Lunes, Nobyembre 26, 2018

PANGAKONG PAGDATING

2 Disyembre 2018 
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (K) 
Jeremias 33, 14-16/Salmo 24/1 Tesalonica 3, 12-4, 2/Lucas 21, 25-28. 34-36 


Laging nagsisimula sa pamamagitan ng Panahon ng Pagdating ng Panginoon na mas kilala bilang panahon ng Adbiyento ang bawat Taong Liturhiko ng Simbahan. Ito'y bagamat ang kapanahunang ito'y nagaganap bago ang katapusan ng bawat taon sa sekular na kalendaryo. Sa panahong ito, ang bawat isa'y binibigyan ng pagkakataon ng Simbahan upang ihanda ang sarili para sa pagdating ng Panginoon. Habang ang pagdating ng Panginoon ay pinanabikan sa panahong ito ng Adbiyento, napakahalaga para sa bawat isa na maghanda. Kaya naman, ang panahong ito ay inilalaan sa paghihintay at paghahanda ng sarili. 

Subalit, ang pagdating ng Panginoon ay inihayag bilang isang pangako. Ang mga pahayag tungkol sa pagdating ng Panginoon ay hindi nagsisilbing mga panakot. Bagkus, ang mga pahayag na ito ang paraang ginagamit ng Panginoon upang magbitiw ng pangako sa lahat. Hindi dapat katakutan ang pagdating ng Panginoon. Wala naman Siyang gagawin na magdudulot ng lagim at takot sa bawat isa. Bagkus, ang pagdating ng Panginoon ay dapat paghandaan at panabikan. 

Ito ang pinagtuunan ng pansin sa pambungad ng pahayag ni propetang si Jeremias sa Unang Pagbasa. Inihayag ng Panginoong Diyos na tutuparin Niya ang Kaniyang pangako sa bayang Israel. Ang matuwid na sanga ni David ay Kaniyang pasisibulin. Magmumula sa angkan ni David ang isang matuwid na hari na magpapairal ng katarungan at katwiran (33, 15). At natupad nga ang pangakong ito na nasasaad sa Lumang Tipan sa pamamagitan ng Panginoong Hesus. 

Sa Ebanghelyo, ang Panginoong Hesus ay nagsalita tungkol sa Kanyang muling pagdating. Inutusan ni Hesus ang mga alagad na laging magtanod sapagkat ang muli Niyang pagdating ay maaaring mangyari sa oras na hindi inaasahan. Ang mga apostol ay binabalaan laban sa maling paniniwala na matagal pa ang panahong darating muli si Kristo. Binabalaan ang mga apostol laban sa pagiging tamad at sobrang kampante sa sarili sapagkat maaari silang matagpuang hindi handa sa araw ng muling pagdating ni Kristo Hesus. Kaya naman, ang mga apostol ay ipinaalala ni Hesus na laging magtanod at maging handa sapagkat maganap ang muli Niyang pagdating sa araw o oras na 'di inaasahan. 

Ang muling pagdating ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng panahon ay pinagtuunan rin ng pansin ni Apostol San Pablo sa kanyang mensahe sa lahat ng mga Kristiyano sa Tesalonica sa Ikalawang Pagbasa. Itinapat niya sa kaniyang liham sa kanila na lagi niya silang ipinapanalangin. Ang kanilang buhay-espirituwal ay lagi niyang idinadalangin sa Diyos. Hangad ni Apostol San Pablo na manatiling matatag ang pananampalataya ng lahat ng mga Kristiyano, lalo na sa Tesalonica, hanggang sa muling pagdating ni Hesukristo. Hangad niya na maligtas at maisama ni Hesus sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit sa katapusan ng panahon ang lahat ng mga Kristiyano. 

Tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangakong muli Siyang darating, tulad ng ginawa Niyang pagtupad sa Kanyang pangakong inihayag sa Matandang Tipan. At sa Kanyang pagdating, hindi Siya maghahasik ng lagim at takot sa lahat. Bagkus, pag-asa at kaligtasan ang Kaniyang idudulot sa lahat ng mga mananatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Kaya naman, dinggin natin ang panawagan ng Simbahan ngayong panahon ng Adbiyento sa bawat araw habang tayo'y nabubuhay pa dito sa daigdig - ihanda ang sarili para sa pangakong pagdating ng Panginoon. 

Huwebes, Nobyembre 15, 2018

IISA LANG ANG HARING WALANG HANGGAN - SI KRISTONG HARI

25 Nobyembre 2018 
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (B) 
Daniel 7, 13-14/Salmo 92/Pahayag 1, 5-8/Juan 18, 33b-37 


Kapag ang Kalendaryo ng Simbahan ay nasa Taon B, tinatalakay sa mga Pagbasa para sa Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan ang tema ng walang hanggan. Tanging si Kristo lamang ang mananatiling hari magpakailanman. Ito ang inilarawan ng Arkanghel na si San Gabriel noong ibinalita niya sa Mahal na Birheng Maria ang Magandang Balita tungkol sa kapanganakan ni Kristo (1, 33). Walang hanggan ang pagkahari ni Kristo Hesus. At walang makahihigit o makakatapat kay Hesukristo bilang Hari. 

Sa Unang Pagbasa, inilahad ni propeta Daniel ang kanyang pangitain tungkol sa paghahari ng isang nabubuhay magpakailanman. Ang walang hanggang hari na tinutukoy ni Daniel sa kanyang pangitain ay walang iba kundi ang Panginoon. Siya lamang ang tunay na hari. Siya lamang ang maghahari magpakailanman. Ang Kanyang paghahari ay hinding-hindi magwawakas. Ito rin ang pinagtuunan ng pansin sa Kaniyang pahayag na inilahad ni San Juan sa Ikalawang Pagbasa mula sa aklat ng Pahayag. Si Kristong Panginoon at Diyos ay nagpakilala bilang Alpha at Omega, ang Simula at Wakas. Siya ang simula't hantungan. Sa Kanya magsisimula't magwawakas ang lahat ng bagay. Ang Diyos lamang ang walang katapusan. 

Ang tampok na salaysay sa Ebanghelyo ay isang bahagi ng napakahabang salaysay ni San Juan tungkol sa Pasyong Mahal ng Panginoong Hesus. Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang unang interogasyon ni Poncio Pilato kay Hesus. Ayon sa salaysay ni San Juan, dalawang ulit na nagtanong si Pilato kay Hesus sa loob ng kaniyang palasyo upang malaman kung ano nga ba ang maaaring maging basehan upang hatulan si Hesus ng kamatayan sa krus, tulad ng hinihingi ng mga Pariseo't matatanda ng bayan sa kaniya. Subalit, hindi nakahanap ng sapat at malakas na ebidensya si Pilato para mapatunayan ang mga paratang laban kay Hesus. 

Sa isang bahagi ng interogasyon ni Pilato, inilarawan ng Panginoong Hesus kung anong uri Siyang hari. Siya ang Hari ng mga Hari. Walang hanggan ang Kaniyang paghahari. Ang Kanyang kaharian ay hindi matatagpuan dito sa lupa kung saan ang lahat ng bagay ay pansamantala. Ang lahat ng bagay dito sa lupa ay nasasakupan ng oras. Limitado ang oras dito sa lupa. May hangganan ang lahat ng bagay dito sa mundo. Subalit, ang pagkahari ni Hesus ay walang hanggan. Ang pagkahari ni Hesus ay hindi nasasakupan ng panahon. Talaga namang ibang-iba si Hesus kung ikukumpara Siya sa ibang mga hari't pinuno sa daigdig. 

Nakatala sa kasaysayan ng daigdig ang pangalan ng mga taong namuno sa iba't ibang mga bansa. Mayroon sa kanila na namuno nang may katinuan. Subalit, mayroon rin ibang mga pinunong abusado. Ang kanilang posisyon, ang kanilang pananagutan sa bayan, ay inabuso nila. Inabuso nila ang kanilang responsibilidad sa iba't ibang pamamaraan tulad na lamang ang pagnanakaw mula sa kaban ng bayan at pagpatay sa mga inosente. Ang taong-bayan ay ginagawa nilang alipin, hindi na iginagalang ang kanilang mga karapatan, lalung-lalo na ang kanilang karapatang mamuhay bilang tao. Uhaw sa dugo, kapangyarihan, kayamanan. Sarili lamang ang kanilang pinaglilingkuran.

Tinitingnan ng mga pinunong ito ang kanilang tungkulin bilang pribilehiyo at hindi responsibilidad. Nang makamit ang kanilang ambisyon, sinimulan na ang pang-aabuso sa kapangyarihan. Ang kapangyarihan nilang taglay bilang mga pinuno ay kanilang ginamit upang matupad ang kanilang mga kagustuhan, kahit na hindi ito nakakabuti para sa bayan. Inaakala nila na walang makakapigil sa kanila dahil hawak nila ang kanilang kapangyarihan habambuhay. Kitang-kita sa kanilang pag-aasta na iniisip nilang mananatili silang pinuno magpakailanman. Akala nilang walang makakaalis o makakapagpatalsik sa kanila. 

Ipinapaalala ng Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari na tanging Siya lamang ang mananatiling hari magpakailanman. Siya lamang ang haring walang hanggan. Siya ang Hari ng mga Hari. Anuman ang lahi ng bawat tao sa daigdig, anuman ang panahong napapalooban ng bawat tao, iisa lamang ang mananatili - ang pagkahari ni Kristo. Mula noon hanggang ngayon at sa panahong darating, si Kristo pa rin ang tunay na Hari. Habang lumilipas ang panahon, si Kristo'y nananatiling hari. Walang makakatapat o makakadaig sa Kanya bilang hari. 

Si Hesus ay mananatiling Hari magpakailanman. Sa daigdig na ito, maraming pagbabago ang nagaganap sa paglipas ng panahon. Walang permanenteng bagay dito sa mundo. Nagbabago ang panahon, nagbabago ang itsura ng tao, nagbabago ang lahat-lahat. Subalit, iisa lamang ang hindi nagbabago - ang walang hanggang pagkahari ni Kristong Hari. Siya lamang ang maghahari magpakailanman. 

MABUHAY SI KRISTONG HARI! 

Lunes, Nobyembre 12, 2018

TITIPUNIN ANG MGA NASA PANIG NIYA

18 Nobyembre 2018 
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
Daniel 12, 1-3/Salmo 15/Hebreo 10, 11-14. 18/Marcos 13, 24-32 


"Walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon... ang Ama lamang ang nakakaalam nito." (13, 32) Ito ang mga salita ng Panginoong Hesus sa Kanyang mga apostol sa pagtatapos ng salaysay sa Ebanghelyo. Inilarawan ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng mga katagang ito kung ano ang magaganap sa katapusan ng panahon. Muli Siyang magbabalik sa wakas ng panahon. Subalit, ang araw o oras kung kailan magaganap ang mga inilarawan ni Hesus sa mga apostol ay isang napakalaking hiwaga na walang sinuman dito sa lupa ang makakaalam. 

Si Hesus, na ipinakilala sa Ikalawang Pagbasa bilang Dakilang Saserdote na minsang naghandog ng Kanyang sarili para sa ating lahat, ay muling babalik sa wakas ng panahon. Nakasaad sa Kredo kung ano ang Kanyang gagawin sa muli Niyang pagbalik sa wakas. Huhukuman Niya ang lahat ng tao. Ang mga matutuwid ay Kaniyang ililigtas. Ang mga matutuwid na Kaniyang nilinis sa pamamagitan ng Dugo Niyang kabanal-banalan ay Kaniyang titipunin at tatanggapin sa Kanyang kaharian sa langit. Sila ang tumanggap kay Kristo na naglinis sa kanila sa pamamagitan ng Kanyang Dugo. Inihayag nila ang kanilang pagtanggap sa paglinis at pagtubos ni Kristo sa pamamagitan ng kanilang pagsasabuhay at pagtalima sa loobin Niya nang buong katapatan hanggang wakas. 

Isang propesiya tungkol sa mga kaganapan sa katapusan ng panahon ay inihayag sa Unang Pagbasa mula sa aklat ni propeta Daniel. Bagamat hindi pa naganap noong kapanahunang yaon ang ipinangakong pagdating ni Kristo, naihayag ng Diyos kay propeta Daniel kung ano ang mga mangyayari sa katapusan ng panahon. Ililigtas ang lahat ng mga nasa panig ng Diyos. Ang mga kababayag tinutukoy sa propesiya, mga pangalang isinulat sa aklat ng Diyos, ay ang mga nanatiling tapat sa Kanya hanggang wakas. Sa kabila ng mga tukso't mga pagsubok sa buhay, mas pinili nilang manatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang wakas. 

Ang araw ng muling pagbabalik ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng panahon ay isang napakalaking lihim. Walang sinuman sa atin ang nakakaalam kung kailan magaganap iyon. Bagamat batid nating muling darating si Kristo, hindi natin alam kung kailan iyon. Tanging ang Ama lamang ang nakakaalam. Kaya naman, ang aral na nais ituro ng Panginoong Hesus - laging magtanod at maging handa sapagkat hindi masasabi o matitiyak ninuman kung kailan magaganap iyon. 

Muling darating si Hesukristo sa wakas ng panahon upang tipunin at papasukin ang lahat ng mga nanatiling tapat sa Kanya hanggang wakas sa Kanyang kaharian. Iyon ang kanilang gantimpala mula sa Panginoon para sa kanilang tapat na paglilingkod at pagtalima sa Kanya. Sa kabila ng hirap ng pagiging matapat na kapanig ng Panginoon, pinili pa rin nilang manatiling tapat sa Kanya. Ilan ulit man silang tuksuhin na talikuran at iwanan ang Panginoon, hindi nila iyon ginawa. Kaya nama`y silang lahat ay Kanyang tatanggapin sa Kaniyang kaharian. 

Kung nais nating mapabilang sa mga matatapat na kapanig ng Panginoong Hesus na Kanyang titipunin at tatanggapin sa Kanyang kaharian sa langit sa katapusan ng panahon, kumilos tayo ngayon pa lamang. Gawin nating pamantayan kung paano tayo mamumuhay ang Kaniyang kalooban. Mamuhay tayo ayon sa Kaniyang mga utos at loobin. Iwasan nati't talikdan ang kasalanan. Sa pamamagitan nito, ang ating katapatan at pagmamahal sa Diyos ay naipapahayag natin. Matatamasa ng bawat nananalig at tumatalima sa Panginoon nang buong katapatan hanggang wakas ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang piling sa langit. 

Biyernes, Nobyembre 9, 2018

IBINIGAY ANG LAHAT

11 Nobyembre 2018 
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon (B) 
1 Hari 17, 10-16/Salmo 145/Hebreo 9, 24-28/Marcos 12, 38-44 


Madalas na pinagsasabihan o binababalaan ang mga taong nahuhulog ang damdamin para sa kani-kanilang mga tinitipuhan o sinisinta na magtira ng pag-ibig para sa kanilang mga sarili. Hindi dapat ibigay ang lahat kapag nagmamahal. Kailangang magtira ng kahit kaunting pag-ibig para sa sarili upang ang damdamin ay hindi masyadong masaktan. Mahirap kasi kapag ang isang tao'y nasaktan nang sobra dahil ang kanyang pag-ibig ay hindi nasuklian. Mahirap kasi kapag may pagtingin ang isang tao sa nagpapaasa sa kanya. At ang sakit na dulot nito'y tunay ngang napakasakit. Ibinigay mo na lahat, hindi ka pa rin sinuklian. 

Tamok sa mga Pagbasa ang pagbibigay ng lahat. Ang mga kadahilanan kung bakit ang isang tao'y nagbibigay ng lahat-lahat ay napakarami. Subalit, isa sa mga dahilang yaon ay pag-ibig. Ibinibigay ang lahat kapag nagmamahal. Ang pag-ibig ay napapatunayang tunay at autentiko kapag ang lahat ay ibinibigay. Gagawin ang lahat, ibibigay ang lahat, dahil sa pag-ibig. Sa pamamagitan nito'y napapatunayan ang pag-ibig. Iyon ay isa sa mga pamantayan ng lahat ng mga naghahanap ng pag-ibig. Handang ibigay ang lahat para sa minamahal. 

Sa Unang Pagbasa, sinunod ng isang babaeng balo ang kahilingan ni propeta Elias na ipaghanda siya ng makakain. Humingi ng tinapay si propeta Elias mula sa babaing balo. Bagamat siya'y nangamba dahil mukhang hindi sasapat ang mga kasangkapan upang makagawa ng tinapay para sa tatlong tao, sinunod pa rin niya ito sapagkat ito'y niloob ng Diyos. Dahil sa kanyang pag-ibig at pag-asa sa Diyos, siya'y naghanda ng tinapay para kay propeta Elias at para na rin sa kanilang dalawa ng anak niya. Umasa siya sa pangako ng Diyos na inihayag sa kanya ni propeta Elias. At tinupad nga ng Panginoong Diyos ang Kanyang pangako. Ang harina ay hindi naubos at ang langis sa sisidlan ay hindi natuyo (17, 16). Nagkaroon ng sapat na pagkain para sa kanilang tatlo. 

Sa Ebanghelyo, pinuri ng Panginoong Hesus ang isang babaing balo na naghulog ng dalawang kusing sa abuluyan. Kahit maliit ang halagang yaon sa paningin ng iba, iyan ay higit pa sa ginawang pagbibigay ng handog ng iba sa paningin ni Hesus. Sa handog na iyon, nakita ni Hesus ang nilalaman ng puso ng babaing balo. Naisin man niyang maghandog ng mas malaking halaga, hindi niya iyan magawa dahil sa kanyang kahirapan. At sa halip na tipirin na lamang ang dalawang kusing na iyon, pinili ng balo na ialay na lamang iyon sa Diyos. Sa pamamagitan nito'y napatunayang tunay niyang mahal ang Diyos. Ibinigay niya ang lahat sa Diyos sapagkat ang Diyos ay tunay niyang inibig nang higit sa lahat. 

Ang pagbibigay ng lahat dahil sa pag-ibig ay ginawa mismo ng Panginoong Hesus sa krus. Ito ang pinagtuunan ng pansin ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Ikalawang Pagbasa. Inilarawan niya kung paanong ibinigay ni Kristo ang lahat noong inihandog Niya ang Kanyang sarili sa krus para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan nating lahat. Hindi Niya tinakasan ang krus. Subalit, ang krus ay hinarap at tinanggap Niya. Kusa Niyang inialay ang sarili upang tayong lahat ay maligtas sa pamamagitan Niya. Tinanggap at niyakap Niya ang pananagutan bilang haing walang kapintasan. Sa pamamagitan ng gawang ito, ibinigay ni Kristo ang lahat bilang katibayan ng Kanyang walang hanggang pagmamahal para sa ating lahat. 

Ibinigay ng mga babaing balo sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo ang lahat. Ibinigay ng Panginoong Hesukristo ang lahat noong ipinasiya Niyang ialay ang Kanyang buhay sa krus alang-alang sa ating lahat. Iisa lamang ang ipinapakita ng mga ito - pagmamahal. Ang lahat ng ito'y ibinigay at isinakripisyo dahil sa pag-ibig. Masakit man gawin ito, gagawin pa rin iyan kung tunay ang pagmamahal. 

Lunes, Nobyembre 5, 2018

PRESENSYANG NAGPAPABANAL

9 Nobyembre 2018 
Kapistahan ng Pagtatalaga sa Palasyong Simbahan sa Laterano, Roma 
Ezekiel 47, 1-2. 8-9. 12/Salmo 45/1 Corinto 3, 9k-11. 16-17/Juan 2, 13-22 


Sa Ebanghelyo, isinalaysay ang paglilinis ni Hesus sa Templo. Nagalit si Hesus nang makitang binabastos ang tahanan ng Ama. Hindi lamang literal ang ginawang pambabastos sa Templo kundi pati na rin sa puso't loobin ng bawat isa. Wala nang lugar ang Diyos sa puso ng bawat isa na naroroon. Kaya naman, gayon na lamang ang ginawa sa Templo. Ito ang nag-udyok sa Panginoong Hesus na magalit sapagkat tunay ang Kanyang malasakit para sa tahanan ng Ama. Pinahalagahan Niya ang tahanan ng Ama. Kaya gayon na lamang ang Kanyang galit. 

Ang Templo ang kinikilalang tahanan ng Diyos. Sa Templo, nananahan ang Diyos upang makapiling ang Kanyang bayan. Ginamit ang larawan ng isang batis o daluyan sa Unang Pagbasa upang ilarawan ang Templo na kilala bilang tahanan ng Panginoon. Kaya, lahat ng bagay na nagmumula sa Templo ay sagrado sapagkat nananahan doon ang bukal ng kasagraduhan - ang Panginoon. Ang lahat ng mga biyayang ipinagkakaloob ng Panginoon ay tunay ngang sagrado. Ang mga nagmumula sa Panginoong Diyos ay tunay na banal. Mula sa Kanyang tahanan dumadaloy ang lahat ng mga biyayang kaloob Niya. Banal ang lahat ng mga bagay na nagmumula sa tahanan ng Panginoong Diyos. 

Hindi lamang gawa sa mga bato ang tahanan ng Diyos. Ang Simbahan na tahanan ng Diyos ay hindi lamang tumutukoy sa mga gusaling itinayo tulad ng Basilika ng Laterano sa Roma. Paalala ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ang bawat isa ay templo ng Diyos. Nananahan sa bawat isa ang Espiritu Santo. Samakatuwid, sagrado ang bawat isa. Ang presensya ng Diyos sa bawat isa sa atin ang nagpapabanal sa atin. Bagamat likas sa atin ang magkasala, hindi pa rin magbabago ang katotohanang ang ating mga katawan ang piniling tahanan ng Panginoon. Kaya naman, dapat nating ingatan at igalang ang ating mga katawan. Hindi ito dapat gamitin sa kasamaan sapagkat taliwas ito sa niloloob ng Diyos. 

Kinalulugdan ng Diyos ang mga nagpapahalaga at gumagalang sa kani-kanilang mga katawan. Sa katawan ng bawat isa nananahan ang Panginoong Diyos. Pinili ng Diyos na manahan sa katawan ng bawat isa. Kaya naman, ang ating mga katawan ay napakasagrado. Hindi dapat gawan ng masama ang ating mga katawan sapagkat ito'y pambabastos sa presensya ng Diyos. Ang pambabastos sa pinananahanan ng Panginoong Diyos ay kasuklam-suklam sa Kanyang paningin. 

Sa Pista ng Pagtatalaga sa Basilika ng Laterano sa Roma, itinuturo sa atin ang kahalagahan ng paggalang sa presensya ng Diyos. Ang presensya ng Diyos ay dapat igalang at pahalagahan. Ang Simbahan ang tahanan ng Diyos. Subalit, hindi lamang mga gusali ang Simbahan. Bagkus, tayong lahat ang bumubuo sa Simbahan kung saan nananahan ang Diyos. Ang presensya ng Diyos ang nagpapabanal sa ating mga katawan, sa ating pamayanan. Kaya naman, nararapat lamang na igalang ang bawat isa. Pairalin natin ang kalooban ng Diyos. Gamitin natin ang ating mga katawan upang magbigay luwalhati sa Diyos. Ang bawat isa sa ati'y sagrado sapagkat sa ati'y nananahan ang Diyos. Iyan ay tunay na kalugud-lugod sa Kanyang paningin.