Sabado, Setyembre 24, 2022

ANG DAPAT ASAHAN AT PANALIGAN

16 Oktubre 2022 
Ika-29 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Exodo 17, 8-13/Salmo 120/2 Timoteo 3, 14-4, 2/Lucas 18, 1-8 

John Everett Millais, "Illustration of the Parable of the Unjust Judge from the New Testament Gospel of Luke (Luke 18:1-9).The Parables of Our Lord, 1863, Public Domain.

Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay tungkol sa pagtulong ng Panginoon. Lagi tayong tinutulungan ng Panginoong Diyos. Ang Diyos ay lagi nating maaasahan. Ang Diyos ay kasama natin sa bawat sandali ng ating buhay sa mundo upang ipagkaloob sa atin ang Kanyang tulong kung kinakailangan. Ang Kanyang pagtulong ay hindi Niya ipagakait o ipagdadamot sa atin. Ang Diyos ay laging handang tulungan tayo, lalung-lalo na sa mga sandali ng pangangailangan. Ito ang dahilan kung bakit palagi tayong pinaalalahanan na umasa sa Diyos. Ang Diyos ay tunay ngang maaasahan. 

Sa Unang Pagbasa, isinalaysay kung paanong tinulungan ng Diyos ang mga Israelita laban sa mga Amalecita. Itinaas ni Moises ang tungkod na ibinigay sa kanya ng Diyos upang tulungan ang mga Israelita sa kanilang pakikidigma sa mga Amalecita. Hindi nanalo ang mga Israelita dahil sa pamahiing nakataas ang mga kamay ni Moises. Ang Diyos ang nagkaloob sa kanila ng tagumpay laban sa mga Amalecita. Itinaas ang mga kamay ni Moises bilang tanda ng paghingi ng tulong sa Panginoong Diyos. Itinaas ni Moises ang kanyang mga kamay upang hingin ang tulong ng Diyos. Nanalangin siya para sa tagumpay ng mga Israelita laban sa mga Amalecita sa pamamagitan nito. Hiniling ni Moises sa Panginoon na tulungan ang mga Israelita, katulad ng Kanyang ginawang pagtulong sa mga Israelita sa Ehipto. Dininig ng Diyos ang dalanging ito. 

Mayroong mga habilin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ang mga habiling ito ay hindi lamang para kay San Timoteo kundi para sa lahat ng mga Kristiyano. Una, huwag limutin at talikdan ang mga aral na itinuturo ng Simbahan at huwag tumigil sa pananalig sa mga aral na ito. Pangalawa, ipangaral ang Salita ng Diyos. Kapag ating sinundan at tinupad ang mga habiling ito, ipinapakita natin ang ating pananalig at tiwala sa Diyos. Si Apostol San Pablo nga, hindi tumigil sa pagsaksi sa Salita ng Diyos, bagamat nakabilanggo siya noon. Ito ay dahil umasa siya sa Panginoon. Hindi siya nawalan ng pag-asa sa Diyos. Nanalig at umasa sa Diyos si Apostol San Pablo. Dahil dito, si Apostol San Pablo ay nanatiling tapat sa Diyos hanggang sa huli. 

Isinalaysay ni Hesus sa Ebanghelyo ang talinghaga tungkol sa isang babaeng balong walang sawang humingi ng katarungan mula sa isang hukom na walang takot sa Diyos at walang taong ginagalang upang ituro ang kapangyarihan at halaga ng pag-asa, pananalig, at tiwala sa Kanya. Alam naman natin na ang Diyos ay hindi katulad ng hukom sa talinghaga ni Hesus. Kung ang hukom sa talinghaga ni Hesus ay hindi makatarungan at maituturing na tiwali, ang Diyos ay tunay ngang makatarungan. Sa Kanya lamang matatagpuan ang tunay at ganap na katarungan. Dahil dito, sa Kanya lamang dapat nating ibigay ang ating pananalig at pag-asa. Huwag tayong matakot umasa sa Kanya. Huwag tayong matakot manalig sa Kanya. Kung binigo tayo ng ilang taong nakilala natin noon, hindi tayo bibiguin ng Diyos. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Sa Pangalan ng Maykapal, tayo ay tinutulungan" (Salmo 120, 2). Lagi tayong tinutulungan ng Diyos. Ang Diyos ay laging handang magbigay ng tulong sa atin kung kinakailangan natin ito. Kaya, dapat tayong manalig at umasa sa Kanya. Ang Panginoon ay tunay na maaasahan at mapagkakatiwalaan. Siya lamang at wala nang iba. 

Hindi lahat ng tao sa mundo ay mapagkakatiwalaan. Ito ang katotohanan. Dahil dito, muling itinuturo sa atin ng Simbahan ngayong araw na ito ng Linggo kung sino ang dapat nating pagkatiwalaan. Ang Diyos. Ang Diyos ay dapat nating pagkatiwalaan at asahan. Ibigay natin sa Kanya ang ating pananalig at pag-asa. 

Biyernes, Setyembre 23, 2022

KANINO MO IBIBIGAY ANG BUO MONG SARILI?

9 Oktubre 2022 
Ika-28 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
2 Hari 5, 14-17/Salmo 97/2 Timoteo 2, 8-13/Lucas 17, 11-19 


Ang mga salita ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa para sa Linggong ito ay napapanahon sapagkat nagsasalita ito tungkol sa katapatan kay Kristo. Alang-alang kay Kristo Hesus, si Apostol San Pablo ay nagtiis ng maraming hirap, pag-uusig, at pagdurusa, lalung-lalo na ang mga pisikal na pasakit, habang buong sigasig niyang ginampanan ang kanyang ministeryo bilang apostol at misyonero sa mga Hentil. Sabi pa nga ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na iginapos siya ng kanyang mga kaaway dahil kay Kristo Hesus. Ang lahat ng mga paghihirap at pag-uusig na kanyang tiniis ay kanyang inialay kay Kristo. Kaya naman, patuloy niyang ginampanan nang buong sigasig at katapatan ang kanyang misyon, kahit na nakabilanggo siya noon.

Bakit ipinasiya ng mga banal katulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na ihandog pa rin sa Panginoon ang kanilang mga sarili? Bakit pinili pa rin nilang maging tapat sa Panginoon sa kabila ng mga hirap, pag-uusig, at pagdurusang kanilang tiniis habang pinaglilingkuran nila Siya sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tungkulin at misyong bigay Niya sa kanila? Ang Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ebanghelyo para sa Linggong ito ay nagbigay ng ilang mga halimbawa kung bakit. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito ang ilan sa mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon. Sa Unang Pagbasa, ang ketonging taga-Siria na si Naaman ay pinagaling ng Panginoong Diyos na sumunod sa utos ng Kanyang lingkod na si Propeta Eliseo na pitong ulit na ilubog ang kanyang sarili sa Ilog Jordan. Bilang pagtanaw ng utang na loob at pagkilala sa Panginoong Diyos na nagpagaling sa kanya, ipinangako ni Naaman sa wakas ng Unang Pagbasa na wala siyang ibang diyos na sasambahin maliban sa Panginoong Diyos (2 Hari 5, 17). Ang Panginoon ay ang tanging Diyos na kanyang sasambahin at hahandugan. Tanging Siya lamang. 

Sampung ketongin ang pinagaling ng Diyos na nagkatawang-tao na walang iba kundi ang Panginoong Hesukristo sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo para sa Linggong ito. Subalit, isa lamang sa sampung ketonging ito, isang Samaritano, ang bumalik sa Kanya upang magpasalamat. Pinasalamatan at kinilala ng Samaritanong ito na ang tanging nagpagaling sa kanya mula sa kanyang karamdaman ay walang iba kundi si Hesus. Pinasalamatan niya si Hesus dahil si Hesus mismo ang nagpalaya sa kanya mula sa kanyang kalagayan bilang isang ketonging itinaboy ng lipunan noon. Dahil pinagaling siya ni Hesus, malaya na niyang makakasalamuha ang kapwa. 

Gaya ng sabi sa Salmong Tugunan para sa Linggong ito: "Panginoong nagliligtas sa tanang bansa'y nahayag" (Salmo 97, 2b). Ang mga kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo para sa Linggong ito ay ilan lamang sa mga pasilip ng Diyos sa Kanyang pinakadakilang gawa. Iniligtas Niya ang lahat ng tao sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na si Hesus. Ito ang dahilan kung bakit ang lahat ng mga banal sa langit katulad ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ay nagpasiyang maging tapat sa Panginoong Diyos sa kabila ng mga paghihirap, pag-uusig, at pagdurusa habang buong katapatan nilang tinutupad ang misyong bigay sa kanila. Sapat na ang biyaya ng kaligtasang kaloob ng Diyos. 

Nakakalungkot na mas pipiliin ng maraming tao ngayon na ibigay ang kanilang mga sarili nang buong katapatan sa mga masisikat na personalidad. Kung maka-samba sa mga personalidad na ito, wagas. Nagiging mga diyos ang mga ito, kahit na mga tao lamang sila. Mas halata ito sa mundo ng pulitika. Ang mga pulitikong ito ay hinding-hindi nagkakamali sa kanilang mga paningin. Kahit napakalinaw naman na mali ang ginawa ng mga pulitikang ito, ipagtatanggol pa nila sila. Kahit na garapalan at harap-harapan ang kanilang panlilinlang at pang-aabuso, ipagtatanggol pa rin nila sila. Ang kanilang pasiya ay magbingi-bingihan at magbulag-bulagan sa mga pang-aabuso at panlilinlang dahil ibinenta nila ang kanilang mga sarili sa mga personalidad na ito. 

Kanino nating ihahandog ang buo nating sarili? Kanino nating ibibigay ang ating puso at ang ating katapatan? Sa Panginoong Diyos na nagpatunay ng Kanyang katapatan nang paulit-ulit? Sana sa Panginoong Diyos nating ihandog ang ating mga sarili nang buong puso at nang buong katapatan dahil tunay Siyang maaasahan. 

Huwebes, Setyembre 22, 2022

MUNTING PANANALIG

2 Oktubre 2022 
Ika-27 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Habacuc 1, 2-3; 2, 2-4/Salmo 94/2 Timoteo 1, 6-8. 13-14/Lucas 17, 5-10 

Eloisa Lopez (Reuters), Devotees participate in the Traslacion 2020, Re-shared by ABS-CBN News, Accessed September 18, 2022, https://news.abs-cbn.com/news/01/09/20/duterte-calls-for-compassion-and-selflessness-as-filipinos-join-traslacion-2020

"Dagdagan po Ninyo ang aming pananalig sa Diyos" (Lucas 17, 5). Ito ang hiling ng mga apostol kay Hesus sa simula ng Ebanghelyo para sa Linggong ito. Batid ng mga apostol na kailangang palakihin at palalimin ang kanilang pananalig sa Diyos. Buong kababaang-loob nilang inaamin sa Panginoong Hesus sa pamamagitan ng hiling na ito na napakaliit ng kanilang pananalig sa Diyos. Sa pamamagitan ng kahilingang ito, buong kababaang-loob nilang inamin sa Panginoon na mayroong mga pagkakataon sa buhay kung kailan mahirap para sa kanila na manalig sa Kanya dahil ang kanilang pananalig ay napakaliit. Batid ng mga apostol na nililimitahan sila ng kanilang maliit na pananalig upang buong puso nilang maihandog ang kanilang sarili sa Kanya. 

Ang pananalig sa Diyos ay nais bigyan ng pansin ng mga Pagbasa para sa Linggong ito. Tinalakay ng mga Pagbasa para sa Linggong ito kung paanong mapapausbong, mapapalalim, at mapapanatiling ang pagiging matatag at sariwa ng pananalig sa Panginoong Diyos. Ang pananalig sa Diyos ay napakahalaga para sa atin dahil ito ang sagisag ng ating ugnayan sa Diyos. Ang ating pananalig sa Panginoon ay isang tanda ng ating pagmamahal at pagsamba sa Kanya. Pinananaligan natin ang Panginoong Diyos na ating iniibig at sinasamba. Nais nating lumalim, lumago, at panatilihin ang katatagan at pagiging sariwa nito upang ang ating pag-ibig at pagsamba sa Diyos ay lalo nating maipahayag. Katunayan, ang katotohanang ito ay binigyan ng pansin sa hiling ng mga apostol kay Hesus sa simula ng Ebanghelyo para sa Linggong ito. 

Sa Unang Pagbasa, nagbitiw ng isang pangako ang Panginoong Diyos bilang tugon sa dalangin at panaghoy ni Propeta Habacuc. Sa mga sandali ng pananaghoy, si Propeta Habacuc ay dumalangin sa Diyos. Ang dalangin ni Propeta Habacuc na nahahapis at nananaghoy dahil sa kawalan ng katarungan sa lipunan noon ay tinugon ng Diyos sa pamamagitan ng isang pangako. Darating ang panahon kung kailan parurusahan ang mga mapagmataas, mapang-abuso, mapagsamantala, at manlilinlang. Ang tugon na ito ng Panginoon ay tinanggap at pinanaligan ni Propeta Habacuc. Sa kabila ng mga katiwalian at kawalan ng katarungan na umiiral noon sa lipunang kinabilangan niya, ang pangako ng Diyos ay pinanaligan ni Propeta Habacuc. 

Inilarawan naman ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang buhay ng mga nananalig sa Diyos. Ang Panginoon ay hindi nila ikinahihiya. Ang Panginoong Diyos ay buong puso nilang ipinagmamalaki. Sa kabila ng mga hirap at pagsubok sa buhay, sa Diyos pa rin sila kakapit. Katulad na mismo ni Apostol San Pablo. Sa mga sandaling ang mga katagang ito ay kanyang isinulat, si Apostol San Pablo ay nakabilanggo dahil sa kanyang pananalig at pagsaksi kay Kristo Hesus (2 Timoteo 1, 8-9). Ang kanyang pagiging bilanggo para kay Kristo ay hindi niya ikinahiya. Ipinagmalaki niya ito dahil batid niyang ang kanyang mga tiisin sa buhay bilang misyonero ay inihahandog niya kay Kristo. Nananalig si Apostol San Pablo na ang kanyang mga tiisin sa kanyang misyon ay para sa higit na ikaluluwalhati ng Panginoon. 

Paano nga ba nating mapapalaki ang ating pananalig sa Diyos? Ano nga ba ang dapat nating gawin upang maging katulad ng mga pananalig ng mga banal sa langit ang ating pananalig sa Diyos? Sabi ni Hesus sa Ebanghelyo na hindi ito minamadali. Hindi minamadali ang paglago, pag-usbong, paglalim, at pagpapalaki sa ating pananalig sa Diyos. Magsimula tayo sa maliit. Ginamit ng Panginoong Hesus ang halimbawa ng isang butil ng mustasa na nagiging isang napakalaking puno pagdating ng panahon (Lucas 13, 18; 17, 6). Kahit doon tayo magsimula, sabi ni Kristo. Magsimula lamang tayo sa maliit, tapos paglipas ng panahon, lalalim, lalago, lalakas, at uusbong rin ito kapag lagi nating ibubukas ang ating mga sarili sa Diyos. 

Huwag tayong mag-alala kung maliit lamang ang ating pananalig sa Diyos. Lalago rin ito pagdating ng panahon kung lagi nating ibubukas ang ating mga sarili sa Kanya. 

Biyernes, Setyembre 16, 2022

PAGTINDIG NG MGA BANAL

28 Setyembre 2022 
Paggunita kina San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir 
Sirak 2, 1-18/Salmo 115/1 Pedro 2, 1-25 (Maaaring laktawan)/Mateo 5, 1-12 

Screenshot: "Daily Mass at the Manila Cathedral - September 28, 2020 (7:30 AM)". YouTube

Ang pagdiriwang ng Paggunita kina San Lorenzo Ruiz at mga Kasama, mga martir, ay isang paggunita sa kagitingan ng mga banal. Itinanghal si San Lorenzo Ruiz sa hanay ng mga banal dahil sa kanyang kagitingan para sa Diyos at sa kanyang pag-ibig at pananampalataya para sa Kanya. Sa halip na isuko at talikuran ang Diyos na tunay niyang minahal, pinaligan, at sinampalatayanan nang buong puso at kababaang-loob upang tumagal ang kanyang buhay sa mundo, ipinasiya niyang maging magiting at matapang hanggang sa huling sandali. Ipinasiya niyang tiisin ang pag-uusig at ang kamatayan alang-alang sa Panginoon. Ito rin ay ginawa ng kanyang mga kasama sa harap ng matinding pag-uusig at kamatayan. 

Buong kagitingang isinabuhay ng unang Pilipinong Santo na si San Lorenzo Ruiz ang mga salita sa mga Pagbasa para sa araw na ito. Ang halaga ng pananalig at tiwala sa Diyos ay pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa. Isinalungguhit ang katotohanang walang pinabayaan o binigo ang Diyos kailanman. Hindi pinabayaan o binigo ng Diyos ang Kanyang mga hinirang na lingkod kailanman. Ang pag-ibig at awa ng Diyos ay nagbibigay ng tulong at inspirasyon sa Kanyang mga lingkod upang manatiling tapat sa Kanya hanggang sa huli. Ang pag-ibig at habag ng Panginoong Diyos ay sapat na upang pukawin ang Kanyang mga hinirang na lingkod na buong kababaang-loob at katapatan Siyang paglingkuran at ibigin hanggang sa huli. 

Nakasentro sa katotohanang ang bawat Kristiyano ay hinirang at itinalaga sa Diyos ang pangaral ni Apostol San Pedro sa Ikalawang Pagbasa. Ang bawat Kristiyano ay hinirang at itinalaga para sa Diyos at hindi para sa mundo. Gumamit rin siya ng mga matitinding halimbawa upang isalungguhit ang halaga ng pagtitiis at ng pananatiling tapat sa Diyos hanggang sa huling sandali ng ating buhay dito sa lupa. Bilang mga Kristiyano, dapat tayong manatiling tapat sa Panginoong Diyos hanggang sa huli. Sa pamamagitan nito, mapapatunayan nating autentiko ang ating pananalig at pag-ibig sa Diyos. Tunay nga ba nating minamahal, sinasampalatayan, at pinananaligan ang Diyos? Manatili tayong tapat sa Kanya hanggang sa huli. 

Sa Ebanghelyo, inihayag ni Hesus sa simula ng Kanyang pangaral sa isang bundok kung sino ang mga mapapalad sa paningin ng Diyos. Sa pamamagitan nito, itinuro ni Hesus kung paanong ipinapakita ng mga itinuturing ng mga mapapalad ang kanilang pag-ibig, katapatan, pananalig, at pananampalataya sa Diyos. Sa pamamagitan nito, inihayag ng mga mapapalad ang kanilang kagitingan para sa Diyos. Tumindig sila na may taos-pusong pag-ibig, katapatan, pananalig, at pananampalataya para sa Diyos. 

Ipinasiya ni San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong Santo, na tumindig nang buong kagitingan para sa Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang magiting na pagtindig para sa Diyos, inihayag ni San Lorenzo Ruiz ang kanyang autentikong katapatan, pananalig, pag-ibig at pananampalataya sa Kanya na unang umibig sa Kanya. Iyan ang tunay na kagitingan. Tumitindig para sa kanyang autentikong katapatan, pag-ibig, pananalig, at pananampalataya sa Diyos. Dahil sa kanyang pagtindig para sa Panginoong Diyos, itinanghal at ibinilang sa hanay ng mga banal sa langit ang unang Pilipinong Santo na walang iba kundi si San Lorenzo Ruiz. 

Nakakalungkot isipin na hindi na ito nakikita sa kasalukuyang panahon. Ang Diyos ay ipinagpalit na. Hindi tila ipinagpalit kundi talagang ipinagpalit na Siya. Ano ang mga pumalit sa Kanya? Mga personalidad na itinuturing na mga bathala na walang ibang hangad kundi ang pansariling interes. Ang mga tao ay lantaran nilang nililinlang. Garapal na sila sa kanilang mga kilos. Nililinlang nila ang mga tao, lalung-lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan, sa pamamagitan ng mga matatamis na salita. Kung tutuusin, mayroon pa ngang mga gumagamit ng pera para lamang utuin ang kapwa, lalo na ang mga mahihirap, at kunin ang kanilang suporta. Tapos, ano'ng gagawin? Wala. Iipunin lamang nila ang lahat ng pera at kayamanan para sa kanilang mga sarili at ng kanilang mga kasosyo. Sariling kapakinabangan lamang ang nasa isipan nila. 

May mga mas masaklap pa diyan. Garapalan na nga ang kanilang panlilinlang, pang-uuto, at pang-aapi sa kapwa na binibihisan nila sa anyo ng pagkakawanggawa, may ilan sa mga sumusuporta sa kanila ang nagtatanggol sa kanila. Nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa mga tunay na intensyon. Sa harap ng kanilang lantarang panlilinlang, pang-uuto, at pang-aapi sa kapwa, nagbubulag-bulagan pa rin sila. Kung tutuusin, ang kanilang pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan sa pang-aabuso ng mga personalidad na ito ay kanilang binbihisan bilang katapatan sa pamayanan. Hindi iyan pagtindig at kagitingan para sa kabutihan. 

Si San Lorenzo Ruiz ay isang napakagandang halimbawa ng isang tunay na tumindig nang buong kagitingan. Buong kagitingang tumindig si San Lorenzo Ruiz sapagkat ang Diyos ay tunay niyang inibig, sinamba, pinanaligan, at sinampalatayanan nang buong kababaang-loob at katapatan sa Kanya hanggang sa huli. Iyan si San Lorenzo Ruiz, ang unang Pilipinong Santo. 

Sabado, Setyembre 10, 2022

KJ BA SI LORD?

25 Setyembre 2022  
Ika-26 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Amos 6, 1a. 4-7/Salmo 145/1 Timoteo 6, 11-16/Lucas 16, 19-31 


Tiyak na marami ang magtatanong kung ang Panginoong Diyos ay KJ (Kill Joy). Ang gagawing basehan ng marami ay ang mga salita ng Panginoong Diyos na inihayag ng Kanyang Propetang si Amos sa Unang Pagbasa. Tiyak na mababagabag ang marami dahil sa mga salita ng Panginoong Diyos na ipinamalita ni Propeta Amos sa bayang Israel sa Unang Pagbasa. Sabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Amos na kahabag-habag ang mga namumuhay nang maginhawa, nahihiga't nagpapahinga sa mga magagarang kama o mga malalapad na higaan, kumakain at nagpapakabusog sa mga pagkaing masasarap, umiinom ng alak mula sa mga malalaking mangkok, at nagpapahid ng mga pabangong mamahalin sa kanilang mga katawan (6, 1a. 4. 6). 

Kapag nalaman ng marami na sa Diyos mismo nanggaling ang mga salitang ito, tiyak na maraming hindi maniniwala. Talagang hindi kapani-paniwala ang katotohanang sa Panginoong Diyos mismo nagmula ang mga salitang ito dahil sanay na sanay na sila sa Kanyang larawan bilang taghatid at bukal ng tunay na kaligayahan at kagalakang walang hanggan. Mayroon ring ilang magsasabing KJ ang Panginoong Diyos dahil tila tinututulan at pinagbubulan Niya ang tao na maging masaya sa buhay na ito. Kahit batid nilang pansamantala lamang ang buhay dito sa mundo, hangad naman natin na makaranas ng kaligayahan. Wala naman sigurong nagnanais na maging malungkot habang namumuhay sa mundo, hindi ba? Iyon lamang, mukhang pinagbabawalan ng Diyos ang bawat isa sa atin na makaranas ng kaligayahan at kaginhawaan habang ang bawat isa sa atin ay namumuhay at naglalakbay nang pansamantala sa mundo. 

Ang mga salitang binigkas ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Amos sa Unang Pagbasa ay hindi dapat basahin at unawain bilang isang uri ng pagbabawal sa pagkakaroon ng kaligayahan at kaginhawaan sa buhay. Ang bawat isa sa atin ay hindi namang pinagbabawalan ng Panginoon na magkaroon ng kasiyahan at kaginhawaan habang namumuhay tayo nang pansamantala sa mundong ito. Iyon nga lamang, ang bawat isa sa atin ay ipinagbabawal ng Panginoon na maging gahaman. Hindi natin maaaring solohin at sarilinin ang kaligayahan at kaginhawaan sa mundong ito. Ang oportunidad ng kapwa, lalung-lalo na ng mga mahihirap, na makaranas ng kahit kaunting kaligayahan at kaginhawaan sa mundong ito ay hindi natin dapat ipagkait at ipagdamot sa kanila sapagkat isa na iyang kasalanan sa paningin ng Diyos. Bakit? Sinasamantala natin ang kapwa sa pamamagitan niyon. 

Inilarawan ito ng Diyos sa ikatlong kabanata ng aklat ni Propeta Amos. Maliwanag na sinabi ng Panginoong Diyos na ang bayang Israel ay Kanyang parurusahan dahil sa kanilang mga kasalanan laban sa Kanya (3, 2). Ginamit ng mga Israelita ang bawat pagkakataong ibinigay ng Panginoon na makaranas ng pansamantalang kaligayahan at kaginhawaan sa daigdig upang magkasala. Nagpaalipin sila sa kasalanan. Dahil dito, ipinagkait nila ang pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa lahat na makaranas ng ginhawa at saya sa kanilang kapwa, lalung-lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan. Hindi nga magpakailanman ang buhay sa mundo, ipagdadamot pa nila ang kapwa na makaranas ng kahit kaunting saya at ginhawa sa mundo. 

Muling pinagtuunan ng pansin ni Hesus ang mensaheng ito sa talinghagang Kanyang isinalaysay sa Ebanghelyo. Pagkamatay ng mayamang lalaki sa talinghaga ni Hesus, napunta siya sa Hades dahil sa kanyang mga kasalanan. Ano naman ang kasalanang ginawa ng lalaking ito? Ang aliping si Lazaro na kapiling na ni Abraham sa Paraiso ay hindi naman niya sinaktan o inagrabyado habang namumuhay siya sa mundo. Bakit siya napunta sa Hades? Hindi nga inagrabyado o sinaktan ng lalaking ito sa anumang pisikal na pamamaraan si Lazaro. Subalit, ipinagkait naman ng lalaking ito mula kay Lazaro ang pagkakataong makaranas ng ginhawa at saya noong namumuhay pa sila dito sa mundo. Araw-araw ngang naglilimos ang pulubing si Lazaro sa pintuan ng kanyang bahay, hindi niya pinansin. Ang lalaking ito na napakayaman ay namuhay na walang pakialam para sa pulubing si Lazaro noong namumuhay pa siya sa mundo. 

Kaya naman, ang sabi ni Apostol San Pablo kay San Timoteo sa Ikalawang Pagbasa na bilang isang lingkod ng Diyos, dapat siyang "mamuhay sa katuwiran, kabanalan, pananalig, pag-ibig, pagtitiis, at kaamuan" (1 Timoteo 6, 11). Ito rin ang dapat nating gawin bilang mga Kristiyano. Ang mga Kristiyanong tapat ay namumuhay sa pag-ibig, pananalig, pagtitiis, katuwiran, kabanalan, at kaamuan. Ang mga Kristiyanong tapat sa Panginoong Diyos ay hindi nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan sa mga pagdurusa ng kapwa, lalo na ng mga nasa laylayan ng lipunan. Ihahayag nila ang kanilang katapatan sa Panginoong Diyos sa pamamagitan ng pagpapakita ng habag at pag-ibig sa kanilang kapwa, lalung-lalo na sa mga maralita. Magiging karamay sila. Ibinabahagi nila ang habag at pag-ibig ng Diyos na nagkaloob ng pagkakataon sa bawat isa na makaranas ng kaunting ginhawa at saya sa mundo sa pamamagitan ng pagdamay, pagtulong, at pakikiisa. Hindi sila magiging sakim sa mga oportunidad na ito na isang biyaya mula sa Diyos at mamumuhay nang walang pakialam dahil alam nilang nagpapaalipin na sila sa mundo kapag ginawa nila iyon. 

Tandaan, ang Diyos ay hindi KJ. Bagkus, ipinapaalala Niya sa atin kung ano ang hindi natin dapat gawin. Hindi tayo dapat magpaalipin sa mundong ito. Hindi natin dapat hayaang maghari ang kasakiman sa ating mga puso at isipan. Kapag ginawa natin iyon, pinahihintulutan lamang nating lumaganap ang lahat ng uri ng pananamantala, panlalamang, at pag-abuso sa kapwa, lalung-lalo na sa mga mahihirap, katulad na lamang ng katiwalian at pagnanakaw. Kapag nangyari iyon, magiging manhid tayo at mamumuhay nang walang pakialam sa Diyos at kapwa. Kung iisipin nating iyan ang kaligayahan at kaginhawaan, nagkakamali tayo dahil hindi iyan ang tingin ng Diyos. 

Biyernes, Setyembre 9, 2022

HINDI PAGKUNSINTI SA KATIWALIAN

18 Setyembre 2022 
Ika-25 Linggo sa Karaniwang Panahon (K) 
Amos 8, 4-7/Salmo 112/1 Timoteo 2, 1-8/Lucas 16, 1-13 (o kaya: 16, 10-13) 


Marahil nakakalito ang unang bahagi ng Ebanghelyo para sa Linggong ito. Sa unang bahagi ng Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga tungkol sa isang tusong katiwala. Ang katiwalang ito ay nagpakita ng katahusan noong ipinasiya niyang dayain ang among nagtanggal sa kanya sa pamamagitan ng pagbawas sa mga utang ng mga may utang sa kanya. Katunayan, sabi pa nga ng Panginoong Hesukristo sa wakas ng talinghaga na pinuri pa nga ng among ito ang pagiging tuso ng katiwalang tinanggal niya. Nilustay ng katiwalang ito ang kanyang kayamanan tapos dinaya niya ito sa pamamagitan ng pagbawas  sa mga utang ng mga may utang sa kanya. 

'Di hamak na mas madaling unawain ang ilan sa mga sinabi ni Hesus sa ikalawang bahagi ng Ebanghelyo. Bagamat mahirap tanggapin at sundin ang mga ito, madali namang unawain kung ano ang ibig sabihin ng mga utos at aral na ito ni Hesus. Ilan sa mga ito ay ang Kanyang utos na gamitin ang kayamanan ng sanlibutang ito upang makipagkaibigan at hindi maaaring paglingkuran nang sabay ang Diyos at ang salapi (Lucas 16, 9. 13). Subalit, mahirap unawain at tanggapin ang tila pagpuri ni Hesus sa tiwali at tusong katiwala sa talinghagang Kanyang isinalaysay sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Bakit naman pupurihin ni Hesus ang isang katiwalang tiwali at tuso? 

Sa unang tingin, mukhang dapat tayong mabahala sapagkat tila pinuri ni Hesus ang katiwalang tuso at tiwali sa talinghagang Siya mismo ang nagsalaysay sa mga tao sa unang bahagi ng Ebanghelyo. Subalit, wala tayong dapat ikabagabag sapagkat hindi naman pinuri ni Hesus ang pandaraya o pagiging tiwali ng katiwalang ito. Kung ang pagiging tiwali at pandaraya ng katiwalang ito ang pinuri ni Hesus, tataliwas Siya sa mga salita ng Diyos na inihayag ni Propeta Amos sa Unang Pagbasa para sa Linggong ito. Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Propeta Amos na labis Niyang kinamumuhian at kinasusuklaman ang lahat ng mga umaapi at umaabuso sa mga taong mahihirap. Labis Siyang nalulungkot at nagagalit sa tuwing nakikita Niya mula sa Kanyang kaharian sa langit ang pananamantala, panlalamang, at pag-abuso sa mga taong nasa laylayan ng lipunan. 

Bakit kinamumuhian at kinasusuklaman ng Diyos ang pang-aabuso at pang-aapi sa mga dukha? Sabi sa Ikalawang Pagbasa na hinahangad ng Diyos na iligtas ang lahat ng tao (1 Timoteo 2, 4). Ang biyaya ng kaligtasan sa pamamagitan ni Kristo Hesus ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng tao. Ang nais ng Panginoong Diyos ay iligtas ang lahat ng tao at matamasa nila ang biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kanyang piling sa langit. Hindi ekslusibo ang biyayang ito sa iilang tao lamang. Para ito sa tanan. Anuman ang kanilang kalagayan o estado sa lipunan, ipinagkakaloob ng Diyos sa kanila ang Kanyang pagpapala. Kaya naman, wala tayong karapatang abusuhin at apihin ang mga mahihirap. Tandaan, hindi Niya inabuso ang mga dukha kahit kailan dahil mahalaga sila sa Kanyang paningin katulad ng ibang mga tao sa mundo. 

Ano ang punto ng talinghagang isinalaysay ni Hesus sa unang bahagi ng Ebanghelyo para sa Linggong ito? Pinupuri ni Hesus ang pagiging mahusay sa pagbuo ng diskarte o paraan ng mga taong katulad ng katiwala. Ang pagiging abusado at pandaraya ng katiwalang ito ay hindi dapat tularan. Huwag nating limutin na ang katiwalang ito ay tinanggal ng kanyang amo dahil sa kanyang pagiging abusado at tiwali pagdating sa salapi. Subalit, ang sinikap ng katiwalang ito ay makuha ang loob ng lahat ng mga dinaya niya dati nang sa gayon ay mayroon siyang matutuluyan. 

Tandaan, hindi pinuri ni Hesus ang katiwalian ng katiwalang sinibak ng kanyang amo sa Ebanghelyo. Hindi pinahihintulutan ni Hesus ang pagpapairal ng katiwalian, pang-aabuso, pang-aapi, at pandaraya, lalung-lalo na kung ang inaagrabyado ay ang mga dukha. Ang katiwalian ay isang uri ng panlalamang at pananamantala sa mga nasa laylayan ng lipunan. Hindi ito kukunsintihin ni Hesus kailanman. Ang katotohanang ito tungkol sa Panginoon ay hindi magbabago kailanman. Ang Panginoon ay tutol sa pang-aabuso, pang-aapi, pandaraya, at panlalamang sa kapwa, lalung-lalo na sa mga maralita. Noon, ngayon, at magpakailanman, tutol Siya sa katiwalian. 

Kaya naman, dapat nang itigil ang katiwalian, pandaraya, pang-aapi, pang-aabuso, panlalamang, at pananamantala ng kapwa, lalung-lalo na sa mga mahihirap. Dapat nang tumigil ang lahat ng mga tiwali, mandaraya, mapang-api, mapang-abuso, at manamantala ng mga mahihirap sa mga gawaing ito. Dapat na ring tumigil ang mga tagasuporta ng mga tiwali, mandaraya, manamantala, mapang-abuso, at mapang-api sa pagbubulag-bulagan, pagbibingi-bingihan, at pagkunsinti sa mga kasuklam-suklam gawaing ito. Kung hindi sila ititigil at pagsisisihan ang mga kasuklam-suklam na gawaing ito at magbabalik-loob sa Diyos, ang Diyos na mismo ang bahala sa kanila. Marahil makakalusot at makakatakas sila sa mundong ito kung saan ang mga batas ay hindi perpekto dahil maaari nila itong baliin at baguhin ang mga ito, subalit hindi sila makakalusot o makakatakas sa paghuhukom ng Diyos. 

Sabado, Setyembre 3, 2022

HIRAP, SAKIT, AT DALAMHATI

15 Setyembre 2022 
Paggunita sa Mahal na Birheng Maria na Nagdadalamhati 
Hebreo 5, 7-9/Salmo 30/Juan 19, 25-27 (o kaya: Lucas 2, 33-35) 

Anonymous (attributed to the Studio of Bartolome Esteban Murillo), The Mater Dolorosa (c. Between 1600 and 1699), Photo Credit: National Trust, Tyntesfield, licensed under CC BY-NC-ND.

Walang inang maghahangad na mapahamak ang kanyang (mga) anak. Anuman ang hirap at sakit ng (mga) anak ay nararamdaman at tinitiis rin ng ina. Laging nakikiisa ang mga ina sa mga hirap at sakit na dinaranas ng kanilang mga anak. Kung mayroon silang magagawa upang maibsan ang hirap at sakit ng kanilang mga anak, gagawin nila iyon. Ganyan magmahal ang mga ina. Handa silang gawin ang lahat upang hindi mapahamak at masaktan ang kanilang mga anak. 

Inilaan ng Simbahan ang araw na ito sa paggunita sa Paghahapis ng Mahal na Inang si Mariang Birhen. Isa lamang ang dahilan kung bakit naghapis ang Mahal na Birheng Maria - ang kanyang Anak na minamahal na si Hesus. Ang pag-ibig ni Maria para sa kanyang Anak na si Hesus ay tunay at totoo. Katulad ng mga ina, lagi siyang handang gawin ang lahat mailayo lamang si Hesus sa panganib at kapahamakan. Hindi niya hinangad na masaktan at mahirapan si Hesus kailanman. 

Bagamat ninais ni Maria na mailayo sa mga hirap, sakit, panganib, at kapahamakan ang kanyang minamahal na Anak na si Hesus, hindi niya magawa ito. Wala siyang magawa upang ilayo si Kristo mula sa mga sakit, panganib, at kapahamakan. Ito ang pinakamasakit na katotohanan para sa Mahal na Birheng Maria. Nais niyang ilayo si Kristo mula sa panganib, subalit hindi niya magawa ito sapagkat magiging sagabal siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos kapag ginawa niya iyon. Niloob ng Diyos na harapin at tuparin ni Hesus ang Kanyang mapanganib na misyon bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng sangkatauhan. Napakasakit ito para sa Birheng Maria. Ipinahiwatig ito ni Simeon sa Ebanghelyo kung saan inihayag niyang si Hesus ay itinalaga para sa kaligtasan o kapahamakan ng marami na magdudulot ng matinding sakit kay Maria na tila tinarakan na rin ng isang balaraw ang kanyang puso" (Lucas 2, 34-35). Ang mga salitang ito ni Simeon ay nagkatotoo noong nasaksihan ng Mahal na Ina nang buong hapis ang mga huling sandali sa buhay ni Hesus sa Krus sa Kalbaryo. 

Maski si Hesus, wala rin Siyang magawa upang baguhin ang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ito ang pinagtuunan ng pansin ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo sa Unang Pagbasa. Inilarawan sa Unang Pagbasa kung paanong si Hesus ay lumuluhang nanalangin at nagsusumamo sa Ama (Hebreo 5, 7). Bagamat batid ni Hesus na ito ang planong binuo Niya kaisa ng Ama at ng Espiritu Santo, ang pagiging tao ng Diyos na nagkatawang-tao na si Hesus ay namalas. Nakaramdam rin ng takot at pangamba si Hesus sa mga sandaling bago Siya dakpin. Sa mga sandaling iyon, tiyak na inisip rin ni Hesus ang Kanyang Inang si Maria. Subalit, sa kabila ng mga takot at pangamba, binigkas ni Hesus nang buong kababaang-loob at pagtalima sa Diyos Ama: "Mangyari nawa ang kalooban Mo!" (Mateo 26, 39. 42. 44; Marcos 14, 36. 39; Lucas 22, 42). 

Ang masakit pa para sa Mahal na Birhen ay nasaksihan niya kung paanong si Hesus na kanyang minamahal na Anak ay pinahirapan at pinatay ng Kanyang mga kaaway. Kung ihahalintulad ito sa panonood ng mga pelikula sa sinehan o panonood sa mga pagtatanghal ng mga mang-aawit o ng iba pang mga alagad ng sining, nakapuwesto si Maria sa harap na hilera. Mula sa simula hanggang sa huli, nasaksihan ng Birheng Maria kung paanong si Hesus ay nagdusa at namatay. Sa alternatibong Ebanghelyo, ipinagkatiwala pa nga ni Hesus si Apostol San Juan at ang Birheng Maria sa isa't isa habang naghihingalo sa Krus. 

Hindi hinangad ng Mahal na Ina na mapahamak, magdusa, mahirapan, masaktan, at mamatay ang kanyang minamahal na Anak na si Kristo Hesus kahit kailan. Subalit, sa kabila nito, wala siyang magawa dahil ito ang kalooban ng Diyos. Ito ang aral na nais ituro sa atin sa araw na ito. Kung ang ating pag-ibig, pananampalataya, pananalig, at pagpanig sa Diyos ay tunay at totoo, hahayaan nating mangyari ang Kanyang naisin. Ang ating mga naisin at lohika ay ating isasantabi, isasakripisyo, at ibabasura pa nga upang makakilos ang Diyos at mangyari ang Kanyang kalooban. 

Sinong nagsabing madaling manalig at tumalima sa kalooban ng Panginoon? Ano'ng akala ninyo? Hindi madaling gawin iyan. Mahirap at masakit. Subalit, kung tunay ang pag-ibig, pananalig, pananampalataya, at pagpanig natin sa Diyos, gagawin natin ito, kahit napakasakit at napakahirap ito.  

Biyernes, Setyembre 2, 2022

ANG KRUS NI HESUS AY HINDI DAPAT LIMUTIN

14 Setyembre 2022 
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
Mga Bilang 21, 4b-9/Salmo 77/Filipos 2, 6-11/Juan 3, 13-17 


"Ang Krus lamang ng ating Panginoong Hesukristo ang siya kong ipinagmamapuri" (Galacia 6, 14). Ang mga salitang ito ni Apostol San Pablo sa ikaanim na kabanata ng kanyang Sulat sa mga taga-Galacia ay nararapat lamang pagnilayan sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito. Inilaan ng Simbahan ang araw na ito sa pagpaparangal at pagbibigay-pugay sa instrumentong ginamit ng Panginoong Diyos upang iligtas ang sangkatauhan - ang Banal na Krus ni Kristo Hesus. Sabi nga natin sa tuwing dinadasal at pinagninilayan natin ang Daan ng Krus: "Sa pamamagitan ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay, iniligtas Mo ang sangkatauhan." Ang Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus ang nagligtas sa sangkatauhan. Isinasalungguhit rin na walang kaligtasan para sa sangkatauhan kung ang Krus ay wala. Magkaugnay ang dalawang ito - ang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. 

Tinalakay sa mga Pagbasa para sa Kapistahang ipinagdiriwang ng Simbahan sa araw na ito ang pagligtas ng Diyos. Ang Diyos ay gumamit ng maraming instrumento sa paghatid ng kaligtasan. Subalit, ang pinakadakilang instrumentong ginamit ng Diyos upang maghatid ng kaligtasan ay walang iba kundi ang Krus at Muling Pagkabuhay ni Hesus. Walang makahihigit o makapapantay sa Banal na Krus ni Hesus. Nagsisilbing sagisag ng tagumpay ng Diyos ang Krus na Banal. Sa Krus na ito ipinako at namatay ang ipinangakong Manunubos na si Hesus na nabuhay na mag-uli sa ikatlong araw. Ito ang dahilan kung bakit pinapahalagahan natin ang Krus na Banal ni Hesus. Kung walang Banal na Krus, walang Muling Pagkabuhay at kaligtasang magaganap. Hindi maliligtas ang sangkatauhan kung hindi namatay sa Krus at nabuhay na mag-uli si Kristo. Kaya, mahalaga para sa atin ang Krus ni Kristo. 

Sabi sa Salmong Tugunan para sa Kapistahang ipinagdiriwang sa araw na ito: "Hindi nila malilimot ang dakilang gawa ng D'yos" (Salmo 77, 7k). Isinasalungguhit ng mga katagang ito ang pagpapahalaga sa mga gawa ng Diyos. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoong Diyos ay hindi dapat kalimutan kailanman. Ang mga kahanga-hangang gawa ng Panginoon ay dapat lagi nating alalahanin at ipagpasalamat. Ang pinakadakilang gawa ng Diyos ay ang pagligtas sa atin sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Isinalaysay sa Unang Pagbasa para sa araw na ito kung paanong iniligtas ng Diyos ang mga Israelita sa ilang. Bagamat pinarusahan ng Panginoon ang mga Israelita noong una sapagkat walang tigil silang nagreklamo sa Kanyang mga kaloob, Siya na rin ang nagligtas sa kanila. Inutusan Niya si Moises na gumawa ng isang ahas na tanso upang ang sinumang tumingin nito ay gumaling at mabuhay, kahit na tinuklaw sila ng makamandag na ahas. Bilang tugon sa pagmamakaawa ng mga Israelita sa disyerto matapos mamatay ang marami sa kanila dahil sa pagtuklaw ng ahas na makamandag, ang Panginoong Diyos ay naghatid ng kaligtasan at buhay sa kanila sa pamamagitan ng ahas na tanso na Kanyang ipinagawa kay Moises. 

Binanggit ni Hesus ang kaganapang isinalaysay sa Unang Pagbasa upang ilarawan kung paano Niya ililigtas ang sangkatauhan sa Ebanghelyo. Katulad ng ahas na tanso sa ilang, itataas at itatampok rin si Hesus. Nangyari ito sa bundok ng Kalbaryo noong ipinako Siya sa Krus na Banal. Si Apostol San Pablo ay nagsalita rin tungkol sa pag-aalay ng sarili ni Hesus sa krus sa Ikalawang Pagbasa. Buong kababaang-loob Siyang tumalima sa kalooban ng Ama na iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. 

Dagdag pa ni Apostol San Pablo sa kanyang Unang Sulat sa mga taga-Corinto: "Sa mga napapahamak, ang aral tungkol sa pagkamatay ni Kristo sa Krus ay kahangalan, ngunit sa atin na mga inililigtas, ito'y kapangyarihan ng Diyos" (1, 18). Dahil dito, ang Krus na Banal ng Panginoong Hesus ay patuloy na pinahahalagahan ng Simbahan. Sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa Kabanal-banalang Krus ng Panginoong Hesus, ipinapakita ng Simbahan na hindi niya nalilimutan ang pagligtas ng Diyos sa tao na tunay ngang kahanga-hanga. Itinuturo rin sa atin ng Simbahan na dapat natin itong gawin araw-araw. Ipagmalaki at pahalagahan ang Banal na Krus ni Kristo Hesus. Ang aral at mensahe ng Banal na Krus ay hindi dapat kalimutan kailanman. 

Huwag nating limutin ang Banal na Krus ni Hesus. Huwag nating limutin ang pasiya ng Diyos na iligtas tayo mula sa kasalanan. Kung tutuusin, maaari naman Niya tayong pabayaang malugmok at mapahamak dahil sa kasalanan. Subalit, ipinasiya Niyang iligtas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas na si Hesus. Ito ang katotohanang dapat nating alalahanin at pahalagahan.