Sabado, Hulyo 9, 2022

PIPILIIN BA NATIN ANG LANGIT?

15 Agosto 2022 
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 20-27/Lucas 1, 39-56 


Inilaan ang Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria para sa pagninilay tungkol sa katotohanan ng langit. Sa wakas ng kanyang buhay sa mundo, ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birheng Maria ay iniakyat ng Diyos sa langit. Hindi pinahintulutan ng Diyos na maagnas ang katawan ng Mahal na Ina sa huling sandali ng kanyang buhay sa lupa. Kung paano Niya iniligtas si Maria mula sa bahid ng kasalanan sa sandali ng paglilihi sa kanya sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Ana, muli Niyang iniligtas si Maria sa pamamagitan ng pag-akyat sa kanyang katawan at kaluluwa sa langit. Sa pamamagitan nito, pinatunayan ng Diyos na hindi guni-guni o kathang-isip ang langit. Ang langit ay tunay at totoo. 

Hindi lamang ang Mahal na Inang si Mariang Birhen ang binigyan ng ganitong uri ng karangalan mula sa Diyos. Dalawang panauhin sa Lumang Tipan ay iniligtas ng Diyos mula sa pagkaagnas sa huling sandali ng kanilang buhay sa mundo. Una, si Enoc. Sa huling sandali ng kanyang buhay sa lupa, kinuha ng Diyos ang katawan at kaluluwa ni Enoc (Genesis 5, 22-24). Pangalawa, si Propeta Elias. Sa wakas ng kanyang buhay sa lupa, ang katawan at kaluluwa ni Propeta Elias ay iniakyat ng Panginoon sa langit sa pamamagitan ng "isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy" (2 Hari 2, 11). Kung ang dalawang panauhing ito sa Lumang Tipan ay binigyan ng pagkakataon upang maranasan ang kapangyarihan ng Diyos sa wakas ng kanilang buhay sa lupa, gaano pa kaya ang Ina ng Diyos? Ang pagkakataong ito ay hindi ipinagkait kay Maria dahil siya mismo ang Ina ng Diyos. Hindi pinahintulutan ng Diyos na maagnas sa lupa ang katawan ng Birheng Maria dahil ito ang naging tahanan ng Diyos Anak siyam na buwan bago Siya isilang sa mundo. 

Ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria ay isang kahanga-hangang gawa ng Diyos. Sa pamamagitan ng himalang ito, muling ipinamalas ng Panginoong Diyos ang Kanyang kapangyarihan. Walang kapangyarihan si Maria upang iakyat ang kanyang sariling katawan at kaluluwa sa langit dahil isang tao lamang siya. Subalit, niloob ng Diyos na maranasan muli ni Maria sa wakas ng kanyang buhay sa mundong ito ang kapangyarihan ng Kanyang pagliligtas. Dahil dito, ang katawan at kaluluwa ng Mahal na Birhen ay iniakyat ng Diyos sa langit. Sa langit, nakapiling muli ni Maria ang tunay na Haring walang hanggan na walang iba kundi ang minamahal niyang Anak na si Kristo Hesus. 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Kapistahang ito ang pagliligtas ng Diyos. Marapat lamang pagtuunan natin ang ating pansin sa pagliligtas ng Diyos sapagkat ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Inang si Mariang Birhen ay tunay ngang isang kahanga-hangang gawa ng pagliligtas. Sa pangitain ni San Juan sa Unang Pagbasa, iniligtas ng Diyos ang Babae at ang kanyang Anak mula sa pulang dragon. Si Apostol San Pablo naman ay nangaral tungkol sa tagumpay ni Kristo laban sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan nito, ang biyaya ng kaligtasan at buhay na walang hanggan ay ipinagkaloob Niya sa lahat. Sa Ebanghelyo, pinatotohanan ni Maria sa kanyang kantikulo ang pagliligtas ng Diyos sa mga abang tulad Niya. Itinataas ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga abang alipin at ibinabagsak ang mga palalo at mayayabang. Ang Mahal na Birheng Maria mismo ang patunay nito. Mula sa pamumuhay nang payak bilang isang dalaga sa isang bayan sa Galilea na nagngangalang Nazaret, itinampok at itinaas ng Diyos ang Birheng Maria upang maging Ina ng Anak ng Diyos na si Hesus, ang ipinangakong Tagapagligtas. Sa wakas ng buhay ni Maria sa lupa, iniakyat siya ng kapangyarihan ng Diyos sa langit. 

Sa araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa maringal at masayang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria, mayroong tanong para sa atin ang Simbahan. Ang langit ay tunay. Subalit, tunay nga ba nating pipiliin ang langit? Kung langit ang ating pipiliin, sigurado ba tayong galing sa puso ang ating pagpili sa langit? Nakakalungkot subalit may ilang magsasabing langit ang kanilang pipiliin, ngunit galing naman sa ilong ang kanilang sagot. Pipiliin raw nila ang langit, subalit papanigan naman nila ang mga kilalang magnanakaw, sinungaling, at mamamatay-tao. Kapag nasangkot naman sa anumang anomalya katulad na lamang ng katiwalian ang mga taong sinusuportahan nila, kusang-loob silang magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan dahil para sa kanila, ang mga sinusuportahan nila ay hindi nagkakamali kailanman. Ang kanilang mga sinusuportahan ay perpekto. Parang ginagawa nilang mga diyos ang kanilang sinusuportahan. Tapos, linggo-linggo pa sila magsisimba? Hindi ba sila nahihiya nang kahit kaunti man lamang? Saan nga ba sila kumuha ng ganitong uri ng kakapalan ng mukha? Pambihira naman. 

Muling ipinapaalala sa atin sa araw na ito na tunay ang langit. Makakapiling natin sa langit ang Panginoong Hesukristo at ang Mahal na Birheng Maria, ang tunay na Hari at Reyna. Ang tanong: buong puso ba nating pipiliin ang langit? 

Biyernes, Hulyo 8, 2022

TUNAY NA PAGPANIG KAY HESUS

14 Agosto 2022 
Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Jeremias 38, 4-6. 8-10/Salmo 39/Hebreo 12, 1-4/Lucas 12, 49-53 


Napapanahon ang mga Pagbasa para sa Misa sa Linggong ito. Sa unang dinig, hindi halatang napapanahon ito. Tiyak na iisipin ng marami na wala namang ugnayan ang lipunan at kultura sa kasalukuyang panahon sa mga nasusulat sa mga Pagbasa para sa Linggong ito dahil inilalarawan sa mga talatang ito ay ang lipunan at kultura noong unang panahon. Gaya ng sinasabi ng marami: "Nineteen kopong-kopong pa iyan!" 

Subalit, lingid sa kaalaman ng marami, kahit matagal na panahon ang lumipas mula noong inihayag ang mga salitang nasasaad sa mga Pagbasa, ang saysay ng mga ito ay hindi nawawala o kumukupas. Katunayan, kung magmamasid tayo sa kapaligiran, mapagtatanto nating nangyayari pa rin ang mga inilarawan sa mga Pagbasa para sa Linggong ito. Kung ipapasiya pa rin nating magbulag-bulagan at magbingi-bingihan, hindi natin mauunawaan ang ugnayan ng mga salitang ito sa kasalukuyan, kahit ilang ulit pa natin itong basahin o pakinggan. 

Inilahad sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito ang masasamang balak ng mga kaaway ni Propeta Jeremias. Si Propeta Jeremias ay binalak ipapatay ng mga pinuno ng lungsod na pinahintulutan naman ni Haring Sedequias. Katunayan, sa ibang mga salin ng mga talatang ito, ang mga pinunong ito ay mga prinsipe. Si Propeta Jeremias ay binalak nilang ipapapatay sapagkat inihayag niyang mamamatay sa labanan o sa matinding gutom ang mga mananatili sa Herusalem habang ang mga susuko sa mga taga-Babilonia naman ay maliligtas, gaya ng ipinasabi sa kanya ng Panginoong Diyos (Jeremias 38, 2). Dahil dito, nagalit ang mga prinsipe, kaya inihugos nila siya sa isang balong puno ng barak (Jeremias 38, 6). 

Ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ay nagsalita tungkol sa pagtitiis ng hirap at sakit alang-alang kay Kristo Hesus (12, 2). Si Kristo ang magiging dahilan ng mga pag-uusig sa lipunan. Ang mga nananalig at sumusunod sa Panginoong Hesukristo nang buong katapatan ay dadanas ng pagtatakwil at pag-uusig mula sa marami. Isa lamang ang dahilan nito - hindi Siya tinatanggap ng marami, lalung-lalo na ng ilang mga Katoliko. Mayroong mga Katolikong nagdarasal at relihiyoso, nagsisimba, subalit hindi naninindigan para sa mga turo ni Kristo. Mas tapat sila sa mga mamamatay-tao, magnanakaw, at manlilinlang. Katunayan, sa halip na si Kristo Hesus ang maging kanilang Diyos at Panginoon, ang mga mga tiwali, mapagsamantala, sinungaling, at walang awang kumikitil ng buhay ng mga inosente ay itinuturing nilang mga diyos-diyosan. Ang mga taong ito ay buong puso at sigasig nilang ipagtatanggol, bagamat garapalan nilang pinapairal ang katiwalian at kawalan ng katarungan sa lipunan. 

Nakasentro sa paksang ito ang pangaral ni Hesus sa Ebanghelyo. Sabi ni Hesus na hindi Siya dumating sa mundo upang maghatid ng kapayapaan kundi ng pagkabaha-bahagi (Lucas 12, 51). Isa itong kabalintunaan sapagkat isa sa Kanyang mga titulo ay Prinsipe ng Kapayapaan (Isaias 9, 6). Subalit, Siya na rin mismo ang nagsabing hindi kapayapaan kundi pagkabaha-bahagi ang Kanyang hatid. Tandaan, sinabi rin Niya sa mga apostol bago Siya mamatay sa krus na Siya muna ang kinapootan ng sanlibutan (Juan 15, 18). Isa lamang ang ibig sabihin nito: mismong si Hesus ang dahilan kung bakit patuloy na inuusig ang Simbahan. Hindi Siya tinatanggap ng marami, bagamat sasabihin ng ilang mga nagmamalinis na tinatanggap naman nila Siya. Paano ba nila tinatanggap ang Panginoong Hesus kung buong lakas nilang pinapanigan ang mga garapalang nagpapalaganap ng katiwalian, pang-aapi, at pagkitil ng buhay ng mga inosente? Paano nila masasabi iyan? Saan sila kumukuha ng lakas at tibay ng loob upang magmalinis at sabihing kapanig sila ni Kristo Hesus? Ang pagnanakaw, pang-aapi, at pagpatay sa mga inosente ay hindi kukunsintihin ni Hesus kahit kailan. Ang lakas ng loob nilang gamitin si Hesus sa kanilang pagmamalinis. 

Ang tanong para sa atin ngayong Linggo - tunay nga ba tayong nasa panig ni Hesus? 

Huwebes, Hulyo 7, 2022

HINDI KAPAHAMAKAN KUNDI KALIGTASAN

7 Agosto 2022 
Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Karunungan 18, 6-9/Salmo 32/Hebreo 11, 1-2. 8-19 (o kaya: 11, 1-2. 8-12)/Lucas 12, 32-48 (o kaya: 12, 35-40) 


Sa Ebanghelyo, inihalintulad ni Hesus ang Kanyang Ikalawang Pagdating sa wakas ng panahon sa pagdating ng isang magnanakaw sa gabi (Lucas 12, 39). Ang pagdating ng isang magnanakaw ay isa sa mga halimbawang ginamit ng Panginoong Hesus sa Kanyang pangaral tungkol sa Kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon upang isalungguhit ang pagiging 'di inaaasahan nito. Siya na nga mismo ang nagsabi na darating Siya, ang Anak ng Tao, sa panahong hindi inaasahan (Lucas 12, 40). 

Bahagi ng ating pananampalataya bilang Simbahan ang ating paniniwala sa muling pagdating ni Kristo. Sabi sa ating pananampalataya na si Kristo ay darating sa wakas ng panahon bilang Hukom ng mga nangabubuhay at nangamatay na tao. Hindi natin alam ang petsa o oras, ngunit naniniwala tayong mangyayari iyon pagdating ng araw. Magwawakas ang panahon. Guguho ang lupa. Babagsak ang mga gusali. Si Hesus ay darating muli bilang Hukom at Hari. Kailan magaganap ang wakas ng panahon? Ang Panginoong Hesus na rin mismo ang sumagot: "Ngunit walang nakaaalam ng araw at oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man - ang Ama lamang ang nakakaalam nito" (Mateo 24, 36; Marcos 13, 32). Ang Amang nasa langit ay ang tanging nakakaalam kung kailan magwawakas ang panahon. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa at Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito ang dahilan kung bakit si Kristo ay darating. Sa Unang Pagbasa, inilarawan ang pagligtas ng Diyos sa Kanyang bayan. Kung paanong iniligtas ng Diyos ang Kanyang bayan noong una, darating muli ang Panginoong Hesukristo sa wakas ng panahon bilang Hukom upang magligtas. Sa Ikalawang Pagbasa, nangaral ang manunulat ng Sulat sa mga Hebreo tungkol sa halaga ng pananalig sa Panginoong Diyos. Sa kanyang pangaral, ginamit niya bilang halimbawa sina Abraham at Sara. Sa huli, pagpapalain ng Panginoon ang lahat ng mga nagpasiyang manalig sa Kanya nang buong katapatan. Gagawin ito ng Hari at Hukom na si Hesus sa wakas ng panahon sa mga nagpasiyang manalig nang buong katapatan sa Kanya. 

Lingid sa ating kaalaman na laging dumarating si Hesus araw-araw upang dalawin o bisitahin tayo. Bago pa man Siya dumating nang maringal bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon, lagi Siyang dumarating araw-araw upang dalawin tayo. Lagi Niya tayong dinadalaw upang suriin kung nababatid at tinatanggap natin ang Kanyang kalooban katulad ng Kanyang inilarawan sa maikling talinghaga tungkol sa mga alipin sa huling bahagi ng Ebanghelyo. Habang nabubuhay pa tayo sa mundo, lagi tayong binibigyan ng oportunidad ni Hesus upang ating maunawaan at matanggap kung ano ang Kanyang naisin. 

Katulad ng Kanyang unang pagdating bilang ipinangakong Mesiyas, darating muli sa wakas ng panahon si Hesus upang maghatid ng kaligtasan sa lahat ng mga tapat na nananalig sa Kanya. Lagi Siyang dumadalaw araw-araw upang suriin kung tunay nga ba nating nauunawaan ang Kanyang kalooban at tinatanggap ito bilang paghahanda para sa Kanyang maringal na pagdating bilang Hari at Hukom sa wakas ng panahon. Hindi kapahamakan ang Kanyang kaloob kundi kaligtasan. Ito ang dahilan kung bakit lagi Niya tayong binibigyan ng pagkakataon upang ang Kanyang kalooban ay ating maunawaan at sundin. Ito ang dahilan kung bakit lagi Siya dumadalaw araw-araw. 

Linggo, Hulyo 3, 2022

HINDI PEKE

6 Agosto 2022 
Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon (K) 
Daniel 7, 9-10. 13-14/Salmo 96/2 Pedro 1, 16-19/Lucas 9, 28b-36 

Giovanni Lanfranco, Transfigurazione (c. Before 1626), "No Known Copyright" (Public Domain), Image from: (https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Trasfigurazione_-_Lanfranco.jpg). 

Ang araw na ito ay ang ikalawa't huling araw sa buong taon kung kailan maririnig ang salaysay ng Pagbabagong-Anyo ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo sa Liturhiya. Sa Kalendaryo ng Simbahan, ang unang araw kung kailan ang salaysay ng kaganapang ito sa buhay ni Hesus ay maririnig sa Ebanghelyo sa Misa ay ang Ikalawang Linggo ng 40 Araw na Paghahanda para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay na kilala rin bilang panahon ng Kuwaresma. Ang ikalawang araw kung kailan maririnig sa Ebanghelyo sa Misa ang salaysay na ito ay ang mismong araw na ito na inilaan ng Simbahan para sa taimtim na pagninilay sa misteryong ito sa buhay ni Hesus. Bago Siya tumungo sa banal na lungsod ng Herusalem upang tuparin ang Kanyang misyon bilang Mesiyas, umakyat sa isang bundok kasama sina Apostol San Pedro, Santo Santiago, at San Juan ang Panginoong Hesus. Sa nasabing bundok, nagbagong-anyo si Hesus habang nananalangin Siya sa Ama nang buong kataimtiman. 

Sa nasabing bundok, ang Amang nasa langit ay muling nagsalita upang ipakilala si Hesus bilang Kanyang Anak at Hinirang. Sabi sa salaysay sa Ebanghelyo na nagbigay ng isang utos ang Amang nasa langit: "Ito ang minamahal Kong Anak na lubos Kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo Siya!" (Lucas 9, 35). Katunayan, bago ibinigay ng Ama ang utos na ito, si Hesus na nagbagong-anyo ay kinausap nina Moises at Propeta Elias. Si Hesus ay kinausap nina Moises at Propeta Elias tungkol sa nalalapit Niyang pagpapakasakit at pagkamatay na magaganap sa Herusalem (Lucas 9, 31). Iyan ang misyong ibinigay ng Ama kay Hesus bilang ipinangakong Mesiyas. Ito ang paksa ng usapan nina Hesus, Moises, at Elias upang ilarawan kung anong uri Siya ng Mesiyas. 

Pinatotohanan ni Apostol San Pedro ang kaganapang isinalaysay sa Ebanghelyo. Ang sabi ni Apostol San Pedro na ang tinig ng Amang nasa langit ay kanilang narinig sa bundok na iyon (2 Pedro 1, 17-18). Dagdag pa ni Apostol San Pedro na tumibay ang kanilang pananalig sa ipinahayag ng mga propeta tungkol sa ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi si Hesus (2 Pedro 1, 19). Ang nagbagong-anyo na si Hesus ay ipapapatay ngunit mabubuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Gaya ng sabi ni Propeta Daniel sa Unang Pagbasa, si Hesus ay mabubuhay magpakailanman (7, 9). Siya ang tunay na maghahari magpakailanman. 

Marami ang nagpanggap bilang Mesiyas. Maski sa kasalukuyang panahon, may mga nanlilinlang at nagpapanggap na Mesiyas. Nagpapanggap silang Diyos. Ang mga tao ay walang awa nilang nililinlang at binubudol. Garapalan ang kanilang panlilinlang at pambubudol sa mga tao upang makamit nila ang kanilang pansariling interes. Wala silang balak ilapit ang kapwa sa tunay at nag-iisang Diyos. Bagkus, ang tunay na balak o intensyon ng mga nagpapanggap na Mesiyas at Diyos ay punuin ng pera ang kanilang mga bulsa sa pamamagitan ng garapalang pagsisinungaling sa kapwa-tao. Wala silang ibang habol kundi salapi at kapangyarihan. Mga sakim. Mga walang awa. 

Itinuturo sa atin sa araw na ito na isa lamang ang tunay na Diyos. Ang tunay na Diyos ay hindi nanlilinlang o nambubudol. Pawang katotohanan lamang ang inihahayag ng tunay na Diyos dahil Siya mismo ang bukal ng katotohanan. Siya lamang ang dapat nating pakinggan, sundin, at pagkatiwalaan. Si Hesus, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos, ang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang tunay na Diyos, na dumating sa mundo upang iligtas tayo sa pamamagitan ng Kanyang Krus at Muling Pagkabuhay. Iyan ang tunay na Diyos. Mapagmahal at bukal ng katotohanan. 

Sabado, Hulyo 2, 2022

NAPAPANAHONG BABALA

31 Hulyo 2022 
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Mangangaral 1, 2; 2, 21-23/Salmo 89/Colosas 3, 1-5. 9-11/Lucas 12, 13-21 

Photo Credit: Arabs for Christ / FreeBibleimages.org under CC BY-SA.

Sabi ng Mangangaral sa pambungad ng Unang Pagbasa: "Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay" (1, 2). Ito ang temang nais talakayin ng Simbahan sa araw na ito. Sa pamamagitan ng pagninilay sa mga salitang ito, muling ipinapaalala sa atin kung ano ang pinakamahalaga. Isa rin itong napapanahong babala para sa lahat ng mga sakim sa kapangyarihan at kayamanan. Dahil sa kanilang kasakiman, nang-aapi at nanamantala sila ng kapwa. Walang awa nilang inuuto nila ang kanilang kapwa sa pamamagitan ng lantarang panlilinlang upang makuha nila ang kanilang pansariling interes. Handa sila mang-api, mang-uto, magnakaw, at pumatay. Talaga namang umiral na sa lipunan ang kanilang kasakiman. 

Matapos pagsabihan ang isang tao tungkol sa kanyang problema sa mana sa unang bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga ng mayamang hangal. Sa pamamagitan ng pagsalaysay ng talinghagang ito, nagbigay ng isang babala laban sa kasakiman si Hesus. Inilarawan ni Hesus sa talinghagang ito kung gaano kalakas ang impluwensiya ng kasakiman sa isip ng tao. Walang magandang idudulot ang pagiging sakim. Ang kasakiman ay nagdudulot lamang ng kahibangan at kahangalan na siyang umuudyok sa isang tao na manlinlang, magnakaw, at pumatay. 

Itinuturo ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa kung ano ang dapat asamin at hangarin. Hindi tayo dapat magpaalipin sa kasakiman. Bagkus, dapat nating asamin at hangarin ang langit (Colosas 3, 1-2). Bilang mga Kristiyano, pinagkalooban tayo ng kalayaan at kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Krus at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Dahil dito, ang iba't ibang kasalanan katulad na lamang ng kasakiman ay dapat nating tutulan sapagkat si Kristo at ang Kanyang kaharian sa langit ang dapat asamin at hangarin.  

Nakakalungkot at nakakadismaya sapagkat mayroong mga patuloy na nagpapaalipin sa kasakiman at kasalanan sa kasalukuyan. Ito ang umuudyok sa kanila na manloko, mangulimbat, at pumatay ng tao na walang kalaban-laban. Pinili nilang maging mga alipin ng kasakiman at kasalanan sa halip na tanggapin ang biyaya ng kaligtasan at kalayaang kaloob ni Kristo Hesus. Nakakalungkot na pinipilit rin nilang idamay ang ibang tao na ayaw naman nilang sumama sa kanila magpaalipin sa kasakiman. May balak silang ipahamak ang iba. Ginagawa nila ito sa pamamagitan ng pambubudol, pang-aapi, pagnanakaw, at pagkitil ng buhay. Mga walang awa. 

Dahil sa kanilang pambubudol at pang-aapi, marami ang nagtatanggol sa kanila. Ang masaklap, mayroong ilan mula sa Simbahan na kumukunsinti sa kanila. Sa halip na tumindig at magsalita laban sa pang-aapi at panlalamang ng mga nagpapaalipin sa kasakiman, ipinasiya nilang magbulag-bulagan at manatiling tahimik na lamang. Sa halip na gamitin ang kanilang tinig upang manindigan laban sa garapalang pang-aapi, panlilinlang, pagnanakaw, at pagkitil ng buhay, tikom ang kanilang mga labi. Kapag nagsalita ang Simbahan laban sa kulturang ito, sila pa ang galit. Nakakadismaya ito sapagkat lalo lamang lumalaganap ang kahibangan at kahangalan sa lipunan. 

Ang babala ng Panginoon na inilahad sa mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tunay ngang napapanahon. Walang silbi ang pagiging sakim. Kung magpapalipin na lamang tayo sa kasakiman, pinapairal lamang natin ang kahibangan at kahangalan. Tandaan, hindi natin madadala ang mga kayamanang ito sa kabilang buhay. Higit na dakila ang mga bagay sa langit kaysa sa mga bagay dito sa lupa. Kapag may mga nagpasiya pa ring magpaalipin sa kasakiman at pinairal ang garapalang panlilinlang, pagnanakaw, pang-aapi, at pagkitil ng buhay sa lipunan, ang Diyos na ang hahatol sa inyo. 

Huwag kalimutan ang mga salitang ito na binigkas ni Hesus: "Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong sanlibutan kung ang katumbas naman nito'y ang kanyang buhay? Ano nga ang mapapala niya kung siya'y mapapahamak?" (Mateo 16, 26; Marcos 8, 36; Lucas 9, 25 - especially the last part)

Biyernes, Hulyo 1, 2022

PAG-IBIG AT PANANALIG KAY HESUS

29 Hulyo 2022 
Paggunita kina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro
1 Juan 4, 7-16/Salmo 33/Juan 11, 19-27 (o kaya: Lucas 10, 38-42) 

Pier Francesco Mazzucchelli, The Raising of Lazarus (Year Unknown), Public Domain ("No Known Copyright"). 

Ang mga Pagbasa para sa araw na ito ay tungkol sa pag-ibig at pananalig. Ito ay dahil inilaan ang araw na ito sa paggunita sa magkapatid na taga-Betania na walang iba kundi sina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro. Ang magkapatid na ito ay kilala rin bilang mga kaibigang mahal ni Hesus. Bilang mga kaibigan ni Hesus, ibinigay nila sa Kanya ang kanilang tunay at taos-pusong pagmamahal at pananalig. Hindi sila mga peke o plastik na kaibigan. Bagkus, mga tunay silang kaibigan ni Hesus. 

Sa Unang Pagbasa, si Apostol San Juan ay nangaral tungkol sa kahalagahan ng pag-iibigan. Dapat mag-ibigan ang bawat isa sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos (1 Juan 4, 7). Si Apostol San Juan rin ang nagsabi na umiibig tayo "sapagkat ang Diyos [ay] ang unang umibig sa atin" (1 Juan 4, 19). Ito ang ginawa nina Santa Marta, Santa Maria, at San Lazaro ng Betania kay Hesus. Ang Panginoong Hesus ay kanilang inibig bilang kanilang kaibigan. Kung paanong itinuring sila ni Hesus bilang Kanyang mga kaibigan, itinuring rin nila si Hesus bilang kaibigan. Ang kanilang pag-ibig para kay Hesus bilang kanilang kaibigan ang nagpapatunay nito. 

Dahil sa kanilang pag-ibig para kay Hesus, nanalig sila sa Kanya. Ito ang dahilan kung bakit bago mamatay si Lazaro, nagpadala sila ng mensahero upang ihatid kay Hesus ang balita tungkol sa kanyang karamdaman (Juan 11, 3). Ito rin ang ipinahiwatig ng sinabi ni Marta sa Panginoong Hesukristo noong dumating Siya sa Betania matapos mamatay si Lazaro: "Panginoon, kung Kayo po'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid" (Juan 11, 21). Nanalig silang tanging si Hesus lamang ang may magagawa para kay Lazaro. Matapos buhayin ni Hesus si Lazaro, ang pananalig nila sa Kanya ay lalo lamang lumalim. Katunayan, isang pahiwatig nito ang mga salitang binigkas ni Marta kay Hesus sa wakas ng salaysay sa Ebanghelyo para sa espesyal na araw na ito: "Nananalig ako sa Inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaaasahang paparito sa sanlibutan" (Juan 11, 27). Hindi lamang ito ang pananalig ni Marta. Hindi lamang si Marta ang may ganitong pananalig sa Panginoong Hesukristo. Maging ang kanyang mga kapatid na sina Lazaro at Maria ay may ganito ring kalalim na pananalig sa Panginoong Hesus na bunga ng kanilang pag-ibig para sa Kanya. 

Nakakalungkot isipin subalit may mga hindi talagang umiibig at nananalig kay Hesus sa kasalukuyan. Ang problema, mayroon sa kanila na nanggagaling sa Simbahan. Si Hesus ay kanilang ipinagpapalit sa mga kilalang personalidad na tiwali, sinungaling, magnanakaw, at mamamatay-tao. Ang kanilang pag-ibig at pananalig kay Hesus ay dinadaan na lamang sa mga matatamis na salita. Sa Simbahan at tuwing Linggo lamang sila kaibigan ni Hesus. Subalit, sa ibang mga araw ng sanlinggo, si Hesus ay kanilang ipinagpapalit at tinatanggihan. 

Kung nais nating maging tunay na kaibigan ni Hesus, kailangang maging tunay ang ating pag-ibig at pananalig sa Kanya. Tumindig tayo laban sa kasamaan. Magpatotoo tayo sa kabutihan ng Diyos. Maging mga saksi at tagapagpalaganap ng katotohanan na nagmumula sa Diyos. Huwag nating hahayaang umiral ang kasinungalingan at pang-aapi sa lipunan.