sa hapon ng Biyernes Santo, ang kamatayan ni Hesus sa krus ay ang sentro ng atensyon at pagninilay ng buong Simbahan. Sa gabi ng Sabado de Gloria, nakatuon ang pansin ng Simbahan sa huling yugto ng Misteryo Paskwal - ang maluwalhating Muling Pagkabuhay ng Tagapagligtas na si Kristo Hesus. 

Napakalinaw ang pagpapahalaga ng Simbahan sa tatlong araw na ito na inilaan sa pagninilay at paggunita sa Misteryo Paskwal ni Kristo. Hindi sapat ang isang araw lamang upang ipagdiwang ang Misteryo Paskwal ng Panginoon sapagkat ito ang rurok ng ating pananampalataya bilang Kristiyano. Ito ang dahilan kung bakit ang bawat isa sa atin ay mga Kristiyano. Tayong lahat ay tinubos ng ating Mesiyas at Manunubos na si Hesus sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus at Muling Pagkabuhay. Nakasentro sa Misteryo Paskwal ng Panginoong Hesus ang ating pananampalataya bilang Katoliko. Iyan ang dahilan kung bakit labis na pinahahalagahan ng ating Simbahan ang Misteryo Paskwal. Ito rin ang dahilan kung bakit tatlong araw ang inilaan ng Simbahan para sa pagdiriwang ng Misteryo Paskwal ng ating Panginoong Hesukristo. Ang Misteryo Paskwal ng ating Panginoong Hesus ay tunay ngang napakahalaga. 

Sa mga Pagbasa para sa Misa ng Huling Hapunan ng Panginoon na isinagawa tuwing dapit-hapon ng Huwebes Santo, itinuturo sa atin na mayroong dahilan ang lahat. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang dahilan kung bakit napakahalaga para sa mga Hudyo ang Paskuwa. Sa pagdiriwang ng Paskuwa, ginugunita ang isang kahanga-hangang gawa ng butihing Panginoong Diyos. Pinalaya Niya ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Iyon ang sentro ng pagdiriwang ng Hapunang Pampaskuwa. Iyon ang sentro ng Paskuwa. Ang kahanga-hangang gawang ito ng Diyos ay inalala ni Hesus at ng mga alagad sa Huling Hapunan. Bilang mga Hudyo, ginunita nina Hesus at ng mga apostol ang gawang ito na dahilan kung bakit ipinagdiriwang ang Paskuwa. 

Gaya ng Paskuwa ng mga Hudyo, ang pagdiriwang ng Banal na Tatlong Araw ay mayroon ring dahilan. Katunayan, ang dahilan ng pagdiriwang ng Banal na Tatlong Araw ay ang mismong sentro ng pagdiriwang. Ito ang pinagtuunan ng pansin sa Ikalawang Pagbasa at Ebanghelyo. Sa Ikalawang Pagbasa, si Apostol San Pablo ay nagsulat tungkol sa pagtatag sa Sakramento ng Banal na Misa na kilala rin bilang Banal na Eukaristiya na ginanap sa Huling Hapunan. Itinampok naman sa Ebanghelyo ang paghuhugas ni Hesus sa mga paa ng mga apostol. Buong kababaang-loob na hinugasan ni Hesus ang mga paa ng mga apostol upang bigyan sila ng halimbawang dapat tularan. Sa pamamagitan ng gawang ito, itinuro Niya sa Kanyang mga alagad ang dahilan ng Kanyang pagparito sa daigdig na ito bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. 

Mayroong dahilan ang lahat. Napakalinaw ito sa ginugunita ng Simbahan taun-taon tuwing sasapit ang Banal na Tatlong Araw. Katunayan, ang dahilang ito ang nag-uugnay sa bawat liturhikal na pagdiriwang sa Banal na Tatlong Araw kung saan ginugunita ang mga huling sandali sa buhay ni Kristo. Iyon ay walang iba kundi pag-ibig. Kaya nga, ang tawag sa buong sanlinggo ay Mahal na Araw. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos na inihayag Niya sa pamamagitan ng Panginoong Hesukristo ay ang dahilan ng lahat ng ito. Ito ang nag-uugnay sa lahat ng mga pangyayaring inaalala natin sa Banal na Tatlong Araw. 

Bagamat isang kaganapan sa mga huling sandali sa buhay ni Kristo Hesus ang pinagtutuunan ng pansin sa bawat araw ng Banal na Triduo, magkaugnay ang mga ito. Hindi magkahiwalay o magkaiba ang mga pangyayaring pinagninilayan at ginugunita natin sa Banal na Tatlong Araw. Magkaugnay ang mga ito dahil iisa lamang ang dahilan at ugat ng lahat ng ito. Iyon ay walang iba kundi ang pag-ibig ng Diyos na tunay ngang dakila't kahanga-hanga. Dahil sa pag-ibig na ito, tayong lahat ay naligtas sa pamamagitan ng krus at Pagkabuhay ni Hesus. 



Biyernes, Marso 19, 2021

ANG "OO" NG ISANG ESPIYA

31 Marso 2021 
Miyerkules Santo ng mga Mahal na Araw 
Isaias 50, 4-9a/Salmo 68/Mateo 26, 14-25 


Isa sa mga tawag sa Miyerkules Santo sa wikang Ingles ay Spy Wednesday. Sa araw na ito, inaalala ng Simbahan ang pasiya ni Hudas Iskariote na ipagkanulo si Kristo. Katunayan, ang Ebanghelyo para sa Miyerkules Santo ay tungkol sa pakikipagpulong ni Hudas Iskariote sa mga kaaway ng Panginoong Hesukristo upang makipagsabwatan sa kanila. Ang kanilang kasunduan ay ipagkakanulo ni Hudas si Kristo kapalit ng tatlumpung prasong pilak. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag na Spy Wednesday ang araw na ito. Isinalaysay sa Ebanghelyo ang dahilan kung bakit gayon ang tawag sa araw na ito. 

Madalas nating mapapanood sa maraming maaksyong pelikula o serye, noong araw man o sa kasalukuyan, ang konsepto ng pag-eespiya. Ilang ulit na nating nakikita sa mga nasabing pelikula at serye ang ginagawa ng mga espiya. Ang tungkulin o responsibilidad ng mga espiya ay pasukin ang teritoryo o bakuran ng kalaban ng kanilang pangkat o grupo upang makapulot sila ng mahahalagang impormasyon tungkol sa mga kinikilos at pinaplano ng kanilang kaaway. Kapag nakakuha na sila ng mahahalagang impormasyon tungkol sa kanilang kalaban, agad na ipinapaabot nila ito sa iba pang mga miyembro ng kanilang samahan, lalo na ang kanilang pinuno. Nagiging undercover sila alang-alang sa kanilang grupo. Sa pamamagitan ng pagiging undercover, tinutulungan nila ang iba pang mga miyembro ng kanilang samahan. 

Katunayan, mayroon ding mga espiya sa Bibliya. Sa ika-13 kabanata ng aklat ng mga Bilang, si Moises ay pumili at humirang ng labindalawang espiya upang libutin at saliksikin ang lupain ng Canaan. Kalaunan, ginawa rin ito ng isa sa mga espiyang hinirang ni Moises na si Josue. Humirang si Josue ng dalawang espiya upang manmanan ang Jerico at maghanap ng butas sa nasabing bayan. Inatasan silang maghanap ng butas sa Jerico upang mabuo ng isang stratehiya ang mga Israelita para sa pagsalakay at pagsakop sa nasabing bayan. 

Hindi lalayo ang ginawa ni Hudas. Siya'y naging isang espiya. Iyon nga lamang, naging espiya siya ng mga kaaway ni Hesus. Sabi nga sa Ebanghelyo na lagi siyang naghanap ng pagkakataong ipagkanulo ang Panginoon matapos siyang makipagpulong at makipagsabwatan sa Kanyang mga kaaway (Mateo 26, 16). Alam rin ng Panginoong Hesukristo ang binabalak ni Hudas at ng Kanyang mga kaaway. Kahit nangyari ito nang palihim, alam Niyag nangyari ito. Alam Niyang pinuntahan ni Hudas ang Kanyang mga kaaway at nakipagsabwatan sa kanila.

Labis na nasaktan si Hesus nang malaman Niyang palihim na nakipagkita at nakipagsabwatan si Hudas Iskariote, na isa pa naman sa Kanyang mga alagad, sa Kanyang mga kaaway. Pero, alam rin ni Hesus na kailangan Niyang danasin ang mga sinabi ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Si Hesus ay magtitiis ng maraming hirap at sakit sa kamay ng Kanyang mga kaaway. Kahit alam Niyang kailangang mangyari ito, masakit pa rin para sa Kanya na isa sa Kanyang mga pinagkakatiwalaan ay tutulong sa Kanyang mga kaaway upang gawin ito. 

Si Hudas ay nagbigay ng kanyang "Oo." Iyon nga lamang, ibinigay niya ang kanyang "Oo" sa mga kaaway ni Hesus. Ibinigay niya ang kanyang pahintulot na tulungan ang mga kaaway ni Hesus sa pamamagitan ng pagiging isang espiya at pagtraydor sa Kanya. Ang tanong para sa atin - kanino ba nating ibibigay nang buong puso ang ating "Oo"? 

Huwebes, Marso 18, 2021

KILALA NIYA ANG LAHAT

30 Marso 2021 
Martes Santo ng mga Mahal na Araw 
Isaias 49, 1-6/Salmo 70/Juan 13, 21-33. 36-38 


Dalawang kaganapan sa salaysay ng pagpapakasakit at pagkamatay ni Kristo ang inilarawan sa Ebanghelyo para sa Martes Santo. Katunayan, ang dalawang kaganapang ito'y inilarawan mismo ni Kristo. Sa dalawang kaganapang ito na bahagi ng napakahabang salaysay ng pagpapakasakit ng Panginoong Hesus, tampok ang dalawa sa Kanyang mga alagad. Ang dalawang kaganapang ito'y gawa ng dalawang alagad na ito. Iyon ay walang iba kundi ang pagkakanulo ni Hudas Iskariote at ang tatlong ulit na pagkakaila ni Apostol San Pedro. 

Kahit hindi pa naganap sa mga sandaling iyon ang dalawang bagay na ito, alam ng Panginoon na talagang mangyayari ang dalawang ito. Kahit na sa mata ng ibang tao ay walang katiyakan kung mangyayari ba ang dalawang ito, sigurado si Hesus na mangyayari talaga ang dalawang bagay na ito. Alam rin Niya ang dalawang kaganapang ito na magiging bahagi ng salaysay ng Kanyang Pasyon ay kagagawan ng dalawa sa Kanyang mga alagad. Kahit wala pang konkretong ebidensiya sa mga sandaling iyon, alam ni Hesus na mangyayari talaga iyon. 

Isa lamang ang ibig sabihin nito. Kilalang-kilala ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang mga alagad. Kilala Niya ang Kanyang mga hinirang. Iyan ang totoo. Hindi natin maipagkakaila ang katotohanang ito. Ang lahat ng lihim ng Kanyang mga lingkod ay Kanyang kilala. Iyon ay dahil sa Kanyang pagka-Diyos. Walang lihim na hindi alam ng Panginoon. Walang tayong maitatago sa Kanya. 

Sa Unang Pagbasa, inamin ng lingkod ng Diyos na si Israel ang kanyang mga kahinaan at kabiguan (Isaias 49, 4). Hindi siya perpekto. Mayroong mga sandali o pagkakataon kung saan siya'y pumapalpak o sumasablay. Mayroon ring mga pagkakataon kung saan siya'y nagkakamali. Inamin naman ng lingkod ng Diyos na hindi siya perpekto. Alam ng Diyos na mayroong mga kahinaan ang Kanyang lingkod na si Israel. Subalit, sa kabila nito, pinili pa rin siya ng Panginoong Diyos upang maging Kanyang lingkod at bayan. 

Ang bawat isa sa atin ay kilalang-kilala ng Diyos. Alam ng Diyos ang ating mga kahinaan. Alam Niyang mayroong mga pagkakataon sa ating buhay kung saan tayo'y nagkakamali, pumapalpak, o sumasablay. Subalit, sa kabila ng mga hindi magandang katangian natin bilang tao, patuloy tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataong maglingkod sa Kanya at maging Kanya. 

Miyerkules, Marso 17, 2021

SA KALOOB-LOOBAN

29 Marso 2021 
Lunes Santo ng mga Mahal na Araw 
Isaias 42, 1-7/Salmo 26/Juan 12, 1-11 



Sabi sa Ebanghelyo ni San Juan na batid ni Hesus ang nilalaman ng puso ng bawat tao (2, 25). Isinulat ito ni San Juan sa kanyang Ebanghelyo pagkatapos ng kanyang salaysay tungkol sa paglilinis sa Templo. Walang makakalihim ng anumang bagay kay Kristo. Alam ni Kristo ang lahat ng bagay tungkol sa bawat tao, lalung-lalo na ang mga itinatagong lihim. Nalalaman Niya ang totoong nasa puso, isipan, at kalooban ng lahat ng tao. Walang lihim na hindi Niya alam. Hindi kayang ilihim ng bawat tao mula sa Panginoon ang mga tunay nilang layunin at hangarin. Alam ng ating Panginoon ang lahat ng iyon. Sabi nga, "Ang lahat kong lihim, Poon, ay tiyak Mong nalalaman" (Salmo 139, 2). 

Ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo ay isa sa mga sandali kung saan ipinakita ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang kaalaman tungkol sa tunay na dala ng bawat tao sa kanilang kaloob-looban. Ipinakita Niya na alam Niya ang tunay na layunin at binabalak ng tao. Ito ang dahilan kung bakit Niya sinabihan si Hudas Iskariote at ang iba pang mga alagad na hayaan nila si Maria na taga-Betania na nagbuhos ng mamahaling pabango sa Kanyang mga paa (Juan 12, 7). Alam ni Hesus ang dahilan kung bakit bumili si Santa Mariang taga-Betania ng mamahaling pabango para ibuhos sa Kanyang mga paa. 

Katunayan, sabi pa sa Ebanghelyo na si Hudas Iskariote ay isang magnanakaw pala (Juan 12, 6). Tiyak na nalaman ng Panginoong Hesus ang lihim na ito ng alagad Niyang ito. Marahil ay naitago ni Hudas Iskariote ang katotohanang ito mula sa iba pang mga alagad at sa ibang tao, subalit hindi niya ito naitago mula sa Panginoong Hesus. Gaano man kagaling magtago ng lihim sa iba ang isang tao, hindi niya ito kayang itago mula sa Panginoon. 

Inihayag sa Unang Pagbasa ang kalooban ng Diyos. Ibang-iba ito sa nangyari sa Ebanghelyo. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoon sa pamamagitan ni propeta Isaias ang Kanyang kalooban. Sa Ebanghelyo, ibinunyag ni San Juan ang lihim ng isa sa mga alagad ng Panginoong Hesus na si Hudas Iskariote. Maliwanag ang pagkakaiba ng dalawang ito. Pinagsikapan ng isa na itago ang kanyang lihim habang inihayag naman ng isa ang kanyang lihim na kalooban. Si Hudas Iskariote ay nagsikap na itago pa lalo ang kanyang lihim nang sa gayon ay hindi siya mabisto ninuman. Inihayag naman ng Panginoong Diyos sa Unang Pagbasa ang Kanyang kalooban. Ang Kanyang lihim na kalooban ay Kanyang ibinunyag sa lahat sa pamamagitan ni propeta Isaias. Natupad ang kalooban Niyang ito sa pamamagitan ni Kristo. 

Tayong lahat ay pinaalalahanan ngayong Lunes Santo. Wala tayong kayang ilihim mula sa Panginoon. Gaano man tayo kagaling maglihim sa iba, hindi natin kayang maglihim sa Diyos. Kilalang-kilala Niya tayo. Batid Niya ang tunay na laman ng ating mga puso, isipan, at kalooban. 

Martes, Marso 16, 2021

GINAWA NIYA ANG LAHAT PARA SA ATIN

28 Marso 2021 
Linggo ng Palaspas sa Pagpapakasakit ng Panginoon (B) 
Marcos 11, 1-10 (o kaya: Juan 12, 12-16) [Pagbabasbas ng mga Palaspas] 
Isaias 50, 4-7/Salmo 21/Filipos 2, 6-11/Marcos 14, 1-15, 47 (o kaya: 15, 1-39) [Misa] 



"Kahit nasaang parte ka pa sa mundo, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para mahanap kita." Ito ang mga salitang nasambit ni Taki Tachibana na isinalin sa Tagalog. Ang mga salitang ito ay nasabi niya matapos niyang makatagpo si Mitsuha Miyamizu sa bundok malapit sa bayan ng Itomori sa isa sa mga bahagi bago ang katapusan ng anime na pelikula na pinamagatang Your Name (Kimi No Na Wa). Nang magtapos ang takipsilim o "hating-liwanag" at nagbalik sila sa kani-kanilang mga katawan at panahon, ipinangako ni Taki na gagawin niya ang lahat upang magkita muli silang dalawa ni Mitsuha. Maliwanag sa mga salitang ito ang kanyang pagmamahal para kay Mitsuha. Kaya nga, nang si Mitsuha ay madapa sa daang patungo sa tanggapan ng kanyang ama na alkalde rin ng nasabing bayan, nakita niya sa kanyang kamay na nakasulat ang mga salitang "I love you." Kung tutuusin, iyon ang dahilan kung bakit nagpunta si Taki sa bundok malapit sa Itomori, ang bayang winasak ng isang comet, at ininom ang kuchikamizake ni Mitsuha upang makabalik sa araw na iyon. Ginawa niya ang lahat ng iyon dahil mahal na mahal niya si Mitsuha. Iyon rin ang dahilan kung bakit ipinangako ni Taki na gagawin niya ang lahat, kahit ang maglakbay sa iba't ibang bahagi ng daigdig, para makita niya muli si Mitsuha nang matapos ang "hating-liwanag." Kakaantig ng puso. 

Mayroon tayong matutunan mula sa mga salitang ito ni Taki. Kung mahal mo talaga ang isang tao, handa kang gawin ang lahat para sa kanya. Katunayan, isa itong napakaganda at napakabisang aral pagdating sa pag-ibig. Handa kang gawin ang lahat para sa ikabubuti ng iyong minamahal. Handa kang gawin ang lahat upang pasayahin siya. Gagawin mo ang lahat para patunayan ang iyong pagmamahal para sa kanya. Sa pamamagitan ng iyong mga salita at gawa, ang iyong pag-ibig para sa iyong sinisinta ay iyong mapapatunayan. Kapag iyon ang ginawa mo, tunay ang iyong pag-ibig. 

Hindi lalayo si Hesus sa pagpapakita ng Kanyang pag-ibig para sa atin. Kung tutuusin, wala nang makakapantay o makahihigit pa sa ginawa ng Panginoon alang-alang sa atin. Ang gawang ito ng Panginoong Hesukristo ang binibigyang-pansin ng Simbahan pagsapit ng sanlinggong ito na tinatawag nating Semana Santa o mga Mahal na Araw. Ang unang araw ng sanlinggong ito na mas kilala natin sa tawag na mga Mahal na Araw ay ang Linggo ng Palaspas. Sa araw na ito, ginugunita natin ang maringal na pagpasok ng Panginoong Hesukristo sa banal na lungsod na kilala bilang Herusalem na nakasakay sa isang asno. 

Batid ng Panginoong Hesus na maraming hirap, sakit, at pagdurusa ang nag-aabang sa Kanya sa Herusalem. Batid Niya na may binabalak na masama ang Kanyang mga kaaway. Batid ni Kristo na uusigin at papatayin Siya matapos ang maringal Niyang pagpasok sa Herusalem. Batid Niya na kapag pumasok Siya sa lungsod ng Herusalem, kailangan Niyang harapin ang Kanyang krus. Batid Niya na makakahanap Siya ng kaginhawaan sa ibang lugar. 

Ipinasiya ni Kristo na pumasok sa Herusalem upang patunayan ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Kahit alam Niyang hindi Niya kailangan gawin ito, pinili pa rin Niya ito gawin dahil sa Kanyang pagmamahal. Ipinasiya Niyang pumasok sa Herusalem para harapin ang Kanyang krus dahil sa atin. Tayo ang dahilan kung bakit ipinasiya ni Hesus na gawin ang lahat ng iyon. Sa pamamagitan nito, ang ating Mesiyas at Manunubos na si Hesus ay naghayag ng Kanyang pag-ibig na dakila. Ang dakilang pag-ibig na ito ay ang dahilan ng lahat ng ito. 

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito, ang Linggo ng Palaspas, ay tungkol sa lahat ng mga hirap at pagdurusang dinanas ng Panginoong Hesus alang-alang sa atin. Ang pagpapakasakit ng Panginoong Hesus ay tinalakay sa propesiya ni propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Sabi ni propeta Isaias na ang ipinangakong Tagapagligtas ay makakatanggap ng maraming hirap at sakit sa kamay ng mga kaaway Niya. Ang kababaang-loob ni Hesus ay tinalakay naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang pagpapakasakit ng Panginoong Hesus ay isinalaysay nang buo sa Ebanghelyo. Hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi naganap ang isinalaysay sa Ebanghelyo para sa Rito ng Pagbabasbas ng mga Palaspas sa simula ng Banal na Misa para sa araw na ito, ang maringal na pagpasok ng Panginoong Hesus sa lungsod ng Herusalem na nakasakay sa isang bisirong asno. Kung si Hesus ay hindi pumasok sa Herusalem, hindi Niya mababata ang lahat ng hirap at pagdurusa sa kamay ng Kanyang mga kaaway. 

Subalit, sa halip na layuan ang krus na naghihintay sa Kanya, pinili ni Hesus na harapin ito. Sa pamamagitan ng Kanyang pagpasok sa Herusalem, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang pagtanggap sa Kanyang sasapitin. Ipinasiya Niyang tanggapin at harapin ang Kanyang krus. Isa lamang ang dahilan kung bakit Niya ipinasiyang gawin ito. Pag-ibig. Dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin, hinarap ni Kristo ang Kanyang krus. 

Pinili ng Panginoong Hesus na harapin at tanggapin ang Kanyang krus dahil sa Kanyang pag-ibig para sa atin. Sa pamamagitan nito, pinatunayan Niyang tunay at wagas ang Kanyang pag-ibig para sa atin. Ang lahat ng iyon ay ginawa Niya dahil sa Kanyang dakilang pag-ibig.

Lunes, Marso 15, 2021

ANG TUNAY NA MAPAGKAKATIWALAAN AT MAAASAHAN

IKAPITONG WIKA (Lucas 23, 46) 
"Ama, sa mga kamay Mo'y ipinagtatagubilin Ko ang Aking Espiritu." 


Lagi nating sinasabi sa ating mga kakilala, lalung-lalo na kapag pupunta sila sa isang lugar na hindi pa nila napupuntahan, na huwag basta magtiwala sa kahit na sino. Huwag pagkatiwalaan ang mga hindi mo kilala. Huwag magtiwala nang basta-basta. Kahit na mukha pang mabait at maamo, huwag basta magtiwala sa kanila. Oo, mukhang mabait at maamo ang ilang tao, pero malay natin, mayroon siyang itinatagong lihim. Sasamantalahin ka pala. Laging maging maingat. 

Katunayan, hindi lamang ito ipinapayo o ipinapaalala sa mga pupunta sa mga lugar na hindi pa nila napuntahan dati para magbakasyon o kaya dahil lilipat na roon. Ito rin ay payo o paalala pagdating sa buhay. Laging mag-iingat. Huwag basta magtiwala sa kahit na sino. Katunayan, hindi lamang ito ang ipinapayo sa atin tungkol sa mga taong hindi natin kilala nang lubusan. Baka nga mayroong itinatagong lihim ang ating mga kilala, pamilya man o kaibigan. Ang masakit pa tungkol dito, baka isa sa kanila ang magtataksil sa iyo. Bagamat naririnig ito sa mga pelikula, maaari rin itong mangyari sa totoong buhay. 

Itinuturo ng Ikapito at Huling Wika ng Panginoong Hesukristo mula sa krus, na hango mula sa Salmo 31, kung sino ang dapat nating pagkatiwalaan at asahan sa lahat ng oras. Oo, hindi mo matitiyak na mapagkakatiwalaan ang isang tao dito sa mundo. Sa paglalakbay natin dito sa mundong ito kung saan hindi natin matitiyak nang lubusan ang pagiging mapagkakatiwalaan ng isang tao, mayroon tayong mapagkakatiwalaan. Iyon ay walang iba kundi ang Ama. 

Hindi tayo lalamangan, sasamantalahin, o lolokohin ng Panginoong Diyos. Hindi ganyan ang Diyos. Matitiyak natin na tunay Siyang mapagkakatiwalaan sa lahat ng oras. Walang oras o sandali na ang Diyos ay magiging kaduda-duda. Kung tutuusin, wala namang dahilan para pagdudahan ang Diyos. Ang Panginoon ay maaasahan. Ang Panginoon ay mapagkakatiwalaan. Ang Amang nasa langit ay laging kumakalinga at sumusubaybay sa atin. 

Pinatunayan ni Kristo ang katotohanang ito. Sa panalanging Kanyang itinuro na mas kilala natin bilang "Ama namin," inilarawan ang lahat ng mga dahilan kung bakit mapagkakatiwalaan at maaasahan ang Ama. Ang lahat ng mga kahanga-hanga Niyang gawa ay ibinuod sa nasabing panalangin. Ano pa nga ba ang ating hahanapin sa Diyos? Hindi pa ba sapat ang Kanyang mga ginawa? Kung tutuusin, hindi natin kailangan ng isang mahabang listahan ng mga ginawa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga sa dami nito.

Ginawa ba ng Panginoon ang lahat ng iyon upang ipagyabang ang Kanyang kapangyarihan? Hindi. Ginawa Niya ang lahat ng iyon dahil sa Kanyang pag-ibig. Ipinakita ng Panginoon ang Kanyang pag-ibig para sa atin sa pamamagitan ng Kanyang mga kahanga-hangang gawa. Sa lahat ng mga gawa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga, ang pinakadakila sa mga ito ay ang pagsugo Niya sa Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas. Ang mga ito ay patunay lamang na ang Diyos ay tunay ngang maaasahan. 

Mayroon tayong mapagkakatiwalaan at maaasahan. Ang Diyos. Tanging Siya lamang ang tunay na mapagkakatiwalaan at maaasahan. Hindi tayo lilinlangin, sasamantalahin, lalamangan, o lolokohin kailanman. 

Linggo, Marso 14, 2021

SAKIT AT LAKAS

IKAANIM NA WIKA (Juan 19, 30) 
"Naganap na." 


"Owaranai yume ga mune no zawameki ga karada wo megutte 
Itami sae ima tsuyosa ni naru yo shinjita michi wo yuku
Watashi wo tsukiugokasu netsu egaki tsudzukete kita sekai e michibiku." 

(An endless dream, a stirring in my chest, run through my body. 
Even pain will become my strength now; I walk down the path I believe in. 
The fever that drives me forward, will lead me to the world I'd been imagining.

Ang mga salitang ito ay mula sa awiting Hapones na pinamagatang "Tsuki Akari" (Ingles: "Moonlight"; Tagalog: "Liwanag ng Buwan"). Isa ito sa dalawang awiting ginamit bilang pangwakas na awit ng anime na pinamagatang Akame Ga Kill. Katunayan, ang umawit ng awiting ito ay ang nagboses sa karakter na si Akame sa nasabing serye. Bagamat puno ng karahasan ang nasabing serye, isa pa rin itong disenteng serye, kung aksyon ang hanap ninyo sa isang anime. Iyon nga lamang, ang mga huling bahagi ng seryeng ito ay magkaiba sa huling bahagi ng manga nito. Subalit, maayos pa rin ito. May mga karakter sa nasabing anime na talagang magugustuhan ninyo. Iyon nga lamang, dahil nagustuhan ninyo sila, hindi kayo matutuwa sa nangyari sa marami sa kanila sa nasabing anime. Isang babala: kung papanoorin ninyo ito at may magustuhan kayong karakter, ihanda ninyo ang inyong mga sarili dahil malulungkot kayo sa kanilang sasapitin. Kahit dati pa itong ipinalabas, taong 2014 pa noong unang naipalabas ang nasabing anime, nakakalungkot ito, lalung-lalo na kung mayroong mga karakter sa anime na ito na talagang nagustuhan ninyo. Madudurog ang inyong mga puso. 

Siguro, ito ang dahilan kung bakit ang nasabing awitin ay ginamit sa mga huling kabanata ng nasabing anime. Napakalungkot ng tono ng awiting ito. Katunayan, ang mga titik ng buong awitin ay napakasakit. Sakit ang inilalarawan ng mga titik ng awiting ito. Sa bahaging ito ng nasabing awitin, inilarawan kung paanong ang sakit ay naging lakas. Kahit labis na nasasaktan, hindi lamang ang pisikal na katawan kundi pati na ang kalooban, itutuloy pa rin ang pagtahak sa landas na pinaniniwalaang matuwid at tama. Kahit labis ang sakit na dinadala, pisikal man, emosyonal, o kung ano pa man iyon, tuloy pa rin ang paglalakbay. Ang hirap gawin. Talagang napakaemosyonal ng nasabing awitin.

Hindi lamang iyan. Sabi pa sa wakas ng nasabing awitin: "Itsumo tsuyoku arou to sou kimeteita no ni" (I had always decided to stay strong). Kahit nasasaktan, pinipilit pa ring maging malakas. Nagpakatatag kahit labis na nasasaktan. Isa itong napakahirap gawin. Yung alam mong nasasaktan ka pero kailangan mo pa ring manatiling matatag habang naglalakbay patungo sa patutunguhan. Hindi natin puwedeng sabihing biro o drama lamang ito dahil totoo ito. 

Hindi biro ang sakit at pagdurusang tiniis ng Panginoong Hesus sa mga huling sandali ng Kanyang buhay. Puro sakit na ang Kanyang tiniis at dinanas mula noong Siya'y dinakip sa Halamanan ng Hetsemani. Si Hesus ay pinagsampal, pinagsuntok, ipinahagupit, pinutungan ng koronang gawa sa tinik, binigyan ng isang kahoy na krus upang pasanin patungong Kalbaryo, at ipinako sa nasabing krus. Wala nang hihigit pa sa dinanas ni Hesus. 

Grabe talaga ang dinanas at tiniis ni Hesus. Kung ginusto Niya, maaari Niya sanang pigilin ang lahat ng iyon. Maaari sanang iwasan at layuan ni Kristo ang landas na ito upang tahakin ang mas magaan at mapayapang daan, kung iyon ang Kanyang naisin. Kung tutuusin, hindi naman Niya kinailangang danasin ang lahat ng iyon. Batid rin Niya kung gaano kasakit ang Kanyang sasapitin kapag tinahak Niya ang landasing iyon. 

Subalit, pinili ni Hesus na tahakin ang landas na ito. Kahit batid Niyang puno ng hapis at sakit ang landas na ito, pinili pa rin Niya itong tahakin. Tiniis Niya ang lahat ng hirap at pagdurusa sa landas na ito. Sa pamamagitan nito, ipinamalas ni Hesus ang Kanyang lakas. Ang mga hirap at sakit ng Panginoong Hesus ay tanda ng Kanyang lakas. Ito ang dahilan kung bakit namutawi mula sa bibig ng Panginoong Hesukristo ang mga salitang "Naganap na!" 

Sa gitna ng hapis at pagdurusa, namalas ang lakas ni Hesus. Ang mga sakit at pagdurusa ng Panginoong Hesukristo ay sagisag ng Kanyang lakas. Kahit na maaari Niyang piliin ang ibang landas na mas maginhawa, pinili pa rin Niya ang landas na puno ng hapis at sakit. Sa pamamagitan ng Kanyang sakit, ipinakita ni Hesus ang Kanyang lakas. Ang lakas na ipagpatuloy ang kalooban ng Ama hanggang sa huli. 

Sabado, Marso 13, 2021

PARA KANINO KA BUMABANGON?

IKALIMANG WIKA (Juan 19, 28) 
"Nauuhaw Ako." 



"Para kanino ka ba bumabangon?" Ito ang tanong sa mga patalastas para sa isang napakasikat na tatak ng kape. Sa mga patalastas na ito para sa nasabing tatak ng kape, inilalahad ng mga tampok na panauhin ang mga dahilan kung bakit sila gumigising sa umaga at kumakayod sa kanilang mga trabaho. Anuman ang propesyon o hanap-buhay ng bawat tao, mayroon silang dahilan kung bakit kumakayod sila sa trabaho. Pamilya ang isa sa mga dahilan nito. 

Ang Ikalimang Wika ng Panginoong Hesukristo bago Siya mamatay sa krus ay maituturing natin na isang tanong para sa atin. Kahit na ang mga salitang ito ay hindi naman Niya sinambit sa isang patanong na pamamaraan, maaari nating isipin na parang tinatanong tayo ni Kristo. Ano ba ang ating kinauuhawan? Ano nga ba talaga ang dahilan kung bakit tayo gumigising sa umaga at kumakayod sa ating mga trabaho? Ano ba talaga ang nagbibigay ng motibasyon sa atin? 

Hindi porke't ginamit ni Hesus ang salitang "nauuhaw" ay nangangahulugang pisikal na pagkauhaw na ang Kanyang tinutukoy. Hindi lamang iyon ang nag-iisang uri ng pagkauhaw. Madalas nating kasing isipin ang pisikal na pagkauhaw ng tao. Maaari nating isipin na ang lunas sa pagkauhaw ng isang tao ay bigyan lamang siya ng tubig o kahit anumang inumin tulad ng tsaa at soft drinks. Iyan ang madalas nating isipin. Subalit, hindi lamang iyon ang kinauuhawan ng tao. 

Maraming uri ng pagkauhaw. Iba-iba ang kinauuhawan ng tao. Katunayan, ang salitang "pagkauhaw" ay maaari ring mangahulugan motibo. Ang salitang ito ay tumutukoy din sa motibasyon ng bawat tao. Kaya nga, mayroong mga taong "nauuhaw sa dugo." Ibig sabihin, may balak siyang kumitil ng maraming buhay. Ang balak ng taong ito ay pumatay ng maraming tao. Wala nang halaga para sa kanya ang buhay ng kapwa-tao dahil sa balak niyang ito. 

Katulad natin, mayroong motibo ang Panginoong Hesus. Katunayan, iyon ang dahilan kung bakit Siya dumating sa daigdig. Ang Kanyang pagkakatawang-tao sa mundong ito ay mayroong dahilan. Dumating si Hesus sa mundong ito at nagkatawang-tao upang iligtas ang sangkatauhan. Nangyari iyon sapagkat iyon ang kalooban ng Ama. Ang kalooban ng Diyos ang nagbigay ng motibasyon kay Hesus na dumating sa daigdig na ito bilang isang tao katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan, upang tayo'y iligtas. Kahit alam Niyang puno ng sakit at pagdurusa ang planong ito, tinupad pa rin Niya ito nang buong katapatan. Ang motibasyon ni Hesus ay ang kalooban ng Ama na binuo dahil sa Kanyang pag-ibig na dakila para sa sangkatauhan. 

Tinatanong tayo ni Kristo sa wikang ito - ano ang nagbibigay ng motibasyon sa atin? Para kanino tayo bumabangon? Ano ang dahilan ng ating paggising sa umaga at pagkayod nang buong kasipagan? 

Biyernes, Marso 12, 2021

ALANG-ALANG SA ATIN

IKAAPAT NA WIKA (Mateo 27, 46; Marcos 15, 34) 
"Diyos Ko, Diyos Ko, bakit Mo Ako pinabayaan?" 


Bahagi ng ating buhay bilang tao ang mga pagsubok. Wala tayong magagawa upang takasan ito. Kahit ano pa'ng gawin natin, ang mga pagsubok sa buhay ay tiyak na darating. Hindi natin matatakasan ang mga pagsubok sa ating buhay. Gaano pa mang kabuti o kasama ang isang tao, hindi siya magiging ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay. Darating ang pagsubok sa buhay ng bawat tao sa daigdig na ito. Mabuti man o masama ang isang tao, makakaranas sila ng mga pagsubok sa buhay. Iyan ang katotohanan tungkol sa buhay sa mundo. 

Noong tinawag ng Panginoong Hesukristo ang mga apostol, hindi Niya sinabing magiging ligtas sila sa mga pagsubok sa buhay sa mundo. Balikan man natin ang mga pangaral ni Hesus sa mga Ebanghelyo nina San Mateo, San Marcos, San Lucas, at San Juan, wala tayong mababasa na sinabi Niya sa mga apostol na magiging maginhawa ang kanilang buhay dito sa lupa. Hindi Niya sinabi iyon kailanman. Kung tutuusin, nasabi nga Niya sa Kanyang mga alagad na ang mga ibig maging Kanyang tagasunod ay dapat lumimot sa sarili, magpasan ng sarili nilang mga krus, at sumunod sa Kanya (Mateo 16, 24; Marcos 8, 34; Lucas 9, 23). Maliwanag ang ibig sabihin ni Hesus sa mga salitang ito. Huwag na tayong mag-abala sa pagiging Kanyang tagasunod kung ang hinahanap natin ay isang daan upang makatakas sa mga pagsubok sa buhay. Isa ka mang tagasunod ni Kristo o hindi, makakaranas ka ng mga pagsubok sa buhay. 

Pati nga ang Panginoon mismo ay nakaranas din ng mga pagsubok sa buhay dito sa lupa. Kung tutuusin, mayroon namang kapangyarihan ang Diyos upang magkatawang-tao sa pamamagitan ng Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus na may mga reserbasyon. Maaari sana Siyang makaligtas mula sa iba't ibang mga pagsubok sa buhay. Kinailangan Niyang loobin o gustuhin ito. Kung ginusto Niya, hindi na Niya dadanasin ang mga pagsubok sa buhay. Kailangan lamang loobin ito ng Diyos upang iyon ang mangyari. 

Oo, may kapangyarihan ang Panginoon na iligtas tayo nang hindi dumaraan sa mga pagsubok sa buhay dito sa lupa. Oo, maaari sana Siyang maging isang tao katulad natin, maliban sa kasalanan, na ligtas mula sa mga pagsubok sa buhay dito sa daigdig na ito. Kung ginusto lamang Niya, hindi na Niya dinanas ang iba't ibang mga pagsubok sa buhay sa mundo. Subalit, hindi iyon nangyari. Bakit? Hindi Niya iyon ginusto. Hindi iyon ang Kanyang kalooban. 

Nang pagpasiyahan ng Diyos na darating Siya sa mundo bilang isang tao sa pamamagitan ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Kristo, ang lahat ng aspeto ng buhay ng tao, maliban sa kasalanan, ay Kanyang niyakap at tinanggap. Kahit na hindi Niya kailangang gawin ito, ginawa pa rin Niya ito dahil iyon ang Kanyang kalooban. Ito ang dahilan kung bakit ang Ikaapat na Wika ni Hesus mula sa krus ay ang mga unang salita ng Salmo 22. Kung ang Salmo 22 ay babasahin natin nang buo, malalaman natin na isa itong panalangin ng isang dumaranas sa matinding pagsubok sa buhay. Mula sa unang bahagi hanggang sa huling bahagi, inilarawan ng taong ito ang pagtulong ng Panginoong Diyos sa mga dumaraing at tumatawag sa Kanya. 

Pinili ni Kristo na danasin ang lahat ng hirap at pagsubok sa buhay sa mundong ito. Sa ilang, nakaranas Siya ng tukso mula sa demonyong si Satanas. Sa mga sandali bago Siya dakipin sa Hardin ng Hetsemani, nakaranas Siya ng takot. Sa krus, dinasal Niya ang Salmo 22. Ang mga unang salita ng nasabing Salmo ay binigkas Niya nang malakas at marahil tinapos Niyang dasalin ito nang tahimik. Ang lahat ng ito'y patunay na ipinasiya ni Kristo na harapin at danasin ang lahat ng mga pagsubok sa buhay. Ang lahat ng ito ay Kanyang hinarap, dinanas, at tiniis. Ginawa Niya ang lahat ng ito alang-alang sa ating lahat. 

Itinuturo ng Ikaapat na Wika ng Panginoong Hesus bago Siya mamatay sa krus na hindi ligtas ang sinuman mula sa mga pagsubok sa buhay sa daigdig na ito. Kahit nga ang Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay hindi naging ligtas mula sa mga ito. Kahit na mayroon naman Siyang kapangyarihan upang iligtas ang Kanyang sarili mula sa mga ito, ipinasiya Niya itong harapin, pagdaanan, at tiisin. Ginawa Niya ito alang-alang sa ating lahat. 

Huwebes, Marso 11, 2021

KAPATID AT KAPAMILYA NATIN ANG MESIYAS

IKATLONG WIKA (Juan 19, 25-27) 
"Ginang, narito ang iyong anak . . . Narito ang iyong ina!" 


Isinalungguhit sa koro ng isang awit-parangal sa Mahal na Birheng Maria na pinamagatang "Mariang Ina Ko" ang kanyang papel bilang ina ng Simbahan at ang papel ng Panginoong Hesukristo bilang kapatid ng lahat. Sabi sa koro ng nasabing awit-parangal sa Mahal na Ina, "Mariang Ina ko, ako ri'y anak mo. Kay Kristong Kuya ko, akayin mo ako." Si Hesus ay hindi lamang kinikilala sa awiting ito bilang Panginoon at Tagapagligtas lamang. Kinikilala rin si Kristo sa nasabing awit bilang kapatid ng lahat ng Kristiyano. Ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesus ay ang ating kapatid dahil tayong lahat ay anak rin ni Maria. Tayong lahat ay bahagi ng pamilya ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Paano tayo naging bahagi ng pamilya ng Panginoong Hesukristo? Ang bawat isa sa atin ay mga tao lamang. Mga abang makasalanan. Alam naman natin na tunay na Diyos si Hesus. Bilang tunay na Diyos, Siya'y perpekto at walang bahid ng kasalanan. Subalit, paano tayo naging bahagi ng Kanyang pamilya? Tayong lahat na dinungisan ng kasalanan ay naging kapatid at kapamilya ni Kristo. Sa kabila ng ating mga nagawang kasalanan, ang bawat isa sa atin ay napabilang sa pamilya ni Kristo. Paano nangyari iyon? 

Sa Ikatlong Wika ng Panginoong Hesus mula sa krus, nahayag kung paanong ang bawat isa sa atin ay naging bahagi ng Kanyang pamilya. Ipinapaliwanag ng Ikatlong Wika ni Hesus bago Siya malagutan ng hininga sa isang napakaikling paraan kung paano tayo naging Kanyang mga kapamilya. Habang nakapako sa krus, ipinagkatiwala ni Hesus ang Mahal na Inang si Mariang Birhen at si San Juan Apostol sa pangangalaga ng isa't isa. Sa mga sandaling iyon, tayong lahat na bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ni Hesus ay kinatawan ng minamahal na alagad na si Apostol San Juan. 

Kahit na nakabayubay sa krus, nakuha pa ng Panginoong Hesus na ihayag sa mga sandaling iyon ang Kanyang naisin para sa ating lahat. Nais ng Panginoon na ang bawat isa sa atin ay maging Kanyang mga kapatid. Tila isang paalala sa lahat ang wikang ito ng Panginoon bago Siya mamatay sa krus. Ipinapaalala ng Panginoon sa bawat isa sa atin sa wikang ito ang tunay na dahilan kung bakit ang lahat ng ito ay Kanyang ginawa. Tiniis Niya ang lahat ng hirap at sakit nang sa gayo'y ang bawat isa sa atin ay maging bahagi ng Kanyang pamilya. 

Ang Panginoong Hesus ay namatay sa krus para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan. Sa pamamagitan nito, binigyan Niya tayo ng pagkakataong maging bahagi ng Kanyang pamilya. Ito rin ang dahilan kung bakit ibinigay Niya sa ating lahat ang Mahal na Birheng Maria na Kanyang Ina. Ang bawat isa sa atin ay ipinagkatiwala ni Hesus sa pangangalaga ng Kanyang Inang si Mariang Birhen upang tayong lahat ay maging kanyang mga anak tulad Niya. Sa pamamagitan nito, tayong lahat ay naging bahagi ng Kanyang pamilya. 

Tayong lahat na bumubuo sa tunay at nag-iisang Simbahang itinatag ni Kristo ay tunay na mapalad. Ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ay ang ating kapatid. Ang ating Ina ay walang iba kundi ang Mahal na Inang si Maria. Tayong lahat ay bahagi ng pamilya ng Panginoong Hesukristo. 

Miyerkules, Marso 10, 2021

PAGKAKATAONG MAKASAMA SIYA SA KANYANG KAHARIAN

IKALAWANG WIKA (Lucas 23, 43) 
"Sinasabi Ko sa iyo: ngayon di'y isasama Kita sa Paraiso." 


Isa sa mga sikat na pelikulang anime ay ang A Silent Voice. Ang pelikulang ito ay hango sa isang manga, katulad ng ibang mga anime, mapa-pelikula man o serye. Maraming paksa o tema ang tinalakay ng nasabing pelikula. Isa sa mga temang tinalakay sa nasabing pelikua ay ang pangalawang pagkakataon. Ang pangunahing lalaking karakter ng pelikulang ito na si Shoya Ishida ay nakaranas ng pangalawang pagkakataon upang baguhin ang kanyang sarili.

Sa unang bahagi ng nasabing pelikula, na ginanap noong nasa elementarya, isang bully si Shoya. Binully niya si Shoko Nishimiya, ang kanyang kaklase sa elementarya na may mahinang pandinig. Si Shoko ay lumipat sa elementaryang paaralan kung saan sina Shoya at ang kanyang mga kaibigan ay nag-aral. Ilang araw o linggo matapos ang paglipat ni Shoko sa nasabing paaralan, binully siya ni Shoya. Lagi niyang nilait at sinaktan si Shoko. Hindi niya inaksaya ang bawat pagkakataon upang i-bully si Shoko. Umabot iyon sa punto kung saan sinira at tinapon ni Shoya ang mga hearing aid ni Shoko sa fountain na matatagpuan sa labas ng nasabing paaralan. Pati ang notebook na ginagamit ni Shoko upang makipagtalastas sa kanyang mga kaklase ay hindi pinatawad. Tinapon rin ito sa fountain sa labas ng paaralan. Dahil lumala ang pambubully kay Shoko, lumipat siya sa ibang paaralan. Si Shoya naman ay binully rin ng ilan sa mga dati niyang kaibigan dahil sa kanyang ginawa. Kung tutuusin, nakisali rin ang ilan sa pambubully kay Shoko. Subalit, hindi sila umamin. 

Nang siya'y naging binata, muling nakatagpo ni Shoya si Shoko sa mataas na paaralang pinuntahan niya. Mula sa pagiging isang bully, naging mahinahon at maingat si Shoya. Nahiya pa nga siya ng kaunti na lumapit at makipagtalastas kay Shoko noong una. Natakot rin sa kanya si Shoko noong una. Sariwa pa rin sa kanilang mga alaala sa mga sandaling iyon ang mga nangyari noong nasa elementarya pa lamang sila. Katunayan, ito rin ang dahilan kung bakit binalak ni Ishida na magpakamatay sa simula ng pelikula. Minumulto pa rin siya ng mga ginawa niya kay Nishimiya noong sila'y nasa elementarya. Subalit, naglakas-loob si Ishida at sinimulan niyang maging malapit kay Nishimiya. Dito nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Dito rin nagsimula ang pagtahak ni Shoya sa daan tungo sa paghihilom at pagbabagong-buhay. 

Ang temang ito na tinalakay sa A Silent Voice, isang pelikulang anime na hango sa isang manga, ay ang aral at mensahe ng Ikalawang Wika ni Kristo mula sa krus. Ang wikang ito ay sinabi ng Panginoon sa isa sa mga salarin na kilala sa tradisyon bilang si Dimas. Si Dimas ay isa sa mga salaring ipinakong kasama ng Panginoong Hesus sa Kalbaryo noong unang Biyernes Santo. Nasusulat sa Ebanghelyo ni San Juan na si Hesus ay ipinako sa gitna ng dalawang salarin - isa sa gawing kanan at isa sa gawing kaliwa (19, 18). Isa lamang sa dalawang salaring ito ang pinangakuan ng Panginoon na makakasama Niya sa Paraiso. Si Dimas ang salaring iyon. Sa salaring nagbalik-loob na si Dimas ipinangako ang buhay na walang hanggan sa piling ng Panginoon sa Paraiso. Kahit na siya'y ipinako sa krus dahil sa salang kanyang ginawa, natamasa niya ang biyaya ng Paraiso dahil sa kanyang pagbabalik-loob. 

Kung babalikan natin ang bahaging ito ng salaysay ng kamatayan ng Panginoon sa krus na matatagpuan sa Ebanghelyo ni San Lucas, mapapansin natin na isa lamang ang kumilala sa awa at habag ng Panginoon. Iyon ay walang iba kundi ang salaring nagtika na si Dimas. Ang isa pang salaring ipinakong kasama ni Hesus sa Kalbaryo na kilala sa tradisyon sa pangalang Hestas ay nakisali rin sa paglilibak sa Kanya. Hindi nagsawa ang mga kaaway ng Panginoong Hesus na nagtipon rin sa bundok ng Kalbaryo na kilala rin bilang Golgota sa paglibak sa Kanya. Dumagdag pa ang mga pagkutya ng salaring si Hestas. Karamihan sa mga salitang narinig ni Hesus sa Kalbaryo ay mga pagkutya sa Kanya. Talaga namang walang kalaban-laban si Hesus sa mga sandaling iyon.

Subalit, sa halip na makisakay sa paglibak kay Hesus, ang salaring si Dimas ay nagpasiyang magbalik-loob sa Diyos. Sa mga huling sandali ng buhay sa lupa, pinili ni Dimas na magtika. Pinili niyang pagsisihan ang kanyang mga kasalanan at humingi ng awa at habag mula sa Diyos. Kahit mukhang huli na ang lahat, nagawa pa rin niyang humingi ng awa at habag mula sa Panginoon. Hindi niya inaksaya ang pagkakataong makapagtika, kahit na dumating ito sa mga huling sandali ng kanyang buhay sa lupa. Iyon ang dahilan kung bakit ipinangako sa kanya ni Hesus na siya'y isasama Niya sa Paraiso. 

Ipinakita ni Hesus ang Kanyang awa at habag sa salaring nagtika na kilala sa tradisyon sa pangalang Dimas sapagkat nakita Niya ang kaniyang taos-pusong pagtalikod sa kasalanan. Sa kabila ng mga kasalanang ginawa ng salaring ito buong buhay niya, ipinangako pa rin sa kanya ni Kristo na siya'y idadala Niya sa Paraiso. Niloob ni Hesus na gawin ito dahil sa taos-pusong pagsisi at pagbalik-loob ni Dimas. Dahil sa ginawang pagtika ni Dimas, ipinakita ni Hesus sa kanya ang Kanyang awa at habag. Ang awa at habag ni Hesus ay naranasan ni Dimas dahil hindi niya inaksaya ang pagkakataong magbalik-loob. 

Ang aral at mensahe na itinuturo ng Ikalawang Wika ng Panginoong Hesukristo sa krus ay huwag sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay Niya sa bawat isa sa atin upang pagsisihan at talikdan ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Habang tayo'y nabubuhay sa daigdig, lagi tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataong baguhin ang ating mga sarili. Lagi tayong binibigyan ng pagkakataong makapagsisi sa ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinibigay ng Panginoon sa atin.  

Bakit lagi tayong binibigyan ng Diyos ng pagkakataon makapagsisi sa ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya habang tayo'y nabubuhay pa sa daigdig na ito? Dahil nais Niya tayong makasama sa Kanyang kaharian. Kaya naman, huwag nating sayangin ang bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos upang makapagbalik-loob sa Kanya.

Lunes, Marso 8, 2021

ANG HALIMBAWA NG DIYOS NA NAGKATAWANG-TAO

UNANG WIKA (Lucas 23, 34) 
"Ama, patawarin Mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa." 


Mula nang Siya'y dakipin sa Halamanan ng Hetsemani, hindi tumigil ang mga kaaway ni Hesus sa paglilibak sa Kanya. Nilibak Siya matapos Niyang ihayag na Siya nga ang Anak ng Diyos bilang tugon sa tanong ni Caifas sa Kanya. Si Hesus ay sinampal at sinuntok ng Kanyang mga kaaway habang palibak Siyang tinanong: "Kristo, hulaan Mo nga kung sino ang sumampal sa Iyo!" (Mateo 26, 67-68). Sa mata ng Kanyang mga kaaway, si Hesus ay dapat mamatay dahil sa Kanyang paglapastangan sa Diyos. Subalit, bago nila ituloy ang kanilang plano nilang ipapatay si Hesus, sinimulan nilang kutyain Siya upang mapuno ng sakit at hapdi ang Kanyang kamatayan. Maaari nating sabihin na ang mga kaaway ng Panginoong Hesus ay may pagka-sadista. Binalak nila Siyang saktan nang labis hanggang sa Kanyang pagkamatay. Nais nilang tiyakin na mamamatay si Hesus sa pinakamasakit na pamamaraan. 

Ang paglilibak kay Hesus ay hindi tumigil sa bahay ni Caifas. Nilibak rin Siya sa harapan ni Herodes Antipas. Katunayan, nakisama rin si Herodes Antipas at ang kanyang mga kawal sa paglibak kay Hesus (Lucas 23, 11). Sa pretoryo, noong Siya'y pinutungan ng koronang tinik, nagluhud-luhuran sa Kanyang harapan ang mga kawal ni Poncio Pilato habang binabati Siya ng ganito: "Mabuhay ang Hari ng mga Hudyo!" (Mateo 27, 29; Marcos 15, 18). Nang Siya'y nakabayubay na sa krus sa bundok ng Kalbaryo, nilibak pa rin Siya ng Kanyang mga kaaway. Ang sabi nila, "Iniligtas Niya ang iba, ngunit 'di mailigtas ang sarili. Makita lang nating bumaba sa krus ang Mesiyas na iyan na Hari ng Israel - maniniwala tayo sa Kanya!" (Marcos 15, 32). Hinamon pa nga Siya ng Kanyang mga kaaway nang palibak na iligtas ang Kanyang sarili (Mateo 27, 39; Marcos 15, 29; Lucas 23, 37). Talagang hindi nila inaksaya ang pagkakataon upang kutyain si Hesus nang walang kalaban-laban. 

Hindi lamang nilibak si Hesus. Pinaratangan pa Siya nang walang katotohanan ng Kanyang mga kaaway. Ang mga bintang ng Kanyang mga kaaway laban sa Kanya ay pawang mga kasinungalingan lamang. Kahit walang katotohanan ang mga bintang laban sa Kanya, inilapit pa rin nila ito kina Pilato at Herodes. Paulit-ulit na idiniin ng mga kaaway ni Hesus ang kanilang mga paratang o akusasyon laban sa Kanya, kahit wala namang katotohanan ang mga ito, para lamang sa kanilang balak na iligpit at ipapatay Siya. Sabi na nga mismo ni Pilato na wala siyang makitang kasalanan kay Hesus upang hatulan Siya ng kamatayan. Sabi pa nga na alam ni Pilato na dinala lamang si Hesus ng Kanyang mga kaaway dahil sa inggit (Mateo 27, 18; Marcos 15, 10). Subalit, kahit hindi mapatunayan ng mga kaaway ni Kristo ang kanilang mga maling bintang, nanaig pa rin ang kanilang hiling. 

Sa pamantayan ng tao, masasabing walang ginawa ang Panginoong Hesus. Sa dami ng mga ginawa ng Kanyang mga kaaway laban sa Kanya, pagparatang nang mali at pagkutya, hindi Siya umimik kahit minsan. Subalit, mayroon Siyang ginawa. Habang nakapako sa krus, ang Panginoong Hesus ay nanalangin sa Ama para sa Kanyang mga kaaway. Ang Kanyang panalangin sa Amang nasa langit ay mapatawad ang Kanyang mga kaaway.

Mayroon namang karapatan ang Panginoong Hesukristo na hilingin sa Ama na lipulin at puksain ang Kanyang mga kaaway. Mayroon namang karapatan ang Panginoong Hesus na maghiganti laban sa Kanyang mga kaaway. Hindi naman nagpakita ng awa at habag sa Kanya ang Kanyang mga kaaway. Katunayan, ang mga ginawa ng Kanyang mga kaaway ay hindi makatarungan o matuwid. Isang taong wala sala ang kanilang kinukutya at pinapatay. Kung tutuusin, may karapatan si Hesus na ipatikim sa kanila ang Kanyang galit. 

Oo, may karapatan si Kristo na maghiganti sa Kanyang mga kaaway. Oo, hindi makatarungan ang ginawa kay Kristo. Subalit, sa kabila ng lahat ng ito, pinili ni Kristo na patawarin ang Kanyang mga kaaway. Kahit na labis Siyang sinaktan ng Kanyang mga kaaway, pinili pa rin Niyang patawarin sila. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng pananalangin sa Ama para sa kanila habang Siya'y nakapako sa krus. Kahit labis Siyang nasaktan, nagpakita pa rin Siya ng habag. 

Itinuturo ni Hesus sa wikang ito na ang paghihiganti laban sa mga kaaway ay nakakatukso. Bilang tao, natutukso rin tayong maghiganti laban sa ating mga kaaway o sa mga nagkasala laban sa atin. Naranasan rin ng Panginoong Hesus ang tuksong ito kahit na Siya'y tunay na Diyos. Tinukso nga Siya ng demonyong si Satanas sa ilang bago Niya simulan ang Kanyang ministeryo. Ano pa kaya sa huling sandali ng Kanyang buhay sa Golgota? Hindi Siya naging ligtas mula sa mga tukso sa buhay dito sa daigdig. Subalit, itinuturo rin ni Hesus na mayroon tayong magagawa upang magtagumpay laban sa tuksong ito. Ginawa Niya ito habang Siya'y nakabayubay sa krus. Nanalangin Siya sa Ama para sa Kanyang mga kaaway. Manalangin tayo sa Ama para sa mga nagkasala laban sa atin, lalo na kung hindi pa tayong handang magpatawad. 

Ang pagpapatawad ay hindi madali. Mas madaling maghiganti. Katunayan, ang hangad na maghiganti laban sa mga kaaway ay nakakatukso. Sa totoo lamang, masarap ang pakiramdam kapag nakapaghiganti sa kaaway. Subalit, ang turo ni Hesus sa atin ay patawarin ang mga nagkasala laban sa atin. Hindi naman Niya sinabing madali itong gawin. Hindi rin Niya sinabing patawarin natin ang mga nagkasala sa atin sa loob ng isang araw, isang linggo o isang buwan dahil hindi ito dapat minamadali. Bagkus, sinabi lamang Niya na magpatawad. Gaano man kahirap para sa atin na magpatawad, gaano man katagal ang panahon para sa bawat isa para magpatawad, ang mahalaga, nagpatawad tayo at nag-alay ng panalangin sa Ama para sa mga nagkasala laban sa atin. 

Mahirap magpatawad. Hindi ito madaling gawin. Subalit, gaano man ito kahirap gawin, mayroon tayong kakayahang gawin ito. Tingnan si Hesus, ang tunay na Diyos at tunay na tao. 

INIHANDOG ANG SARILI PARA KAY KRISTO HANGGANG KAMATAYAN

27 Marso 2021 
Paggunita kay San Pedro Calungsod, martir 
Ezekiel 37, 21-28/Jeremias 31/Juan 11, 45-56 


Alam natin na ang Ikalawang Santong Pilipino na si San Pedro Calungsod ay namatay bilang isang martir. Pinatay siyang kasama ni Beato Diego Luis de San Vitores. Ang dahilan ng pagpatay sa kanila bilang mga martir ay ang kanilang pananampalataya kay Kristo. Ang kanilang pananampalataya kay Kristo bilang mga binyagang Katoliko ay hindi nila binitiwan o isinuko kahit na ang kapalit nito ay ang sarili nilang buhay. Kahit na sila'y nasa harap ng matinding panganib at pag-uusig, pinili pa rin nila ang Panginoon. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Diyos na pinili Niya ang bayang Israel upang maging Kanyang bayan. Sabi Niya sa pamamagitan ng Kanyang propetang si Ezekiel, "Ako ang magiging Diyos nila, sila ay magiging bayan Ko" (37, 21). Sa pamamagitan nito, ipinakita ng Panginoong Diyos ang Kanyang habag para sa bayang Israel. Sa kabila ng kanilang mga nagawang kasalanan, pinili pa rin sila ng Diyos upang maging Kanya. Binibigyan ng Diyos ang mga Israelita ng isang oportunidad o pagkakataong maging banal para sa Kanya. 

Iyon nga lamang, alam naman natin na binalewala ang pasiyang ito ng Diyos para sa Kanyang bayan. May mga hindi tumanggap sa Kanya. Kahit na nais pa ng Diyos na maging banal ang Kanyang bayan, wala na Siyang magawa kung tinanggihan Siya ng Kanyang bayan. Kahit na pinili sila ng Diyos upang maging Kanyang bayan, may mga pagkakataong hindi nila pinili ang Diyos. Katulad na lamang ng itinatampok sa salaysay sa Ebanghelyo. Ang Diyos na dumating sa daigdig na ito bilang tao sa pamamagitan ni Kristo Hesus ay hindi tinanggap ng marami. Sabi sa Ebanghelyo na binalak ng Sanedrin na patayin si Hesus. Ang layunin ng isingawang pagpupulong sa Ebanghelyo ay makabuo ng plano kung paanong ligpitin at ipapatay si Hesus. 

Si Hesus, ang Diyos na nagkatawang-tao, ay hindi tinanggap ng marami. Ang mga apostol ay hindi rin tinanggap dahil sa kanilang misyon bilang mga saksi ni Hesus sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Iyon rin ang nangyari sa iba pang mga banal na tao na pinararangalan ng Simbahan. Si San Pedro Calungsod ay isa na rito. Isa lamang ang ibig sabihin noon - ang pagiging Kristiyano ay mahirap talaga. Hindi biro, hindi madali, ang pagiging Kristiyano. 

Alam ni San Pedro Calungsod na mahirap ang buhay ng isang Kristiyano. Alam niya na maaari naman niyang talikuran ang pagiging isang binyagan kung iyon talaga ang kanyang naisin. Subalit, sa kabila ng katotohanang iyon, ipinasiya pa rin ni San Pedro Calungsod na manatiling isang Katoliko hanggang sa huli. Ang katotohanan tungkol sa buhay ng isang binyagan ay kanyang tinanggap nang buong puso. Dahil dito, pinili niyang ihandog ang buo niyang sarili kay Kristo. Ibinigay niya ang buo niyang sarili sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan.  

Pinili ni San Pedro Calungsod na manatiling tapat sa Panginoong Hesukristo at sa Kanyang Simbahan hanggang sa huli. Iyon rin ba ang ating pasiya?